ULAP
Isang nakikitang kimpal ng mga partikula, kadalasa’y tubig o yelo, na nakalutang sa himpapawid. Ang pangunahing salitang Hebreo para sa “ulap” ay ʽa·nanʹ, anupat ang karamihan sa mga paglitaw nito ay tumutukoy sa haliging “ulap” na pumatnubay sa mga Israelita nang tumawid sila sa ilang na disyerto. (Exo 13:21) Ang “manipis na alabok,” “mga ulap,” “maulap na kalangitan,” at “kalangitan” ay tinutukoy ng iba’t ibang anyo ng Hebreong shaʹchaq, mula sa salitang-ugat na nangangahulugang “dikdikin nang pino; agnasin.” (Isa 40:15; Aw 36:5; Jer 51:9; Aw 89:37; Aw 18:42; Job 14:19) Ang mga salitang Griego na tumutukoy sa isang “ulap” ay neʹphos at ne·pheʹle, samantalang ang gnoʹphos ay tumutukoy naman sa isang “madilim na ulap.”—Heb 12:1; Mat 17:5; Heb 12:18.
Mula sa kalagitnaan ng Hunyo hanggang sa kalagitnaan ng Setyembre, karaniwang maaliwalas ang kalangitan sa Israel, bagaman may mga kaulapan ng alikabok, na lumilitaw lalo na sa pagtatapos ng kapanahunan ng tagtuyot, dahil sa mainit na hanging S mula sa disyerto. Isa pa, partikular na kapag Agosto, manaka-nakang dumarating mula sa K ang mga ulap na cirrostratus na walang dalang ulan. Ang mga ito man ay hinihintay ng mga tumatahan doon, sapagkat naglalaan ito ng lilim at sa gayon ay nagdudulot ng kaunting ginhawa mula sa init. (Isa 25:5; ihambing ang Job 7:2.) Kapag Setyembre o Oktubre, nagsisimula naman ang mas madalas na paglitaw ng mga ulap sa kanluraning kagiliran, anupat namumuo ang mga ito sa ibabaw ng Mediteraneo, bagaman kadalasan ay kalagitnaan na ng Oktubre bago aktuwal na magsimula ang tag-ulan. Ngunit sa panahon ng tag-init, sa ilang seksiyon ng lupain, may manipis na ulap tuwing umaga na kaagad naglalaho pagsikat ng araw.—Os 6:4.
Kapag panahon ng tag-ulan, napakabilis mamuo ang bagyo, anupat nagsisimula sa napakaliit na ulap sa K. (1Ha 18:44, 45) Nabubuhayan ng loob ang magsasaka kapag may ulap na lumitaw sa mga kanluraning bahagi. (Luc 12:54) Gayunman, malulugi ang isa na nag-aatubiling gumapas dahil sa pagtingin sa mga ulap na di-tiyak kung kailan darating. Ginamit ang katotohanang ito sa pagpapapayo sa mga lingkod ng Diyos na ipagpatuloy nila ang kanilang gawain anuman ang kalagayan.—Ec 11:4.
Ang karunungan at kalakasan ng Diyos na Jehova na Maylalang ay makikita sa kakayahan niyang kontrolin ang mga ulap. Tinukoy niya ang mga ito bilang “mga pantubig na banga” na naitatagilid at naibubuhos ang laman sa lupa. Sinabi niya: “Sino ang may-kawastuang makabibilang ng mga ulap nang may karunungan, o ang mga pantubig na banga sa langit—sino ang makapagtatagilid ng mga iyon?” (Job 38:37) Inilarawan niya ang proseso ng ebaporasyon at kondensasyon, anupat sinabi: “Pinaiilanlang niya ang mga patak ng tubig; ang mga iyon ay nasasala bilang ulan para sa kaniyang manipis na ulap, anupat ang mga ulap ay pumapatak, ang mga iyon ay tumutulo nang sagana sa sangkatauhan. Tunay nga, sino ang makauunawa sa mga suson ng ulap, ang mga dagundong mula sa kaniyang kubol?”—Job 36:27-29.
