-
Pagtingin sa mga Kapakanan ng Matatanda NaAng Bantayan—1987 | Hunyo 1
-
-
na ay dapat ding umabot hanggang sa mga pamilyang nag-aasikaso sa kanila? Isang mag-asawa na nag-aasikaso sa kanilang matatanda nang mga magulang ang nag-ulat: “Imbis na patibayin-loob kami, ang mga iba sa kongregasyon ay naging totoong mapintasin. Isang sister ang nagsabi: ‘Kung patuloy na hindi kayo dadalo sa mga pulong, kayo’y magkakasakit sa espirituwal!’ Subalit ayaw naman niyang gumawa ng anuman upang tulungan kami na makadalo sa mga pulong.” Nakapagpapahina rin naman ng loob ang mga malalabong pangako gaya baga ng, Sakaling mangailangan kayo ng tulong, sabihin lamang ninyo sa akin. Kadalasa’y nakakatulad lamang ito ng pagsasabing, “Magpakainit ka at magpakabusog.” (Santiago 2:16) Anong laking kabutihan kung ang iyong pagmamalasakit ay lalakipan mo ng gawa! Ganito naman ang ulat ng isang mag-asawa: “Ang mga kaibigan ay totoong kahanga-hanga at madamayin! Ang iba sa kanila ay nag-aasikaso kay Inay sa loob ng mga dalawang araw upang kami’y makapahinga naman manaka-naka. Isinasama siya ng mga iba sa kanilang mga pag-aaral sa Bibliya. At tunay na nakapagpapalakas-loob pagka kinukumusta siya sa amin ng mga iba.”
20, 21. Ano naman ang magagawa ng matatanda na upang matulungan yaong nangangalaga sa kanila?
20 Sa pangkalahatan ang ating matatanda na ay binibigyan ng mainam na pangangalaga. Subalit, ano naman ang magagawa ng mga matatanda nang Saksi upang ang gayong gawain ay maisagawa nang may kagalakan at hindi nang may pagbubuntong-hininga? (Ihambing ang Hebreo 13:17.) Kayo’y makipagtulungan alang-alang sa mga kaayusan ng pag-aasikaso sa inyo na ginagawa ng mga tagapangasiwa. Kayo’y magpahayag ng pagpapasalamat at pagpapahalaga ukol sa anumang kagandahang-loob na ipinakita, at iwasan ang maging labis na mapaghanap o labis na mapintasin. At bagama’t ang mga kirot at hapdi ng katandaan ay talaga namang tunay, sikapin na maging masayahin, at magkaroon ng positibong saloobin.—Kawikaan 15:13.
21 ‘Kahanga-hanga ang mga kapatid. Ewan ko kung ano ang mangyayari sa akin kung wala sila,’ ang sabi ng maraming matatanda na. Datapuwat, ang may pangunahing pananagutan na mangalaga sa matatanda na ay ang kanilang mga anak. Ano ba ang kasangkot dito, at paano mahaharap sa pinakamagaling na paraan ang hamon na ito?
-
-
Pagsasagawa ng Makadiyos na Debosyon sa Matatanda Nang mga MagulangAng Bantayan—1987 | Hunyo 1
-
-
Pagsasagawa ng Makadiyos na Debosyon sa Matatanda Nang mga Magulang
“Ang [mga anak o mga apo] ay hayaang matuto muna na mamuhay ayon sa maka-Diyos na debosyon sa kanilang sariling sambahayan at patuloy na gumanti ng kaukulan sa kani-kanilang mga magulang at mga ninuno, sapagkat ito’y kalugud-lugod sa paningin ng Diyos.—1 TIMOTEO 5:4.
1, 2. (a) Sino sang-ayon sa Bibliya ang may pananagutan sa pangangalaga sa matatanda nang mga magulang? (b) Bakit isang bagay na seryoso para sa isang Kristiyano na pabayaan ang tungkuling ito?
BILANG isang bata, ikaw ay pinalaki at ipinagsanggalang nila. Bilang isang nasa hustong edad na, sila’y hiningan mo ng kanilang payo at pagsuporta. Ngunit ngayon sila ay matatanda na at nangangailangan ng susuporta naman sa kanila. Ang sabi ni apostol Pablo: “Ngunit kung ang sinumang biyuda ay may mga anak o mga apo, ang mga ito’y hayaang matuto muna na mamuhay ayon sa maka-Diyos na debosyon sa kanilang sariling sambahayan at patuloy na gumanti ng kaukulan sa kani-kanilang mga magulang at mga ninuno, sapagkat ito’y kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Tunay na kung ang sinuman ay hindi naglalaan para sa mga sariling kaniya, at lalo na para sa kaniyang sariling sambahayan, kaniyang itinakwil ang pananampalataya at lalong masama kaysa isang taong walang pananampalataya.”—1 Timoteo 5:4, 8.
