-
Masturbasyon—Gaano Ito Kalubha?Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas
-
-
Kabanata 25
Masturbasyon—Gaano Ito Kalubha?
“Iniisip ko kung baga ang masturbasyon ay mali sa mata ng Diyos. Aapekto ba ito sa kalusugan ng aking katawan at isip sa hinaharap at kung sakaling ako ay mag-asawa na?”—Si Melissa, isang 15-anyos.
MARAMING kabataan ang binabagabag ng mga tanong na ito. Bakit? Popular ang masturbasyon. Ayon sa ulat, 97 porsiyento ng mga lalaki at 90 porsiyento ng mga babae ang dumanas na nito pagsapit sa edad na 21. Bukod dito, ang ugaling ito ay pinagbubuntunan ng sisi dahil sa lahat na ng uri ng sakit—mula sa mga kulugo at namumulang talukap-mata hanggang sa epilepsiya at sakit sa isipan.
Ang ganitong nakagigitlang mga kapahayagan ay hindi na ginagawa ngayon ng ikadalawampung-siglong mga tagasaliksik sa medisina. Oo, naniniwala ang mga doktor ngayon na walang pisikal na karamdaman ang maaaring ibunga ng masturbasyon. Idinagdag ng mga tagasaliksik na sina William Masters at Virginia Johnson na “walang matatag na ebidensiyang medikal na nagpapakitang ang masturbasyon, gaano man ito kadalas, ay umaakay sa sakit ng isipan.” Gayumpaman, ito ay may ibang masamang epekto! At matuwid lamang na ang mga kabataang Kristiyano ay mabahala sa kaugaliang ito. “Nang ako ay matukso [sa masturbasyon], ang pakiramdam ko’y parang binibigo ko ang Diyos na Jehova,” sumulat ang isang kabataan. “Kung minsan ako ay talagang ginigiyagis ng kalumbayan.”
Ano nga ba ang masturbasyon? Gaano ito kalubha, at bakit napakaraming kabataan ang nakatutuklas na ito’y bisyo na mahirap iwasan?
Bakit Madaling Matukso ang Kabataan
Ang masturbasyon ay ang kusang pagpapasigla sa sarili upang ang isa ay mapukaw sa sekso. Sa pamumukadkad ng kabataan, ay sumisidhi ang mga seksuwal na hangarin. Lumilikha ang katawan ng matatapang na hormone na umaapekto sa mga sangkap sa pag-aanak. Kaya natutuklasan ng isang kabataan na ang mga sangkap na ito ay nagdudulot ng kakaibang kasiyahan. At madalas na ang isang kabataan ay napupukaw sa sekso kahit hindi niya ito pinag-iisipan.
Halimbawa, ang kaigtingan na ibinubunga ng iba’t-ibang alalahanin, pangamba, o kabiguan ay nakaaapekto sa sensitibong nervous system ng isang kabataang lalaki at lumilikha ng pagkapukaw sa sekso. Dahil sa naipong semilya baka magising siya na siglang-sigla sa seksuwal na paraan. O baka labasan siya habang natutulog, at karaniwan nang ito ay kasabay ng isang erotikong panaginip. Kahawig nito, maaaring matuklasan ng ibang mga babae na sa di sinasadya’y napupukaw ang kanilang sarili. Marami ang nagkakaroon ng masidhing hangarin sa sekso kapag malapit na o katatapos pa lamang ng kanilang buwanang karamdaman.
Kaya kung naranasan mo na ang ganitong pagkapukaw, wala kang diperensiya. Ito’y normal na reaksiyon ng katawan ng isang kabataan. Ang mga damdaming ito, gaano man kasidhi, ay hindi gaya ng masturbasyon, yamang ito nama’y hindi kinukusa. At habang nagkakaedad, ang pagsidhi ng mga bagong damdaming ito ay huhupa rin.
Gayunman, dahil sa pagkausisa at sa pagiging bago ng mga damdaming ito, maraming kabataan ang kusang pumupukaw, o naglalaro, sa kanilang mga sangkap sa sekso.
‘Pampaalab sa Isipan’
Inilalarawan ng Bibliya ang isang binatang nakipagtagpo sa masamang babae. Hinahagkan siya nito at nagsasabi: “Parito ka, . . . magpakasaya tayo sa mga pagsisintahan.” Ano ang nangyari pagkatapos? “Pagdaka ay sumusunod siya rito, gaya ng toro na naparoroon sa katayan.” (Kawikaan 7:7-22) Tiyak, ang binatang ito ay napukaw hindi lamang ng kaniyang mga hormone kundi dahil sa kaniyang nakita at narinig.
