Kabanata 16
Apat na Mangangabayong Kumakaripas!
Pangitain 3—Apocalipsis 6:1-17
Paksa: Ang paghayo ng apat na mangangabayo, ang mga saksing pinatay bilang mga martir sa ilalim ng dambana, at ang dakilang araw ng poot
Panahon ng katuparan: Mula 1914 hanggang sa pagkawasak ng sistemang ito ng mga bagay
1. Paano inihahayag ni Jehova kay Juan ang nilalaman ng kapana-panabik na balumbon na binubuksan ni Jesus?
SA PANAHONG ito ng krisis, hindi ba tayo lubhang interesado sa “mga bagay na kailangang maganap sa di-kalaunan”? Tiyak na interesado tayo, sapagkat tayo mismo ang nasasangkot! Kaya samahan natin si Juan samantalang binubuksan ni Jesus ang kapana-panabik na balumbong iyon. Ang kataka-taka, hindi na ito kailangang basahin ni Juan. Bakit? Dahil ang nilalaman nito ay ipinababatid sa kaniya sa pamamagitan ng “mga tanda,” isang serye ng dinamikong mga eksena na punung-puno ng aksiyon.—Apocalipsis 1:1, 10.
2. (a) Ano ang nakikita at naririnig ni Juan, at ano ang ipinahihiwatig ng anyo ng kerubin? (b) Kanino ipinatutungkol ang utos ng unang kerubin, at bakit ganiyan ang sagot mo?
2 Pakinggan natin si Juan habang binubuksan ni Jesus ang unang tatak ng balumbon: “At nakita ko nang buksan ng Kordero ang isa sa pitong tatak, at narinig ko ang isa sa apat na nilalang na buháy na nagsabi na may tinig na gaya ng kulog: ‘Halika!’” (Apocalipsis 6:1) Ito ang tinig ng unang kerubin. Ipinahihiwatig kay Juan ng tulad-leong anyo nito na lakas-loob na kikilos ang organisasyon ni Jehova sa paglalapat ng Kaniyang matuwid na mga hatol. At kanino ipinatutungkol ang utos na iyon? Hindi kay Juan, sapagkat inanyayahan na siyang makibahagi sa makahulang mga pangitaing ito. (Apocalipsis 4:1) Nananawagan ang “tinig na gaya ng kulog” sa iba pang kalahok sa una sa serye ng apat na kapana-panabik na mga eksena.
Ang Kabayong Puti at ang Bantog na Sakay Nito
3. (a) Ano ngayon ang inilalarawan ni Juan? (b) Kasuwato ng simbolismo ng Bibliya, saan lumalarawan ang kabayong puti?
3 Pribilehiyo ni Juan, at kasama niya ang masigasig na uring Juan at ang kanilang mga kasamahan ngayon, na mamasdan ang isang drama na punong-puno ng aksiyon! Sinasabi ni Juan: “At nakita ko, at, narito! isang kabayong puti; at ang isa na nakaupo sa ibabaw nito ay may isang busog; at isang korona ang ibinigay sa kaniya, at humayo siyang nananaig at upang lubusin ang kaniyang pananaig.” (Apocalipsis 6:2) Oo, bilang tugon sa dumadagundong na “Halika!” isang kabayong puti ang sumusugod sa unahan. Sa Bibliya, malimit na sumasagisag sa digmaan ang kabayo. (Awit 20:7; Kawikaan 21:31; Isaias 31:1) Ang kabayong ito, malamang na isang makisig na barakong kabayo, ay nagniningning sa kaputian na nagpapahiwatig ng walang-dungis na kabanalan. (Ihambing ang Apocalipsis 1:14; 4:4; 7:9; 20:11.) Angkop na angkop ito, sapagkat sumasagisag ito sa isang digmaan na malinis at matuwid sa banal na paningin ni Jehova!—Tingnan din ang Apocalipsis 19:11, 14.
4. Sino ang Sakay ng kabayong puti? Ipaliwanag.
4 Sino ang Sakay ng kabayong ito? May hawak siyang busog, isang sandatang ginagamit sa digmaan, pero binigyan din siya ng korona. Ang tanging mga matuwid na nakikitang nakokoronahan sa araw ng Panginoon ay si Jesus at ang uring kinakatawanan ng 24 na matatanda. (Daniel 7:13, 14, 27; Lucas 1:31-33; Apocalipsis 4:4, 10; 14:14)a Malayong mangyari na isang miyembro ng grupo ng 24 na matatanda ang ilalarawan na tumatanggap ng korona salig sa kaniyang sariling kagalingan. Kaya ang nag-iisang mangangabayong ito ay tiyak na si Jesu-Kristo at wala nang iba. Nakikita siya ni Juan sa langit sa makasaysayang panahon noong 1914 nang ipahayag ni Jehova, “Ako, ako nga, ang nagluklok ng aking hari,” at nang sabihin sa kaniya na ito’y sa layuning “maibigay ko ang mga bansa bilang iyong mana.” (Awit 2:6-8)b Kaya sa pagbubukas ng unang tatak, isinisiwalat ni Jesus kung paanong siya mismo, bilang bagong nakoronahang Hari, ay lalabas para makipagdigma sa takdang panahon ng Diyos.
5. Paano inilalarawan ng salmista ang Sakay ng kabayo sa paraang nakakatulad ng Apocalipsis 6:2?
5 Kaakit-akit ang pagkakatugma ng eksenang ito sa nasusulat sa Awit 45:4-7, na ipinatutungkol sa Haring iniluklok ni Jehova: “At sa iyong karilagan ay magtagumpay ka; sumakay ka alang-alang sa katotohanan at kapakumbabaan at katuwiran, at tuturuan ka ng iyong kanang kamay ng mga kakila-kilabot na bagay. Ang iyong mga palaso ay matutulis—sa ilalim mo ay nagbabagsakan ang mga bayan—sa puso ng mga kaaway ng hari. Ang Diyos ang iyong trono hanggang sa panahong walang takda, magpakailan-kailanman; ang setro ng iyong paghahari ay setro ng katuwiran. Iniibig mo ang katuwiran at kinapopootan mo ang kabalakyutan. Kaya naman ang Diyos, ang iyong Diyos, ay nagpahid sa iyo ng langis ng pagbubunyi na higit kaysa sa iyong mga kasamahan.” Yamang pamilyar si Juan sa makahulang paglalarawang ito, nauunawaan niya na kumakapit ito sa gawain ni Jesus bilang Hari.—Ihambing ang Hebreo 1:1, 2, 8, 9.
