Lalakad Tayo sa Pangalan ni Jehova na Ating Diyos
“Tayo, sa ganang atin, ay lalakad sa pangalan ni Jehova na ating Diyos hanggang sa panahong walang takda, magpakailan-kailanman.”—MIKAS 4:5.
1. Kung tungkol sa moralidad, ano ang kalagayan noong panahon ni Noe, at paano naiiba si Noe?
ANG unang lalaking binanggit sa Bibliya na lumakad na kasama ng Diyos ay si Enoc. Ang ikalawa ay si Noe. Sinasabi sa atin ng ulat: “Si Noe ay isang lalaking matuwid. Siya ay walang pagkukulang sa gitna ng kaniyang mga kapanahon. Si Noe ay lumakad na kasama ng tunay na Diyos.” (Genesis 6:9) Noong panahon ni Noe, ang sangkatauhan sa pangkalahatan ay lumihis na sa dalisay na pagsamba. Ang masamang kalagayan ay lalo pang pinasamâ ng di-tapat na mga anghel na nagsagawa ng di-likas na pakikipagtalik sa mga babae at nagkaroon ng mga supling na tinatawag na Nefilim, “ang mga makapangyarihan,” o “ang mga lalaking bantog,” ng panahong iyon. Hindi nga kataka-takang mapunô ng karahasan ang lupa! (Genesis 6:2, 4, 11) Gayunman, pinatunayan ni Noe na siya’y walang-pagkukulang at “mangangaral ng katuwiran.” (2 Pedro 2:5) Nang utusan siya ng Diyos na gumawa ng arka ukol sa pagliligtas ng buhay, masunuring “ginawa ni Noe ang ayon sa lahat ng iniutos ng Diyos sa kaniya. Gayung-gayon ang ginawa niya.” (Genesis 6:22) Tunay ngang lumakad si Noe na kasama ng Diyos.
2, 3. Anong mainam na halimbawa para sa atin sa ngayon ang ipinakita ni Noe?
2 Isinama ni Pablo si Noe sa kaniyang talaan ng tapat na mga saksi nang isulat niya: “Sa pananampalataya si Noe, pagkatapos mabigyan ng babala mula sa Diyos tungkol sa mga bagay na hindi pa nakikita, ay nagpakita ng makadiyos na takot at nagtayo ng arka ukol sa pagliligtas ng kaniyang sambahayan; at sa pamamagitan ng pananampalatayang ito ay hinatulan niya ang sanlibutan, at siya ay naging tagapagmana ng katuwiran na ayon sa pananampalataya.” (Hebreo 11:7) Napakagandang halimbawa! Palibhasa’y nakatitiyak na magkakatotoo ang mga salita ni Jehova, gumugol si Noe ng panahon, lakas, at salapi upang matupad ang mga utos ng Diyos. Sa katulad na paraan, marami sa ngayon ang tumatanggi sa sekular na mga oportunidad sa sanlibutang ito at gumagamit ng kanilang panahon, lakas, at salapi sa pagsunod sa mga utos ni Jehova. Kapansin-pansin ang kanilang pananampalataya at magbubunga ito ng kanilang sariling kaligtasan at niyaong sa iba.—Lucas 16:9; 1 Timoteo 4:16.
3 Malamang na nahirapan din si Noe at ang kaniyang pamilya sa pagsasagawa ng pananampalataya na gaya ni Enoc, ang lolo sa tuhod ni Noe na tinalakay sa naunang artikulo. Noong panahon ni Noe, gaya rin ng panahon ni Enoc, kakaunti lamang ang tunay na mga mananamba—walong tao lamang ang napatunayang tapat at nakaligtas sa Baha. Ipinangaral ni Noe ang katuwiran sa isang marahas at imoral na sanlibutan. Bukod diyan, silang mag-anak ay gumagawa noon ng isang napakalaking arkang yari sa kahoy bilang paghahanda sa pandaigdig na baha, bagaman wala pang sinumang nakakita ng gayong baha. Tiyak na takang-taka ang mga taong nagmamasid sa kanila.