Kahawig nito, ay umamin ang isang binata: ‘Ang ugat ng problema ko sa masturbasyon ay nasasalig sa kung ano ang ipinapasok ko sa aking isipan. Nanonood ako ng mga programa sa TV tungkol sa imoralidad at kung minsan ay nanonood ng mga programa sa cable TV na nagtatanghal ng mga tauhang hubo’t hubad. Nakagigitla ang mga tagpong yaon anupa’t mahirap mong makalimutan. Paulit-ulit ko itong naaalaala, at nagiging pampaalab sa isipan na umaakay sa masturbasyon.’
Oo, ang masturbasyon ay madalas napagniningas ng binabasa, pinanonood, o pinakikinggan, pati na kung ano ang pinag-uusapan o binubulaybulay ng isa. Inamin ng isang 25-anyos na babae: “Parang hindi ko masugpo ang bisyo. Pero, mahilig akong magbasa ng mga nobelang pangromansa, at ito ang nagpapalala sa problema.”
Isang “Kalmante”
Isinisiwalat ng karanasan ng dalagang ito kung ano ang pangunahing dahilan at napakahirap sugpuin ang ugaling ito. Ipinagpatuloy pa niya: “Madalas ay ginagawa ko ito upang maibsan ang presyon, tensiyon, o pagkabalisa. Ang panandaliang kasiyahan nito ay gaya niyaong dulot ng alak na nagpapakalma sa isang lasenggo.”
Ganito ang isinulat ng mga tagasaliksik na sina Suzanne at Irving Sarnoff: “Para sa iba ang masturbasyon ay isang bisyo na nagdudulot ng ginhawa kapag nakadarama sila ng pagkapahiya o kabalisahan sa isang bagay. Gayunman, ang iba ay paminsan-minsan lamang nahihila rito, kapag sila ay napapaharap sa malubhang emosyonal na kaigtingan.” Maliwanag, na ang iba ay bumabaling din sa bisyong ito kapag balisa, nalulumbay, nalulungkot, o kapag nakadarama ng malubhang kaigtingan; ito’y nagiging isang “kalmante” na pumapawi sa kanilang mga suliranin.
Ano ang Sinasabi ng Bibliya?
Isang kabataan ang nagtanong: “Ang masturbasyon ba’y kasalanan na hindi mapatatawad?” Ang masturbasyon ay hindi kailanman binabanggit sa Bibliya.a Ang kaugaliang ito ay popular noong kapanahunan ng Bibliya sa gitna ng mga Griego, at may ilang salitang Griego na ginagamit upang tumukoy dito. Subali’t isa man sa mga salitang ito ay hindi ginagamit sa Bibliya.
Yamang ang masturbasyon ay hindi tuwirang hinahatulan sa Bibliya, nangangahulugan ba na hindi ito nakapipinsala? Hindi ganoon! Bagaman hindi ginagawang kauri ng mabibigat na kasalanang tulad ng pakikiapid, walang pagsalang ang masturbasyon ay isang maruming bisyo. (Efeso 4:19) Kaya ipinakikita ng mga simulain ng Salita ng Diyos na ‘makikinabang ka’ kung matatag mong lalabanan ang maruming bisyong ito.—Isaias 48:17.
Pagpukaw sa “Pita sa Sekso”
“Patayin nga ninyo ang inyong mga sangkap ng katawan,” payo ng Bibliya, “may kinalaman sa . . . pita sa sekso.” (Colosas 3:5) Ang “pita sa sekso” ay tumutukoy hindi sa normal na damdamin sa sekso kundi sa walang taros na simbuyo ng kalooban. Kaya ang ganitong “pita sa sekso” ay maaaring umakay sa gayon sa napakahalay na mga gawa, gaya ng binabanggit ni Pablo sa Roma 1:26, 27.
