Ang Diyablo—Hindi Lamang Basta Pamahiin
“Sa buong Bagong Tipan ay may malaking alitan sa pagitan ng mga puwersa ng Diyos at kabutihan sa isang panig, at niyaong kasamaan na pinangungunahan ni Satanas sa kabilang panig naman. Ito ay hindi kathang-isip ng isa o dalawang manunulat, kundi ito’y kaisipan ng lahat. . . . Kung gayon, ang patotoo ng Bagong Tipan ay maliwanag. Si Satanas ay isang tunay na kasamaan, na laging lumalaban sa Diyos at sa bayan ng Diyos.”—“The New Bible Dictionary.”
KUNG gayon, bakit marami sa mga nag-aangking Kristiyano—at nagsasabing naniniwala sa Bibliya—ang tumatanggi sa ideya na umiiral ang isang tunay na Diyablo? Sapagkat ang totoo, hindi nila tinatanggap ang Bibliya bilang Salita ng Diyos. (Jeremias 8:9) Sinasabi nila na sa mga manunulat ng Bibliya ay makikita ang mga pilosopiya ng mga bansang nakapalibot sa kanila at hindi nila inihatid nang tumpak ang katotohanan mula sa Diyos. Halimbawa, ang Katolikong teologo na si Hans Küng ay sumulat: “Ang maalamat na mga ideya tungkol kay Satanas na may mga lehiyon ng mga diyablo . . . ay nakapasok mula sa mga alamat ng Babilonya tungo sa sinaunang Judaismo at mula roon tungo sa Bagong Tipan.”—On Being a Christian.
Ngunit ang Bibliya ay hindi lamang salita ng mga tao; ito talaga ang kinasihang Salita ng Diyos. Kung gayon, tayo ay matalino kung didibdibin natin ang sinasabi nito tungkol sa Diyablo.—2 Timoteo 3:14-17; 2 Pedro 1:20, 21.
Ano Ba ang Palagay ni Jesus?
Naniwala si Jesu-Kristo na ang Diyablo ay tunay. Si Jesus ay hindi tinukso ng kung anong kasamaan na nasa loob niya. Siya ay sinalakay ng isang tunay na persona na tinawag niya nang maglaon na “ang tagapamahala ng sanlibutan.” (Juan 14:30; Mateo 4:1-11) Naniwala rin siya na sinuportahan ng ibang espiritung nilalang si Satanas sa balakyot na mga pakana nito. Pinagaling niya ang mga taong “inaalihan ng demonyo.” (Mateo 12:22-28) Maging ang ateistikong publikasyon na A Rationalist Encyclopædia ay bumanggit sa kahalagahan nito nang sabihin nito: “Malaon nang ikinatitisod ng mga teologo kung paano tinanggap ni Jesus ng mga Ebanghelyo ang paniniwala sa mga diyablo.” Nang magsalita si Jesus tungkol sa Diyablo at sa kaniyang mga demonyo, hindi lamang niya inuulit ang mga pamahiin na nagbuhat sa mga alamat ng Babilonya. Alam niya na talagang umiral ang mga ito.
Marami tayong matututuhan tungkol sa Diyablo kapag isinaalang-alang natin ang mga salita ni Jesus sa mga relihiyosong guro noong kaniyang kapanahunan: “Kayo ay mula sa inyong amang Diyablo, at ninanais ninyong gawin ang mga pagnanasa ng inyong ama. Ang isang iyon ay mamamatay-tao nang siya ay magsimula, at hindi siya nanindigan sa katotohanan, sapagkat ang katotohanan ay wala sa kaniya. Kapag sinasalita niya ang kasinungalingan, siya ay nagsasalita ayon sa kaniyang sariling kagustuhan, sapagkat siya ay isang sinungaling at ama ng kasinungalingan.”—Juan 8:44.
Ayon dito, ang Diyablo, isang pangalan na nangangahulugang “maninirang-puri,” ay “isang sinungaling at ama ng kasinungalingan.” Siya ang kauna-unahang nilalang na nagsinungaling tungkol sa Diyos, at ginawa niya ito noon sa hardin ng Eden. Sinabi ni Jehova na ang ating unang mga magulang ay “tiyak na mamamatay” kapag kumain sila mula sa punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama. Sa pamamagitan ng bibig ng isang serpiyente, sinabi ni Satanas na ang mga salitang iyon ay hindi totoo. (Genesis 2:17; 3:4) Angkop naman, siya ay tinawag na “ang orihinal na serpiyente, ang tinatawag na Diyablo at Satanas.”—Apocalipsis 12:9.
