Paglutas sa Hiwaga ng mga Mangangabayo
SINO ang makalulutas sa hiwaga ng mga mangangabayo ng Apocalipsis? Sa Bibliya, sa Daniel 2:47, ang Diyos na Jehova ay tinatawag na “isang Tagapaghayag ng mga lihim.” Yamang siya ang kumasi ng Bibliya, kasali na ang pangitain tungkol sa mga mangangabayo, siya ang makapagbibigay ng sagot na kailangan natin. Samakatuwid, sa pamamagitan ng pagsasaliksik sa kaniyang isiniwalat na Salita para sa pagkakaroon ng impormasyon, ating natutuklasan ang kahulugan ng may iba’t ibang kulay na mga kabayo at ng mga mangangabayo.—Amos 3:7; 2 Timoteo 3:16; 2 Pedro 1:21.
Ang tatlong pambungad na mga talata ng Apocalipsis 1:1-3, o the Apocalypse, ay nagbibigay ng pinakasusi upang matulungan tayo na matuklasan ang hiwaga. Ipinakikita na ang sunud-sunod na mga pangitain ay may kinalaman sa panghinaharap na mga pangyayari, samakatuwid nga, pagkatapos ng taóng 96 C.E. nang masaksihan ni apostol Juan ang lahat ng mga bagay na ito at kaniyang isulat. Ito’y kasuwato ng kaniyang pangungusap sa Apocalipsis 1:10 na ang mga bagay na nakita sa mga pangitaing ito ay magaganap pagkatapos lamang na magsimula “ang araw ng Panginoon.”—Ihambing ang 1 Corinto 1:8; 5:5.
Samantalang isinasaisip ito, ating susuriin ang mga kabayo at ang kani-kanilang mga mangangabayo. Sa pasimulang-pasimula, mahalaga na magkaroon ng tamang pagkaunawa sa maputing kabayo at sa mangangabayo nito. Pagkatapos ay mauunawaan na ang kahulugan ng mga ibang mangangabayo.
Pagsusuri sa mga Interpretasyon
Sa naunang artikulo, napansin natin na ang isang interpretasyon sa maputing kabayo at sa mangangabayo nito ay na sila’y kumakatawan sa ‘tagumpay ng ebanghelyo o dili kaya’y sa imperialismo.’ Subalit ang daigdig ay hindi pa nakukumberte sa ebanghelyo (mabuting balita) tungkol kay Kristo at sa mga layunin ng Diyos may kaugnayan sa kaniya. At, tiyak, ang imperialismo ay hindi naman nagtatagumpay pa. Bagkus, ito’y gumuguho, nagkakawatak-watak, sa siglong ito.
Kumusta naman ang interpretasyon na ang maputing kabayo ay kumakatawan sa tagumpay ng ebanghelyo at sa kadalisayan ng pananampalataya noong unang siglo? Ipinagwawalang-bahala nito ang katotohanan na ang pangitain ay tungkol sa mga bagay na mangyayari sa hinaharap. At yamang isinulat ni Juan ang pangitain nang siya’y isang bilanggo na itinapon sa isla ng Patmos noong taóng 96 ng ating Common Era, hindi mangyayaring kumakatawan ito sa anumang bagay na may kinalaman sa unang siglo.
Ang isa pang paliwanag ay na ang maputing kabayo’y nagpapakilala ng kapakanan imbis na ng pagkapersona ni Kristo at na ang kaniyang Kaharian ‘ay nasa gitna’ natin, alalaong baga, nasa ating mga puso. Subalit ang kapakanan ni Jesu-Kristo at ng Kristiyanismo ay hindi nagsimula sa isang panahon sa hinaharap pa kung may kaugnayan sa pagsulat ng Apocalipsis. Bagkus, ang kapakanang ito ay pinatutunayan na ng malaking ebidensiya sa gitna ng unang siglong mga Kristiyano bago sumulat si Juan.
