DENARIO
Isang Romanong baryang pilak na tumitimbang nang mga 3.85 g (0.124 onsa t) na sa ngayon ay nagkakahalaga ng 74 na sentimo [U.S.]. Mayroon itong larawan ng ulo ni Cesar at ito rin ang “barya ng pangulong buwis” na hinihingi noon ng mga Romano sa mga Judio. (Mat 22:19-21) Noong mga araw ng ministeryo ni Jesus sa lupa, ang mga trabahador sa bukid ay karaniwan nang tumatanggap ng isang denario para sa 12-oras na trabaho. (Mat 20:2) Kaya naman isang napakahirap na kalagayan ang inilalarawan ng Apocalipsis 6:6 nang sabihin nito na ang isang quarto ng trigo o tatlong quarto ng sebada ay magkakahalaga ng isang denario (isang buong-maghapong kita).
Kung ang mamahaling nardo na ginamit ni Maria, na kapatid ni Lazaro, bilang pamahid kay Jesu-Kristo, ay ipinagbili ng 300 denario (halos isang-taóng kita), malamang na malaki-laking halaga ang mapupunta sa kahon ng salapi na hawak ni Hudas Iscariote. Hindi kataka-takang matindi ang pagtutol ng di-tapat na si Hudas Iscariote, dahil hindi siya makapang-uumit mula sa malaking halagang iyon.—Ju 12:3-6; 13:29; Mar 14:3-11.
Sa ilustrasyon ni Jesus, ang madamaying Samaritano ay gumasta ng dalawang denario (dalawang-araw na kita) para tulungan ang isang di-kilalang estranghero, at sinabi niya na handa niyang bayaran ang karagdagang mga gastusin para rito. (Luc 10:33-35) Sa kabaligtaran naman, sa isa sa mga ilustrasyon ni Jesus na nagdiriin ng pangangailangang maging mapagpatawad, isang alipin, na pinatawad sa utang nito na 60,000,000 denario, ay tumangging magpatawad sa kapuwa niya alipin na may utang na 100 denario.—Mat 18:24-33.
[Larawan sa pahina 581]
Magkabilang panig ng isang denariong Romano. Kaliwa, harap na panig, ulo ni Tiberio Cesar