Makatalinghagang Paggamit. Palibhasa’y walang tao ang maaaring makakita sa kaniya at mabuhay pa, ginamit ni Jehova ang ulap bilang sagisag ng kaniyang presensiya. Sa Bundok Sinai, noong panahong ibigay sa Israel ang Kautusan, isang madilim na ulap ang tumakip sa bundok; mula sa ulap ay lumabas ang mga kidlat at kulog, ang malakas na tunog ng trumpeta, at isang malakas na tinig. (Exo 19:16-19; 24:15; Heb 12:18, 19) Sinabi ni Jehova kay Moises na nagpakita siya sa ganitong paraan upang makapagsalita siya kay Moises at upang sa pagkarinig niyaon ay manampalataya ang mga tao kay Moises bilang kinatawan ng Diyos.—Exo 19:9.
Nagsugo si Jehova ng isang anghel na nasa isang ulap bilang “kaniyang sariling mensahero” upang pumatnubay sa Israel sa paglabas mula sa Ehipto at sa pagtahak sa ilang. (Isa 63:9) Sa pamamagitan ng anghel na iyon, makasagisag na dumungaw si Jehova mula sa ulap upang lituhin ang mga Ehipsiyo. (Exo 13:21, 22; 14:19, 24, 25) Ginamit din ni Jehova ang ulap upang bautismuhan sila kay Moises bilang isang bansa, anupat ang tubig ay nasa magkabilang panig nila at ang ulap naman ay nasa itaas at likuran. Sa gayon, sila ay “nabautismuhan kay Moises sa pamamagitan ng ulap at ng dagat.”—1Co 10:2; tingnan din ang Bil 14:14.
Nang itayo ang tabernakulo sa ilang, ang ulap ay nanatili sa ibabaw niyaon at “pinunô ng kaluwalhatian ni Jehova ang tabernakulo,” kaya naman hindi nakapasok si Moises. (Exo 40:34, 35; ihambing ang 1Ha 8:10-12; Apo 15:8.) Pagkatapos nito, tumigil ang ulap sa ibabaw ng Kabanal-banalan, kung saan naroroon ang kaban ng tipan, at ang ulap ay naging isang haliging apoy sa gabi. Walang alinlangang nakikita ang ulap na ito sa lahat ng panig ng kampo, anupat ito ang naging palatandaan ng pinakasentro ng kampo. Kapag pumapaitaas ito, ang Israel ay naghahandang lumikas ng kampo. Kapag lumilipat ito, sinusundan nila ang direksiyon nito patungo sa susunod na dakong pagkakampuhan, bagaman malamang na ang eksaktong lugar na pagtatayuan ng kampo ay pinili sa tulong ni Hobab, na lubusang nakababatid sa lupaing iyon, kabilang na ang mga dakong tubigan at iba pang bagay na kailangan ng gayong kampo na pagkalaki-laki.—Exo 40:34-38; Bil 10:29-32.
Sa loob ng Kabanal-banalan, sa ibabaw ng kaban ng tipan, ay may isang ulap na napakaningning, ang tanging liwanag sa silid na iyon. (Lev 16:2) Sa wikang Hebreo na ginamit pagkalipas ng panahon ng Bibliya, tinawag itong Shekina. Sa Araw ng Pagbabayad-Sala, kapag pumapasok ang mataas na saserdote sa Kabanal-banalan taglay ang dugo ng mga hayop, tumatayo siya sa makasagisag na paraan sa presensiya ni Jehova. Sa iba pang mga pagkakataon, kapag hindi siya pumapasok sa Kabanal-banalan kundi tumatayo lamang sa harap ng kurtina upang magharap ng isang mahalagang bagay kay Jehova ukol sa kasagutan Niya, itinuturing na nakatayo siya sa harap ni Jehova.—Bil 27:21.
Noong isang pagkakataon, ang sariling tinig ni Jehova ay narinig mula sa isang maliwanag na ulap, anupat nagpapahayag ng pagsang-ayon sa kaniyang bugtong na Anak. Ito ang maningning na ulap na lumilim kay Jesus at sa kaniyang tatlong apostol na sina Pedro, Santiago, at Juan sa bundok kung saan naganap ang pagbabagong-anyo.—Mat 17:5.
