Kabanata 11—Pandaigdig na Katiwasayan sa Ilalim ng “Prinsipe ng Kapayapaan”
Pagkakaiba ng Makalupang Jerusalem at ng Makalangit na Jerusalem
1. (a) Ang pagkawasak ba ng Jerusalem ay magiging isang bagong bagay? (b) Bakit hindi ito magiging isang malaking kapahamakan para sa lahat ng sangkatauhan kung ang Jerusalem ay dumanas na muli ng pagkawasak?
YAONG mga Judio ngayon ayon sa laman ay determinado na ang Jerusalem sa Gitnang Silangan ay mananatili magpakailanman. Kahit na ang mga tao sa Sangkakristiyanuhan ay mataas pa rin ang pagkilala sa lunsod na iyan kung saan tinapos ni Jesus ang kaniyang ministeryo. Subalit iginagarantiya ba ng lahat ng ito ang patuloy na pag-iral ng lunsod na iyan? Ito ay dumanas na noon ng pagkawasak, noong 607 B.C.E. sa mga taga-Babilonya at noong 70 C.E. sa mga Romano. Mangangahulugan ba ng malaking kapahamakan sa lahat ng sangkatauhan kung ito muli ay dumanas ng pagkawasak? Hindi, ang lunsod ay hindi kinakailangan upang ang mga pagpapala ng tipang Abrahamiko ay dumaloy sa sangkatauhan. Kahit na tungkol kay Abraham ay nasusulat: “Siya’y naghihintay ng lunsod na may mga tunay na pundasyon, na ang nagtayo at gumawa ng lunsod na iyon ay ang Diyos.”—Hebreo 11:10.
2. (a) Paano ipinakikita ni apostol Pablo na mayroong nakatataas na Jerusalem? (b) Sino ang Asawang Nagmamag-ari sa Jerusalem na iyon, at sino ang kaniyang mga anak sa pamamagitan niya?
2 Ang apostol Pablo ay sumulat: “Ngunit ang Jerusalem sa itaas ay malaya, at siyang ina natin.” (Galacia 4:26) Ipinakita niya roon na ang selestiyal, o makalangit, na Jerusalem ay lumalarawan kay Sara at siyang tulad-asawang organisasyon ng Lalong-dakilang Abraham, ang Diyos na Jehova. Kaya, ang mga anak na lalaki ng “Jerusalem sa itaas” ay ang inianak-sa-espiritung mga Kristiyano, gaya ni Pablo.
Ang “Jerusalem sa Itaas” ay Naging Isang Maharlikang Lunsod
3. (a) Kailan nagsimulang maghari mismo ang Diyos na Jehova? (b) Saan iniluklok si Jesu-Kristo, at ano ang epekto nito sa pagkahari mismo ni Jehova?
3 Ang “Jerusalem sa itaas” ay nagkaroon ng maharlikang aspekto o bahagi sapol nang magwakas “ang itinakdang panahon ng mga bansa” noong 1914. (Lucas 21:24) Mula noon, ang Awit 97:1 ay natutupad: “Si Jehova mismo ay naging hari! Magalak ang lupa.” Sa gayunding paraan ang Awit 99:1, 2 ay natutupad: “Si Jehova mismo ay naging hari. . . . Si Jehova ay dakila sa Sion, at siya’y mataas na higit sa lahat ng mga bayan.” Noong 1914 ay dumating ang panahon upang pahintuin niya ang pagyurak sa Kaharian sa maharlikang linya ni David, na kinakatawan ng dating maharlikang lunsod ng Jerusalem. Sa gayon, iniluklok niya ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, bilang Hari sa Kaniya mismong kanang kamay sa “Jerusalem sa itaas,” ang makalangit na Jerusalem, sa ganitong paraan ay ginagawa itong isang maharlikang lunsod. Ang pagkahari mismo ni Jehova ay pinagtibay o pinalawak sa pagkaluklok kay Jesu-Kristo bilang Hari.