Ang Diyablo ay nagsinungaling tungkol sa punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama. Ipinangatuwiran niya na ang pagbabawal na kumain mula sa punungkahoy na iyon ay hindi makatuwiran; iyon ay pag-abuso sa kapangyarihan. Sinabi niya na sina Adan at Eva ay maaaring ‘maging tulad ng Diyos’ sa pagpapasiya sa kanilang sarili kung ano ang mabuti at kung ano ang masama. Ipinahiwatig ni Satanas na bilang mga taong may malayang kalooban, dapat na sila’y may ganap na kalayaang magpasiya. (Genesis 3:1-5) Ang pagsalakay na ito sa pagiging matuwid ng paraan ng Diyos sa pamamahala ay nagbangon ng mahahalagang isyu. Kaya naglaan si Jehova ng panahon upang malutas ang mga isyung ito. Nangangahulugan ito na si Satanas ay pinahintulutang patuloy na mabuhay nang pansamantala. Ang kaniyang limitadong panahon ay mabilis na ngayong nauubos. (Apocalipsis 12:12) Gayunman, patuloy niyang inilalayo ang sangkatauhan mula sa Diyos sa pamamagitan ng mga kasinungalingan at panlilinlang, anupat ginagamit ang mga taong katulad ng mga eskriba at mga Pariseo noong panahon ni Jesus upang palaganapin ang kaniyang mga turo.—Mateo 23:13, 15.
Sinabi rin ni Jesus na ang Diyablo ay “mamamatay-tao nang siya ay magsimula” at na “hindi siya nanindigan sa katotohanan.” Hindi ito nangangahulugan na nilikha ni Jehova ang Diyablo na “mamamatay-tao.” Hindi siya nilikha upang maging isang uri ng halimaw na nangangasiwa sa isang dako ng apoy at pagpapahirap para sa sinumang sumalansang sa Diyos. Ang “impiyerno” sa Bibliya ay hindi siyang tirahan ni Satanas. Ito ay karaniwang libingan lamang ng sangkatauhan.—Gawa 2:25-27; Apocalipsis 20:13, 14.
Ang Diyablo ay dating ‘nasa katotohanan.’ Siya ay dating bahagi ng makalangit na pamilya ni Jehova bilang isang sakdal na espiritung anak ng Diyos. Ngunit hindi siya “nanindigan sa katotohanan.” Mas pinili niya ang kaniyang sariling mga landasin at ang mga simulain niya na nakasalig sa kasinungalingan. ‘Siya ay nagsimula,’ hindi noong siya ay lalangin bilang isang anghel na anak ng Diyos, kundi noong siya ay kusang-loob na naghimagsik laban kay Jehova at nagsinungaling kina Adan at Eva. Ang Diyablo ay katulad ng mga taong naghimagsik laban kay Jehova noong panahon ni Moises. Tungkol sa kanila ay mababasa natin: “Sila ay gumawi nang kapaha-pahamak sa ganang kanila; sila ay hindi niya mga anak, ang kapintasan ay kanila.” (Deuteronomio 32:5) Masasabi rin ang gayon hinggil kay Satanas. Siya ay naging “mamatay-tao” nang maghimagsik siya at managot sa pagkamatay nina Adan at Eva at, sa katunayan, ng buong pamilya ng tao.—Roma 5:12.
Masuwaying mga Anghel
Sumama ang ibang mga anghel kay Satanas sa kaniyang paghihimagsik. (Lucas 11:14, 15) Ang mga anghel na ito ay “nag-iwan ng kanilang sariling wastong tahanang dako” at nagkatawang-tao upang makipagtalik sa “mga anak na babae ng mga tao” noong panahon ni Noe. (Judas 6; Genesis 6:1-4; 1 Pedro 3:19, 20) “Isang katlo ng mga bituin sa langit,” o isang minorya ng mga espiritung nilalang, ang tumahak sa landasing ito.—Apocalipsis 12:4.
Ang lubhang makasagisag na aklat ng Apocalipsis ay naglalarawan sa Diyablo bilang “isang malaking dragon na kulay-apoy.” (Apocalipsis 12:3) Bakit? Hindi dahil sa literal siyang may nakatatakot at pangit na katawan. Sa katunayan, hindi natin alam kung anong uri ng katawan mayroon ang mga espiritung nilalang, ngunit malamang na hindi naiiba si Satanas mula sa ibang espiritung nilalang na anghel sa bagay na ito. Gayunman, ang “isang malaking dragon na kulay-apoy” ay isang angkop na paglalarawan sa gutom na gutom, nakatatakot, makapangyarihan, at mapanirang disposisyon ni Satanas.
