Kabanata 28
Pakikipaglaban sa Dalawang Mabangis na Hayop
Pangitain 8—Apocalipsis 13:1-18
Paksa: Ang mabangis na hayop na may pitong ulo, ang mabangis na hayop na may dalawang sungay, at ang larawan ng mabangis na hayop
Panahon ng katuparan: Mula sa panahon ni Nimrod hanggang sa malaking kapighatian
1, 2. (a) Ano ang sinasabi ni Juan hinggil sa dragon? (b) Sa makasagisag na pananalita, paano inilalarawan ni Juan ang nakikitang organisasyon na ginagamit ng dragon?
NAIHAGIS na sa lupa ang malaking dragon! Nililiwanag ng pag-aaral natin sa Apocalipsis na hindi na kailanman pahihintulutang makabalik pa sa langit ang Serpiyente ni ang kaniyang kampon ng mga demonyo. Subalit hindi pa tayo tapos sa “tinatawag na Diyablo at Satanas, na siyang nagliligaw sa buong tinatahanang lupa.” Mas detalyadong ipinakikilala ng susunod na ulat ang paraan na ginagamit ni Satanas sa pakikipaglaban sa ‘babae at sa kaniyang binhi.’ (Apocalipsis 12:9, 17) Sinasabi ni Juan tungkol sa tulad-serpiyenteng dragon: “At tumayo ito sa buhanginan ng dagat.” (Apocalipsis 13:1a) Kaya huminto tayo sandali upang suriin ang pamamaraan ng dragon.
2 Hindi na magagambala pa ni Satanas at ng kaniyang mga demonyo ang banal na mga langit. Napalayas na sa langit at hindi na makaaalis pa sa kapaligiran ng lupa ang balakyot na mga espiritung iyon. Walang-alinlangang ito ang sanhi ng napakabilis na paglaganap ng espiritistikong mga gawain sa makabagong panahon. Umiiral pa rin ang tiwaling espiritung organisasyon ng tusong Serpiyente. Subalit may ginagamit din kaya siyang isang nakikitang organisasyon upang iligaw ang sangkatauhan? Ganito ang sinasabi ni Juan: “At nakita ko ang isang mabangis na hayop na umaahon mula sa dagat, na may sampung sungay at pitong ulo, at sa mga sungay nito ay may sampung diadema, ngunit sa mga ulo nito ay may mga pangalang mapamusong. At ang mabangis na hayop na nakita ko ay tulad ng leopardo, ngunit ang mga paa nito ay gaya ng sa oso, at ang bibig nito ay gaya ng bibig ng leon. At ibinigay ng dragon sa hayop ang kaniyang kapangyarihan at ang kaniyang trono at dakilang awtoridad.”—Apocalipsis 13:1b, 2.
3. (a) Anu-anong mababangis na hayop ang nakita ni propeta Daniel sa mga pangitain? (b) Sa ano kumakatawan ang ubod-laking mga hayop sa Daniel 7?
3 Ano ang kakatwang hayop na ito? Ibinibigay mismo ng Bibliya ang sagot. Bago bumagsak ang Babilonya noong 539 B.C.E., nakakita ang Judiong propetang si Daniel ng mga pangitain hinggil sa mababangis na hayop. Inilarawan niya sa Daniel 7:2-8 ang apat na hayop na umaahon mula sa dagat, ang una ay katulad ng isang leon, ang pangalawa ng isang oso, ang ikatlo ng isang leopardo, at “hayun! ang ikaapat na hayop, nakatatakot at kahila-hilakbot at may di-pangkaraniwang lakas . . . at iyon ay may sampung sungay.” Kapansin-pansin ang pagkakatulad nito sa mabangis na hayop na nakita ni Juan noong mga taóng 96 C.E. Ang hayop na iyon ay may mga katangian din ng isang leon, isang oso, at isang leopardo, at ito ay may sampung sungay. Ano ang pagkakakilanlan ng ubod-laking mga hayop na nakita ni Daniel? Sinasabi niya sa atin: ‘Ang ubod-laking mga hayop na ito ay apat na hari na tatayo mula sa lupa.’ (Daniel 7:17) Oo, ang mga hayop na iyon ay kumakatawan sa “mga hari,” o pulitikal na mga kapangyarihan sa lupa.
4. (a) Sa Daniel 8, ano ang inilalarawan ng barakong tupa at ng kambing na lalaki? (b) Ano ang ipinahihiwatig ng pagkabali ng malaking sungay ng kambing na lalaki at ng paghalili rito ng apat na sungay?
4 Sa isa pang pangitain, nakakita si Daniel ng isang barakong tupa na may dalawang sungay na pinabagsak ng isang kambing na may isang malaking sungay. Ipinaliwanag sa kaniya ni anghel Gabriel ang kahulugan nito: “Ang barakong tupa . . . ay kumakatawan sa mga hari ng Media at Persia. At ang mabalahibong kambing na lalaki ay kumakatawan sa hari ng Gresya.” Inihula pa ni Gabriel na ang malaking sungay ng kambing na lalaki ay mababali at hahalinhan ng apat na sungay. Aktuwal itong nangyari pagkaraan ng mahigit 200 taon nang mamatay si Alejandrong Dakila at mahati sa apat ang kaniyang kaharian na pinamahalaan ng apat sa kaniyang mga heneral.—Daniel 8:3-8, 20-25.a
5. (a) Anu-anong kahulugan ang ipinahihiwatig ng salitang Griego para sa hayop? (b) Saan lumalarawan ang mabangis na hayop ng Apocalipsis 13:1, 2, pati na ang pitong ulo nito?
5 Kung gayon, ang pulitikal na mga kapangyarihan sa lupa ay maliwanag na itinuturing ng Awtor ng kinasihang Bibliya bilang mga hayop. Anong uri ng mga hayop? Tinawag ng isang komentarista ang mabangis na hayop sa Apocalipsis 13:1, 2 bilang “halimaw,” at idinagdag pa: “Tinatanggap namin ang lahat ng kahulugang ipinahihiwatig ng θηρίον [the·riʹon, ang salitang Griego para sa “hayop”], gaya ng isang halimaw na malupit, mapanira, nakatatakot, ganid, atb.”b Angkop ngang paglalarawan ito sa tigmak-ng-dugong pulitikal na sistema na ginagamit ni Satanas sa pagsupil sa sangkatauhan! Ang pitong ulo ng mabangis na hayop na ito ay kumakatawan sa anim na pangunahing kapangyarihang pandaigdig na itinampok sa kasaysayan ng Bibliya hanggang noong panahon ni Juan—ang Ehipto, Asirya, Babilonya, Medo-Persia, Gresya, at Roma—at sa ikapitong kapangyarihang pandaigdig na inihulang lilitaw sa dakong huli.—Ihambing ang Apocalipsis 17:9, 10.
6. (a) Sa ano nanguna ang pitong ulo ng mabangis na hayop? (b) Paano ginamit ni Jehova ang Roma upang ilapat ang kaniyang hatol sa Judiong sistema ng mga bagay, at ano ang nangyari sa mga Kristiyano sa Jerusalem?
