Pagkatuto ng Banal na Lihim ng Maka-Diyos na Debosyon
“Si Kristo man ay nagbata alang-alang sa inyo na kayo’y iniwanan ng halimbawa upang kayo’y sumunod nang maingat sa kaniyang mga hakbang.”—1 PEDRO 2:21.
1. Ano ba ang layunin ni Jehova tungkol sa ‘banal na lihim ng maka-Diyos na debosyon’?
“ANG banal na lihim ng maka-Diyos na debosyong ito” ay hindi na ngayon isang lihim! (1 Timoteo 3:16) Anong laking pagkakaiba nito sa mga lihim ng huwad na relihiyon, katulad ng mahiwagang Trinidad, na nananatiling mga lihim! Walang sinuman na maaaring makaunawa ng mga ito. Bagkus, layunin ni Jehova na ang banal na lihim na nahayag sa katauhan ni Jesu-Kristo ay mabigyan ng pinakamalaganap na posibleng publisidad. Si Jesus mismo ay naging litaw na halimbawa ng isang masigasig na tagapagbalita ng Kaharian ng Diyos. Malaki ang matututuhan natin buhat sa kaniyang mensahe at paraan ng pangangaral, gaya ng makikita natin ngayon.
2. Bakit ang paglilingkod ni Jesus ay nauuna pa sa pantubos? (Mateo 20:28)
2 Kung gayon, ipagpatuloy natin ang pagsasaalang-alang ng bagay na si Jesus ay “nahayag sa laman.” (1 Timoteo 3:16) Mababasa natin sa Mateo 20:28 na si Jesus ay “naparito, hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ibigay ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos kapalit ng marami.” Dito ang kaniyang paglilingkod ay nauuna pa sa pantubos. Bakit nga gayon? Bueno, dito sa Eden sinalungat na ng tusong Ahas ang matuwid na pagkasoberano ni Jehova sa sangkatauhan, anupa’t ipinahiwatig na may kasiraan ang paglalang ng Diyos at na sa ilalim ng pagsubok walang tao ang makapananatiling tapat sa Kataas-taasan. (Ihambing ang Job 1:6-12; 2:1-10.) Ang walang kapintasang ministeryo ni Jesus bilang isang sakdal na tao, “ang huling Adan,” ay nagpakita na ang naghahamong si Satanas ay isang balakyot na sinungaling. (1 Corinto 15:45) Isa pa, lubos na pinatunayan ni Jesus ang kaniyang mga kuwalipikasyon upang maglingkod bilang sinugo ng Diyos na “Punong Ahente at Tagapagligtas” at upang “hukuman ang tinatahanang lupa sa katuwiran,” bilang pagbabangong puri sa pagkasoberano ni Jehova.—Gawa 5:31; 17:31.
3. Papaano lubusang pinabulaanan ni Jesus ang hamon ni Satanas?
3 Lubusang pinabulaanan ni Jesus ang nangungutyang hamon ni Satanas! Sa buong kasaysayan, walang tao sa lupang ito ang katulad niya na naglingkod sa Diyos nang buong debosyon—sa kabila ng mga panlilibak, panghahagupit, at pisikal at mental na mga pagpapahirap. Pinagtiisan ni Kristo ang mapamusong na mga pag-upasala sa kaniya bilang ang Anak ng Diyos. Sa lahat ng ito—hanggang sa isang malupit at nakahihiyang kamatayan—siya ay naging matatag, di-mababago sa kaniyang katapatan sa kaniyang Ama. Sa Filipos 2:8, 9, isinulat ni Pablo na dahilan sa naging masunurin si Jesus ‘hanggang sa kamatayan, oo, sa kamatayan sa isang pahirapang tulos, dinakila siya ng Diyos at binigyan ng pangalan na mataas kaysa lahat ng iba pang pangalan.’ Ibinilad ni Jesus si Satanas bilang ang makamandag na sinungaling!
