Dumating Na ang Oras ng Paghuhukom ng Diyos
“Matakot kayo sa Diyos at magbigay-kaluwalhatian sa kaniya, sapagkat dumating na ang oras ng kaniyang paghuhukom.”—APOCALIPSIS 14:7.
1. Ano ba ang tinatalakay sa mga unang kabanata ng Apocalipsis?
ANG aklat ng Apocalipsis ay may kapana-panabik na mga hula na natutupad sa ating kaarawan. Ang naunang artikulo ang tumalakay sa ilan sa mga ito, kasali na ang pagbubukas ng anim na simbolikong mga tatak. Ang binuksang mga tatak na ito ay nagsiwalat ng namiminsalang pagsakay ng mga mangangabayo ng Apocalipsis sa “mga huling araw na ito.” (2 Timoteo 3:1; Apocalipsis 6:1-8) Ang mga ito’y naglahad din ng tungkol sa mga maghaharing kasama ni Kristo sa langit at sa mga makatatawid sa “malaking kapighatian” upang mamuhay sa lupa magpakailanman. Ang anim na tatak ay nagpapakita na ang “itinakdang panahon” para sa paghuhukom ng Diyos “ay malapit na.”—Apocalipsis 1:3; 7:4, 9-17.
2. Paano gagamitin ang pitong simbolikong trumpeta ng Apocalipsis kabanata 8?
2 Subalit mayroong isa pang tatak, ang ikapito. Ang Apocalipsis 8:2 ay nagsasabi sa atin kung ano ang isiniwalat nang ito’y buksan: “At nakita ko ang pitong anghel na nakatayo sa harap ng Diyos, at pitong trumpeta ang ibinigay sa kanila.” Ang Apoc 8 talatang 6 ay nagsasabi: “At ang pitong anghel na may pitong trumpeta ay naghandang magsihihip nito.” Noong mga panahong binabanggit sa Bibliya, ang mga trumpeta ay ginagamit upang maghudyat ng mahalagang mga pangyayari. Sa katulad na paraan, ang paghihip ng pitong trumpeta ay tumatawag-pansin sa mga bagay na magdadala ng buhay at kamatayan sa panahon nating ito. At bagaman mga anghel ang humihihip ng mga trumpeta, mga taong Saksi naman sa lupa ang gumaganap ng paghahayag ng mahalagang balita na ipinamamalita sa bawat paghihip ng trumpeta.
Kung Ano ang Kahulugan ng Paghihip ng mga Trumpeta
3. Ano ang kahulugan ng paghihip ng pitong trumpeta?
3 Ang paghihip na ito ng mga trumpeta ay nagpapagunita sa atin ng mga salot na ibinuhos ni Jehova sa sinaunang Ehipto. Ang mga salot na ito ay mga kapahayagan ng paghuhukom ni Jehova sa unang kapangyarihang iyan ng daigdig at sa huwad na relihiyon nito, ngunit ang mga ito ay nagbukas din ng daan ng pagtakas para sa bayan ng Diyos. Sa katulad na paraan, ang paghihip ng mga trumpeta sa Apocalipsis ay modernong-panahong mga salot, ngayon naman ay sa buong sanlibutan ni Satanas at sa huwad na relihiyon nito. Gayunman, ang mga iyan ay hindi literal na mga salot kundi mistulang salot na mga mensahe ng mga kahatulan ni Jehova. Ang mga ito ay nagtuturo rin ng daan ng kaligtasan para sa bayan ng Diyos.
