Mga Pagpapala ng Diyos Para sa “mga May Pang-unawa”
“Silang may pang-unawa ay sisikat na parang ningning ng langit; at silang nagdadala ng marami sa katuwiran ay parang mga bituin magpakailanman, walang-hanggan nga.”—DANIEL 12:3.
1. Pagkatapos ilarawan ang panahon ng kabagabagan na darating sa mga mahilig sa digmaan, sa ano susunod na ibinabaling ng anghel ang kaniyang pansin?
SA HULA ng anghel kay Daniel ay nakita natin ang nalakarang panahon mula noong ikaapat na siglo B.C.E. hanggang sa Armagedon. Ipinakita niyaon na si Miguel ang magdadala ng kapayapaan sa lupa sa tanging posibleng paraan: sa pamamagitan ng pagpuksa sa mga mahilig sa digmaan. Ngayon, pagkatapos ng gayong mahalagang surbey ng kasaysayan sa patiunang paraan, inihula ng anghel ang ilan sa mayayamang pagpapala na tatamasahin ng bayan ng Diyos “sa huling bahagi ng mga araw.”—Daniel 10:14.
Isang Panahon ng mga Pagkabuhay-muli
2. Paanong ang iba sa mga patay ay ‘gumising’ sa panahon ng “katapusang bahagi ng mga araw”?
2 Sinabi ng anghel kay Daniel: “At marami sa kanila na nangatutulog sa alabok ng lupa ang magigising, ang mga ito’y sa walang-hanggang buhay at ang iba’y sa kahihiyan at sa walang-hanggang pagkapahamak.” (Daniel 12:2) Maliwanag, “ang huling bahagi ng mga araw” ay isang panahon para sa mga pagkabuhay-muli, ang pagbabangon sa mga “nangatutulog sa alabok ng lupa.” Ang isa sa gayong pagkagising ay nagsimula hindi pa nagtatagal pagkatapos maging Hari si Jesus noong 1914. (Mateo 24:3) Samantalang nakatanaw sa panahong iyon, si apostol Pablo ay sumulat: “Tayong mga buháy na natitira hanggang sa pagkanaririto ng Panginoon ay hindi tayo mauuna sa anumang paraan sa mga nakatulog sa kamatayan . . . Silang mga namatay kaisa ni Kristo ay unang babangon.” (1 Tesalonica 4:15, 16; Apocalipsis 6:9-11) Maliwanag, kung gayon, hindi nagtagal pagkatapos ng 1914 ay ibinangon ni Jesus sa buhay sa espiritu sa langit yaong mga kabilang sa “Israel ng Diyos” na nangamatay na nang tapat. (Galacia 6:16) Para sa kanila, ang pagkagising nila’y sa “walang-hanggang buhay.”
3, 4. Paanong ang isang grupo ng tapat na mga lingkod ng Diyos ay ‘namatay’ noong 1918?
3 Subalit tiyak na kasali sa mga salita ng anghel ay isa pang pagkabuhay-muli. Sa loob ng humigit-kumulang 40 taon bago sumapit ang 1914, isang munting grupo ng mga Kristiyano ay nagbababala na na ang taon na iyon ay magiging palatandaan ng katapusan ng mga Panahong Gentil gaya ng inihula ni Jesus. (Lucas 21:24) Sinikap ng mga Kristiyanong ito na ang Zion’s Watch Tower Tract Society ay maging isang korporasyon noong 1884, at kanilang inilathala ang mga resulta ng kanilang pagsasaliksik sa Bibliya sa isang magasin na tinatawag na Zion’s Watch Tower and Herald of Christ’s Presence.
4 Noong 1914 ang katotohanan ng kanilang balitang dinadala ay napatunayan nang sumiklab ang unang digmaang pandaigdig, at ang “mga hapdi ng pagdurusa” na inihula ni Jesus ay magsimula. (Mateo 24:7, 8) Gayumpaman, ginamit ng kanilang relihiyosong mga kaaway ang kaligaligan na likha ng digmaan upang pag-usigin sila hanggang sa bandang huli, noong 1918, ang kanilang gawaing pangangaral ay halos napatigil, at ang mga pangunahing lingkod ng Samahang Watch Tower ay ibinilanggo nang walang dahilan. Ito’y lumikha ng malaking pagsasayá sa mga ilang panig. Tinupad din nito ang hula na nakasulat sa aklat ng Apocalipsis: “At pagka natapos na nila ang kanilang patotoo, ang mabangis na hayop na umaahon sa kalaliman ay makikipagbaka sa kanila at mananaig sa kanila at papatayin sila.”—Apocalipsis 11:7.