Pero hindi ba ‘pinapatay’ ng masturbasyon ang mga pitang ito? Hindi, sa kabaligtaran, gaya ng inamin ng isang kabataan: “Kapag ikaw ay nagsasagawa ng masturbasyon, ang isipan mo ay namamalagi sa masasamang hangarin, at wala itong ginagawa kundi paningasin ang iyong pita.” Malimit gamitin ang isang mahalay na pantasiya upang papag-alabin ang kasiyahan sa sekso. (Mateo 5:27, 28) Kaya, kapag ipinahintulot ng pagkakataon, ang isa ay napakadaling mahulog sa imoralidad. Nangyari ito sa isang kabataan, na umamin: “Noon, inakala ko na maiibsan ng masturbasyon ang pagkasiphayo kahit walang babaing nasasangkot. Subalit lalong tumubo ang masidhing pagnanais na makipagtalik sa isa.” Nagkasala siya ng pakikiapid. Hindi katakataka, na isang pambansang pagsusuri ang nagsiwalat na karamihan ng mga tinedyer na gumagawa ng masturbasyon ay nagkakasala din naman ng pakikiapid. Mahigit na 50 porsiyento ang kahigitan ng mga ito kaysa sa mga hindi pa nakikipagtalik!
Nagpaparumi sa Isip at Emosyon
Ang masturbasyon ay naghahasik din ng mga saloobin na nagpapasamâ sa isipan. (Ihambing ang 2 Corinto 11:3.) Kapag gumagawa nito, ang isa ay lubusang napapailalim sa mga pakiramdam ng sarili niyang katawan—sarili lamang ang iniisip. Ang sekso ay naibubukod sa pag-ibig at nauuwi na lamang sa isang ugali na nagpapahupa ng tensiyon. Subali’t nilayon ng Diyos na ang seksuwal na mga damdamin ay masapatan ng seksuwal na pagtatalik—isang kapahayagan ng pag-ibig sa pagitan ng lalaki at ng kaniyang asawa.—Kawikaan 5:15-19.
Ang isang nagsasagawa ng masturbasyon ay nahihilig ding tumingin sa di-kasekso bilang mga seksuwal na bagay lamang—mga kasangkapan ukol sa seksuwal na kasiyahan. Sa gayon ang maling mga saloobin na itinuturo ng masturbasyon ay nagpaparumi sa “espiritu” o, nangingibabaw na hilig ng isipan ng isang tao. Sa maraming kalagayan, ang mga suliranin na likha ng masturbasyon ay nagpapatuloy kahit na ang isa ay may asawa na! Kaya may mabuting dahilan, na ang Salita ng Diyos ay humihimok: “Mga minamahal, magsipaglinis tayo sa lahat ng karumihan ng laman at ng espiritu.”—2 Corinto 7:1.
Isang Timbang na Pangmalas sa Pagkakasala
Maraming kabataan, bagaman medyo nagtatagumpay sa pagsugpo sa masamang bisyong ito, ay paminsan-minsan pa ring nadadaig nito. Mabuti na lamang at ang Diyos ay napakamaawain. “Sapagkat ikaw, O Jehova, ay mabuti at handang magpatawad,” sabi ng mang-aawit. (Awit 86:5) Kapag ang isang Kristiyano ay sumuko sa masturbasyon, madalas na siya ay hinahatulan ng sarili niyang puso. Gayunma’y sinasabi ng Bibliya na “ang Diyos ay lalong dakila kaysa ating puso at nalalaman niya ang lahat ng mga bagay.” (1 Juan 3:20) Higit pa kaysa mga kasalanan natin ang nakikita ng Diyos. Dahil sa kadakilaan ng kaniyang kaalaman siya ay maaaring makinig nang may pagmamalasakit sa taimtim nating mga pagsusumamo ukol sa kapatawaran. Gaya ng isinulat ng isang dalaga: “Nakadama din ako ng pagkakasala, subalit kapag natutukso, ako ay naiingatan mula sa labis na kalumbayan palibhasa’y alam ko na si Jehova ay isang maibiging Diyos at na nababasa niya ang aking puso at alam niya ang lahat ng aking pagsisikap at intensiyon.” Kung lalabanan mo ang pita ng masturbasyon, mahirap kang matukso sa mabigat na kasalanan ng pakikiapid.
