MALAKING PULUTONG
Isang pananalitang madalas lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Kung minsan, ginagamit ang “malaking pulutong” o “malalaking pulutong” upang tukuyin ang malalaking grupo ng mga taong nakarinig sa pangmadlang pagtuturo ni Jesu-Kristo. (Mat 14:14; 19:2; 20:29) Pagkatapos makita ng apostol na si Juan ang pangitain tungkol sa pagkapuksa ng makasagisag na Babilonyang Dakila, narinig niya “ang gaya ng isang malakas na tinig ng isang malaking pulutong sa langit.” (Apo 19:1) Gayunman, sa Apocalipsis 7:9, may binabanggit na “isang malaking pulutong” na ang pagkakakilanlan ay matagal nang inaalam.
Sa kabanatang iyon, binanggit muna ng apostol na si Juan ang pagtatatak sa 144,000 alipin ng Diyos “mula sa bawat tribo ng mga anak ni Israel.” (Apo 7:2-8) Pagkatapos nito, nakita niya sa pangitain ang “isang malaking pulutong” mula sa lahat ng mga bansa, mga tribo, mga bayan, at mga wika. Habang ang mga ito’y nakatayo sa harap ng trono ng Diyos, iniuukol nila sa Diyos at sa Kordero ang kanilang kaligtasan. Sila’y lumabas mula sa “malaking kapighatian.” Naglilingkod sila sa Diyos sa kaniyang templo, at inilulukob niya ang kaniyang tolda sa kanila. Wawakasan ang lahat ng kanilang gutom at uhaw at bawat luha ay papahirin sa kanilang mga mata habang inaakay sila ng kaniyang Anak (ang Kordero; Ju 1:29) sa mga tubig ng buhay.—Apo 7:9-17.
Popular na mga Pangmalas. Iba’t iba ang pangmalas hinggil sa kahulugan at pagkakakilanlan ng “malaking pulutong” na ito. Para sa maraming komentarista, ang 144,000 na tinatakan, na unang nabanggit, ay mga miyembro ng “espirituwal na Israel,” at naniniwala sila na ang mga ito ay sumasagisag sa kongregasyong Kristiyano habang ang mga ito ay nasa lupa. Ipinapalagay nila na ang “malaking pulutong” ay kumakatawan sa kongregasyong Kristiyano ring iyon na nasa langit, kapag ang mga indibiduwal ay namatay nang tapat at binuhay nang muli. Naniniwala naman ang iba na ang 144,000 ay literal na nagmula “sa bawat tribo ng mga anak ni Israel” (Apo 7:4), samakatuwid nga, mga Judio sa laman na naging mga Kristiyano, at ipinapalagay nila na ang “malaking pulutong” ay kumakatawan sa lahat ng mga Kristiyanong Gentil. Gayunman, kung isasaalang-alang ang Apocalipsis kabanata 7 at iba pang kaugnay na mga teksto, makikita na nagkakasalungatan ang mga pangmalas na ito, at na ibang konklusyon ang tinutukoy ng mga tekstong ito.
Ang paniniwala na ang 144,000 na tinatakan ay ang mga miyembro ng kongregasyong Kristiyano habang ang mga ito ay nasa lupa at na ang “malaking pulutong” naman ay ang binuhay-muling mga Kristiyano sa langit ay hindi kasuwato ng isa pang pagbanggit sa 144,000 na nasa Apocalipsis kabanata 14. Doon, ang 144,000 ay nakatayong kasama ng Kordero sa “Bundok Sion.” Sa Hebreo 12:18-24, ipinakita ng apostol na si Pablo ang pagkakaiba ng nangyari sa mga Israelita sa makalupang Bundok Sinai at sa mga Kristiyanong ‘lumapit sa isang Bundok Sion at isang lunsod ng Diyos na buháy, makalangit na Jerusalem, at laksa-laksang mga anghel, sa pangkalahatang kapulungan, at sa kongregasyon ng panganay na nakatala sa langit.’ Maliwanag kung gayon na bagaman sinasabi ng Apocalipsis 14:3 na ang 144,000 ay “binili mula sa lupa,” ipinakikita ng konteksto na sila ay nasa langit kasama ng makalangit na Kordero, si Kristo Jesus, at hindi nasa lupa. (Apo 14:3, 4) Pinasisinungalingan nito ang pangmalas na ang 144,000 ay kumakatawan sa kongregasyong Kristiyano habang ang mga ito ay nasa lupa at na sila rin ang “malaking pulutong” sa langit.
