ARALING ARTIKULO 3
Malaking Pulutong ng Ibang mga Tupa—Pinupuri ang Diyos at si Kristo
“Ang kaligtasan ay utang namin sa ating Diyos, na nakaupo sa trono, at sa Kordero.”—APOC. 7:10.
AWIT 14 Purihin ang Bagong Hari ng Lupa
NILALAMANa
1. Ano ang naging epekto sa isang kabataang lalaki ng isang pahayag sa kombensiyon noong 1935?
ISANG kabataang lalaki ang nabautismuhan noong 1926 sa edad na 18. Ang mga magulang niya ay mga Estudyante ng Bibliya, ang tawag noon sa mga Saksi ni Jehova. Mayroon silang tatlong anak na lalaki at dalawang anak na babae, na pinalaki nilang naglilingkod sa Diyos na Jehova at tumutulad kay Jesu-Kristo. Gaya ng lahat ng Estudyante ng Bibliya noon, ang kabataang ito ay nakikibahagi taon-taon sa tinapay at alak sa Hapunan ng Panginoon. Pero nagbago ang pananaw niya dahil sa makasaysayang pahayag na “Ang Lubhang Karamihan.” Ipinahayag ito ni J. F. Rutherford noong 1935 sa isang kombensiyon sa Washington, D.C., U.S.A. Ano ang ipinaliwanag sa kombensiyong iyon?
2. Anong mahalagang katotohanan ang ipinaliwanag ni Brother Rutherford sa pahayag niya?
2 Sa pahayag ni Brother Rutherford, ipinaliwanag niya kung sino ang magiging kabilang sa “lubhang karamihan” (King James Version), o “malaking pulutong,” na binabanggit sa Apocalipsis 7:9. Bago nito, inaakala na ang grupong ito ay pangalawahing uring makalangit na di-gaanong tapat. Ginamit ni Brother Rutherford ang Kasulatan para ipaliwanag na ang malaking pulutong ay hindi pinili para mabuhay sa langit, kundi ibang mga tupab sila ni Kristo na makakaligtas sa “malaking kapighatian” at mabubuhay magpakailanman sa lupa. (Apoc. 7:14) Ipinangako ni Jesus: “Mayroon akong ibang mga tupa, na hindi sa kulungang ito; kailangan ko rin silang akayin, at makikinig sila sa tinig ko, at sila ay magiging iisang kawan sa ilalim ng iisang pastol.” (Juan 10:16) Ang mga tulad-tupang ito ay tapat na mga Saksi ni Jehova na may pag-asang mabuhay magpakailanman sa Paraiso sa lupa. (Mat. 25:31-33, 46) Tingnan natin kung paano binago ng katotohanang ito ng Bibliya ang buhay ng maraming lingkod ni Jehova, pati na ng 18-anyos na kabataang binanggit kanina.—Awit 97:11; Kaw. 4:18.
ISANG MAHALAGANG KATOTOHANAN NA BUMAGO SA BUHAY NG MARAMI
3-4. Sa kombensiyon noong 1935, ano ang naunawaan ng marami tungkol sa pag-asa nila, at bakit?
3 Sa kombensiyong iyon, naging kapana-panabik ang sandali nang sabihin ng speaker: “Puwede bang magsitayo ang lahat ng may pag-asang mabuhay magpakailanman dito sa lupa?” Ayon sa isang nakasaksi, mahigit kalahati ng mga 20,000 tagapakinig ang tumayo. Pagkatapos, sinabi ni Brother Rutherford: “Masdan! Ang lubhang karamihan!” Sinundan ito ng malakas na palakpakan. Naunawaan ng mga tumayo na hindi sila pinili para mabuhay sa langit. Alam nilang hindi sila pinahiran ng espiritu ng Diyos. Kinabukasan, 840 ang nabautismuhan, na karamihan ay kabilang sa ibang mga tupa.