4. Anong pagkakamali ng mga kapanahon ni Noe ang itinawag-pansin ni Jesus?
4 Kapansin-pansin, nang tukuyin ni Jesus ang panahon ni Noe, hindi niya binanggit ang tungkol sa karahasan, huwad na relihiyon, o imoralidad—na talaga namang laganap noon. Ang pagkakamaling itinawag-pansin ni Jesus ay ang pagtanggi ng mga tao na pakinggan ang babalang ibinibigay noon. Sinabi niya na ang mga ito’y “kumakain at umiinom, ang mga lalaki ay nag-aasawa at ang mga babae ay ibinibigay sa pag-aasawa, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa arka.” Pagkain, pag-inom, pag-aasawa, pagbibigay sa pag-aasawa—ano naman ang masama rito? Namumuhay lamang naman sila nang “normal”! Subalit may darating na baha noon, at ipinangangaral ni Noe ang katuwiran. Dapat sana’y naging babala sa kanila ang kaniyang mga salita at paggawi. Gayunman, “hindi sila nagbigay-pansin hanggang sa dumating ang baha at tinangay silang lahat.”—Mateo 24:38, 39.
5. Anu-anong katangian ang kinailangan ni Noe at ng kaniyang pamilya?
5 Kung babalikan natin ang panahong iyon, makikita natin ang karunungan sa landasin ni Noe. Gayunman, noong panahon bago ang Baha, kinailangan ang lakas ng loob para mapaiba sa lahat. Kinailangan ni Noe at ng kaniyang pamilya ang matibay na pananalig para magawa ang napakalaking arka at mapunô ito ng iba’t ibang kinatawan ng mga uri ng hayop. May mga pagkakataon kaya na ninais ng ilan sa kakaunting tapat na mga taong ito na sana ay hindi sila gaanong maging kapansin-pansin at mamuhay na lamang nang “normal”? Kung sumagi man ito sa kanilang isip, hindi pa rin humina ang kanilang integridad. Pagkatapos ng napakaraming taon—mas mahaba kaysa sa kailangang batahin ng sinuman sa atin sa sistemang ito ng mga bagay—ang pananampalataya ni Noe ay umakay sa kaniyang pagkaligtas sa Baha. Gayunman, inilapat ni Jehova ang kahatulan sa lahat ng namumuhay nang “normal” at hindi nagbibigay-pansin sa kahulugan ng panahong kinabubuhayan nila.
Sinalot na Naman ng Karahasan ang Sangkatauhan
6. Pagkatapos ng Baha, anong kalagayan ang patuloy na umiral?
6 Nang humupa na ang Baha, nagkaroon ng panibagong pasimula ang sangkatauhan. Subalit hindi pa rin sakdal ang mga tao, at patuloy pa rin na “ang hilig ng puso ng tao ay masama magmula sa kaniyang pagkabata.” (Genesis 8:21) Bukod diyan, bagaman hindi na puwedeng magkatawang-tao ang mga demonyo, napakaaktibo pa rin ng mga ito. Nakita agad na ang sanlibutan ng di-makadiyos na sangkatauhan ay “nasa kapangyarihan ng isa na balakyot,” at tulad sa ngayon, kailangang paglabanan ng tunay na mga mananamba ang “mga pakana ng Diyablo.”—1 Juan 5:19; Efeso 6:11, 12.
7. Paano lumubha nang lumubha ang karahasan sa sanlibutan pagkatapos ng Baha?
7 Masasabi na mula noong panahon ni Nimrod, napuno na naman ang lupa ng karahasan ng tao pagkatapos ng Baha. Dahil sa patuloy na paglaki ng populasyon at pagsulong ng teknolohiya, lumubha nang lumubha ang karahasang iyan sa paglipas ng panahon. Noong sinaunang mga taon, ang gamit ay mga tabak, sibat, busog at palaso, at mga karo. Nang sumunod na mga panahon, ang gamit ay mga eskopeta at kanyon, pagkatapos ay mga riple at sopistikadong artilyeriya sa pagsisimula ng ika-20 siglo. Nitong Digmaang Pandaigdig I, sinimulan namang gamitin ang mas nakasisindak na mga sandata, gaya ng mga eroplano, tangke, submarino, at nakalalasong gas. Sa digmaang iyon, milyun-milyong buhay ang kinitil ng mga sandatang ito. Dapat pa bang pagtakhan ito? Hindi na.
