Ano ang Magiging Kahulugan Para sa Iyo ng Araw ng Panginoon?
“Humayo at manupil ka sa gitna ng iyong mga kaaway.”—AWIT 110:2.
1-3. (a) Bakit ang pasimula ng araw ng Panginoon ay isang panahon ng labanan, at ano ang ilan sa mga tagumpay ni Jesus? (b) Paano ‘lulubusin [ni Jesus] ang kaniyang pananakop’?
NOONG 1914, si Jesus ay iniluklok bilang Hari ng Kaharian ng Diyos, at nagsimula ang araw ng Panginoon. Karakaraka, ang bagong Hari ay napaharap sa malakas na pananalansang buhat kay Satanas na Diyablo at sa kaniyang mga ahente rito sa lupa. (Awit 2:1-6) Kaya ang maagang taóng ito ng araw ng Panginoon ay isang panahon ng labanan at si Jesus ay humayo ng ‘panunupil sa gitna ng kaniyang mga kaaway.’—Awit 110:2.
2 Ang mga tagumpay ng bagong Hari ay kahanga-hanga. Pagkaraan ng 1914, sinikap ni Satanas na “sakmalin” ang bagong kasisilang na Kaharian ngunit, sa halip, siya’y pinalayas sa langit sa kahiya-hiyang paraan. (Apocalipsis 12:1-12) Nang magkagayo’y ‘nakipagbaka’ sa mga nalalabing bahagi ng pinahiran, subalit hindi niya nahadlangan ang kanilang ‘pagtindig’ noong 1919 o ang kanilang pagtanggap ng “ang maliit na balumbon” buhat sa kamay ni Jesu-Kristo. (Apocalipsis 10:8-11; 11:11, 12; 12:17) Siya’y wala ring lakas upang hadlangan ang pagtitipon sa mga huling bahagi ng 144,000 at ang pagpipisan sa malaking pulutong (buhat sa lahat ng bansa), na nagsasagawa ng “banal na paglilingkod araw at gabi sa templo [ni Jehova].”—Apocalipsis 7:1-3, 9-15.
3 Oo nga, buhat noong 1914 si Jesus ay ‘patuloy na nananakop.’ Gayunman, malaki pa ang kailangang gawin. Kailangan pa rin na “lubusin [ni Jesus] ang kaniyang pananakop.” Kailangan pa niyang kumilos upang alisin ang lahat ng bakas ng pansanlibutang sistema ng mga bagay ni Satanas. (Apocalipsis 6:1, 2; 19:11-21) Ano ang magiging kahulugan para sa atin bilang mga indibiduwal ng napakahalagang pagkilos na ito?
Pangmadlang Paghuhubad sa Babilonyang Dakila
4. Paanong inilalarawan sa Apocalipsis ang huwad na relihiyon?
4 Ang pagpuksa sa sanlibutan ni Satanas ay nagsisimula sa katapusan ng huwad na relihiyon. Sa Apocalipsis ay inilalarawan ang buong pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon—kasali na ang Sangkakristiyanuhan—bilang isang patutot, ang Babilonyang Dakila, na may kaugnayan sa mga hari sa lupa at nilalasing ang sangkatauhan ng kaniyang pakikiapid. Siya mismo ay lasing din—nakasusuklam—buhat sa pag-inom ng dugo, ang dugo ng mga lingkod ng Diyos. (Apocalipsis 17:1-6) Inilalarawan din ng Apocalipsis ang wakas ng kasuklam-suklam na matandang patutot na ito, at lalong mainam na mauunawaan natin kung ano ang magiging kahulugan nito kung ating isasaalang-alang ang nangyari sa isa pang relihiyosong patutot na umiral noong ikapitong siglo bago ng ating Karaniwang Panahon.
5, 6. Bakit ang di-tapat na Jerusalem ay tinawag na isang patutot, at anong hatol ang idinulot nito sa kaniya buhat sa kamay ni Jehova?
5 Ang patutot na iyon ay yaong lunsod ng Jerusalem. Siya’y itinuturing na sentro ng pagsamba kay Jehova sa lupa, subalit sinabi ng Diyos sa kaniya: “Ikaw ay naging salarin dahil sa iyong dugo na iyong ibinubo.” (Ezekiel 22:4) Siya’y hinahanapan din na maging malinis sa espirituwal, subalit siya’y nagpatutot sa pamamagitan ng pakikilaguyo sa mga bansa. “Oh anong tindi ng galit ko sa iyo,” ang sabi sa kaniya ni Jehova, “dahilan sa paggawa mo ng lahat ng mga bagay na ito, ang gawa ng isang babae, isang dominanteng patutot!”—Ezekiel 16:30; 23:1-21; Santiago 4:4.