6 Totoo, bukod sa pitong ito ay nagkaroon ng iba pang kapangyarihang pandaigdig sa kasaysayan—kung paanong ang mabangis na hayop na nakita ni Juan ay binubuo ng isang katawan bukod pa sa pitong ulo at sampung sungay. Subalit ang pitong ulo ay kumakatawan sa pitong pangunahing kapangyarihan na naghali-halili sa paniniil sa bayan ng Diyos. Noong 33 C.E., samantalang nangingibabaw ang kapangyarihan ng Roma, ginamit ni Satanas ang ulong ito ng mabangis na hayop upang patayin ang Anak ng Diyos. Nang panahong iyon, itinakwil na ng Diyos ang di-tapat na Judiong sistema ng mga bagay at nang maglaon, noong 70 C.E., pinahintulutan niya ang Roma na ilapat ang kaniyang hatol sa bansang iyon. Nakagagalak, ang tunay na Israel ng Diyos, ang kongregasyon ng mga pinahirang Kristiyano, ay patiunang nababalaan, kung kaya yaong mga nasa Jerusalem at Judea ay nakatakas tungo sa kaligtasan sa kabila ng Ilog Jordan.—Mateo 24:15, 16; Galacia 6:16.
7. (a) Ano ang nakatakdang maganap nang dumating ang katapusan ng sistema ng mga bagay at magsimula ang araw ng Panginoon? (b) Ano ang napatunayang ikapitong ulo ng mabangis na hayop sa Apocalipsis 13:1, 2?
7 Gayunman, sa katapusan ng unang siglo C.E., maraming kabilang sa sinaunang kongregasyong iyon ang humiwalay sa katotohanan, at ang tunay na trigong Kristiyano, “ang mga anak ng kaharian,” ay halos madaig na ng mga panirang-damo, “ang mga anak ng isa na balakyot.” Subalit nang dumating ang katapusan ng sistema ng mga bagay, muling lumitaw ang mga pinahirang Kristiyano bilang isang organisadong grupo. Sa panahon ng araw ng Panginoon, ang mga matuwid ay “sisikat nang maliwanag na gaya ng araw.” Kaya inorganisa ang kongregasyong Kristiyano ukol sa gawain. (Mateo 13:24-30, 36-43) Nang panahong iyon, wala na ang Imperyo ng Roma. Ang napakalaking Imperyo ng Britanya, kasama ang makapangyarihang Estados Unidos ng Amerika, ang naging sentro ng pandaigdig na tanghalan. Ang tambalang kapangyarihang pandaigdig na ito ang napatunayang ikapitong ulo ng mabangis na hayop.
8. Bakit hindi nakagugulat na inihalintulad sa hayop ang tambalang kapangyarihang pandaigdig na Anglo-Amerikano?
8 Hindi ba nakagugulat na ipakilala ang namamahalang pulitikal na mga kapangyarihan bilang isang mabangis na hayop? Ganiyan ang pag-aangkin ng ilang mananalansang noong Digmaang Pandaigdig II, nang ang katayuan ng mga Saksi ni Jehova, bilang isang organisasyon at bilang mga indibiduwal, ay hamunin sa mga hukuman sa palibot ng lupa. Pero sandali lang! Hindi ba’t ang mga bansa mismo ang pumipili ng mga hayop o mababangis na nilalang bilang kanilang mga pambansang sagisag? Halimbawa, nariyan ang leon ng Britanya, ang agila ng Amerika, at ang dragon ng Tsina. Kaya bakit tututol ang sinuman na ginamit din ng banal na Awtor ng Banal na Bibliya ang mga hayop upang sumagisag sa mga kapangyarihang pandaigdig?
9. (a) Bakit hindi dapat tutulan ng sinuman ang sinasabi ng Bibliya na si Satanas ang nagbibigay ng dakilang awtoridad sa mabangis na hayop? (b) Paano inilalarawan si Satanas sa Bibliya, at paano niya iniimpluwensiyahan ang mga pamahalaan?
9 Bukod dito, bakit tututol ang sinuman sa sinasabi ng Bibliya na si Satanas ang nagbibigay ng dakilang awtoridad sa mabangis na hayop? Ang Diyos ang Pinagmulan ng pangungusap na iyon, at sa harap niya ‘ang mga bansa ay gaya lamang ng isang patak mula sa timba at gaya ng manipis na alikabok.’ Mas makabubuting sikapin ng mga bansang ito na makamit ang pagsang-ayon ng Diyos kaysa magdamdam sa paraan ng paglalarawan sa kanila ng kaniyang makahulang Salita. (Isaias 40:15, 17; Awit 2:10-12) Si Satanas ay hindi isang kathang-isip na persona na inatasang magpahirap sa kaluluwa ng mga patay sa isang maapoy na impiyerno. Walang umiiral na ganitong lugar. Sa halip, si Satanas ay inilalarawan sa Kasulatan bilang “isang anghel ng liwanag”—isang dalubhasa sa panlilinlang at may makapangyarihang impluwensiya sa pangkalahatang pamamalakad sa pulitika.—2 Corinto 11:3, 14, 15; Efeso 6:11-18.
10. (a) Ano ang ipinahihiwatig ng bagay na bawat isa sa sampung sungay ay may isang diadema? (b) Ano ang isinasagisag ng sampung sungay at ng sampung diadema?
10 Ang mabangis na hayop ay may sampung sungay sa pitong ulo nito. Marahil apat na ulo ang may tig-iisang sungay at tatlong ulo naman ang may tigalawa. Bukod dito, mayroon itong sampung diadema sa mga sungay nito. Sa aklat ni Daniel, inilalarawan ang kakila-kilabot na mga hayop, at itinuturing na literal ang bilang ng kanilang mga sungay. Halimbawa, ang dalawang sungay ng barakong tupa ay kumakatawan sa isang tambalang kapangyarihang pandaigdig na binubuo ng Media at Persia, samantalang ang apat na sungay ng kambing ay kumakatawan sa apat na magkakasabay na imperyong nagmula sa Griegong imperyo ni Alejandrong Dakila. (Daniel 8:3, 8, 20-22) Gayunman, sa mabangis na hayop na nakita ni Juan, ang bilang na sampung sungay ay lumilitaw na makasagisag. (Ihambing ang Daniel 7:24; Apocalipsis 17:12.) Kumakatawan ang mga ito sa lahat ng soberanong estado na bumubuo sa buong pulitikal na organisasyon ni Satanas. Ang lahat ng sungay na ito ay mararahas at mapupusok, subalit gaya ng ipinahihiwatig ng pitong ulo, iisa lamang ang nangungunang kapangyarihang pandaigdig sa bawat pagkakataon. Kasuwato nito, ipinahihiwatig ng sampung diadema na lahat ng soberanong mga estado ay mamamahala kasabay ng nangingibabaw na estado, o kapangyarihang pandaigdig, nang panahong iyon.
