Kabanata 42
Isang Bagong Langit at Isang Bagong Lupa
1. Ano ang inilalarawan ni Juan nang ibalik siya ng anghel sa pagsisimula ng Sanlibong Taóng Paghahari?
ANG maluwalhating pangitaing ito ay patuloy na nahahayag samantalang ibinabalik ng anghel si Juan sa pagsisimula ng Sanlibong Taóng Paghahari. Ano ang inilalarawan niya? “At nakita ko ang isang bagong langit at isang bagong lupa; sapagkat ang dating langit at ang dating lupa ay lumipas na, at ang dagat ay wala na.” (Apocalipsis 21:1) Isang nakabibighaning tanawin ang nakikita ngayon!
2. (a) Paano natupad sa naisauling mga Judio noong 537 B.C.E. ang hula ni Isaias tungkol sa mga bagong langit at isang bagong lupa? (b) Paano natin nalaman na mayroon pang karagdagang katuparan ang hula ni Isaias, at paano matutupad ang pangakong ito?
2 Daan-daang taon bago ang panahon ni Juan, sinabi ni Jehova kay Isaias: “Sapagkat narito, lumalalang ako ng mga bagong langit at ng isang bagong lupa; at ang mga dating bagay ay hindi aalalahanin, ni mapapasapuso man ang mga iyon.” (Isaias 65:17; 66:22) Ang hulang ito ay unang natupad nang bumalik sa Jerusalem ang tapat na mga Judio noong 537 B.C.E. pagkaraan ng kanilang 70-taóng pagkatapon sa Babilonya. Sa pagsasauling iyon, bumuo sila ng isang nilinis na lipunan, “isang bagong lupa,” sa ilalim ng isang bagong sistema ng pamamahala, ang “mga bagong langit.” Gayunman, isa pang karagdagang katuparan ng hulang ito ang tinukoy ni apostol Pedro, na sinasabi: “Ngunit may mga bagong langit at isang bagong lupa na ating hinihintay ayon sa kaniyang pangako, at sa mga ito ay tatahan ang katuwiran.” (2 Pedro 3:13) Ipinakikita ngayon ni Juan na natutupad ang pangakong ito sa panahon ng araw ng Panginoon. Mawawala na “ang dating langit at ang dating lupa,” ang organisadong sistema ng mga bagay ni Satanas pati na ang kaayusan ng pamahalaan nito na kontrolado ni Satanas at ng kaniyang mga demonyo. Mapaparam na ang maligalig na “dagat” ng balakyot at mapaghimagsik na sangkatauhan. Hahalinhan ito ng “isang bagong langit at isang bagong lupa”—isang bagong makalupang lipunan sa ilalim ng bagong pamahalaan, ang Kaharian ng Diyos.—Ihambing ang Apocalipsis 20:11.
3. (a) Ano ang inilalarawan ni Juan, at ano ang Bagong Jerusalem? (b) Sa anong diwa ‘bumababang galing sa langit’ ang Bagong Jerusalem?
3 Nagpapatuloy si Juan: “Nakita ko rin ang banal na lunsod, ang Bagong Jerusalem, na bumababang galing sa langit mula sa Diyos at nahahandang gaya ng isang kasintahang babae na nagagayakan para sa kaniyang asawang lalaki.” (Apocalipsis 21:2) Ang Bagong Jerusalem ang kasintahang babae ni Kristo, na binubuo ng mga pinahirang Kristiyano na nananatiling tapat hanggang kamatayan at na muling ibinabangon upang maging mga hari at saserdote na kasama ng niluwalhating si Jesus. (Apocalipsis 3:12; 20:6) Kung paanong ang makalupang Jerusalem ay naging sentro ng pamahalaan sa sinaunang Israel, ang maringal na Bagong Jerusalem at ang kaniyang Kasintahang Lalaki naman ang bumubuo sa pamahalaan ng bagong sistema ng mga bagay. Ito ang bagong langit. Ang ‘kasintahang babae ay bumababang galing sa langit,’ hindi sa literal na paraan, kundi sa diwa na ibabaling nito ang pansin sa lupa. Ang kasintahang babae ng Kordero ang magiging matapat na katulong niya sa pagpapatakbo ng isang matuwid na pamahalaan sa buong sangkatauhan. Tunay ngang isang pagpapala para sa bagong lupa!