4. Bakit naaring sabihin ni Jesus kay Pilato na siya’y naparito sa sanlibutan upang magpatotoo sa katotohanan?
4 Sa gayon, sa katapusan ng mga ilang taon lamang ng puspusang pangangaral, may katapangang makapagpapatotoo si Jesus kay Poncio Pilato: “Ikaw na rin ang nagsasabing ako’y isang hari, dahil dito kaya ako inianak, at dahil dito kung kaya ako’y naparito sa sanlibutan, upang ako’y magpatotoo sa katotohanan. Ang bawat isang nasa panig ng katotohanan ay nakikinig sa aking tinig.” (Juan 18:37) Si Jesus ay nagpakita ng pinakasukdulang maka-Diyos na debosyon sa pamamalita ng katotohanan ng Kaharian ng Diyos sa buong Palestina. Kaniyang sinanay ang kaniyang mga alagad upang maging masisigasig na mángangarál din naman. Anong husay ng kaniyang ipinakitang halimbawa na nakapagpapasigla rin sa atin na sumunod sa kaniyang mga hakbang sa ngayon!
Pagkatuto Buhat sa Ating Halimbawang Tinutularan
5. Ano ang maaari nating matutuhan tungkol sa maka-Diyos na debosyon sa pamamagitan ng masidhing pagmamasid kay Jesus?
5 Sa pamamagitan ng ating maka-Diyos na debosyon sa paggawa ng kalooban ni Jehova, tayo man ay makapagpapatotoo na isang sinungaling ang Diyablo. Ano mang mga pagsubok ang danasin natin, walang makakatumbas ang mga pagdurusa at kadustaan na naranasan ni Jesus. Kung gayon, halina’t tayo’y matuto buhat sa ating Halimbawang tinutularan. Sa Hebreo 12:1, 2 ay pinapayuhan tayo, harinawang takbuhín natin ang takbuhin na may kasamang pagtitiis “habang masidhing minamasdan natin ang Punong Ahente at Tagapagsakdal ng ating pananampalataya, si Jesus.” Di-tulad ni Adan na hindi nakapasa nang subukin tungkol sa maka-Diyos na debosyon, si Jesus ang naging kaisa-isang tao sa lupa na nakalampas nang husto sa lahat ng pagsubok. Hanggang sa kamatayan, siya’y nagpatunay na “tapat, walang sala, walang dungis, hiwalay sa mga makasalanan.” (Hebreo 7:26) Sa kaniyang taglay na walang kapintasang katapatan, kaniyang naaaring masabi sa kaniyang mga kaaway: “Sino sa inyo ang may maisusumbat sa akin na kasalanan?” Ang hamon ni Satanas ay ibinalik uli sa kaniya ni Jesus, na ang sabi: “Ang tagapamahala ng sanlibutan . . . ay walang kapangyarihan sa akin.” At sa pagtatapos ng kaniyang huling pahayag sa kaniyang mga alagad bago siya ipinagkanulo at inaresto, kaniyang sinabi sa kanila: “Kayo’y magpakatibay-loob! Dinaig ko ang sanlibutan.”—Juan 8:46; 14:30; 16:33.
6. (a) Bakit alam ni Jesus kung anong uri ng kaginhawahan ang kailangan ng sangkatauhan? (b) Hanggang sa anong sukdulan nagpakita si Jesus ng maka-Diyos na takot?
