Kabanata 6
Pagsisiwalat sa Sagradong Lihim
1. Paano tayo dapat tumugon sa maluwalhating pangitaing nakaulat sa Apocalipsis 1:10-17?
TALAGANG nakasisindak ang pangitain tungkol sa dinakilang si Jesus! Kung naging mga tagamasid tayo na kasama noon ni apostol Juan, tiyak na maaantig din ang ating kalooban sa marilag na kaluwalhatiang iyon, at magpapatirapa na gaya niya. (Apocalipsis 1:10-17) Ang napakagandang kinasihang pangitaing ito ay iningatan upang pakilusin tayo sa ngayon. Gaya ni Juan, dapat na buong-pagpapakumbaba tayong magpahalaga sa kahulugan ng pangitain. Lagi nawa tayong magpitagan at gumalang sa posisyon ni Jesus bilang iniluklok na Hari, Mataas na Saserdote, at Hukom.—Filipos 2:5-11.
“Ang Una at ang Huli”
2. (a) Anong titulo ang ginamit ni Jesus nang ipakilala niya ang kaniyang sarili? (b) Ano ang kahulugan ng pagsasabi ni Jehova na: “Ako ang una at ako ang huli”? (c) Ano ang itinatawag-pansin ng titulo ni Jesus na “ang Una at ang Huli”?
2 Hindi naman dapat mauwi sa malagim na pagkatakot ang ating pagkasindak. Pinatibay-loob ni Jesus si Juan, gaya ng sumunod na salaysay ng apostol. “At ipinatong niya sa akin ang kaniyang kanang kamay at sinabi: ‘Huwag kang matakot. Ako ang Una at ang Huli, at ang isa na nabubuhay.’” (Apocalipsis 1:17b, 18a) Sa Isaias 44:6, wastong inilalarawan ni Jehova ang kaniyang sariling katayuan bilang ang iisa at tanging Diyos na makapangyarihan-sa-lahat, sa pagsasabing: “Ako ang una at ako ang huli, at bukod pa sa akin ay walang Diyos.”a Nang ipakilala ni Jesus ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng titulong “ang Una at ang Huli,” hindi niya inaangkin na kapantay niya si Jehova, ang Dakilang Maylalang. Ginagamit niya ang titulo na wastong ipinagkaloob sa kaniya ng Diyos. Sa aklat ng Isaias, ipinahahayag ni Jehova ang Kaniyang natatanging posisyon bilang ang tunay na Diyos. Siya ang walang-hanggang Diyos, at bukod sa kaniya ay walang ibang Diyos. (1 Timoteo 1:17) Sa Apocalipsis, binabanggit ni Jesus ang titulong ipinagkaloob sa kaniya, na tumatawag-pansin sa kaniyang natatanging pagkabuhay-muli.
3. (a) Sa anong paraan si Jesus ang “Una at ang Huli”? (b) Ano ang kahulugan ng pagtataglay ni Jesus ng “mga susi ng kamatayan at ng Hades”?
3 Talagang si Jesus “ang Una” sa mga tao na binuhay-muli bilang imortal na espiritu. (Colosas 1:18) Bukod dito, siya “ang Huli” na personal na binuhay-muli ni Jehova. Kaya siya “ang isa na nabubuhay . . . nabubuhay magpakailan-kailanman.” Imortal siya. Sa bagay na ito, katulad siya ng kaniyang imortal na Ama, na tinatawag na “Diyos na buháy.” (Apocalipsis 7:2; Awit 42:2) Para sa lahat ng iba pa sa sangkatauhan, si Jesus mismo “ang pagkabuhay-muli at ang buhay.” (Juan 11:25) Kasuwato nito, sinasabi niya kay Juan: “Namatay ako, ngunit, narito! ako ay nabubuhay magpakailan-kailanman, at nasa akin ang mga susi ng kamatayan at ng Hades.” (Apocalipsis 1:18b) Binigyan siya ni Jehova ng awtoridad na bumuhay ng mga patay. Kaya masasabi ni Jesus na nasa kaniya ang mga susi na makapagbubukas ng mga pintuang-daan para sa mga bihag ng kamatayan at ng Hades (karaniwang libingan).—Ihambing ang Mateo 16:18.
