Pagdating ni Kristo—Ano Ito?
Ang sagot ng Bibliya
Maraming beses na binabanggit sa Bibliya ang tungkol sa pagdating ni Kristo sa hinaharap para hatulan ang mga tao sa lupa.a Halimbawa, sinasabi sa Mateo 25:31-33:
“Kapag ang Anak ng tao [si Jesu-Kristo] ay dumating sa kaniyang kaluwalhatian, at ang lahat ng mga anghel na kasama niya, kung magkagayon ay uupo siya sa kaniyang maluwalhating trono. At ang lahat ng mga bansa ay titipunin sa harap niya, at pagbubukud-bukurin niya ang mga tao sa isa’t isa, kung paanong ibinubukod ng pastol ang mga tupa mula sa mga kambing. At ilalagay niya ang mga tupa sa kaniyang kanan, ngunit ang mga kambing sa kaniyang kaliwa.”
Ang panahong ito ng paghatol ay magiging bahagi ng “malaking kapighatian” na walang katulad sa buong kasaysayan ng tao. Ang kapighatiang iyon ay magtatapos sa digmaan ng Armagedon. (Mateo 24:21; Apocalipsis 16:16) Ang mga kaaway ni Kristo, na inilarawan sa kaniyang ilustrasyon bilang mga kambing, ay “daranas ng parusang hatol na walang-hanggang pagkapuksa.” (2 Tesalonica 1:9; Apocalipsis 19:11, 15) Ang kaniyang tapat na mga lingkod naman, ang mga tupa, ay magkakaroon ng pag-asang “buhay na walang hanggan.”—Mateo 25:46.
Kailan darating si Kristo?
Sinabi ni Jesus: “May kinalaman sa araw at oras na iyon ay walang sinuman ang nakaaalam.” (Mateo 24:36, 42; 25:13) Pero nagbigay siya ng nakikitang “tanda,” na binubuo ng maraming pangyayari, na magpapakilala sa yugto ng panahon na hahantong hanggang sa kaniyang pagdating.—Mateo 24:3, 7-14; Lucas 21:10, 11.
Darating ba si Kristo sa katawang laman o sa espiritu?
Binuhay-muli si Jesus taglay ang isang katawang espiritu, kaya darating siya bilang isang espiritung nilalang, hindi sa laman. (1 Corinto 15:45; 1 Pedro 3:18) Kaya nasabi ni Jesus sa kaniyang mga apostol bago siya mamatay: “Sandali na lamang at hindi na ako makikita ng sanlibutan.”—Juan 14:19.
Karaniwang mga maling akala tungkol sa pagdating ni Kristo
Maling akala: Binabanggit sa Bibliya na makikita ng mga tao si Jesus na “dumarating na nasa mga ulap,” ibig sabihin, literal na makikita ang pagdating ni Jesus.—Mateo 24:30.
Ang totoo: Madalas iniuugnay ng Bibliya ang mga ulap sa isang bagay na hindi nakikita. (Levitico 16:2; Bilang 11:25; Deuteronomio 33:26) Halimbawa, sinabi ng Diyos kay Moises: “Paririyan ako sa iyo sa isang madilim na ulap.” (Exodo 19:9) Hindi literal na nakita ni Moises ang Diyos. Sa katulad na paraan, si Kristo ay ‘darating na nasa mga ulap,’ sa diwa na mauunawaan ng mga tao ang kaniyang pagdating kahit hindi nila siya literal na makikita.
Maling akala: Sa pagdating ni Kristo, literal na “makikita siya ng bawat mata,” gaya ng binabanggit sa Apocalipsis 1:7.
Ang totoo: Sa Bibliya, ang mga salitang Griego na ginamit para sa “makikita” at “mata” ay ginagamit kung minsan sa diwa na mauunawaan o madarama ang isang bagay sa halip na tumukoy sa literal na paningin.b (Mateo 13:15; Lucas 19:42; Roma 15:21; Efeso 1:18) Sinasabi ng Bibliya na ang binuhay-muling si Jesus ay “ang isa ... na tumatahan sa di-malapitang liwanag, na walang isa man sa mga tao ang ... makakakita.” (1 Timoteo 6:16) Kaya “makikita siya ng bawat mata” sa diwa na mauunawaan ng lahat ng tao na si Jesus ang maglalapat ng hatol ng Diyos.—Mateo 24:30.
Maling akala: Sinasabi ng 2 Juan 7 na darating si Jesus sa laman.
Ang totoo: Sinasabi sa tekstong iyan: “Maraming manlilinlang ang humayo na sa sanlibutan, mga taong hindi naghahayag na si Jesu-Kristo ay dumating sa laman.”
Noong panahon ni apostol Juan, ikinakaila ng ilan na dumating si Jesus sa lupa bilang tao taglay ang katawang laman. Tinatawag silang mga Gnostiko. Isinulat ang 2 Juan 7 para pasinungalingan ang kanilang maling ideya.
a Bagaman ginagamit ng marami ang mga terminong “ikalawang pagdating” o “ikalawang pagparito” para tukuyin ang pagdating ni Kristo, ang mga ito ay hindi makikita sa Bibliya.
b Tingnan ang The New Thayer’s Greek-English Lexicon of the New Testament (1981), pahina 451 at 470.