6 Samantalang nasa laman dito sa lupa, naranasan ni Jesus kung ano ang ibig sabihin ng pagiging isang tao, “isang nakabababa kaysa mga anghel.” (Hebreo 2:7) Kaniyang nakilala ang mga kahinaan ng tao at sa gayo’y nasangkapang mainam upang maglingkod bilang Hari at Hukom ng sangkatauhan sa loob ng isang libong taon. Ang Anak ng Diyos na ito, na nagsabi, “Pumarito kayo sa akin, lahat kayong nagpapagal at nabibigatang lubha, at kayo’y pagiginhawahin ko,” ay may kaalaman kung anong uri ng kaginhawahan ang kailangan ng sangkatauhan. (Mateo 11:28) Ang Hebreo 5:7-9 ay nagsasabi sa atin: “Sa mga araw ng kaniyang laman si Kristo ay naghandog ng pagsusumamo at pati mga paghiling sa Isa na nakapagligtas sa kaniya buhat sa kamatayan, kasabay ng matinding pagtangis at ng mga luha, at siya’y dininig dahil sa kaniyang maka-Diyos na takot. Bagaman siya’y Anak, gayunma’y natuto ng pagsunod sa pamamagitan ng mga bagay na kaniyang tiniis; at nang siya’y mapaging sakdal [sa pagsunod] siya ang gumawa ng walang-hanggang kaligtasan ng lahat na sumusunod sa kaniya.” Si Jesus ay hindi nag-urong-sulong, bagaman siya’y kinailangang magtiis hanggang sa sukdulang maranasan ang tibo ng kamatayan bilang isang tao sa pagtanggap ng ‘sugat sa sakong’ buhat sa nakapopoot na Ahas. (Genesis 3:15) Katulad ni Jesus, harinawang tayo’y laging makitaan ng maka-Diyos na pagkatakot, hanggang sa kamatayan kung kinakailangan na tayo’y dumanas niyan, may pagtitiwala na diringgin ng Diyos na Jehova ang ating mga pagsusumamo at pagkakalooban tayo ng kaligtasan.
‘Mamuhay sa Katuwiran’
7. Sang-ayon sa 1 Pedro 2:21-24, anong halimbawa ang iniwanan ni Kristo para sa atin, at papaano dapat tayong maapektuhan ng kaniyang pamumuhay?
7 Samantalang nahahayag sa laman, may katapatang ibinunyag ni Jesus ang banal na lihim ng maka-Diyos na debosyon. Ating mababasa sa 1 Pedro 2:21-24: “Si Kristo man ay nagbata alang-alang sa inyo, na kayo’y iniwanan ng halimbawa upang kayo’y sumunod nang maingat sa kaniyang mga hakbang. Siya’y hindi nagkasala, ni kinasumpungan man ng daya ang kaniyang bibig. Nang siya’y alipustain, hindi siya gumanti ng pag-alipusta. Nang siya’y nagdurusa, hindi siya nagbanta, kundi ipinagkatiwala ang kaniyang sarili sa isa na humahatol nang matuwid. Siya rin ang nagdala ng ating mga kasalanan sa kaniyang sariling katawan sa tulos, upang pagkamatay natin sa mga kasalanan ay mabuhay naman tayo sa katuwiran.” Habang ating binubulay-bulay ang naging buhay ni Jesus, ito’y nagpapatibay-loob sa atin na sumunod sa maka-Diyos na debosyon, manatili sa katapatan, at mamuhay sa katuwiran na gaya ng ginawa niya!
8. Papaano tayo makapamumuhay sa katuwiran gaya ni Jesus?
8 Si Jesus ay tunay na namuhay sa katuwiran. Ang Awit 45:7 ay humula tungkol sa kaniya: “Iyong inibig ang katuwiran at iyong kinapootan ang kabalakyutan.” Sa pagkakapit ng mga salitang iyan kay Jesus, si apostol Pablo ay nagsabi sa Hebreo 1:9: “Iyong inibig ang katuwiran, at iyong kinapootan ang kalikuan.” Sa liwanag ng ating unawa sa banal na lihim ng maka-Diyos na debosyong ito, harinawang tayo tulad ni Jesus ay laging umibig sa matuwid at mapoot sa masama. Sa mga asal-Kristiyano, na sa ngayon ay buong tinding sinasalakay ng sanlibutan ni Satanas, at sa lahat ng ating pakikitungo sa mga tao sa loob at sa labas ng organisasyon ng Diyos, tayo’y magpasiya na mamuhay sa katuwiran, itinataguyod ang matuwid na mga simulain ni Jehova. At tayo’y patuloy na magpiging sa Salita ng Diyos upang makamit ang maka-Diyos na matalinong unawa na lubhang kailangan upang mailaban sa Diyablo at sa kaniyang mga pakana!