4. Sa anong mga pangyayari naging isang maharlikang lunsod ang “Jerusalem sa itaas” sapol noong 1914?
4 Kaya pagkasilang ng makalangit na Kaharian noong 1914 at pagkatapos palayasin sa langit si Satanas at ang kaniyang mga demonyo, angkop lamang na ipahayag: “Ngayon ay dumating ang kaligtasan at ang kapangyarihan at ang kaharian ng ating Diyos at ang kapamahalaan ng kaniyang Kristo, sapagkat ang tagapagparatang sa ating mga kapatid ay inihagis na, siyang nagpaparatang sa kanila araw at gabi sa harap ng ating Diyos!” (Apocalipsis 12:1-10) “Ang kapamahalaan ng kaniyang Kristo” ay na ang Isang ito ay magpuno bilang Hari sa “Jerusalem sa itaas.” Tunay, siya ay naging isang maharlikang lunsod noong mahalagang taóng iyon ng 1914.
Ang Anak na Babae ng “Jerusalem sa Itaas”
5, 6. (a) Sa Apocalipsis 21:1, 2, anong simbolikong lunsod ang nakita ni Juan? (b) Kanino ipinatutungkol ang maharlikang pagsalubong na inilalarawan sa Zacarias 9:9, 10, at sa anong mga pananalita?
5 Mahigit na dalawampu’t limang taon pagkaraan ng pagkawasak ng Jerusalem ng mga hukbong Romano noong 70 C.E., ang apostol Juan ay binigyan ng kahanga-hangang mga pangitain sa aklat ng Apocalipsis. Sa Apocalipsis 21:1, 2, binabanggit ni Juan ang tungkol sa isang “Bagong Jerusalem.” Yaong mga bumubuo sa “Bagong Jerusalem” na ito ang masayang sumasalubong sa bagong itinalagang Hari na dumarating sa pangalan ni Jehova, gaya ng gagawin nila na nasusulat sa Zacarias 9:9, 10, sa mga pananalitang ito:
6 “Magalak kang mainam, Oh anak na babae ng Sion. Humiyaw ka nang matagumpay, Oh anak na babae ng Jerusalem. Narito! Ang iyong hari mismo ang napaparoon sa iyo. Siya’y matuwid, oo, nagliligtas; mapagpakumbaba, at nakasakay sa isang asno . . . At aking ihihiwalay ang karo mula sa Ephraim at ang kabayo’y mula sa Jerusalem. At ang busog ng pakikipagbaka ay mapuputol. At siya’y magsasalita ng kapayapaan sa mga bansa; at ang kaniyang pamamahala ay magiging sa dagat at dagat at mula sa Ilog hanggang sa mga wakas ng lupa.”
7. Kanino natupad ang hulang iyan sa panahong ito ng “katapusan ng sistema ng mga bagay,” at sa anong paraan?
7 Ang hulang ito ay nagkaroon ng bahagyang katuparan sa matagumpay na pagpasok ni Jesu-Kristo sa Jerusalem noong 33 C.E. Sapol noong 1919 ito ay nagkaroon ng pangwakas na katuparan sa nalabi ng espirituwal na Israel. Walang pagkakabaha-bahagi sa pagitan ng mga membro ng pinahirang nalabing iyon, gaya ng nangyari sa pagitan ng mga tribo ng sinaunang Ephraim at Jerusalem, ang kabisera ng dalawang-tribong kaharian ng Juda. Sa pamamagitan ng paglilingkod na may pagkakaisa sa mga kapakanan ng Mesianikong Kaharian sa layunin na isagawa ang hula ni Jesus sa Mateo 24:14 at Marcos 13:10, patuloy na ibinubunyi nila ang matagumpay na Hari, si Jesu-Kristo. Sa hindi masisirang pagkakaisa matapat na napasasakop sila sa kaniyang makaharing pamamahala sa panahong ito ng “katapusan ng sistema ng mga bagay.”—Mateo 24:3.
8. (a) Sino ang hindi sumalubong sa matagumpay na Hari? (b) Saan at sa ano nagmamartsa ang mga iyon?
8 Sa kanilang kahihiyan, pati na ang Jerusalem ng Republika ng Israel, hindi sinasalubong ng kinikilalang mga bansang Kristiyano na bumubuo sa Sangkakristiyanuhan ang matagumpay na Hari na dumarating sa pangalan ni Jehova. Gayunman, mayroon niyaong mga saksi ng Isa na sa kaniyang pangalan ito ay dumarating, na maligayang naglilingkod sa Kaniya sa Kaniyang templo. (Isaias 43:10-12) Nabuksan ang kanilang espirituwal na mga mata upang makita na ang Republika ng Israel at ang lahat ng iba pang mga bansa sa loob at labas ng UN ay nagmamartsa na sa “dako na tinatawag sa Hebreo na Har–Magedon.” (Apocalipsis 16:16) Ang digmaan ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ay malapit na!