Humahayong Nananaig
6. (a) Bakit kailangang humayo at manaig ang Sakay ng kabayo? (b) Hanggang sa anong mga taon nagpapatuloy ang paghayo upang manaig?
6 Bakit nga ba kailangang humayo sa digmaan ang bagong-nakoronahang Hari? Sapagkat ang kaniyang paghahari ay itinatag sa harap ng mahigpit na pagsalansang mula sa pangunahing kaaway ni Jehova, si Satanas na Diyablo, at mula sa mga nasa lupa na—sa nalalaman man nila o hindi—ay naglilingkod para sa layunin ni Satanas. Kinailangang maganap ang isang malaking digmaan sa langit upang maisilang ang Kaharian. Sa pakikipagbaka niya sa ilalim ng pangalang Miguel (na nangangahulugang “Sino ang Tulad ng Diyos?”), dinaig ni Jesus si Satanas at ang kaniyang mga demonyo at inihagis ang mga ito sa lupa. (Apocalipsis 12:7-12) Patuloy na humahayo si Jesus upang manaig hanggang sa unang mga dekada ng araw ng Panginoon samantalang tinitipon ang tulad-tupang mga tao. Bagaman “nasa kapangyarihan [pa rin] ng isa na balakyot” ang buong daigdig, patuloy na maibiging nagpapastol si Jesus sa kaniyang pinahirang mga kapatid at sa kanilang mga kasamahan, anupat tinutulungan ang bawat isa sa kanila na manaig sa pakikipagbaka ukol sa pananampalataya.—1 Juan 5:19.
7. Anu-anong pananaig ang nagawa ni Jesus sa lupa sa unang mga dekada ng araw ng Panginoon, at ano ang dapat nating maging determinasyon?
7 Anong iba pang pananaig ang nagawa ni Jesus sa loob ng mahigit 90 taon ng araw ng Panginoon? Sa buong daigdig, bilang mga indibiduwal at bilang kongregasyon, ang bayan ni Jehova ay dumanas ng maraming kahirapan, panggigipit, at pag-uusig, na katulad ng inilarawan ni apostol Pablo noong nagbibigay siya ng patotoo hinggil sa kaniyang ministeryo. (2 Corinto 11:23-28) Kailangan ng mga Saksi ni Jehova ang “lakas na higit sa karaniwan,” lalo na sa mga lugar na may digmaan at karahasan, upang makapagbata sila. (2 Corinto 4:7) Ngunit sa kabila ng napakahirap na mga kalagayan, nasasabi ng tapat na mga Saksi ang gaya ng binanggit ni Pablo: “Ang Panginoon ay tumayong malapit sa akin at nagbigay ng kapangyarihan sa akin, upang sa pamamagitan ko ay magampanan nang lubusan ang pangangaral.” (2 Timoteo 4:17) Oo, nanaig si Jesus alang-alang sa kanila. At patuloy siyang mananaig para sa ating kapakanan, hangga’t determinado tayong lubusin ang ating pananaig ukol sa pananampalataya.—1 Juan 5:4.
8, 9. (a) Sa anong pananaig nakibahagi ang pangglobong kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova? (b) Saang mga lugar naging bukod-tangi ang pagsulong ng mga Saksi ni Jehova?
8 Nakibahagi na sa maraming pananaig ang pangglobong kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa ilalim ng patnubay ng kanilang nananaig na Hari. Sa namumukod-tanging paraan, ipinagsanggalang niya ang mga Estudyanteng ito ng Bibliya mula sa pagkalipol noong 1918, nang sila mismo ay pansamantalang ‘madaig’ ng pulitikal na organisasyon ni Satanas. Gayunpaman, noong 1919, pinalaya niya sila mula sa mga rehas ng bilangguan upang iligtas sila, at pagkatapos ay pinasigla silang ipahayag ang mabuting balita “hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.”—Apocalipsis 13:7; Gawa 1:8.
9 Bago at noon mismong Digmaang Pandaigdig II, sinikap ng diktador na mga kapangyarihang Axis na lipulin ang mga Saksi ni Jehova sa maraming lupain kung saan ang mga pinuno ng relihiyon, lalung-lalo na ang mga kabilang sa herarkiyang Romano Katoliko, ay hayagan o palihim na sumuporta sa mapang-aping mga diktador. Ngunit ang 71,509 na mga Saksing nangangaral nang sumiklab ang digmaan noong 1939 ay naging 141,606 nang matapos ang digmaan noong 1945, bagaman mahigit 10,000 ang napiit nang maraming taon sa bilangguan at kampong piitan, at mga 2,000 ang pinatay. Tumaas ang bilang ng aktibong mga Saksi sa buong daigdig at mahigit anim na milyon na sa ngayon. Namumukod-tangi ang pagsulong sa mga lupaing Katoliko at sa mga bansang napakahigpit ng pag-uusig—gaya sa Alemanya, Italya, at Hapon, kung saan ang mga Saksi ay nag-uulat ngayon ng kabuuang bilang na mahigit pa sa 600,000 aktibong mga ministro sa larangan.—Isaias 54:17; Jeremias 1:17-19.
10. Sa anu-anong tagumpay pinagpala ng nananaig na Hari ang kaniyang bayan sa “pagtatanggol at sa legal na pagtatatag ng mabuting balita”?
10 Pinagpala rin ng ating nananaig na Hari ang kaniyang masigasig na bayan sa pamamagitan ng pag-akay sa kanila sa maraming tagumpay “sa pagtatanggol at sa legal na pagtatatag ng mabuting balita” sa mga hukuman at sa harap ng mga pinuno. (Filipos 1:7; Mateo 10:18; 24:9) Naganap ito sa pandaigdig na lawak—sa Australia, Argentina, Canada, Gresya, India, Swaziland, Switzerland, Turkey, at iba pang lupain. Kabilang sa 50 legal na usaping naipanalo ng mga Saksi ni Jehova sa Korte Suprema ng Estados Unidos ay yaong gumagarantiya sa karapatang mangaral ng mabuting balita “nang hayagan at sa bahay-bahay” at tumangging makilahok sa idolatroso at makabayang mga seremonya. (Gawa 5:42; 20:20; 1 Corinto 10:14) Kaya naman napanatiling bukás ang daan ukol sa lumalawak na pangglobong pagpapatotoo.
