KIROT NG PAGDARAMDAM, MGA
[sa Ingles, labor pains].
Ang kapighatiang kaugnay ng panganganak. Matapos itong magkasala, ipinahayag ng Diyos sa unang babae, si Eva, kung ano ang ibubunga niyaon sa pag-aanak. Kung nanatili siyang masunurin, patuloy sanang sasakaniya ang pagpapala ng Diyos at pawang kagalakan sana ang idudulot ng pag-aanak, sapagkat, “ang pagpapala ni Jehova—iyon ang nagpapayaman, at hindi niya iyon dinaragdagan ng kirot.” (Kaw 10:22) Ngunit magmula noon, sa pangkalahatan, ang di-sakdal na paggana ng katawan ay magiging sanhi ng kirot. Kaya naman sinabi ng Diyos (yamang kadalasan, ang mga bagay na ipinahihintulot niya ay sinasabing ginagawa niya): “Palulubhain ko ang kirot ng iyong pagdadalang-tao; sa mga hapdi ng panganganak ay magluluwal ka ng mga anak.”—Gen 3:16.
Sa literal, ang pananalitang Hebreo sa talatang ito ng Kasulatan ay “ang iyong kirot at ang iyong pagdadalang-tao” at isinasalin ito ng ilang salin bilang “ang iyong kalumbayan at ang iyong paglilihi.” (KJ; Yg) Ngunit ang anyo ng balarila na ginamit dito ay tinatawag na hendiadys, kung saan dalawang salita ang pinag-uugnay ng “at” bagaman iisang bagay ang tinutukoy. Ganito rin ang pagkakasalin sa pananalitang ito ng makabagong mga salin. (AT; Mo; RS) Kaya hindi naman sinasabi na lulubha, o madaragdagan, ang paglilihi, kundi ang kirot.
Totoo na maaaring maibsan ang kirot ng pagdadalang-tao at pag-aanak sa pamamagitan ng medikal na paggamot at sa paanuman ay maaari pa nga itong maiwasan sa pamamagitan ng pangangalaga at mga paghahanda. Ngunit, sa pangkalahatan, ang panganganak ay isa pa ring karanasan na nakapipighati sa pisikal.—Gen 35:16-20; Isa 26:17.
Makasagisag na Paggamit. Sa kabila ng mga kirot ng pagdaramdam na kaugnay ng pag-aanak, may kalakip na kaligayahan ang pagsisilang ng isang sanggol. Nang makipag-usap si Jesu-Kristo sa kaniyang mga apostol nang sarilinan noong gabi bago siya mamatay, ginamit niya ang situwasyong ito bilang isang ilustrasyon. Ipinaliwanag niya sa kanila na iiwan niya sila at pagkatapos ay sinabi niya: “Katotohanang-katotohanang sinasabi ko sa inyo, Kayo ay tatangis at hahagulhol, ngunit ang sanlibutan ay magsasaya; kayo ay mapipighati, ngunit ang inyong pamimighati ay magiging kagalakan. Ang isang babae, kapag nagsisilang siya, ay may pamimighati, sapagkat dumating na ang kaniyang oras; ngunit kapag nailuwal na niya ang bata, hindi na niya naaalaala ang kapighatian dahil sa kagalakan na isang tao ang ipinanganak sa sanlibutan. Kayo rin, sa gayon, ay talagang may pamimighati ngayon; ngunit makikita ko kayong muli at magsasaya ang inyong mga puso, at walang sinuman ang kukuha sa inyo ng inyong kagalakan.”—Ju 16:20-22.
Sumapit nga sa kanila ang makirot na panahong ito sa loob ng tatlong araw, noong walang alinlangang tumangis sila at ‘pinighati nila ang kanilang kaluluwa’ sa pamamagitan ng pag-aayuno. (Luc 5:35; ihambing ang Aw 35:13.) Ngunit maaga noong kinaumagahan ng ikatlong araw, Nisan 16, at sa loob ng 40 araw pagkatapos nito, ang binuhay-muling si Jesus ay nagpakita sa ilan sa mga alagad. Gunigunihin ang kanilang kagalakan! Noong araw ng Pentecostes, ang ika-50 araw mula nang buhaying-muli si Jesus, ibinuhos sa kanila ang banal na espiritu ng Diyos, at sila ay naging maliligayang saksi ng kaniyang pagkabuhay-muli, una ay sa Jerusalem at nang maglaon ay sa malalayong bahagi ng lupa. (Gaw 1:3, 8) At walang sinuman ang makakakuha ng kanilang kagalakan.—Ju 16:22.
Inilarawan ng salmista ang nagkakatipong mga hari habang minamasdan nila ang karilagan at karingalan ng Sion na banal na lunsod ng Diyos, pati ang matitibay na tore at muralya nito. Sinabi niya: “Nakita nila mismo; at namangha nga sila. Naligalig sila, napatakbo sila sa takot. Ang panginginig ay nanaig sa kanila roon, mga hapdi ng panganganak na gaya ng sa babaing nanganganak.” (Aw 48:1-6) Lumilitaw na inilalarawan ng awit na ito ang isang aktuwal na pangyayari nang malipos ng takot ang mga kaaway na hari sa kanilang isinaplanong pagsalakay sa Jerusalem.
