KABANATA 14
Tapat na Sumusuporta Tangi Lamang sa Gobyerno ng Diyos
1, 2. (a) Anong simulain ang gumagabay sa mga tagasunod ni Jesus hanggang sa ating panahon? (b) Paano sinubukan ng mga kaaway na lipulin tayo? Ano ang resulta?
SI Jesus ay nasa harap ni Pilato, ang pinakamakapangyarihang hukom ng bansang Judio. Binigkas ni Jesus ang isang simulain na gumagabay sa kaniyang tunay na mga tagasunod hanggang sa ating panahon. “Ang kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito,” ang sabi niya. “Kung ang kaharian ko ay bahagi ng sanlibutang ito, lumaban sana ang mga tagapaglingkod ko upang hindi ako maibigay sa mga Judio. Ngunit, ang totoo, ang kaharian ko ay hindi nagmumula rito.” (Juan 18:36) Ipinapatay ni Pilato si Jesus, pero pansamantala lang ang tagumpay na iyon ng mga kaaway. Binuhay-muli si Jesus. Sinikap ng mga emperador ng makapangyarihang Imperyo ng Roma na lipulin ang mga tagasunod ni Kristo, pero nabale-wala ang kanilang mga pagsisikap. Pinalaganap ng mga Kristiyano ang mensahe ng Kaharian sa buong sinaunang daigdig.—Col. 1:23.
2 Nang maitatag ang Kaharian noong 1914, sinubukan ng ilan sa pinakamakapangyarihang mga hukbong militar sa kasaysayan na lipulin ang bayan ng Diyos. Pero wala ni isa sa kanila ang nagtagumpay. Maraming gobyerno at politikal na grupo ang pumilit sa atin na may panigan sa kanilang mga alitan. Pero hindi sila nagtagumpay na pagwatak-watakin tayo. Sa ngayon, ang mga sakop ng Kaharian ay nasa iba’t ibang bansa. Gayunman, nagkakaisa tayo sa tunay na pandaigdig na kapatiran at nananatiling neutral sa politika. Ang ating pagkakaisa ay matibay na ebidensiya na namamahala na ang Kaharian ng Diyos at na patuloy na pinapatnubayan, dinadalisay, at pinoprotektahan ng Haring si Jesu-Kristo ang kaniyang mga sakop. Talakayin natin kung paano niya iyon ginagawa at kung ano ang ilan sa nakapagpapatibay-pananampalatayang tagumpay sa korte na ibinigay niya sa atin habang patuloy tayong nananatiling “hindi bahagi ng sanlibutan.”—Juan 17:14.
Isang Isyu na Naging Mahalaga
3, 4. (a) Ano ang mga nangyari nang isilang ang Kaharian? (b) Lubusan na bang naunawaan noon ng bayan ng Diyos ang isyu tungkol sa neutralidad? Ipaliwanag.
3 Kasunod ng pagsilang ng Kaharian, nagkaroon ng digmaan sa langit at inihagis sa lupa si Satanas. (Basahin ang Apocalipsis 12:7-10, 12.) Nagkaroon din ng digmaan sa lupa, na sumubok sa paninindigan ng bayan ng Diyos. Determinado silang sundan ang halimbawa ni Jesus sa pagiging hindi bahagi ng sanlibutan. Pero noong una, hindi nila alam kung ano talaga ang dapat gawin para manatiling hiwalay sa lahat ng bagay na may kinalaman sa politika.
4 Halimbawa, sa Tomo VI ng Millennial Dawn,a na inilathala noong 1904, hinimok ang mga Kristiyano na huwag makilahok sa digmaan. Pero sinabi nito na kung sakaling ipatawag ang isang Kristiyano para maglingkod sa militar, dapat niyang sikaping humiling ng mga gawain na hindi kailangang makisali sa aktuwal na labanan. Kung hindi ito posible at ipadala siya sa labanan, dapat niyang tiyakin na hindi siya makapatay. Tungkol sa sitwasyon nang panahong iyon, sinabi ni Herbert Senior, nakatira noon sa Britanya at nabautismuhan noong 1905: “Litong-lito ang mga kapatid dahil walang malinaw na tagubilin kung angkop bang maging sundalo basta’t hindi ka sumasali sa aktuwal na labanan.”
