Kabanata 33
Paghatol sa Kasuklam-suklam na Patutot
Pangitain 11—Apocalipsis 17:1-18
Paksa: Nakasakay ang Babilonyang Dakila sa kulay-iskarlatang mabangis na hayop na sa dakong huli ay babaling sa kaniya at wawasak sa kaniya
Panahon ng katuparan: Mula 1919 hanggang sa malaking kapighatian
1. Ano ang isinisiwalat kay Juan ng isa sa pitong anghel?
ANG matuwid na galit ni Jehova ay dapat na lubusang maibuhos, ang lahat ng pitong mangkok nito! Ang pagbubuhos ng ikaanim na anghel ng kaniyang mangkok sa kinaroroonan ng sinaunang Babilonya ay angkop na lumalarawan sa pagsalot sa Babilonyang Dakila habang mabilis na papalapit ang pangwakas na digmaan ng Armagedon. (Apocalipsis 16:1, 12, 16) Malamang na ito rin ang anghel na nagsisiwalat ngayon kung bakit at kung paano ilalapat ni Jehova ang kaniyang matuwid na mga hatol. Namangha si Juan sa susunod niyang naririnig at nakikita: “At isa sa pitong anghel na may pitong mangkok ang lumapit at nakipag-usap sa akin, na sinasabi: ‘Halika, ipakikita ko sa iyo ang hatol sa dakilang patutot na nakaupo sa maraming tubig, na pinakiapiran ng mga hari sa lupa, samantalang yaong mga nananahan sa lupa ay nilasing sa alak ng kaniyang pakikiapid.’”—Apocalipsis 17:1, 2.
2. Ano ang katibayan na “ang dakilang patutot” ay (a) hindi ang sinaunang Roma? (b) hindi ang dambuhalang komersiyo? (c) isang relihiyosong organisasyon?
2 “Ang dakilang patutot”! Bakit naman lubhang nakagigitla ang tawag sa kaniya? Sino ba siya? Iniuugnay ng ilan ang makasagisag na patutot na ito sa sinaunang Roma. Subalit isang pulitikal na kapangyarihan ang Roma. Ang patutot na ito ay nakikiapid sa mga hari sa lupa, at maliwanag na kasali na rito ang mga hari ng Roma. Bukod dito, pagkalipol sa kaniya, sinasabing nagdalamhati ang “mga hari sa lupa” sa kaniyang pagpanaw. Kaya tiyak na hindi siya isang pulitikal na kapangyarihan. (Apocalipsis 18:9, 10) Karagdagan pa, yamang nagdadalamhati rin sa kaniya ang mga mangangalakal sa daigdig, hindi siya maaaring lumarawan sa dambuhalang komersiyo. (Apocalipsis 18:15, 16) Gayunman, mababasa natin na ‘sa pamamagitan ng kaniyang espiritistikong gawain ay nailigaw ang lahat ng mga bansa.’ (Apocalipsis 18:23) Kaya maliwanag na ipinakikita nito na isang pandaigdig na relihiyosong organisasyon ang dakilang patutot.
3. (a) Bakit tiyak na hindi lamang sa Simbahang Romano Katoliko o maging sa buong Sangkakristiyanuhan kumakatawan ang dakilang patutot? (b) Anu-anong maka-Babilonyang doktrina ang masusumpungan sa karamihan ng relihiyon sa Silangan pati na sa mga sekta ng Sangkakristiyanuhan? (c) Ano ang inamin ng Romano Katolikong kardinal na si John Henry Newman hinggil sa pinagmulan ng marami sa mga doktrina, seremonya, at mga kaugalian ng Sangkakristiyanuhan? (Tingnan ang talababa.)
3 Aling relihiyosong organisasyon? Siya ba ang Simbahang Romano Katoliko, gaya ng sinasabi ng iba? O siya ba ang buong Sangkakristiyanuhan? Hindi, tiyak na mas malaking organisasyon siya sapagkat naililigaw niya ang lahat ng bansa. Ang totoo, siya ang buong pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Makikita ang kaniyang pagkakaugat sa mga hiwaga ng Babilonya sa maraming doktrina at kaugaliang maka-Babilonya na karaniwang masusumpungan sa mga relihiyon sa palibot ng lupa. Halimbawa, ang paniniwala sa likas na imortalidad ng kaluluwa ng tao, pahirapang impiyerno, at trinidad ng mga diyos ay masusumpungan sa karamihan ng mga relihiyon sa Silangan at maging sa mga sekta ng Sangkakristiyanuhan. Ang huwad na relihiyon, na nag-ugat mahigit 4,000 taon na ang nakararaan sa sinaunang lunsod ng Babilonya, ay naging makabagong dambuhala, na angkop tawaging Babilonyang Dakila.a Gayunman, bakit inilalarawan siya sa pamamagitan ng nakaririmarim na terminong “dakilang patutot”?
4. (a) Sa anu-anong paraan nakiapid ang sinaunang Israel? (b) Sa anong paraan halatang-halata ang pakikiapid ng Babilonyang Dakila?
4 Naabot ng Babilonya (o Babel, na nangangahulugang “Kaguluhan”) ang tugatog ng kadakilaan nito noong panahon ni Nabucodonosor. Isang estado iyon ng pinagsamang relihiyon at pulitika na may mahigit na isang libong templo at kapilya. Naging napakamakapangyarihan ang mga pari nito. Bagaman matagal nang naglaho ang Babilonya bilang kapangyarihang pandaigdig, umiiral pa rin ang relihiyosong Babilonyang Dakila, at gaya ng sinaunang parisan, sinisikap pa rin nitong impluwensiyahan at maniobrahin ang pulitikal na mga bagay-bagay. Subalit sinasang-ayunan ba ng Diyos ang pagsasama ng relihiyon at pulitika? Sa Hebreong Kasulatan, sinasabing nagpatutot ang Israel nang mapasangkot siya sa huwad na pagsamba at nang makipag-alyansa siya sa mga bansa sa halip na magtiwala kay Jehova. (Jeremias 3:6, 8, 9; Ezekiel 16:28-30) Nakikiapid din ang Babilonyang Dakila. Halatang-halata na ginawa niya ang lahat ng inaakala niyang kailangan upang magkaroon ng impluwensiya at kapangyarihan sa mga namamahalang hari sa lupa.—1 Timoteo 4:1.