6 Pag-isipan, kung gayon, ang hatol ni Jehova sa patutot na ito: “Narito, aking pipisaning sama-sama ang lahat [ng mga bansa] na mapusok na nangibig sa iyo at kasama mo sa kalayawan at lahat niyaong inibig mo. . . , At kanilang huhubaran ka ng iyong kasuotan at tatangayin ang iyong magagandang bagay at iiwanan kang hubo’t-hubad. At kanilang susunugin ang iyong mga bahay.” (Ezekiel 16:37, 39, 41; 23:25-30) Ang kasaysayan ang nag-uulat ng nangyari. Dumating ang mga taga-Babilonya noong 607 B.C.E. at hinubaran nang hubad na hubad ang Jerusalem. Ang kaniyang mga mamamayan at ang kaniyang kayamanan ay tinangay at dinala sa Babilonya. Ang lunsod ay pinuksa, sinunog ang templo, at iniwang giba ang lupain.—2 Cronica 36:17-21.
7. Ano ang magiging wakas ng Babilonyang Dakila?
7 Nahahawig diyan ang mangyayari sa Babilonyang Dakila. Ang Apocalipsis ay nagbababala: “Ang mga ito [ang modernong “mga hari,” o mga pangulo na espirituwal na kalaguyo ng Babilonyang Dakila] ay mapopoot sa patutot at kanilang wawasakin at huhubaran siya, at kanilang kakainin ang kaniyang laman at lubusang susunugin siya ng apoy.” (Apocalipsis 17:2, 16) Batay sa halimbawa ng sinaunang Jerusalem, batid natin kung ano ang kahulugan nito. Ang huwad na relihiyon ay pupuksain ng mga pamahalaan ng mga bansa na dati’y ‘mangingibig’ niya. Ang kaniyang kayamanan ay tatangayin, at siya’y susunugin, lubusang pupuksain. Isang nararapat na wakas sa isang nakasusuklam na organisasyon!
Nagdilim ang mga Langit
8. Para sa sangkatauhan ay panahon ng ano ang malaking kapighatian?
8 Sa pagkapuksa ng Babilonyang Dakila, tayo’y papasok na sa “malaking kapighatian” na inihula ni Jesus. (Mateo 24:21; Apocalipsis 7:14) Tungkol sa panahong iyon, ang Apocalipsis ay nagsasabi: “Nagkaroon ng malakas na lindol; at ang araw ay umitim na gaya ng magaspang na kayong buhok na maitim, at ang buong buwan ay naging gaya ng dugo, at ang mga bituin sa langit ay nangahulog sa lupa.” (Apocalipsis 6:12, 13) Ang malakas na lindol na ito ang “malaganap na yayanig” sa “lupain ng Israel” na inihula ni Ezekiel. (Ezekiel 38:18, 19; Joel 3:14-16) Ito ang pangkatapusang pagpuksa sa balakyot na sistemang ito ng mga bagay. Mayroon bang mangyayari sa literal na araw, buwan, at mga bituin sa panahong iyon?
9, 10. Ano ang hula ni Ezekiel tungkol sa Ehipto, at paano ito natupad?
9 Si Ezekiel, sa pagbibigay-babala tungkol sa napipintong pagbagsak ng malaking kalapit-bansa ng Israel sa gawing timog, ang Ehipto, ay nagsabi: “‘At pagka ikaw [Faraon] ay nagwakas aking tatakpan ang mga langit at padidilimin ko ang mga bituin niyaon. Ang araw ay aking tatakpan ng mga alapaap, at ang buwan ay hindi magbibigay ng kaniyang liwanag. Lahat ng maningning na liwanag sa mga langit—aking padidilimin sa iyo, at tatakpan ko ng kadiliman ang iyong lupain,’ ang sabi ng Soberanong Panginoong Jehova.”—Ezekiel 32:7, 8.