4. Paano natupad sa panahon natin ang paghihip ng pitong trumpeta?
4 Kasuwato ng paghihip ng pitong trumpeta, matitinding mga resolusyon laban sa sanlibutan ni Satanas ang itinampok sa pitong natatanging taunang mga kombensiyon ng bayan ni Jehova mulang 1922 hanggang 1928. Daan-daang milyong mga sipi ng mga resolusyon ang ipinamahagi. Gayunman, ang pamamalita ng nakapapasong mga mensaheng iyon ay hindi lamang noong mga taóng iyon ginawa, kundi iyon ay nagpapatuloy sa buong panahon ng mga huling araw. At sa ngayon ang pamamalita ng mga ito ay lalong matindi kaysa kailanman, samantalang angaw-angaw na kabilang sa “malaking pulutong” ay nagsanib na ng kanilang tinig sa munting pangkat ng mga pinahiran na siyang mga unang nangaral pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I. (Apocalipsis 7:9) Sa bawat taon ngayon, taglay ang patuloy na nag-iibayong lakas at dami, ang mga angaw-angaw na ito ay nagpapahayag na tiyak ang kapahamakan ng sanlibutan ni Satanas.
5. Sino ang “ikatlong bahagi” ng sanlibutan na unang hinahatulan ng sintensiya, at bakit?
5 Sa Apocalipsis 8:6-12, ang unang apat na trumpeta ay hinihipan. Bumuhos ang graniso, apoy, at dugo, anupa’t ang resulta’y ang pagkasunog ng “ikatlong bahagi” ng sanlibutan. Bakit ang “ikatlong bahagi” ay binabanggit bilang ang nagkasalang bahagi ng sanlibutan na unang hinahatulan ng sintensiya? Sapagkat bagaman ang buong sistema ni Satanas ay kinasusuklaman ng Diyos, ang isang bahagi ang lalong higit na kasuklam-suklam. Aling bahagi? Ang bahagi na nagkapit sa kaniyang sarili ng pangalan ni Kristo—ang Sangkakristiyanuhan. At nang ang mga mensaheng kahatulan ng Diyos ay dumating laban sa kaniya pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I, ang dakong nasasakop ng Sangkakristiyanuhan nang panahong iyon ay humigit-kumulang isang ikatlong bahagi ng sangkatauhan.
6. Bakit ang Sangkakristiyanuhan ay pinabayaan ni Jehova na puksain?
6 Ang relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ay bunga ng 1,900-taóng-gulang na apostasya o paglihis sa tunay na pagka-Kristiyano na inihula ni Jesus at ng kaniyang mga alagad. (Mateo 13:24-30; Gawa 20:29, 30) Ang klero ng Sangkakristiyanuhan ay nagpapanggap na mga tagapagturo ng pagka-Kristiyano, subalit ang kanilang mga doktrina ay malayung-malayo sa katotohanan ng Bibliya, at ang kanilang mga gawang kalikuan ay patuloy na nagdadala ng kalapastanganan sa pangalan ng Diyos. Ang kanilang salang pagbububo ng dugo dahilan sa pagtangkilik sa mga digmaan ng ika-20 siglong ito ay napabilad na. Ang Sangkakristiyanuhan sa kabuuan ay isang bahagi ng sistema ng mga bagay ni Satanas. Kaya naman, siya’y tumatanggap ng matitinding, mistulang salot na mga mensahe buhat kay Jehova na nagpapakitang siya’y hindi karapatdapat bigyan ng anumang pabor. Ang sambahayan ng Sangkakristiyanuhan ay pinabayaan ni Jehova na puksain katulad din ng kung paano ang ginawa niya sa sambahayang Judio noong unang siglo!—Mateo 23:38.
Muling Binuhay Para sa Pangangaral sa Buong Globo
7, 8. (a) Sa Apocalipsis kabanata 9, ano ang isinisiwalat ng paghihip ng ikalimang trumpeta? (b) Sino ang isinasagisag ng mga balang?