5. (a) Anong katanyagan ang gustung-gusto ng relihiyosong mga klerigo? (b) Bakit tuwirang salungat sa mga sinabi ni Jesu-Kristo ang paghahangad na maging prominente sa sanlibutan?
5 Sa ngayon, ang mga lider ng relihiyon ay malimit na nangangampanya para sa matataas na tungkulin sa pamahalaan, at sa ilang lupain, may puwesto sila sa gobyerno, anupat miyembro pa nga ng gabinete. Noong 1988, dalawang kilaláng klerigong Protestante ang tumakbo sa pagkapresidente ng Estados Unidos. Gustung-gustong maging tanyag ng mga lider ng Babilonyang Dakila; madalas makita sa mga pahayagan ang kanilang mga larawan kasama ng prominenteng mga pulitiko. Sa kabaligtaran, iniwasan ni Jesus na masangkot sa pulitika at sinabi niya hinggil sa kaniyang mga alagad: “Hindi sila bahagi ng sanlibutan, kung paanong ako ay hindi bahagi ng sanlibutan.”—Juan 6:15; 17:16; Mateo 4:8-10; tingnan din ang Santiago 4:4.
Makabagong-Panahong ‘Pagpapatutot’
6, 7. (a) Paano bumangon sa kapangyarihan ang Partidong Nazi ni Hitler sa Alemanya? (b) Paano nakatulong ang kasunduang nilagdaan ng Vatican at ng Alemanya sa ilalim ng Nazi sa ambisyon ni Hitler na magpuno sa daigdig?
6 Dahil sa pakikialam sa pulitika, dinulutan ng dakilang patutot ang sangkatauhan ng di-mailarawang kalungkutan. Halimbawa, isaalang-alang ang mga pangyayari sa likod ng pagbangon ni Hitler sa kapangyarihan sa Alemanya—nakagigitlang mga pangyayari na gusto sanang burahin ng ilan mula sa mga aklat ng kasaysayan. Noong Mayo 1924, 32 posisyon sa Reichstag ng Alemanya ang hawak ng Partidong Nazi. Pagsapit ng Mayo 1928, nabawasan ito at naging 12 na lamang. Gayunman, naapektuhan ng Great Depression ang buong daigdig noong 1930; sinamantala ito ng mga Nazi kaya bigla silang nakabawi, anupat nakuha ang 230 sa 608 puwesto sa halalan sa Alemanya noong Hulyo 1932. Di-nagtagal, tumulong sa mga Nazi ang dating kansilyer na si Franz von Papen, isang Kabalyero ng Papa. Ayon sa mga istoryador, nakinikinita ni von Papen ang isang bagong Banal na Imperyong Romano. Bigo ang kaniyang sariling maikling panunungkulan bilang kansilyer, kaya umaasa siya ngayong magkaroon ng kapangyarihan sa pamamagitan ng mga Nazi. Noong Enero 1933, nakumbinsi niya ang mga pinuno ng industriya na suportahan si Hitler, at sa pamamagitan ng tusong mga taktika, tiniyak niyang si Hitler ang magiging kansilyer ng Alemanya noong Enero 30, 1933. Iniluklok siya ni Hitler bilang bise-kansilyer at ginamit siya upang makuha ang suporta ng mga Katolikong sektor sa Alemanya. Sa loob ng dalawang buwan pagkaluklok sa kapangyarihan, binuwag ni Hitler ang parlamento, ipinatapon ang libu-libong lider ng oposisyon sa mga kampong piitan, at pinasimulan ang lantarang kampanya ng panunupil sa mga Judio.
7 Noong Hulyo 20, 1933, nahayag ang interes ng Vatican sa lumalaking kapangyarihan ng Nazismo nang lumagda si Kardinal Pacelli (na naging si Pope Pius XII) sa isang kasunduan sa Roma sa pagitan ng Vatican at ng Alemanya sa ilalim ng Nazi. Bilang kinatawan ni Hitler, nilagdaan ni von Papen ang dokumento, at doon ay ipinagkaloob ni Pacelli kay von Papen ang medalya na Grand Cross of the Order of Pius, isang mataas na karangalan na ipinagkakaloob ng mga papa.b Sa kaniyang aklat na Satan in Top Hat, ganito ang isinulat ni Tibor Koeves hinggil dito: “Malaking tagumpay para kay Hitler ang Kasunduan. Ito ang kauna-unahang moral na suporta na tinanggap niya mula sa ibang bansa, at napakarangal ng pinagmulan nito.” Hiniling ng kasunduan na iurong ng Vatican ang suporta nito sa Catholic Center Party ng Alemanya, sa gayo’y pinagtitibay ang “nagkakaisang estado” ni Hitler na may iisang partido.c Karagdagan pa, ganito ang sinabi ng artikulo 14 nito: “Ang pag-aatas ng mga arsobispo, mga obispo, at ng mga tulad nito ay gagawin lamang matapos matiyak ng gobernador, na hinirang ng Reich, na walang anumang umiiral na alinlangan kung tungkol sa pangkalahatang pulitikal na mga konsiderasyon.” Sa katapusan ng 1933 (na idineklara ni Pope Pius XI bilang “Banal na Taon”), ang suporta ng Vatican ang naging pangunahing salik sa ambisyon ni Hitler na magpuno sa daigdig.