Nang ihula niya ang pagkatalo na darating sa makapangyarihang Babilonya, binanggit ni Jeremias ang isang bayan mula sa hilaga, anupat ang ulat tungkol dito ay magdudulot ng matitinding kirot sa hari ng Babilonya, tulad ng babaing nanganganak. Natupad ito nang dumating si Ciro laban sa Babilonya at lalo na nang lumitaw sa pader ang mahiwagang sulat-kamay noong piging ng Babilonyong si Haring Belsasar. Binigyang-kahulugan ito kay Belsasar ng propetang si Daniel bilang pahiwatig ng biglang pagbagsak ng Babilonya sa mga Medo at mga Persiano.—Jer 50:41-43; Dan 5:5, 6, 28.
May kinalaman sa pagdating ng “araw ni Jehova,” ipinaliwanag ng apostol na si Pablo na magaganap ito habang ipinoproklama ang sigaw na “Kapayapaan at katiwasayan!” Kung magkagayon ay “kagyat na mapapasakanila ang biglang pagkapuksa gaya ng hapdi ng kabagabagan sa isang babaing nagdadalang-tao; at sa anumang paraan ay hindi sila makatatakas.” (1Te 5:2, 3) Ang mga kirot ng pagdaramdam ay biglaang dumarating sa babaing manganganak, anupat hindi nalalaman nang patiuna ang eksaktong araw at oras nito. Sa pasimula ay mga 15 hanggang 20 minuto ang pagitan ng mga kirot, ngunit lalong dumadalas ang mga ito habang papalapit na ang panganganak. Karaniwan na, di-gaanong matagal ang pagdaramdam, lalo na sa ikalawang yugto nito, ngunit kapag nagsimula na ang mga kirot ng pagdaramdam, nalalaman ng babae na malapit na siyang manganak at na kailangan siyang sumailalim sa mahirap na karanasang iyon. Hindi ito ‘matatakasan.’
Sa pangitain ng apostol na si Juan sa Apocalipsis, nakakita siya ng isang makalangit na babae na sumisigaw “dahil sa kaniyang mga kirot at sa kaniyang matinding paghihirap na magsilang.” Ang batang isinilang ay “isang anak na lalaki, isang lalaki, na magpapastol sa lahat ng mga bansa taglay ang isang tungkod na bakal.” Sa kabila ng mga pagsisikap ng dragon na lamunin ito, “ang kaniyang anak ay inagaw patungo sa Diyos at sa kaniyang trono.” (Apo 12:1, 2, 4-6) Ipinahihiwatig ng pag-agaw ng Diyos sa anak na lalaking ito na tinatanggap ng Diyos ang bata bilang sarili niyang anak, kung paanong kaugalian noong sinaunang mga panahon na iharap ang isang bagong-silang na sanggol sa ama nito upang kaniyang tanggapin. (Tingnan ang KAPANGANAKAN.) Mangangahulugan ito na ang “babae” ay ang “asawa” ng Diyos, ang “Jerusalem sa itaas,” ang “ina” ni Kristo at ng kaniyang espirituwal na mga kapatid.—Gal 4:26; Heb 2:11, 12, 17.
Sabihin pa, ang makalangit na “babae” ng Diyos ay sakdal, at ang panganganak ay walang kaakibat na literal na kirot. Samakatuwid, sa makasagisag na paraan, ipahihiwatig ng mga kirot ng pagdaramdam na malalaman ng “babae” na malapit na siyang manganak; maaasahan niyang magaganap ito sa di-kalaunan.—Apo 12:2.
Sino ang “anak na lalaki, isang lalaki” na ito? Sinasabing siya ay “magpapastol sa lahat ng mga bansa taglay ang isang tungkod na bakal.” Inihula sa Awit 2:6-9 na gagawin ito ng Mesiyanikong Hari ng Diyos. Ngunit nang makita ni Juan ang pangitaing ito, mahabang panahon na ang lumipas mula nang ipanganak si Jesus sa lupa at mula noong siya ay mamatay at buhaying-muli. Samakatuwid, waring tinutukoy ng pangitain ang pagsilang ng Mesiyanikong Kaharian na nasa mga kamay ng Anak ng Diyos na si Jesu-Kristo, na nang maibangon mula sa mga patay ay “umupo sa kanan ng Diyos, na mula noon ay naghihintay hanggang sa mailagay ang kaniyang mga kaaway bilang tuntungan para sa kaniyang mga paa.”—Heb 10:12, 13; Aw 110:1; Apo 12:10.
Hinihintay ang katuparan ng pangyayaring ito, at habang papalapit ito, lalong sisidhi ang paghihintay rito sa langit at sa lupa, sapagkat ang natupad na hula ay isang tiyak na pahiwatig na malapit na ito. Gaya ng binanggit ng apostol sa mga Kristiyano, magiging gayundin ang pagdating ng “araw ni Jehova”: “Kung tungkol nga sa mga panahon at mga kapanahunan, mga kapatid, hindi na ninyo kailangang sulatan pa kayo ng anuman.” “Kayo, mga kapatid, kayo ay wala sa kadiliman, upang ang araw na iyon ay umabot sa inyo gaya ng sa mga magnanakaw.”—1Te 5:1, 4.