5. Paano sinimulang dalisayin sa The Watch Tower ng Setyembre 1, 1915, ang ating pagkaunawa?
5 Pero sa The Watch Tower ng Setyembre 1, 1915, sinimulang dalisayin ang pagkaunawa natin sa isyung ito. May kinalaman sa mga rekomendasyong binanggit sa Studies in the Scriptures, sinabi nito: “Iniisip namin kung hindi nga ba iyon pakikipagkompromiso.” Pero paano kung pagbantaan ang isang Kristiyano na babarilin siya kung hindi siya mag-uuniporme at maglilingkod sa militar? Sinabi ng artikulo: “Hindi ba mas mabuti pang mabaril dahil sa katapatan sa Prinsipe ng Kapayapaan at pagtangging sumuway sa Kaniyang utos kaysa sa mabaril habang naglilingkod sa mga hari sa lupa, na parang sumusuporta sa kanila at . . . ikinokompromiso ang mga turo ng ating Makalangit na Hari? Sa dalawang kamatayan, mamatamisin pa natin ang unang nabanggit—ang mamatay dahil sa katapatan sa ating Makalangit na Hari.” Sa kabila ng mapuwersang pananalitang iyan, sinabi ng artikulo: “Hindi namin ito ipinipilit; nagmumungkahi lang kami.”
6. Ano ang natutuhan mo kay Brother Herbert Senior?
6 Naging malinaw sa ilang kapatid ang isyung ito, at handa nilang harapin ang mga hamon. Sinabi ni Herbert Senior: “Para sa akin, walang ipinagkaiba ang pagdidiskarga ng mga bala mula sa barko [gawaing hindi sangkot sa aktuwal na labanan] at ang pagkakarga ng mga bala sa mga baril para paputukin.” (Luc. 16:10) Dahil sa pagtangging magsundalo udyok ng budhi, ikinulong si Brother Senior. Siya at ang 4 pang kapatid ay kabilang sa 16 na tumangging magsundalo dahil sa budhi, kasama ang mga lalaki mula sa ibang relihiyon, na nakulong nang ilang panahon sa bilangguan sa Richmond sa Britanya. Tinawag sila nang maglaon na Richmond 16. Isang araw, palihim silang ipinadala sa labanan sa Pransiya. Doon, sinentensiyahan silang patayin. Inihilera sila sa harap ng isang firing squad, pero hindi sila binaril. Sa halip, ibinaba ang kanilang sentensiya sa 10-taóng pagkabilanggo.
7. Sa pagsisimula ng Digmaang Pandaigdig II, ano ang naging mas malinaw sa bayan ng Diyos?
7 Nang sumiklab ang Digmaang Pandaigdig II, mas malinaw na sa bayan ni Jehova kung ano ang ibig sabihin ng pagiging neutral at kung ano ang kailangan para matularan si Jesus. (Mat. 26:51-53; Juan 17:14-16; 1 Ped. 2:21) Halimbawa, lumabas sa The Watchtower ng Nobyembre 1, 1939, ang napakahalagang artikulong “Neutrality,” na nagsabi: “Ang pamantayan na dapat ngayong sundin ng katipang bayan ni Jehova ay ang pagiging ganap na neutral sa pagitan ng nagdidigmaang mga bansa.” Tungkol sa artikulong iyon, sinabi ni Simon Kraker, na nang maglaon ay naglingkod sa punong-tanggapan sa Brooklyn, New York: “Naunawaan kong ang mga lingkod ng Diyos ay kailangang makipagpayapaan sa lahat, kahit na sa gitna ng banta ng digmaan.” Ang espirituwal na pagkaing iyon ay napapanahon at nakatulong para maihanda ang bayan ng Diyos sa napakatinding pagsubok sa kanilang katapatan sa Kaharian.
Pagragasa ng “Ilog” ng Pagsalansang
8, 9. Paano natupad ang hula ni apostol Juan?