Gayundin, nang sabihin ni Jesus na “ang kaharian ng Diyos ay nasa gitna ninyo,” siya’y nakikipag-usap noon sa mapagpaimbabaw na mga relihiyosong Fariseo bilang sagot sa isang tanong na kanilang ibinangon. Si Jesus ay hindi nakikipag-usap noon sa kaniyang tapat na mga tagasunod at sinasabi sa kanila na ang Kaharian ay isang bagay na ‘nasa gitna nila’ sa diwa na ito’y nasa kanilang mga puso. Sa halip, kaniyang sinasabi sa walang sampalatayang mga Fariseo na siya, si Jesus, bilang kinatawan ng darating pang Kaharian ng Diyos, ay presente o naroon sa gitna nila noong okasyong iyon.—Lucas 17:21; tingnan din ang The Jerusalem Bible at The New English Bible.
Kumusta naman ang paniwala na ang nakasakay sa maputing kabayo ay ang Antikristo? Saanman ay walang sinasabi ang Bibliya na gagawa ng gayong mga pagkilos ang Antikristo na anupa’t masasabi tungkol sa kaniya na “siya’y humayo na nagtatagumpay at upang lubusin ang kaniyang tagumpay,” gaya ng sinabi tungkol sa nakasakay sa maputing kabayo. (Apocalipsis 6:2) Maliwanag nga na sinuman ang nakaupo sa maputing kabayo ay sasakay at lubusang magtatagumpay. Hindi mabibigo ang kaniyang pagtatagumpay. Lahat ng kaniyang mga kaaway ay lilipulin.
Tumutulong sa Pagkakilala ang mga Pahiwatig ng Bibliya
Tiyakang ipinakikilala ang nakasakay sa maputing kabayo ng “Tagapaghayag ng mga lihim” sa may dakong huli ng nasabing sunud-sunod na mga pangitain. Sa Apocalipsis 19:11-16, makikita na naman ang isang maputing kabayo, ngayon naman ay malinaw na ipinakikilala ang nakasakay roon.
Ang bagay na isang maputing kabayo ang nakikitang makalawa sa makahulang mga pangitaing ito ay nagpapakita na ito rin ang binanggit na kabayo at na inilalarawan ang iba’t ibang tungkulin o mga gawain ng mangangabayo. Sa nahuhuling tanawin, ang mangangabayo ay ipinakilala sa pangalan. Siya ay tinatawag na “Tapat at Totoo,” “Ang Salita ng Diyos,” ang “Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon.”
Ang mga titulong iyan ay tumitiyak sa atin ng kung sino ang nakasakay sa maputing kabayo. Iyon ay walang iba kundi ang Panginoong Jesu-Kristo mismo! (Ihambing ang Apocalipsis 17:14.) Subalit sa anong panahon ng kaniyang buhay iyon? Iyon ay kailangang mangyari pagkatapos ng wakas ng unang siglo, nang ibigay ang pangitain ng Apocalipsis. Pansinin din na ngayon isang koronang-hari ang ibinigay sa kaniya. Kaya’t sa isang panghinaharap na panahon si Jesu-Kristo ay magsisimula ng isang natatanging tungkulin bilang Hari, o Tagapamahala. At sa ganiyang tungkulin, siya’y inilalarawan din naman bilang isang mandirigma na may taglay na isang busog, upang mangabayo na “nagtatagumpay at upang lubusin ang kaniyang tagumpay.”
At nagpapakita rin na sa hinaharap pa magaganap ang bagay na ito ay nang ibigay ang pangitain sa Apocalipsis, mahigit nang 60 taon ang lumipas sapol nang matapos ni Jesus ang kaniyang buhay sa lupa, pagkatapos ay binuhay siyang muli sa mga patay, at umakyat sa langit. Nang siya’y bumalik sa langit, si Jesus ay pinagsabihan na maghintay sa kanan ng Diyos hanggang sa hinaharap na panahon na ang kaniyang mga kaaway ay gagawing “tungtungan para sa kaniyang mga paa.”—Hebreo 10:12, 13.