4. Anong utos ang inulit ni Jesus, at sa kapakinabangan nino?
4 Inulit ni Jesus ang kaniyang utos kay Juan na isulat ang pangitain, na sinasabi: “Isulat mo ang mga bagay na iyong nakita, at ang mga bagay na ngayon at ang mga bagay na magaganap pagkatapos ng mga ito.” (Apocalipsis 1:19) Ano pang kapana-panabik na bagay ang ihahayag ni Juan ukol sa ating ikatututo?
Ang mga Bituin at mga Kandelero
5. Paano ipinaliliwanag ni Jesus ang “pitong bituin” at ang “pitong kandelero”?
5 Nakita ni Juan si Jesus sa gitna ng pitong ginintuang kandelero at may pitong bituin sa Kaniyang kanang kamay. (Apocalipsis 1:12, 13, 16) Ngayon ay ipinaliliwanag ito ni Jesus: “Kung tungkol sa sagradong lihim ng pitong bituin na iyong nakita sa aking kanang kamay, at ng pitong ginintuang kandelero: Ang pitong bituin ay nangangahulugang mga anghel ng pitong kongregasyon, at ang pitong kandelero ay nangangahulugang pitong kongregasyon.”—Apocalipsis 1:20.
6. Ano ang isinasagisag ng pitong bituin, at bakit sa kanila pantanging ipinatutungkol ang mga mensahe?
6 Ang mga “bituin” ay “mga anghel ng pitong kongregasyon.” Sa Apocalipsis, ang mga bituin ay sumasagisag kung minsan sa literal na mga anghel, subalit malayong gumamit si Jesus ng isang taong kalihim upang sumulat sa di-nakikitang mga espiritung nilalang. Kaya ang mga “bituin” ay malamang na mga tagapangasiwang tao, o matatanda, sa mga kongregasyon, na itinuturing na mga mensahero ni Jesus.b Ang mga mensahe ay ipinatutungkol sa mga bituin, sapagkat pananagutan nilang pangasiwaan ang kawan ni Jehova.—Gawa 20:28.
7. (a) Bakit masasabing ang pakikipag-usap ni Jesus sa isa lamang anghel sa bawat kongregasyon ay hindi nangangahulugang iisa lamang ang matanda sa bawat kongregasyon? (b) Sino, sa katunayan, ang isinasagisag ng pitong bituin na nasa kanang kamay ni Jesus?
7 Yamang isa lamang “anghel” ang kinakausap ni Jesus sa bawat kongregasyon, nangangahulugan ba ito na isa lamang ang matanda sa bawat kongregasyon? Hindi. Kahit noong panahon ni Pablo, maraming matanda sa kongregasyon ng Efeso, hindi lamang isa. (Apocalipsis 2:1; Gawa 20:17) Kaya noong panahon ni Juan, nang ipadala sa pitong bituin ang mga mensahe upang basahin sa mga kongregasyon (pati na sa kongregasyon ng Efeso), ang mga bituin ay tiyak na kumakatawan sa lahat ng naglilingkod bilang miyembro ng mga lupon ng matatanda sa loob ng pinahirang kongregasyon ni Jehova. Sa katulad na paraan, binabasa ngayon ng mga tagapangasiwa sa kanilang kongregasyon ang mga liham mula sa Lupong Tagapamahala, na binubuo ng pinahirang mga tagapangasiwa na naglilingkod sa ilalim ng pagkaulo ni Jesus. Dapat tiyakin ng lokal na mga lupon ng matatanda na nasusunod ng kanilang kongregasyon ang payo ni Jesus. Sabihin pa, hindi lamang ang matatanda ang nakikinabang sa payo, kundi ang lahat ng kaugnay sa mga kongregasyon.—Tingnan ang Apocalipsis 2:11a.
8. Ano ang ipinahihiwatig ng bagay na ang matatanda ay nasa kanang kamay ni Jesus?
8 Yamang si Jesus ang Ulo ng kongregasyon, angkop na masasabing nasa kanang kamay niya ang matatanda, samakatuwid nga, nasa ilalim ng kaniyang kontrol at patnubay. (Colosas 1:18) Siya ang Punong Pastol, at sila ang mga katulong na pastol.—1 Pedro 5:2-4.
9. (a) Ano ang isinasagisag ng pitong kandelero, at bakit angkop na simbolo ang mga kandelero para sa mga ito? (b) Ano ang malamang na ipinaalaala ng pangitain kay apostol Juan?
