Nakarating ang Kristiyanismo sa Asia Minor
NOONG unang siglo C.E., nagkaroon ng maraming kongregasyong Kristiyano sa Asia Minor (pangunahin na sa modernong-panahong Turkey). Napakaraming Judio at Gentil ang tumugon sa mensaheng ipinangaral ng mga Kristiyano. Sinabi ng isang diksyunaryo sa Bibliya: “Bukod sa Sirya-Palestina, dito sa Asia Minor naganap ang kauna-unahan at pinakamalawak na pag-unlad ng Kristiyanismo.”
Magkakaroon tayo ng mas malinaw na ideya kung paano lumaganap ang Kristiyanismo sa lugar na ito kung pagsasama-samahin natin ang mga impormasyon mula sa iba’t ibang reperensiya. Tingnan natin kung paano tayo makikinabang mula sa mga impormasyong ito.
Mga Unang Kristiyano sa Asia Minor
Ang unang mahalagang kaganapan kung kaya lumaganap ang Kristiyanismo sa Asia Minor ay nangyari noong Pentecostes 33 C.E. nang magtipon sa Jerusalem ang isang pulutong na may iba’t ibang wika na kinabibilangan ng mga Judiong Diaspora (mga Judiong naninirahan sa labas ng Palestina) at ng mga proselitang Judio. Ipinangaral ng mga apostol ni Jesus ang mabuting balita sa mga panauhing ito. Ayon sa kasaysayan, may mga nagmula sa Capadocia, Ponto, sa distrito ng Asia,a Frigia, at Pamfilia—mga lugar na bumubuo ng kalakhang bahagi ng Asia Minor. Mga 3,000 tagapakinig ang tumanggap sa mensaheng ipinangaral ng mga Kristiyano at nabautismuhan. Nang umuwi sila, mayroon na silang bagong pananampalataya.—Gawa 2:5-11, 41.
Makikita natin ang sumunod na impormasyon sa ulat ng Bibliya tungkol sa mga paglalakbay ni apostol Pablo bilang misyonero sa Asia Minor. Sa una niyang paglalakbay noong mga 47/48 C.E., naglayag si Pablo at ang kaniyang mga kasama mula Ciprus hanggang Asia Minor, at dumaong sa Perga sa Pamfilia. Sa loobang lunsod ng Antioquia sa Pisidia, nainggit at sumalansang ang mga Judio dahil sa tagumpay ng pangangaral nina Pablo. Nang pumunta si Pablo patimog-silangan sa Iconio, nagpakana ang ibang mga Judio na pagmalupitan ang mga misyonero. Palibhasa’y nadala ng emosyon, ipinahayag naman ng mga taga-Listra, na karatig ng Iconio, na si Pablo ay isang diyos. Pero nang dumating ang mga salansang na Judio mula sa Antioquia at Iconio, pinagbabato ng mga tagaroon si Pablo at iniwan sa pag-aakalang patay na siya! Pagkatapos nito, pumunta naman sina Pablo at Bernabe sa Derbe sa lalawigan ng Galacia na sakop ng Roma, isang lugar kung saan Licaonia ang wika ng mga tao. Bumuo sila ng mga kongregasyon, at nag-atas ng matatanda. Sa gayon, mga 15 taon pagkatapos ng Pentecostes 33 C.E., ang Kristiyanismo ay matibay nang naitatag sa Asia Minor.—Gawa 13:13–14:26.
Sa ikalawa niyang paglalakbay noong mga 49 hanggang 52 C.E., pumunta muna sa Listra ang grupo ni Pablo at malamang na dumaan sa kaniyang sariling teritoryo sa Tarso sa Cilicia. Matapos na muling dalawin ang mga kapatid sa Listra at pumunta sa gawing hilaga, sinubukan ni Pablo na “salitain ang salita” sa mga tagalalawigan ng Bitinia at Asia. Pero hindi ito ipinahintulot ng banal na espiritu. Hindi pa panahon noon na mangaral sa mga lugar na iyon. Sa halip, inakay ng Diyos si Pablo sa hilagang-kanlurang bahagi ng Asia Minor patungong Troas sa may baybayin. Pagkatapos, sa pamamagitan ng pangitain, inutusan si Pablo na ipahayag ang mabuting balita sa Europa.—Gawa 16:1-12; 22:3.