4. Ano ang ipinangako ng Diyos na nakakatulad niyaong ipinangako niya sa bagong-tatag na bansang Israel noon?
4 Ganito pa ang sinasabi sa atin ni Juan: “Nang magkagayon ay narinig ko ang isang malakas na tinig mula sa trono na nagsasabi: ‘Narito! Ang tolda ng Diyos ay nasa sangkatauhan, at tatahan siyang kasama nila, at sila ay magiging kaniyang mga bayan. At ang Diyos mismo ay sasakanila.’” (Apocalipsis 21:3) Nang itatag ni Jehova ang tipang Kautusan sa bagong bansang Israel noon, nangako siya: “Tiyak na ilalagay ko ang aking tabernakulo sa gitna ninyo, at hindi kayo kamumuhian ng aking kaluluwa. At ako ay lalakad nga sa gitna ninyo at magiging inyong Diyos, at kayo naman ay magiging aking bayan.” (Levitico 26:11, 12) Katulad din nito ang ipinangangako ngayon ni Jehova sa tapat na mga tao. Sa panahon ng sanlibong-taóng Araw ng Paghuhukom, sila ay magiging kaniyang katangi-tanging bayan.
5. (a) Paano tatahan ang Diyos kasama ng sangkatauhan sa panahon ng Milenyong Paghahari? (b) Paano tatahan ang Diyos sa gitna ng sangkatauhan pagkaraan ng Sanlibong Taóng Paghahari?
5 Sa panahon ng Milenyong Paghahari, si Jehova, na kinakatawan ng kaniyang maharlikang Anak na si Jesu-Kristo, ay “tatahan” sa gitna ng sangkatauhan bilang isang pansamantalang kaayusan. Gayunman, sa katapusan ng Sanlibong Taóng Paghahari, kapag ibinigay na ni Jesus ang Kaharian sa kaniyang Ama, hindi na kakailanganin pa ang isang maharlikang kinatawan o tagapamagitan. Si Jehova ay tatahan sa espirituwal na paraan na kasama ng “kaniyang mga bayan” sa permanente at tuwirang paraan. (Ihambing ang Juan 4:23, 24.) Napakadakilang pribilehiyo ito para sa naisauling sangkatauhan!
6, 7. (a) Anong kagila-gilalas na mga pangako ang isinisiwalat ni Juan, at sino ang magtatamasa ng mga pagpapalang ito? (b) Paano inilalarawan ni Isaias ang isang paraiso na kapuwa espirituwal at pisikal?
6 Patuloy pang sinasabi ni Juan: “At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.” (Apocalipsis 21:4) Muli, ipinaaalaala sa atin ang naunang kinasihang mga pangako. Umasa rin si Isaias sa panahong mawawala na ang kamatayan at ang pagdadalamhati at ang kalungkutan ay hahalinhan ng kagalakan. (Isaias 25:8; 35:10; 51:11; 65:19) Tinitiyak ngayon ni Juan na magkakaroon ng kagila-gilalas na katuparan ang mga pangakong ito sa panahon ng sanlibong-taóng Araw ng Paghuhukom. Ang malaking pulutong ang unang-unang magtatamasa ng mga pagpapalang ito. “Ang Kordero, na nasa gitna ng trono,” ay patuloy na magpapastol sa kanila, at “aakay sa kanila sa mga bukal ng mga tubig ng buhay. At papahirin ng Diyos ang bawat luha sa kanilang mga mata.” (Apocalipsis 7:9, 17) Ngunit sa kalaunan, ang lahat ng bubuhaying muli at mananampalataya sa mga paglalaan ni Jehova ay mapapabilang sa kanila, na namumuhay sa isang paraiso na kapuwa espirituwal at pisikal.
7 “Sa panahong iyon,” sabi ni Isaias, “madidilat ang mga mata ng mga bulag, at ang mga tainga ng mga bingi ay mabubuksan.” Oo, “sa panahong iyon ay aakyat ang pilay na gaya ng lalaking usa, at ang dila ng pipi ay hihiyaw sa katuwaan.” (Isaias 35:5, 6) Sa panahon ding iyon, “tiyak na magtatayo sila ng mga bahay at maninirahan sa mga iyon; at tiyak na magtatanim sila ng mga ubasan at kakainin ang bunga ng mga iyon. Hindi sila magtatayo at iba ang maninirahan; hindi sila magtatanim at iba ang kakain. Sapagkat magiging gaya ng mga araw ng punungkahoy ang mga araw ng aking bayan; at ang gawa ng kanilang sariling mga kamay ay lubusang tatamasahin ng aking mga pinili.” (Isaias 65:21, 22) Kaya hindi sila mabubunot mula sa lupa.