Karagdagan pa, ang pagpapakilala ng apostol na si Juan sa kaniyang pangitain tungkol sa “malaking pulutong” ay nagpapahiwatig na magkaibang-magkaiba ang mga ito at ang 144,000 na tinatakan. Sinabi niya: “Pagkatapos ng mga bagay na ito [ang ulat tungkol sa 144,000 na tinatakan] ay nakita ko, at, narito! isang malaking pulutong, na hindi mabilang ng sinumang tao.” (Apo 7:9) Sa gayo’y ipinakikilala niya ang “malaking pulutong” bilang isang hiwalay na grupo at ipinakikita niya ang pagkakaiba ng espesipikong bilang ng 144,000 at ng di-mabilang na “malaking pulutong.” Naiiba rin ang mga ito dahil sila’y hindi “mga anak ni Israel,” kundi mula sa lahat ng mga bansa, mga tribo, mga bayan, at mga wika. Hindi sila makikitang nakatayo ‘kasama ng Kordero’ gaya ng pagkakalarawan sa 144,000 sa Apocalipsis 14:1, kundi sila’y nakatayo “sa harap ng Kordero.” Pinatutunayan ng iba’t ibang argumentong ito na ang “malaking pulutong” ay hiwalay at naiiba sa 144,000 na tinatakan.
Sa kabilang dako, kung ipapalagay na ipinakikita nito ang pagkakaiba ng mga Kristiyanong Judio at ng mga Kristiyanong Gentil, magiging salungat iyan sa kinasihang pananalita ng apostol na si Pablo na hindi mahalaga sa kongregasyong Kristiyano ang mga pagkakaiba sa laman, yamang ang lahat ng miyembro nito ay iisa at kaisa ni Kristo Jesus. (Ro 10:12; Gal 3:28) Yamang ‘lubos nang naipagkasundo ni Jehova sa kaniyang sarili ang dalawang bayan [mga Judio at mga di-Judio] sa isang katawan’ sa pamamagitan ni Kristo, mahirap isipin na, sa pangitaing ibinigay kay Juan, paghihiwalayin na naman niya ang dalawang grupo sa pamamagitan ng pagbubukod ng mga Judio sa laman mula sa mga Gentil. (Efe 2:11-21; Gaw 15:7-9) Lalo itong nagiging malinaw kapag isinaalang-alang ang simulain ng Diyos na sinabi ni Pablo. Sumulat ang apostol: “Siya ay hindi Judio na gayon sa panlabas, ni ang pagtutuli man ay yaong nasa panlabas sa laman. Kundi siya ay Judio na gayon sa panloob, at ang kaniyang pagtutuli ay yaong sa puso sa pamamagitan ng espiritu.” (Ro 2:28, 29) Isa pa, bakit walang binabanggit na ‘pagtatatak’ ng mga Kristiyanong Gentil sa banal na pangitaing ito? At bakit hindi maaaring lubos na matutuhan ng mga Kristiyanong Gentil ang bagong awit na inaawit ng 144,000? (Apo 14:3) Kaya naman, malinaw na ang 144,000 na tinatakan ay kabilang sa espirituwal na Israel, na binubuo kapuwa ng mga Kristiyanong Judio at Gentil, at hindi sa Israel sa laman.—Gal 6:16.
