PANANIM
Mga halaman sa pangkalahatan. Noong ikatlong “araw” ng paglalang, pinangyari ng Diyos na ang lupa ay sibulan ng “pananim na nagkakabinhi ayon sa uri nito”; sa gayon ay dumami ito. (Gen 1:11-13) Lumilitaw na inilalarawan ng Genesis 2:5, 6 ang mga kalagayan noong “araw” na iyon matapos palitawin ng Diyos ang tuyong lupa ngunit bago niya gawin ang damo, nagkakabinhing pananim, at mga namumungang punungkahoy. Upang maglaan ng kinakailangang halumigmig para sa sisibol na buhay-halaman, itinalaga ni Jehova na isang manipis na ulap ang palagiang pumailanlang mula sa lupa upang dumilig doon. Patuloy nitong pinalago ang pananim sa buong lupa, kahit wala pang ulan noon. Bagaman ang mga tanglaw sa langit ay nakita lamang nang malinaw sa kalawakan noong ikaapat na “araw” ng paglalang (Gen 1:14-16), maliwanag na pagsapit ng ikatlong “araw” ay mayroon nang sapat na kalát na liwanag upang tustusan ang pagtubo ng pananim.—Tingnan ang Gen 1:14, Ro, tlb.
Ibinigay ng Diyos ang luntiang pananim sa tao at sa mga hayop bilang bahagi ng kanilang orihinal na laang pagkain, anupat nang maglaon ay idinagdag niya sa pagkain ng sangkatauhan ang karne na pinatulo ang dugo. (Gen 1:29, 30; 9:3, 4) Ang taong makasalanan ay napilitang magpagal para sa pananim na kakainin niya (Gen 3:18, 19), ngunit si Jehova pa rin ang Tagapaglaan nito kapuwa sa tao at hayop, sapagkat Siya ang Tagapaglaan ng sikat ng araw at ng ulan na kailangan nito upang tumubo.—Aw 104:14; 106:20; Mik 5:7; Zac 10:1; Heb 6:7; ihambing ang Deu 32:2.
Kayang kontrolin ng Diyos ang pagtubo ng pananim ayon sa kaniyang layunin. Tiniyak niya sa mga Israelita na ang kanilang pagkamasunurin ay gagantimpalaan ng ulan at pananim para sa kanilang mga alagang hayop. (Deu 11:13-15) Gayunman, kung pababayaan nila ang kanilang pakikipagtipan sa Diyos, papawiin niya ang pananim mula sa kanilang lupain. (Deu 29:22-25; ihambing ang Isa 42:15; Jer 12:4; 14:6.) Ang isang dagok mula kay Jehova laban sa sinaunang Ehipto ay graniso na lumagpak sa lahat ng uri ng pananim. Sa isa pang dagok na pinasapit ng Diyos, nilamon ng mga balang ang lahat ng pananim na itinira ng graniso.—Exo 9:22, 25; 10:12, 15; Aw 105:34, 35; ihambing ang Am 7:1-3.
Makasagisag na Paggamit. Kapag panahon ng tag-init sa Palestina, ang pananim na nahantad sa nakapapasong init ng araw o sa nakatitigang na hanging silangan ay mabilis na natutuyo. Kaya naman ang taong-bayan na malapit nang masupil sa pamamagitan ng militar na panlulupig ay sinasabing katulad ng “pananim sa parang at ng luntiang murang damo, damo sa mga bubong, kapag may pagkasunog sa harap ng hanging silangan.” (2Ha 19:25, 26; Isa 37:26, 27) Sa katulad na paraan, nang lubhang mapighati, bumulalas ang salmista: “Ang aking puso ay nasaktang tulad ng pananim at natuyo.” “Ako mismo ay natuyong tulad lamang ng pananim.”—Aw 102:4, 11.
Sa ilalim ng kaayaayang mga kalagayan, ang pananim ay tumutubo nang napakalago, anupat angkop na maging larawan ito upang sumagisag sa maraming inapo. (Job 5:25) Halimbawa, noong panahon ng paghahari ni Solomon, “ang Juda at ang Israel ay marami” at maunlad, “kumakain at umiinom at nagsasaya.” (1Ha 4:20) Maliwanag na ipinahihiwatig ito sa isang awit may kinalaman kay Solomon: “Yaong mga mula sa lunsod ay mamumulaklak na tulad ng pananim sa lupa.” (Aw 72:16) Sa kabilang dako, bagaman ang mga balakyot ay pansamantalang sumibol na tulad ng pananim, ang pag-unlad nila ay hindi dahil sa pagpapala ng Diyos kundi nakahanay sila na ‘malipol magpakailanman.’—Aw 92:7.
Sa Kasulatan, ang mga punungkahoy ay lumalarawan kung minsan doon sa mga prominente at matayog (ihambing ang Eze 31:2-14), samantalang ang hamak na pananim, tulad ng kambron, damo, o mga hungko, ay maaaring kumatawan sa mga tao sa pangkalahatan. (Ihambing ang Huk 9:8-15; 2Ha 14:8-10; Isa 19:15; 40:6, 7.) Tumutulong ito upang maunawaan ang kahulugan ng Apocalipsis 8:7, na bumabanggit sa pagkasunog ng “isang katlo ng mga punungkahoy” at ng “lahat ng luntiang pananim.”