11. (a) Paano ‘lulubusin ng Sakay ng kabayo ang kaniyang pananaig’? (b) Ano ang dapat na maging epekto sa atin ng pagbubukas ng ikalawa, ikatlo, at ikaapat na tatak?
11 Paano ‘lulubusin ni Jesus ang kaniyang pananaig’?c Gaya ng makikita natin, lulubusin niya ang kaniyang pananaig sa pamamagitan ng pagpuksa sa huwad na relihiyon at paghahagis sa anumang nalalabing bakas ng nakikitang organisasyon ni Satanas sa isang makasagisag na “maapoy na lawa” ng pagkapuksa, bilang pagbabangong-puri sa pagkasoberano ni Jehova. Buong-pagtitiwala nating inaasam ang araw na iyon sa Armagedon kapag nakamit na ng ating “Hari ng mga hari” ang pangwakas na tagumpay laban sa mapang-aping pulitikal na organisasyon ni Satanas! (Apocalipsis 16:16; 17:14; 19:2, 14-21; Ezekiel 25:17) Samantala, magpapatuloy ang paghayo ng di-magagaping Mananaig na sakay ng kabayong puti habang patuloy na idinaragdag ni Jehova ang maraming tapat-puso sa Kaniyang matuwid na bansa sa lupa. (Isaias 26:2; 60:22) Kasama ka ba ng uring Juan sa nakagagalak na pagpapalawak na ito ng Kaharian? Kung gayon, ang nakikita ni apostol Juan nang buksan ang kasunod na tatlong tatak ay tiyak na magpapakilos sa iyo na higit pang makibahagi sa gawain ni Jehova sa panahong ito.
Masdan, ang Kabayong Kulay-Apoy!
12. Ano ang sinabi ni Jesus na magiging tanda ng kaniyang di-nakikitang pagkanaririto bilang Hari?
12 Sa pagtatapos ng ministeryo ni Jesus sa lupa, tinanong siya nang sarilinan ng kaniyang mga alagad: “Ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?” Bilang sagot, inihula niya ang mga kalamidad na magiging “pasimula ng mga hapdi ng kabagabagan.” Sinabi ni Jesus: “Ang bansa ay titindig laban sa bansa, at ang kaharian laban sa kaharian; at magkakaroon ng malalakas na lindol, at sa iba’t ibang dako ay mga salot at mga kakapusan sa pagkain; at magkakaroon ng nakatatakot na mga tanawin at mula sa langit ay mga dakilang tanda.” (Mateo 24:3, 7, 8; Lucas 21:10, 11) Kapansin-pansin ang pagkakahawig ng hulang ito sa mga bagay na nakikita ni Juan nang buksan ang nalalabing mga tatak ng balumbon. Magmasid ngayon habang binubuksan ng niluwalhating si Jesus ang ikalawang tatak!
13. Anong naiibang paggamit ng kapangyarihan ang makikita ngayon ni Juan?
13 “At nang buksan niya ang ikalawang tatak, narinig ko ang ikalawang nilalang na buháy na nagsabi: ‘Halika!’” (Apocalipsis 6:3) Ang ikalawang kerubin, na may anyong toro, ang nagbibigay ng utos. Kapangyarihan ang isinasagisag nito, subalit kapangyarihang ginagamit sa matuwid na paraan. Gayunman, sa kabaligtaran, makakakita ngayon si Juan ng nakapangingilabot at nakamamatay na pagtatanghal ng kapangyarihan.
14. Anong kabayo at sakay nito ang sumunod na nakita ni Juan, at ano ang inilalarawan ng pangitaing ito?
14 Paano, kung gayon, tinugon ang ikalawang utos na “Halika!”? Ganito: “At may isa pang lumabas, isang kabayong kulay-apoy; at ang isa na nakaupo sa ibabaw nito ay pinagkaloobang mag-alis ng kapayapaan mula sa lupa upang magpatayan sila sa isa’t isa; at isang malaking tabak ang ibinigay sa kaniya.” (Apocalipsis 6:4) Talagang isang malagim na pangitain! At hindi mapag-aalinlanganan kung ano ang inilalarawan nito: digmaan! Hindi ito tumutukoy sa matuwid at matagumpay na pakikipagdigma ng nananaig na Haring itinalaga ni Jehova kundi sa malulupit na digmaan ng iba’t ibang bansa, na kagagawan ng tao at nagbubunga ng di-kinakailangang pagbububo ng dugo at kapighatian. Angkop na angkop nga na nakasakay ang isang ito sa kabayong simpula ng apoy!
15. Bakit hindi natin nanaising makisangkot sa paghayo ng ikalawang mangangabayo?
15 Tiyak na hindi nanaisin ni Juan na makisangkot sa mangangabayong ito at sa kaniyang napakabilis na pagpapatakbo, sapagkat ganito ang inihula tungkol sa bayan ng Diyos: “Ni mag-aaral pa man sila ng pakikipagdigma.” (Isaias 2:4) Bagaman si Juan noon, at ang uring Juan at ang malaking pulutong din naman sa ngayon, ay “nasa sanlibutan” pa, “hindi sila bahagi” ng sistemang ito na tigmak sa dugo. Ang mga sandata natin ay espirituwal at “makapangyarihan sa pamamagitan ng Diyos” para sa aktibong paghahayag ng katotohanan, at hindi para sa literal na pakikipagdigma.—Juan 17:11, 14; 2 Corinto 10:3, 4.
16. Kailan at paano binigyan ng “isang malaking tabak” ang nakasakay sa kabayong pula?
16 Marami nang digmaang naganap bago pa ang 1914, ang taon nang tanggapin ng Sakay ng kabayong puti ang kaniyang korona. Subalit binibigyan ngayon ng “isang malaking tabak” ang nakasakay sa kabayong pula. Ano ang ipinahihiwatig nito? Buhat nang sumiklab ang Digmaang Pandaigdig I, ang digmaan ng mga tao ay lalo pang naging madugo at mapamuksa kaysa sa dati. Noong madugong panahon ng 1914-18, mga tangke, nakalalasong gas, eroplano, submarino, malalaking kanyon, at mga sandatang awtomatiko ang ginamit, kung hindi man sa kauna-unahang pagkakataon, sa isang lawak na wala pang nakakatulad. Sa humigit-kumulang 28 bansa, buong mga populasyon, hindi lamang propesyonal na mga kawal, ang sapilitang isinabak sa digmaan. Kalagim-lagim ang bilang ng mga nasawi at napinsala. Mahigit siyam na milyong sundalo ang napatay, at di-mabilang na mga sibilyan ang napinsala o namatay. At kahit tapos na ang digmaan, hindi pa rin nanumbalik ang tunay na kapayapaan sa lupa. Mahigit 50 taon pagkaraan ng digmaang ito, nagkomento ang estadistang Aleman na si Konrad Adenauer: “Naglaho na ang katiwasayan at katahimikan sa buhay ng mga tao mula noong 1914.” Tunay ngang ipinahintulot sa nakasakay sa kabayong kulay-apoy na mag-alis ng kapayapaan sa lupa!