11. Ano ang ipinahihiwatig ng bagay na ang mabangis na hayop ay ‘may mga pangalang mapamusong sa mga ulo nito’?
11 Ang mabangis na hayop ay ‘may mga pangalang mapamusong sa mga ulo nito,’ na nagmamataas at lumalapastangan sa Diyos na Jehova at kay Kristo Jesus. Mapagpaimbabaw nitong ginamit ang pangalan ng Diyos at ni Kristo upang maabot ang kaniyang pulitikal na mga tunguhin; at nakisangkot ito sa huwad na relihiyon, na pinahihintulutan pa man din ang klero na makibahagi sa mga gawain nito sa pulitika. Halimbawa, kabilang ang mga obispo sa House of Lords sa Inglatera. Gumaganap ng mahahalagang papel sa pulitika ang mga Katolikong kardinal sa Pransiya at Italya, at kamakailan lamang, may mga posisyon na sa pulitika ang mga pari sa Latin Amerika. Inililimbag ng mga pamahalaan sa kanilang mga perang papel ang relihiyosong mga sawikain, gaya ng “IN GOD WE TRUST” (SA DIYOS KAMI NAGTITIWALA), at sa kanilang mga barya naman ay mababasa ang katagang “by the grace of God” (sa biyaya ng Diyos), anupat inaangkin na may pagsang-ayon ng Diyos ang atas ng kanilang mga tagapamahala. Lahat ng ito ay talaga namang mapamusong, sapagkat sinisikap nitong isangkot ang Diyos sa maruming nasyonalistikong larangan ng pulitika.
12. (a) Ano ang isinasagisag ng pag-ahon ng mabangis na hayop mula sa “dagat,” at kailan ito nagsimulang umahon? (b) Ano ang ipinahihiwatig ng pagbibigay ng dragon ng dakilang awtoridad sa makasagisag na hayop?
12 Ang mabangis na hayop ay umaahon mula “sa dagat,” na angkop na lumalarawan sa maligalig na sangkatauhang pinagmumulan ng pamahalaan ng tao. (Isaias 17:12, 13) Nagsimula nang umahon mula sa dagat ng maligalig na sangkatauhan ang mabangis na hayop na ito noon pa mang panahon ni Nimrod (humigit-kumulang ika-21 siglo B.C.E.), nang unang lumitaw ang isang sistema ng mga bagay na salungat kay Jehova pagkaraan ng Baha. (Genesis 10:8-12; 11:1-9) Subalit sa araw ng Panginoon lamang lubusang nahayag ang kahuli-hulihan sa pitong ulo nito. Pansinin din na ang dragon ang siyang ‘nagbigay sa hayop ng kaniyang kapangyarihan at ng kaniyang trono at dakilang awtoridad.’ (Ihambing ang Lucas 4:6.) Ang hayop ay ang pulitikal na lalang ni Satanas sa gitna ng sangkatauhan. Tunay ngang si Satanas ang “tagapamahala ng sanlibutang ito.”—Juan 12:31.
Ang Nakamamatay na Tama
13. (a) Anong kasakunaan ang humampas sa mabangis na hayop sa pasimula ng araw ng Panginoon? (b) Paano naghirap ang buong mabangis na hayop nang magtamo ng nakamamatay na tama ang isa sa mga ulo nito?
13 Sa pasimula ng araw ng Panginoon, hinampas ng kasakunaan ang mabangis na hayop. Nag-uulat si Juan: “At nakita ko ang isa sa mga ulo nito na para bang sinugatan ng ikamamatay, ngunit ang nakamamatay na tama nito ay gumaling, at ang buong lupa ay sumunod sa mabangis na hayop nang may paghanga.” (Apocalipsis 13:3) Sinasabi ng talatang ito na ang isa sa mga ulo ng mabangis na hayop ay nagtamo ng nakamamatay na tama, subalit sinasabi rin ng talata 12 na waring nagdusa ang buong hayop. Bakit kaya? Buweno, ang mga ulo ng hayop ay hindi naman sabay-sabay na humawak ng kapangyarihan. May kani-kaniya silang panahon ng pamumuno sa sangkatauhan, lalung-lalo na sa bayan ng Diyos. (Apocalipsis 17:10) Kaya nang magsimula ang araw ng Panginoon, isang ulo lamang, ang ikapito, ang nangingibabaw na kapangyarihang pandaigdig. Ang nakamamatay na tama sa ulong iyon ay magdudulot ng matinding paghihirap sa buong mabangis na hayop.
14. Kailan iginawad ang nakamamatay na tama, at paano inilarawan ng isang opisyal ng militar ang epekto nito sa mabangis na hayop ni Satanas?
14 Ano ba ang nakamamatay na tama? Nang maglaon, tinawag itong tama ng tabak, at ang tabak ay isang sagisag ng digmaan. Ang ganitong tama ng tabak, na iginawad nang magsimula ang araw ng Panginoon, ay tiyak na nauugnay sa unang digmaang pandaigdig, na sumalanta at sumaid sa lakas ng pulitikal na mabangis na hayop ni Satanas. (Apocalipsis 6:4, 8; 13:14) Tungkol dito, sinabi ng awtor na si Maurice Genevoix, isang opisyal ng militar sa panahon ng digmaang iyon: “Sasang-ayon ang lahat na sa buong kasaysayan ng sangkatauhan, iilang petsa lamang ang naging kasinghalaga ng Agosto 2, 1914. Una muna ang Europa at di-nagtagal halos ang buong sangkatauhan ay nasadlak sa isang nakapanghihilakbot na pangyayari. Ang mga kaugalian, kasunduan, batas sa moral, ang lahat ng mga pundasyon ay nayanig; paglipas ng bawat araw, lahat ng bagay ay pinag-aalinlanganan. Hihigitan pa ng pangyayaring iyon ang likas na mga agam-agam at ang karaniwang mga inaasahan. Napakalubha, napakaligalig, kakila-kilabot, dama pa rin natin ang mga epekto nito.”—Maurice Genevoix, miyembro ng Académie Française, sinipi sa aklat na Promise of Greatness (1968).
15. Paano nagtamo ng nakamamatay na tama ang ikapitong ulo ng mabangis na hayop?
15 Para sa nangingibabaw na ikapitong ulo ng mabangis na hayop, malaking kasakunaan ang digmaang iyon. Gaya sa iba pang bansa sa Europa, napakaraming kabataang lalaki sa Britanya ang namatay. Sa isang labanan lamang, ang Labanan sa Ilog Somme noong 1916, 420,000 Britano ang nasugatan at nasawi, kasama ang mga 194,000 Pranses at 440,000 Aleman—mahigit 1,000,000 nasugatan at nasawi! Bumagsak din ang ekonomiya ng Britanya—gaya ng iba pang bansa sa Europa. Ang napakalaking Imperyo ng Britanya ay nagpasuray-suray dahil sa dagok na ito at hindi na lubusang nakabawi pa. Ang digmaang iyon, na nilahukan ng 28 nangungunang bansa, ay gaya ng nakamamatay na dagok na totoong nagpagiray sa buong daigdig. Noong Agosto 4, 1979, 65 taon lamang mula nang sumiklab ang Digmaang Pandaigdig I, nagkomento ang The Economist, ng London, Inglatera: “Noong 1914, nasira ang pagkakaisa ng daigdig at hindi na ito napanumbalik mula noon.”