7 Sa Apocalipsis 9:1 ay hinihipan ng ikalimang anghel ang kaniyang trumpeta, at ang pangitain ay nagsisiwalat ng isang bituin na bumababa sa lupa. Ang bituing ito ay may susing hawak sa kaniyang kamay. Sa pamamagitan nito ay binubuksan niya ang isang balon ng kalaliman na kung saan isang kuyog ng mga balang ang nakakulong. Ang bituin ay ang bagong kaluluklok sa langit na Hari ni Jehova, si Jesu-Kristo. Ang mga balang ay mga lingkod ng Diyos, na pinag-usig at wari ngang nailigpit na nang ang kanilang pangunahing mga opisyales ay ibinilanggo noong 1918. Subalit si Kristo, na nasa kapangyarihan ng Kaharian sa langit, ang nagpapalaya sa kanila upang kanilang muling maisagawa ang kanilang pangglobong pangmadlang pangangaral, na anupa’t nagdulot ito ng pangamba sa klero, na nagpakana na patayin ang kanilang gawain.—Mateo 24:14.
8 Ganito ang pagkalarawan sa mga balang sa Apocalipsis 9:7: “At ang anyo ng mga balang ay katulad ng mga kabayong nahahanda sa pagbabaka; at sa kanilang mga ulo ay mayroong tila baga mga koronang mistulang ginto, at ang kanilang mga mukha ay gaya ng mga mukha ng mga tao.” Isinususog pa ng Apoc 9 talatang 10: “At, sila’y may mga buntot at mga tibo na gaya ng sa mga alakdan.” Ang mga balang na ito ay mainam na lumalarawan sa muling binuhay na nalabi ng mga tagapagmana ng Kaharian na muling lumahok sa espirituwal na pagbabaka mula noong 1919 at patuloy. Taglay ang panibagong lakas kanilang inihahayag ang tumitibong mga mensaheng kahatulan, lalo na laban sa likong Sangkakristiyanuhan.
9, 10. (a) Ano ang isinisiwalat ng paghihip ng ikaanim na trumpeta? (b) Sino ang kasali sa milyun-milyong malalakas na kabayo?
9 Susunod, ang ikaanim na anghel naman ang humihip ng kaniyang trumpeta. (Apocalipsis 9:13) Isinisiwalat nito na inaryahan ang mga hukbu-hukbong mga mangangabayo. Ang Apoc 9 talatang 16 ay nagsasabi na sila’y may bilang na “makalawang sampung libong tigsasampung libo,” na 200 milyon! At sila’y inilalarawan sa Apoc 9 talatang 17 at 19 na ganito: “Ang mga ulo ng mga kabayo ay gaya ng mga ulo ng mga leon, at sa kanilang mga bibig ay lumalabas ang apoy at usok at asupre. . . . Ang kanilang mga buntot ay mistulang mga ahas.” Ang mga hukbong ito ay dumadagundong na gaya ng kulog sa ilalim ng pamamatnubay ng Hari, si Kristo Jesus. At anong kasindak-sindak na tanawin ang makikita mo sa kanila!
10 Ano ba ang isinasagisag ng malalakas na kabayong ito? Yamang ang bilang nila ay milyun-milyon, hindi maaaring ang tinutukoy ay yaon lamang pinahirang nalabi, na ngayo’y mayroon lamang humigit-kumulang 8,800 sa lupa. Sa milyun-milyong mga kabayo ay kasali ang “malaking pulutong” ng Apocalipsis kabanata 7, yaong mga taong may pag-asang mabuhay magpakailanman sa lupa. Sa Bibliya (sa Ingles), ang salitang “myriad” (sa Tagalog, laksa-laksa) ay malimit na tumutukoy sa isang malaking, walang-tiyak na bilang. Samakatuwid, sa simbolikong mga kabayong ito ay kasali hindi lamang ang kumakaunting bilang ng mga pinahiran kundi kasali na rin dito ang lumalago at lumalakas ang tinig na milyun-milyong nasa “malaking pulutong” ng “mga ibang tupa” na nagpapatuloy ng gawaing pangmadla na sinimulan ng tulad-balang na pinahirang nalabi.—Juan 10:16.