17. Paano nagpatuloy ang paggamit sa “malaking tabak” pagkaraan ng Digmaang Pandaigdig I?
17 Pagkatapos nito, yamang uháw na uháw sa dugo ang sakay ng kabayong pula, sumabak ito sa Digmaang Pandaigdig II. Higit pang naging makahayop ang mga sandatang pamuksa, at ang bilang ng mga napinsala at namatay ay mas marami nang apat na ulit kaysa noong Digmaang Pandaigdig I. Noong 1945, dalawang bomba atomika ang pinasabog sa Hapon, bawat isa sa mga ito ay lumipol—sa isang iglap lamang—ng sampu-sampung libong biktima. Noong ikalawang digmaang pandaigdig, ang sakay ng kabayong pula ay kumitil ng mahigit 55 milyong buhay, pero hindi pa rin siya nasiyahan. Isang maaasahang ulat ang nagsasaad na mahigit pa sa 20 milyong buhay ang kinitil ng “malaking tabak” mula noong Digmaang Pandaigdig II.
18, 19. (a) Sa halip na isang tagumpay ukol sa teknolohiyang militar, patunay ng ano ang pagpapatayan mula noong Digmaang Pandaigdig II? (b) Anong panganib ang napapaharap sa sangkatauhan, subalit ano ang gagawin ng Sakay ng kabayong puti upang hadlangan ito?
18 Maituturing kaya itong tagumpay para sa teknolohiyang militar? Hindi nga, kundi patotoo ito na kumakaripas na ang malupit na kabayong pula. At saan hahantong ang pagkaripas na ito? Bumabanggit ang ilang siyentipiko ng posibilidad na magkaroon ng di-sinasadyang digmaang nuklear—huwag nang sabihin pa ang isang isinaplanong nuklear na pagkatupok! Subalit nakagagalak na ang nananaig na Sakay ng kabayong puti ay may ibang gagawin tungkol dito.
19 Habang nangingibabaw sa lipunan ng tao ang nasyonalismo at pagkakapootan, patuloy na manganganib ang sangkatauhan sa nuklear na pagkalipol. Mapilitan man ang mga bansa na ibasura ang lahat ng kanilang sandatang nuklear, may kakayahan pa rin silang gumawa nito. Sa loob ng maikling panahon, muli silang makagagawa ng nakamamatay na mga sandatang nuklear; kaya alinmang digmaan na ginagamitan ng kombensiyonal na mga sandata ay madaling hahantong sa pagkalipol. Ang pagmamataas at pagkakapootan na namamayani sa mga bansa sa ngayon ay mauuwi lamang sa pagpapatiwakal ng sangkatauhan, maliban—oo, malibang pahintuin ng Sakay ng kabayong puti ang baliw na pagkaripas ng kabayong kulay-apoy. Kaya lubusan tayong magtiwala na ang Kristong Hari ay hahayo, kapuwa upang lubusin ang kaniyang pananaig sa sanlibutan na kontrolado ni Satanas at itatag ang isang bagong makalupang lipunan na nasasalig sa pag-ibig—pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa—isang puwersa ukol sa kapayapaan na lubhang nakahihigit sa di-magtatagumpay na mga sandatang nuklear na ginagamit na panakot sa ating hibang na mga panahon.—Awit 37:9-11; Marcos 12:29-31; Apocalipsis 21:1-5.
Isang Kabayong Itim ang Sumusugod
20. Ano ang katiyakan natin na kayang harapin ng Sakay ng kabayong puti ang anumang kapaha-pahamak na situwasyon?
20 Binubuksan ngayon ni Jesus ang ikatlong tatak! Ano ang nakikita mo, Juan? “At nang buksan niya ang ikatlong tatak, narinig ko ang ikatlong nilalang na buháy na nagsabi: ‘Halika!’” (Apocalipsis 6:5a) Nakagagalak na ang ikatlong kerubing ito ay “may mukhang tulad ng sa tao,” na lumalarawan sa katangian na pag-ibig. Mananagana sa bagong sanlibutan ng Diyos ang pag-ibig na salig sa mga simulain, kung paanong nangingibabaw ang mabuting katangiang ito sa buong organisasyon ni Jehova sa ngayon. (Apocalipsis 4:7; 1 Juan 4:16) Makatitiyak tayo na maibiging aalisin ng Sakay ng kabayong puti, na kailangang “mamahala bilang hari hanggang sa mailagay ng Diyos ang lahat ng kaaway sa ilalim ng kaniyang mga paa,” ang kapaha-pahamak na kalagayang ipakikita ngayon kay Juan.—1 Corinto 15:25.
21. (a) Ano ang inilalarawan ng kabayong itim at ng sakay nito? (b) Ano ang patotoo na patuloy na kumakaripas ang kabayong itim?
21 Ano kung gayon ang nakita ni Juan nang tugunin ang ikatlong utos na “Halika!”? “At nakita ko, at, narito! isang kabayong itim; at ang isa na nakaupo sa ibabaw nito ay may isang pares ng timbangan sa kaniyang kamay.” (Apocalipsis 6:5b) Matinding taggutom! Iyan ang malagim na mensahe ng makahulang eksenang ito. Tumutukoy ito sa kalagayan noong pasimula ng araw ng Panginoon nang ang pagkain ay kailangang irasyon sa pamamagitan ng timbangan. Mula noong 1914, patuloy na naging isang pandaigdig na suliranin ang taggutom. Kasunod ng digmaan sa makabagong panahon ang taggutom, sapagkat ang pondo na karaniwan nang ginagamit sa pagpapakain sa mga nagugutom ay madalas na itinutustos sa paggawa ng mga sandatang pandigma. Pinagsusundalo ang mga magsasaka, at humina ang produksiyon ng pagkain dahil nasisira ng digmaan ang mga bukid at dahil sa mga patakarang militar na nilayong sirain ang mga ari-ariang pakikinabangan ng kaaway. Totoong-totoo ito noong unang digmaang pandaigdig, nang milyun-milyon ang mamatay dahil sa gutom! Bukod dito, ang nakasakay sa kabayong itim na kumakatawan sa taggutom ay hindi naglubay matapos ang digmaan. Noong dekada ng 1930, limang milyon ang nasawi dahil lamang sa isang taggutom sa Ukraine. Pagkatapos ng ikalawang digmaang pandaigdig, nagkaroon ng higit pang kakapusan sa pagkain at taggutom. Habang patuloy na kumakaripas ang kabayong itim, tinataya ng World Health Organization na malnutrisyon ang isang pangunahing dahilan ng pagkamatay ng mahigit na limang milyong bata taun-taon.