Sinabi ng The Watchtower sa labas ng Setyembre 1, 1959: “[Baka] matuklasan natin na madalas tayong matisod at mahulog sa isang masamang ugali na mas malalim na ang pagkakaugat sa dati nating paraan ng pamumuhay kaysa inaakala natin. . . . Huwag manghihina ang iyong loob. Huwag isiping nagawa mo na ang kasalanang hindi mapatatawad. Ito nga ang gusto ni Satanas na maging pangangatuwiran mo. Ang bagay na nakakadama ka ng pagkalumbay at pagkasiphayo sa sarili ay katibayan mismo na hindi ka pa lubhang napapalaot. Huwag manghimagod sa buong-pagpapakumbaba at buong-taimtim na pananawagan sa Diyos, na humihingi ng kaniyang kapatawaran at paglilinis at tulong. Lumapit ka sa kaniya kung papaanong ang isang bata ay lumalapit sa kaniyang ama kapag nagigipit, gaano man kadalas sa iyo’t iyon ding pagkakasala, at may-kabaitang ipagkakaloob sa iyo ni Jehova ang tulong dahil sa kaniyang di-sana nararapat na kagandahang-loob at, kung talagang taimtim ka, ay ipagkakaloob sa iyo ang isang nilinis na konsiyensiya.”
Papaano makakamit ang ganitong “nilinis na konsiyensiya”?
-
-
Masturbasyon—Papaano Ko Madadaig ang Tukso?Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas
-
-
Kabanata 26
Masturbasyon—Papaano Ko Madadaig ang Tukso?
“ITO ay napakahigpit umalipin,” sabi ng isang binata na mahigit na 15 taóng nakipagpunyagi sa masturbasyon. “Nakakasugapa ito na gaya ng alinmang droga o inuming may alkohol.”
Gayunman, hindi pinahintulutan ni apostol Pablo ang kaniyang mga hangarin na maging isang marahas na panginoon. Sa halip, ay sumulat siya: “Hinahampas ko ang aking katawan [mga pita ng laman] at aking sinusupil.” (1 Corinto 9:27) Hinigpitan niya ang kaniyang sarili! Ang ganito ring pagsisikap ay tutulong sa kaninuman upang makahulagpos sa masturbasyon.
“Humandang Pakilusin ang Inyong Isipan”
Marami ang nagsasagawa ng masturbasyon upang maibsan ang tensiyon at pagkabalisa. Gayunman, ang masturbasyon ay isang tulad-musmos na paraan ng pagharap sa mga problema. (Ihambing ang 1 Corinto 13:11.) Mas mabuti pang magpamalas ng “kakayahang mag-isip” at salakayin ang problema nang harapan. (Kawikaan 1:4) Kapag waring madadaig ka na ng iyong mga problema at kabiguan, ay dapat mong “ilagak ang lahat ng iyong kabalisahan sa [Diyos].”—1 Pedro 5:6, 7.
Ano kaya kung sa di-sinasadya ay may nakita ka o narinig na nakapupukaw sa sekso? Nagmumungkahi ang Bibliya: “Humandang pakilusin ang inyong isipan; magkaroon ng pagpipigil sa sarili.” (1 Pedro 1:13, New International Version) Pakilusin ang iyong isipan at itakwil ang masamang kaisipan. Hindi magtatagal at ang pagkapukaw ay manlalamig.
Kung sa bagay, ang pagtatakwil sa masasamang isipan ay mas mahirap gawin kapag ikaw ay nag-iisa kung gabi. Isang dalaga ang nagpapayo: “Ang pinakamabuting gawin ay ang bumangon kaagad at maging abala sa alinmang uri ng trabaho, o marahil ay magmeryenda nang kaunti, para ang iyong isipan ay maibaling mo sa ibang bagay.” Oo, pilitin mo ang sarili na ‘isaalang-alang ang mga bagay na kagalang-galang, matuwid, malinis, kaibig-ibig, at may mabuting ulat.’—Filipos 4:8.
Kapag ayaw kang dalawin ng antok, sikaping tumulad sa tapat na Haring si David, na sumulat nang ganito: “Pagka naaalaala kita [Diyos] sa aking higaan, ginugunita kita sa pagbabantay sa gabi.” (Awit 63:6) Ang pananaginip nang gising ay mapuputol kung pipilitin mo ang iyong isip na magbulaybulay tungkol sa Diyos at sa kaniyang mga katangian. Nakatutulong din ang pag-iisip sa kung papaano minamalas ng Diyos ang maruming bisyong ito.—Awit 97:10.