5, 6. Paanong ang mga karanasan ng grupong ito noong 1919 ay isang katuparan ng hula na “marami sa kanila na nangatutulog sa alabok ng lupa . . . ang magigising”?
5 Gayumpaman, sang-ayon sa hula sila ay hindi mananatiling ‘patay.’ “At pagkatapos ng tatlong araw at kalahati ang espiritu ng buhay mula sa Diyos ay pumasok sa kanila, at sila’y nagsitindig, at dinatnan ng malaking takot ang mga nakakita sa kanila. . . . At sila’y umakyat sa langit sa alapaap, at pinagmasdan sila ng kanilang mga kaaway.” (Apocalipsis 11:11, 12; Ezekiel 37:1-14) Ang kanilang pagkabuhay-muli ay maliwanag na sa paraang simboliko, sapagkat ang isang literal na pagkabuhay-muli sa espiritung buhay sa langit ay hindi makikita ng kanilang mga kaaway. Bagkus, sila’y binuhay-muli buhat sa isang tulad-kamatayang kalagayan ng pagkahinto sa gawain tungo sa isang buháy na kalagayan ng masigasig na gawain na kitang-kita niyaong mga nagpanukala na sila’y malipol. Noong 1919 ang mga kinatawan ng Samahang Watch Tower ay pinalaya sa bilangguan, reniorganisa ang gawaing pangangaral, at nakita ng daigdig ang pasimula ng pinakadakilang kampaniya ng pagpapatotoo sa Kaharian sa buong kasaysayan.—Mateo 24:14.
6 Sa simbolikong diwang ito, ‘marami sa nangatutulog sa alabok ng lupa ang nangagising.’ Pagkatapos, pasimula noong 1919, ang maliit, at nagising na pangkat na iyon ng Bible Students ay nagsimulang maghanap at magtipon sa natitira pang mga kapatid ni Jesus upang ang hustong bilang ng 144,000 ay matatakan. (Mateo 24:31; Apocalipsis 7:1-3) Sa pagtugon ng mga indibiduwal, sila’y nag-alay ng sarili sa Diyos sa pamamagitan ni Kristo at naging mga miyembro ng nakikitang organisasyon ni Jehova sa lupa. Pagkatapos na tumanggap ng walang bayad na kaloob ng banal na espiritu, sila’y inaring matuwid salig sa kanilang pananampalataya sa haing pantubos ni Jesus at sila’y inampon bilang mga anak ng Diyos sa espirituwal na paraan.—Roma 8:16; Galacia 2:17; 3:8.
7. Para sa marami sa mga ito, paanong ito’y magiging pagkagising “sa walang-hanggang buhay”?
7 Ang iba sa kanila na mananatiling tapat hanggang sa wakas ng kanilang makalupang buhay ay may matibay na pag-asang bibigyan ng kanilang dako sa langit kasama ni Jesu-Kristo. (1 Corinto 15:50-53) Samakatuwid, ang kanilang espirituwal na pagkagising ay sa buhay na walang-hanggan. Samantalang sila’y buháy pa rito sa lupa, sila’y lumalasap na ng kapayapaan sa gitna nila bagaman sila’y namumuhay sa isang nagdidigmaang sanlibutan. (Roma 14:19) Subalit lalong mahalaga, sila’y nagtatamasa ng kapayapaan sa kanilang pakikitungo sa Diyos na Jehova mismo, “ang kapayapaan ng Diyos na di-masayod ng pag-iisip.”—Filipos 4:7.
Pagkagising “sa Kahihiyan”
8, 9. Paanong ang espirituwal na pagkagising na ito ay magiging “sa kahihiyan at sa walang-hanggang pagkapahamak”?