22. (a) Ano ang sinasabi ng isang tinig, na nagpapahayag ng anong pangangailangan? (b) Ano ang ipinahihiwatig ng halaga ng isang quarto ng trigo at ng tatlong quarto ng sebada?
22 Mayroon pang sasabihin sa atin si Juan: “At narinig ko ang isang tinig na para bang nasa gitna ng apat na nilalang na buháy na nagsabi: ‘Isang quarto ng trigo para sa isang denario, at tatlong quarto ng sebada para sa isang denario; at huwag mong pinsalain ang langis ng olibo at ang alak.’” (Apocalipsis 6:6) May-pagkakaisang ipinahahayag ng apat na kerubin na kailangang bantayang mabuti ang mga suplay ng pagkain—kung paanong bago mawasak ang Jerusalem noong 607 B.C.E., ang mga tao ay kinailangang ‘kumain ng tinapay nang ayon sa timbang at may pagkabalisa.’ (Ezekiel 4:16) Noong panahon ni Juan, isang quarto ng trigo ang tinatayang rasyon ng pagkain para sa isang kawal sa isang araw. Magkano ang rasyong ito? Isang denario—ang kita sa buong maghapon! (Mateo 20:2)d Paano kung may pamilya ang isa? Buweno, sa halip na trigo ay makabibili siya ng tatlong quarto ng sebada na hindi pa naalisan ng ipa. Ito man ay sapat lamang sa isang maliit na pamilya. At hindi itinuturing na primera-klaseng pagkain ang sebada na gaya ng trigo.
23. Ano ang ipinahihiwatig ng pangungusap na, “Huwag mong pinsalain ang langis ng olibo at ang alak”?
23 Ano ang ipinahihiwatig ng pangungusap na, “Huwag mong pinsalain ang langis ng olibo at ang alak”? Ayon sa iba, nangangahulugan ito na bagaman marami ang kakapusin sa pagkain at mamamatay pa nga sa gutom, hindi maaapektuhan ang luho ng mayayaman. Subalit sa Gitnang Silangan, hindi talaga luho ang langis at alak. Noong panahon ng Bibliya, itinuturing na karaniwang pagkain ang tinapay, langis, at alak. (Ihambing ang Genesis 14:18; Awit 104:14, 15.) Hindi laging malinis ang tubig, kaya alak ang malimit inumin at kung minsa’y ginagamit na gamot. (1 Timoteo 5:23) Kung tungkol sa langis, noong panahon ni Elias, ang babaing balo sa Zarepat, bagaman dukha, ay may natira pang kaunting langis na panluto sa natitirang harina. (1 Hari 17:12) Samakatuwid, ang utos na “huwag pinsalain ang langis ng olibo at ang alak” ay lumilitaw na isang payo na maging matipid sa paggamit ng mga pangunahing pagkaing ito at huwag itong ubusin kaagad. Kung hindi, ‘mapipinsala’ ang mga ito, samakatuwid nga, mauubos agad nang hindi pa natatapos ang taggutom.
24. Bakit hindi na magtatagal ang pagkaripas ng kabayong itim?
24 Maaari tayong magalak sapagkat malapit nang rendahan ng Sakay ng kabayong puti ang kumakaripas na kabayong itim! Sapagkat ganito ang nasusulat tungkol sa Kaniyang maibiging paglalaan para sa bagong sanlibutan: “Sa kaniyang mga araw ay sisibol ang matuwid, at ang kasaganaan ng kapayapaan hanggang sa mawala na ang buwan. . . . Magkakaroon ng saganang butil sa lupa; sa taluktok ng mga bundok ay mag-uumapaw.”—Awit 72:7, 16; tingnan din ang Isaias 25:6-8.
Ang Kabayong Maputla at ang Sakay Nito
25. Nang buksan ni Jesus ang ikaapat na tatak, kaninong tinig ang narinig ni Juan, at ano ang ipinahihiwatig nito?
25 Hindi pa lubusang naihahayag ang kuwento. Binubuksan ni Jesus ang ikaapat na tatak, at sinasabi sa atin ni Juan ang naging resulta: “At nang buksan niya ang ikaapat na tatak, narinig ko ang tinig ng ikaapat na nilalang na buháy na nagsasabi: ‘Halika!’” (Apocalipsis 6:7) Tinig ito ng kerubin na kawangis ng isang lumilipad na agila. Matalas na karunungan ang siyang ipinahihiwatig dito, at tunay ngang si Juan, ang uring Juan, at ang lahat ng iba pang lingkod ng Diyos sa lupa ay kailangang magmasid at kumilos nang may kaunawaan kasuwato ng ipinakikita rito ngayon. Kung gagawin natin ito, sa paanuman ay makasusumpong tayo ng proteksiyon mula sa mga salot na pumipinsala sa marurunong sa sanlibutan na kabilang sa mapagmataas at imoral na salinlahing ito.—1 Corinto 1:20, 21.
26. (a) Sino ang ikaapat na mangangabayo, at bakit angkop ang kulay ng kaniyang kabayo? (b) Sino ang sumusunod sa ikaapat na mangangabayo, at ano ang nangyayari sa kaniyang mga biktima?