16. Noong unang digmaang pandaigdig, paano ipinakita ng Estados Unidos na bahagi ito ng tambalang kapangyarihang pandaigdig?
16 Kasabay nito, dahil sa Malaking Digmaan, gaya ng tawag dito noon, hayagang nangibabaw ang Estados Unidos bilang bahagi ng Kapangyarihang Pandaigdig na Anglo-Amerikano. Noong unang mga taon ng digmaan, hindi nakisangkot sa labanan ang Estados Unidos dahil sa opinyon ng publiko. Subalit gaya ng isinulat ng istoryador na si Esmé Wingfield-Stratford, “sa oras na ito ng napakatinding krisis, ang tanging tanong ay kung handa bang kalimutan ng Britanya at ng Estados Unidos ang kanilang di-pagkakasundo upang makamit [nila] ang sukdulang pagkakaisa at patas na kapamahalaan sa ipinagkatiwalang mga teritoryo.” Gaya ng ipinakita ng mga pangyayari, ganito nga ang ginawa nila. Noong 1917, ipinagkaloob ng Estados Unidos ang kaniyang yaman at mga manggagawa upang pag-ibayuhin ang puwersa sa pakikipagdigma ng pagiray-giray nang mga Alyado. Dahil dito, nagtagumpay ang ikapitong ulo, na binubuo ng tambalang Britanya at Estados Unidos.
17. Ano ang nangyari sa makalupang sistema ni Satanas pagkatapos ng digmaan?
17 Ibang-iba na ang daigdig pagkaraan ng digmaan. Bagaman sinalanta ng nakamamatay na tama, ang makalupang sistema ni Satanas ay muling sumigla at naging higit na makapangyarihan kaysa dati anupat hinangaan ito ng mga tao dahil sa kakayahan nitong mapagaling ang sarili.
18. Paano masasabi na ang sangkatauhan sa pangkalahatan ay “sumunod sa mabangis na hayop nang may paghanga”?
18 Ganito ang isinulat ng istoryador na si Charles L. Mee, Jr.: “Ang pagguho ng matandang kaayusan [dahil sa unang digmaang pandaigdig] ay isang mahalagang pasimula ng paglaganap ng pamamahala sa sarili, ang pagbibigay-kalayaan sa bagong mga bansa at pangkat, ang pagkakaloob ng bagong kalayaan at kasarinlan.” Ang nanguna sa pagsulong na ito matapos ang digmaan ay ang ikapitong ulo ng mabangis na hayop, na gumaling na ngayon, at ang Estados Unidos ng Amerika ang gumaganap ng pangunahing papel dito. Ang tambalang kapangyarihang pandaigdig na ito ang nanguna ngayon sa pagtataguyod kapuwa sa Liga ng mga Bansa at sa Nagkakaisang mga Bansa. Pagsapit ng taóng 2005, pinangunahan ng pulitikal na kapangyarihan ng Estados Unidos ang higit na maririwasang bansa sa paglikha ng mas mataas na pamantayan ng pamumuhay, sa paglaban sa sakit, at sa pagpapasulong ng teknolohiya. At nakapagpadala pa ito ng 12 katao sa buwan. Hindi kataka-taka, kung gayon, na ang sangkatauhan sa pangkalahatan ay “sumunod sa mabangis na hayop nang may paghanga.”
19. (a) Sa anong paraan higit pa ang ginawa ng sangkatauhan kaysa paghanga lamang sa mabangis na hayop? (b) Sino ang walang-alinlangang may awtoridad sa lahat ng kaharian sa lupa, at paano natin nalalaman ito? (c) Paano binibigyan ni Satanas ng awtoridad ang mabangis na hayop, at ano ang epekto nito sa karamihan ng mga tao?
19 Higit pa ang ginawa ng sangkatauhan kaysa paghanga lamang sa mabangis na hayop, gaya ng sumunod na sinabi ni Juan: “At sinamba nila ang dragon sapagkat ibinigay nito ang awtoridad sa mabangis na hayop, at sinamba nila ang mabangis na hayop sa mga salitang: ‘Sino ang tulad ng mabangis na hayop, at sino ang maaaring makipagbaka sa kaniya?’” (Apocalipsis 13:4) Noong naririto pa sa lupa si Jesus, inangkin ni Satanas na may awtoridad siya sa lahat ng mga kaharian sa lupa. Hindi ito tinutulan ni Jesus; sa katunayan, siya mismo ang nagsabing si Satanas ang tagapamahala ng sanlibutan at tumanggi si Jesus na makilahok sa pulitika nang panahong iyon. Nang maglaon, sumulat si Juan tungkol sa mga tunay na Kristiyano: “Alam natin na tayo ay nagmumula sa Diyos, ngunit ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.” (1 Juan 5:19; Lucas 4:5-8; Juan 6:15; 14:30) Si Satanas ang nagbibigay ng awtoridad sa mabangis na hayop, at ginagawa niya ito salig sa nasyonalismo. Kaya sa halip na mabuklod ng makadiyos na pag-ibig, ang sangkatauhan ay nagkabaha-bahagi dahil sa pagmamapuri sa tribo, lahi, at bansa. Sa diwa, karamihan ng mga tao ay sumasamba sa bahaging iyon ng mabangis na hayop na may awtoridad sa lupaing kanilang tinitirhan. Gayon pinag-uukulan ng paghanga at pagsamba ang buong hayop.
20. (a) Sa anong diwa sinasamba ng mga tao ang mabangis na hayop? (b) Bakit ang mga Kristiyanong sumasamba sa Diyos na Jehova ay hindi nakikibahagi sa gayong pagsamba sa mabangis na hayop, at kaninong halimbawa ang tinutularan nila?
20 Pagsamba sa anong diwa? Sa diwa na inuuna ang pag-ibig sa bansa kaysa pag-ibig sa Diyos. Mahal ng karamihan sa mga tao ang kanilang lupang sinilangan. Bilang mabubuting mamamayan, iginagalang din ng mga tunay na Kristiyano ang mga tagapamahala at ang mga sagisag ng bansang tinitirhan nila, sinusunod ang mga batas, at nakikipagtulungan sa kapakanan ng kanilang komunidad at kapuwa. (Roma 13:1-7; 1 Pedro 2:13-17) Pero hindi sila maaaring pikit-matang mag-ukol ng debosyon sa isang bansa at itangi ito sa iba. “Panig sa ating bansa, tama man o mali” ay hindi isang turong Kristiyano. Kaya ang mga Kristiyanong sumasamba sa Diyos na Jehova ay hindi maaaring makibahagi sa pag-uukol ng mapagmapuri at nasyonalistikong pagsamba sa alinmang bahagi ng mabangis na hayop, sapagkat katumbas na rin ito ng pagsamba sa dragon—ang pinagmumulan ng awtoridad ng hayop. Hindi sila hahanga at magtatanong: “Sino ang tulad ng mabangis na hayop?” Sa halip, tinutularan nila ang halimbawa ni Miguel—na ang pangalan ay nangangahulugang “Sino ang Tulad ng Diyos?”—habang itinataguyod ang pansansinukob na pagkasoberano ni Jehova. Sa takdang panahon ng Diyos, ang Miguel na ito, si Kristo Jesus, ay makikipagbaka sa mabangis na hayop at dadaigin ito, kung paanong nagtagumpay siya sa pagpapalayas kay Satanas mula sa langit.—Apocalipsis 12:7-9; 19:11, 19-21.