10 Nang bumagsak si Faraon at ang kaniyang mga hukbo, ang literal na mga langit ay hindi nagdilim. Subalit ang hinaharap ng Ehipto ay naging napakadilim. Isang eskolar ng Bibliya, si C. F. Keil ang nagsabi, “ang kadiliman na bunga [ng pagbagsak ni Faraon] ay isang talinghaga na sumasagisag sa mga kalagayang doo’y lubusang walang pag-asa.” Palibhasa’y tuluyang nagwakas bilang isang malayang makapangyarihang bansa ng daigdig, ang Ehipto ay naging dominado ng sunud-sunod na makapangyarihang bansa ng daigdig! Sa ngayon, karamihan ng teritoryo ng sinaunang makapangyarihang bansa ng daigdig ng mga Faraon ay pinaghaharian ng isang bansang Arabo.
11. (a) Ano ang inilarawan ng nangyari sa Ehipto? (b) Paanong ang hinaharap ay lubusang magiging madilim para sa sanlibutan ni Satanas sa panahon ng malaking kapighatian?
11 Subalit higit pang kahulugan ang nakita ni Keil sa hula ni Ezekiel. Ganito ang isinulat niya: “Ang pagbagsak ng pandaigdig-na-kapangyarihang ito [Ehipto] ay isang babala at tanda ng pagbagsak ng lahat ng pandaigdig na kapangyarihan sa araw ng huling paghuhukom.” Ito, sa pinakabuod, ay totoo. Gaya ng ipinakikita ng Apocalipsis, sa malaking kapighatian ang mga inaasahan ng mga taong masasama ay magiging napakadilim na gaya niyaong sa Ehipto. Para bang ang araw ay hindi nagbigay ng kaniyang liwanag kung araw at sa gabi ang langit ay walang anumang sumisikat na liwanag buhat sa buwan at walang anumang maningning na mga bituing kumikislap. Yaong mga tumatangging magparangal sa Hari ni Jehova ay magsisipanaw at hindi man lamang bibigyan ng marangal na paglilibing samantalang nilulubos ng Sakay ng kabayong maputi ang kaniyang pananakop. (Apocalipsis 19:11, 17-21; Ezekiel 39:4, 17-19) Hindi nga kataka-taka na ang mga taong balakyot ay hihiyaw “sa mga bundok at sa mga batong-bundok: ‘Bagsakan ninyo kami at ikubli ninyo kami mula sa mukha ng Isa na nakaluklok sa trono at mula sa poot ng Kordero, sapagkat ang dakilang araw ng poot nila’y sumapit na, at sino ba ang makatatayo?’”—Apocalipsis 6:16, 17; Mateo 24:30.
Walang Lubay na Digmaan!
12. Paano ipinakita ni Satanas ang kaniyang pagkapoot kay Jesu-Kristo sa araw ng Panginoon?
12 Subalit, ano naman ang masasabi tungkol sa mga Kristiyano sa mga panahong ito? Bueno, sila’y lubhang naapektuhan ng walang lubay na labanan sa pagitan ni Satanas at ng Sakay ng kabayong maputi. Yamang hindi nagagawa ni Satanas na atakihing personal si Jesus, ang buong tindi ng kaniyang poot ay ibinubuhos niya sa mga nalalabi pa ng pinahiran at—sa hindi pa natatagalan—sa malaking pulutong ng mga ibang tupa na nagtipon sa palibot nila. Gaya ng babala ni Jesus, ang mga ito ay “kinapopootan ng lahat ng bansa dahil sa [kaniyang] pangalan.” (Mateo 24:9) Ginamit ni Satanas ang bawat armas na maaari niyang gamitin, kasali na ang pang-uumog, pagbibilanggo, pagpapahirap, at pagpatay, upang malabanan sila.—2 Timoteo 3:12.
13. Paano gumagamit si Satanas ng panlilinlang sa kaniyang pakikibaka laban sa bayan ng Diyos?
13 Si Satanas ay gumamit din ng mahusay na panlilinlang. (Efeso 6:11) Sa pamamagitan ng paggamit ng “mapandayang kapangyarihan ng kayamanan,” kaniyang natukso ang ilan na magmabagal o huminto pa nga sa kanilang banal na paglilingkod. (Mateo 13:22; 1 Timoteo 6:9, 10) Ang iba naman ay kaniyang inaakit sa mga gawaing karumaldumal at imoral. (1 Corinto 5:1, 2) Marami ang nasa ilalim ng malaking kagipitan dahilan sa “mga kabalisahan sa buhay,” at ito’y sinasamantala ni Satanas upang sila’y ‘mailugmok’ doon. (Lucas 21:34) Sa mga ilang kaso naman, kaniyang ginamit ang mga di-pagkakasundo na likha ng pagkakaiba-iba ng personalidad o ang hilig na maghimagsik upang umabala sa “lalong mahalagang mga bagay.”—Filipos 1:10; 1 Corinto 1:11, 12; Santiago 4:1-3.