26 Anong karagdagang lagim ngayon ang lumaganap nang tumugon ang ikaapat na mangangabayo sa utos? Sinasabi sa atin ni Juan: “At nakita ko, at, narito! isang kabayong maputla; at ang isa na nakaupo sa ibabaw nito ay may pangalang Kamatayan. At ang Hades ay sumusunod kaagad sa kaniya.” (Apocalipsis 6:8a) May pangalan ang nakasakay sa huling kabayo: Kamatayan. Siya lamang sa apat na mangangabayo ng Apocalipsis ang tuwirang nagpakilala sa kaniyang sarili. Angkop na nakasakay ang Kamatayan sa isang kabayong maputla, yamang ang salitang maputla (Griego, khlo·rosʹ) ay ginagamit sa Griegong panitikan upang lumarawan sa mga mukhang namumutla, na waring may sakit. Hindi masyadong detalyado kung sa anong paraan kaagad na sinusundan ng Hades (karaniwang libingan) ang Kamatayan, pero angkop din ang paglalarawang ito sapagkat ang Hades ang kinauuwian ng karamihan sa nagiging biktima ng pamiminsala ng ikaapat na mangangabayo. Nakagagalak, may pagkabuhay-muli para sa mga ito, kapag ‘ibinigay na ng kamatayan at ng Hades ang mga patay na nasa kanila.’ (Apocalipsis 20:13) Subalit paano ba nagiging biktima ng Kamatayan ang mga ito?
27. (a) Paano kumukuha ng biktima ang mangangabayong Kamatayan? (b) Ano ang kahulugan ng “ikaapat na bahagi ng lupa” na saklaw ng awtoridad ng Kamatayan?
27 Iniisa-isa ng pangitain ang ilan sa mga paraan: “At binigyan sila ng awtoridad sa ikaapat na bahagi ng lupa, upang pumatay sa pamamagitan ng mahabang tabak at ng kakapusan sa pagkain at ng nakamamatay na salot at ng mababangis na hayop sa lupa.” (Apocalipsis 6:8b) Ang naaapektuhan ng paghayo ng mangangabayong ito ay hindi naman literal na ikaapat na bahagi ng populasyon sa lupa kundi isang malaking bahagi ng lupa, marami man o kaunti ang nakatira dito. Tinitipon ng mangangabayong ito ang mga biktima ng malaking tabak ng ikalawang mangangabayo at ng mga taggutom at kakapusan ng pagkain ng ikatlo. Tinitipon din niya ang kaniyang sariling mga biktima mula sa nakamamatay na salot at mula sa mga lindol, gaya ng inilalarawan sa Lucas 21:10, 11.
28. (a) Paano natutupad ang hula tungkol sa “nakamamatay na salot”? (b) Paano naipagsanggalang ang bayan ni Jehova mula sa maraming sakit sa ngayon?
28 Malaking papel din ang ginampanan dito ng “nakamamatay na salot” sa kasalukuyan. Kasunod ng pamiminsala ng Digmaang Pandaigdig I, mahigit 20 milyon katao ang namatay dahil sa trangkaso Espanyola sa loob lamang ng ilang buwan noong 1918-19. Ang tanging dako sa lupa na nakaligtas sa salot na ito ay ang maliit na isla ng St. Helena. Sa mga dakong halos maubos ang populasyon, buntun-buntong mga bangkay ang sinunog. At sa ngayon, nakatatakot ang pagdami ng mga nagkakaroon ng kanser at sakit sa puso, na kadalasa’y dahil sa polusyong dulot ng sigarilyo. Sa itinuturing na “mapanganib na dekada” ng 1980, ang salot na AIDS ay naparagdag sa “nakamamatay na salot” bunga ng isang paraan ng pamumuhay na salungat sa mga pamantayan ng Bibliya. Sa ulat noong taóng 2000, sinabi ng surgeon general ng Estados Unidos na ang AIDS ang “malamang na pinakagrabeng epidemya sa kalusugan na naranasan ng daigdig kailanman.” Sinabi niya na 52 milyon katao sa buong daigdig ang nahawahan ng HIV/AIDS, at 20 milyon sa kanila ang namatay na. Napakalaki ng pasasalamat ng bayan ni Jehova sapagkat naipagsasanggalang sila ng matalinong payo ng kaniyang Salita mula sa pakikiapid at maling paggamit ng dugo, na siyang dahilan ng pagkalat ng napakaraming sakit sa ngayon!—Gawa 15:28, 29; ihambing ang 1 Corinto 6:9-11.
29, 30. (a) Ano ang kahulugan sa ngayon ng ‘apat na pamiminsalang’ binanggit ng Ezekiel 14:21? (b) Ano ang mauunawaan natin tungkol sa “mababangis na hayop” sa Apocalipsis 6:8? (c) Ano ang lumilitaw na pangunahing punto ng makahulang eksenang iyon?
29 Binabanggit ng pangitain ni Juan ang mababangis na hayop bilang ikaapat na sanhi ng di-napapanahong kamatayan. Oo, ang apat na bagay na itinampok sa pagbubukas ng ikaapat na tatak—digmaan, taggutom, sakit, at mababangis na hayop—ay itinuturing noong sinaunang panahon bilang pangunahing mga sanhi ng di-napapanahong kamatayan. Kaya lumalarawan ang mga ito sa lahat ng sanhi ng di-napapanahong kamatayan sa ngayon. Kagaya ito ng babalang ibinigay ni Jehova sa Israel: “Magiging gayundin kapag dumating ang aking apat na mapaminsalang kahatulan—tabak at taggutom at mapaminsalang mabangis na hayop at salot—na pasasapitin ko nga sa Jerusalem upang lipulin mula roon ang makalupang tao at ang alagang hayop.”—Ezekiel 14:21.
30 Bihirang maging ulong-balita sa makabagong panahong ito ang pagkamatay dahil sa mababangis na hayop, bagaman sa mga bansang tropiko ay marami pa ring nagiging biktima ng mababangis na hayop. Sa hinaharap, baka mas marami pa ang mamatay dahil sa mga ito kapag naging tiwangwang ang mga lupain bunga ng digmaan o ang mga tao ay lubha nang napanghina ng taggutom upang labanan pa ang gutóm na mga hayop na ito. Bukod dito, maraming tao sa ngayon, gaya ng walang-katuwirang mga hayop, ang nagpapamalas ng makahayop na mga saloobin na ibang-iba sa inilarawan ng Isaias 11:6-9. Malaki ang pananagutan ng mga taong ito sa pangglobong paglaganap ng krimen na nauugnay sa sekso, pagpaslang, terorismo, at pambobomba sa makabagong daigdig. (Ihambing ang Ezekiel 21:31; Roma 1:28-31; 2 Pedro 2:12.) Tinitipon din ng ikaapat na mangangabayo ang kanilang mga biktima. Oo, ang pangunahing punto sa makahulang eksenang ito ay na tinitipon ng nakasakay sa kabayong maputla ang mga biktima ng di-napapanahong kamatayan ng sangkatauhan sa maraming paraan.