8. Paano natutupad ang Apocalipsis 6:1-4?
8 Noong taóng 1914, iniluklok si Jesus bilang Hari ng makalangit na Kaharian ng Diyos, at nagsimula na ang “araw ng Panginoon.” (Apocalipsis 1:10) Sa pangitaing iniulat sa aklat ng Apocalipsis, makikita si Jesus bilang Hari na humahayong nananaig habang nakasakay sa kabayong puti. Kasunod niya ang iba pang mga mangangabayo, na bawat isa’y kumakatawan sa iba’t ibang salot sa sangkatauhan. Ang isa sa kanila ay nakasakay sa kabayong kulay-apoy, at siya’y “pinagkaloobang mag-alis ng kapayapaan mula sa lupa upang magpatayan sila sa isa’t isa; at isang malaking tabak ang ibinigay sa kaniya.” (Apocalipsis 6:1-4) Ang kabayong ito at ang nakasakay rito ay lumalarawan sa pakikidigma, at ang malaking tabak ay lumalarawan naman sa walang-katulad na pagpuksa ng modernong pakikidigma sa pamamagitan ng malalakas na sandata nito. Kabilang sa mga sandatang ito sa ngayon ang mga kagamitang nuklear, na bawat isa’y may kakayahang pumatay ng sampu-sampung libo katao; mga raket na nakapagdadala ng mga kagamitang iyon tungo sa mga target na libu-libong kilometro ang layo; at ang sopistikadong kemikal at biyolohikal na mga sandata para sa maramihang pagpuksa.
Nagbibigay-Pansin Tayo sa mga Babala ni Jehova
9. Paano maihahalintulad ang sanlibutan sa ngayon sa sanlibutan noon bago ang Baha?
9 Noong panahon ni Noe, pinuksa ni Jehova ang sangkatauhan dahil sa sobrang karahasan ng balakyot na mga tao na sinusulsulan ng mga Nefilim. Kumusta naman sa ngayon? Nabawasan ba ang karahasan sa lupa? Hinding-hindi! Bukod diyan, tulad noong panahon ni Noe, ang mga tao ay abala sa kanilang mga gawain, nagsisikap mamuhay nang “normal,” anupat hindi nakikinig sa mga babalang ibinibigay. (Lucas 17:26, 27) Kung gayon, may dahilan pa ba para mag-alinlangan na pupuksain uli ni Jehova ang sangkatauhan? Wala na.
10. (a) Anong babala ang paulit-ulit na ibinibigay ayon sa hula ng Bibliya? (b) Ano ang tanging matalinong landasin sa ngayon?
10 Daan-daang taon bago ang Baha, inihula ni Enoc ang pagpuksang magaganap sa ating panahon. (Judas 14, 15) Binanggit din ni Jesus ang tungkol sa dumarating na “malaking kapighatian.” (Mateo 24:21) Nagbabala ang ibang mga propeta tungkol sa panahong iyon. (Ezekiel 38:18-23; Daniel 12:1; Joel 2:31, 32) At sa aklat ng Apocalipsis, mababasa natin ang napakaliwanag na paglalarawan ng pangwakas na pagpuksang iyon. (Apocalipsis 19:11-21) Bilang mga indibiduwal, tinutularan natin si Noe at aktibo tayo bilang mga mángangarál ng katuwiran. Binibigyang-pansin natin ang mga babala ni Jehova at maibigin tayong tumutulong sa ating kapuwa na gayundin ang gawin. Samakatuwid, lumalakad tayo na kasama ng Diyos gaya ni Noe. Sa katunayan, napakahalaga para sa sinumang naghahangad ng buhay na patuloy na lumakad na kasama ng Diyos. Paano kaya natin iyan magagawa sa kabila ng mga panggigipit na kinakaharap natin sa araw-araw? Kailangan nating linangin ang matibay na pananampalataya sa pagsasagawa ng layunin ng Diyos.—Hebreo 11:6.
Patuloy na Lumakad na Kasama ng Diyos sa Maligalig na Panahon
11. Paano natin tinutularan ang unang-siglong mga Kristiyano?
11 Noong unang siglo, ang mga pinahirang Kristiyano ay binanggit na kabilang sa “Daan.” (Gawa 9:2) Ang buong landasin ng kanilang buhay ay nakasentro sa pananampalataya kay Jehova at kay Jesu-Kristo. Lumakad sila sa landasing tinahak ng kanilang Panginoon. Sa ngayon, gayundin ang ginagawa ng tapat na mga Kristiyano.
12. Ano ang nangyari matapos na makahimalang pakanin ni Jesus ang isang pulutong?
12 Nakita ang kahalagahan ng pananampalataya sa isang pangyayaring naganap noong panahon ng ministeryo ni Jesus. Minsan, makahimalang pinakain ni Jesus ang isang pulutong na binubuo ng mga 5,000 lalaki. Namangha at natuwa ang mga tao. Subalit pansinin ang sumunod na pangyayari. Mababasa natin: “Nang makita ng mga tao ang mga tanda na kaniyang ginawa ay nagsimula silang magsabi: ‘Ito ngang talaga ang propeta na darating sa sanlibutan.’ Kaya nga si Jesus, sa pagkaalam na papalapit na sila at aagawin siya upang gawin siyang hari, ay muling umalis na nag-iisa patungo sa bundok.” (Juan 6:10-15) Nang gabing iyon, naglakbay siya patungo sa ibang lugar. Malamang na hindi nagustuhan ng marami ang pagtanggi ni Jesus na gawin siyang hari. Tutal, naipakita na niyang may sapat siyang karunungan upang maging hari at na taglay niya ang kapangyarihang masapatan ang pisikal na mga pangangailangan ng mga tao. Gayunman, hindi pa iyon ang panahong itinakda ni Jehova para mamahala si Jesus bilang Hari. Bukod diyan, ang Kaharian ni Jesus ay sa langit, hindi sa lupa.