14, 15. Paano tayo makapagtatagumpay sa ating pakikibaka kay Satanas?
14 Kaya naman, kailangang paunlarin ng mga Kristiyano ang pagtitiis sa panahon ng araw ng Panginoon. Ang ilan ay nabigo, at bawat pagkabigo ay naging isang munting tagumpay para kay Satanas. (1 Pedro 5:8) Subalit karamihan ay nakinig sa pangako ni Jesus: “Ang magtiis hanggang sa wakas ang siyang maliligtas.” (Mateo 24:13) Sa tulong buhat kay Jehova, sila’y nagtagumpay at nagdulot ng kagalakan sa kaniyang puso.—Kawikaan 27:11; 1 Juan 2:13, 14.
15 Tiyak, wala sa atin ang may ibig na bigyang-kasiyahan si Satanas sa pagkakita na tayo’y huminto! Kung gayon, sundin natin ang payo ni Pablo at sangkapan natin ang sarili ng panlaban na katotohanan, katuwiran, at pananampalataya—ipinangangaral ang mabuting balita nang masigasig at nag-aaral upang pamalagiing malakas ang ating pananampalataya. Tayo ay manalangin din nang walang patid at mamalaging gising. Sa ganiyang paraan, tayo ay hindi “mapagwiwikaan sa kaarawan ng ating Panginoong Jesu-Kristo.” (1 Corinto 1:8; Efeso 6:10-18; 1 Tesalonica 5:17; 1 Pedro 4:7) Bagkus pa nga, ang kaarawan ng Panginoon ay magdudulot ng saganang pagpapala para sa atin.
Kagila-gilalas na mga Pribilehiyo sa Paglilingkod
16. Bakit sinabi kay Juan na huwag isulat ang sinabi ng pitong kulog, at ano ang naging kahulugan nito para sa pinahirang mga Kristiyano noong 1919?
16 Sa Apocalipsis 10:3, 4, sinasabi ni Juan na kaniyang narinig “ang pitong kulog” sa kanilang sariling mga tinig. Ibig niyang isulat ang kaniyang narinig, ngunit ganito ang kaniyang pag-uulat: “Narinig ko ang isang tinig mula sa langit na nagsasabi: ‘Tatakan mo ang mga bagay na sinalita ng pitong kulog, at huwag isulat.’” Maliwanag, hindi pa panahon para sa paglalabas ng gayong impormasyon. Sa halip, si Juan ay sinabihan na kunin ang munting balumbon at kainin iyon. Ang pitong kulog ay lumilitaw na sumasagisag sa isang kumpletong kapahayagan ng mga layunin ni Jehova. (Awit 29:3; Juan 12:28, 29; Apocalipsis 4:5) Noong 1919, nang sa makasagisag na paraan ay kainin ng pinahirang mga Kristiyano ang munting balumbon, hindi pa panahon iyon para magkaroon sila ng isang kumpletong pagkaunawa sa mga layunin ni Jehova. (Ihambing ang Daniel 12:8, 9) Subalit walang takot na sila’y nagpatuloy na sumulong taglay ang pagkaunawa na mayroon sila noon at pinatunayan nilang sila ay karapatdapat na tumanggap ng higit pang liwanag.
17. Ano ang ilan sa mga bagong pagkaunawa na ipinagkaloob ni Jehova sa kaniyang bayan nang mga taon mula noong 1919?
17 Pagkatapos, sa paglakad ng mga taon, sila’y binigyan ng isang progresibong patuloy-na-lumilinaw na pagkaunawa sa kalooban ni Jehova. Halimbawa, kanilang natalos na ang mga tupa sa talinghaga ni Jesus, kahit na bago mag-Armagedon, ay ibinubukod sa mga kambing. (Mateo 25:31-46) Kanilang nakita na ang pagluluwal sa Kaharian noong 1914 ay katuparan ng Apocalipsis kabanata 12. Lalo nilang naunawaan ang kahalagahan ng pangalan ni Jehova, at kanilang napag-alaman kung sino talaga ang malaking pulutong na tinutukoy sa Apocalipsis kabanata 7. Anong laking pagtitiwala ang naidulot ng pasulong na mga pagsisiwalat na ito sa bayan ng Diyos!—Kawikaan 4:18; 2 Pedro 1:19.