8 Bakit, kung gayon, ang iba’y ‘gumigising . . . sa kahihiyan at sa walang-hanggang pagkapahamak’? Ang totoo ay, hindi lahat niyaong mga tumatanggap ng paanyaya na maging bahagi ng uring yaon para sa Kaharian ay nananatiling tapat. Hinahayaan ng iba sa kanila na manghina ang kanilang pananampalataya at sila’y hindi nakapagtitiis. (Hebreo 2:1) Ang mga ilan ay nagiging mga apostata at kinakailangan na alisin sa kongregasyong Kristiyano. (Mateo 13:41, 42) Ang gayong mga tao ay inilarawan ni Jesus na “ang masamang aliping yaon” na pinarurusahan ng Panginoon “nang buong kabagsikan,” isinasama siya sa mga mapagpaimbabaw. “Doon na nga ang pagtangis at pagngangalit ng kaniyang mga ngipin.”—Mateo 24:48-51; Efeso 4:18; 5:6-8.
9 Anong laking kasawian, na tanggapin ang pinakamataas na pribilehiyo na kailanma’y inialok sa di-sakdal na mga tao at pagkatapos ay itinakwil iyon! Sa mga kumikilos ng ganito, sinabi ni apostol Pablo: “Tungkol sa mga minsang naliwanagan na, at nakalasap ng saganang kaloob ng langit, at mga nakabahagi ng banal na espiritu, at nakalasap ng mainam na salita ng Diyos at ng mga kapangyarihan ng darating na sistema ng mga bagay, ngunit tumalikod, sila’y hindi na makapagsisisi uli, sapagkat kanilang ibinabayubay na muli sa ganang kanila ang Anak ng Diyos at ibinibilad siya sa kahihiyan.” (Hebreo 6:4-6) Sa ganitong paraan, ang kanilang pagkagising ay lumalabas na “sa kahihiyan at sa walang-hanggang pagkapahamak.” Wala na silang maaasahan pang buhay na walang-hanggan.
“Sumisikat Kayong Tulad sa mga Ilaw”
10. Sino ang tinutukoy na “silang may pang-unawa,” at paano sila ‘sumisikat na parang liwanag’?
10 Subalit para sa mga nananatiling tapat, ang hula ay nagsasabi: “At silang may pang-unawa ay sisikat na parang ningning ng langit; at silang nagdadala ng marami sa katuwiran ay parang mga bituin magpakailanman, walang-hanggan nga.” (Daniel 12:3) “Silang may pang-unawa” ay maliwanag na yaong tapat na nalalabing miyembro ng pinahirang kongregasyong Kristiyano, na ‘punô ng tumpak na kaalaman ng kaniyang kalooban sa buong karunungan at espirituwal na pagkakilala.’ Palibhasa’y pinalakas sila ni Jehova, sila’y ‘nakapagtitiis na lubusan at nagiging mapagbatá nang may kagalakan, at nagpapasalamat sa Ama na nagpaging karapat-dapat sa kanila upang makabahagi sa mana ng mga banal sa kaliwanagan.’ (Colosas 1:9, 11, 12) Sapol noong 1919, bagaman ‘kadiliman ang bumabalot sa lupa, at masalimuot na kadiliman ang bumabalot sa mga bansa,’ sila’y ‘sumisikat na tulad sa mga ilaw’ sa sangkatauhan. (Isaias 60:2; Filipos 2:15; Mateo 5:14-16) Sila’y “sumisikat na buong ningning na gaya ng araw sa kaharian ng kanilang Ama.”—Mateo 13:43.
