Ipinakikita Mo ba na Mapagpasalamat Ka?
Sa isang tahanang pangmisyonero sa kanlurang Aprika, dating nakatira roon ang isang aso na pinanganlang Teddy. Kapag hinagisan si Teddy ng isang hiwa ng karne, agad-agad niya itong nilululon nang hindi man lamang ito ninanamnam at nginunguya. Habang humihingal dahil sa init ng araw sa tropiko, naghihintay ito ng susunod na piraso ng pagkaing ihahagis sa kaniya. Nang maubos na ang karne, tumalikod na ito at umalis.
Kailanma’y hindi nagpahayag si Teddy ng kahit katiting na pasasalamat sa natanggap niya. Wala namang umasa na gagawin niya ito. Tutal, isa lamang siyang aso.
MAY kinalaman sa pagpapasalamat, kadalasa’y higit ang inaasahan natin sa mga kapuwa tao kaysa sa mga hayop. Karaniwan naman ay nabibigo tayo. Sinasamantala ng maraming tao ang maaari nilang makamit sa buhay at naghahanap ng higit pa. Hindi rin ito kataka-taka. Inihula ng Bibliya na sa mga huling araw, ang mga tao ay magiging mga walang utang-na-loob.—2 Timoteo 3:1, 2.
Gayunman, may naiibang espiritu ang mga lingkod ng Diyos. Sinusunod nila ang payo ni apostol Pablo, na humimok sa mga kapananampalataya: “Ipakita ang inyong mga sarili na mapagpasalamat.”— Colosas 3:15.
Ipinakikita ni Jehova na Siya ay Mapagpasalamat
Ipinamamalas ng Diyos na Jehova ang sakdal na halimbawa sa pagpapakita ng pagpapahalaga. Isaalang-alang kung paano niya minamalas ang kaniyang tapat na mga lingkod. Sa ilalim ng pagkasi, sumulat si Pablo sa mga Hebreong Kristiyano: “Ang Diyos ay hindi liko upang kalimutan ang inyong gawa at ang pag-ibig na ipinakita ninyo para sa kaniyang pangalan, sa bagay na kayo ay naglingkod sa mga banal at patuloy na naglilingkod.”—Hebreo 6:10.
Marami ang mga halimbawa ng pagpapahalaga ni Jehova sa kaniyang tapat na mga lingkod. Pinagpala niya si Abraham sa pamamagitan ng pagpaparami sa kaniyang literal na mga supling, anupat sila’y naging “tulad ng mga bituin sa langit at tulad ng mga butil ng buhangin na nasa baybay-dagat.” (Genesis 22:17) Dahil sa pagpapahalaga sa katapatan ni Job sa ilalim ng pagsubok, hindi lamang isinauli ni Jehova ang malaking kayamanan ni Job kundi ibinigay rin niya na ‘doble ang dami.’ (Job 42:10) Ang pakikitungo ni Jehova sa mga tao sa loob ng libu-libong taon ay nagpatunay sa katotohanan ng pangungusap na: “Kung tungkol kay Jehova, ang mga mata niya ay nagsisiyasat sa buong lupa upang ipakita ang kaniyang lakas alang-alang sa kanila na ang puso ay sakdal sa harap niya.”—2 Cronica 16:9.
Ang pagpapahalaga at hilig ng Diyos na gantimpalaan yaong mga nagsisikap na gawin ang kaniyang kalooban ay mga pangunahing pitak ng kaniyang personalidad. Ang pagkilala rito ay napakahalaga sa Kristiyanong pananampalataya. Sumulat si Pablo: “Kung walang pananampalataya ay imposibleng palugdan siya nang mainam, sapagkat siya na lumalapit sa Diyos ay dapat na maniwala . . . na siya ang nagiging tagapagbigay-gantimpala doon sa mga marubdob na humahanap sa kaniya.”—Hebreo 11:6.
Kung si Jehova ay naging malupit at mapunahin, tayong lahat ay mahahatulan. Matagal nang ipinakita ng salmista ang puntong ito: “Kung mga pagkakamali ang iyong titingnan, O Jah, O Jehova, sino kaya ang makatatayo?” (Awit 130:3) Si Jehova ay hindi salát sa pagpapahalaga ni mapunahin. Mahal niya ang mga naglilingkod sa kaniya. Ipinakikita niya na siya ay mapagpasalamat.
Si Jesus—Isang Lubhang Mapagpahalagang Tao
Palibhasa’y sakdal na naipaaninaw ang mga katangian ng kaniyang makalangit na Ama, ipinakita ni Jesu-Kristo na siya ay mapagpasalamat sa mga bagay na ginawa ng iba nang may pananampalataya. Isaalang-alang ang minsa’y nangyari sa templo sa Jerusalem: “Ngayon nang [si Jesus] ay tumingin nakita niya ang mayayaman na naghuhulog ng kanilang mga kaloob sa mga kabang-yaman. Pagkatapos nakita niya ang isang nagdarahop na babaing balo na naghulog ng dalawang maliit na barya na may napakaliit na halaga, at sinabi niya: ‘Sinasabi ko sa inyo nang may katotohanan, Ang babaing balo na ito, bagaman dukha, ay naghulog ng higit kaysa sa kanilang lahat. Sapagkat ang lahat ng mga ito ay naghulog ng mga kaloob mula sa kanilang labis, ngunit ang babaing ito mula sa kaniyang kakapusan ay naghulog ng lahat ng kabuhayang taglay niya.’ ”—Lucas 21:1-4.
Kung ibabatay sa halaga ng salapi, maliit lamang ang abuloy, lalo na kung ihahambing iyon sa mga abuloy ng mayayamang tao. Halos hindi na siya napansin ng karamihan na naroon. Gayunman, nakita pa rin ni Jesus ang babaing balong iyon. Naunawaan niya ang kalagayan nito. Siya ay nakita ni Jesus at kaniyang pinahalagahan siya.