8, 9. (a) Paano tumugon ang Vatican pati na ang Simbahang Katoliko at ang klero nito sa paniniil ng mga Nazi? (b) Ano ang ipinahayag ng mga obispong Katoliko sa Alemanya noong magsimula ang Digmaang Pandaigdig II? (c) Ano ang ibinunga ng ugnayang relihiyon at pulitika?
8 Bagaman mangilan-ngilang pari at madre ang tumutol sa pagmamalupit ni Hitler—at nagdusa sila dahil dito—ang Vatican at ang Simbahang Katoliko kasama na ang napakaraming klero nito ay aktibo o kaya’y tahimik na sumuporta sa paniniil ng mga Nazi, na itinuturing nilang isang tanggulan laban sa pagpasok ng pandaigdig na Komunismo. Habang nagpapasarap sa Vatican, hinayaan lamang ni Pope Pius XII na magpatuloy ang Holocaust (lansakang pagpatay) laban sa mga Judio at ang malupit na pag-uusig laban sa mga Saksi ni Jehova at sa iba pa nang hindi man lamang ito binabatikos. Nang dumalaw si Pope John Paul II sa Alemanya noong Mayo 1987, balintuna nga na nakuha pa niyang luwalhatiin ang paninindigan ng kaisa-isang taimtim na pari laban sa Nazi. Ano ba ang ginawa ng libu-libong iba pang klero sa Alemanya sa panahon ng kakila-kilabot na pamamahala ni Hitler? Isang liham-pastoral mula sa mga obispong Katoliko sa Alemanya noong Setyembre 1939 nang sumiklab ang Digmaang Pandaigdig II ang nagbibigay-liwanag sa puntong ito. Isinasaad sa isang bahagi nito: “Sa napakahalagang sandaling ito ay hinihimok namin ang aming mga sundalong Katoliko na gampanan ang kanilang tungkulin bilang pagsunod sa Fuehrer at maging handang isakripisyo ang kanilang buong pagkatao. Nagsusumamo kami sa mga Tapat na makiisa sa marubdob na pananalangin upang ang digmaang ito ay akayin ng Poong Maykapal tungo sa pinagpalang tagumpay.”
9 Ipinakikita ng ganitong diplomasyang Katoliko kung anong uri ng pagpapatutot ang ginawa ng relihiyon sa nakalipas na 4,000 taon sa panunuyo sa pulitikal na Estado sa layuning magkamit ng kapangyarihan at makinabang. Sa napakalawak na antas, ang ugnayang ito ng relihiyon at pulitika ay nagbunsod ng digmaan, pag-uusig, at kahapisan sa mga tao. Gayon na lamang ang kagalakan ng sangkatauhan sa pagkaalam na napipinto na ang hatol ni Jehova laban sa dakilang patutot. Mailapat nawa ito agad-agad!
Nakaupo sa Maraming Tubig
10. Saan tumutukoy ang “maraming tubig” na inaasahan ng Babilonyang Dakila na magiging proteksiyon niya, at ano ang nangyayari sa mga ito?
10 Ang sinaunang Babilonya ay nakaupo sa maraming tubig—ang Ilog Eufrates at ang napakaraming mga kanal. Nagsilbi itong proteksiyon sa kaniya at pinagmumulan ng ikabubuhay na nagdulot ng malaking kayamanan, hanggang bigla na lamang itong matuyo sa isang gabi. (Jeremias 50:38; 51:9, 12, 13) Umaasa rin ang Babilonyang Dakila na ipagsasanggalang at payayamanin siya ng “maraming tubig.” Ang makasagisag na mga tubig na ito ay “mga bayan at mga pulutong at mga bansa at mga wika,” samakatuwid nga, lahat ng bilyun-bilyon katao na kaniyang sinusupil at pinagkukunan ng materyal na suporta. Subalit ang mga tubig na ito ay natutuyo na rin, o nag-uurong ng kanilang suporta.—Apocalipsis 17:15; ihambing ang Awit 18:4; Isaias 8:7.
11. (a) Paano ‘nilasing ng sinaunang Babilonya ang buong lupa’? (b) Paano ‘nilalasing ng Babilonyang Dakila ang buong lupa’?
11 Bukod dito, ang Babilonya noong sinauna ay inilalarawan bilang ‘ginintuang kopa sa kamay ni Jehova, siya na lumalasing sa buong lupa.’ (Jeremias 51:7) Pinilit ng sinaunang Babilonya ang mga karatig-bansa na inumin ang mga kapahayagan ng galit ni Jehova nang kaniyang sakupin sila sa digmaan, anupat nanghina ang mga ito na gaya ng mga taong lasing. Sa paraang ito, naging instrumento siya ni Jehova. Nanakop din ang Babilonyang Dakila hanggang sa siya’y maging pandaigdig na imperyo. Subalit tiyak na hindi siya instrumento ng Diyos. Sa halip, naglilingkod siya sa “mga hari sa lupa” na kaniyang pinakikiapiran sa relihiyosong paraan. Binigyang-kasiyahan niya ang mga haring ito sa pamamagitan ng kaniyang huwad na mga doktrina at mga gawaing umaalipin upang ang karaniwang mga tao, ang “mga nananahan sa lupa,” ay panatilihing mahina gaya ng mga taong lasing, na sunud-sunuran lamang sa kanilang mga tagapamahala.
12. (a) Paano nagkaroon ng pananagutan ang isang bahagi ng Babilonyang Dakila sa Hapon sa pagbububo ng napakaraming dugo noong Digmaang Pandaigdig II? (b) Paano umurong ang “mga tubig” na sumusuporta sa Babilonyang Dakila sa Hapon, at ano ang naging resulta?