13, 14. Anong pangmalas ang nahalata sa marami, at paano nasubok ang kanilang pananampalataya?
13 Gayunpaman, nagpasiya ang mga pulutong na sundan si Jesus at nasumpungan siya, gaya ng sinabi ni Juan, “sa kabilang ibayo ng dagat.” Bakit pa kaya nila siya sinundan matapos niyang iwasan ang kanilang pagsisikap na gawin siyang hari? Nahalata sa marami ang makalamang pangmalas, anupat tuwirang tinukoy ang materyal na mga paglalaang ibinigay ni Jehova sa iláng noong panahon ni Moises. Ipinahihiwatig nila na dapat ituloy ni Jesus ang pagbibigay sa kanila ng materyal na mga paglalaan. Palibhasa’y nahalata ni Jesus ang kanilang maling motibo, sinimulan niyang turuan sila ng espirituwal na mga katotohanan na makatutulong upang mabago ang kanilang pag-iisip. (Juan 6:17, 24, 25, 30, 31, 35-40) Bilang tugon, nagbulung-bulungan ang ilan laban sa kaniya, lalo na nang sabihin niya ang ilustrasyong ito: “Katotohanang-katotohanang sinasabi ko sa inyo, Malibang kainin ninyo ang laman ng Anak ng tao at inumin ang kaniyang dugo, wala kayong buhay sa inyong sarili. Siya na kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan, at bubuhayin ko siyang muli sa huling araw.”—Juan 6:53, 54.
14 Madalas na napakikilos ng mga ilustrasyon ni Jesus ang mga tao na ipakita kung talagang nais nilang lumakad na kasama ng Diyos. Gayundin ang nagawa ng ilustrasyong ito. Pumukaw ito ng matitinding reaksiyon. Mababasa natin: “Marami sa kaniyang mga alagad, nang marinig nila ito, ang nagsabi: ‘Ang pananalitang ito ay nakapangingilabot; sino ang makapakikinig nito?’ ” Nagpatuloy si Jesus sa pagpapaliwanag na dapat nilang alamin ang espirituwal na kahulugan ng kaniyang mga salita. Ang sabi niya: “Ang espiritu ang siyang nagbibigay-buhay; ang laman ay walang anumang kabuluhan. Ang mga pananalitang sinalita ko sa inyo ay espiritu at buhay.” Subalit marami pa rin ang ayaw makinig at ganito ang ulat ng salaysay: “Dahil dito ay marami sa kaniyang mga alagad ang bumalik sa mga bagay na nasa likuran at hindi na lumakad na kasama niya.”—Juan 6:60, 63, 66.
15. Anong tamang pangmalas ang taglay ng ilan sa mga tagasunod ni Jesus?
15 Gayunpaman, hindi lahat ng alagad ni Jesus ay ganoon ang reaksiyon. Oo nga’t hindi lubos na naunawaan ng matapat na mga alagad ang sinabi ni Jesus. Gayunman, buong-buo pa rin ang kanilang pagtitiwala sa kaniya. Inihayag ni Pedro, isa sa matapat na mga alagad na iyon, ang damdamin ng lahat ng naiwan nang sabihin niya: “Panginoon, kanino kami paroroon? Ikaw ang may mga pananalita ng buhay na walang hanggan.” (Juan 6:68) Napakagandang saloobin, at napakainam na halimbawa!
16. Paano tayo maaaring masubok, at anong angkop na pangmalas ang dapat nating linangin?
16 Maaari rin tayong masubok sa ngayon gaya ng sinaunang mga alagad na iyon. Sa ating kaso, baka nakadarama tayo ng pagkabigo dahil hindi natutupad ang mga pangako ni Jehova na kasimbilis ng gusto mismo nating mangyari. Baka madama natin na mahirap unawain ang mga paliwanag sa Kasulatan na nasa ating mga publikasyong salig sa Bibliya. Baka hindi natin nagugustuhan ang paggawi ng isang kapuwa Kristiyano. Tama kayang huminto na tayo sa paglakad na kasama ng Diyos dahil sa mga ito o sa katulad na mga kadahilanan? Siyempre hindi! Ipinakita ng mga alagad na umiwan kay Jesus na makalaman ang paraan ng kanilang pag-iisip. Huwag natin itong tularan.