11. Bakit sinasabi na “ang kapangyarihan ng mga kabayo ay nasa kanilang mga bibig,” at paano sila ‘nananakit sa pamamagitan ng kanilang mga buntot’?
11 Ang Apocalipsis 9:19 ay nagsasabi: “Ang kapangyarihan ng mga kabayo ay nasa kanilang bibig,” at “sa pamamagitan ng [kanilang mga buntot] sila’y nananakit.” Sa paano ngang ang kanilang kapangyarihan ay nasa kanilang bibig? Dahil sa bagay na sa loob ng maraming taóng lumipas, sa tulong ng Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro at ng iba pang mga pulong, ang mga lingkod ng Diyos ay tinuruan kung papaano ipangangaral nang bibigan at sa makapangyarihang paraan ang kaniyang mga mensaheng kahatulan. At sa paano sila nananakit sa pamamagitan ng kanilang mga buntot? Sa bagay na nakapamahagi sila sa buong daigdig ng bilyun-bilyong mga lathalain na nakasalig sa Bibliya, sa gayo’y nag-iwan sila ng tumitibong mga mensahe laban sa sanlibutan ni Satanas. Sa kanilang mga kalaban, ang hukbu-hukbong mga mangangabayong ito ay waring nakakatulad ng milyun-milyon.
12. Ano ang kailangang patuloy na gawin ng simbolikong mga balang at mga kabayo, at ano ang epekto?
12 Samakatuwid, ang kahatulang mga mensahe ng Diyos ay kailangang lalong malinaw at malakas na ibalita ng simbolikong mga balang at mga kabayo habang palapit ang kaniyang araw ng paghihiganti. Sa mga taong tapat-puso, ang mga mensaheng iyon ay pinakamabuting balita sa lupa. Subalit sa mga taong umiibig sa sanlibutan ni Satanas, ang mga ito ay masamang balita, sapagkat ang ibig sabihin ay hindi na magtatagal at ang kanilang sanlibutan ay pupuksain.
13. “Ang ikatlong pagkaaba” na may kaugnayan sa paghihip ng ikapitong trumpeta ay tungkol sa ano, at paanong ito ay isang “pagkaaba”?
13 Ang salot ng mga balang at ang mga hukbo ng mga mangangabayo ay inilalarawan bilang ang una at ikalawa sa tatlong banal na kapasiyahang “mga pagkaaba.” (Apocalipsis 9:12; 11:14) Ano ba “ang ikatlong pagkaaba”? Sa Apocalipsis 10:7 ay sinasabi sa atin: “Sa mga araw ng paghihip ng ikapitong anghel, . . . ang banal na lihim ng Diyos ayon sa mabuting balita na kaniyang ipinahayag sa kaniyang sariling mga alipin na mga propeta ay tapos na nga.” Ang banal na lihim na ito ay tungkol sa “binhi” na unang ipinangako sa Eden. (Genesis 3:15) Ang ‘binhing’ iyon ay pangunahing tumutukoy kay Jesus ngunit kasali rin ang kaniyang pinahirang mga kasamahan na makakasama niya sa paghahari sa langit. Kaya’t ang banal na lihim ay may kinalaman sa makalangit na Kaharian ng Diyos. Ang Kahariang ito ang magdadala ng ikatlong nilayong banal na “pagkaaba,” sapagkat ito ang magpapatupad ng mga inihatol ng Diyos laban sa sanlibutan ni Satanas hanggang sa matapos.
Ang Kaharian ay Natatatag Na
14. Ano ang ibinalita ng paghihip ng ikapitong trumpeta ng Apocalipsis 11:15?
14 Kung magkagayo’y mangyayari ito! Ang Apocalipsis 11:15 ay nagsasabi: “At ang ikapitong anghel ay humihip ng kaniyang trumpeta. At nagkaroon ng malalakas na tinig sa langit, na nagsasabi: ‘Ang kaharian ng sanlibutan ay naging kaharian ng ating Panginoon [si Jehova] at ng kaniyang Kristo, at siya’y maghahari magpakailan at kailanman.’” Oo, ibinalita na ang Kaharian ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo ay itinatag sa langit noong taóng 1914. At nang ang nalabi’y muling buhayin pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I, ang balitang ito ay kanilang malawakang inihayag na.