2 Libu-libong mga Saksi ni Jehova sa ngayon ang nag-aalaga sa matatanda nang mga magulang. Ginagawa nila ito hindi lamang dahil sa “kabaitan” (The Living Bible) o “tungkulin” (The Jerusalem Bible) kundi dahil sa “maka-Diyos na debosyon,” samakatuwid nga, pagpapakundangan sa Diyos. Kanilang kinikilala na ang pagtalikod sa kanilang mga magulang sa panahon ng pangangailangan ay tulad sa ‘pagtatakwil sa [Kristiyanong] pananampalataya.’—Ihambing ang Tito 1:16.
‘Isabalikat ang Iyong Pasanin’ ng Pangangalaga
3. Bakit ang pangangalaga sa mga magulang ay maaaring maging isang tunay na hamon?
3 Ang pag-asikaso sa matatanda nang mga magulang ay naging isang hamon, lalo na sa mga bansang Kanluran. Ang mga pami-pamilya ay kadalasang kalat-kalat. Ang gastos ay patuloy na tumataas at hindi masupil ang pagtaas. Ang mga ginang ng tahanan ay malimit na naghahanapbuhay. Ang pangangalaga sa isang magulang na matanda na ay sa ganoon maaaring maging isang malaking trabaho, lalo na kung ang nag-aalaga ay may edad na rin. “Kami ngayon ay nasa edad na mahigit nang 50 taon, at may mga malalaki nang anak at mga apo na nangangailangan din ng tulong,” ang sabi ng isang sister na nakikipagpunyaging maalagaan ang magulang.
4, 5. (a) Sino ang sinasabi ng Bibliya na maaaring bumalikat na sama-sama sa pasanin ng pangangalaga? (b) Papaano iniwasan ng iba ang pananagutan sa kanilang mga magulang noong kaarawan ni Jesus?
4 Binanggit ni Pablo na ang responsabilidad ay maaaring balikatin na sama-sama ng “mga anak o mga apo.” (1 Timoteo 5:4) Subalit, kung minsan ang mga anak ay walang nais na ‘balikatin ang kanilang pasanin’ ng pangangalaga. (Ihambing ang Galacia 6:5.) “Ang aking ate ay katatalikod lamang sa kaniyang pananagutan,” ang reklamo ng isang tagapangasiwa. Subalit ang gayon kaya ay makalulugod kay Jehova? Alalahanin ang minsa’y sinabi ni Jesus sa mga Fariseo: “Sinabi ni Moises, ‘Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina’ . . . Datapuwat sinasabi ninyo na mga tao, ‘Kung sabihin ng isang tao sa kaniyang ama o sa kaniyang ina: “Anumang mayroon ako na maaari mong pakinabangan sa akin ay korban, (samakatuwid baga, isang kaloob na inialay sa Diyos,)”’—hindi na ninyo siya pinababayaang gumawa ng isa mang bagay para sa kaniyang ama o sa kaniyang ina, at sa gayo’y niwawalang-kabuluhan ninyo ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng inyong tradisyon.”—Marcos 7:10-13.
5 Kung ayaw ng isang Judio na tulungan ang kaniyang dukhang-dukhang mga magulang, kailangan lamang na sabihin niya ang kaniyang ari-arian ay “korban”—isang kaloob na itinabi para gamitin sa templo. (Ihambing ang Levitico 27:1-24.) Maliwanag dito na siya’y hindi maaaring piliting agad-agad na ibigay ang kaniyang itinuturing na kaloob. Kaya naman maaari niyang hawakan (at walang alinlangang gamitin) ang kaniyang mga ari-arian hanggang sa kung kailan niya gusto. Subalit kung ang kaniyang mga magulang ay nangangailangan ng tulong na salapi, maaari siyang kumawag-kawag upang makaalpas sa kaniyang tungkulin sa pamamagitan ng may pagbabanal-banalang pagsasabi na lahat ng kaniyang ari-arian ay “korban.” Sinumpa ni Jesus ang ganitong pagdaraya.