31. Bakit tayo mapatitibay-loob sa kabila ng pamiminsalang dulot ng mga nakasakay sa kabayong pula, itim, at maputla?
31 Ang impormasyon na inihayag sa pagbubukas ng unang apat na tatak ay nakaaaliw sa atin sapagkat tinuturuan tayo nito na huwag panghinaan ng loob dahil sa digmaan, gutom, sakit, at iba pang sanhi ng di-napapanahong kamatayan na laganap sa ngayon; at hindi rin tayo dapat mawalan ng pag-asa dahil sa pagkabigo ng mga pinunong tao na lutasin ang kasalukuyang mga problema. Bagaman ang mga kalagayan sa daigdig ay nagpapakitang malayo na ang narating ng mga nakasakay sa kabayong pula, itim, at maputla, huwag kalilimutan na naunang humayo ang Sakay ng kabayong puti. Naging Hari na si Jesus, at nanaig na siya anupat pinalayas si Satanas mula sa langit. Karagdagan pa sa kaniyang pananaig ang pagtitipon sa mga nalabi ng mga anak ng espirituwal na Israel at sa internasyonal na malaking pulutong, na milyun-milyon na ngayon ang bilang, upang iligtas ang mga ito mula sa malaking kapighatian. (Apocalipsis 7:4, 9, 14) Kailangang patuloy siyang humayo hanggang sa malubos niya ang kaniyang pananaig.
32. Ano ang kapansin-pansing pagkakatulad sa pagbubukas ng bawat isa sa unang apat na tatak?
32 Ang pagbubukas sa bawat isa sa unang apat na tatak ay sinusundan ng utos na: “Halika!” At sa bawat pagkakataon, makikitang sumusugod ang isang kabayo at ang sakay nito. Pasimula sa ikalimang tatak, hindi na natin maririnig ang gayong utos. Subalit humahayo pa rin ang mga mangangabayong iyon, at magpapatuloy ang mga ito sa pagkaripas hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay. (Ihambing ang Mateo 28:20.) Anu-ano pang napakahalagang mga pangyayari ang ihahayag ni Jesus sa pagbubukas niya ng nalalabing tatlong tatak? Hindi literal na makikita ng tao ang ilan sa mga pangyayari. Ang iba naman, bagaman makikita, ay sa hinaharap pa. Subalit tiyak na matutupad ang mga ito. Tingnan natin kung anu-ano ang mga ito.
[Mga talababa]
a Gayunpaman, pansinin na ang “babae” sa Apocalipsis 12:1 ay may makasagisag na “koronang labindalawang bituin.”
b Para sa detalyadong patotoo na si Jesus ay naluklok sa kaniyang Kaharian noong 1914, tingnan ang pahina 215-18 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
c Bagaman maraming salin ang gumagamit ng salitang “manaig” (Revised Standard, The New English Bible, King James Version) o “desididong manaig” (Phillips, New International Version), ang paggamit dito ng pandiwang aorist subjunctive sa orihinal na Griego ay may diwa ng pagiging ganap o tapos. Kaya ganito ang komento ng Word Pictures in the New Testament ni Robertson: “Ang panahunang aorist dito ay tumutukoy sa pangwakas na tagumpay.”
d Baryang pilak ng mga Romano na tumitimbang nang 3.85 gramo.
[Kahon sa pahina 92]
Matagumpay na Humahayo ang Hari
Noong mga dekada ng 1930 at 1940, sinikap palitawin ng determinadong mga kaaway na ang ministeryo ng mga Saksi ni Jehova ay ilegal, kriminal, o subersibo pa nga. (Awit 94:20) Noong taóng 1936 lamang, may 1,149 na pag-aresto na naiulat sa Estados Unidos. Ipinakipaglaban ng mga Saksi ang maraming usapin sa batas hanggang sa Korte Suprema ng Estados Unidos, at ang sumusunod ay ilan lamang sa kanilang namumukod-tanging tagumpay.
Noong Mayo 3, 1943, ipinasiya ng Korte Suprema sa kasong Murdock v. Pennsylvania, na hindi kailangang kumuha ng lisensiya ang mga Saksi para makapagpasakamay ng mga literatura na may kapalit na salapi. Nang araw ding iyon, isinaad ng desisyon sa kasong Martin v. City of Struthers na hindi labag sa batas ang tumimbre sa mga pintuan kapag namamahagi sa bahay-bahay ng mga handbill at iba pang materyal sa pag-aanunsiyo.
Noong Hunyo 14, 1943, ipinasiya ng Korte Suprema sa kasong Taylor v. Mississippi na ang mga Saksi ay hindi nanghihikayat sa iba na magtaksil sa pamahalaan sa kanilang pangangaral. Nang araw ding iyon, sa kasong West Virginia State Board of Education v. Barnette, ipinasiya ng Hukuman na walang karapatan ang lupon ng paaralan na patalsikin sa paaralan ang mga anak ng mga Saksi ni Jehova na tumatangging sumaludo sa bandila. Kinabukasan mismo, nagkasundo ang lahat ng miyembro ng Mataas na Hukuman ng Australia na alisin ang pagbabawal sa mga Saksi ni Jehova sa bansang iyon, na sinasabing “di-makatuwiran, padalus-dalos at mapaniil” ang pagbabawal na ito.
[Kahon sa pahina 94]
“Pinagkaloobang Mag-alis ng Kapayapaan Mula sa Lupa”
Saan patungo ang teknolohiya? Iniulat ng The Globe and Mail ng Toronto, Canada, noong Enero 22, 1987, ang sumusunod na halaw sa talumpati ni Ivan L. Head, pangulo ng International Development Research Centre:
“Mapanghahawakan ang pagtaya na isa sa bawat apat na siyentipiko at teknologo sa daigdig na nakikibahagi sa pagsasaliksik at pagpapaunlad ay nakatuon sa paggawa ng mga sandata. . . . Batay sa halaga noong 1986, umabot ang gastusin sa mahigit $1.5-milyon bawat minuto. . . . Magiging mas tiwasay kaya tayong lahat dahil sa pagtutuon ng pansin sa ganitong teknolohiya? Ang nuklear na mga arsenal ng mga superpower ay kasinlakas ng pinagsama-samang munisyon na ginamit ng lahat ng nakipagdigma noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig—na pinarami pa ng 6,000 ulit. Anim na libong Ikalawang Dig- maang Pandaigdig. Mula noong 1945, wala pang pitong linggong natahimik ang daigdig sa mga gawaing militar. Nagkaroon ng mahigit na 150 digmaan, internasyonal man o sibil, na tinatayang kumitil ng 19.3 milyong buhay, karamihan nito ay resulta ng magaling at ba- gong mga teknolohiya na lumitaw sa panahong ito ng Nagkakaisang mga Bansa.”