‘Hindi Tayo ang Uri na Umuurong’
17. Paano tayo matutulungang patuloy na lumakad na kasama ng Diyos?
17 Sumulat si apostol Pablo: “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos.” (2 Timoteo 3:16) Mula sa mga pahina ng Bibliya, maliwanag na sinasabi sa atin ni Jehova: “Ito ang daan. Lakaran ninyo ito.” (Isaias 30:21) Ang pagsunod sa Salita ng Diyos ay tumutulong sa atin na ‘manatiling mahigpit na nagbabantay sa ating paglakad.’ (Efeso 5:15) Ang pag-aaral ng Bibliya at pagbubulay-bulay sa mga natututuhan natin ay tumutulong sa atin na ‘patuloy na lumakad sa katotohanan.’ (3 Juan 3) Oo, gaya nga ng sabi ni Jesus, “ang espiritu ang . . . nagbibigay-buhay; ang laman ay walang anumang kabuluhan.” Ang tanging maaasahang patnubay na dapat umakay sa ating mga hakbang ay ang espirituwal na patnubay, na nagmumula sa Salita ni Jehova, sa kaniyang espiritu, at sa kaniyang organisasyon.
18. (a) Ano ang maling ginagawa ng ilan? (b) Anong uri ng pananampalataya ang ating nililinang?
18 Sa ngayon, yaong mga hindi kontento dahil sa makalamang pag-iisip o di-natupad na mga inaasam ay karaniwan nang bumabaling na lamang sa lubusang pagsasamantala sa anumang bagay na maiaalok ng sanlibutan. Palibhasa’y wala nang nadaramang pagkaapurahan, hindi na nila nakikita ang pangangailangang ‘patuloy na magbantay,’ at minabuti pa nilang itaguyod ang makasariling mga tunguhin sa halip na unahin ang kapakanan ng Kaharian. (Mateo 24:42) Maling-mali ang paglakad sa ganitong daan. Pansinin ang mga salita ni apostol Pablo: “Hindi nga tayo ang uri na umuurong sa ikapupuksa, kundi ang uri na may pananampalataya upang maingatang buháy ang kaluluwa.” (Hebreo 10:39) Gaya nina Enoc at Noe, tayo ay nabubuhay sa maligalig na panahon, subalit gaya nila, may pribilehiyo tayong lumakad na kasama ng Diyos. Sa paggawa nito, taglay natin ang katiyakan na makikita natin ang katuparan ng mga pangako ni Jehova, ang pagpuksa sa mga balakyot, at ang pagtatatag ng matuwid na bagong sanlibutan. Isa ngang kamangha-manghang pag-asa!
19. Paano inilalarawan ni Mikas ang landasin ng tunay na mga mananamba?
19 Sinabi ng kinasihang propetang si Mikas na ang mga bansa ng sanlibutan ay “lalakad bawat isa sa pangalan ng kaniyang diyos.” Pagkatapos ay tinukoy niya ang kaniyang sarili at ang ibang tapat na mga mananamba at sinabi: “Tayo, sa ganang atin, ay lalakad sa pangalan ni Jehova na ating Diyos hanggang sa panahong walang takda, magpakailan-kailanman.” (Mikas 4:5) Kung ang determinasyon mo ay katulad ng kay Mikas, manatili kang malapít kay Jehova gaanuman kaligalig ang maging kalagayan ng panahon. (Santiago 4:8) Taimtim sanang hangarin ng bawat isa sa atin na lumakad na kasama ni Jehova na ating Diyos ngayon at sa panahong walang takda, magpakailan-kailanman!
Paano Mo Sasagutin?
• Anu-ano ang mga pagkakatulad ng panahon ni Noe at ng panahon sa ngayon?
• Anong landasin ang tinahak ni Noe at ng kaniyang pamilya, at paano natin matutularan ang kanilang pananampalataya?
• Anong maling pangmalas ang nahalata sa ilan sa mga tagasunod ni Jesus?
• Ano ang determinadong gawin ng tunay na mga Kristiyano?
[Mga larawan sa pahina 20]
Gaya noong panahon ni Noe, ang mga tao sa ngayon ay abala sa kanilang pang-araw-araw na gawain
[Larawan sa pahina 21]
Bilang mga tagapangaral ng Kaharian, “hindi nga tayo ang uri na umuurong”