6. Anong motibo ang maaaring mag-udyok sa iba sa ngayon na iwasan ang kanilang mga tungkulin sa kanilang mga magulang, at ito ba’y nakalulugod sa Diyos?
6 Ang isang Kristiyano na gumagamit ng walang kabuluhang mga pagdadahilan upang makaiwas sa kaniyang tungkulin ay sa ganoon hindi makalilinlang sa Diyos. (Jeremias 17:9, 10) Totoo naman, ang mga problema sa pananalapi, pagkamasasakitin, o katulad na mga kalagayan ay maaaring maglagay ng malaking limitasyon sa laki ng nagagawa ng isang tao para sa kaniyang mga magulang. Ngunit ang iba ay maaaring walang pahalagahan kundi mga ari-arian, panahon, at pagsasarili higit kaysa kapakanan ng kanilang mga magulang. Anong laking pagpapaimbabaw na ipangaral ang Salita ng Diyos ngunit ‘walaing-kabuluhan’ yaon sa hindi natin pagkilos sa kapakanan ng ating mga magulang!
Pagtutulungan ng Pamilya
7. Paanong ang mga pamilya ay makapagtutulungan sa pangangalaga sa isang matanda nang magulang?
7 Ang ibang mga eksperto ay nagrirekomenda na pagka nagkaroon ng isang suliranin tungkol sa isang matanda nang magulang, maaaring tumawag ng komperensiya ng pamilya. Ang isang miyembro ng pamilya ay maaaring magsabalikat ng malaking bahagi ng pananagutan. Subalit sa pamamagitan ng mahinahon at maingat na “de kompiyansang pag-uusap,” malimit na ang mga pami-pamilya ay makagawa ng mga paraan upang sama-samang bumalikat ng pasanin. (Kawikaan 15:22) Ang iba na doon sa malayo naninirahan ay maaaring mag-abuloy ng pera at dumalaw pana-panahon. Ang iba naman ay maaaring tumulong sa mga gawaing-bahay o maglaan ng transportasyon. Siyanga pala, kahit na lamang ang pagsang-ayon na dalawin nang regular ang mga magulang ay maaaring maging isang mahalagang abuloy. Sabi ng isang sister na mahigit na 80 anyos tungkol sa pagdalaw ng kaniyang mga anak, “Gaya ito ng mabuting gamot na pampalakas!”
8. (a) Ang mga miyembro ba ng pamilya na nasa buong-panahong paglilingkod ay malilibre sa pagkakaroon ng bahagi sa pangangalaga sa kanilang mga magulang? (b) Para sa mga ibang nasa buong-panahong paglilingkod hanggang saan sila nakarating upang maisagawa nila ang mga obligasyon nila sa mga magulang?
8 Datapuwat, ang mga pami-pamilya ay maaaring mapaharap sa isang maselang na problema pagka ang isang miyembro ay nasa buong-panahong paglilingkod. Ang buong-panahong mga ministro ay hindi nagdadahilan upang makaalpas sa gayong mga obligasyon, at marami ang gumawa ng pambihirang mga pagsisikap upang maalagaan ang kanilang mga magulang. Sabi ng isang tagapangasiwa ng sirkito: “Kailanma’y hindi namin naisip kung gaano kabigat sa pisikal at sa emosyon ang pangangalaga sa aming mga magulang, lalo na pagka sinisikap din naman na matugunan ang mga kahilingan ng buong-panahong paglilingkod. Tunay, naabot na namin ang sukdulan ng aming pagtitiis at nadama namin na kailangan ang ‘lakas na higit kaysa karaniwan.’” (2 Corinto 4:7) Sana’y patuloy na alalayan ni Jehova ang gayong mga tao.
9. Anong pampatibay-loob ang maaaring ibigay sa mga wala nang magagawa pa kundi huminto sa buong-panahong paglilingkod upang mangalaga sa kanilang mga magulang?