Pakikipagdigma Laban sa mga Banal
21. Paano inilalarawan ni Juan ang pagmamanipula ni Satanas sa mabangis na hayop?
21 May plano ang tusong si Satanas sa pagmamanipula sa mabangis na hayop para sa kaniyang sariling kapakanan. Ipinaliliwanag ito ni Juan: “At binigyan ito [ang hayop na may pitong ulo] ng bibig na nagsasalita ng mga dakilang bagay at mga pamumusong, at binigyan ito ng awtoridad na kumilos sa loob ng apatnapu’t dalawang buwan. At ibinuka nito ang kaniyang bibig sa mga pamumusong laban sa Diyos, upang mamusong sa kaniyang pangalan at sa kaniyang tahanan, yaon ngang mga tumatahan sa langit. At pinagkalooban ito na makipagdigma sa mga banal at daigin sila, at binigyan ito ng awtoridad sa bawat tribo at bayan at wika at bansa. At lahat niyaong tumatahan sa lupa ay sasamba sa kaniya; walang isa man sa mga pangalan nila ang nakasulat sa balumbon ng buhay ng Kordero na pinatay, mula sa pagkakatatag ng sanlibutan.”—Apocalipsis 13:5-8.
22. (a) Sa anong yugto ng panahon tumutukoy ang 42 buwan? (b) Sa panahon ng 42 buwan, paano ‘nadaig’ ang mga pinahirang Kristiyano?
22 Ang 42 buwan na binabanggit dito ay waring katumbas ng tatlo at kalahating taon ng panliligalig sa mga banal ng sungay na tumubo sa isa sa mga hayop sa hula ni Daniel. (Daniel 7:23-25; tingnan din ang Apocalipsis 11:1-4.) Kaya mula sa katapusan ng 1914 hanggang 1918, samantalang niluluray ng nagdidigmaang mga bansa ang isa’t isa gaya ng mababangis na hayop, ang mga mamamayan ng mga bansang iyon ay pinilit na sumamba sa mabangis na hayop, makilahok sa relihiyon ng nasyonalismo, at maging handang mamatay alang-alang sa kanilang bansa. Ang panggigipit na ito ay nagdulot ng matinding paghihirap sa mga pinahiran, na naniniwalang dapat muna nilang sundin ang Diyos na Jehova at ang kaniyang Anak, si Kristo Jesus. (Gawa 5:29) Sumapit sa sukdulan ang pagsubok sa kanila noong Hunyo 1918, nang ‘madaig’ sila. Sa Estados Unidos, ang prominenteng mga opisyal at iba pang kinatawan ng Samahang Watch Tower ay ipinabilanggo sa maling paratang, at ang organisadong pangangaral ng kanilang mga kapatid na Kristiyano ay lubhang nahadlangan. Yamang may awtoridad ang mabangis na hayop sa “bawat tribo at bayan at wika at bansa,” hinigpitan nito ang gawain ng Diyos sa buong daigdig.
23. (a) Ano ang “balumbon ng buhay ng Kordero,” at mula noong 1918, ano ang patuloy na nagaganap hanggang sa makumpleto ito? (b) Bakit walang kabuluhan ang anumang waring tagumpay ng nakikitang organisasyon ni Satanas laban sa “mga banal”?
23 Waring nagtagumpay si Satanas at ang kaniyang organisasyon. Subalit hindi ito nagdulot sa kanila ng pangmatagalang pakinabang, yamang ang pangalan ng sinumang kabilang sa nakikitang organisasyon ni Satanas ay hindi nakasulat sa “balumbon ng buhay ng Kordero.” Sa makasagisag na paraan, ang balumbon na ito ay naglalaman ng mga pangalan niyaong mamamahalang kasama ni Jesus sa kaniyang makalangit na Kaharian. Ang unang mga pangalan dito ay napatala noong Pentecostes 33 C.E. At sa mga taóng kasunod nito, mas marami pang pangalan ang naparagdag. Mula noong 1918, patuloy ang pagtatatak sa nalalabi ng 144,000 tagapagmana ng Kaharian hanggang sa makumpleto ito. Hindi na magtatagal at ang mga pangalan nilang lahat ay isusulat at hindi na mabubura pa sa balumbon ng buhay ng Kordero. Kung tungkol naman sa mga mananalansang na sumasamba sa mabangis na hayop, isa man sa pangalan nila ay hindi mapapasulat sa balumbong iyon. Kaya anumang waring tagumpay na nakakamit ng mga ito laban sa “mga banal” ay walang-kabuluhan at pansamantala lamang.
24. Nanawagan si Juan sa mga may unawa na makinig sa ano, at ano ang kahulugan ng mga salitang narinig para sa bayan ng Diyos?
24 Nananawagan ngayon si Juan sa mga may unawa na makinig nang mabuti: “Kung ang sinuman ay may tainga, hayaan siyang makinig.” Saka nagpatuloy siya: “Kung ang sinuman ay nauukol sa pagkabihag, paroroon siya sa pagkabihag. Kung ang sinuman ay papatay sa pamamagitan ng tabak, dapat siyang patayin sa pamamagitan ng tabak. Dito nangangahulugan ng pagbabata at pananampalataya ng mga banal.” (Apocalipsis 13:9, 10) Sumulat din si Jeremias ng nakakatulad na pananalita noong mga taon bago ang 607 B.C.E., upang ipakita na hindi na iuurong pa ang paghatol ni Jehova para sa di-tapat na lunsod ng Jerusalem. (Jeremias 15:2; tingnan din ang Jeremias 43:11; Zacarias 11:9.) Sa panahon ng kaniyang napakatinding pagsubok, niliwanag ni Jesus na hindi dapat makipagkompromiso ang kaniyang mga tagasunod nang sabihin niya: “Ang lahat niyaong humahawak ng tabak ay malilipol sa pamamagitan ng tabak.” (Mateo 26:52) Kasuwato nito, ang bayan ng Diyos ngayon sa araw ng Panginoon ay dapat ding manghawakang mahigpit sa mga simulain ng Bibliya. Hindi makaliligtas ang di-nagsisising mga mananamba ng mabangis na hayop. Kakailanganin nating lahat ang pagbabata, pati na ang di-natitinag na pananampalataya, upang mapagtagumpayan ang mga pag-uusig at pagsubok na mapapaharap sa atin.—Hebreo 10:36-39; 11:6.
Ang Mabangis na Hayop na May Dalawang Sungay
25. (a) Paano inilalarawan ni Juan ang isa pang makasagisag na mabangis na hayop na lumilitaw sa tanawin ng daigdig? (b) Ano ang ipinahihiwatig ng dalawang sungay ng bagong mabangis na hayop at ng pag-ahon nito mula sa lupa?