4 Pagkatapos ng pahayag na iyon, ang kabataang binanggit kanina at ang maraming iba pa ay huminto na sa pakikibahagi sa tinapay at alak sa Hapunan ng Panginoon. Nadama ng marami ang nadama ng isang mapagpakumbabang brother na nagsabi: “Ang huli kong pakikibahagi sa mga emblema ay noong Memoryal ng 1935. Naintindihan kong ang makalangit na pag-asa ay hindi pinukaw sa akin ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu, kundi ang pag-asa ko ay mabuhay sa lupa at tumulong para gawin itong paraiso.” (Roma 8:16, 17; 2 Cor. 1:21, 22) Mula noon, patuloy na dumadami ang kabilang sa malaking pulutong at nakikipagtulungan sila sa natitirang mga pinahiran.c
5. Ano ang tingin ni Jehova sa mga huminto na sa pakikibahagi sa mga emblema sa Memoryal?
5 Ano ang tingin ni Jehova sa mga huminto na sa pakikibahagi sa mga emblema sa Memoryal pagkatapos ng 1935? At paano kung may isang bautisadong Saksi ngayon na nakikibahagi sa tinapay at alak sa Hapunan ng Panginoon pero nang maglaon ay naintindihan niya na hindi pala talaga siya pinahiran? (1 Cor. 11:28) May ilang nakikibahagi sa mga emblema dahil iniisip nilang sa langit ang pag-asa nila. Pero kung inaamin nilang nagkamali sila, huminto na sa pakikibahagi, at patuloy na naglilingkod nang tapat kay Jehova, siguradong tatanggapin niya sila bilang bahagi ng ibang mga tupa. Kahit hindi na sila nakikibahagi sa tinapay at alak, dumadalo pa rin sila sa Memoryal dahil lubos nilang pinapahalagahan ang ginawa ni Jehova at ni Jesus para sa kanila.
ISANG PAG-ASANG WALANG KATULAD
6. Ano ang iniutos ni Jesus sa mga anghel?
6 Dahil napakalapit na ng malaking kapighatian, mapapatibay tayo kung rerepasuhin natin ang iba pang sinasabi sa Apocalipsis kabanata 7 tungkol sa pinahirang mga Kristiyano at sa malaking pulutong ng ibang mga tupa. Inutusan ni Jesus ang mga anghel na patuloy na pigilan ang apat na mapaminsalang hangin. Hindi nila pakakawalan ang mga hanging iyon sa lupa hanggang sa ang lahat ng pinahirang Kristiyano ay matatakan, ibig sabihin, talagang sinang-ayunan na sila ni Jehova. (Apoc. 7:1-4) Dahil sa pagiging tapat ng pinahirang mga kapatid ni Kristo, magiging mga hari sila at saserdote sa langit kasama niya. (Apoc. 20:6) Matutuwa nang husto ang makalangit na bahagi ng pamilya ng Diyos habang nakikita nilang tinatanggap na ng 144,000 pinahiran ang kanilang gantimpala sa langit.
7. Ayon sa Apocalipsis 7:9, 10, sino ang nakita ni Juan sa pangitain, at ano ang ginagawa nila? (Tingnan ang larawan sa pabalat.)
7 Matapos banggitin ang tungkol sa 144,000 hari at saserdote, may iba pang nakita si Juan, “isang malaking pulutong” na nakaligtas sa Armagedon. Di-gaya ng unang grupo, mas marami ang ikalawang grupong ito at walang eksaktong bilang. (Basahin ang Apocalipsis 7:9, 10.) “Nakasuot [sila] ng mahabang damit na puti,” na nagpapakitang nanatili silang “walang bahid” mula sa sanlibutan ni Satanas at tapat sa Diyos at kay Kristo. (Sant. 1:27) Isinisigaw nilang naligtas sila dahil sa mga ginawa ni Jehova at ni Jesus, ang Kordero ng Diyos. May hawak din silang mga sanga ng palma, na nagpapakitang masaya nilang tinatanggap si Jesus bilang inatasang Hari ni Jehova.—Ihambing ang Juan 12:12, 13.