11. Paanong “silang may pang-unawa” ay naging yaong “nagdadala ng marami sa katuwiran”?
11 Papaano sila nagiging ang mga “nagdadala ng marami sa katuwiran”? (Daniel 12:3) Dahilan sa kanilang tapat na pagpapatotoo, ang mga huling miyembro ng espirituwal na Israel ay natipon na at inaring matuwid sa buhay sa langit. Bukod sa kanila, isang malaking pulutong ng “mga ibang tupa” ang nahayag, at nagtitipon sa liwanag buhat kay Jehova na pinasisikat ng ‘bayan ni Daniel.’ (Juan 10:16; Zacarias 8:23) Ang “mga ibang tupa” na ito ay kusang nakikisama sa mga pinahiran sa kanilang gawain na pangangaral ng “mabuting balita.” (Mateo 24:14; Isaias 61:5, 6) Sila, rin naman, ay nananampalataya sa itinigis na dugo ni Jesu-Kristo, kaya sila ay inaaring matuwid upang magtamasa ng pakikipagkaibigan sa Diyos. (Apocalipsis 7:9-15; ihambing ang Santiago 2:23.) Kung sila’y mananatiling tapat hanggang sa wakas, ang kanilang mga pangalan ay patuloy na “masusumpungang nakasulat sa aklat.” Sa gayon, sila’y makaaasa na makakaligtas sa panahon ng pinakamalaking kapahamakan na sasapit kailanman sa mga bansa.—Daniel 12:1; Mateo 24:13, 21, 22.
‘Sila’y Sisikat . . . Magpakailanman’
12, 13. (a) Paano nga nangyayari na “silang may pang-unawa” ay ‘sumisikat . . . magpakailanman’? (b) Paanong sa isa pang paraan, sila’y magiging yaong mga “nagdadala ng marami sa katuwiran”?
12 Sinabi ng anghel kay Daniel: “Silang may pang-unawa ay sisikat na parang ningning ng langit . . . , parang mga bituin magpakailanman, walang-hanggan nga.” (Daniel 12:3) Paanong ang mga pinahiran ay makasisikat nang walang-hanggan, yamang bawat isa sa kanila ay mamamatay balang araw? Sa bagay na sila’y patuloy na “sisikat” kahit na pagkatapos ng kamatayan. Sa paglalarawan sa kanila sa kanilang makalangit na kalagayan, sinasabi sa atin ni Jesus sa aklat ng Apocalipsis: “Ang trono ng Diyos at ng Kordero ay doroon sa lunsod, at maglilingkod sa kaniya nang may kabanalan ang kaniyang mga alipin; at makikita nila ang kaniyang mukha, at ang kaniyang pangalan ay sasa-kanilang mga noo. At, hindi na magkakaroon pa ng gabi, at sila’y hindi mangangailangan ng liwanag ng ilawan ni ng liwanag man ng araw, sapagkat liliwanagan sila ng Diyos na Jehova, at sila’y maghahari magpakailan-kailanman.”—Apocalipsis 22:3-5.
13 Oo, ang mga binuhay-muling ito ay maghahari gaya ng mga bituin sa langit, “magpakailan-kailanman.” Ang kanilang espirituwal na kaningningan ay magdadala ng malaking pagpapala sa sangkatauhan. (Apocalipsis 14:13) Sa paglalarawan sa kanila bilang ang “Bagong Jerusalem,” ang aklat ng Apocalipsis ay nagsasabi: “At ang lunsod ay hindi nangangailangan ng araw o ng buwan man upang magbigay-liwanag doon, sapagkat ang kaluwalhatian ng Diyos ang nagbibigay-liwanag doon, at ang ilaw roon ay ang Kordero. At ang mga bansa ay lalakad sa pamamagitan ng liwanag nito, at ang mga hari sa lupa ay magdadala roon ng kanilang kaluwalhatian.” (Apocalipsis 21:2, 9, 23, 24) Ang mga binuhay-muli ay tutulong sa pamamahagi ng mga biyayang idudulot ng haing pantubos “ukol sa pagpapagaling sa mga bansa.” (Apocalipsis 22:2) Kapag, sa katapusan ng Sanlibong Taóng Paghahari, ay maisasauli na ni Jesus at ng kaniyang 144,000 kasamang mga hari at mga saserdote ang tapat na mga tao sa kasakdalan, tunay na kanilang nadala ang “marami sa katuwiran.” Pagkatapos ng huling pagsubok sa panahong iyon, ang naipanumbalik na sangkatauhan ay bubuo ng isang sakdal na lipunan ng tao na namumuhay sa isang lupang paraiso magpakailanman. (Apocalipsis 20:7-10; Awit 37:29) Sa ganitong paraan, ang nakikitang mga resulta ng makalangit na kaningningan ng ‘bayan ni Daniel’ ay tatagal din naman “magpakailanman, walang-hanggan nga.”