9. Ano ang isa pang nag-udyok kay Jesus upang maging lalong masigasig sa ministeryo, at dito’y ano ang kasangkot may kaugnayan sa mga pastol ng huwad na relihiyon?
9 May isa pang bagay na nag-udyok kay Jesus upang maging lalong masigasig sa ministeryo. Ano ba iyon? Sa Mateo 9:36 ay mababasa natin: “Nang makita niya ang mga karamihan siya’y nahabag sa kanila, sapagkat sila ay pinagsasamantalahan at nakapangalat na tulad ng mga tupa na walang pastol.” Kaya’t si Jesus ay “nagsimulang magturo sa kanila ng maraming bagay.” (Marcos 6:34) Talaga naman, dito’y kailangang ibunyag ang kabalakyutan at kalikuan ng mga pastol ng huwad na relihiyon. Sang-ayon sa Mateo 15:7-9, sinabi ni Jesus sa ilan sa mga ito: “Kayong mga mapagpaimbabaw, angkop ang pagkahula ni Isaias tungkol sa inyo, nang kaniyang sabihin, ‘Ang bayang ito’y pinararangalan ako ng kanilang mga labi, datapuwat ang kanilang puso ay malayung-malayo sa akin. Walang kabuluhan ang kanilang patuloy na pagsamba sa akin, sapagkat sila’y nagtuturo ng mga utos ng mga tao bilang mga doktrina.’ ”
Isang Nakasusuklam na Misteryo
10. Sa ngayon, “ang hiwaga ng katampalasanang ito” ay nakatutok kanino, at ano ang kanilang kasalanan?
10 Gaya ni Jesus na nagsalita ng buong tindi laban sa mga lider ng huwad na relihiyon, tayo rin naman sa ngayon ay nasusuklam sa isang misteryo na halatang-halatang kabaligtaran ng banal na lihim ng maka-Diyos na debosyon. Sa 2 Tesalonica 2:7, ito’y tinukoy ni Pablo na “ang hiwaga ng katampalasanang ito.” Iyon ay isang misteryo o hiwaga noong unang siglo C.E. sapagkat hindi maaaring ibunyag kundi pagkatapos ng matagal na panahon pagkamatay ng mga apostol. Sa ngayon, ito’y nakatutok sa klero ng Sangkakristiyanuhan, na lalong higit na interesado sa pulitika kaysa pangangaral ng mabuting balita ng matuwid na Kaharian ng Diyos. Pagpapaimbabaw ang nangingibabaw sa kanila. Ang mga tagapagpahayag sa telebisyon ng mga sektang Protestante sa Sangkakristiyanuhan ay isang litaw na halimbawa: mga taong nagdudunung-dunungan na nangingikil sa kanilang mga kawan, nagtatayo ng multi-milyong dolyar na mga imperyo, nakikihalubilo sa mga patutot, kunwari pa’y nagsisiiyak pagka sila’y napabilad, at patuloy na namamalimos ng salapi, laging higit at higit na salapi. Ang Vaticano ng Katolisismong Romano ay ganiyan din ang ipinakikitang pangit na larawan, lakip na ang kaniyang walang-konsiyensiyang mga koneksiyon sa mga pulitiko, panlabas na karangyaan, at katiwalian sa mga bangko.
11. Ano ang mangyayari sa klero ng Sangkakristiyanuhan at sa buong Babilonyang Dakila?
11 Hindi katakatakang ang uring klero ng Sangkakristiyanuhan ay maaaring makilala na siyang “ang taong tampalasan”! (2 Tesalonica 2:3) Ang dominanteng bahaging ito ng tulad-patutot na Babilonyang Dakila ay lubusang ibubunyag at wawasakin, kasama na ang lahat ng natitirang bahagi ng huwad na relihiyon. Gaya ng ating mababasa sa Apocalipsis 18:9-17, ang mga pulitiko at mga mangangalakal (at ang kanilang mga bangkero) ay mananaghoy sa panahong iyon: “Sayang ka, sayang ka, ikaw na dakilang lunsod!” Sa panahong iyon ang Babilonyang Dakila at ang kaniyang mga hiwaga ay mabubunyag, na tuwirang kabaligtaran ng lahat ng kaliwanagang mahahayag sa banal na lihim ng maka-Diyos na debosyon.