Isa pang pangyayari ang kinasangkutan naman ng isang mayamang babae, si Maria. Habang nakahilig si Jesus sa kainan, ibinuhos nito ang isang napakamahal na pinabangong langis sa mga paa at ulo ni Jesus. Pinuna ng iba ang ginawa nito, anupat ikinatuwiran na naipagbili sana ang langis at nagamit ang pera upang tulungan ang mga dukha. Paano tumugon si Jesus? Sinabi niya: “Pabayaan ninyo siya. Bakit ninyo sinisikap na guluhin siya? Gumawa siya ng isang mainam na gawa sa akin. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Saanman ipangaral ang mabuting balita sa buong sanlibutan, ang ginawa ng babaing ito ay sasabihin din bilang pag-alaala sa kaniya.”—Marcos 14:3-6, 9; Juan 12:3.
Si Jesus ay hindi mapamunang nagreklamo na sana’y ginamit sa ibang bagay ang mamahaling langis. Pinahalagahan niya ang bukas-palad na kapahayagan ng pag-ibig at pananampalataya ni Maria. Ang pangyayari ay iniulat sa Bibliya bilang alaala ng kaniyang mainam na gawa. Ang mga salaysay na ito at ang iba pa ay nagpapakita na si Jesus ay isang lubhang mapagpahalagang tao.
Kung ikaw ay isang lingkod ng Diyos, makatitiyak ka na kapuwa ang Diyos na Jehova at si Jesu-Kristo ay lubhang nagpapahalaga sa iyong pagsisikap na itaguyod ang dalisay na pagsamba. Ang gayong kaalaman ay nagpapalapit sa atin sa kanila at nag-uudyok sa atin na tularan sila sa pamamagitan ng pagpapatunay na tayo ay mapagpasalamat.
Ang Mapamunang Saloobin ni Satanas
Ngayon naman ay isaalang-alang natin ang halimbawa ng isa na nagpapakitang siya ay hindi mapagpasalamat—si Satanas na Diyablo. Ang kawalang-pagpapahalaga ni Satanas ay naging dahilan ng kaniyang pangunguna sa isang kapaha-pahamak na paghihimagsik sa Diyos.
Palibhasa’y nagkimkim siya ng mapamunang saloobin ng pagiging di-kontento, sinimulan ni Satanas na ihasik ito sa iba. Isaalang-alang ang mga pangyayari sa hardin ng Eden. Natapos nang lalangin ni Jehova ang unang lalaki at babae, nailagay na sila sa isang malaparaisong hardin, at nasabi na sa kanila: “Mula sa bawat punungkahoy sa hardin ay makakakain ka hanggang masiyahan.” Ngunit may isang ipinagbabawal. Sinabi ng Diyos: “Kung tungkol sa punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain mula roon, sapagkat sa araw na kumain ka mula roon ay tiyak na mamamatay ka.”—Genesis 2:16, 17.
Subalit, di-nagtagal ay hinamon ni Satanas ang kredibilidad ni Jehova. Sa isang antas, ibig niyang labis na mawalan ng utang na loob si Eva kay Jehova anupat maudyukan itong maghimagsik laban sa kaniya, gaya ng paghihimagsik mismo ni Satanas. “Talaga bang sinabi ng Diyos na huwag kayong kakain mula sa bawat punungkahoy sa hardin?” ang tanong ni Satanas. (Genesis 3:1) Ang maliwanag na ipinahihiwatig ay na may ipinagkakait ang Diyos na isang mahalagang bagay kay Eva, isang bagay na magmumulat ng kaniyang mga mata at magpapangyaring siya’y maging katulad ng Diyos mismo. Sa halip na ipakitang siya’y mapagpasalamat sa maraming pagpapalang ibinigay ni Jehova sa kaniya, si Eva ay nagsimulang magnasa sa ipinagbabawal.—Genesis 3:5, 6.
Alam na alam natin ang kapaha-pahamak na kinalabasan. Bagaman binigyan ng pangalang Eva “sapagkat siya ang magiging ina ng bawat nabubuhay,” sa ibang diwa, siya ang naging ina ng bawat namamatay. Mula kay Adan ay namana ng lahat ng tao ang kasalanan na nagbubunga ng kamatayan.—Genesis 3:20; Roma 5:12.
Tularan ang Diyos at si Kristo
Isaalang-alang ang pagkakaiba ni Satanas at ni Jesus. Inilalarawan si Satanas bilang “ang tagapag-akusa sa ating mga kapatid . . . , na siyang umaakusa sa kanila araw at gabi sa harap ng ating Diyos.” (Apocalipsis 12:10) “Magagawa rin [ni Jesus na] iligtas nang lubusan yaong mga lumalapit sa Diyos sa pamamagitan niya, sapagkat siya ay laging nabubuhay upang makiusap para sa kanila.”—Hebreo 7:25.
Inaakusahan ni Satanas ang mga lingkod ng Diyos. Pinahahalagahan naman sila ni Jesus at nakikiusap siya alang-alang sa kanila. Bilang mga tagatulad kay Kristo, dapat pagsikapan ng mga Kristiyano na hanapin ang mabuti sa isa’t isa, anupat pinasasalamatan at pinahahalagahan ang bawat isa. Sa paggawa nito, kanilang ipinakikita na sila’y mapagpasalamat sa isa na nagbigay ng sukdulang halimbawa ng pagpapahalaga, ang Diyos na Jehova.—1 Corinto 11:1.
[Larawan sa pahina 17]
Ipinahayag ni Jesus ang pagpapahalaga sa mainam na gawa ni Maria