ARALING ARTIKULO 20
Apocalipsis—Ang Kahulugan Nito Para sa mga Kaaway ng Diyos
“Tinipon sila ng mga ito sa lugar na sa Hebreo ay tinatawag na Armagedon.”—APOC. 16:16.
AWIT 150 Hanapin ang Diyos Para Maligtas
NILALAMANa
1. Ano ang sinasabi ng aklat ng Apocalipsis tungkol sa bayan ng Diyos?
SINASABI ng aklat ng Apocalipsis na ang Kaharian ng Diyos ay naitatag na sa langit at pinalayas na si Satanas mula roon. (Apoc. 12:1-9) Dahil diyan, nagkaroon ng kapayapaan sa langit, pero nagbigay ito ng problema sa atin. Bakit? Dahil galit na galit si Satanas at sinasalakay niya ang mga tapat na naglilingkod kay Jehova dito sa lupa.—Apoc. 12:12, 15, 17.
2. Ano ang makakatulong sa atin na manatiling tapat?
2 Paano tayo makapananatiling tapat kay Jehova kahit sinasalakay tayo ni Satanas? (Apoc. 13:10) Makakatulong sa atin kung aalamin natin ang mangyayari sa hinaharap. Halimbawa, inilarawan ni apostol Juan sa Apocalipsis ang ilan sa mga pagpapala na malapit na nating maranasan. Isa sa mga gagawin ng Diyos ay ang pagpuksa sa mga kaaway niya. Alamin natin kung paano inilarawan ng Apocalipsis ang mga kaaway na ito at kung ano ang mangyayari sa kanila.
INILARAWAN ANG MGA KAAWAY NG DIYOS “SA PAMAMAGITAN NG MGA TANDA”
3. Ano ang ilan sa mga tanda na binanggit sa Apocalipsis?
3 Sa unang talata pa lang ng Apocalipsis, sinasabi na ang mga impormasyong mababasa natin ay inilarawan sa makasagisag na paraan “sa pamamagitan ng mga tanda.” (Apoc. 1:1) Kaya ang mga kaaway ng Diyos ay inilarawan bilang mababangis na hayop. Halimbawa, may “isang mabangis na hayop na umaahon mula sa dagat.” Mayroon itong “10 sungay at 7 ulo.” (Apoc. 13:1) Sinundan ito ng “isa pang mabangis na hayop na lumalabas mula sa lupa.” Nagsasalita ang mabangis na hayop na ito gaya ng isang dragon at “nagpapababa . . . ng apoy sa lupa mula sa langit.” (Apoc. 13:11-13) Pagkatapos, may “isang kulay-iskarlatang mabangis na hayop” at isang babaeng bayaran ang nakasakay rito. Ang tatlong mababangis na hayop na ito ay lumalarawan sa matagal nang mga kaaway ng Diyos na Jehova at ng kaniyang Kaharian. Kaya mahalagang matukoy natin kung sino sila.—Apoc. 17:1, 3.
4-5. Paano makakatulong sa atin ang Daniel 7:15-17 para maintindihan ang kahulugan ng mga tandang ito?
4 Bago natin malaman kung sino ang mga kaaway na ito, kailangan muna nating maintindihan kung ano ang inilalarawan ng mababangis na hayop at ng babaeng bayaran. Para magawa iyan, hayaan nating Bibliya mismo ang magpaliwanag. Marami sa mga paglalarawang ito sa Apocalipsis ang ipinaliwanag na sa ibang aklat ng Bibliya. Halimbawa, sa panaginip ni propeta Daniel, nakakita siya ng “apat na dambuhalang hayop [na] umahon sa dagat.” (Dan. 7:1-3) Sinasabi sa atin ni Daniel na ang mga dambuhalang hayop na ito ay lumalarawan sa apat na “hari,” o gobyerno. (Basahin ang Daniel 7:15-17.) Tinutulungan tayo nito na maintindihan na ang mga hayop na binabanggit sa Apocalipsis ay tumutukoy rin sa mga gobyerno ng tao.