12 Ang Shintong Hapon ay kapansin-pansing halimbawa nito. Itinuturing ng isang nadoktrinahang sundalong Hapones na napakalaking karangalan ang ihandog ang kaniyang buhay sa emperador—ang kataas-taasang diyos ng mga Shinto. Noong Digmaang Pandaigdig II, mga 1,500,000 sundalong Hapones ang nasawi sa labanan; itinuturing ng halos lahat sa kanila na kahihiyan ang pagsuko. Subalit nang matalo ang Hapon, napilitan si Emperador Hirohito na amining hindi siya diyos. Nagbunga ito ng kapansin-pansing pag-urong ng “mga tubig” na sumusuporta sa bahaging Shinto ng Babilonyang Dakila—subalit nakalulungkot na napakarami nang dugong dumanak sa digmaan sa Pasipiko dahil sa kapahintulutan ng Shintoismo! Dahil sa paghinang ito ng impluwensiya ng Shinto, nabuksan din ang daan kamakailan upang maging nakaalay at bautisadong mga ministro ng Soberanong Panginoong Jehova ang mahigit 200,000 Hapones, na ang karamihan sa mga ito ay dating mga Shintoista at Budista.
Nakasakay sa Isang Hayop ang Patutot
13. Anong kagitla-gitlang eksena ang nakita ni Juan nang dalhin siya ng anghel sa isang ilang sa kapangyarihan ng espiritu?
13 Ano pa ang isinisiwalat ng hula hinggil sa dakilang patutot at sa magiging kahihinatnan nito? Gaya ng isinasalaysay ngayon ni Juan, isa pang buháy na buháy na eksena ang namamasdan natin: “At dinala niya [ng anghel] ako sa isang ilang sa kapangyarihan ng espiritu. At nakita ko ang isang babae na nakaupo sa isang kulay-iskarlatang mabangis na hayop na punô ng mapamusong na mga pangalan at may pitong ulo at sampung sungay.”—Apocalipsis 17:3.
14. Bakit angkop na sa ilang dinala si Juan?
14 Bakit sa ilang dinala si Juan? Isang naunang kapahayagan ng paghatol laban sa sinaunang Babilonya ang sinasabing “laban sa ilang ng dagat.” (Isaias 21:1, 9) Nagbigay ito ng sapat na babala na, sa kabila ng lahat ng kaniyang depensang tubig, magiging tiwangwang ang sinaunang Babilonya at hindi na paninirahan. Kaya angkop naman na sa pangitain ni Juan ay dalhin siya sa isang ilang upang makita ang kahihinatnan ng Babilonyang Dakila. Dapat din siyang maging tiwangwang at giba. (Apocalipsis 18:19, 22, 23) Gayunman, nagitla si Juan sa kaniyang nakikita roon. Hindi nag-iisa ang dakilang patutot! Nakasakay siya sa isang kakila-kilabot at mabangis na hayop!
15. Anu-ano ang mga pagkakaiba ng mabangis na hayop ng Apocalipsis 13:1 at niyaong sa Apocalipsis 17:3?
15 Ang mabangis na hayop ay may pitong ulo at sampung sungay. Kung gayon, ito rin ba ang mabangis na hayop na una nang nakita ni Juan, na may pito ring ulo at sampung sungay? (Apocalipsis 13:1) Hindi, may mga pagkakaiba. Ang mabangis na hayop na ito ay kulay-iskarlata at hindi sinasabing napuputungan ng mga diadema na gaya ng naunang mabangis na hayop. Hindi lamang ang pitong ulo nito ang may mapamusong na mga pangalan, kundi “punô [ito] ng mapamusong na mga pangalan.” Pero tiyak na may kaugnayan ang bagong mabangis na hayop na ito sa nauna; kapansin-pansin ang pagkakatulad ng dalawa anupat mahirap sabihing nagkataon lamang iyon.
16. Saan tumutukoy ang kulay-iskarlatang mabangis na hayop, at ano ang binabanggit hinggil sa layunin nito?
16 Kung gayon, ano ang bagong mabangis na hayop na ito na kulay-iskarlata? Lumilitaw na ito ang larawan ng mabangis na hayop na iniluwal dahil sa paghimok ng Anglo-Amerikanong mabangis na hayop na may dalawang sungay na tulad ng isang kordero. Matapos mabuo ang larawan, ang mabangis na hayop na iyon na may dalawang sungay ay pinahintulutang magbigay ng hininga sa larawan ng mabangis na hayop. (Apocalipsis 13:14, 15) Isang buháy at humihingang larawan ang nakikita ngayon ni Juan. Sumasagisag ito sa organisasyon ng Liga ng mga Bansa na binigyang-buhay ng mabangis na hayop na may dalawang sungay noong 1920. Nakinikinita ni Pangulong Wilson ng Estados Unidos na ang Liga ay “magiging isang kapulungan sa pagbibigay ng katarungan sa lahat ng tao at papawi magpakailanman sa banta ng digmaan.” Nang muli itong bumangon pagkatapos ng ikalawang digmaang pandaigdig bilang Nagkakaisang mga Bansa, ang layuning isinasaad sa karta nito ay “mapanatili ang internasyonal na kapayapaan at katiwasayan.”
17. (a) Sa anong paraan punô ng mapamusong na mga pangalan ang makasagisag na kulay-iskarlatang mabangis na hayop? (b) Sino ang nakasakay sa kulay-iskarlatang mabangis na hayop? (c) Paanong sa simula pa lamang ay nagkaroon na ng kaugnayan ang maka-Babilonyang relihiyon sa Liga ng mga Bansa at sa naging kahalili nito?
