TAMPOK NA PAKSA | SULYAPAN ANG MGA NASA LANGIT
Sulyap sa mga Nasa Langit
Ang Bibliya ay may kawili-wiling mga pangitain na tumutulong sa atin na makita, wika nga, ang di-nakikitang tahanan, ang langit. Bakit hindi mo subukang suriin ang mga ito? Bagaman ang karamihan sa mga pangitain ay makasagisag, matutulungan ka ng mga ito na mailarawan sa isip kung sino ang mga nakatira sa langit. Mauunawaan mo rin kung ano ang epekto nila sa iyong buhay.
SI JEHOVA ANG PINAKADAKILA SA LAHAT
“Isang trono ang nasa kinalalagyan nito sa langit, at may isang nakaupo sa trono. At ang nakaupo, sa kaanyuan, ay tulad ng batong jaspe at ng mahalagang kulay-pulang bato, at sa palibot ng trono ay may isang bahagharing tulad ng esmeralda ang kaanyuan.”—Apocalipsis 4:2, 3.
“Siya ay may ningning sa buong palibot. May isang anyong gaya ng balantok na lumilitaw sa kaulapan kapag araw na may buhos ng ulan. Ganiyan ang anyo ng kaningningan sa palibot. Iyon ang anyo ng wangis ng kaluwalhatian ni Jehova.”—Ezekiel 1:27, 28.
Ang mga pangitaing ito ay ibinigay kay apostol Juan at kay propeta Ezekiel. Inilarawan dito ang karilagan ng Kataas-taasang Diyos na si Jehova sa paraang madali nating mauunawaan—gumamit ng maningning na mga batong hiyas, bahaghari, at maringal na trono. Ipinakita rito na ang kinaroroonan ni Jehova ay napakaganda, kaayaaya, at payapa.
Ang paglalarawang ito ay kaayon ng pananalita ng salmista: “Si Jehova ay dakila at lubhang marapat na purihin. Siya ay kakila-kilabot nang higit sa lahat ng iba pang diyos. Sapagkat ang lahat ng diyos ng mga bayan ay walang-silbing mga diyos; ngunit kung tungkol kay Jehova, ginawa niya ang mismong langit. Ang dangal at ang karilagan ay nasa harap niya; ang lakas at ang kagandahan ay nasa kaniyang santuwaryo.”—Awit 96:4-6.
Si Jehova ang pinakadakila sa lahat, pero inaanyayahan niya tayong lumapit sa kaniya sa panalangin, at tinitiyak niyang pakikinggan niya tayo. (Awit 65:2) Mahal na mahal tayo ng Diyos, kaya naman isinulat ni apostol Juan: “Ang Diyos ay pag-ibig.”—1 Juan 4:8.
SI JESUS AY KASAMA NG DIYOS
“[Ang Kristiyanong alagad na si Esteban], puspos ng banal na espiritu, ay tumitig sa langit at nakita ang kaluwalhatian ng Diyos at si Jesus na nakatayo sa kanan ng Diyos, at sinabi niya: ‘Narito! Namamasdan kong bukás ang langit at ang Anak ng tao na nakatayo sa kanan ng Diyos.’”—Gawa 7:55, 56.
Kamamatay lang ni Jesus nang tanggapin ni Esteban ang pangitaing ito. Pinatay si Jesus udyok ng panunulsol ng mismong mga lider na Judio na kausap ni Esteban. Pinatutunayan ng pangitaing ito na si Jesus ay binuhay-muli at pinarangalan. Ganito ang isinulat ni apostol Pablo: ‘Ibinangon ni Jehova si Jesus mula sa mga patay at pinaupo siya sa kaniyang kanan sa makalangit na mga dako, na lubhang mataas pa sa bawat pamahalaan at awtoridad at kapangyarihan at pagkapanginoon at bawat pangalang ipinangalan, hindi lamang sa sistemang ito ng mga bagay, kundi doon din sa darating.’—Efeso 1:20, 21.
Hindi lang ang paglalarawan sa mataas na posisyon ni Jesus ang mababasa sa Kasulatan. Ipinakikita rin nito na gaya ni Jehova, si Jesus ay talagang nagmamalasakit sa mga tao. Noong panahon ng ministeryo ni Jesus sa lupa, nagpagaling siya ng mga taong may-sakit at may-kapansanan, at bumuhay-muli ng mga patay. Nang ibigay niya ang kaniyang buhay, ipinakita niya ang kaniyang masidhing pag-ibig sa Diyos at sa tao. (Efeso 2:4, 5) Ngayong nakatayo na siya sa kanan ng Diyos, malapit nang gamitin ni Jesus ang kaniyang awtoridad para maglaan ng mga pagpapala sa lahat ng masunuring tao.
MGA ANGHEL NA NAGLILINGKOD SA DIYOS
“Patuloy akong [ang propetang si Daniel] nagmasid hanggang sa may inilagay na mga trono at ang Sinauna sa mga Araw [si Jehova] ay umupo. . . . May isang libong libu-libo na patuloy na naglilingkod sa kaniya, at sampung libong tigsasampung libo na patuloy na nakatayo sa mismong harap niya.”—Daniel 7:9, 10.
Sa pangitaing ito ni Daniel, hindi lang iisang anghel ang nakita niya kundi napakarami. Tiyak na kamangha-mangha iyon! Ang mga anghel ay matatalino at malalakas na espiritung nilalang. Kabilang sa ranggo ng mga anghel ang serapin at kerubin. Binabanggit ng Bibliya ang mga anghel nang mahigit 250 beses.
Ang mga anghel ay hindi mga taong nabuhay sa lupa at pagkatapos ay namatay. Nilalang ng Diyos ang mga anghel bago pa niya lalangin ang mga tao. Nasaksihan ng mga anghel ang paglalang sa lupa, at sumigaw sila ng papuri.—Job 38:4-7.