12. Ang pag-ibig ni Jesus sa katuwiran ay umakay sa kaniya upang gawin ang ano?
12 Ang pag-ibig ni Jesus sa katuwiran at pagkapoot sa katampalasanan ay umakay sa kaniya upang gugulin ang lahat ng kaniyang lakas alang-alang sa tunay na pagsamba. Sa kaniyang unang pagdalaw sa Jerusalem bilang ang pinahirang Anak ng Diyos, ang mga mangangalakal at mga mamamalit ng salapi ay ipinagtabuyan ni Kristo hanggang sa labas ng templo, na sinabi niya: “Alisin ninyo rito ang mga bagay na ito! Ang bahay ng aking Ama ay huwag na ninyong gawing bahay-kalakalan!” (Juan 2:13-17) Nang dumalaw siya sa templo noong bandang huli, sinabi ni Jesus sa sumasalansang na mga Judio: “Kayo’y sa inyong amang Diyablo at ang mga nais ng inyong ama ang ibig ninyong gawin. Siya’y isang mamamatay-tao buhat pa noong una at hindi nananatili sa katotohanan, sapagkat walang katotohanan sa kaniya. Pagka nagsasalita siya ng kasinungalingan, siya ay nagsasalita ng sa ganang kaniya, sapagkat siya’y isang sinungaling at ama ng kasinungalingan.” (Juan 8:44) Anong lakas ng loob ni Jesus sa pagpapamukha sa mga relihiyonistang ito na sila’y mga sinungaling at mga anak ng Diyablo!
13. (a) Saan lalong higit na ipinahayag ni Jesus ang pagkapoot sa katampalasanan? (b) Bakit ang tampalasang klero ay karapat-dapat sa kahatulan na katulad niyaong sinalita ni Jesus sa mga eskriba at Fariseo?
13 Ang pagkapoot ni Jesus sa katampalasanan ay lalong higit na nahahayag sa kaniyang nakatitibong pagtuligsa sa mistulang ulupong na mga eskriba at mga Fariseo, ayon sa pagkasulat sa Mateo kabanata 23. Doon ay bumibigkas siya ng makapitong ‘pagkaaba,’ na inihahalintulad sila sa ‘pinaputing mga libingan—punô ng lahat ng uri ng karumihan, pagpapaimbabaw, at katampalasanan.’ Anong laki ng paghahangad ni Jesus na iligtas ang naaaping mga tao buhat sa katampalasanang iyon! “Jerusalem, Jerusalem,” ang sigaw niya, “makailang inibig kong tipunin ang iyong mga anak, na gaya ng pagtitipon ng inahing manok sa kaniyang mga sisiw sa ilalim ng kaniyang mga pakpak! Ngunit kayong mga tao ay umayaw. Narito! Ang inyong bahay ay iniwang wasak sa inyo.” (Mat 23 Talatang 37, 38) Ang tampalasang klero sa ating kaarawang ito ay karapat-dapat sa isang nahahawig na kahatulan sapagkat, sa mga salita ng 2 Tesalonica 2:12, ‘sila’y hindi naniniwala sa katotohanan kundi nalulugod sa kalikuan.’ Ang kanilang katampalasanan ang siyang mismong kabaligtaran ng maka-Diyos na debosyon na buong katapatang ipinamalas ni Jesus samantalang siya’y narito sa lupa.