17 Sa anong paraan punô ng mapamusong na mga pangalan ang makasagisag na mabangis na hayop na ito? Sa diwa na itinatag ng mga tao ang multinasyonal na idolong ito bilang kahalili ng Kaharian ng Diyos—upang isakatuparan ang sinasabi ng Diyos na maisasakatuparan lamang ng kaniyang Kaharian. (Daniel 2:44; Mateo 12:18, 21) Gayunman, ang kapansin-pansin sa pangitain ni Juan ay na nakasakay sa kulay-iskarlatang mabangis na hayop ang Babilonyang Dakila. Gaya ng inihula, ang maka-Babilonyang relihiyon, lalung-lalo na yaong kabilang sa Sangkakristiyanuhan, ay nagkaroon ng kaugnayan sa Liga ng mga Bansa at sa naging kahalili nito. Noong Disyembre 18, 1918 pa lamang, pinagtibay ng kalipunan na kilala ngayon bilang National Council of the Churches of Christ in America ang deklarasyon na ganito ang sinasabi sa isang bahagi: “Ang Ligang ito ay hindi lamang isang pulitikal na instrumento; sa halip, ito ang pulitikal na kapahayagan ng Kaharian ng Diyos sa lupa. . . . Mapasisigla ng Simbahan ang espiritu ng kabutihang-loob, na kung wala ito ay hindi magtatagumpay ang anumang Liga ng mga Bansa. . . . Nakaugat sa Ebanghelyo ang Liga ng mga Bansa. Gaya ng Ebanghelyo, ang tunguhin nito ay ‘kapayapaan sa lupa, kabutihang-loob sa mga tao.’”
18. Paano ipinakita ng klero ng Sangkakristiyanuhan ang kanilang suporta sa Liga ng mga Bansa?
18 Noong Enero 2, 1919, inilathala ng San Francisco Chronicle ang ganitong ulong-balita: “Nagsusumamo ang Papa na Pagtibayin ang Liga ng mga Bansa ni Wilson.” Noong Oktubre 16, 1919, iniharap sa Senado ng Estados Unidos ang isang petisyon na nilagdaan ng 14,450 klerigo mula sa pangunahing mga denominasyon, na humihimok sa Senado na “pagtibayin ang tratadong pangkapayapaan ng Paris kung saan nakasaad ang tipan ng liga ng mga bansa.” Bagaman nabigo ang Senado ng Estados Unidos na pagtibayin ang tratado, patuloy na ikinampanya ng klero ng Sangkakristiyanuhan ang Liga. At paano pinasinayaan ang Liga? Ganito ang sinasabi ng isang ulat mula sa Switzerland, na may petsang Nobyembre 15, 1920: “Ang pagbubukas ng unang kapulungan ng Liga ng mga Bansa ay ipinatalastas sa ganap na alas onse kaninang umaga sa pamamagitan ng pagpapatunog sa lahat ng kampana ng simbahan sa Geneva.”
19. Nang lumitaw ang kulay-iskarlatang mabangis na hayop, ano ang ginawa ng uring Juan?
19 Ang uring Juan ba, ang kaisa-isang grupo sa lupa na buong-pananabik na tumanggap sa dumarating na Mesiyanikong Kaharian, ay nakibahagi sa Sangkakristiyanuhan sa pagbibigay-galang sa kulay-iskarlatang mabangis na hayop? Malayong mangyari! Noong Linggo, Setyembre 7, 1919, itinampok sa kombensiyon ng bayan ni Jehova sa Cedar Point, Ohio, ang pahayag pangmadla na “Ang Pag-asa Para sa Namimighating Sangkatauhan.” Kinabukasan, iniulat ng Star-Journal ng Sandusky na si J. F. Rutherford, sa kaniyang pahayag sa harap ng halos 7,000 katao, ay “mariing nagsabi na siguradong matitikman ng Liga ang galit ng Panginoon . . . sapagkat ang klero—Katoliko at Protestante—na nag-aangking mga kinatawan ng Diyos, ay tumalikod sa kaniyang plano at itinaguyod ang Liga ng mga Bansa, na ibinubunyi ito bilang pulitikal na kapahayagan ng kaharian ni Kristo sa lupa.”
20. Bakit pamumusong na ibunyi ng klero ang Liga ng mga Bansa bilang “pulitikal na kapahayagan ng Kaharian ng Diyos sa lupa”?
20 Ang kalunus-lunos na pagkabigo ng Liga ng mga Bansa ay nagsilbi sanang hudyat sa klero na hindi bahagi ng Kaharian ng Diyos sa lupa ang gayong gawang-taong mga instrumento. Kaylaking pamumusong na gawin ang ganitong pag-aangkin! Waring pinalilitaw nito na kasama ang Diyos sa napakalaking kabiguan na kinahinatnan ng Liga. Kung tungkol sa Diyos, “sakdal ang kaniyang gawa.” Ang makalangit na Kaharian ni Jehova sa ilalim ni Kristo—at hindi isang kalipunan ng nagbabangayang mga pulitiko, na karamihan ay mga ateista—ang paraan na gagamitin niya para magkaroon ng kapayapaan at maganap ang kaniyang kalooban sa lupa gaya ng sa langit.—Deuteronomio 32:4; Mateo 6:10.
21. Ano ang nagpapakitang sinusuportahan at hinahangaan ng dakilang patutot ang kahalili ng Liga, ang Nagkakaisang mga Bansa?
21 Kumusta naman ang kahalili ng Liga, ang Nagkakaisang mga Bansa? Mula nang maitatag ito, sinakyan din ng dakilang patutot ang organisasyong ito, na halatang-halata na may matalik na kaugnayan dito at sinisikap pa man ding kontrolin ang kahihinatnan nito. Halimbawa, noong ika-20 anibersaryo nito noong Hunyo 1965, ang mga kinatawan ng Simbahang Romano Katoliko at ng Simbahang Ortodokso sa Silangan, kasama na ang mga Protestante, Judio, Hindu, Budista, at Muslim—na sinasabing kumakatawan sa dalawang bilyon ng populasyon sa lupa—ay nagtipon sa San Francisco upang ipagdiwang ang kanilang suporta at paghanga sa UN. Nang dumalaw sa UN si Pope Paul VI noong Oktubre 1965, inilarawan niya ito bilang “ang pinakadakila sa lahat ng internasyonal na organisasyon” at sinabi pa: “Ang mga tao sa lupa ay umaasa sa Nagkakaisang mga Bansa bilang kahuli-hulihang pag-asa ukol sa pagkakasundo at kapayapaan.” Isa pang panauhing papa, si Pope John Paul II, ay nagsabi nang ganito sa kaniyang talumpati sa UN noong Oktubre 1979: “Umaasa akong ang Nagkakaisang mga Bansa ay mananatiling kataas-taasang kapulungan ukol sa kapayapaan at katarungan.” Kapuna-puna, halos walang binanggit ang papa tungkol kay Jesu-Kristo o sa Kaharian ng Diyos sa kaniyang talumpati. Nang dumalaw siya sa Estados Unidos noong Setyembre 1987, iniulat ng The New York Times na “detalyadong tinalakay ni John Paul ang positibong papel ng Nagkakaisang mga Bansa sa pagtataguyod ng . . . ‘bagong pandaigdig na pagkakaisa.’”