9 Ang pitong kandelero ay ang pitong kongregasyon na pinatutungkulan ni Juan ng aklat ng Apocalipsis: Efeso, Smirna, Pergamo, Tiatira, Sardis, Filadelfia, at Laodicea. Bakit sa mga kongregasyon sumasagisag ang mga kandelero? Sapagkat ang mga Kristiyano, bilang mga indibiduwal o bilang mga kongregasyon sa kabuuan, ay dapat ‘magpasikat ng kanilang liwanag sa harap ng mga tao’ sa madilim na sanlibutang ito. (Mateo 5:14-16) Bukod dito, kabilang sa mga kasangkapan sa templo ni Solomon ang mga kandelero. Ang pagtukoy sa mga kongregasyon bilang mga kandelero ay malamang na nagpaalaala kay Juan na, sa makatalinghagang paraan, bawat lokal na kongregasyon ng mga pinahiran ay “templo ng Diyos,” isang tahanang dako ng espiritu ng Diyos. (1 Corinto 3:16) Karagdagan pa, sa antitipikong kaayusan ng templong Judio, ang mga miyembro ng kongregasyon ng mga pinahiran ay nagsisilbing “isang maharlikang pagkasaserdote” sa kaayusan ng dakilang espirituwal na templo ni Jehova, kung saan si Jesus ang Mataas na Saserdote at kung saan si Jehova ay personal na tumatahan sa makalangit na Kabanal-banalan.—1 Pedro 2:4, 5, 9; Hebreo 3:1; 6:20; 9:9-14, 24.
Ang Malaking Apostasya
10. Ano ang nangyari sa sistemang Judio at sa di-nagsising mga tagapagtaguyod nito noong 70 C.E.?
10 Nang isulat ni Juan ang Apocalipsis, ang Kristiyanismo ay mahigit 60 taon nang umiiral. Sa simula, napagtagumpayan nito ang walang-humpay na pagsalansang ng Judaismo sa loob ng 40 taon. Pagkatapos, noong 70 C.E., tumanggap ng matinding dagok ang Judiong sistema nang mawala ang pambansang pagkakakilanlan ng di-nagsising mga Judio at ang itinuturing nilang halos isa nang idolo—ang templo sa Jerusalem.
11. Bakit napapanahon na babalaan ng Punong Pastol ang mga kongregasyon hinggil sa lumalalang mga kalagayan?
11 Gayunpaman, inihula na ni apostol Pablo na magkakaroon ng apostasya sa gitna ng pinahirang mga Kristiyano, at ipinakikita ng mga mensahe ni Jesus na sa katandaan ni Juan, nagsisimula na ang apostasyang ito. Si Juan ang kahuli-hulihan sa mga nagsilbing pamigil sa puspusang pagsisikap ni Satanas na pasamain ang binhi ng babae. (2 Tesalonica 2:3-12; 2 Pedro 2:1-3; 2 Juan 7-11) Kaya angkop na panahon iyon para sa Punong Pastol ni Jehova na sumulat sa matatanda sa mga kongregasyon upang babalaan sila hinggil sa lumalalang mga kalagayan at patibayin ang tapat-pusong mga tao na manindigang matatag sa katuwiran.
12. (a) Paano lumaganap ang apostasya sa loob ng maraming siglo pagkaraan ng panahon ni Juan? (b) Paano umiral ang Sangkakristiyanuhan?
12 Hindi natin alam kung paano tumugon ang mga kongregasyon noong 96 C.E. sa mga mensahe ni Jesus. Subalit batid natin na mabilis na lumaganap ang apostasya pagkamatay ni Juan. Hindi na ginamit ng mga “Kristiyano” ang pangalan ni Jehova at hinalinhan ito ng “Panginoon” at “Diyos” sa mga manuskrito ng Bibliya. Pagsapit ng ikaapat na siglo, nakapasok na sa mga kongregasyon ang huwad na doktrina ng Trinidad. Tinanggap din nang panahong iyon ang paniniwala hinggil sa imortal na kaluluwa. Sa wakas, tinanggap ng Romanong emperador na si Constantino ang relihiyong “Kristiyano” sa estado, at dito nagsimulang mabuo ang Sangkakristiyanuhan, kung saan pinagsanib ng Simbahan at ng Estado ang kanilang puwersa upang mamahala nang isang libong taon. Napakadaling maging isang bagong-istilong “Kristiyano” noon. Iniayon ng buong mga tribo ang kanilang sinaunang mga paniniwalang pagano sa mga bersiyon ng relihiyong ito. Marami sa mga lider ng Sangkakristiyanuhan ang naging mapang-api at malulupit na pulitiko, na nagpatupad ng kanilang apostatang mga paniniwala sa pamamagitan ng dahas.