Pagpapahayag ng mga Kahatulan ng Diyos
14. Ang pagpapahalaga sa banal na lihim ng maka-Diyos na debosyon ay dapat na magpakilos sa atin na gawin ang ano?
14 Ang ating pagpapahalaga sa banal na lihim ng maka-Diyos na debosyon ay dapat umakay sa ating palagi na sumunod nang maingat sa mga hakbang ni Jesus. Katulad niya, tayo’y dapat maging masigasig sa paghahayag ng tinutukoy ng Isaias 61:2 na “ang taon ng kabutihang-loob ni Jehova at ang araw ng paghihiganti ng ating Diyos.” At harinawang masigasig na gawin natin ang ating bahagi na “aliwin ang lahat ng mga namimighati.” Tulad din nang si Jesus ay narito sa lupa, kailangan ang lakas ng loob ngayon upang maihayag natin ang mga kahatulan ni Jehova, kasali na ang matitinding mga mensahe sa tahasan ang pananalitang mga artikulo sa Bantayan at sa aklat na Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito! Tayo’y kailangang mangaral nang may katapangan at mataktika, ang ating mga pananalita’y “may timplang asin” upang maging katakam-takam sa mga nakahilig sa katuwiran. (Colosas 4:6) Pagkatapos matuto buhat sa halimbawa ni Jesus ng maka-Diyos na debosyon, harinawang tayo’y makapag-ulat sa takdang panahon na ating natapos na ang gawaing ibinigay sa atin ni Jehova upang gawin.—Mateo 24:14; Juan 17:4.
15. Tungkol sa banal na lihim ng Diyos, ano ang nangyayari buhat noong 1914?
15 Samantalang nahahayag sa laman, anong husay na Halimbawa ang ipinakita ni Jesus! Anong linaw na natupad sa kaniya ang banal na lihim ng maka-Diyos na debosyon! Anong lakas ng kaniyang loob na dakilain ang pangalan ni Jehova! At anong pagkagila-gilalas na ginantimpalaan si Jesus ng kaniyang Ama dahil sa kaniyang pananatiling tapat! Subalit mayroon pa ring dapat banggitin tungkol sa banal na lihim ng Diyos. Buhat noong 1914 tayo’y nabubuhay sa “araw ng Panginoon.” (Apocalipsis 1:10) Gaya ng sinasabi ng Apocalipsis 10:7, panahon na upang ‘ang banal na lihim ng Diyos ayon sa mabuting balita ay matapos.’ Ang makalangit na mga tinig ay nagpapahayag na ngayon: “Ang kaharian ng sanlibutan ay naging kaharian ng ating Panginoon [si Jehova] at ng kaniyang Kristo, at siya’y maghahari magpakailan at kailanman.” (Apocalipsis 11:15) Iniluklok na ni Jehova sa kapangyarihan ang Mesiyanikong Hari, si Jesu-Kristo, sa kaniyang maningning na trono upang magharing kasama Niya!
16. Papaanong ang bagong kaluluklok na Hari, si Jesu-Kristo, ay dagling nagpakita ng kaniyang pagpapahalaga sa kabanalan sa langit?
16 Bilang kasama ng Diyos na naghahari sa bagong-silang na Kaharian, si Jesus ay tinatawag din na Miguel (na ang ibig sabihin ay, “Sino ang Gaya ng Diyos?”). Walang sinumang rebelde ang maaaring magtagumpay kailanman sa pagiging gaya ng Diyos, at ito’y dagling ipinakita ng bagong kaluluklok na Hari sa pamamagitan ng pagbubulid sa lupa sa matandang Ahas, si Satanas, at sa kaniyang mga anghel. (Apocalipsis 12:7-9) Oo, si Jesus ay may pagpapahalaga sa kabanalan sa langit, kung papaanong nagpakita siya ng maka-Diyos na debosyon samantalang narito sa lupa. Ang niluwalhating si Jesu-Kristo ay hindi hihinto hangga’t hindi niya nalilipol ang huwad na relihiyon at lubusang napapalis ang organisasyon ni Satanas, nakikita at di-nakikita.