5 Alamin natin ngayon ang ilan sa mga tanda na inilarawan sa Apocalipsis. Habang ginagawa natin ito, makikita natin kung paano tayo matutulungan ng Bibliya na malaman ang kahulugan ng mga tandang ito. Talakayin muna natin ang tungkol sa mababangis na hayop. Una, aalamin natin kung kanino sila lumalarawan. Pagkatapos, titingnan natin kung ano ang mangyayari sa mga ito. Panghuli, tatalakayin natin kung ano ang kahulugan para sa atin ng mga pangyayaring ito.
IPINAKILALA ANG MGA KAAWAY NG DIYOS
6. Saan tumutukoy ang mabangis na hayop na may pitong ulo na binanggit sa Apocalipsis 13:1-4?
6 Saan tumutukoy ang mabangis na hayop na may pitong ulo? (Basahin ang Apocalipsis 13:1-4.) Nakita natin na ang mabangis na hayop na ito ay tulad ng leopardo, pero ang mga paa nito ay gaya ng sa oso, at ang bibig nito ay gaya ng bibig ng leon, at mayroon itong 10 sungay. Ganiyan din inilarawan ang apat na hayop na binanggit sa Daniel kabanata 7. Pero sa aklat ng Apocalipsis, ang mga paglalarawang iyan ay makikita sa iisang hayop, hindi sa apat na magkakaibang hayop. Ang mabangis na hayop na ito ay hindi lumalarawan sa iisang gobyerno lang o kapangyarihang pandaigdig. Sinasabi na namamahala ito “sa bawat tribo at bayan at wika at bansa.” Tiyak na nakahihigit ito kaysa sa gobyerno ng isang bansa. (Apoc. 13:7) Kaya lumalarawan ang mabangis na hayop na ito sa lahat ng gobyerno ng tao na namahala sa buong kasaysayan.b—Ecles. 8:9.
7. Saan lumalarawan ang bawat isa sa pitong ulo ng mabangis na hayop?
7 Saan lumalarawan ang bawat isa sa pitong ulo? Makakatulong sa atin ang Apocalipsis kabanata 17 na malaman ang sagot, kasi inilarawan dito ang estatuwa ng hayop na binanggit sa Apocalipsis kabanata 13. Mababasa sa Apocalipsis 17:10: “May pitong hari: Bumagsak na ang lima, ang isa ay narito, at ang isa ay hindi pa dumarating; pero pagdating niya, mananatili siya nang maikling panahon.” Sa lahat ng gobyerno ng tao na ginamit ni Satanas, pito ang itinulad sa mga “ulo” dahil naging mas makapangyarihan sila kaysa sa iba. Malaki ang naging epekto ng mga kapangyarihang pandaigdig na ito sa bayan ng Diyos. Noong panahon ni apostol Juan, lima na ang namahala sa daigdig: Ehipto, Asirya, Babilonya, Medo-Persia, at Gresya. Nang tanggapin ni Juan ang pangitaing ito, kasalukuyang namamahala noon ang Roma, ang ikaanim na kapangyarihang pandaigdig. Ano ang magiging ikapito at huling kapangyarihang pandaigdig, o ulo?
8. Saan lumalarawan ang ikapitong ulo ng mabangis na hayop?
8 Makakatulong sa atin ang mga hula sa aklat ng Daniel para matukoy natin ang ikapito at huling ulo ng mabangis na hayop. Anong kapangyarihang pandaigdig ang namamahala sa panahong ito ng wakas, o sa “araw ng Panginoon”? (Apoc. 1:10) Ito ang Kapangyarihang Pandaigdig na Anglo-Amerikano. Tambalan ito ng dalawang makapangyarihang bansa, ang United Kingdom at ang United States of America. Kaya masasabi natin na ito ang ikapitong ulo ng mabangis na hayop na binanggit sa Apocalipsis 13:1-4.