9 Subalit, kung minsan, pagkatapos na pag-isipan ang lahat ng mga iba pang posibilidad, ang isang miyembro ng pamilya ay walang ibang magagawa kundi huminto sa buong-panahong paglilingkod. Mauunawaan naman, na ang gayong tao ay maaaring mayroong magkahalong mga damdamin sa pag-urong sa kaniyang mga pribilehiyo sa paglilingkod. ‘Batid namin na aming pananagutang Kristiyano na mangalaga sa aming ina na matanda na at may sakit,’ sabi ng isang dating misyonero. ‘Ngunit kung minsan ay isang damdamin iyon na totoong kakatwa.’ Datapuwat, tandaan na ang ‘pagsasagawa ng maka-Diyos na debosyon sa tahanan ay kalugud-lugod sa paningin ng Diyos.’ (1 Timoteo 5:4) Tandaan, din, na “hindi liko ang Diyos upang limutin ang inyong gawa at ang pag-ibig na ipinakita ninyo sa kaniyang pangalan, sa paglilingkod ninyo sa mga banal at patuloy kayong naglilingkod.” (Hebreo 6:10) Isang mag-asawa na huminto pagkatapos ng maraming taon ng buong-panahong paglilingkod ang nagsasabi: “Ang pananaw namin dito, ay na kasinghalaga rin para sa amin ngayon na alagaan ang aming mga magulang gaya ng kung paano kami naglingkod nang buong-panahon.”
10. (a) Bakit ang ilan ay marahil huminto sa buong-panahong paglilingkod nang wala sa panahon? (b) Ano ang dapat na maging pangmalas ng mga pamilya sa buong-panahong paglilingkod?
10 Gayumpaman, marahil ang ilan ay huminto sa buong-panahong paglilingkod nang wala sa panahon sapagkat ang kanilang mga kamag-anak ay nangatuwiran nang ganito: ‘Kayo naman ay hindi natatalian sa paghahanapbuhay at pagpapamilya. Bakit hindi kayo maaaring mag-alaga kay Itay at kay Inay?’ Subalit, hindi baga ang gawaing pangangaral ang pinakaapurahang gawain na isinasagawa sa ngayon? (Mateo 24:14; 28:19, 20) Samakatuwid ang mga nasa buong-panahong paglilingkod ay gumagawa ng isang napakahalagang gawain. (1 Timoteo 4:16) Gayundin, ipinakita ni Jesus na, sa mga ilang katayuan, baka ang paglilingkod sa Diyos ang kailangan munang unahin higit kaysa mga bagay-bagay ng pamilya.
11, 12. (a) Bakit ipinayo ni Jesus sa isang lalaki na ‘pabayaang ilibing ng mga patay ang kanilang mga patay’? (b) Anong mga kaayusan ang ginawa ng ilang pamilya kung ang isang miyembro ay nasa buong-panahong paglilingkod?
11 Halimbawa, nang isang lalaki ang tumanggi sa isang paanyaya na maging tagasunod ni Jesus, at ang sabi: “Tulutan mo muna akong makauwi at mailibing ko ang aking ama,” si Jesus ay tumugon: “Pabayaan mong ilibing ng mga patay [sa espirituwal] ang kanilang mga patay, datapuwat yumaon ka at ibalita mong malaganap ang kaharian ng Diyos.” (Lucas 9:59, 60) Yamang inililibing ng mga Judio ang mga patay sa araw na sila’y mamatay, malamang na ang ama ng lalaki ay hindi aktuwal na patay. Ang gusto lamang ng lalaking iyon ay makapiling ang kaniyang matanda nang ama hanggang sa kamatayan ng kaniyang ama. Yamang maliwanag na may mga iba pang kamag-anak na naroroon upang gumanap ng gawaing iyon, hinimok ni Jesus ang lalaki na ‘ibalita nang malaganap ang kaharian ng Diyos.’
12 Napatunayan din ng mga ibang pamilya na pagka lahat ng mga miyembro ay nagtutulungan, kadalasan ay naisasaayos para sa isang nasa buong-panahong paglilingkod na magkaroon ng bahagi sa pangangalaga sa kaniyang magulang habang nagpapatuloy pa rin siya sa buong-panahong paglilingkod. Halimbawa, ang mga ibang nasa buong-panahong ministeryo ay tumutulong sa kanilang mga magulang kung mga dulo ng sanlinggo o sa mga panahon ng bakasyon. Kapuna-puna, iginiit ng mga ilang matatanda nang magulang na ang kanilang mga anak ay manatili sa buong-panahong paglilingkod, kahit na kapalit nito ang malaki-laki rin namang pagsasakripisyo ng mga magulang. Saganang pinagpapala ni Jehova yaong mga taong inuuna muna ang mga kapakanang pangkaharian.—Mateo 6:33.