Sa ikatlong paglalakbay ni Pablo bilang misyonero noong mga 52 hanggang 56 C.E., bumalik siya sa Asia Minor, at nakarating sa Efeso, isang mahalagang daungang lunsod ng Asia. Dumaan na rin siya rito nang bumalik siya mula sa ikalawang paglalakbay. Isang grupo ng mga Kristiyano ang aktibo noon sa lunsod na iyon, at sumama sa kanila sina Pablo sa loob ng mga tatlong taon. Bumangon noon ang mga problema at panganib, at isa na rito ang kaguluhang nilikha ng mga panday-pilak, o mga platerong taga-Efeso, upang ipakipaglaban ang kanilang malaking negosyo.—Gawa 18:19-26; 19:1, 8-41; 20:31.
Maliwanag na nagkaroon ng malaking epekto ang pagmimisyonero sa Efeso. Ganito ang sabi sa Gawa 19:10: “Narinig ng lahat ng nananahan sa distrito ng Asia ang salita ng Panginoon, kapuwa ng mga Judio at mga Griego.”
Mga Pagsulong sa Asia Minor
Nang malapit na siyang umalis sa Efeso, sumulat si Pablo sa mga taga-Corinto: “Ang mga kongregasyon sa Asia ay nagpapadala sa inyo ng kanilang mga pagbati.” (1 Corinto 16:19) Anong mga kongregasyon ang nasa isip ni Pablo? Malamang na kasama rito ang mga nasa Colosas, Laodicea, at Hierapolis. (Colosas 4:12-16) Ganito ang sinabi ng aklat na Paul—His Story: “Waring makatuwiran namang sabihing nagkaroon ng mga komunidad sa Smirna, Pergamo, Sardis at Filadelfia dahil sa pagsisikap ng mga misyonero sa Efeso. . . . Lahat ng ito’y wala pang 120 milya (192 km) ang layo sa Efeso at pinagdurugtong ng magagandang lansangan.”
Kaya mga 20 taon matapos ang Pentecostes 33 C.E., nagkaroon na ng ilang kongregasyong Kristiyano sa timog at kanluran ng Asia Minor. Kumusta naman ang ibang bahagi ng rehiyon?
Mga Pinadalhan ng Liham ni Pedro
Makalipas ang ilang taon, mga 62 hanggang 64 C.E., isinulat ni apostol Pedro ang kaniyang unang kinasihang liham. Ipinadala niya ito sa mga Kristiyano sa Ponto, Galacia, Capadocia, Asia, at Bitinia. Ipinahihiwatig ng liham ni Pedro na malamang na may mga kongregasyong Kristiyano sa mga lugar na ito, dahil pinapayuhan niya ang matatanda rito na ‘pastulan nila ang kawan.’ Kailan kaya itinatag ang mga kongregasyong ito?—1 Pedro 1:1; 5:1-3.
Ang ilan sa mga lugar na pinaninirahan ng mga pinadalhan ng liham ni Pedro, gaya ng Asia at Galacia, ay napangaralan na ni Pablo. Pero hindi pa siya nakapangangaral sa Capadocia o Bitinia. Hindi binanggit sa Bibliya kung paano lumaganap ang Kristiyanismo sa mga lugar na ito, pero posibleng ito’y dahil sa mga Judio o mga proselitang nagtungo sa Jerusalem noong Pentecostes 33 C.E. at pagkaraan ay nagsiuwi. Sa paanuman, mga 30 taon pagkaraan ng Pentecostes nang isulat ni Pedro ang kaniyang mga liham, lumilitaw na may mga kongregasyon nang “nakakalat sa buong Asia Minor,” gaya ng sabi ng isang iskolar.
Ang Pitong Kongregasyon ng Apocalipsis
Nawasak ang Jerusalem noong 70 C.E. dahil sa paghihimagsik ng mga Judio laban sa mga Romano. Posibleng napadpad sa Asia Minor ang ilang Judeanong Kristiyano.b
Sa pagtatapos ng unang siglo C.E., sinulatan ni Jesu-Kristo ang pitong kongregasyon sa Asia Minor sa pamamagitan ni apostol Juan. Isinisiwalat ng mga liham na ito sa mga kongregasyon ng Efeso, Smirna, Pergamo, Tiatira, Sardis, Filadelfia, at Laodicea na ang mga Kristiyano sa bahaging ito ng Asia Minor ay napapaharap sa iba’t ibang panganib, gaya ng imoralidad, sektaryanismo, at apostasya.—Apocalipsis 1:9, 11; 2:14, 15, 20.