Ang isang paraan ng paglilingkod ng tapat na mga anghel sa Diyos ay ang pakikibahagi sa pinakamahalagang gawain ngayon dito sa lupa—ang paghahayag ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. (Mateo 24:14) Isiniwalat ito sa pangitaing ibinigay kay apostol Juan, na sumulat: “Nakakita ako ng isa pang anghel na lumilipad sa kalagitnaan ng langit, at mayroon siyang walang-hanggang mabuting balita na ipahahayag bilang masayang pabalita doon sa mga tumatahan sa lupa, at sa bawat bansa at tribo at wika at bayan.” (Apocalipsis 14:6) Hindi na nakikipag-usap sa tao ngayon ang mga anghel di-gaya noong sinaunang panahon, pero inaakay nila ang mga nangangaral ng mabuting balita sa tapat-pusong mga tao.
MILYON-MILYON ANG DINADAYA NI SATANAS
“Sumiklab ang digmaan sa langit: Si Miguel [Jesu-Kristo] at ang kaniyang mga anghel ay nakipagbaka sa dragon, at ang dragon at ang mga anghel nito ay nakipagbaka ngunit hindi ito nanaig, ni may nasumpungan pa mang dako para sa kanila sa langit. Kaya inihagis ang malaking dragon, ang orihinal na serpiyente, ang tinatawag na Diyablo at Satanas, na siyang nagliligaw sa buong tinatahanang lupa; siya ay inihagis sa lupa, at ang kaniyang mga anghel ay inihagis na kasama niya.”—Apocalipsis 12:7-9.
Hindi laging payapa ang langit noon. Sa simula pa lang ng kasaysayan ng tao, hinangad na ng isang anghel na siya ang sambahin kaya nagrebelde siya kay Jehova. Tinawag siyang Satanas na nangangahulugang “Mananalansang.” Nang maglaon, nagrebelde rin ang iba pang mga anghel at tinawag silang mga demonyo. Napakasama nila! Sinalansang nila si Jehova at inilayo nila ang maraming tao sa maibiging patnubay ni Jehova.
Si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay masama at malupit. Kaaway sila ng mga tao at sila ang may kagagawan ng pagdurusa sa lupa. Halimbawa, si Satanas ang pumatay sa mga alagang hayop at mga tagapaglingkod ng tapat na si Job. Sumunod, pinatay niya ang lahat ng sampung anak ni Job sa pamamagitan ng “isang malakas na hangin” na gumiba sa bahay na kinaroroonan nila. Pagkatapos, sinaktan ni Satanas si Job ng “malulubhang bukol mula sa talampakan ng kaniyang paa hanggang sa tuktok ng kaniyang ulo.”—Job 1:7-19; 2:7.
Pero malapit nang puksain si Satanas. Nang ihagis siya sa lupa, alam niyang “mayroon na lamang siyang maikling yugto ng panahon.” (Apocalipsis 12:12) Tiyak na mapupuksa si Satanas. Napakaganda ngang balita!
MGA PINILI MULA SA LUPA
“Bumili ka [si Jesus] ng mga tao para sa Diyos mula sa bawat tribo at wika at bayan at bansa, at ginawa mo silang isang kaharian at mga saserdote sa ating Diyos, at mamamahala sila bilang mga hari sa ibabaw ng lupa.”—Apocalipsis 5:9, 10.
Binuhay-muli si Jesus tungo sa langit, at ganiyan din ang gagawin sa iba. Sinabi ni Jesus sa kaniyang tapat na mga apostol: “Paroroon ako upang maghanda ng dako para sa inyo. Gayundin, . . . ako ay muling darating at tatanggapin ko kayo sa aking sarili, upang kung nasaan ako ay dumoon din kayo.”—Juan 14:2, 3.
May layunin ang pag-akyat ng ilan sa langit. Mamamahala silang kasama ni Jesus sa makalangit na gobyerno. Magiging sakop nila ang buong lupa at maglalaan ng pagpapala sa mga tao. Ito ang Kahariang sinabi ni Jesus na dapat ipanalangin ng kaniyang mga tagasunod: “Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang iyong pangalan. Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.”—Mateo 6:9, 10.
KUNG ANO ANG GAGAWIN NG MGA NASA LANGIT
“Narinig ko [ni apostol Juan] ang isang malakas na tinig mula sa trono na nagsasabi: ‘Narito! Ang tolda ng Diyos ay nasa sangkatauhan, . . . at papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.’”—Apocalipsis 21:3, 4.
Ipinakikita ng pangitaing ito na darating ang panahong wawakasan ng Kaharian ng Diyos, na pinamamahalaan ni Jesus at ng mga binuhay-muli tungo sa langit, ang pamamahala ni Satanas at gagawin nitong paraiso ang lupa. Mawawala na ang pagdurusa, pamimighati, maging ang kamatayan.
Kumusta naman ang bilyon-bilyong namatay na pero hindi bubuhayin tungo sa langit? Sa takdang panahon sa hinaharap, bubuhayin silang muli at magkakaroon ng pag-asang mabuhay nang walang hanggan sa paraiso dito sa lupa.—Lucas 23:43.
Tinitiyak ng mga pangitaing ito na talagang nagmamalasakit sa atin ang Diyos na Jehova at ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, pati na ang tapat na mga anghel at ang mga pinili mula sa lupa. Para sa higit na impormasyon sa kung ano pa ang gagawin nila, makipag-ugnayan sa mga Saksi ni Jehova o magpunta sa aming website na www.jw.org/tl, at i-download ang aklat na Ano Ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?