8. Ano ang sinasabi mismo ni Jehova tungkol sa pagkamaaasahan ng kamangha-manghang mga pangakong ito?
8 Nalilipos tayo ng kamangha-manghang pag-asa habang binubulay-bulay natin ang mga pangakong ito! Kagila-gilalas na mga paglalaan ang naghihintay sa tapat na sangkatauhan sa ilalim ng maibiging pamahalaan ng langit. Mahirap bang paniwalaan ang mga pangakong ito? Panaginip lamang ba ito ng isang matandang lalaking ipinatapon sa isla ng Patmos? Si Jehova mismo ang sumasagot: “At ang Isa na nakaupo sa trono ay nagsabi: ‘Narito! Ginagawa kong bago ang lahat ng bagay.’ Gayundin, sinabi niya: ‘Isulat mo, sapagkat ang mga salitang ito ay tapat at totoo.’ At sinabi niya sa akin: ‘Naganap na ang mga iyon! Ako ang Alpha at ang Omega, ang pasimula at ang wakas.’”—Apocalipsis 21:5, 6a.
9. Bakit lubusan tayong makatitiyak na matutupad ang mga pagpapalang ito sa hinaharap?
9 Para bang lumalagda si Jehova mismo sa isang garantiya, o titulo, sa mga pagpapalang ito para sa tapat na sangkatauhan sa hinaharap. May mangangahas bang kumuwestiyon sa ganitong Garantor? Aba, tiyak na matutupad ang mga pangako ni Jehova anupat sa kaniyang pananalita ay parang natupad na ang mga ito: “Naganap na ang mga iyon!” Hindi ba’t si Jehova ang “Alpha at ang Omega . . . , ang Isa na ngayon at ang nakaraan at ang darating, ang Makapangyarihan-sa-lahat”? (Apocalipsis 1:8) Siya nga! Siya mismo ang nagpapahayag: “Ako ang una at ako ang huli, at bukod pa sa akin ay walang Diyos.” (Isaias 44:6) Kaya naman maaari niyang kasihan ang mga hula at tuparin ang mga ito hanggang sa kaliit-liitang detalye. Talagang nakapagpapatibay ng pananampalataya! Kaya nga nangangako siya: “Narito! Ginagawa kong bago ang lahat ng bagay”! Sa halip na pag-alinlanganan kung talaga ngang matutupad ang kamangha-manghang mga bagay na ito, dapat nating pag-isipan: ‘Ano ang dapat kong gawin upang magmana ng mga pagpapalang ito?’
“Tubig” Para sa mga Nauuhaw
10. Anong “tubig” ang iniaalok ni Jehova, at saan kumakatawan ito?
10 Inihahayag mismo ni Jehova: “Sa sinumang nauuhaw ay magbibigay ako mula sa bukal ng tubig ng buhay nang walang bayad.” (Apocalipsis 21:6b) Upang mapatid ang gayong uhaw, dapat na maging palaisip ang isang tao hinggil sa kaniyang espirituwal na pangangailangan at maging handang tanggapin ang “tubig” na inilalaan ni Jehova. (Isaias 55:1; Mateo 5:3) Anong “tubig”? Sinagot mismo ni Jesus ang tanong na ito noong nagpapatotoo siya sa isang babae sa tabi ng balon sa Samaria. Sinabi niya sa kaniya: “Ang sinumang uminom mula sa tubig na ibibigay ko sa kaniya ay hindi na kailanman mauuhaw pa, kundi ang tubig na ibibigay ko sa kaniya ay magiging isang bukal ng tubig sa kaniya na bumabalong upang magbigay ng buhay na walang hanggan.” Ang “bukal ng tubig ng buhay” na iyon ay umaagos mula sa Diyos sa pamamagitan ni Kristo bilang kaniyang paglalaan upang maisauli ang sakdal na buhay sa sangkatauhan. Gaya ng babaing Samaritana, dapat tayong manabik sa pag-inom mula sa bukal na iyon! At gaya ng babaing iyon, dapat tayong maging handa na isakripisyo ang makasanlibutang mga interes upang maibahagi sa iba ang mabuting balita!—Juan 4:14, 15, 28, 29.
Ang mga Mananaig
11. Ano ang ipinangangako ni Jehova, at kanino pangunahing kumakapit ang mga salitang ito?
11 Dapat ding manaig ang mga umiinom ng nakagiginhawang “tubig” na iyon, gaya ng patuloy na sinasabi ni Jehova: “Mamanahin ng sinumang nananaig ang mga bagay na ito, at ako ay magiging kaniyang Diyos at siya ay magiging aking anak.” (Apocalipsis 21:7) Nakakatulad ng pangakong ito ang mga pangakong masusumpungan sa mga mensahe sa pitong kongregasyon; kaya tiyak na pangunahing kumakapit sa pinahirang mga alagad ang mga salitang ito. (Apocalipsis 2:7, 11, 17, 26-28; 3:5, 12, 21) Sa paglipas ng panahon, buong-pananabik na inaasam ng espirituwal na mga kapatid ni Kristo ang pribilehiyong maging bahagi ng Bagong Jerusalem. Kung mananaig silang gaya ni Jesus, makakamit nila ang kanilang pag-asa.—Juan 16:33.