Ang Kanilang Pagkakakilanlan. Ang susi sa pagkakakilanlan ng “malaking pulutong” ay nasa paglalarawan sa kanila sa Apocalipsis kabanata 7 at sa mga talatang kahawig nito. Sa Apocalipsis 7:15-17, sinasabi na ‘ilulukob ng Diyos ang kaniyang tolda sa kanila,’ na sila’y aakayin sa “mga bukal ng mga tubig ng buhay,” at na papahirin ng Diyos “ang bawat luha sa kanilang mga mata.” Sa Apocalipsis 21:2-4 naman, makikita ang katulad na mga pananalitang: “Ang tolda ng Diyos ay nasa sangkatauhan,” “papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata,” at “hindi na magkakaroon ng kamatayan.” Ang pangitaing iniulat dito ay may kinalaman sa mga taong nasa lupa, sa gitna ng sangkatauhan, at hindi sa langit, na pinanggagalingan ‘ng Bagong Jerusalem na bumababa.’
Nagbabangon ito ng isang tanong: Kung ang “malaking pulutong” ay mga taong magtatamo ng kaligtasan at mananatili sa lupa, bakit sinasabing sila’y ‘nakatayo sa harap ng trono ng Diyos at sa harap ng Kordero’? (Apo 7:9) Kung minsan, ang ‘pagtayo’ ay ginagamit sa Bibliya upang magpahiwatig ng pagkakaroon ng isang kinalulugdan o sinasang-ayunang katayuan sa paningin ng isa na sa harap niya ay nakatayo ang isang indibiduwal o grupo. (Aw 1:5; 5:5; Kaw 22:29; Luc 1:19) Sa katunayan, sa naunang kabanata ng Apocalipsis, “ang mga hari sa lupa at ang matataas ang katungkulan at ang mga kumandante ng militar at ang mayayaman at ang malalakas at ang bawat alipin at ang bawat malayang tao” ay ipinakikitang nagtatangkang magtago “mula sa mukha ng Isa na nakaupo sa trono at mula sa poot ng Kordero, sapagkat dumating na ang dakilang araw ng kanilang poot, at sino ang makatatayo?” (Apo 6:15-17; ihambing ang Luc 21:36.) Sa gayon, lumilitaw na ang “malaking pulutong” ay binubuo ng mga taong naingatan sa panahong iyon ng poot anupat nagawa nilang ‘tumayo’ bilang mga sinang-ayunan ng Diyos at ng Kordero.
Ang pag-akay sa kanila ng Kordero sa “mga bukal ng mga tubig ng buhay” ay may pagkakatulad sa Apocalipsis 22:17, na nagsasabi: “Ang espiritu at ang kasintahang babae ay patuloy na nagsasabi: ‘Halika!’ At ang sinumang nakikinig ay magsabi: ‘Halika!’ At ang sinumang nauuhaw ay pumarito; ang sinumang nagnanais ay kumuha ng tubig ng buhay nang walang bayad.” Sa Kasulatan, ang “kasintahang babae” ay ipinakikilala bilang ang pinahirang kongregasyong Kristiyano, na ikakasal sa makalangit na Kasintahang Lalaki, si Kristo Jesus. (Efe 5:25-27; 2Co 11:2; Apo 19:7-9; 21:9-11) Maliwanag na ang paanyaya ng makalangit na uring “kasintahang babae” na “kumuha ng tubig ng buhay nang walang bayad” ay bukás sa walang-takdang bilang ng mga tao, sa “sinumang nagnanais.” Gayundin naman, walang takdang bilang ang “malaking pulutong, kung kaya ang pangitain sa Apocalipsis 7:9 ay kasuwato niyaong nasa Apocalipsis 22:17.
Samakatuwid, ipinakikita ng lahat ng ebidensiya na ang “malaking pulutong” ay kumakatawan sa lahat ng taong hindi kabilang sa makalangit na uring “kasintahang babae,” o 144,000 na tinatakan, ngunit sila’y nakatayong may pagsang-ayon sa panahon ng “malaking kapighatian” at iingatang buháy dito sa lupa.—Tingnan ang KONGREGASYON (Ang Kristiyanong Kongregasyon ng Diyos); LANGIT; LUPA (Layunin).