Kumuha ng mga Hakbang na Pansawata
“Matalino ang tao na nakakakita ng kasakunaan at nagkukubli, subalit ang mangmang ay patuloy na dumadaan at napahihirapan,” sinabi ng kinasihang pantas. (Kawikaan 22:3) Mapatutunayan mo na ikaw ay matalino sa pamamagitan ng patiunang pag-iisip. Halimbawa, kung matutuklasan mo na ang ilang aktibidad, pagsusuot ng pitis na mga damit, o ang pagkain ng ilang uri ng pagkain ay nakapupukaw sa seksuwal na paraan, dapat mong pakaiwasan ang mga ito. Ang mga inuming may alkohol, halimbawa na, ay nag-aalis ng pagkahiya at lalong nagpapahirap sa pagpipigil sa sarili. Bukod dito, iwasang parang salot ang alinmang babasahin, programa sa TV, o mga palabas sa sine na tumatalakay sa sekso. “Alisin mo ang aking mga mata sa pagtingin sa mga walang kabuluhan,” ang dalangin ng mang-aawit.—Awit 119:37.
Makakukuha ka rin ng mga hakbang na pansawata kapag panahong ikaw ay mas madaling matukso. Maaaring matuklasan ng isang dalaga na ang kaniyang mga pita sa sekso ay lalong sumisidhi sa mga tiyak na petsa sa bawat buwan. O baka ang damdamin ng isa ay nasaktan o kaya siya’y nalulumbay. “Kung ikaw ay manlupaypay sa kaarawan ng kasakunaan, ang iyong kalakasan ay munti,” babala ng Kawikaan 24:10. Kaya iwasan ang pag-iisa sa mahahabang yugto ng panahon. Magplano ng nakapagpapatibay na mga gawain na magsasangkot ng isipan sa mga proyektong humahamon, sa gayo’y nababawasan ang posibilidad na ito ay maakit ng imoral na mga kaisipan.
Isang Espirituwal na Pakikibaka
Nagtagumpay din sa wakas ang isang 27-anyos na lalaki na nakipagpunyagi sa bisyong ito mula noong siya’y 11 pa lamang. “Kailangan talaga na sa iyo magsimula ang pakikibaka,” paliwanag niya. “Binasa ko ang Bibliya, hindi kukulangin sa dalawang kabanata bawat araw nang walang palya.” Ginawa niya ito nang walang patid sa loob ng tatlong taon. Ganito rin ang ipinayo ng isa pang Kristiyano: “Bago matulog sa gabi, magbasa ka ng isang bagay na may kinalaman sa espirituwal. Lubhang mahalaga na ang huling maiiwan sa iyong isipan sa araw na yaon ay ang espirituwal. Napakalaki ring tulong ang panalangin sa ganitong panahon.”
Nakakatulong din ang “pagiging abala sa gawain ng Panginoon,” gaya ng pagtuturo ng Bibliya sa iba. (1 Corinto 15:58) Sinabi ng isang babae na nagtagumpay sa masturbasyon: “Isang bagay na talagang tumutulong sa akin ngayon na umiwas sa bisyong ito ay ang pagiging isang buong-panahong ebanghelisador sapagkat ang aking buong isip at lakas ay naibabaling sa pagtulong sa iba na makapagtamo ng sinang-ayunang pakikipag-ugnayan sa Diyos.”
Sa pamamagitan ng taos-pusong panalangin, makahihiling ka rin sa Diyos ng “kapangyarihan na higit sa karaniwan.” (2 Corinto 4:7) “Sa harapan niya [ng Diyos] ay ihinga ninyo ang laman ng inyong puso.” (Awit 62:8) Isang dalaga ang nagsabi: “Ang panalangin ay isang kagyat na moog ng kalakasan. Tiyak na nakatutulong ang pananalangin kapag panahon na sumisidhi ang pita.” Bukod dito, kapag bumabangon at sa buong maghapon, ipahayag sa Diyos ang iyong pasiya at humingi ng kaniyang nagpapalakas na banal na espiritu.—Lucas 11:13.
Tulong Mula sa Iba
Kung hindi magtagumpay ang iyong mga pagsisikap, makipag-usap sa sinumang makatutulong, gaya baga ng isang magulang o matandang Kristiyano. Matutuklasan ng nakababatang mga babae na nakatutulong ang sumangguni sa isang maygulang na babaing Kristiyano. (Tito 2:3-5) Isang binata na halos mawalan na ng loob ang nagsabi: “Isang gabi ay kinausap ko nang sarilinan ang aking tatay tungkol dito.” Sinabi niya: “Ginawa ko ang buong makakaya upang magtapat sa kaniya. Umiiyak ako habang kinakausap siya, hiyang-hiya ako. Pero hindi ko malilimutan ang sinabi niya. Kasabay ng may pagtitiwalang ngiti, ay sinabi niya: ‘Dahil dito ay talagang maipagmamalaki kita.’ Alam niya kung gaano kahirap para sa akin na banggitin ang puntong yaon. Wala nang salitang makapagpapaangat pa sa aking espiritu at determinasyon na gaya niyaong binigkas niya.