Nang umakyat si Jesus sa langit, ayon sa ulat, “kinuha siya ng isang ulap mula sa kanilang paningin.” (Gaw 1:9) Hindi nakita ng mga alagad na nakasakay si Jesus sa isang ulap, kundi sa halip, tinakpan siya ng ulap anupat hindi na nila siya makita. Tumutulong ito sa atin na maunawaan ang mga salita ni Jesus may kinalaman sa kaniyang pagkanaririto: “Makikita nila ang Anak ng tao na dumarating na nasa ulap taglay ang kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian,” at ang pananalita sa Apocalipsis: “Dumarating siya na nasa mga ulap, at makikita siya ng bawat mata.” (Luc 21:27; Mat 24:30; Apo 1:7) Sa mga kaso noong nakaraan, ang mga ulap ay kumatawan sa di-nakikitang presensiya; ngunit maaaring ‘makita’ ng mga tagamasid ang kahulugan nito sa pamamagitan ng kanilang “mga mata” ng kaisipan. Sa kasong ito, dahil sa pisikal na mga pangyayari na nakikita, “makikita” o matatanto ng isa na tumitingin na si Kristo ay presente bagaman di-nakikita.—Tingnan din ang Mat 24; Mar 13; Apo 14:14.
Nang pumarito si Jesus sa lupa, taglay ang lahat ng pagkakakilanlan ng Mesiyas, may-kaimbutang tumanggi ang mga Judio na kilalanin siya sapagkat ipinagpilitan nila na patotohanan niya ang kaniyang pagiging Mesiyas at tuparin niya nang literal ang pangitain sa Daniel 7:13, 14, kung saan ipinakikitang ang Anak ng tao ay dumarating kasama ng mga ulap sa langit patungo sa harap ng Sinauna sa mga Araw, ang Diyos na Jehova, upang tanggapin ang kaniyang kaharian. Naipagkamali nila ang kaniyang pagkanaririto taglay ang kapangyarihan ng Kaharian sa kaniyang unang pagparito. Sinabi niya sa kanila na walang gayong tanda ang ibibigay sa kanila.—Luc 11:29.
Pabor. Mabuti ang ipinangangahulugan ng “mga ulap” para roon sa mga kinalulugdan ng Diyos. Sinasabi ng Kawikaan 16:15 na ang kabutihang-loob ng hari ay “tulad ng ulap ng ulan sa tagsibol.” Ang epekto ng ulap bilang pantakip o kublihan ng isa upang hindi siya makita ay ginagamit upang ilarawan ang pagkilos ni Jehova may kinalaman sa mga kasalanan ng kaniyang bayan, anupat pinapawi ang kanilang mga pagsalansang “na gaya ng sa isang ulap.” (Isa 44:22) Kabaligtaran nito, sa wari ay hinaharangan niya ng isang kaulapan ang paglapit niyaong mga mapaghimagsik, upang ang kanilang panalangin ay hindi makaraan.—Pan 3:44.
Pagiging pansamantala, di-mapananaligan. Ang maninipis na ulap sa umaga na madaling naglalaho ay ginamit sa makasagisag na paraan para sa pabagu-bago at panandaliang maibiging-kabaitan ng Efraim at Juda sa Diyos, gayundin sa pagiging panandalian ng pag-iral ng Efraim dahil sa pagbaling nito sa huwad na pagsamba.—Os 6:4; 13:3.
Ang taong naghahambog na nagbibigay siya, ngunit hindi naman niya iyon ginagawa, ay nakasisira ng loob gaya ng isang ulap na walang ulan. (Kaw 25:14) Ang mga nag-aangking Kristiyano ngunit patuloy namang nagsasagawa ng imoralidad, katiwalian at nagpaparumi sa kongregasyon ay inihalintulad sa mga ulap na walang tubig na ipinapadpad ng hangin, dahil sa kanilang masakim na pagsunod sa makalamang mga pagnanasa.—Jud 12; tingnan ang SINGAW, MANIPIS NA ULAP.