Isa Pang Pagkabuhay-muli
14. Sino pa ang makakasali sa hula na “marami sa kanila na nangatutulog sa alabok ng lupa . . . ay magigising”?
14 Sa gayon, ang mga salita ng anghel ay dinadala tayo lampas pa sa panahon ng ‘pagtayo’ ni Miguel at ng walang kahalintulad na “panahon ng kabagabagan” at hanggang sa bagong sistema ng mga bagay. Isa pa, ang mga pagpapala na ibubuhos sa pamamagitan ng mga sumisikat na “parang mga bituin” ay hindi limitado sa mga makakaligtas lamang sa “panahon ng kabagabagan.” Nang si Jesus ay isang tao sa lupa, sinabi niya: “Dumarating ang oras na lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig at magsisilabas, ang mga nagsigawa ng mabuti ay sa pagkabuhay-muli sa buhay, ang mga nagsigawa ng masama ay sa pagkabuhay-muli sa paghatol.” (Juan 5:28, 29) Ang mga salitang ito ay nakatutok sa isang literal na pagkabuhay-muli ng patay na mga tao, at tiyak na ang pagkabuhay na ito, rin naman, ay isa pa ring katuparan ng mga salita ng anghel: “Marami sa kanila na nangatutulog sa alabok ng lupa . . . ang magigising.”—Daniel 12:2.
15. Para sa mga bubuhaying-muli sa panahong iyon, paanong iyon ay magiging pagkagising “sa walang-hanggang buhay”?
15 Kasali sa mga nasa natatanging paggising na ito ay si Daniel mismo. Siya’y sinabihan ng anghel: “Sa ganang iyong sarili, yumaon ka hanggang sa wakas; at ikaw ay magpapahinga [matutulog sa kamatayan], ngunit ikaw ay tatayo sa iyong kapalaran sa wakas ng mga araw.” (Daniel 12:13) Yaong mga katulad ni Daniel na bubuhaying-muli sa panahong iyon at magsisitugon sa ministeryo ni Jesus at ng kaniyang mga kapatid mula sa langit ay ibabangon tungo sa kasakdalan ng pagkatao. Kung sila’y papasa sa katapusang pagsubok, ang kanilang mga pangalan ay permanenteng mapapasulat sa aklat ng buhay. (Apocalipsis 20:5) Para sa kanila, rin naman, ang paggising ay “sa walang-hanggang buhay.”
16. Sino ang magigising sa bagong sistema ng mga bagay “sa walang-hanggang pagkapahamak”?
16 Gayunman, hindi lahat ay tutugon nang gayon. Tiyak na ang iba ay susubok na ibalik ang mga gawain na nagnakaw sa tao ng kapayapaan sa loob ng mahabang panahon. Ang gayong mga tao ay binibigyan ng mahigpit na babala sa Bibliya: “Ngunit sa mga duwag at sa mga walang pananampalataya at sa mga kasuklam-suklam sa kanilang karumihan at sa mga mamamatay-tao at sa mga mapakiapid at sa mga nagsasagawa ng espiritismo at sa mga mananamba sa idolo at sa lahat ng sinungaling, ang bahagi nila’y doon sa dagat-dagatang nagniningas na apoy at asupre. Ito’y nangangahulugan ng ikalawang kamatayan.” (Apocalipsis 21:8) Ang “ikalawang kamatayan” na ito ay isang tuwirang hatol buhat kay Jehova na kung saan wala nang pagkabuhay-muli roon. Ito ay walang-hanggan, walang katapusang kamatayan. Yaong mga bubuhaying-muli na walang pagpapahalaga ay daranas ng ikalawang kamatayang ito; kaya naman, ang kanilang paggising ay “sa kahihiyan at sa walang-hanggang pagkapahamak.”—Daniel 12:2.