25 Subalit may isa pang mabangis na hayop na lumilitaw ngayon sa eksena ng daigdig. Nag-uulat si Juan: “At nakita ko ang isa pang mabangis na hayop na umaahon mula sa lupa, at ito ay may dalawang sungay na tulad ng isang kordero, ngunit nagsimula itong magsalitang gaya ng isang dragon. At ginagamit nito ang lahat ng awtoridad ng unang mabangis na hayop sa paningin nito. At pinasasamba nito ang lupa at yaong mga tumatahan dito sa unang mabangis na hayop, na may nakamamatay na tama na gumaling. At nagsasagawa ito ng mga dakilang tanda, anupat nagagawa pa nitong magpababa ng apoy sa lupa mula sa langit sa paningin ng sangkatauhan.” (Apocalipsis 13:11-13) Ang mabangis na hayop na ito ay may dalawang sungay, na nagpapahiwatig ng pagsasanib ng dalawang pulitikal na kapangyarihan. At ito ay sinasabing umaahon mula sa lupa, hindi mula sa dagat. Kaya nagmula ito sa nakatatag nang makalupang sistema ng mga bagay ni Satanas. Tiyak na isa itong kapangyarihang pandaigdig, na umiiral na at gumaganap ng kapansin-pansing papel sa araw ng Panginoon.
26. (a) Ano ang mabangis na hayop na may dalawang sungay, at ano ang kaugnayan nito sa orihinal na mabangis na hayop? (b) Sa anong diwa tulad ng sa kordero ang mga sungay ng hayop na may dalawang sungay, at paanong ito ay “gaya ng isang dragon” kapag nagsasalita? (c) Ano ang talagang sinasamba ng mga taong nasyonalistiko, at sa ano inihalintulad ang nasyonalismo? (Tingnan ang talababa.)
26 Ano kaya ito? Ang Kapangyarihang Pandaigdig na Anglo-Amerikano—ito rin ang ikapitong ulo ng unang mabangis na hayop subalit sa isang pantanging papel! Ang pagbubukod dito sa pangitain bilang isang hiwalay na mabangis na hayop ay tumutulong sa atin na makita nang malinaw kung paano ito kumikilos sa ganang sarili sa tanghalan ng daigdig. Ang makasagisag na mabangis na hayop na ito na may dalawang sungay ay binubuo ng dalawang pulitikal na kapangyarihan na magkasabay na umiiral at may kani-kaniyang pamahalaan, subalit nagtutulungan. Ang dalawang sungay nito na “tulad ng isang kordero” ay nagpapahiwatig na nagkukunwa itong maamo, hindi mabalasik, at may naliwanagang uri ng pamahalaan na dapat panaligan ng buong daigdig. Ngunit nagsasalita itong “gaya ng isang dragon” sapagkat gumagamit ito ng mga panggigipit at pagbabanta at maging ng tahasang karahasan sa mga dakong ayaw kilalanin ang kaniyang uri ng pamamahala. Hindi ito humihimok ng pagpapasakop sa Kaharian ng Diyos na pinamamahalaan ng Kordero ng Diyos, kundi sa halip, sa mga kapakanan ni Satanas, ang malaking dragon. Itinaguyod nito ang nasyonalistikong pagkakabaha-bahagi at mga pagkakapootan na sa katunayan ay pagsamba sa unang mabangis na hayop.c
27. (a) Anong saloobin ng mabangis na hayop na may dalawang sungay ang ipinahihiwatig ng pagpapababa nito ng apoy mula sa langit? (b) Paano itinuturing ng maraming tao ang makabagong katumbas ng mabangis na hayop na may dalawang sungay?
27 Ang mabangis na hayop na may dalawang sungay ay gumagawa ng dakilang mga tanda, anupat nagpapababa pa nga ng apoy mula sa langit. (Ihambing ang Mateo 7:21-23.) Ang kababanggit na tandang ito ay nagpapaalaala sa atin kay Elias, ang sinaunang propeta ng Diyos na nakipagpaligsahan sa mga propeta ni Baal. Nang magtagumpay siya sa pagpapababa ng apoy mula sa langit sa pangalan ni Jehova, ganap nitong pinatunayan na isa siyang tunay na propeta at na ang mga propeta ni Baal ang siyang huwad. (1 Hari 18:21-40) Gaya ng mga propetang iyon ni Baal, inaakala ng mabangis na hayop na may dalawang sungay na sapat ang kredensiyal niya bilang propeta. (Apocalipsis 13:14, 15; 19:20) Aba, inaangkin nito na nadaig niya ang mga puwersa ng kasamaan sa nakalipas na dalawang digmaang pandaigdig at nagtagumpay siya laban sa diumano’y walang-diyos na Komunismo! Sa katunayan, ang makabagong katumbas ng mabangis na hayop na may dalawang sungay ay itinuturing ng marami bilang tagapagtanggol ng kalayaan at bukal ng materyal na kasaganaan.
Ang Larawan ng Mabangis na Hayop
28. Paano ipinakikita ni Juan na ang mabangis na hayop na may dalawang sungay ay hindi talaga maamo gaya ng ipinahihiwatig ng tulad-korderong mga sungay nito?
28 Ang mabangis na hayop bang ito na may dalawang sungay ay talagang maamo gaya ng ipinahihiwatig ng tulad-korderong mga sungay nito? Sinabi pa ni Juan: “At inililigaw nito ang mga tumatahan sa lupa, dahil sa mga tanda na ipinagkaloob dito na gawin sa paningin ng mabangis na hayop, habang sinasabi nito sa mga tumatahan sa lupa na gumawa ng isang larawan ng mabangis na hayop na nagkaroon ng tama ng tabak at gayunma’y muling nabuhay. At pinagkalooban ito na magbigay ng hininga sa larawan ng mabangis na hayop, upang ang larawan ng mabangis na hayop ay kapuwa makapagsalita at magpangyaring mapatay ang lahat niyaong sa anumang paraan ay hindi sasamba sa larawan ng mabangis na hayop.”—Apocalipsis 13:14, 15.
29. (a) Ano ang layunin ng larawan ng mabangis na hayop, at kailan nilikha ang larawang ito? (b) Bakit hindi isang walang-buhay na estatuwa ang larawan ng mabangis na hayop?
29 Ano ba ang “larawan ng mabangis na hayop,” at ano ang layunin nito? Layunin nito na itaguyod ang pagsamba sa mabangis na hayop na may pitong ulo na siyang inilalarawan nito at sa gayo’y maipagpatuloy ang pag-iral ng mabangis na hayop. Nilikha ang larawang ito matapos gumaling ang mabangis na hayop na may pitong ulo mula sa kaniyang tama ng tabak, samakatuwid nga, pagkatapos ng unang digmaang pandaigdig. Hindi ito isang walang-buhay na estatuwa, na gaya ng itinayo ni Nabucodonosor sa kapatagan ng Dura. (Daniel 3:1) Ang larawang ito ay hiningahan ng mabangis na hayop na may dalawang sungay upang mabuhay at makaganap ng papel sa kasaysayan ng daigdig.