Isang Pangalan, Isang Hiwaga
22. (a) Anong uri ng hayop ang napiling sakyan ng dakilang patutot? (b) Paano inilalarawan ni Juan ang makasagisag na patutot na siyang Babilonyang Dakila?
22 Di-magtatagal at malalaman ni apostol Juan na mapanganib ang hayop na napiling sakyan ng dakilang patutot. Gayunman, itinuon muna niya ang kaniyang pansin sa Babilonyang Dakila mismo. Napakarangya ng kaniyang kagayakan, subalit nakapandidiri siya! “At ang babae ay nagagayakan ng purpura at iskarlata, at napapalamutian ng ginto at mahalagang bato at mga perlas at may ginintuang kopa sa kaniyang kamay na punô ng mga kasuklam-suklam na bagay at ng maruruming bagay ng kaniyang pakikiapid. At sa kaniyang noo ay nakasulat ang isang pangalan, isang hiwaga: ‘Babilonyang Dakila, ang ina ng mga patutot at ng mga kasuklam-suklam na bagay sa lupa.’ At nakita ko na ang babae ay lasing sa dugo ng mga banal at sa dugo ng mga saksi ni Jesus.”—Apocalipsis 17:4-6a.
23. Ano ang buong pangalan ng Babilonyang Dakila, at ano ang kahulugan nito?
23 Gaya ng kaugalian sa sinaunang Roma, nakikilala ang patutot na ito dahil sa pangalan sa kaniyang noo.d Mahabang pangalan ito: “Babilonyang Dakila, ang ina ng mga patutot at ng mga kasuklam-suklam na bagay sa lupa.” Ang pangalang ito ay “isang hiwaga,” isang bagay na may lihim na kahulugan. Subalit sa takdang panahon ng Diyos, ipaliliwanag ang hiwagang ito. Sa katunayan, nagbigay ng sapat na impormasyon ang anghel kay Juan upang maunawaan ng mga lingkod ni Jehova sa ngayon ang talagang ibig sabihin ng makahulugang pangalang ito. Alam natin na ang Babilonyang Dakila ang kabuuan ng huwad na relihiyon. Siya ang “ina ng mga patutot” sapagkat ang bawat huwad na relihiyon sa daigdig, pati na ang maraming sekta sa Sangkakristiyanuhan, ay parang mga anak niya na tumutulad sa kaniya sa espirituwal na pagpapatutot. Siya rin ang ina ng “mga kasuklam-suklam na bagay” sapagkat nagluwal siya ng nakaririmarim na mga supling na gaya ng idolatriya, espiritismo, panghuhula ng kapalaran, astrolohiya, pagbabasa ng palad, paghahandog ng tao, pagpapatutot sa templo, paglalasing bilang parangal sa huwad na mga diyos, at iba pang mahahalay na kaugalian.
24. Bakit angkop na makitang nadaramtan ng “purpura at iskarlata” at “napapalamutian ng ginto at mahalagang bato at mga perlas” ang Babilonyang Dakila?
24 Ang Babilonyang Dakila ay nadaramtan ng “purpura at iskarlata,” mga kulay na maharlika, at “napapalamutian ng ginto at mahalagang bato at mga perlas.” Angkop na angkop nga ito! Isaalang-alang na lamang ang lahat ng mararangyang gusali, pambihirang mga estatuwa at mga ipinintang larawan, mamahaling mga imahen, at iba pang relihiyosong mga kagamitan, pati na ang pagkarami-raming ari-arian at salapi, na naipon ng mga relihiyon ng daigdig. Sa Vatican man, o sa imperyo ng pag-eebanghelyo sa TV na nakasentro sa Estados Unidos, o sa eksotikong mga monasteryo at templo sa Silangan, ang Babilonyang Dakila ay nakapagkamal—at paminsan-minsa’y nawalan din—ng napakalaking kayamanan.
25. (a) Ano ang isinasagisag ng nilalaman ng ‘ginintuang kopa na punô ng mga kasuklam-suklam na bagay’? (b) Sa anong diwa lasing ang makasagisag na patutot?
25 Masdan ngayon kung ano ang nasa kamay ng patutot. Marahil ay nabigla si Juan nang makita niya ito—isang ginintuang kopa na “punô ng mga kasuklam-suklam na bagay at ng maruruming bagay ng kaniyang pakikiapid”! Ito ang kopa na naglalaman ng “alak ng galit ng kaniyang pakikiapid” na ipinainom niya sa lahat ng bansa hanggang sa malasing sila. (Apocalipsis 14:8; 17:4) Bagaman mukhang mamahalin, kasuklam-suklam at marumi naman ang laman nito. (Ihambing ang Mateo 23:25, 26.) Nasa kopang ito ang lahat ng maruruming gawain at kasinungalingan na ginamit ng dakilang patutot upang akitin ang mga bansa at ipailalim ang mga ito sa kaniyang impluwensiya. Higit na nakaririmarim, nakita ni Juan na ang patutot mismo ay lango, lasing sa dugo ng mga lingkod ng Diyos! Sa katunayan, mababasa natin sa dakong huli na “sa kaniya nasumpungan ang dugo ng mga propeta at ng mga banal at ng lahat niyaong mga pinatay sa lupa.” (Apocalipsis 18:24) Kaylaking pagkakasala sa dugo!