9. Saan lumalarawan ang mabangis na hayop na may “dalawang sungay na gaya ng sa isang kordero”?
9 Sinasabi pa ng Apocalipsis kabanata 13 na ang ikapitong ulo, ang Kapangyarihang Pandaigdig na Anglo-Amerikano, ay kumikilos din na tulad ng mabangis na hayop na may “dalawang sungay na gaya ng sa isang kordero, pero nagsimula itong magsalitang gaya ng isang dragon.” Ang hayop na ito ay “gumagawa . . . ng dakilang mga tanda; nagpapababa pa nga ito ng apoy sa lupa mula sa langit sa paningin ng sangkatauhan.” (Apoc. 13:11-15) Sa Apocalipsis kabanata 16 at 19, inilarawan ang mabangis na hayop na ito bilang “huwad na propeta.” (Apoc. 16:13; 19:20) Halos ganiyan din ang sinabi ni Daniel. Sinabi niya na “napakatindi ng pagwasak” na isasagawa ng Kapangyarihang Pandaigdig na Anglo-Amerikano. (Dan. 8:19, 23, 24) Ganiyan nga ang nangyari noong Digmaang Pandaigdig II. Dahil sa pagtutulungan ng mga siyentipiko ng Britain at ng America, nakagawa sila ng dalawang atomic bomb na tumapos sa digmaang iyon sa Pasipiko. Kaya masasabing ‘nagpababa ng apoy sa lupa mula sa langit’ ang Kapangyarihang Pandaigdig na Anglo-Amerikano.
10. Saan lumalarawan ang “estatuwa ng mabangis na hayop”? (Apocalipsis 13:14, 15; 17:3, 8, 11)
10 Pagkatapos, may isa pang mabangis na hayop. Halos katulad ito ng mabangis na hayop na may pitong ulo pero kulay-iskarlata ito. Tinawag itong “estatuwa ng mabangis na hayop” at inilarawan bilang “ikawalong hari.”c (Basahin ang Apocalipsis 13:14, 15; 17:3, 8, 11.) Ang ‘haring’ ito ay sinasabing umiral, nawala, at babalik. Tamang-tama ang paglalarawang iyan sa United Nations, isang organisasyon na nagtataguyod sa lahat ng gobyerno ng tao! Noon, tinawag itong Liga ng mga Bansa. Pagkatapos, nawala ito noong Digmaang Pandaigdig II. At nang maglaon, bumalik ito bilang United Nations.
11. Ano ang ginagawa ng mababangis na hayop o ng mga gobyerno, at bakit hindi tayo dapat matakot sa kanila?
11 Gamit ang kanilang propaganda, iniimpluwensiyahan ng mababangis na hayop o mga gobyerno ang mga tao na salansangin si Jehova at ang kaniyang bayan. Sinabi ni Juan na para bang tinitipon nila ang “mga hari ng buong lupa” sa digmaan ng Armagedon, ang “dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat.” (Apoc. 16:13, 14, 16) Pero hindi tayo dapat matakot. Agad na kikilos ang ating dakilang Diyos, si Jehova, para iligtas ang lahat ng sumusuporta sa pamamahala niya.—Ezek. 38:21-23.
12. Ano ang mangyayari sa lahat ng mababangis na hayop?
12 Ano ang mangyayari sa lahat ng mababangis na hayop? Sinasabi ng Apocalipsis 19:20: “Sinunggaban ang mabangis na hayop, at kasama nito ang huwad na propeta na gumawa sa harap nito ng mga tanda para iligaw ang mga tumanggap ng marka ng mabangis na hayop at ang mga sumasamba sa estatuwa nito. Habang buháy pa, pareho silang inihagis sa maapoy na lawa na nagniningas sa asupre.” Habang namamahala pa ang mga gobyernong ito na kaaway ng Diyos, pupuksain niya sila at hindi na iiral pa.