“Karunungan” at “Unawa” Pagka Nakipisan ang mga Magulang
13. Anong mga problema ang maaaring bumangon pagka ang isang magulang ay inanyayahan na makipisan sa kaniyang mga anak?
13 Isinaayos ni Jesus na ang kaniyang nabiyudang ina ay makipisan sa sumasampalatayang mga kamag-anak nito. (Juan 19:25-27) Maraming mga Saksi ang nag-anyaya rin naman sa kanilang mga magulang na makipisan sa kanila—at magtamasa ng maraming kagalakan at pagpapala dahil doon. Gayunman, ang di-magkakatugmang mga istilo ng pamumuhay, limitadong pagsasarili, at ang pagkahapo dahil sa araw-araw na pag-aasikaso ay kadalasang isang sagabal para sa lahat ng kinauukulan pagka nakipisan sa mga anak ang isang magulang. “Dahil sa pag-aasikaso kay Inay ay naging lalong maigting ang aking kalooban,” ang sabi ni Ann, na ang biyenang babae ay may sakit ng Alzheimer’s disease. “Kung minsan ay nawawalan na rin ako ng pasensiya at napagsasalitaan ko ng padalus-dalos si Inay—pagkatapos ay saka ako nakadarama ng malaking pagkakasala.”
14, 15. Paanong ang “karunungan” at “unawa” ay tumutulong upang ‘mapatibay’ ang isang pamilya sa ilalim ng mga kalagayang ito?
14 Sinabi ni Solomon na “sa pamamagitan ng karunungan ay titibay ang isang sambahayan, at sa pamamagitan ng unawa ay magiging matatag.” (Kawikaan 24:3) Halimbawa, pinagsikapan ni Ann na maging higit na maunawain sa problema ng kaniyang biyenang babae. “Laging isinasaisip ko na siya ay may sakit at hindi naman niya sinasadya ang gayong pagkilos.” Gayumpaman, “tayong lahat ay malimit natitisod. Kung sinuman ay hindi natitisod sa salita, ang isang ito ay taong sakdal.” (Santiago 3:2) Subalit kung may bumangong mga di-pagkakaunawaan, magpakita ng karunungan sa pamamagitan ng hindi pagiging mapagtanim laban sa iba o hindi pagpapadala sa silakbo ng galit. (Efeso 4:31, 32) Pag-usapan ninyo ang mga bagay-bagay bilang isang pamilya, at humanap ng mga paraan upang magkaayos kayo sa pamamagitan ng mga kompromiso.
15 Ang unawa ay tumutulong din upang ang isa’y mabisang makipagtalastasan. (Kawikaan 20:5) Baka ang isang magulang ay nahihirapan na makibagay sa rutina ng bagong tahanan. O baka dahil sa mahinang takbo ng kaisipan, malimit na siya’y hindi nakikipagtulungan. Sa ilalim ng mga ilang kalagayan, baka walang magagawa kundi ang magsalita na nang may katatagan. (Ihambing ang Genesis 43:6-11.) “Kung hindi ko pinahindian ang aking ina,” ang sabi ng isang sister, “kaniyang gagastahin ang lahat ng pera niya.” Napatunayan ng isang tagapangasiwa na maaari niyang samantalahin ang pagmamahal sa kaniya ng kaniyang nanay. “Malimit na kung hindi umubra ang pangangatuwiran, ay basta sasabihin ko, ‘Inay, puwede po bang gawin ninyo iyan alang-alang sa akin?’ at saka lamang siya nakikinig.”
16. Bakit ang isang mapagmahal na asawang lalaki ay kailangang magpakita ng “unawa” sa pakikitungo sa kaniyang asawa? Paano niya magagawa ang gayon?
16 Yamang ang asawang babae ang malimit na bumabalikat ng karamihan ng pasanin ng pangangalaga, titingnan ng maunawaing asawang lalaki na ito’y hindi naman nahahapo—sa paraang emosyonal, pisikal, o espirituwal. Ang sabi ng Kawikaan 24:10: “Ikaw ba’y nasisiraan ng loob sa araw ng kagipitan? Ang lakas ay uunti.” Ano ba ang magagawa ng isang asawang lalaki upang manumbalik ang sigla ng kaniyang asawa? “Ang mister ko ay uuwi sa amin,” ang sabi ng isang sister, “at yayakapin ako at sasabihin sa akin na ako’y mahal na mahal niya. Hindi manunumbalik ang sigla ko kung hindi sa kaniya!” (Efeso 5:25, 28, 29) Ang asawang lalaki ay maaari ring mag-aral ng Bibliya at regular na manalanging kasama ng kaniyang maybahay. Oo, kahit na sa ilalim ng mahihirap na mga kalagayang ito, ang isang pamilya ay “titibay.”