Si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay lubha na ngayong nalilimitahan. Hindi na sila maaaring magkatawang-tao gaya ng maliwanag na nagagawa nila noon. Di-nagtagal pagkatapos ng pagkakatatag ng Kaharian ng Diyos sa mga kamay ni Kristo noong 1914, sila ay ibinulid sa kapaligiran ng lupa.—Apocalipsis 12:7-9.
Ang Diyablo ay Isang Kaaway na Mahirap Talunin
Magkagayunman, ang Diyablo ay nananatiling isang kaaway na mahirap talunin. Siya ay “gumagala-gala tulad ng isang leong umuungal, na naghahanap ng masisila.” (1 Pedro 5:8) Siya ay hindi lamang malabong simulain ng kasamaan na nananahan sa ating di-sakdal na laman. Totoo, talagang mayroon tayong pang-araw-araw na pakikipagpunyagi laban sa ating sariling makasalanang mga hilig. (Roma 7:18-20) Ngunit ang tunay na pakikipagpunyagi ay “laban sa mga tagapamahala ng sanlibutan ng kadilimang ito, laban sa balakyot na mga puwersang espiritu sa makalangit na mga dako.”—Efeso 6:12.
Gaano kalawak ang impluwensiya ng Diyablo? “Ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot,” ang sabi ni apostol Juan. (1 Juan 5:19) Sabihin pa, hindi natin nais na mahumaling sa Diyablo o hayaang pigilin tayo ng mapamahiing pagkatakot sa kaniya. Gayunman, katalinuhan para sa atin na manatiling alisto sa kaniyang mga pagsisikap na bulagin tayo sa katotohanan at sirain ang ating katapatan sa Diyos.—Job 2:3-5; 2 Corinto 4:3, 4.
Ang Diyablo ay hindi laging gumagamit ng malupit na mga pamamaraan upang salakayin yaong mga nagnanais na gawin ang kalooban ng Diyos. Kung minsan, ginagawa niya ang kaniyang sarili na tila “isang anghel ng liwanag.” Nagbabala si apostol Pablo sa mga Kristiyano hinggil sa panganib na ito nang sumulat siya: “Natatakot ako na sa paanuman, kung paanong dinaya ng serpiyente si Eva sa pamamagitan ng katusuhan nito, ang inyong mga pag-iisip ay mapasamâ nang palayo sa kataimtiman at sa kalinisan na nauukol sa Kristo.”—2 Corinto 11:3, 14.
Kailangan natin kung gayon na ‘panatilihin ang ating katinuan, maging mapagbantay, manindigan tayo laban sa kaniya, matatag sa pananampalataya.’ (1 Pedro 5:8, 9; 2 Corinto 2:11) Huwag gawing madali para kay Satanas na dayain tayo sa pamamagitan ng pag-uusyoso sa anumang may kaugnayan sa okulto. (Deuteronomio 18:10-12) Maging mabuting estudyante ng Salita ng Diyos, anupat tinatandaan na si Jesu-Kristo ay paulit-ulit na bumanggit sa Salita ng Diyos nang siya ay tuksuhin ng Diyablo. (Mateo 4:4, 7, 10) Manalangin ukol sa espiritu ng Diyos. Matutulungan ka ng mga bunga nito na iwasan ang mga gawa ng laman, na napakaepektibong itinataguyod ni Satanas. (Galacia 5:16-24) Gayundin, marubdob na manalangin kay Jehova kapag nadarama mong ginigipit ka sa paanuman ng Diyablo at ng kaniyang mga demonyo.—Filipos 4:6, 7.
Hindi ka kailangang masindak sa Diyablo. Nangangako si Jehova ng tunay na proteksiyon laban sa anumang kayang gawin ni Satanas. (Awit 91:1-4; Kawikaan 18:10; Santiago 4:7, 8) “Patuloy [kang] magtamo ng lakas sa Panginoon at sa kapangyarihan ng kaniyang kalakasan,” ang sabi ni apostol Pablo. Kung magkagayon ay magagawa mong ‘tumayong matatag laban sa mga pakana ng Diyablo.’—Efeso 6:10, 11.
[Larawan sa pahina 5]
Alam ni Jesus na ang Diyablo ay isang tunay na persona
[Larawan sa pahina 6]
“Ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot”
[Credit Line]
NASA photo
[Mga larawan sa pahina 7]
Manindigan ka laban sa Diyablo sa pamamagitan ng regular na pag-aaral ng Salita ng Diyos at pananalangin