-
Namamasdan ni Juan ang Niluwalhating si JesusApocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
-
-
12. Ano ang kahulugan ng “matalas at mahabang tabak na may dalawang talim”?
12 “At sa kaniyang kanang kamay ay may pitong bituin, at mula sa kaniyang bibig ay lumalabas ang isang matalas at mahabang tabak na may dalawang talim, at ang kaniyang mukha ay gaya ng araw kapag sumisikat ito sa kaniyang kalakasan. At nang makita ko siya, bumagsak akong parang patay sa kaniyang paanan.” (Apocalipsis 1:16, 17a) Sa kalaunan ay ipaliliwanag mismo ni Jesus ang kahulugan ng pitong bituin. Subalit pansinin kung ano ang lumalabas sa kaniyang bibig: “isang matalas at mahabang tabak na may dalawang talim.” Angkop na paglalarawan nga ito sapagkat si Jesus ang inatasan upang bumigkas ng pangwakas na mga kahatulan ni Jehova laban sa Kaniyang mga kaaway! Ang mga kapahayagan mula sa kaniyang bibig ay tiyak na magdudulot ng pagkapuksa sa lahat ng balakyot.—Apocalipsis 19:13, 15.
13. (a) Ano ang ipinaalaala sa atin ng maliwanag at nagniningning na mukha ni Jesus? (b) Anong kabuuang impresyon ang makukuha natin mula sa paglalarawan ni Juan tungkol kay Jesus?
13 Ang maliwanag at nagniningning na mukha ni Jesus ay nagpapaalaala sa atin na nagliwanag ang mukha ni Moises matapos makipag-usap sa kaniya si Jehova sa Bundok Sinai. (Exodo 34:29, 30) Tandaan din na nang magbagong-anyo si Jesus sa harap ng tatlo niyang apostol halos 2,000 taon na ngayon ang nakalilipas, “ang kaniyang mukha ay suminag na gaya ng araw, at ang kaniyang mga panlabas na kasuutan ay nagningning na gaya ng liwanag.” (Mateo 17:2) Ngayon, sa paglalarawan kay Jesus sa pangitain sa araw ng Panginoon, ang kaniyang mukha ay nagpapaaninaw rin ng maluwalhating karilagan na gaya ng isang nagmula sa mismong harapan ni Jehova. (2 Corinto 3:18) Sa katunayan, ang kabuuang impresyon na inihahatid ng pangitain ni Juan ay isang larawan ng nagniningning na kaluwalhatian. Ang buhok na simputi ng niyebe, nagliliyab na mga mata, nagniningning na mukha, at nagbabagang mga paa ay walang-katulad na pangitain hinggil sa Isa na tumatahan ngayon sa “di-malapitang liwanag.” (1 Timoteo 6:16) Napakalinaw at buháy na buháy ang panooring ito! Ano ang naging reaksiyon ng lubhang nasisindak na si Juan? Sinasabi sa atin ng apostol: “At nang makita ko siya, bumagsak akong parang patay sa kaniyang paanan.”—Apocalipsis 1:17.
-
-
Pagsisiwalat sa Sagradong LihimApocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
-
-
2. (a) Anong titulo ang ginamit ni Jesus nang ipakilala niya ang kaniyang sarili? (b) Ano ang kahulugan ng pagsasabi ni Jehova na: “Ako ang una at ako ang huli”? (c) Ano ang itinatawag-pansin ng titulo ni Jesus na “ang Una at ang Huli”?
2 Hindi naman dapat mauwi sa malagim na pagkatakot ang ating pagkasindak. Pinatibay-loob ni Jesus si Juan, gaya ng sumunod na salaysay ng apostol. “At ipinatong niya sa akin ang kaniyang kanang kamay at sinabi: ‘Huwag kang matakot. Ako ang Una at ang Huli, at ang isa na nabubuhay.’” (Apocalipsis 1:17b, 18a) Sa Isaias 44:6, wastong inilalarawan ni Jehova ang kaniyang sariling katayuan bilang ang iisa at tanging Diyos na makapangyarihan-sa-lahat, sa pagsasabing: “Ako ang una at ako ang huli, at bukod pa sa akin ay walang Diyos.”a Nang ipakilala ni Jesus ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng titulong “ang Una at ang Huli,” hindi niya inaangkin na kapantay niya si Jehova, ang Dakilang Maylalang. Ginagamit niya ang titulo na wastong ipinagkaloob sa kaniya ng Diyos. Sa aklat ng Isaias, ipinahahayag ni Jehova ang Kaniyang natatanging posisyon bilang ang tunay na Diyos. Siya ang walang-hanggang Diyos, at bukod sa kaniya ay walang ibang Diyos. (1 Timoteo 1:17) Sa Apocalipsis, binabanggit ni Jesus ang titulong ipinagkaloob sa kaniya, na tumatawag-pansin sa kaniyang natatanging pagkabuhay-muli.
3. (a) Sa anong paraan si Jesus ang “Una at ang Huli”? (b) Ano ang kahulugan ng pagtataglay ni Jesus ng “mga susi ng kamatayan at ng Hades”?
3 Talagang si Jesus “ang Una” sa mga tao na binuhay-muli bilang imortal na espiritu. (Colosas 1:18) Bukod dito, siya “ang Huli” na personal na binuhay-muli ni Jehova. Kaya siya “ang isa na nabubuhay . . . nabubuhay magpakailan-kailanman.” Imortal siya. Sa bagay na ito, katulad siya ng kaniyang imortal na Ama, na tinatawag na “Diyos na buháy.” (Apocalipsis 7:2; Awit 42:2) Para sa lahat ng iba pa sa sangkatauhan, si Jesus mismo “ang pagkabuhay-muli at ang buhay.” (Juan 11:25) Kasuwato nito, sinasabi niya kay Juan: “Namatay ako, ngunit, narito! ako ay nabubuhay magpakailan-kailanman, at nasa akin ang mga susi ng kamatayan at ng Hades.” (Apocalipsis 1:18b) Binigyan siya ni Jehova ng awtoridad na bumuhay ng mga patay. Kaya masasabi ni Jesus na nasa kaniya ang mga susi na makapagbubukas ng mga pintuang-daan para sa mga bihag ng kamatayan at ng Hades (karaniwang libingan).—Ihambing ang Mateo 16:18.
-