9. Paanong ang kinabukasan ng makalupang Jerusalem ay ibang-iba sa kinabukasan ng Bagong Jerusalem?
9 Ang hinaharap ng makalupang Jerusalem ay kalunus-lunos, subalit yaong sa Bagong Jerusalem ay maningning. Sa takdang panahon, “ang sampung sungay” ng pulitikal na “mabangis na hayop,” gayundin ang “hayop” mismo, ay babaling at mapopoot sa sistema ng patutot, ang Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Ipahahayag nila ang kanilang marahas na pagkapoot laban sa relihiyosong pinagpipitaganang makalupang Jerusalem at pupuksain ito na parang isang malaking sunog. (Apocalipsis 17:16) Subalit tiyak na hindi nila maaaring hipuin ang makalangit na Bagong Jerusalem.
10. Paano itinataguyod ng makalupang Jerusalem ang isang landasin na kakaiba roon sa inianak-sa-espiritung mga Kristiyano at sa “malaking pulutong,” na kanilang mga kasama?
10 Ang nalabi ng inianak-sa-espiritung mga Kristiyano na umaasang magiging bahagi ng makalangit na Bagong Jerusalem ay patuloy na ipinagbubunyi ang Nobyong Hari, si Jesu-Kristo, kasama ng “malaking pulutong” ng iba pang mga saksi ni Jehova. Sa matapat na landasing ito ng pagkilos, sila ay ibang-iba sa matandang Jerusalem. Mula sa pagkatatag ng Republika ng Israel, sinusunod ng ngayo’y nangingibabaw na Judiong lunsod ng Jerusalem ang landasin ng mga mamamayan ng unang-siglong Jerusalem. Sa ilalim ng bumubulag na impluwensiya ng relihiyon, patuloy niyang tinatanggihan si Jesu-Kristo, ang Isa na may karapatan at kapangyarihan na magpuno sa makalangit na Kaharian.
11, 12. (a) Ang kapansin-pansing katuparan ng hula ni Jesus sa Mateo 24:14 ay isinasagawa nino lalo na? (b) Ano ang mayroon ang Samahan na ginagamit nila sa pagsasagawa ng gawain sa Republika ng Israel ngayon?
11 Totoo, mula noong wakas ng mga Panahong Gentil noong 1914, ang “Prinsipe ng Kapayapaan” ay nagpupuno na sa mga langit, di nakikita ng mga mata ng tao. Gayumpaman, mula nang ang Jerusalem ay sakupin ng mga Britano noong Digmaang Pandaigdig I at ang kautusan ukol dito ay ibinigay sa Britaniya ng Liga ng mga Bansa, ang mabuting balita tungkol sa makalangit na Kaharian sa mga kamay ng Mesianikong Anak ni Haring David ay “ipinangaral [na] sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa,” gaya ng inihula mismo ni Jesu-Kristo.—Mateo 24:14.
12 Ang kapansin-pansing katuparang ito ng hula ay isinagawa ng mga Saksi ni Jehova sa ilalim ng pangangasiwa ng Watch Tower Bible and Tract Society. Ang Samahang ito ay mayroon pa ngang tanggapang sangay sa Tel Aviv, kung saan ang mga gawain ng mga Saksi ni Jehova sa buong teritoryo ng Israel ay pinangangasiwaan. Mayroon ding mga kongregasyon ng aktibong mga saksi ni Jehova na ngayo’y naghahayag ng ebanghelyo ng Kaharian sa lupaing iyan.
13. (a) Ano ang mangyayari pagka ang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos ay lubusang maganap? (b) Mayroon bang pangangailangan para sa isa pang makalupang Jerusalem, kahit na upang tumanggap man lamang kay David mula sa pagkabuhay-muli?