26. Ano ang nagpapatunay na nagkasala sa dugo ang Babilonyang Dakila?
26 Sa paglipas ng maraming siglo, nagbubo ng pagkarami-raming dugo ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Halimbawa, sa Hapon noong Edad Medya, ginawang kuta ang mga templo sa Kyoto, at ang mga mandirigmang monghe, na nananawagan sa “banal na pangalan ni Buddha,” ay nagdigmaan sa isa’t isa hanggang sa pumula ang mga lansangan dahil sa dugo. Noong ika-20 siglo, ang mga klero ng Sangkakristiyanuhan ay nakipagmartsa sa mga hukbong sandatahan ng kani-kanilang bansa, at nagpatayan ang mga ito, anupat hindi kukulangin sa sandaang milyong buhay ang nasawi. Noong Oktubre 1987, sinabi ng dating pangulo ng Estados Unidos na si Nixon: “Ang ika-20 siglo ang pinakamadugo sa buong kasaysayan. Mas maraming tao ang napatay sa mga digmaan ng siglong ito kaysa sa lahat ng digmaang ipinaglaban bago nagsimula ang siglong ito.” Kapaha-pahamak ang hatol ng Diyos sa mga relihiyon ng daigdig dahil sa pananagutan nila sa lahat ng ito; kinasusuklaman ni Jehova ang “mga kamay na nagbububo ng dugong walang-sala.” (Kawikaan 6:16, 17) Bago pa nito, nakarinig si Juan ng sigaw mula sa altar: “Hanggang kailan, Soberanong Panginoon na banal at totoo, na magpipigil ka sa paghatol at sa paghihiganti para sa aming dugo sa mga tumatahan sa ibabaw ng lupa?” (Apocalipsis 6:10) Ang Babilonyang Dakila, ang ina ng mga patutot at ng mga kasuklam-suklam na bagay sa lupa, ay lubhang masasangkot kapag dumating na ang panahon para sagutin ang tanong na ito.
[Mga talababa]
a Hinggil sa di-maka-Kristiyanong pinagmulan ng marami sa apostatang doktrina, seremonya, at kaugalian ng Sangkakristiyanuhan, ganito ang isinulat ng ika-19 na siglong Romano Katolikong kardinal na si John Henry Newman sa kaniyang Essay on the Development of Christian Doctrine: “Ang paggamit ng mga templo, na inialay sa partikular na mga santo, at ginagayakan paminsan-minsan ng mga sanga ng punungkahoy; insenso, mga lampara, at kandila; ipinanatang mga alay upang gumaling sa sakit; agua bendita; mga ampunan; mga kapistahan at kapanahunan, paggamit ng mga kalendaryo, prusisyon, mga bendisyon sa mga bukirin; mga kasuutang pansaserdote, pagsatsat sa buhok, singsing sa kasalan, pagharap sa Silangan, mga imahen nitong kamakailan, marahil pati na ang salmong pansimbahan, at ang Kyrie Eleison [ang awit na “Panginoon, Kaawaan Mo Kami”], ay pawang nagmula sa mga pagano, at pinabanal nang tanggapin ito sa Simbahan.”
Sa halip na pabanalin ang gayong idolatriya, pinapayuhan ni “Jehova na Makapangyarihan-sa-lahat” ang mga Kristiyano: “Lumabas kayo mula sa kanila, at humiwalay kayo, . . . at tigilan na ninyo ang paghipo sa maruming bagay.”—2 Corinto 6:14-18.
b Isinasaad ng makasaysayang akda ni William L. Shirer na The Rise and Fall of the Third Reich na si von Papen ang siyang “may higit na pananagutan kaysa sa kaninupamang Aleman sa pagbangon ni Hitler sa kapangyarihan.” Noong Enero 1933, sinabi ng dating kansilyer ng Alemanya na si von Schleicher hinggil kay von Papen: “Ganoon na lamang ang kaniyang kataksilan anupat magiging santo si Judas Iscariote kung ihahambing sa kaniya.”
c Sa kaniyang talumpati sa College of Mondragone noong Mayo 14, 1929, sinabi ni Pope Pius XI na makikipagkasundo siya sa Diyablo mismo basta para sa ikabubuti ng mga tao.
d Ihambing ang sinabi ng Romanong awtor na si Seneca sa isang makasalanang babaing saserdote (gaya ng pagkakasipi ni Swete): “Babae, nakatayo ka sa bahay ng panandaliang aliw . . . ang pangalan mo’y nakasabit sa iyong noo; ipinagpalit mo ang iyong puri sa salapi.”—Controv. i, 2.
[Kahon sa pahina 237]
Inilantad ni Churchill ang ‘Pagpapatutot’
Sa kaniyang aklat na The Gathering Storm (1948), iniulat ni Winston Churchill na inatasan ni Hitler si Franz von Papen bilang ministrong Aleman sa Vienna upang “pahinain o kumbinsihin ang pangunahing mga pulitiko sa Austria.” Sinipi ni Churchill ang ministro ng Estados Unidos sa Vienna na nagsabi hinggil kay von Papen: “Napakapangahas at napakamapang-uyam . . . na sinabi sa akin ni Papen na . . . binabalak niyang gamitin ang kaniyang reputasyon bilang isang mabuting Katoliko upang impluwensiyahan ang mga taga-Austria na gaya ni Kardinal Innitzer.”
Matapos sumuko ang Austria at magmartsa papasok sa Vienna ang malupit na pribadong hukbo (storm trooper) ni Hitler, iniutos ng Katolikong kardinal na si Innitzer na magwagayway ng bandilang swastika ang lahat ng simbahan sa Austria, patunugin ang kanilang mga kampana, at ipagdasal si Adolf Hitler bilang parangal sa kaniyang kapanganakan.