18. Sa anong mahalagang mga pribilehiyo sa paglilingkod nakibahagi ang bayan ni Jehova sa panahon ng araw ng Panginoon, at dahil dito’y ano ang nadarama natin sa ating mga puso?
18 Kasabay nito, sa kaniyang makalupang mga lingkod ay ipinagkatiwala ni Jehova ang mahalagang mga pribilehiyo ng paglilingkod. Sa isang dakilang pangitain, nakita ni Juan ang mga anghel na naghahayag ng walang hanggang mabuting balita para sa sangkatauhan, nagbabalita ng pagbagsak ng Babilonyang Dakila, at nagbababala laban sa pagtanggap ng tanda ng mabangis na hayop. (Apocalipsis 14:6-10) Bagaman mga anghel ang walang alinlangang nangasiwa sa banal na mga pribilehiyong ito ng paglilingkod, mga tao naman, mga Saksi ni Jehova sa lupa, ang aktuwal na nagpahayag ng mga mensaheng ito sa sangkatauhan. Nakita rin ni Juan na ginagapas ni Jesus “ang ani sa lupa.” (Apocalipsis 14:14-16) Ngunit iyon ay sa pamamagitan ng gawaing pangangaral ng Kaharian at paggawa ng mga alagad na isinasagawa ng mga sakop ni Jesus sa lupa kung kaya nagawa niya ang pag-aaning ito. (Mateo 24:14; 28:19, 20) Anong laking pribilehiyo ang makibahagi sa mga anghel at kay Jesu-Kristo mismo sa mga pribilehiyo ng paglilingkod na gayong kahalaga! Sa paggawa ng gayon, nadarama natin na tayo’y tunay na kaisa ng dakila, di-nakikitang makalangit na organisasyon ni Jehova ng tapat na mga espiritung nilalang.
Makalangit na Proteksiyon
19. (a) Ano ang magiging sukdulan ng pagkapoot ni Satanas sa bayan ng Diyos? (b) Sino ang mananaig sa pangkatapusang sukdulang paglalabanang ito?
19 Habang palapit na ang wakas ng kaniyang sanlibutan, lalo namang gigipitin ni Satanas ang mga Kristiyano. Ang sukdulan ng kaniyang pagkapoot ay inilalarawan sa Ezekiel kabanata 38 at 39, na kung saan siya’y makahulang tinatawag na si Gog ng Magog. Sang-ayon sa kinasihang hulang ito, si Satanas ay gagawa ng lubus-lubusang pag-atake upang ang bayan ng Diyos ay sikapin na puksain nang minsanan at magpakailanman. Siya ba’y magtatagumpay? Ang Apocalipsis ay sumasagot: “Ang sampung sungay [ang modernong-panahong “mga hari,” o mga pangulo]. . . ay makikipagbaka sa Kordero, ngunit, dahilan sa siya’y Panginoon ng mga panginoon at Hari ng mga hari, sila’y dadaigin ng Kordero. Gayundin, silang mga tinawag at pinili at mga tapat na kasama niya ay mananaig din.” (Apocalipsis 17:12, 14) Ang tapat na mga Kristiyano ay tiyak na mananaig kung sila’y mananatiling tapat sa kanilang dakilang, nagtatagumpay na Hari. Ang mga hukbo ni Gog ay lubusang mapupuksa.—Ezekiel 39:3, 4, 17-19; Apocalipsis 19:17-21.
20. Anong mga pagpapala ang idudulot ng araw ng Panginoon sa tapat na mga Kristiyano sa panahon ng malaking kapighatian?
20 Sa gayon, ang araw ng Panginoon ay nangangahulugan ng kaligtasan sa bayan ng Diyos. Silang mga pinahiran na buháy pa bilang mga tao sa panahon ng malaking kapighatian ay may garantiya na magkakamit ng kanilang makalangit na tungkulin, at sila’y hindi magbabago sa kanilang determinasyon na tapusin sa katapatan ang kanilang takbuhin sa buhay. (Apocalipsis 7:1-3; 2 Timoteo 4:6-8) Ang malaking pulutong ay makaliligtas din, at sila’y “papatnubayan [ni Jesus] sa mga bukal ng tubig ng buhay. At papahirin ng Diyos ang bawat luha sa kanilang mga mata.” (Apocalipsis 7:14, 17) Anong inam na kagantihan sa may katapatang pagtitiis!