17. Mula noong 1914, ano ba ang nangyayari bilang katuparan ng Mateo 25:31-33?
17 Mula noong 1914 ang katuparan ng sariling hula ni Jesus sa Mateo 25:31-33 ay buong ningning na nagbigay-liwanag sa banal na lihim ng Diyos. Doon ay ipinahahayag ni Jesus: “Pagdating ng Anak ng tao na nasa kaniyang kaluwalhatian, na kasama niya ang lahat ng anghel, kung magkagayo’y luluklok siya sa kaniyang maluwalhating trono. At titipunin sa harap niya ang lahat ng bansa, at ang mga tao’y pagbubukdin-bukdin niya gaya ng pagbubukud-bukod ng pastol sa mga tupa at sa mga kambing. At ang mga tupa ay ilalagay niya sa kaniyang kanan, ngunit ang mga kambing ay sa kaniyang kaliwa.” Buhat sa kaniyang kinaroroonang may bentahang lugar sa langit, ang maluwalhating Haring ito, Hukom, at Tagapagtaguyod ng maka-Diyos na debosyon ay magsasagawa ng paghihiganti, una muna ay sa taong tampalasan at sa mga iba pang bahagi ng Babilonyang Dakila, at buhat dito ay kaniyang lilipulin ang lahat ng natitira pang mga bahagi at tulad-kambing na mga sumusuporta sa balakyot na makalupang organisasyon ni Satanas. At pagkatapos ay ibubulid si Satanas sa kalaliman. (Apocalipsis 20:1-3) Subalit ang tulad-tupang “mga matuwid” ay hahayo patungo sa buhay na walang-hanggan. (Mateo 25:46) Harinawang dahil sa inyong pagtataguyod ng maka-Diyos na debosyon ay mapalagay kayo sa grupong iyan ng mga matuwid!
18. Ano ang ating nakagagalak na pribilehiyo may kaugnayan sa banal na lihim ng maka-Diyos na debosyon?
18 Sa Apocalipsis 19:10 ay hinihimok tayo na “sumamba sa Diyos.” At bakit? Ang kasulatan ay nagpapatuloy: “Sapagkat ang pagpapatotoo kay Jesus ay siyang kumakasi sa panghuhula.” Napakarami sa kinasihang mga hula noong sinaunang panahon ang nagpatotoo kay Jesus! At habang ang mga hulang ito ay natutupad, ang banal na lihim ng Diyos ay nagiging sinlinaw ng kristal. Kung gayon, tayo’y nagagalak na malaman na ang banal na lihim ng maka-Diyos na debosyong ito ay dumating dito sa katauhan ni Jesus. Kahanga-hanga ang ating pribilehiyo na sumunod sa kaniyang mga hakbang bilang mapagpakumbabang mga ministro ng Kaharian ng Diyos. Oo, tayo’y pinararangalan sa pakikibahagi sa pagkaunawa at paghahayag ng lahat ng banal na lihim ng Diyos ayon sa mabuting balita!
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Ano ba ang matututuhan natin buhat sa halimbawa ni Jesus ng maka-Diyos na debosyon?
◻ Papaano tayo makapamumuhay sa katuwiran na gaya ng ginawa ni Kristo?
◻ Anong nakasusuklam na hiwaga ang tuwirang kabaligtaran ng banal na lihim ng maka-Diyos na debosyon?
◻ Ang ating pagpapahalaga sa banal na lihim ng maka-Diyos na debosyon ay dapat magpakilos sa atin na gawin ang ano?
[Larawan sa pahina 16]
Bilang isang tagapagtaguyod ng maka-Diyos na debosyon at isang masigasig na tagapagbalita ng Kaharian, naaring nasabi ni Jesus kay Pilato: “Dahil dito naparito ako sa sanlibutan, upang ako’y magpatotoo sa katotohanan”
[Larawan sa pahina 18]
Ang maka-Diyos na debosyon ni Jesus ay ipinahayag nang kaniyang tuligsain ang mga eskriba at mga Fariseo