Pangangalaga na Ibinibigay ng mga “Nursing-Home”
17, 18. (a) Anong hakbang ang napilitan ang mga ibang pamilya na gawin? (b) Sa gayong mga kaso, paanong ang malalaki nang mga anak ay makatutulong sa kanilang mga magulang upang mapasaayos?
17 Ganito ang sabi ng isang gerontologist: “May punto na kung saan ang pamilya’y walang kasanayan o dili kaya’y salapi upang doon alagaan sa bahay [ang magulang].” Gaya ng sabi ng isang asawang lalaki: “Sumapit iyon sa punto na kung saan nasira ang kalusugan ng aking maybahay dahilan sa pagsisikap niya na pagsilbihan si Inay nang 24-oras. Wala kaming magagawa kundi ipasok si Inay sa isang nursing home o ampunan para sa matatanda na. Subalit sa paggawa nito ay wasak ang aming mga puso.”
18 Baka ang pangangalaga ng isang nursing home ang pinakamagaling na pangangalagang maibibigay sa ilalim ng gayong kalagayan. Subalit, ang mga matatanda nang ipinapasok sa gayong mga ampunan ay kadalasang naguguluhan ang isip at nalulumbay, sa pagkadama nila na sila’y abandonado. “Maingat na ipinaliwanag namin kay Inay kung bakit namin ginawa ito,” ang sabi ng isang sister na tatawagin nating Greta. “Siya’y natutong makibagay at ngayon ay itinuturing niyang tahanan ang dakong iyon.” Ang regular na mga pagdalaw ay nagpapagaang sa intindihin ng mga magulang sa pamamagitan ng kaayusang iyon at nagpapatunay sa pagiging tunay ng inyong pag-ibig para sa kanila. (Ihambing ang 2 Corinto 8:8.) Kung dahil sa kalayuan ay nagkakaroon ng problema, makipagtalastasan palagi sa pamamagitan ng telepono, ng mga liham, at pana-panahong mga pagdalaw. (Ihambing ang 2 Juan 12.) Gayumpaman, ang pamumuhay sa gitna ng mga taong makasanlibutan ay maliwanag na may mga sagabal. Maging ‘palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.’ (Mateo 5:3) “Binigyan namin si Inay ng mga mababasa, at sinikap naming talakayin sa kaniya ang espirituwal na mga bagay hangga’t maaari,” ang sabi ni Greta.
19. (a) Anong pag-iingat ang dapat gawin sa pagpili at pagsubaybay sa pangangalaga na ginagawa ng isang nursing home? (b) Paano nakikinabang ang isang Kristiyano kung ginagawa niya ang kaniyang buong kaya sa pangangalaga sa isang magulang?
19 Ang The Wall Street Journal ay nag-ulat tungkol sa pag-aaral na ginawa sa 406 na mga nursing home sa E.U. na kung saan “mga isang-kalima ang inakalang potensiyal na mapanganib sa mga naninirahan doon at halos kalahati lamang ang nakaabot sa pinakakakaunting mga pamantayan.” Malungkot sabihin, ang gayong mga ulat ay karaniwan na. Kaya kung kinakailangan ang pangangalaga ng nursing home, maging maingat ng pagpili. Personal na dalawin iyon upang mapatunayan kung iyon ay malinis, mainam ang pagkamantener, may kuwalipikadong mga tagapag-asikaso, may kapaligiran na tulad-tahanan, at nagbibigay ng sapat na pagkain. Subaybayan nang buong ingat ang pangangalaga na ibinibigay sa iyong mga magulang. Alalayan sila, tulungan sila na iwasan ang tiwaling mga situwasyon na maaaring bumangon, baka sa mga bagay na may kinalaman sa makasanlibutang mga kapistahan o paglilibang. Sa pamamagitan ng pagbibigay ng iyong buong kaya upang mabigyan ang iyong mga magulang ng pinakamagaling na pangangalaga sa ilalim ng gayong mga kalagayan, maiiwasan mo ang ikaw ay makadama ng pagkakasala na liligalig sa iyo.—Ihambing ang 2 Corinto 1:12.