13. Anong problema ang puwedeng mapaharap sa mga Kristiyano dahil sa mga gobyerno?
13 Ano ang kahulugan nito para sa atin? Bilang mga Kristiyano, dapat tayong maging tapat sa Diyos at sa Kaharian niya. (Juan 18:36) Magagawa natin ito kung magiging neutral tayo at hindi papanig sa anumang isyu sa politika. Pero napakahirap maging neutral ngayon, dahil ginigipit tayo ng mga gobyerno na ibigay sa kanila ang buong suporta natin sa salita at gawa. Ang sinumang susuporta sa kanila ay tatanggap ng marka ng mabangis na hayop. (Apoc. 13:16, 17) Pero maiwawala ng sinumang tatanggap ng marka ang pagsang-ayon ni Jehova pati na ang pag-asang mabuhay magpakailanman. (Apoc. 14:9, 10; 20:4) Kaya gaano man katindi ang panggigipit sa atin ng mga gobyerno na suportahan sila, napakahalaga na manatili tayong neutral!
ANG KAHIYA-HIYANG WAKAS NG MAIMPLUWENSIYANG BABAENG BAYARAN
14. Ayon sa Apocalipsis 17:3-5, ano ang nakakagulat na nakita ni apostol Juan?
14 Sinabi ni apostol Juan na “gulat na gulat” siya sa iba pang nakita niya. Ano iyon? Isang babaeng nakasakay sa isa sa mababangis na hayop na ito. (Apoc. 17:1, 2, 6) Inilarawan siya bilang “maimpluwensiyang babaeng bayaran” at tinawag na “Babilonyang Dakila.” Nagkasala siya ng “seksuwal na imoralidad kasama ang mga hari sa lupa.”—Basahin ang Apocalipsis 17:3-5.
15-16. Sino ang “Babilonyang Dakila,” at paano natin ito nalaman?
15 Sino ang “Babilonyang Dakila”? Hindi puwedeng tumukoy ang babaeng ito sa isang politikal na organisasyon dahil nagkasala siya ng imoralidad kasama ang mga tagapamahala sa buong mundo. (Apoc. 18:9) Ang totoo, kinokontrol pa nga niya ang mga tagapamahalang ito na para bang nakasakay siya sa kanila. Hindi rin siya puwedeng tumukoy sa sakim na komersiyo ng sanlibutan ni Satanas dahil inilarawan ito sa ibang bahagi ng Apocalipsis bilang “mga negosyante sa lupa.”—Apoc. 18:11, 15, 16.
16 Sa Bibliya, ang salitang “babaeng bayaran” ay puwedeng tumukoy sa mga nag-aangking naglilingkod sa Diyos pero nagsasagawa naman ng idolatriya o nakikipagkaibigan sa sanlibutan. (1 Cro. 5:25; Sant. 4:4) Pero ang mga tapat na sumasamba sa Diyos ay tinukoy bilang “malinis” o “mga birhen.” (2 Cor. 11:2; Apoc. 14:4) Sentro ng huwad na pagsamba ang sinaunang Babilonya. Kaya ang Babilonyang Dakila ay lumalarawan sa lahat ng uri ng huwad na pagsamba. Ang totoo, siya ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon.—Apoc. 17:5, 18; tingnan sa jw.org ang artikulo na “Ano ang Babilonyang Dakila?”
17. Ano ang mangyayari sa Babilonyang Dakila?
17 Ano ang mangyayari sa Babilonyang Dakila? Ganito ang sinasabi ng Apocalipsis 17:16, 17: “Ang 10 sungay na nakita mo at ang mabangis na hayop, ang mga ito ay mapopoot sa babaeng bayaran at gagawin nila siyang wasak at hubad, at uubusin nila ang laman niya at lubusan siyang susunugin. Dahil inilagay ng Diyos sa puso nila na gawin ang nasa isip niya.” Oo, uudyukan ni Jehova ang mga bansa na gamitin ang kulay-iskarlatang mabangis na hayop, ang United Nations, para salakayin ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon at lubusan itong puksain.—Apoc. 18:21-24.