13. Sa kabila ng babala ni Jesus laban sa sektaryanismo, ano ang ginawa ng nag-apostatang mga Kristiyano?
13 Lubusang ipinagwalang-bahala ng mga nag-apostatang Kristiyano ang mga sinabi ni Jesus sa pitong kongregasyon. Pinayuhan ni Jesus ang mga taga-Efeso na paningasin ang pag-ibig na taglay nila noong una. (Apocalipsis 2:4) Gayunman, palibhasa’y hindi na pinagkakaisa ng pag-ibig kay Jehova, nakisangkot ang mga miyembro ng Sangkakristiyanuhan sa malulupit na digmaan at kakila-kilabot na pag-usig sa isa’t isa. (1 Juan 4:20) Binalaan ni Jesus ang kongregasyon sa Pergamo laban sa sektaryanismo. Gayunman, kahit noon pa lamang ikalawang siglo ay lumitaw na ang mga sekta, at may libu-libong nagkakasalungatang mga sekta at relihiyon ang Sangkakristiyanuhan sa ngayon.—Apocalipsis 2:15.
14. (a) Bagaman nagbabala si Jesus laban sa pagiging patay sa espirituwal, ano ang naging landasin ng mga nag-aangking Kristiyano? (b) Sa anu-anong paraan nabigo ang mga nag-aangking Kristiyano na makinig sa babala ni Jesus laban sa idolatriya at imoralidad?
14 Binalaan ni Jesus ang kongregasyon sa Sardis laban sa pagiging patay sa espirituwal. (Apocalipsis 3:1) Gaya ng mga taga-Sardis, ang mga nag-aangking Kristiyano ay madaling nakalimot sa mga gawang Kristiyano at di-nagtagal ang napakahalagang gawaing pangangaral ay ipinaubaya nila sa isang maliit at bayarang uring klero. Binalaan ni Jesus ang kongregasyon ng Tiatira laban sa idolatriya at pakikiapid. (Apocalipsis 2:20) Gayunman, lantarang pinahintulutan ng Sangkakristiyanuhan ang paggamit ng mga imahen, pati na ang pagtataguyod ng mas tusong mga anyo ng idolatriya na gaya ng nasyonalismo at materyalismo. At ang imoralidad, bagaman binabatikos paminsan-minsan, ay lagi namang kinukunsinti ng marami.
15. Ano ang inilantad ng mga mensahe ni Jesus sa pitong kongregasyon hinggil sa mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan, at ano ang napatunayan hinggil sa mga klero nito?
15 Kaya inilantad ng mga sinabi ni Jesus sa pitong kongregasyon ang ganap na kabiguan ng lahat ng relihiyon ng Sangkakristiyanuhan na maging pantanging bayan ni Jehova. Sa katunayan, ang mga klero ng Sangkakristiyanuhan ang naging pinakaprominenteng mga miyembro ng binhi ni Satanas. Sa pagtukoy sa kanila bilang ‘ang tampalasan,’ inihula ni apostol Pablo na ang kanilang ‘pagkanaririto ay ayon sa pagkilos ni Satanas taglay ang bawat makapangyarihang gawa at kasinungalingang mga tanda at mga palatandaan at taglay ang bawat likong panlilinlang.’—2 Tesalonica 2:9, 10.
16. (a) Laban kanino nagpakita ng matinding pagkapoot ang mga lider ng Sangkakristiyanuhan? (b) Ano ang nangyari sa Sangkakristiyanuhan noong Edad Medya? (c) Binago ba ng Protestanteng himagsikan, o Repormasyon, ang apostatang mga paraan ng Sangkakristiyanuhan?