30, 31. (a) Ano ang larawang ito batay sa naging takbo ng kasaysayan? (b) Mayroon na bang napatay dahil sa pagtangging sumamba sa larawan? Ipaliwanag.
30 Batay sa naging takbo ng kasaysayan, ang larawang ito ay ang organisasyong ipinanukala, itinaguyod, at sinuportahan ng Britanya at ng Estados Unidos at unang nakilala bilang Liga ng mga Bansa. Sa dakong huli, sa Apocalipsis kabanata 17, lilitaw ito sa ilalim ng naiibang simbolo, bilang isang nabubuhay at humihingang mabangis na hayop na kulay-iskarlata na umiiral sa ganang sarili. ‘Nagsasalita’ ang internasyonal na organisasyong ito sa diwa na ito’y naghahambog at nag-aangking siya lamang ang makapagdudulot ng kapayapaan at katiwasayan sa sangkatauhan. Pero ang totoo, naging komperensiya lamang ito kung saan nagbabatuhan ng mga pagbatikos at pang-iinsulto ang mga bansang miyembro nito. Nagbabanta itong itatakwil, o ituturing na patay, ang alinmang bansa o bayan na hindi yuyukod sa awtoridad nito. Ang totoo, itiniwalag ng Liga ng mga Bansa ang mga bansang hindi umaayon sa kaniyang mga ideolohiya. Sa pagpapasimula ng malaking kapighatian, gaganap ng mapamuksang papel ang militaristikong mga “sungay” ng larawan ng mabangis na hayop.—Apocalipsis 7:14; 17:8, 16.
31 Mula noong Digmaang Pandaigdig II, ang larawan ng mabangis na hayop—na nahayag ngayon bilang ang organisasyon ng Nagkakaisang mga Bansa—ay pumatay na sa literal na paraan. Halimbawa, noong 1950, nakisangkot ang hukbo ng UN sa digmaan ng Hilagang Korea at Timog Korea. Ang hukbo ng UN, kasama ng Timog Korea, ay pumatay ng tinatayang 1,420,000 taga-Hilagang Korea at mga Tsino. Gayundin, mula 1960 hanggang 1964, naging aktibo sa Congo (Kinshasa) ang mga hukbo ng Nagkakaisang mga Bansa. Bukod dito, ang mga lider ng daigdig, kasama na ang mga papang sina Paul VI at John Paul II, ay patuloy na nanindigan na ang larawan na ito ang siyang kahuli-hulihan at tanging pag-asa ng tao ukol sa kapayapaan. Iginigiit nila na kung tatangging maglingkod dito ang sangkatauhan, lilipulin ng lahi ng tao ang kaniyang sarili. Kaya sa makasagisag na paraan, ipinapapatay nila ang lahat ng tao na tumatangging makiayon at sumamba sa larawan.—Deuteronomio 5:8, 9.
Ang Marka ng Mabangis na Hayop
32. Paano inilalarawan ni Juan ang pagmamaniobra ni Satanas sa pulitikal na mga bahagi ng kaniyang nakikitang organisasyon upang pahirapan ang mga nalabi ng binhi ng babae ng Diyos?
32 Nakikita ngayon ni Juan kung paano minamaniobra ni Satanas ang pulitikal na mga bahagi ng kaniyang nakikitang organisasyon upang pahirapan nang husto ang mga nalalabi ng binhi ng babae ng Diyos. (Genesis 3:15) Muling inilalarawan ni Juan ang mismong “mabangis na hayop”: “At pinipilit nito ang lahat ng tao, ang maliliit at ang malalaki, at ang mayayaman at ang mga dukha, at ang malalaya at ang mga alipin, upang mabigyan nila sila ng isang marka sa kanilang kanang kamay o sa kanilang noo, at upang walang sinumang makabili o makapagtinda maliban sa tao na may marka, ang pangalan ng mabangis na hayop o ang bilang ng pangalan nito. Dito pumapasok ang karunungan: Tuusin niyaong may katalinuhan ang bilang ng mabangis na hayop, sapagkat ito ay bilang ng isang tao; at ang bilang nito ay anim na raan at animnapu’t anim.”—Apocalipsis 13:16-18.
33. (a) Ano ang pangalan ng mabangis na hayop? (b) Sa ano iniuugnay ang bilang na anim? Ipaliwanag.
33 Ang mabangis na hayop ay may pangalan, at ang pangalang ito ay isang bilang: 666. Ang bilang na anim ay iniuugnay sa mga kaaway ni Jehova. May isang lalaking Filisteo mula sa mga Repaim na “pambihira ang laki,” at ang kaniyang “mga daliri sa kamay at paa ay animan.” (1 Cronica 20:6) Nagtayo si Haring Nabucodonosor ng ginintuang imahen na 6 na siko ang lapad at 60 siko ang taas, upang pagkaisahin sa pagsamba ang kaniyang mga opisyal sa pulitika. Nang tumanggi ang mga lingkod ng Diyos na sumamba sa ginintuang imahen, ipinahagis sila ng hari sa isang maapoy na hurno. (Daniel 3:1-23) Ang bilang na anim ay kulang sa pito, na kumakatawan sa pagiging ganap ayon sa pangmalas ng Diyos. Kaya ang anim na inulit nang makaitlo ay kumakatawan sa sukdulang antas ng di-kasakdalan.
34. (a) Ano ang ipinahihiwatig ng bagay na ang bilang ng mabangis na hayop ay “bilang ng isang tao”? (b) Bakit angkop na pangalan ang 666 para sa pandaigdig na pulitikal na sistema ni Satanas?
34 Ang isang pangalan ay nagpapakilala sa isang tao. Kaya paano ipinakikilala ng bilang na ito ang hayop? Sinasabi ni Juan na ito ay “bilang ng isang tao,” hindi ng isang espiritung persona, kaya tumutulong ang pangalang ito upang matiyak na ang mabangis na hayop ay makalupa, sumasagisag sa pamahalaan ng tao. Kung paanong ang anim ay hindi nakaaabot sa pito, ang 666—anim sa ikatlong antas—ay angkop na pangalan para sa dambuhalang pulitikal na sistema ng daigdig na bigung-bigo sa pag-abot sa pamantayan ng Diyos ukol sa kasakdalan. Ang pandaigdig na pulitikal na mabangis na hayop ay namamahala sa ilalim ng pangalan na numerong 666, samantalang patuloy na pinakikilos ng dambuhalang pulitika, dambuhalang relihiyon, at dambuhalang komersiyo ang mabangis na hayop bilang maniniil ng sangkatauhan at mang-uusig sa bayan ng Diyos.