Mapagpakumbaba at Buong-Kaluluwang Paglilingkod
Bukod sa mababasa natin sa Mga Gawa ng mga Apostol, mayroon pang ibang dahilan kung bakit lumaganap ang Kristiyanismo noong unang siglo. Ang mga kilalang apostol na sina Pedro at Pablo ay abala sa mga gawaing gaya ng mababasa sa Mga Gawa, pero may mga iba ring nangangaral sa ibang lugar. Ang pagsulong sa Asia Minor ay nagpapatunay na isinapuso ng sinaunang mga Kristiyano ang utos ni Jesus: “Humayo kayo at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa.”—Mateo 28:19, 20.
Gayundin naman sa ngayon, ilan lamang sa tapat na mga gawa ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ang nakararating sa kaalaman ng mga kapatid sa buong mundo. Gaya ng karamihan sa tapat na mga ebanghelisador sa Asia Minor noong unang siglo, hindi kilala ang karamihan sa mga mángangarál ng mabuting balita sa ngayon. Magkagayunman, abala at makabuluhan ang kanilang buhay, at nakadarama sila ng pagkakontento dahil alam nilang inililigtas nila ang iba bilang pagsunod sa Diyos.—1 Timoteo 2:3-6.
[Mga talababa]
a Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan at sa artikulong ito, ang “Asia” ay tumutukoy sa lalawigang sakop ng Roma sa kanlurang bahagi ng Asia Minor, hindi sa kontinente ng Asia.
b Sinabi ng istoryador na si Eusebius (260-340 C.E.) na bago ang 66 C.E., “ang mga apostol, na laging nanganganib ang buhay, ay pinalayas sa Judea. Ngunit upang maituro ang kanilang mensahe, pinasok nila ang bawat lupain sa kapangyarihan ni Kristo.”
[Kahon sa pahina 11]
MGA SINAUNANG KRISTIYANO SA BITINIA AT PONTO
Ang pinag-isang lalawigan ng Bitinia at Ponto ay nasa Black Sea Coast ng Asia Minor. Marami ang nalalaman tungkol sa pang-araw-araw na buhay sa lalawigang ito dahil sa isinulat ng isa sa mga opisyal nito, si Pliny na Nakababata, sa emperador ng Roma na si Trajan.
Mga 50 taon matapos mabasa sa mga kongregasyon sa lugar na ito ang liham ni Pedro, humingi si Pliny ng payo kay Trajan kung paano pakikitunguhan ang mga Kristiyano. “Hindi pa ako kailanman nakasaksi ng paglilitis sa mga Kristiyano. Kaya wala akong kaide-ideya sa mga parusang ipinapataw sa kanila,” ang isinulat ni Pliny. “Napakarami nang nililitis na mga babae at lalaki anuman ang edad at katayuan nila sa buhay, at malamang na magpatuloy ito. Hindi lamang mga bayan, kundi pati mga nayon at malalayong lugar ang naiimpluwensiyahan ng kasuklam-suklam na kultong ito.”
[Dayagram/Mapa sa pahina 9]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
MGA PAGLALAKBAY NI PABLO
Unang Paglalakbay Bilang Misyonero
CIPRUS
PAMFILIA
Perga
Antioquia (ng Pisidia)
Iconio
Listra
Derbe
Ikalawang Paglalakbay Bilang Misyonero
CILICIA
Tarso
Derbe
Listra
Iconio
Antioquia (ng Pisidia)
FRIGIA
GALACIA
Troas
Ikatlong Paglalakbay Bilang Misyonero
CILICIA
Tarso
Derbe
Listra
Iconio
Antioquia (ng Pisidia)
Efeso
ASIA
Troas
[Pitong Kongregasyon]
Pergamo
Tiatira
Sardis
Smirna
Efeso
Filadelfia
Laodicea
[Iba Pang Lugar]
Hierapolis
Colosas
LICIA
BITINIA
PONTO
CAPADOCIA
[Larawan sa pahina 9]
Antioquia
[Larawan sa pahina 9]
Troas
[Credit Line]
© 2003 BiblePlaces.com
[Larawan sa pahina 10]
Dulaan sa Efeso.—Gawa 19:29
[Larawan sa pahina 10]
Paanan ng altar ni Zeus sa Pergamo. Ang mga Kristiyano sa lunsod ay tumatahan sa “kinaroroonan ng trono ni Satanas.”—Apocalipsis 2:13
[Credit Line]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.