8 Ayon sa hula ni apostol Juan, pagkasilang ng Kaharian sa taóng 1914, susubukan ng dragon, si Satanas na Diyablo, na lipulin ang mga tagasuporta ng Kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng pagbuga ng makasagisag na ilog mula sa bibig nito.b (Basahin ang Apocalipsis 12:9, 15.) Paano natupad ang hula ni Juan? Mula dekada ng 1920, rumagasa ang pagsalansang laban sa bayan ng Diyos. Gaya ng maraming kapatid na nakatira sa Hilagang Amerika noong Digmaang Pandaigdig II, si Brother Kraker ay ibinilanggo dahil sa katapatan niya sa Kaharian ng Diyos. Sa katunayan, noong digmaan, mga Saksi ni Jehova ang bumubuo sa mahigit dalawang-katlo ng mga nakakulong sa mga pederal na bilangguan sa Estados Unidos dahil sa pagtangging magsundalo dahil sa relihiyon.
9 Pursigido ang Diyablo at ang kaniyang mga alipores na sirain ang katapatan ng mga sakop ng Kaharian saan man sila nakatira. Sa buong Aprika, Europa, at Estados Unidos, dinala sila sa mga korte at lupong nagbibigay ng parol. Dahil sa kanilang di-natitinag na determinasyong manatiling neutral, ibinilanggo sila at pinagbubugbog. Sa Germany, napakatinding pagsubok ang hinarap ng bayan ng Diyos dahil sa pagtangging sumaludo kay Hitler o sumali sa digmaan. Tinatayang 6,000 ang ikinulong sa mga kampong piitan noong panahon ng mga Nazi, at mahigit 1,600 Saksing Aleman at di-Aleman ang namatay sa kamay ng kanilang mga tagapagpahirap. Gayunman, hindi nagtagumpay ang Diyablo na puksain ang bayan ng Diyos.—Mar. 8:34, 35.
Nilululon ng “Lupa” ang “Ilog”
10. Ano ang inilalarawan ng “lupa”? Paano ito sumasaklolo sa bayan ng Diyos?
10 Ayon sa hula ni apostol Juan, ang “ilog” ng pag-uusig ay lululunin ng “lupa”—mga elemento ng sistemang ito na mas makatuwiran—para saklolohan ang bayan ng Diyos. Paano natupad ang hulang ito? Sa mga dekada pagkaraan ng Digmaang Pandaigdig II, ang “lupa” ay madalas na sumasaklolo sa tapat na mga tagasuporta ng Mesiyanikong Kaharian. (Basahin ang Apocalipsis 12:16.) Halimbawa, pinrotektahan ng iba’t ibang maiimpluwensiyang korte ang karapatan ng mga Saksi ni Jehova na tumangging maglingkod sa militar at makibahagi sa mga seremonyang makabayan. Una, talakayin natin ang ilan sa mahahalagang tagumpay na ibinigay ni Jehova sa kaniyang bayan hinggil sa isyu ng paglilingkod sa militar.—Awit 68:20.
11, 12. Anong mga isyu ang napaharap kina Brother Sicurella at Brother Thlimmenos, at ano ang naging resulta?
11 Estados Unidos. Si Anthony Sicurella ay isa sa anim na anak ng mag-asawang Saksi. Nabautismuhan siya sa edad na 15. Nang mag-21 anyos, nagparehistro siya bilang ministro ng relihiyon sa lupong nangangalap ng mga sundalo. Pagkalipas ng dalawang taon, noong 1950, nag-aplay siya para mairehistro naman bilang isa na ayaw magsundalo dahil sa budhi. Bagaman walang nakitang problema sa aplikasyon niya ayon sa report ng Federal Bureau of Investigation, ibinasura ito ng Department of Justice. Pagkatapos ng ilang pagdinig, dinala sa Korte Suprema ng Estados Unidos ang kaso ni Brother Sicurella at binaligtad nito ang desisyon ng mababang hukuman. Ang desisyong iyon ay nakatulong sa paglalatag ng batayan para sa mga kaso ng ibang mamamayan ng Estados Unidos na tumangging magsundalo dahil sa budhi.