12. Paano matutupad sa malaking pulutong ang pangako ni Jehova sa Apocalipsis 21:7?
12 Umaasa rin sa pangakong ito ang malaking pulutong mula sa lahat ng bansa. Dapat din silang manaig, at buong-katapatang maglingkod sa Diyos hanggang sa makatawid sila sa malaking kapighatian. Pagkatapos nito ay papasok na sila sa kanilang makalupang mana, ‘ang kahariang inihanda para sa kanila mula sa pagkakatatag ng sanlibutan.’ (Mateo 25:34) Sila at ang iba pa sa makalupang mga tupa ng Panginoon na makapapasa sa pagsubok sa katapusan ng isang libong taon ay tatawaging “mga banal.” (Apocalipsis 20:9) Magkakaroon sila ng sagradong kaugnayan bilang mga anak ng kanilang Maylalang, ang Diyos na Jehova, at mga miyembro ng kaniyang pansansinukob na organisasyon.—Isaias 66:22; Juan 20:31; Roma 8:21.
13, 14. Upang magmana ng kamangha-manghang mga pangako ng Diyos, anu-anong gawain ang dapat na determinado nating iwasan, at bakit?
13 Yamang may ganitong kamangha-manghang pag-asa, napakahalaga nga para sa mga Saksi ni Jehova na manatiling malinis ngayon mula sa nagpaparuming mga bagay ng sanlibutan ni Satanas! Kailangan tayong maging malakas, matatag, at determinado upang hindi tayo makaladkad ng Diyablo kasama ng grupong binabanggit dito ni Jehova mismo: “Ngunit kung tungkol sa mga duwag at sa mga walang pananampalataya at sa mga kasuklam-suklam sa kanilang karumihan at sa mga mamamaslang at sa mga mapakiapid at sa mga nagsasagawa ng espiritismo at sa mga mananamba sa idolo at sa lahat ng sinungaling, ang kanilang magiging bahagi ay sa lawa na nagniningas sa apoy at asupre. Ito ay nangangahulugan ng ikalawang kamatayan.” (Apocalipsis 21:8) Oo, dapat iwasan ng nagnanais na maging tagapagmana ang mga gawain na nagparumi sa matandang sistemang ito ng mga bagay. Dapat siyang manaig sa pamamagitan ng pananatiling tapat sa harap ng lahat ng panggigipit at tukso.—Roma 8:35-39.
14 Bagaman ang Sangkakristiyanuhan ay nag-aangking kasintahang babae ni Kristo, kilala siya sa kasuklam-suklam na mga gawain na inilalarawan dito ni Juan. Kaya daranas siya ng walang-hanggang pagkapuksa kasama ng iba pang bahagi ng Babilonyang Dakila. (Apocalipsis 18:8, 21) Sinuman sa mga pinahiran o sa malaking pulutong na makikibahagi sa ganitong kasamaan, o kaya’y hihikayat sa iba na gumawa nito, ay tiyak na mapapaharap din sa walang-hanggang pagkapuksa. Kung patuloy nilang gagawin ito, hindi sila magmamana ng mga pangako. At sa bagong lupa, sinumang magtatangkang magpasok ng gayong mga gawain ay pupuksain kaagad, at daranas ng ikalawang kamatayan na wala nang pag-asa ukol sa pagkabuhay-muli.—Isaias 65:20.
15. Sinu-sino ang namumukod-tanging mga halimbawa ng mga nananaig, at sa anong pangitain sumasapit sa dakilang kasukdulan ang Apocalipsis?
15 Ang Kordero, si Jesu-Kristo, at ang kaniyang kasintahang babae na 144,000, ang Bagong Jerusalem, ay namumukod-tanging mga halimbawa ng mga mananaig. Angkop lamang, kung gayon, na sumapit ang Apocalipsis sa dakilang kasukdulan nito sa pamamagitan ng isang pangwakas at walang-katulad na pangitain hinggil sa Bagong Jerusalem! Inilalarawan ngayon ni Juan ang kahuli-hulihang pangitain.
[Mga larawan sa pahina 302]
Sa lipunan ng bagong lupa, magkakaroon ng maligayang gawain at pagsasamahan para sa lahat