Nagsisimula ang Pagsakay
Samakatuwid ang pagsakay sa maputing kabayo ay magsisimula sa isang panahong panghinaharap pa pagka si Jesu-Kristo ay iluluklok bilang ang makalangit na Hari ng Kaharian ng Diyos. Sa panahong iyon siya’y payayaunin ng Diyos taglay ang utos: “Manupil ka sa gitna ng iyong mga kaaway.” (Awit 110:2) Subalit kailan nagaganap ito?
Ang pagluluklok kay Jesu-Kristo bilang makalangit na Hari ay inilalarawan sa Awit 45:3-7. At sa Hebreo 1:8, 9 si apostol Pablo ay sumisipi buhat sa Awit na ito at ikinakapit ang mga talatang 6 at 7 sa Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo. Detalyadong impormasyon at mga patotoo buhat sa Kasulatan ang inilathala ng mga Saksi ni Jehova at nagpapakita na ang pagluluklok kay Jesu-Kristo sa langit ay naganap nang matapos ang mga Panahong Gentil, “ang itinakdang mga panahon sa mga bansa,” noong taóng 1914.—Lucas 21:24.a
Samakatuwid, ang anumang interpretasyon na ang pagsakay ng mga mangangabayo ay itinatakda nang mas maaga pa kaysa taóng 1914 ay hindi magiging tama. Gayundin, yamang ang nakasakay sa maputing kabayo ang nangunguna, ang mga ibang kabayo at mga mangangabayo na nakasunod ay sasagisag sa mga pangyayari na magaganap kasabay, o pagkatapos, na magsimula ang kaniyang pagsakay. Ang pagsakay ng apat na mga mangangabayong ito, samakatuwid, ay nagaganap mula at pagkatapos ng pasimula ng “panahon ng kawakasan” noong 1914. Sapol na noon ay kitang-kita ang ebidensiya ng “mga huling araw.”—Daniel 12:4; 2 Timoteo 3:1-5, 13.
Ang mga Ibang Kabayo at mga Mangangabayo
Ang ikalawang kabayo ay “matingkad na pula,” o “nag-aapoy na pula.” (Apocalipsis 6:3, 4, An American Translation) Ang nakasakay rito ay binigyan ng isang malaking tabak “upang mag-alis ng kapayapaan sa lupa at sila’y magpatayan sa isa’t isa.” Siya’y binigyan ng “isang malaking tabak.” Ito’y napatunayang totoo nang masaksihan noong 1914 ang pasimula ng pinakamalubhang digmaan sa buong kasaysayan ng tao, ang unang pangglobong digmaan. Noon ay tinatawag ito na ang Dakilang Digmaan. Makalipas ang 21 mga taon nagsimula naman ang Digmaang Pandaigdig II, at lalong malaking kapinsalaan ang dulot nito kaysa Digmaang Pandaigdig I. Sapol na noon ay nagkaroon ng palagiang mga digmaan. Lahat-lahat, sapol noong 1914, ang mga digmaan ay sumawi ng isang daang milyong buhay.
Ang ikatlong kabayo ay kulay itim, at ang nakasakay rito ay may dalang timbangan sa kaniyang kamay. (Apocalipsis 6:5, 6) Isang tinig ang nagsasabi na kakailanganin ang kita sa buong maghapon upang makabili lamang ng isang takal (1.1 L) ng trigo o tatlong takal ng sebada na mas mura ang halaga. Ang angkop na paglalarawang ito ay tungkol sa mga kakapusan sa pagkain na higit na malawak kaysa kailanman. Ito’y napatunayang totoo sapol noong 1914. Sa simula pa lamang ng Digmaang Pandaigdig I, tumaas na ang halaga ng pagkain. Angaw-angaw ang namatay dahil sa gutom. Sapol noon, ang mga kakapusan sa pagkain ay nagpatuloy nang walang lubay. Tinataya na ngayon ay mga 450 milyon na mga tao ang nagugutom, at umaabot hanggang sa isang bilyon ang walang sapat na makain. Sa pana-panahon ang malungkot na larawan ay idiniriin ng mga taggutom at labis-labis na dami ng mga nasasawi ayon sa balitang nanggagaling sa Ethiopia noong nakalipas na mga taon.