8. Ano ang sinasabi ng Apocalipsis 7:11, 12 tungkol sa makalangit na pamilya ni Jehova?
8 Basahin ang Apocalipsis 7:11, 12. Ano ang reaksiyon ng mga nasa langit? Nakita ni Juan na masayang-masaya ang makalangit na pamilya ni Jehova at pinuri nila ang Diyos nang makita nila ang mga kabilang sa malaking pulutong. Matutuwa ang makalangit na pamilya ni Jehova na makita ang katuparan ng pangitaing ito kapag lumabas na mula sa malaking kapighatian ang malaking pulutong.
9. Ayon sa Apocalipsis 7:13-15, ano ang ginagawa ngayon ng mga kabilang sa malaking pulutong?
9 Basahin ang Apocalipsis 7:13-15. Sinabi ni Juan na “nilabhan [ng malaking pulutong] ang kanilang mahabang damit at pinaputi iyon sa dugo ng Kordero.” Ipinapakita nito na mayroon silang malinis na konsensiya at matuwid na katayuan sa harap ni Jehova. (Isa. 1:18) Sila ay nakaalay at bautisadong Kristiyano, na may matibay na pananampalataya sa hain ni Jesus at may mabuting kaugnayan kay Jehova. (Juan 3:36; 1 Ped. 3:21) Kaya naging kuwalipikado silang tumayo sa harap ng trono ng Diyos para gumawa ng “sagradong paglilingkod sa kaniya araw at gabi” sa makalupang looban ng kaniyang espirituwal na templo. Hanggang ngayon, masigasig pa rin silang nangangaral at gumagawa ng alagad dahil ang pinakamahalaga sa kanila ay ang Kaharian ng Diyos.—Mat. 6:33; 24:14; 28:19, 20.
10. Sa ano nakakatiyak ang malaking pulutong, at anong pangako ang makikita nilang matutupad?
10 Ang malaking pulutong na lumabas mula sa malaking kapighatian ay makakatiyak na patuloy silang pangangalagaan ng Diyos, dahil “ang Isa na nakaupo sa trono ay maglulukob ng tolda niya sa kanila.” Matutupad na ang pangakong pinakahihintay ng ibang mga tupa: “Papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa mga mata nila, at mawawala na ang kamatayan, pati ang pagdadalamhati at ang pag-iyak at ang kirot.”—Apoc. 21:3, 4.
11-12. (a) Ayon sa Apocalipsis 7:16, 17, anong mga pagpapala ang naghihintay sa malaking pulutong? (b) Ano ang puwedeng gawin ng ibang mga tupa tuwing Memoryal, at bakit?
11 Basahin ang Apocalipsis 7:16, 17. Sa ngayon, may ilang lingkod ni Jehova na nagugutom dahil sa hirap ng buhay o mga kaguluhan at digmaan. Ang iba naman ay ibinilanggo dahil sa pananampalataya nila. Pero masayang-masaya ang mga kabilang sa malaking pulutong dahil alam nilang kapag nakaligtas sila sa pagkapuksa ng sistemang ito, lagi na silang magkakaroon ng saganang pagkain at espirituwal na paglalaan mula kay Jehova. Kapag pinuksa ang sistema ni Satanas, hindi madadamay ang malaking pulutong sa “matinding init” ng galit ni Jehova na ibubuhos niya sa mga bansa. Pagkatapos ng malaking kapighatian, aakayin ni Jesus ang mga nakaligtas papunta sa “tubig ng buhay” na walang hanggan. Talagang walang katulad ang pag-asa ng malaking pulutong. Sa bilyon-bilyong taong nabuhay, sila lang ang posibleng hindi na mamamatay!—Juan 11:26.
12 Napakaganda ng pag-asa ng ibang mga tupa at ipinagpapasalamat nila ito kay Jehova at kay Jesus! Hindi sila pinili para mabuhay sa langit, pero hindi ibig sabihin noon na hindi sila ganoon kahalaga kay Jehova. Puwedeng purihin ng dalawang grupong ito ang Diyos at si Kristo. Magagawa nila iyon kung dadalo sila sa Hapunan ng Panginoon.