“Pagkatapos nito ay ipinakita ni tatay sa akin ang ilang kasulatan na tumulong sa akin upang makita na ako ay hindi pa ‘talagang napapalaot,’” patuloy ng binata, “at pagkatapos ay ilan pa uling kasulatan upang matiyak na naiintindihan ko ang pagiging seryoso ng aking maling landasin. Sinabi niya na ‘gawin kong malinis ang aking rekord’ hanggang sa isang tiyak na yugto ng panahon, at pagkatapos ay muli namin itong pag-uusapan. Sinabi niyang hindi ko dapat pahintulutang magpahina ito sa aking loob sakaling ako ay muling matukso, basta habang magagawa ko ay sikaping huwag nang maulit yaon kaagad.” Matapos na lubusang mapagtagumpayan ang suliranin, ay idinagdag ng binatang ito: “Ang pinakamalaking pakinabang ay ang pagkakaroon ng isa na nakaunawa at nakatulong sa aking problema.”
Kapag Muling Nagkasala
Matapos pagsikapang mapagtagumpayan ang bisyo, isang kabataan ang muling nagkasala. Inamin niya: “Gaya ito ng isang pabigat na dumadagan sa akin. Sa dama ko’y wala na akong silbi. Kaya nangatuwiran ako: ‘Masyado na akong napalaot. Hindi na ako sinasang-ayunan ni Jehova, kaya bakit ko pa pahihirapan ang aking sarili?’” Subalit, ang muling pagkakasala ay hindi nangangahulugan na ang isa ay talunan na. Naaalaala ng isang 19-anyos na babae: “Sa pasimula’y nangyari ito halos gabi-gabi, pero higit akong nagtiwala kay Jehova, at sa tulong ng kaniyang espiritu ngayon ay mga anim na beses na lamang akong natutukso sa loob ng isang taon. Masamang-masama ang loob ko sa tuwing nangyayari ito, pero tuwing ako’y magkakasala, kapag napaharap na muli ang tukso, nagiging mas malakas na ako.” Kaya unti-unti ay nagwawagi siya sa kaniyang pakikipagpunyagi.
Kapag muling natutukso, suriin kung ano ang umakay dito. Sinabi ng isang kabataan: “Nirerepaso ko kung ano baga ang aking nabasa o napag-isipan. Halos sa bawat pagkakataon ay natutunton ko ang sanhi ng aking pagkakadupilas. Sa ganito ay naiiwasan kong gawin yaon at ituwid.”
Ang mga Gantimpala ng Mabuting Pakikibaka
Sinabi ng isang kabataan na nagtagumpay sa masturbasyon: “Mula nang mapagtagumpayan ko ang problema, naiingatan ko ang isang malinis na budhi sa harapan ni Jehova, at bagay ito na hindi ko maipagpapalit sa ano pa man!”
Oo, ang isang mabuting budhi, ang pagkadama ng higit na pagpapahalaga sa sarili, mas matatag na paninindigan sa moral, at ang isang mas matalik na pakikipag-ugnayan sa Diyos ay pawang mga gantimpala ng isang mabuting pakikibaka laban sa masturbasyon. Isang dalaga na nagtagumpay laban sa masturbasyon ang nagsabi nang ganito: “Maniwala kayo, ang tagumpay laban sa bisyong ito ay sulit na sulit sa ginawa kong pagsisikap.”
Mga Tanong para sa Talakayan
◻ Bakit mapanganib ang mag-isip ng mga bagay na erotiko? Ano ang magagawa ng isang kabataan upang maibaling ang kaniyang isip sa ibang bagay?
◻ Anong mga hakbang na pansawata ang maaaring kunin ng isang kabataan upang mabawasan ang tukso ng masturbasyon?
◻ Bakit nakatutulong ang espirituwal na pakikibaka?
◻ Anong papel ang ginagampanan ng panalangin sa pananagumpay sa bisyong ito?
◻ Bakit makatutulong ang pagsangguni sa iba kapag may ganitong suliranin?
-