12 Greece. Noong 1983, si Iakovos Thlimmenos ay sinentensiyahang makulong sa salang di-pagsunod sa nakatataas dahil sa pagtangging magsuot ng uniporme. Pagkalaya, nag-aplay siya para maging awtorisadong accountant pero hindi siya inaprobahan dahil may rekord na nakulong na siya. Dinala niya ang usapin sa korte, pero natalo siya sa mga korte sa Greece. Kaya idinulog niya ito sa European Court of Human Rights (ECHR). Noong 2000, ang Grand Chamber ng ECHR, binubuo ng 17 hukom, ay nagbaba ng desisyon pabor kay Brother Thlimmenos, na naging batayan sa iba pang kaso ng diskriminasyon. Bago ang desisyong iyon, mahigit 3,500 brother sa Greece ang may rekord ng pagkabilanggo dahil sa pagiging neutral. Dahil sa desisyon, ang Greece ay nagpasá ng batas para linisin ang rekord ng mga kapatid na iyon. Gayundin, ang batas na nagpapahintulot sa lahat ng mamamayan ng Greece na magsagawa ng alternatibong serbisyong pansibilyan, na naipasá mga ilang taon pa lang ang nakalilipas, ay muling pinagtibay nang rebisahin ang Konstitusyon ng Greece.
13, 14. Anong aral ang matututuhan natin sa kaso nina Ivailo Stefanov at Vahan Bayatyan?
13 Bulgaria. Noong 1994, si Ivailo Stefanov ay 19 anyos nang ipatawag siya para magsundalo. Tumanggi siyang magsundalo o magsagawa ng mga gawaing hindi sangkot sa aktuwal na labanan pero pinangangasiwaan ng militar. Sinentensiyahan siyang makulong nang 18 buwan. Pero umapela siya batay sa karapatan niyang tumangging magsundalo dahil sa budhi. Nang maglaon, idinulog sa ECHR ang kaniyang kaso. Noong 2001, bago pa dinggin ang kaso, nakipag-areglo na ang gobyerno ng Bulgaria kay Brother Stefanov. Binigyan nito ng amnestiya si Brother Stefanov, pati na ang lahat ng mamamayan nito na handang magsagawa ng alternatibong serbisyong pansibilyan.c
14 Armenia. Noong 2001, nasa edad na si Vahan Bayatyan para sa sapilitang paglilingkod sa militar.d Tumanggi siyang maglingkod sa militar dahil sa budhi pero natalo ang kaso niya sa mga korte sa bansa nila. Noong Setyembre 2002, sinimulan niyang bunuin ang sentensiyang dalawa at kalahating taon, pero pinalaya siya pagkalipas ng sampu at kalahating buwan. Nang panahong iyon, umapela siya sa ECHR, na duminig naman sa kaso niya. Pero noong Oktubre 27, 2009, hindi rin pabor sa kaniya ang desisyon ng Korte. Ang pagkatalong iyon ay matinding dagok para sa mga kapatid sa Armenia na gayon din ang sitwasyon. Pero nirepaso ng Grand Chamber ng ECHR ang desisyon. Noong Hulyo 7, 2011, nagdesisyon ito pabor kay Vahan Bayatyan. Ito ang unang pagkakataon na kinilala ng ECHR na ang mga tumatangging maglingkod sa militar dahil sa relihiyosong paniniwala ay dapat protektahan ayon sa karapatan sa kalayaan sa pag-iisip, budhi, at relihiyon. Pinrotektahan ng desisyong iyan hindi lang ang mga karapatan ng mga Saksi ni Jehova, kundi ng daan-daang milyong mamamayan ng mga bansang kabilang sa Council of Europe.e
Ang Isyu Tungkol sa mga Seremonyang Makabayan
15. Bakit hindi nakikibahagi ang bayan ni Jehova sa mga seremonyang makabayan?
15 Bukod sa pagtangging maglingkod sa militar, ang bayan ni Jehova ay hindi rin nakikibahagi sa mga seremonyang makabayan dahil sa katapatan nila sa Mesiyanikong Kaharian. Noong sumiklab ang Digmaang Pandaigdig II, nag-alab ang pagiging makabayan ng mga tao sa buong mundo. Naging kahilingan sa mga mamamayan sa maraming bansa ang pagbigkas ng panata, pagkanta ng pambansang awit, o pagsaludo sa bandila bilang pagsumpa ng katapatan sa lupang tinubuan. Pero kay Jehova natin ibinibigay ang ating bukod-tanging debosyon. (Ex. 20:4, 5) Dahil diyan, nakaranas tayo ng napakaraming pag-uusig. Magkagayunman, ginamit uli ni Jehova ang “lupa” para lulunin ang ilan sa ganitong pagsalansang. Talakayin natin ang ilan sa mahahalagang tagumpay na ibinigay sa atin ni Jehova sa pamamagitan ni Kristo.—Awit 3:8.