Tungkol naman sa ikaapat na kabayo, mapapansin natin na ito ay “maputla,” anyong masasakitin. Ang pangalan ng mangangabayo ay “Kamatayan.” (Apocalipsis 6:7, 8) Angkop na sumasagisag ito sa napakaraming namamatay sapol noong 1914 gawa ng di-likas na mga sanhi, tulad halimbawa ng mga kakapusan sa pagkain at mga taggutom, digmaan at karahasan, salot at mga sakit. Ang trangkaso Espanyol na lumaganap sa buong daigdig nang matapos ang Digmaang Pandaigdig I ay pumatay ng mahigit na 20 milyong katao. Ngayon ang sakit sa puso, kanser, at marami pang ibang mga sakit ay naghahatid sa angaw-angaw ng di napapanahong kamatayan.
Ang mga pangyayaring isinasagisag ng mga kabayong ito at mga mangangabayo ay makikita rin sa isang nahahawig na hula na ibinigay ni Jesus tungkol sa panahon natin. Sinabi niya na sa “katapusan ng sistema ng mga bagay,” na siyang kinaroroonan natin ngayon, magkakaroon ng pangglobong digmaan sapagkat “ang bansa ay titindig laban sa bansa at ang kaharian laban sa kaharian.” Kaniyang inihula “ang paglago ng katampalasanan” at “sa iba’t ibang dako ay magkakaroon ng mga salot at kakapusan sa pagkain.”—Mateo 24:3-12; Lucas 21:10, 11.
Mayroon Bang Ikalimang Kabayo?
Sa Apocalipsis 6:8 ay mababasa: “At tumingin ako, at narito! isang kabayong maputla; at yaong nakasakay rito ay may pangalan na Kamatayan. At kabuntot niya ang Hades.” Dahilan dito, ang iba’y nagsasabi na yamang ang unang apat na mga binanggit na karakter ay nangakasakay sa mga kabayo, hindi baga ang ikalima ay sasakay rin sa isang kabayo?
Hindi sinasabi iyan ng Bibliya. Sa tekstong Griego ang salita para sa “kabayo” ay hindi makikita sa Apocalipsis 6:8 may kaugnayan sa Hades. Sa gayon, sa karamihan ng mga salin ng Bibliya ay hindi makikita ang salitang “kabayo” may kaugnayan sa ikalimang karakter na ito. Samakatuwid ay sapat nang sabihin na ang Hades, na salitang Griego para sa karaniwang libingan ng sangkatauhan, ay kasunod ng naunang tatlong mga kabayo at mga mangangabayo, na nagtitipon sa lahat ng kanilang mga biktima.
Paano ba Kayo Apektado ng Pangitain?
Na ikaw ay nabubuhay sa panahon na natutupad ang madulang pangitaing ito ng pagsakay ng apat na mangangabayo ng Apocalipsis ay tunay na isang pambihirang karanasan. Subalit isa rin namang panahon ito na kailangan ang matamang pag-iisip, na kailangang suriin ang sarili. Bakit nga gayon? Sapagkat bawat tao sa lupa ay apektado ng simbolikong pagsakay na ito. Oo, kayo at ang inyong mga mahal sa buhay ay pawang kasangkot. Papaano?
Ang tanong na ito ay nagbabangon ng isang mahalagang pitak ng bagay na iyan na sasagutin sa susunod na labas ng Ang Bantayan: “Kung Paanong Apektado Ka ng Kanilang Pagsakay.” Huwag ninyong kaligtaan ang kapana-panabik na kasagutan.
[Talababa]
a Tingnan ang Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa, pahina 134-41, lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Larawan sa pahina 5]
1914—Ang “Hari ng mga hari” ay nagpapakaskas sakay ng kaniyang maputing kabayo
[Larawan sa pahina 7]
Sapol noong 1914, ang Hades ay nagkaroon ng kalagim-lagim na pag-aani pagkatapos na makaraan ang mga mangangabayo ng Digmaan, Taggutom, at Salot