15. Noong 1922, anong pangyayari ang hudyat ng isang bagong daluyong ng pangangaral ng Kaharian?
15 Noong 1922 sa kombensiyon ng mga lingkod ni Jehova sa Cedar Point, Ohio, E.U.A., ang libu-libong mga dumalo ay nakapakinig ng nakapangingilig na patalastas: “Ito ang araw ng lahat ng mga araw. Narito, ang Hari ay nagpupuno na! Kayo ang kaniyang mga kinatawang tagapagbalita. Kung gayo’y ibalita, ibalita, ibalita, ang Hari at ang kaniyang kaharian.” Iyan ang nagpasimula ng napakalaking daluyong ng pangmadlang pangangaral ng Kaharian na kinapapalooban ng mga kahatulan na ibinalita ng pitong anghel na humihip ng trumpeta. Sa ngayon, humigit-kumulang tatlo-at-kalahating milyong mga lingkod ni Jehova sa mahigit na 57,000 kongregasyon sa buong daigdig ang nakikibahagi sa pambuong globong pangangaral na ito ng Kaharian. Tunay na milyun-milyon nga!
16. Sa Apocalipsis kabanata 12, ano pang pangyayari tungkol sa langit at lupa ang isiniwalat ng paghihip ng ikapitong trumpeta?
16 Subalit ang ikapitong anghel ay mayroon pang higit na isisiwalat. Sa Apocalipsis 12:7 ay sinasabing nang magkagayo’y “sumiklab ang digmaan sa langit.” Ganito ang ibinibigay sa atin ng Apoc 12 talatang 9 bilang resulta ng ginawang pagkilos ng Haring si Kristo: “Kaya’t inihagis ang dakilang dragon, ang matandang ahas, ang tinatawag na Diyablo at Satanas, na dumaraya sa buong tinatahanang lupa; siya’y inihagis sa lupa, at ang kaniyang mga anghel ay inihagis na kasama niya.” Isinususog ng Apoc 12 talatang 12: “Kaya’t mangagalak kayo, kayong mga langit at kayong nagsisitahan diyan!” Oo, at ang mga langit ay nilinis buhat sa impluwensiya ni Satanas, na naging dahilan ng malaking pagsasaya ng tapat na mga anghel. Subalit ano ba ang ibig sabihin nito para sa sangkatauhan? Ang talata ring iyan ang sumasagot: “Sa aba ng lupa at ng dagat, sapagkat ang Diyablo’y bumaba sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam niya na kaunting panahon na lamang mayroon siya.”
17. Bakit angkop ang paglalarawan sa pamahalaan ng sanlibutan bilang “isang mabangis na hayop” sa Apocalipsis kabanata 13?
17 Sa Apocalipsis 12:3 ay inilalarawan si Satanas bilang ‘isang dakilang dragon, na may pitong ulo at sampung sungay,’ isang dambuhalang tulad-mabangis-hayop na mamumuksa. Ipinakikita nito na siya ang nagdisenyo ng makalupang pulitikal na “mabangis na hayop” na inilarawan sa kabanata 13, talatang 1 at 2. Ang hayop na iyan ay mayroon ding pitong ulo at sampung sungay, bilang pagtulad kay Satanas. Ang Apoc 13 talatang 2 ay nagsasabi: “Ang dragon [si Satanas] ang nagbigay sa mabangis na hayop ng kaniyang kapangyarihan at ng kaniyang trono at ng dakilang kapamahalaan.” Angkop naman na ang pulitikal na mga pamahalaan ay ilarawan bilang isang mabangis na hayop, sapagkat kahit dito lamang sa ika-20 siglong ito, mahigit na isang daang milyong katao ang nangasawi sa mga digmaan ng mga bansa.