[Kahon/Larawan sa pahina 238]
Sa ilalim ng pamagat na ito, lumitaw ang artikulong nasa ibaba sa unang edisyon ng The New York Times noong Disyembre 7, 1941:
‘PANALANGIN PARA SA PAKIKIDIGMA’ NG REICH
Humiling ng Pagpapala at Tagumpay ang mga Obispong Katoliko sa Fulda
Ang Komperensiya ng mga Obispong Katoliko sa Alemanya na nagtipon sa Fulda ay nagmungkahi ng paghaharap ng isang pantanging ‘panalangin para sa pakikidigma’ na dapat basahin sa pasimula at katapusan ng lahat ng banal na misa.
Ang panalangin ay namamanhik sa Maykapal na basbasan nawa ng tagumpay ang sandatahang Aleman at proteksiyunan ang buhay at kalusugan ng lahat ng sundalo. Tinagubilinan pa ng mga Obispo ang klerong Katoliko na kahit minsan man lamang sa isang buwan ay ilakip at alalahanin sa isang pantanging pang-Linggong sermon ang mga sundalong Aleman na ‘nasa lupa, dagat at himpapawid.’”
Ang artikulo ay inalis sa sumunod na mga edisyon ng pahayagan. Disyembre 7, 1941 nang sumalakay sa plota ng Estados Unidos sa Pearl Harbor ang Hapon, na kaalyado ng Alemanya sa ilalim ng Nazi.
[Kahon sa pahina 244]
“Mapamusong na mga Pangalan”
Nang itaguyod ng mabangis na hayop na may dalawang sungay ang Liga ng mga Bansa pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I, agad gumawa ng paraan ang marami niyang relihiyosong kalaguyo upang mabigyan ng relihiyosong pagsang-ayon ang hakbang na ito. Dahil dito, ‘napuno ng mapamusong na mga pangalan’ ang bagong organisasyong pangkapayapaan.
“Ang Kristiyanismo ay makapaglalaan ng kabutihang-loob, ang puwersa na nasa likod ng liga [ng mga bansa], upang mabago nito ang tratado mula sa isa lamang pirasong papel tungo sa pagiging isang instrumento ng kaharian ng Diyos.”—The Christian Century, E.U.A., Hunyo 19, 1919, pahina 15.
“Ang konsepto ng Liga ng mga Bansa ay ang palawakin at gawing internasyonal ang konsepto ng Kaharian ng Diyos bilang isang pandaigdig na kaayusan ng kabutihang-loob. . . . Ito ang idinadalangin ng lahat ng Kristiyano kapag sinasabi nilang, ‘Dumating nawa ang Kaharian mo.’”—The Christian Century, E.U.A., Setyembre 25, 1919, pahina 7.
“Ang Buklod ng Liga ng mga Bansa ay ang Dugo ni Kristo.”—Dr. Frank Crane, ministrong Protestante, E.U.A.
“Ang [Pambansang] Konsilyo [ng mga Congregational Church] ay sumusuporta sa Tipan [ng Liga ng mga Bansa] bilang tanging pulitikal na instrumento na umiiral sa ngayon upang sa pamamagitan nito ang Espiritu ni Jesu-Kristo ay praktikal na maikapit sa mas malawak na paraan sa ugnayan ng mga bansa.”—The Congregationalist and Advance, E.U.A., Nobyembre 6, 1919, pahina 642.
“Ang komperensiya ay nananawagan sa lahat ng Metodista na lubusang ipagtanggol at itaguyod ang mga mithiin [ng Liga ng mga Bansa] na ipinahahayag ng ideya ng Diyos Ama at ng makalupang mga anak ng Diyos.”—The Wesleyan Methodist Church, Britanya.
“Kapag isinasaalang-alang natin ang mga hangarin, ang mga posibilidad at ang mga resolusyon ng kasunduang ito, matutuklasan natin na napapaloob dito ang buod ng mga turo ni Jesu-Kristo: Ang Kaharian ng Diyos at ang kaniyang katuwiran . . . Ito lamang at wala nang iba.”—Sermon ng Arsobispo ng Canterbury sa pagbubukas ng Asamblea ng Liga ng mga Bansa sa Geneva, Disyembre 3, 1922.
“Ang Asosasyon ng Liga ng mga Bansa sa bansang ito ay may banal na karapatan na gaya rin ng alinmang mapagkawanggawang samahan ng mga misyonero, sapagkat ito sa kasalukuyan ang pinakamabisang ahensiya ng pamamahala ni Kristo bilang Prinsipe ng kapayapaan sa gitna ng mga bansa.”—Dr. Garvie, ministrong Congregationalist, Britanya.
[Mapa sa pahina 236]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Nagmula sa Babilonya ang huwad na mga doktrinang pinaniniwalaan sa buong daigdig
Babilonya
Mga trinidad o tatluhang diyos
Hindi namamatay ang kaluluwa ng tao
Espiritismo—pakikipag-usap sa mga “patay”
Paggamit ng mga larawan sa pagsamba
Pag-oorasyon upang payapain ang mga demonyo
Pamumuno ng makapangyarihang pagkasaserdote
[Larawan sa pahina 239]
Nakaupo sa maraming tubig ang sinaunang Babilonya
[Larawan sa pahina 239]
Nakaupo rin sa “maraming tubig” ang dakilang patutot sa ngayon
[Larawan sa pahina 241]
Ang Babilonyang Dakila na nakasakay sa isang mapanganib at mabangis na hayop
[Mga larawan sa pahina 242]
Nakiapid sa mga hari sa lupa ang relihiyosong patutot
[Mga larawan sa pahina 245]
Ang babae ay “lasing sa dugo ng mga banal”