21. Ano ang mangyayari sa lupa sa araw ng Panginoon pagkatapos ng malaking kapighatian?
21 Ngayon ang araw ng Panginoon ay pumapasok sa isang kahanga-hangang yugto: ang Sanlibong Taóng Paghahari ni Jesu-Kristo. (Apocalipsis 20:6, 11-15) Ang ilog ng tubig ng buhay, na inihula kapuwa sa Apocalipsis at sa Ezekiel, ay aagos buhat sa trono ni Jehova patungo sa sangkatauhan, at yaong mga iinom ng tubig niyaon ay unti-unting ibabangon tungo sa kasakdalan bilang tao. (Ezekiel 47:1-12; Apocalipsis 22:1, 2) Mababakante na ang Hades, at bilyun-bilyon niyaong mga nangamatay ay magkakaroon din ng pagkakataon na uminom ng tubig buhat sa ilog na ito.—Juan 5:28, 29.
22. Anong mahalagang mga pangyayari ang naghihintay sa sangkatauhan sa katapusan ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo?
22 Sa katapusan ng sanlibong taon, ang sangkatauhan ay naibangon na tungo sa kasakdalan. Anong angkop na panahon ito upang gawin ni Satanas ang kaniyang pangwakas na paglitaw dito sa lupa! Minsan pa’y kaniyang susubukin na dayain ang sangkatauhan, at ang iba ay susunod sa kaniya, kahit na sa panahong iyon. Ang makahulugang tawag sa mga ito ay “Gog at Magog” palibhasa’y makikitaan sila ng ganoon ding masamang espiritu na gaya ng ipinakita ng ‘pulutong ni Gog’ sa hula ni Ezekiel. Subalit ang kanilang espiritu ng paghihimagsik ay mapapawi magpakailanman pagka sila, kasama ni Satanas mismo at ng kaniyang mga demonyo, ay ibinulid na sa simbolikong dagat-dagatang apoy. (Apocalipsis 20:7-10; Ezekiel 39:11) Isang tunay na pinagpalang kinabukasan ang naghihintay sa mga mananatiling tapat at makalalampas sa pangkatapusang pagsubok na iyon at ang pinasakdal nang lahi ng tao ay magiging kaisa ng matuwid na pansansinukob na organisasyon ni Jehova. Ang Diyos na Jehova mismo ay magiging “lahat ng bagay sa lahat”!—1 Corinto 15:24, 28; Apocalipsis 20:5.
23. Sa liwanag ng panahong ating kinabubuhayan, anong payo ni Pablo ang angkop na angkop na sundin ng bawat isa sa atin?
23 Anong di-kayang gunigunihing mga pagpapala, kung gayon, ang naghihintay sa atin kung tayo’y magtitiis! Alalahanin, ang araw ng Panginoon ay matagal nang nagsimula. Kagila-gilalas na mga bagay ang nagsimula nang mangyari. Angkop na angkop, kung gayon, ang mga salita ni Pablo: “Huwag tayong magsasawa sa paggawa ng mabuti, sapagkat sa takdang panahon ay mag-aani tayo kung tayo’y hindi kailanman manghihimagod.” (Galacia 6:9) Huwag na tayong “magsasawa sa paggawa ng mabuti” sa ngayon, na araw ng Panginoon. Kung tayo’y magtitiis, ang araw na ito ay magdudulot ng walang hanggang kapakinabangan sa bawat isa sa atin.
Maipaliliwanag Mo Ba?
◻ Ano ang unang yugto ng pagpuksa sa sanlibutan ni Satanas?
◻ Paano ‘lulubusin [ni Jesus] ang kaniyang pananakop’ sa kaniyang mga kaaway?
◻ Paano nakikibaka si Satanas laban sa mga Saksi ni Jehova mula nang pasimula ng araw ng Panginoon hanggang sa kasalukuyan?
◻ Anong kagila-gilalas na mga pagpapala ang tinatamasa ng bayan ng diyos mula noong 1919?
◻ Sa liwanag ng kinalalagyan natin sa agos ng panahon, ano ang personal na determinado kang gawin?
[Larawan sa pahina 16]
Ipinakikita ng nangyari sa sinaunang Jerusalem ang malapit nang mangyari sa Babilonyang Dakila