18. Ano ba ang dalawang-sungay na hayop ng Apocalipsis 13:11, at paanong sa pamamagitan ng mga kilos nito ay nakikilala kung sino ito?
18 Ang susunod na eksena sa Apocalipsis 13 ay nagsisiwalat, gaya ng sinasabi ng Apoc 13 talatang 11, “isa pang mabangis na hayop na umaahon sa lupa, at ito’y may dalawang sungay na gaya ng isang kordero, subalit nagsimulang magsalita na gaya ng isang dragon.” Ang dalawang-sungay na hayop na ito ay ang makapulitikang Anglo-Amerikanong pinagsama. Ito’y tulad-kordero sa bagay na nagkukunwaring walang naidudulot na kasamaan, ang pinakamasulong na uri ng pamahalaan. Subalit ito’y nagsasalita na tulad ng isang dragon, tulad ni Satanas, at tinatawag na “isa pang mabangis na hayop” sapagkat ang mga kilos nito sa pamamahala ay tulad-hayop. Ito’y nanggigipit at nagbabanta at gumagamit pa man din ng karahasan saanman na hindi tinatanggap ang ipinapasok nito na uri ng pamamahala. Ito’y nagtataguyod, hindi ng pagpapasakop sa Kaharian ng Diyos, kundi, bagkus, pagsunod-alipin sa sanlibutan ni Satanas. Iyan ang dahilan kung bakit sinasabi ng Apoc 13 talatang 14: “Dinadaya niya ang mga nananahan sa lupa.”
19, 20. (a) Ano ang itinatanghal ng pananatiling tapat ng mga lingkod ni Jehova? (b) Paano natin nalalaman na ang pinahirang nalabi ay tiyak na magtatagumpay laban sa sanlibutan ni Satanas?
19 Ang sanlibutang ito sa ilalim ng panunupil ni Satanas ay isang mahirap na dakong pamuhayan ng mga taong hindi bahagi nito, kasuwato ng utos ni Jesus sa mga tunay na Kristiyano. (Juan 17:16) Samakatuwid, isang kapuna-punang pagtatanghal ng kapangyarihan at pagpapala ni Jehova na ang kaniyang mga lingkod sa buong daigdig sa ngayon ay nananatiling tapat at nagkakaisang patuloy na dumadakila kay Jehova at sa kaniyang matuwid na mga daan. Ginagawa nila ito sa harap ng matinding pananalansang, pag-uusig, at kahit na kamatayan.
20 Ang pinahirang nalabi lalung-lalo na ang naging tudlaan ni Satanas sapagkat sila’y makakasama ni Kristo bilang mga tagapamahala. Subalit ipinakikita ng Apocalipsis kabanata 14 na ang buong bilang nila, 144,000, ay matagumpay na natitipong kasama ni Kristo taglay ang kapangyarihan sa Kaharian. Sila’y matapat na nakahawak nang mahigpit sa kanilang Panginoon, sapagkat sa Apoc 14 talatang 4 ay sinasabi: “Ang mga ito ang patuloy na sumusunod sa Kordero saanman siya pumaroon”—ito’y sa kabila ng malupit na pag-uusig na ginagawa sa kanila ni Satanas.
Ang mga Unang Tatanggap ng mga Kahatulan ng Diyos
21, 22. (a) Ano ang mga ipinapahayag ng mga anghel sa Apocalipsis 14:7, 8? (b) Bakit ipinapahayag ng isang anghel ang pagbagsak ng relihiyosong Babilonya gayong siya’y umiiral pa?