13 Inihula ni Jesu-Kristo na pagka ang pangangaral ng “mabuting balitang ito ng kaharian” ay lubusang naganap, “ang wakas” ay darating sa makasanlibutang sistemang ito ng mga bagay. (Mateo 24:14) Kaya nalalapit na ngayon ang wakas ng makalupang Jerusalem. Sa panahong ito, waring walang pangangailangan para sa isa pang Jerusalem na itayo sa dating lugar, kahit na upang tanggapin ang dating hari ng Jerusalem, si David, sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli mula sa mga patay sa ilalim ng Milenyong Kaharian ng kaniyang maharlikang inapo, si Jesu-Kristo. (Juan 5:28, 29) Gayumpaman, malamang na si David ay bubuhaying-muli sa dako kung saan siya dating naglingkod sa Diyos na Jehova.
Isang Panahon ng Pagsasaya
14, 15. (a) Paano inilalarawan ni apostol Juan ang maluwalhating Bagong Jerusalem at ang pagbaba nito mula sa langit sa ikapagpapala ng sangkatauhan? (b) Bakit ang ating panahon ay isang panahon ng pagsasayá, at anong okasyon para sa pansansinukob na kagalakan ang nalalapit?
14 Ang Bagong Jerusalem ay nauugnay sa maluwalhating bagong sistema ng mga bagay. Ganito ang sabi ni apostol Juan: “At nakita ko ang isang bagong langit at isang bagong lupa; sapagkat ang unang langit at ang unang lupa ay naparam, at ang dagat ay wala na. Nakita ko rin ang banal na lunsod, ang Bagong Jerusalem, na nananaog mula sa langit buhat sa Diyos at nahahandang gaya ng isang kasintahang babae na nagagayakan para sa kaniyang asawa. Kasabay na narinig ko ang isang malakas na tinig mula sa trono na nagsasabi: ‘Narito! Ang tabernakulo ng Diyos ay nasa sangkatauhan, at siya’y mananahan na kasama nila, at sila’y magiging kaniyang bayan. At ang Diyos mismo ay sasa-kanila.’” (Apocalipsis 21:1-3) Kaya, ang Bagong Jerusalem ay magiging isang pagpapala sa lahat ng sangkatauhan.
15 Ginagawa nito ang ating panahon na isang panahon ng pagsasayá. Nakadaragdag pa sa lahat ng pagsasayáng ito, isang okasyon ng pansansinukob na interes at para sa pansansinukob na kagalakan ang nalalapit. Ito ang kasal ng kompleto sa bilang na uring kasintahang babae, ang Bagong Jerusalem, kay Jesu-Kristo na Hari. Gaya ng nasusulat sa Apocalipsis 19:6-9: “At narinig ko [ni apostol Juan] ang gaya ng isang tinig ng isang malaking pulutong at gaya ng lagaslas ng maraming tubig at gaya ng ugong ng malalakas na kulog. Sila’y nagsabi: ‘Purihin mo bayan si Jah, sapagkat si Jehovang ating Diyos, ang Makapangyarihan-sa-lahat, ay nagsimula nang magpuno bilang hari. Mangagalak tayo at magsayang mainam, at luwalhatiin natin siya, sapagkat dumating na ang kasal ng Kordero [si Jesu-Kristo] at naghanda na ang kaniyang asawa. Oo, pinahintulutan siyang magbihis ng maningning, malinis at pinong lino, sapagkat ang pinong lino ay lumalarawan sa mga gawang matuwid ng mga banal.’ At sinabi niya sa akin: ‘Isulat mo: Maliligaya ang mga inanyayahan sa hapunan ng kasal ng Kordero.’”
16. (a) Sa kaniyang makalangit na kasal sa Kordero, ang Bagong Jerusalem ay nagiging ina nino? (b) Ang Bagong Jerusalem ay mapatutunayang isang pagpapala kasuwato ng ano?
16 Ang pakikiisang-dibdib na ito sa Korderong si Jesu-Kristo ay mangangahulugan ng di-masabing katuwaan para sa makasagisag na Bagong Jerusalem sa langit. Sa pamamagitan nito siya ay magiging “masayang ina ng mga anak.” (Awit 113:9) Oo, siya ang magiging makalangit na ina ng lahat ng mga tao, nabubuhay at mga patay, na tinubos ng kaniyang maibiging asawa sa pamamagitan ng kaniyang sakdal na haing tao 19 na siglo na ang nakalipas. Kasuwato ng tipang Abrahamiko ni Jehova na libu-libong taon na ang nakalipas, ang Bagong Jerusalem ay mapatutunayang isang pagpapala sa lahat ng mga angkan sa lupa.