35. Ano ang kahulugan ng pagkakaroon ng marka ng pangalan ng mabangis na hayop sa noo o sa kanang kamay?
35 Ano ang kahulugan ng pagkakaroon ng marka ng pangalan ng mabangis na hayop sa noo o sa kanang kamay? Nang ipagkaloob ni Jehova sa Israel ang Kautusan, sinabi niya sa kanila: “Ituon ninyo ang mga salita kong ito sa inyong puso at sa inyong kaluluwa at itali ninyo iyon bilang tanda sa inyong kamay, at iyon ay magiging pangharap na pamigkis sa pagitan ng inyong mga mata.” (Deuteronomio 11:18) Nangangahulugan ito na ang Kautusan ay dapat na laging ilagay ng mga Israelita sa kanilang harapan, upang makaimpluwensiya ito sa lahat ng kanilang kilos at pag-iisip. Sinasabing nakasulat sa noo ng 144,000 pinahiran ang pangalan ng Ama at ni Jesus. Ipinakikilala sila nito bilang pag-aari ng Diyos na Jehova at ni Jesu-Kristo. (Apocalipsis 14:1) Ginaya ito ni Satanas anupat ginamit ang makademonyong marka ng mabangis na hayop. Ang sinumang nakikibahagi sa pang-araw-araw na gawain na gaya ng pagbili at pagtitinda ay ginigipit na gawin ang mga bagay-bagay ayon sa paraan ng mabangis na hayop, gaya halimbawa sa pagdiriwang ng mga kapistahan. Para tumanggap ng marka nito, obligado silang sumamba sa mabangis na hayop at lubusang magpasakop dito.
36. Anu-ano ang naging problema ng mga tumatangging tumanggap ng marka ng mabangis na hayop?
36 Laging nagkakaproblema ang mga tumatangging tumanggap ng marka ng mabangis na hayop. Halimbawa, mula noong dekada ng 1930, kinailangan nilang ipakipaglaban ang maraming usapin sa hukuman at magbata ng mararahas na pang-uumog at iba pang uri ng pag-uusig. Sa totalitaryong mga bansa, ibinilanggo sila sa mga kampong piitan, kung saan marami sa kanila ang namatay. Mula noong ikalawang digmaang pandaigdig, di-mabilang na mga kabataang lalaki ang nagtiis ng mahahabang taon ng pagkabilanggo, ang ilan ay pinahirapan at pinatay pa nga, dahil sa pagtangging ikompromiso ang kanilang Kristiyanong neutralidad. Sa ibang mga lupain, ang mga Kristiyano ay literal na hindi makabili o makapagtinda; ang ilan ay hindi pinahintulutang magkaroon ng mga ari-arian; ang iba ay ginahasa, pinaslang, o pinalayas mula sa kanilang lupang tinubuan. Bakit? Sapagkat hindi maatim ng kanilang budhi na bumili ng kard ng isang pulitikal na partido.d—Juan 17:16.
37, 38. (a) Bakit mahirap para sa mga tumatangging magkaroon ng marka ng mabangis na hayop na mamuhay sa sanlibutan? (b) Sinu-sino ang nag-iingat ng katapatan, at ano ang determinado nilang gawin?
37 Sa ilang bahagi ng lupa, napakalalim ng pagkakatanim ng relihiyon sa buhay ng pamayanan kung kaya’t sinumang naninindigan sa katotohanan ng Bibliya ay itinatakwil ng pamilya at ng dating mga kaibigan. Kailangan ang matibay na pananampalataya upang makapagbata. (Mateo 10: 36-38; 17:22) Sa isang sanlibutan kung saan ang karamihan ng tao ay sumasamba sa materyal na kayamanan at palasak ang kawalang-katapatan, kadalasang kailangan ng isang Kristiyano na lubos na magtiwala na aalalayan siya ni Jehova sa pagtataguyod ng matuwid na landasin. (Awit 11:7; Hebreo 13:18) Sa isang sanlibutang sadlak sa imoralidad, kailangan ang matibay na determinasyon upang manatiling malinis at wagas. Ang mga Kristiyano na nagkakasakit ay madalas gipitin ng mga doktor at nars na labagin ang kautusan ng Diyos hinggil sa kabanalan ng dugo; kailangan pa nga nilang manindigan laban sa mga utos ng hukuman na sumasalungat sa kanilang pananampalataya. (Gawa 15:28, 29; 1 Pedro 4:3, 4) At sa panahong ito na dumarami ang walang trabaho, lalong nagiging mahirap sa isang tunay na Kristiyano na umiwas sa isang trabaho na mangangahulugan ng pakikipagkompromiso sa kaniyang katapatan sa Diyos.—Mikas 4:3, 5.
38 Oo, para sa mga walang marka ng mabangis na hayop, mahirap mamuhay sa sanlibutan. Ang pananatiling tapat ng nalabi sa binhi ng babae at ng mahigit anim na milyong miyembro ng malaking pulutong, sa kabila ng lahat ng panggigipit na lumabag sa mga kautusan ng Diyos, ay namumukod-tanging pagtatanghal ng kapangyarihan at pagpapala ni Jehova. (Apocalipsis 7:9) Sa buong lupa, magkaisa nawa tayo sa patuloy na pagdakila kay Jehova at sa kaniyang matuwid na mga daan, samantalang tinatanggihan natin ang marka ng mabangis na hayop.—Awit 34:1-3.
[Mga talababa]
a Ukol sa karagdagang detalye, pakisuyong tingnan ang mga pahina 165-79 ng aklat na Magbigay-Pansin sa Hula ni Daniel! na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
b The Interpretation of St. John’s Revelation, ni R. C. H. Lenski, pahina 390-1.
c Sinasabi ng mga komentarista na para na ring relihiyon ang nasyonalismo. Kaya ang mga taong nasyonalistiko ay talagang sumasamba sa bahagi ng mabangis na hayop na kinakatawanan ng bansa na kanilang tinitirhan. Tungkol sa nasyonalismo sa Estados Unidos, ganito ang ating mababasa: “Ang nasyonalismo, na itinuturing na isang relihiyon, ay may malaking pagkakatulad sa iba pang malalaking relihiyosong sistema noong nakalipas . . . Ang makabagong relihiyosong nasyonalista ay nananalig sa kaniyang sariling pambansang diyos. Iniisip niyang kailangan niya ang Kaniyang makapangyarihang tulong. Kinikilala niyang Siya ang bukal ng kaniyang sariling kasakdalan at kaligayahan. Sa ganap na relihiyosong diwa, napasasakop siya sa Kaniya. . . . Ang bansa ay itinuturing na walang hanggan, at ang pagkasawi ng kaniyang matapat na mga anak ay nagdaragdag sa kaniyang walang-kamatayang kabantugan at kaluwalhatian.”—Carlton J. F. Hayes, ayon sa pagkakasipi sa pahina 359 ng aklat na What Americans Believe and How They Worship, ni J. Paul Williams.
d Halimbawa, tingnan ang mga isyu ng Bantayan na Marso 1, 1972, pahina 136; Disyembre 15, 1974, pahina 753; Disyembre 1, 1975, pahina 722; Agosto 15, 1979, pahina 20; Disyembre 15, 1979, pahina 30; Nobyembre 15, 1980, pahina 26.
[Larawan sa pahina 195]
Pinagkalooban ito na magbigay ng hininga sa larawan ng mabangis na hayop