21 Sa Apocalipsis 14:7 isang anghel ang sumisigaw: “Matakot kayo sa Diyos at magbigay-kaluwalhatian sa kaniya, sapagkat dumating na ang oras ng kaniyang paghuhukom, at magsisamba nga kayo sa Isang gumawa ng langit at ng lupa at ng dagat at ng mga bukal ng tubig.” Sino ang mga unang tumatanggap ng sintensiya ng Diyos? Ang Apoc 14 talatang 8 ay sumasagot: “At ang isa pa, ang pangalawang anghel, ay sumunod, na nagsasabi: ‘Siya’y bumagsak na! Ang Babilonyang Dakila ay bumagsak na, siyang nagpainom sa lahat ng bansa ng alak ng galit ng kaniyang pakikiapid!’” Dito sa unang-unang pagkakataon, ngunit hindi siyang huli, ang Apocalipsis ay bumanggit sa “Babilonyang Dakila,” ang buong globong imperyo ng huwad na relihiyon.
22 Yamang ang relihiyon ay may impluwensiya pa sa iba’t ibang panig ng lupa, bakit nagpapahayag ang anghel na ang Babilonyang Dakila ay bumagsak na? Bueno, ano ba ang naging resulta noong 539 B.C.E. nang bumagsak ang sinaunang Babilonya subalit hindi pa lubusang napuksa? Aba, ang bihag na mga lingkod ni Jehova ay nagsibalik sa kanilang sariling bayan makalipas ang dalawang taon at kanilang isinauli roon ang tunay na pagsamba! Sa ganiyan ding paraan, ang pagsasauli ng mga lingkod ng Diyos sa panibagong aktibidad at espirituwal na kaunlaran na nagsimula noong 1919 ay malinaw na katunayan na noon, noong 1919, ang Babilonyang Dakila ay nakaranas ng isang pagbagsak ayon sa pangmalas ni Jehova. Nang magkagayo’y hinatulan niya ito ng pagkalipol sa bandang huli.
23. (a) Paanong ang daan ay inihahanda na para sa pagkapuksa ng Babilonyang Dakila? (b) Ano pang mga hula ang tatalakayin sa susunod na labas ng Ang Bantayan?
23 Bilang patiuna sa kaniyang papalapit na pagkalipol, ang modernong Babilonya ay dinatnan na ng matinding suliranin. Ang kaniyang kabulukan, malaganap na imoralidad, pandaraya, at pakikialam sa pulitika ay napabilad na sa lahat ng dako. Sa malaking bahagi ng Europa, kakaunti na lamang mga tao ang nagsisimba. Sa maraming bansang sosyalistiko, ang relihiyon ay itinuturing na “ang opyo ng bayan.” At, ang modernong Babilonya ay nasa kahiya-hiyang kalagayan sa paningin ng lahat ng mangingibig ng katotohanang Salita ng Diyos. Kaya ngayon siya ay naghihintay, wika nga, na nakapila kahilera ng mga bibitayin na karapatdapat naman sa kaniya. Oo, “ang itinakdang panahon ay malapit na” para sa mga pangyayaring dudurog sa sanlibutan! At sa susunod na labas ng Bantayan, sa mga artikulong pag-aaralan ay patuloy na tatalakayin ang mga hula sa Apocalipsis tungkol sa napipintong pagkapuksa ng relihiyosong “patutot,” at gayundin ang buong sistema ng mga bagay ni Satanas.
Paano Mo Sasagutin?
◻ Ano ba ang kahulugan para sa kaarawan natin ng paghihip ng pitong trumpeta na nagsimula sa Apocalipsis kabanata 8?
◻ Bakit ang Sangkakristiyanuhan ang unang hinahatulan ng sintensiya?
◻ Paano inilalarawan sa Apocalipsis kabanata 9 ang gawaing pangangaral ng pinahirang nalabi at ng “malaking pulutong”?
◻ Ano ba ang kahulugan para sa langit at lupa ng pahayag sa Apocalipsis 11:15?
◻ Ayon sa pagkalarawan sa Apocalipsis 14:8, paano bumagsak noong 1919 ang relihiyosong Babilonya, at ano ang kahulugan nito para sa kaniya?