Masasayang Tagapagbigay, Masasayang Tagatanggap
20. Bakit mahalaga na ang mga anak ay maging masasayang mga tagapagbigay?
20 “Naging mahirap,” ang sabi ng isang babaing Kristiyano tungkol sa pangangalaga niya sa kaniyang mga magulang. “Ako’y nagluluto para sa kanila, naglilinis, nakikitungo sa kanilang mga pag-iyak-iyak, aking pinapalitan ang kanilang mga gamit sa higaan pagka sila’y napaihi na roon.” “Pero anuman ang nagawa namin para sa kanila,” ang sabi pa ng kaniyang asawa, “iyon ay ginawa namin nang may kagalakan—masayahin. Pinagsumikapan namin na huwag akalain ng aming mga magulang na kinayayamutan namin ang ginagawa namin na pag-aalaga sa kanila.” (2 Corinto 9:7) Ang mga matatanda na ay kadalasang atubili na tumanggap ng tulong at ayaw nila na maging isang pasanin sa iba. Ang saloobin na ipinakikita mo ay mahalaga kung gayon.
21. (a) Paanong ang mga magulang ay magiging masasayang tagatanggap? (b) Bakit isang karunungan para sa isang magulang na magplano nang patiuna para sa kaniyang pagtanda?
21 Gayundin naman, ang saloobin na ipinakikita ng mga magulang ay mahalaga rin. Ganito ang naalaala pa ng isang sister: “Anuman ang gawin ko para kay Inay, siya’y hindi nasisiyahan.” Samakatuwid, mga magulang, iwasan ang pagiging di-makatuwiran o ang pagiging labis na mapaghanap. Higit sa lahat, ang Bibliya ay nagsasabi na “hindi nararapat ipagtipon ng mga anak ang mga magulang, kundi ng mga magulang ang mga anak.” (2 Corinto 12:14) May mga magulang na bulagsak sa kanilang mga ari-arian at nagiging isang di-kinakailangang pabigat sa kanilang mga anak. Gayunman, ang Kawikaan 13:22 ay nagsasabi: “Ang mabuti ay nag-iiwan ng mana sa mga anak ng kaniyang mga anak.” Hangga’t maaari, ang mga magulang ay maaari kung gayon na magplano nang patiuna para sa kanilang pagtanda, at patiunang magtabi ng pondo at gumawa ng mga ilang kaayusan para dito.—Kawikaan 21:5.
22. Papaano dapat malasin ng isang tao ang pagsisikap na ginagawa niya upang alagaan ang kaniyang matatanda nang mga magulang?
22 Mainam ang pagkasabi ni Pablo nang sabihin niya na ang pangangalaga sa mga magulang ay kaukulang “kagantihan.” (1 Timoteo 5:4) Gaya ng pagkasabi ng isang kapatid na lalaki: “Ako’y inalagaan ni Inay nang may 20 taon. Ano ba ang aking nagawa kung ihahambing diyan?” Harinawang lahat ng mga Kristiyano na may matatanda nang mga magulang ay mapukaw din na ‘magsagawa ng maka-Diyos na debosyon sa tahanan,’ sa pagkaalam na sila’y gagantihing sagana ng Diyos na nangangako sa mga taong gumagalang sa kanilang mga magulang: “Ikaw [ay] mabubuhay ng matagal sa lupa.”—Efeso 6:3.
Mga Punto na Dapat Tandaan
◻ Paanong ang mga iba noong kaarawan ni Jesus ay naghangad na maiwasan ang pananagutan sa kanilang mga magulang?
◻ Sino ang dapat mangalaga sa matatanda nang mga magulang, at bakit?
◻ Anong mga problema ang maaaring maranasan ng mga pamilya pagka pumisan sa kanila ang isang magulang, at paano mapagtatagumpayan ang mga problemang ito?
◻ Bakit baka kailanganin ang pangangalaga na ibinibigay ng mga nursing home, at paano matutulungan ang mga magulang upang makibagay sa pamumuhay doon?
[Larawan sa pahina 15]
Maaaring magkomperensiya ang pamilya upang pag-usapan kung paano sila’y magtutulung-tulong sa pangangalaga sa magulang
[Larawan sa pahina 17]
Kung kinakailangan ang pangangalaga sa nursing home, ang regular na mga pagdalaw ay kailangan para sa emosyonal at espirituwal na ikapapanuto ng mga matatanda na
-