BUONG PUSONG PUMURI SA PANAHON NG MEMORYAL
13-14. Bakit dapat dumalo ang lahat sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo?
13 Nitong nakaraang mga taon, halos isa lang sa bawat 1,000 dumadalo sa Memoryal ang nakikibahagi sa tinapay at alak. Karamihan sa mga kongregasyon ay walang nakikibahagi sa mga emblema. Karaniwan nang may makalupang pag-asa ang mga dumadalo sa Memoryal. Pero bakit sila dumadalo sa Hapunan ng Panginoon? Isipin ito: Bakit ba dumadalo ang mga tao sa kasal ng kaibigan nila? Gusto kasi nilang ipakita ang kanilang pagmamahal at suporta sa ikakasal. Ganiyan din ang ibang mga tupa. Dumadalo sila sa Memoryal para ipakita ang kanilang pagmamahal at suporta kay Kristo at sa mga pinahiran. Ginagawa rin nila ito para ipakita ang kanilang pagpapahalaga sa sakripisyo ni Kristo, isang sakripisyo na naging daan para mabuhay sila nang walang hanggan sa lupa.
14 Ang isa pang mahalagang dahilan kung bakit dumadalo sa Memoryal ang ibang mga tupa ay para masunod ang utos ni Jesus. Nang pasimulan ni Jesus ang hapunang ito kasama ang kaniyang tapat na mga apostol, sinabi niya: “Patuloy ninyong gawin ito bilang pag-alaala sa akin.” (1 Cor. 11:23-26) Kaya patuloy pa ring dumadalo ang ibang mga tupa sa Hapunan ng Panginoon hangga’t may nabubuhay pang pinahiran dito sa lupa. Iniimbitahan pa nga nila ang lahat na dumalo sa Memoryal kasama nila.
15. Paano natin nabibigyan ng papuri ang Diyos at si Kristo sa panahon ng Memoryal?
15 Sa panahon ng Memoryal, nabibigyan natin ng papuri ang Diyos at si Kristo kapag umaawit tayo at nananalangin. Ang pahayag sa taóng ito ay “Pahalagahan ang Ginawa ng Diyos at ni Kristo Para sa Iyo!” Papalalimin nito ang ating pagpapahalaga kay Jehova at kay Kristo. Habang ipinapasa ang mga emblema, maaalala natin ang inilalarawan ng mga ito—ang katawan at dugo ni Jesus. Maaalala natin na hinayaan ni Jehova na mamatay ang Anak niya para magkaroon tayo ng buhay. (Mat. 20:28) Gugustuhin ng lahat ng nagmamahal sa ating Ama sa langit at sa kaniyang Anak na dumalo sa Memoryal.
PASALAMATAN SI JEHOVA SA PAG-ASANG IBINIGAY NIYA SA IYO
16. Ano-ano ang pagkakapareho ng mga pinahiran at ng ibang mga tupa?
16 Para kay Jehova, walang pagkakaiba ang mga pinahiran at ang ibang mga tupa—pareho silang mahalaga sa kaniya. Sa katunayan, iisa lang ang ipinambayad niya para mabili ang mga pinahiran at ang ibang mga tupa, ang buhay ng kaniyang pinakamamahal na Anak. Magkaiba nga lang sila ng pag-asa. Pero pareho silang dapat na manatiling tapat sa Diyos at kay Kristo. (Awit 31:23) At tandaan, pinahiran man o ibang mga tupa, pareho silang binibigyan ni Jehova ng kaniyang banal na espiritu depende sa pangangailangan nila.