“Ang Tunay na Kaalaman ay Lalago”
17. Paano natin nalalaman na ang hula tungkol sa hari ng hilaga at sa hari ng timog ay isinulat lalung-lalo na para sa ating kapakinabangan ngayon?
17 Pagkatapos ay pinayuhan si Daniel ng anghel: “At ikaw, Oh Daniel, ilihim mo ang mga salita at isara mo ang aklat, hanggang sa panahon ng kawakasan. Marami ang tatakbo nang paroo’t parito, at ang tunay na kaalaman ay lalago.” (Daniel 12:4) Ang mga salitang ito ay tumatawag ng ating pansin. Bagama’t ang hula ng anghel tungkol sa dalawang hari ay nagsimula nang matupad mga 2,300 taon na ngayon ang lumipas, ang pagkaunawa rito ay binuksan lalong higit sa “panahon ng kawakasan,” lalung-lalo na sapol noong 1919. Sa mga araw na ito, “marami . . . ang paroo’t parito” sa mga pahina ng Bibliya, at ang tunay na kaalaman ay naging malago nga. Ngayon na ang panahon na si Jehova ay nagbigay ng kaalaman sa mga taong umuunawa.
18. (a) Anong pangunahing mga bahagi ng hula ang natutupad ngayon o halos matutupad na? (b) Anong timbang na saloobin ang ibinibigay nito sa atin?
18 Ang bagay na ang maraming bahagi ng hula ay natupad maraming dantaon na ngayon ang lumipas ay nagpapatibay ng ating pananampalataya sa mga bahagi ng hula na magaganap pa sa hinaharap. (Josue 23:14) Ang daigdig sa ngayon ay naghihilahan sa digmaan sa pagitan ng hari ng hilaga at ng hari ng timog, gaya ng inihula ng anghel. Isa pa, ang hula ay nagbibigay ng babala ng napipintong lalo pang mapanganib na mga panahon. Kaya’t tayo ay natutulungan na manatiling timbang at iwasan natin na mahila ng propaganda ng alinman sa dalawang haring iyan. Ito na ang panahon upang patibayin ang ating pagtitiwala kay Jehova. Huwag kalilimutan na “si Miguel . . . ang dakilang prinsipe” ay “nakatayo” sa ikabubuti ng bayan ng Diyos. Ang ating tanging kaligtasan ay ang pasakop sa Kaharian ng Diyos sa ilalim ni Kristo Jesus.—Gawa 4:12; Filipos 2:9-11.
19. Ano ang kahulugan para sa bawat isa sa atin ng mga salita ng anghel kay Daniel?
19 Manatiling malapit, kung gayon, sa mga “may pang-unawa,” na ‘sumisikat na parang ningning ng langit.’ Manatiling aktibo sa paggawa ukol sa Kaharian ng Diyos. (1 Corinto 15:58; Roma 15:5, 6) Patimyasin ang iyong pag-ibig sa katotohanan ng Salita ng Diyos, at pakamahalin mo ang kapayapaan na umiiral kahit na ngayon pa sa organisasyon ng Diyos. (Awit 119:165; Efeso 4:1-3; Filipos 2:1-5) Kung magkagayon, pagka ‘tumayo na’ si Miguel upang durugin ang mga kaaway ni Jehova, harinawang ikaw ay makaligtas, kasama ng lahat ng mga lingkod ng Diyos, na ang mga pangalan ay “masusumpungang nakasulat sa aklat.”
Masasagot Mo Ba?
◻ Paanong ang “marami sa kanila na nangatutulog sa alabok ng lupa” ay nangagising na?
◻ Paanong ang ‘paggising’ na ito ay lumabas na “sa kahihiyan”?
◻ Paanong “silang may pang-unawa” ay sumisikat na mga tagapagbigay-liwanag at kanilang dinadala ang marami sa katuwiran?
◻ Magkakaroon ng anong katuparan sa hinaharap ang mga salita tungkol sa ‘pagkagising ng mga natutulog sa lupa’?
◻ Paano natutupad ang Daniel 12:4?
[Larawan sa pahina 23]
Sapol noong 1919 yaong mga may pang-unawa ay nagpapasikat ng nagbibigay-buhay na katotohanan
[Credit Line]
NASA photo