Pagsapit ng taóng 2005, ang gawaing militar ay kumitil na ng mahigit 20 milyong buhay.
[Kahon sa pahina 98, 99]
Balangkas ng Aklat ng Apocalipsis
Hanggang sa puntong ito ng pagtalakay natin sa aklat ng Apocalipsis, naging mas maliwanag sa atin ang balangkas ng aklat na ito. Pagkatapos ng nakapagpapasiglang pambungad nito (Apocalipsis 1:1-9), maaari nating hatiin ang Apocalipsis sa 16 na pangitain gaya ng sumusunod:
UNANG PANGITAIN (1:10–3:22): Sa ilalim ng pagkasi, nakikita ni Juan ang niluwalhating si Jesus, na nagpapadala ng nakapagpapasiglang mga mensahe na nagpapayo sa pitong kongregasyon.
IKA-2 PANGITAIN (4:1–5:14): Isang maringal na tanawin ng makalangit na trono ng Diyos na Jehova. May iniaabot na balumbon ang Isang ito sa Kordero.
IKA-3 PANGITAIN (6:1-17): Sa pagbubukas sa unang anim na tatak ng balumbon, unti-unting isinisiwalat ng Kordero ang isang pangitain na binubuo ng mga pangyayaring nakatakdang maganap sa araw ng Panginoon. Humahayo ang apat na mangangabayo ng Apocalipsis, tumatanggap ng mahahabang damit na puti ang mga alipin ng Diyos na pinatay bilang mga martir, at inilalarawan ang dakilang araw ng poot.
IKA-4 NA PANGITAIN (7:1-17): Pinipigilan ng mga anghel ang mga hangin ng pagkapuksa hanggang sa matatakan ang 144,000 ng espirituwal na Israel. Kinikilala ng isang malaking pulutong mula sa lahat ng bansa na utang nila sa Diyos at kay Kristo ang kaligtasan at tinitipon sila upang makaligtas sa malaking kapighatian.
IKA-5 PANGITAIN (8:1–9:21): Sa pagbubukas ng ikapitong tatak, pitong tunog ng trumpeta ang narinig, at ang unang anim sa mga ito ang bumubuo sa ikalimang pangitain. Ang anim na tunog na ito ng trumpeta ay naghahayag ng mga kahatulan ni Jehova sa sangkatauhan. Ipinababatid din ng ikalima at ikaanim na mga trumpeta ang una at ikalawang kaabahan.
IKA-6 NA PANGITAIN (10:1–11:19): Isang maliit na balumbon ang ibinibigay ng isang malakas na anghel kay Juan, ang templo ay sinukat, at malalaman natin ang karanasan ng dalawang saksi. Sumasapit ito sa kasukdulan sa paghihip sa ikapitong trumpeta, na naghahayag ng ikatlong kaabahan para sa mga kaaway ng Diyos—ang dumarating na Kaharian ni Jehova at ng kaniyang Kristo.
IKA-7 PANGITAIN (12:1-17): Inilalarawan nito ang pagsilang ng Kaharian, na humantong sa pagbubulid ni Miguel sa serpiyente, si Satanas, sa lupa.
IKA-8 PANGITAIN (13:1-18): Umaahon mula sa dagat ang makapangyarihang mabangis na hayop, at ang hayop na may dalawang sungay na tulad ng isang kordero ay humihikayat sa sangkatauhan na sambahin ito.
IKA-9 NA PANGITAIN (14:1-20): Isang kamangha-mang- hang pangitain hinggil sa 144,000 na nasa Bundok Sion. Narinig sa buong lupa ang mga mensahe ng anghel, ang punong ubas ng lupa ay inani, at ang pisaan ng ubas ng galit ng Diyos ay niyurakan.
IKA-10 PANGITAIN (15:1–16:21): Isa pang sulyap sa makalangit na hukuman, na sinusundan ng pagbubuhos sa lupa ng pitong mangkok ng galit ni Jehova. Nagwawakas din ang bahaging ito sa pamamagitan ng makahulang paglalarawan sa katapusan ng sistema ni Satanas.
IKA-11 PANGITAIN (17:1-18): Ang dakilang patutot, ang Babilonyang Dakila, ay nakasakay sa kulay-iskarlatang mabangis na hayop, na napasakalaliman nang sandaling panahon subalit umahong muli at pumuksa sa kaniya.
IKA-12 PANGITAIN (18:1–19:10): Inihayag ang pagbagsak at pangwakas na pagkalipol ng Babilonyang Dakila. Pagkatapos siyang patayin, nagdalamhati ang ilan, ang iba’y pumuri kay Jehova; inihayag ang kasal ng Kordero.
IKA-13 PANGITAIN (19:11-21): Pinangungunahan ni Jesus ang mga hukbo sa langit upang ilapat ang hatol at poot ng Diyos sa sistema ni Satanas, sa mga hukbo nito, at sa mga sumusuporta rito; ang mga ibong kumakain ng bangkay ay nangabusog sa kanilang mga bangkay.
IKA-14 NA PANGITAIN (20:1-10): Ang pagbubulid kay Satanas na Diyablo sa kalaliman, Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo at ng kaniyang kasamang mga hari, pangwakas na pagsubok sa sangkatauhan, at paglipol kay Satanas at sa kaniyang mga demonyo.
IKA-15 PANGITAIN (20:11–21:8): Ang pangkala- hatang pagkabuhay-muli at ang dakilang Araw ng Paghuhukom; umiral ang isang bagong langit at isang bagong lupa, na may walang-hanggang mga pagpapala para sa matuwid na sangkatauhan.
IKA-16 NA PANGITAIN (21:9–22:5): Umaabot sa kasukdulan ang Apocalipsis sa pamamagitan ng isang maluwalhating pangitain hinggil sa Bagong Jerusalem, ang asawa ng Kordero. Umaagos mula sa lunsod na iyon ang paglalaan ng Diyos para sa pagpapagaling at buhay ng sangkatauhan.
Ang Apocalipsis ay nagwawakas sa pamamagitan ng masiglang pagbati at payo mula kay Jehova, kay Jesus, sa anghel, at kay Juan mismo. Ang paanyaya sa lahat ay “Halika!”—Apocalipsis 22:6-21.