17. Ano ang pinapanabikan ng natitirang mga pinahiran?
17 Ang pinahirang mga Kristiyano ay hindi ipinanganak na may makalangit na pag-asa. Ibinibigay ng Diyos sa kanila ang pag-asang iyan. Iniisip nila ang kanilang pag-asa, ipinapanalangin ito, at nananabik na matanggap ang kanilang gantimpala sa langit. Wala nga silang ideya tungkol sa magiging espirituwal na katawan nila. (Fil. 3:20, 21; 1 Juan 3:2) Pero pinapanabikan nilang makita si Jehova, si Jesus, ang mga anghel, at ang iba pang pinahiran at magkasama-sama sa makalangit na Kaharian.
18. Ano ang pinapanabikan ng ibang mga tupa?
18 Pinapanabikan ng ibang mga tupa na mabuhay magpakailanman sa lupa. Ito ang normal na gusto ng mga tao. (Ecles. 3:11) Gustong-gusto na nilang gawing paraiso ang buong lupa, magtayo ng sarili nilang bahay, magtanim sa sarili nilang hardin, at magpalaki ng malulusog na anak. (Isa. 65:21-23) Pinapanabikan nilang malibot ang buong lupa—ang mga kabundukan, kagubatan, at karagatan—at mapag-aralan ang iba’t ibang nilalang ni Jehova. Pero higit sa lahat, masayang-masaya sila dahil alam nilang patuloy na titibay ang pakikipagkaibigan nila kay Jehova.
19. Ano ang magagawa ng bawat isa sa atin sa Memoryal, at kailan ito gaganapin sa taóng ito?
19 Binigyan ni Jehova ang bawat nakaalay na lingkod niya ng isang magandang pag-asa sa hinaharap. (Jer. 29:11) Ang Memoryal ng kamatayan ni Kristo ay isang espesyal na pagkakataon para purihin ng bawat isa sa atin ang Diyos at si Kristo dahil sa mga ginawa nila alang-alang sa atin para magkaroon tayo ng buhay na walang hanggan. Kaya ang Memoryal ang pinakamahalagang okasyon para magsama-sama ang tunay na mga Kristiyano. Gaganapin ito sa Sabado, Marso 27, 2021, pagkalubog ng araw. Sa taóng ito, marami ang malayang makakadalo sa mahalagang okasyong ito. Ang iba naman ay dadalo kahit pinag-uusig. Ang ilan ay magme-Memoryal sa loob ng bilangguan. Habang nakatingin si Jehova, si Jesus, at ang makalangit na bahagi ng pamilya ng Diyos, magkaroon sana ng napakagandang Memoryal ang bawat kongregasyon, grupo, at indibidwal!
AWIT 150 Hanapin ang Diyos Para Maligtas
a Para sa mga Saksi ni Jehova, napakahalagang araw ang Marso 27, 2021. Sa gabing iyon, aalalahanin natin ang Memoryal ng kamatayan ni Kristo. Ang karamihan sa mga dadalo ay kabilang sa grupong tinukoy ni Jesus bilang “ibang mga tupa.” Anong mahalagang katotohanan ang ipinaliwanag tungkol sa grupong iyon noong 1935? Anong kapana-panabik na pag-asa ang naghihintay sa ibang mga tupa pagkatapos ng malaking kapighatian? At bilang mga tagamasid sa panahon ng Memoryal, paano pinupuri ng ibang mga tupa ang Diyos at si Kristo?
b KARAGDAGANG PALIWANAG: Kabilang sa ibang mga tupa ang mga tinitipon sa mga huling araw. Tinutularan nila si Kristo at may pag-asa silang mabuhay magpakailanman sa lupa. Ang malaking pulutong ay kabilang sa ibang mga tupa na mananatiling buháy kapag hinatulan na ni Kristo ang mga tao sa panahon ng malaking kapighatian, at makakaligtas sila sa malaking kapighatian.
c KARAGDAGANG PALIWANAG: Ang pananalitang “natitirang mga pinahiran” ay tumutukoy sa pinahirang mga Kristiyano na nabubuhay pa sa lupa at nakikibahagi sa tinapay at alak sa Hapunan ng Panginoon.