16, 17. Anong isyu ang hinarap nina Lillian at William Gobitas? Ano ang natutuhan mo sa kanilang kaso?
16 Estados Unidos. Noong 1940, walo sa siyam na hukom ng Korte Suprema ng Estados Unidos ang bumoto nang hindi pabor sa mga Saksi ni Jehova sa kasong Minersville School District v. Gobitis. Gusto ni Lillian Gobitas,f edad 12, at ng kapatid niyang si William, edad 10, na manatiling tapat kay Jehova kaya tumanggi silang sumaludo sa bandila o manata. Dahil diyan, pinatalsik sila sa paaralan. Dinala ang kaso sa Korte Suprema, at sinabi nito na naaayon sa Konstitusyon ng Estados Unidos ang ginawa ng paaralan dahil itinataguyod lang nito ang “pambansang pagkakaisa.” Ang desisyong iyan ay naging mitsa ng sunod-sunod na pag-uusig sa mga Saksi—may mga pinatalsik sa paaralan, tinanggal sa trabaho, at marami ang nakaranas ng marahas na pang-uumog. Sinasabi ng aklat na The Lustre of Our Country na “ang pag-uusig sa mga Saksi mula 1941 hanggang 1943 ang pinakamalalang pag-atake laban sa relihiyon sa ikadalawampung-siglong Amerika.”
17 Pansamantala lang ang tagumpay ng mga kaaway ng Diyos. Noong 1943, isang katulad ng kasong Gobitis ang dininig ng Korte Suprema—ang West Virginia State Board of Education v. Barnette. Sa pagkakataong ito, pumabor ang Korte Suprema sa mga Saksi ni Jehova. Ito ang unang pagkakataon sa kasaysayan ng Estados Unidos na kinontra ng Korte Suprema ang nauna nitong desisyon sa gayon kaikling panahon. Pagkatapos niyan, halos nawala ang lantarang pag-uusig sa bayan ni Jehova sa bansa. Unti-unti, napagtibay ang karapatan ng lahat ng mamamayan sa Estados Unidos.
18, 19. Ayon kay Pablo Barros, ano ang nakatulong sa kaniya na manatiling matatag? Paano siya matutularan ng ibang mga lingkod ni Jehova?
18 Argentina. Noong 1976, sina Pablo at Hugo Barros, edad walo at pito, ay pinatalsik sa paaralan dahil hindi sila nakikibahagi sa flag ceremony. May pagkakataon pa ngang itinulak ng punong-guro si Pablo at binatukan. Pagkatapos ng klase, pinanatili nito ang dalawang bata nang isang oras sa paaralan para piliting makibahagi sa mga seremonyang makabayan. Sinabi ni Pablo tungkol sa karanasan niyang iyon: “Kung walang tulong ni Jehova, hindi ko makakaya ang panggigipit sa aking katapatan.”
19 Nang dinggin ang kaso sa korte, kinatigan ng hukom ang desisyon ng paaralan na patalsikin sina Pablo at Hugo. Pero dinala ang kaso sa Korte Suprema ng Argentina. Noong 1979, binaligtad ng Korte ang desisyon ng mababang hukuman: “Ang nasabing parusa [pagpapatalsik] ay salungat sa karapatang matuto ayon sa Konstitusyon (Artikulo 14) at sa pananagutan ng Estado na tiyaking mabigyan ng saligang edukasyon [ang mga mamamayan nito] (Artikulo 5).” Mga 1,000 kabataang Saksi ang nakinabang sa tagumpay na ito. Ipinatigil ang pagpapatalsik sa ilan at ang iba naman, tulad nina Pablo at Hugo, ay tinanggap muli sa kani-kanilang paaralan.
20, 21. Paano napatibay ng kaso nina Roel at Emily Embralinag ang iyong pananampalataya?
