Isang Pangglobong Problema, Isang Pangglobong Solusyon
LAGANAP ang pagdurusa sa daigdig. Maraming tao ang mahabaging tumutulong sa mga nagdurusa. Halimbawa, ang mga doktor at nars ay nagtatrabaho nang mahabang oras sa mga ospital upang tulungan ang mga maysakit o nasugatan. Sinisikap naman ng mga bombero, pulis, mambabatas, at mga rescuer na bawasan o hadlangan ang pagdurusa ng mga tao. Malaking tulong iyan sa mga nangangailangan, pero imposibleng maalis ng sinumang indibiduwal o organisasyon ang pagdurusa sa daigdig. Pero may solusyon ang Diyos, at gagawin niya ito sa buong daigdig.
Tinitiyak sa atin ng huling aklat ng Bibliya: “Papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.” (Apocalipsis 21:4) Isip-isipin kung gaano karaming tao ang makikinabang sa pangakong iyan. Binabanggit nito na layunin ng Diyos na wakasan ang lahat ng pagdurusa. Gagawin niya iyan sa pamamagitan ng pag-aalis ng digmaan, gutom, sakit, at kawalang-katarungan sa lupa, pati na ng lahat ng masamang tao. Hindi iyan magagawa ng sinumang tao.
Kung Ano ang Gagawin ng Kaharian ng Diyos
Tutuparin ng Diyos ang kaniyang mga pangako sa pamamagitan ng pangalawang pinakamakapangyarihang persona sa uniberso—ang binuhay-muling si Jesu-Kristo. Darating ang panahon na walang makahahadlang sa pamamahala ni Jesus bilang Hari sa buong lupa. Hindi na pamamahalaan ang tao ng mga hari, presidente, o pulitiko. Sa halip, magiging sakop na lamang sila ng isang Hari at isang pamahalaan—ang Kaharian ng Diyos.
Aalisin ng Kahariang iyon ang lahat ng pamahalaan ng tao. Malaon nang inihula ng Bibliya: “Magtatatag ang Diyos ng langit ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman. At ang kaharian ay hindi isasalin sa iba pang bayan. Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng mga kahariang ito, at iyon ay mananatili hanggang sa mga panahong walang takda.” (Daniel 2:44) Magkakaisa ang mga tao sa buong lupa sa ilalim ng isang matuwid na pamahalaan—ang Kaharian ng Diyos.
Nang narito pa sa lupa si Jesus, maraming beses niyang binanggit ang tungkol sa Kahariang iyon. Nang turuan niya ang kaniyang mga alagad na manalangin, ganito ang sinabi niya: “Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mateo 6:10) Pansinin na iniugnay ni Jesus ang Kaharian sa paggawa ng kalooban ng Diyos dito sa lupa. Oo, kalooban ng Diyos na alisin ang pagdurusa sa buong lupa.
Ang mga pagpapala ng matuwid na pamahalaan ng Diyos ay hindi kailanman maidudulot ng pamahalaan ng tao. Tandaan na ibinigay ni Jehova ang kaniyang Anak bilang pantubos upang ang mga tao ay tumanggap ng buhay na walang hanggan. Sa ilalim ng mabait na pamamahala ng Kaharian, unti-unting magiging sakdal ang mga tao. Ang resulta? “Lalamunin [ni Jehova] ang kamatayan magpakailanman, at tiyak na papahirin ng Soberanong Panginoong Jehova ang mga luha mula sa lahat ng mukha.”—Isaias 25:8.
Baka itanong ng ilan: ‘Bakit hindi pa kaya kumikilos ang Diyos? Ano ba ang hinihintay niya?’ Maaari sanang kumilos noon pa si Jehova upang alisin o hadlangan ang lahat ng pagdurusa. Pero pinahintulutan niya itong magpatuloy para sa walang-hanggang kapakanan ng kaniyang mga anak sa lupa, at hindi sa anumang sakim na dahilan. Hahayaan ng maibiging mga magulang na dumanas ng paghihirap ang kanilang anak kung alam nilang magdudulot ito ng pangmatagalang mga pakinabang. Sa katulad na paraan, may mabubuting dahilan si Jehova na pahintulutang magdusa nang pansamantala ang mga tao. Ipinaliliwanag sa Bibliya ang mga dahilang ito at ilan dito ay ang kalayaang magpasiya, kasalanan, at ang isyu tungkol sa pagiging matuwid ng pamamahala ni Jehova. Ipinaliliwanag din ng Bibliya na hinayaan ang isang masamang espiritung nilalang na mamahala sa daigdig, sa limitadong panahon.a
Bagaman hindi natin matatalakay rito ang lahat ng dahilan, may dalawang bagay na magbibigay sa atin ng pag-asa at pampatibay-loob. Una: Mababale-wala ang anumang pagdurusang naranasan natin dahil sa mga pagpapala ni Jehova. At tinitiyak sa atin ng Diyos: “Ang mga dating bagay ay hindi [na] aalalahanin [pa], ni mapapasapuso man ang mga iyon.” (Isaias 65:17) Lubusan at permanenteng aalisin ng Diyos ang kalungkutan at pagdurusa na dulot ng pansamantalang pagpapahintulot sa kasamaan.
Ikalawa: Itinakda na ng Diyos ang panahon upang wakasan ang pagdurusa. Alalahanin na itinanong ng propetang si Habakuk kung hanggang kailan pahihintulutan ni Jehova ang karahasan at hidwaan. Sumagot si Jehova: “Ang pangitain ay sa takdang panahon pa . . . Hindi iyon maaantala.” (Habakuk 2:3) Gaya ng makikita natin sa susunod na artikulo, malapit na ang “takdang panahon” na iyon.
[Talababa]
a Para sa detalyadong pagtalakay sa mga dahilan kung bakit pinahihintulutan ng Diyos ang pagdurusa, tingnan ang kabanata 11 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Kahon sa pahina 7]
Mga Teksto Tungkol sa Magandang Kinabukasan
WALA NANG DIGMAAN:
“Halikayo, masdan ninyo ang mga gawa ni Jehova, kung paano siya nagsagawa ng kagila-gilalas na mga pangyayari sa lupa. Pinatitigil niya ang mga digmaan hanggang sa dulo ng lupa.”—Awit 46:8, 9.
BABALIK ANG MGA NAMATAY NA MAHAL SA BUHAY:
“Magkakaroon ng pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid.”—Gawa 24:15.
PAGKAIN PARA SA LAHAT:
“Magkakaroon ng saganang butil sa lupa; sa taluktok ng mga bundok ay mag-uumapaw.”—Awit 72:16.
MAWAWALA NA ANG SAKIT:
“Walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’”—Isaias 33:24.
MAWAWALA NA ANG MASASAMA:
“Kung tungkol sa mga balakyot, lilipulin sila mula sa mismong lupa; at kung tungkol sa mga mapandaya, bubunutin sila mula rito.”—Kawikaan 2:22.
IIRAL ANG KATARUNGAN:
“Narito! Isang hari [si Kristo Jesus] ang maghahari ukol sa katuwiran; at tungkol sa mga prinsipe, mamamahala sila bilang mga prinsipe ukol sa katarungan.”—Isaias 32:1.
[Mga larawan sa pahina 7]
Aalisin ng Kaharian ng Diyos ang anumang pagdurusang naranasan natin