16 Bagaman nag-aangking mga pastol ng kawan ng Diyos ang relihiyoso at sekular na mga lider ng Sangkakristiyanuhan, nagpakita sila ng matinding pagkapoot sa sinumang humihimok na basahin ang Bibliya o sa sinumang naglalantad ng di-makakasulatang mga gawain ng mga pinunong iyon. Si John Hus at ang tagapagsalin ng Bibliya na si William Tyndale ay pinag-usig at pinatay bilang mga martir. Noong malagim na panahon ng Edad Medya, umabot sa sukdulan ang kasamaan ng apostatang pamamahala sa pamamagitan ng Inkisisyong Katoliko. Sinumang humamon sa mga turo o awtoridad ng simbahan ay walang-awang sinupil, at libu-libong di-umano’y mga erehe ang pinahirapan hanggang mamatay o kaya’y sinunog sa tulos. Gayon sinikap ni Satanas na agad lupigin ang sinumang kabilang sa tunay na binhi ng tulad-babaing organisasyon ng Diyos. Nang maganap ang Protestanteng himagsikan, o Repormasyon (mula noong 1517 patuloy), marami sa mga relihiyong Protestante ang nagpakita ng gayunding pagkapanatiko. Nagkasala rin sila sa dugo nang patayin nila ang lahat ng nagsikap na maging tapat sa Diyos at kay Kristo. Oo, dumanak “ang dugo ng mga banal”!—Apocalipsis 16:6; ihambing ang Mateo 23:33-36.
Nagtagumpay ang Binhi
17. (a) Ano ang inihula ng talinghaga ni Jesus tungkol sa trigo at panirang-damo? (b) Ano ang naganap noong 1918, at anong pagtatakwil at pag-aatas ang naging resulta nito?
17 Sa kaniyang talinghaga hinggil sa trigo at mga panirang-damo, inihula ni Jesus na iiral ang panahon ng kadiliman samantalang nangingibabaw ang impluwensiya ng Sangkakristiyanuhan. Gayunpaman, sa loob ng maraming siglong pangingibabaw ng apostasya, may masusumpungang mga indibiduwal na tulad-trigong mga Kristiyano, ang mga tunay na pinahiran. (Mateo 13:24-29, 36-43) Kaya nang magsimula ang araw ng Panginoon noong Oktubre 1914, mayroon pang tunay na mga Kristiyano rito sa lupa. (Apocalipsis 1:10) Lumilitaw na mga tatlo at kalahating taon pagkaraan nito, noong 1918, pumasok si Jehova sa kaniyang espirituwal na templo upang humatol, kasama si Jesus bilang kaniyang “mensahero ng tipan.” (Malakias 3:1; Mateo 13:47-50) Panahon na upang sa wakas ay itakwil ng Panginoon ang huwad na mga Kristiyano at atasan ang ‘tapat at maingat na alipin sa lahat ng kaniyang mga pag-aari.’—Mateo 7:22, 23; 24:45-47.
18. Anong “oras” ang dumating noong 1914, at panahon iyon upang gawin ng alipin ang ano?
18 Panahon na rin upang pag-ukulan ng pantanging pansin ng alipin na ito ang mga bagay na nasusulat sa mga mensahe ni Jesus sa pitong kongregasyon, gaya ng makikita natin na isinasaad doon. Halimbawa, binanggit ni Jesus ang tungkol sa pagdating niya upang hatulan ang mga kongregasyon, isang paghatol na nagsimula noong 1918. (Apocalipsis 2:5, 16, 22, 23; 3:3) Sinabi niyang ipagsasanggalang ang kongregasyon ng Filadelfia mula sa “oras ng pagsubok, na darating sa buong tinatahanang lupa.” (Apocalipsis 3:10, 11) Dumating lamang ang “oras ng pagsubok” sa pasimula ng araw ng Panginoon noong 1914, at pagkatapos nito ay nasubok ang katapatan ng mga Kristiyano sa itinatag na Kaharian ng Diyos.—Ihambing ang Mateo 24:3, 9-13.
19. (a) Sa ano lumalarawan ang pitong kongregasyon sa ngayon? (b) Sino ang karamihan na nakisama sa mga pinahirang Kristiyano, at bakit kapit din sa kanila ang payo ni Jesus at ang mga kalagayang inilarawan niya? (c) Ano ang dapat nating maging pananaw hinggil sa mga mensahe ni Jesus sa pitong kongregasyon noong unang siglo?