20 Pilipinas. Noong 1990, si Roel Embralinag,g edad 9, ang kapatid niyang si Emily, edad 10, pati na ang mahigit 65 estudyanteng Saksi, ay pinatalsik sa paaralan dahil sa pagtangging sumaludo sa bandila. Nagpaliwanag sa administrasyon ng paaralan ang tatay nina Roel at Emily na si Leonardo, pero walang nangyari. Nang lumala ang sitwasyon, dumulog si Leonardo sa Korte Suprema. Pero wala siyang pera at abogado. Nanalangin nang marubdob ang pamilya para sa patnubay ni Jehova. Samantala, ang mga bata ay kinukutya at tinutukso. Pakiramdam ni Leonardo ay wala siyang tsansang manalo sa kaso dahil wala siyang alam sa batas.
21 Pero tumayong abogado para sa pamilya si Felino Ganal, na dating nagtatrabaho sa isang kilalang kompanya ng mga abogado sa bansa. Noong panahong iyon, iniwan na ni Brother Ganal ang kaniyang trabaho sa kompanya at naging isang Saksi ni Jehova. Nang dinggin ang kaso sa Korte Suprema, nagbaba ng nagkakaisang desisyon ang Korte pabor sa mga Saksi at kinansela nito ang utos na pagpapatalsik sa mga estudyante. Muli, bigo ang mga nagsisikap na sumira sa katapatan ng bayan ng Diyos.
Nagkakaisa Dahil sa Neutralidad
22, 23. (a) Bakit tayo nagtatagumpay sa maraming mahahalagang kaso sa korte? (b) Ano ang pinatutunayan ng ating pambuong-daigdig at mapayapang kapatiran?
22 Bakit nagtatagumpay ang bayan ni Jehova sa maraming mahahalagang kaso sa korte? Wala tayong kapit sa mga politiko. Pero sa maraming bansa at sa maraming korte, ang patas na mga hukom ay nagsanggalang sa atin mula sa malulupit na mananalansang at, kasabay nito, ay naglatag ng mga batayan sa paglutas ng gayon ding mga kaso nang ayon sa Konstitusyon. Tiyak na nagtagumpay ang lahat ng pagsisikap natin dahil sa tulong ni Kristo. (Basahin ang Apocalipsis 6:2.) Bakit natin ipinaglalaban sa korte ang mga kasong iyon? Hindi natin gustong baguhin ang sistema ng batas. Sa halip, gusto lang nating matiyak na patuloy tayong makapaglilingkod nang walang hadlang sa ating Hari, si Jesu-Kristo.—Gawa 4:29.
23 Sa gitna ng isang daigdig na nababahagi ng kaguluhan sa politika at pagkakapootan, pinagpapala ng namamahala nating Hari, si Jesu-Kristo, ang mga pagsisikap ng kaniyang mga tagasunod sa buong mundo na manatiling neutral. Bigo si Satanas na pagwatak-watakin tayo at lipulin. Tinitipon ng Kaharian ang milyon-milyon na tumatangging ‘mag-aral ng pakikipagdigma.’ Ang ating pambuong-daigdig at mapayapang kapatiran ay isang himala—isang di-matututulang katibayan na namamahala na ang Kaharian ng Diyos!—Isa. 2:4.
a Ang tomong ito ay tinawag ding The New Creation. Nang maglaon, ang mga tomo ng Millennial Dawn ay tinawag na Studies in the Scriptures.
b Para sa pagtalakay ng hulang ito, tingnan ang aklat na Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito! kabanata 27, pahina 184-186.
c Bahagi rin ng aregluhan na ang gobyerno ng Bulgaria ay dapat mag-alok ng alternatibong serbisyong pansibilyan na hindi pinangangasiwaan ng militar sa lahat ng tumatangging magsundalo dahil sa budhi.
d Para sa kumpletong ulat, tingnan ang Nobyembre 1, 2012, ng Ang Bantayan, pahina 29-31.
e Sa loob ng 20 taon, mahigit 450 kabataang Saksi ang ipinakulong ng gobyerno ng Armenia. Noong Nobyembre 2013, pinalaya na ang mga natitira pang brother sa bilangguan.
f Mali ang ispeling ng apelyido sa mga rekord ng korte.
g Naging Ebralinag ang ispeling ng apelyido sa mga rekord ng korte.