18. Paano natin matitiyak na wala tayong anumang kaugnayan sa Babilonyang Dakila?
18 Ano ang kahulugan nito para sa atin? Kailangan nating panatilihin “ang uri ng pagsamba na malinis at walang dungis sa paningin ng ating Diyos.” (Sant. 1:27) Hinding-hindi natin hahayaang maimpluwensiyahan tayo ng huwad na mga turo, mga paganong selebrasyon, mababang moralidad, at ng espiritistikong mga gawain ng Babilonyang Dakila! At patuloy nating sasabihin sa mga tao na “lumabas . . . sa kaniya” para hindi sila madamay sa kasalanan niya sa harap ng Diyos.—Apoc. 18:4.
ANG HATOL SA PINAKAMATINDING KAAWAY NG DIYOS
19. Sino ang “malaki at kulay-apoy na dragon”?
19 May sinasabi rin ang aklat ng Apocalipsis tungkol sa “isang malaki at kulay-apoy na dragon.” (Apoc. 12:3) Nakipaglaban ang dragon na ito kay Jesus at sa kaniyang mga anghel. (Apoc. 12:7-9) Sinasalakay nito ang bayan ng Diyos, at binibigyan nito ng kapangyarihan ang mababangis na hayop o ang mga gobyerno. (Apoc. 12:17; 13:4) Sino ang dragon na ito? Siya “ang orihinal na ahas, ang tinatawag na Diyablo at Satanas.” (Apoc. 12:9; 20:2) Siya ang kumokontrol sa lahat ng iba pang kaaway ni Jehova.
20. Ano ang mangyayari sa dragon?
20 Ano ang mangyayari sa dragon? Sinasabi ng Apocalipsis 20:1-3 na ihahagis ng isang anghel si Satanas sa kalaliman. Katulad ito ng isang bilangguan para sa kaniya. Habang nasa kalaliman si Satanas, ‘hindi na niya maililigaw ang mga bansa hanggang sa matapos ang 1,000 taon.’ Pagkatapos, si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay ihahagis sa “lawa ng apoy at asupre.” Ibig sabihin, lubusan silang pupuksain. (Apoc. 20:10) Isip-isipin na lang kapag wala na si Satanas at ang kaniyang mga demonyo. Napakasaya ngang panahon iyon!
21. Bakit tayo puwedeng maging maligaya sa pagbabasa ng aklat ng Apocalipsis?
21 Talagang nakakapagpatibay na maintindihan ang kahulugan ng mga tanda na nakaulat sa aklat ng Apocalipsis! Hindi lang natin natukoy kung sino ang mga kaaway ni Jehova, nalaman din natin kung ano ang mangyayari sa kanila. Oo, “maligaya ang bumabasa nang malakas at ang mga nakikinig sa mga salita ng hulang ito.” (Apoc. 1:3) Pero kapag pinuksa na ang mga kaaway ng Diyos, anong mga pagpapala ang mararanasan ng mga tapat? Tatalakayin natin iyan sa susunod na artikulo.
AWIT 23 Nagsimula Nang Mamahala si Jehova
a Ipinapakilala ng aklat ng Apocalipsis ang mga kaaway ng Diyos sa pamamagitan ng mga tanda. Matutulungan tayo ng aklat ng Daniel na maintindihan ang kahulugan ng mga tandang iyon. Sa artikulong ito, pagkukumparahin natin ang ilang hula sa Daniel at ang katulad na mga hula sa Apocalipsis. Tutulungan tayo nito na matukoy ang mga kaaway ng Diyos. Pagkatapos, aalamin natin ang mangyayari sa kanila.
b Ang “10 sungay” ng mabangis na hayop na may 7 ulo ay patunay rin na lumalarawan ito sa lahat ng gobyerno ng tao. Madalas na ginagamit sa Bibliya ang bilang na 10 para ipakita ang pagiging kumpleto.
c Hindi tulad ng unang mabangis na hayop, ang estatuwang ito ay walang mga korona, o “diadema,” sa mga sungay nito. (Apoc. 13:1) Bakit? Dahil ‘nagmula ito sa pitong’ iba pang hari at galing sa kanila ang awtoridad nito.—Tingnan sa jw.org ang artikulo na “Ano ang Kulay-Iskarlatang Hayop sa Apocalipsis Kabanata 17?”