19 Kaya mula noong 1914, nagkaroon ng malaking katuparan ang mga salita ni Jesus sa mga kongregasyon. Sa tagpong ito, ang pitong kongregasyon ay lumalarawan sa lahat ng kongregasyon ng mga pinahirang Kristiyano sa panahon ng araw ng Panginoon. Bukod dito, sa nakalipas na mahigit 70 taon, isang malaking bilang ng mga mananampalataya na may pag-asang mabuhay magpakailanman sa Paraiso sa lupa ang sumama sa mga pinahirang Kristiyano na inilalarawan ni Juan. Ang payo ng niluwalhating si Jesu-Kristo at ang mga kalagayang nasumpungan niya sa pitong kongregasyon bunga ng kaniyang pagsisiyasat ay kapit din sa kanila, yamang iisa lamang ang pamantayan ng katuwiran at katapatan para sa lahat ng lingkod ni Jehova. (Exodo 12:49; Colosas 3:11) Kaya ang mga mensahe ni Jesus sa pitong kongregasyon noong unang siglo sa Asia Minor ay hindi lamang kawili-wiling mga kabanata sa kasaysayan. Nangangahulugan ito ng buhay o kamatayan para sa bawat isa sa atin. Kung gayon, makinig tayong mabuti sa mga salita ni Jesus.
[Mga talababa]
a Sa orihinal na Hebreo sa Isaias 44:6, walang tiyak na pantukoy na ginamit sa mga salitang “una” at “huli,” samantalang sa paglalarawan ni Jesus sa kaniyang sarili sa orihinal na Griego sa Apocalipsis 1:17, isang tiyak na pantukoy ang ginamit. Kaya batay sa balarila, ang Apocalipsis 1:17 ay tumutukoy sa isang titulo, samantalang ang Isaias 44:6 ay naglalarawan sa pagka-Diyos ni Jehova.
b Ang salitang Griego na agʹge·los (binibigkas na “anʹge·los”) ay nangangahulugang “mensahero” o “anghel.” Sa Malakias 2:7, ang isang saserdoteng Levita ay tinutukoy na “mensahero” (Hebreo, mal·ʹakhʹ).
[Kahon sa pahina 32]
Panahon ng Pagsubok at Paghatol
Si Jesus ay binautismuhan at pinahiran bilang Haring Itinalaga noong mga Oktubre 29 C.E. sa Ilog Jordan. Pagkaraan ng tatlo at kalahating taon, noong 33 C.E., nagtungo siya sa templo sa Jerusalem at ipinagtabuyan ang mga tao sapagkat ginagawa nila itong yungib ng mga magnanakaw. Waring nakakatulad ito ng yugto na tatlo at kalahating taon mula nang iluklok si Jesus sa trono sa mga langit noong Oktubre 1914 hanggang sa kaniyang pagdating upang siyasatin ang nag-aangking mga Kristiyano nang magsimula ang paghatol sa bahay ng Diyos. (Mateo 21:12, 13; 1 Pedro 4:17) Pagpasok ng 1918, mahigpit na sinalansang ang gawaing pang-Kaharian ng bayan ni Jehova. Panahon iyon ng pagsubok sa buong lupa, at inihiwalay ang mga matatakutin. Noong Mayo 1918, nabilanggo ang mga opisyal ng Samahang Watch Tower dahil sa panunulsol ng klero ng Sangkakristiyanuhan, subalit pinalaya sila pagkaraan ng siyam na buwan. Nang dakong huli, hindi na itinuloy ang bulaang mga akusasyon laban sa kanila. Mula noong 1919, ang organisasyon ng bayan ng Diyos, na sinubok at dinalisay, ay buong-sigasig na nagpatuloy sa paghahayag ng Kaharian ni Jehova sa pamamagitan ni Kristo Jesus bilang pag-asa ng sangkatauhan.—Malakias 3:1-3.
Nang si Jesus ay magsimulang magsiyasat noong 1918, ang klero ng Sangkakristiyanuhan ay walang pagsalang hinatulan. Hindi lamang nila pinag-usig ang bayan ng Diyos kundi mabigat din ang kanilang pagkakasala sa dugo dahil sa pagsuporta sa naglalabanang mga bansa noong unang digmaang pandaigdig. (Apocalipsis 18:21, 24) Pagkatapos ay inilagak ng mga klerong iyon ang kanilang pag-asa sa Liga ng mga Bansa na itinatag ng mga tao. Pagsapit ng 1919, lubusang nawala ang pagsang-ayon ng Diyos sa Sangkakristiyanuhan pati na sa buong pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon.
[Mapa sa pahina 28, 29]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
EFESO
SMIRNA
PERGAMO
TIATIRA
SARDIS
FILADELFIA
LAODICEA
[Mga larawan sa pahina 31]
May mabigat na pagkakasala sa dugo ang relihiyon ng Sangkakristiyanuhan dahil sa pag-uusig at pagpatay sa mga nagsalin, nagbasa, o kahit na nagmay-ari lamang ng Bibliya