Kapag Nanganganib ang Kapayapaan ng Mag-asawa
“Ang babae ay huwag humiwalay sa kaniyang asawa; . . . at huwag hiwalayan ng lalaki ang kaniyang asawa.”—1 CORINTO 7:10, 11.
1. Ano ba ang layunin ni Jehova tungkol sa pag-aasawa?
IKINASAL ng Diyos na Jehova ang unang mag-asawa at nilayon niya na ang isang-lamáng buklod na ito ay magpatuloy. Nilayon na iyon ay maging isang pinagpalang pagsasama na ang ibubunga’y ang kanilang kaligayahan at ang pagkakaroon ng matuwid na mga supling, pawang sa ikaluluwalhati ng Diyos.—Genesis 1:27, 28; 2:24.
2. Ano ang isang dahilan ng pagkasira ng buklod ng pag-aasawa?
2 Ang ulirang kaayusang iyon sa pag-aasawa ay nasira dahil sa malasariling kaisipan at pagkakasala. (Genesis 3:1-19; Roma 5:12) Sa katunayan, ang isang espiritu ng pagkamakasarili ang isa sa mga dahilan ng pagkasira ng buklod ng pag-aasawa sa ngayon. Sa gayon, sa Estados Unidos noong 1985, mayroong 5 diborsiyo—kung ihahambing sa 10.2 na mga pag-aasawa—sa bawat 1,000 katao. Noong 1986 isang report mula sa Moscow ang nagpakita na 37 porsiyento lamang ng mga pag-aasawa sa Unyong Sobyet ang tumatagal ng tatlong taon at na 70 porsiyento ang nagwawakas hindi lalampas ang sampung taon.
3. (a) Ano ang maaaring maging sanhi ng di-pagkakasundo ng mag-asawa? (b) Kung tungkol sa pag-aasawa, sino ang pangunahing maninira ng kapayapaan?
3 Isang espiritu ng pagkamakasarili ang maaaring maging sanhi ng di-pagkakasundo ng mag-asawa. Ito’y nakapipigil din ng espirituwal na pagsulong, sapagkat “ang bunga ng katuwiran ay natatanim sa kapayapaan.” (Santiago 3:18) Subalit sino ang pangunahing maninira ng kapayapaan? Si Satanas. At nakalulungkot pagka ang sinuman sa mga lingkod ng Diyos ay ‘nagbigay-daan sa Diyablo’ at sa ganoo’y nabigo sa pagtatamasa ng kasiyahan sa tahanan na dapat sanang maging dako ng kapahingahan at kapayapaan!—Efeso 4:26, 27.
4. Pagka ang mga mag-asawang Kristiyano ay may matitinding suliraning pangmag-asawa, ano ang dapat nilang maunawaan at ano ang dapat nilang gawin?
4 Pagka itinuring ng mga mag-asawang Kristiyano na ang paghihiwalay ang tanging lunas sa kanilang mga suliraning pangmag-asawa, sila’y nanganganib na padala sa mga pakana ni Satanas, at may malubhang depekto ang kanilang espirituwalidad. (2 Corinto 2:11) Ang mga simulain ng Diyos ay hindi ikinakapit nang lubusan ng isa o kapuwa ng sinuman sa kanila. (Kawikaan 3:1-6) Kung gayon agad silang magsikap na ang kanilang mga di-pagkakaunawaan ay lutasin kalakip ng panalangin. Kung ang mga ito’y waring malayo sa kalutasan, sila’y maaaring lumapit sa mga matatanda sa kongregasyon. (Mateo 18:15-17) Bagaman ang mga lalaking ito ay hindi awtorisado na magsabi sa kanilang mga kapananampalataya kung ano ang eksaktong dapat gawin tungkol sa kanilang mga suliraning pangmag-asawa, maaaring itawag-pansin nila ang sinasabi ng Kasulatan.—Galacia 6:5.
5. Ano ang batayan ng diborsiyo na pinapayagan ng Kasulatan na muling makapag-asawa ang isang nakipag-diborsiyo?
5 Kung ang situwasyon ng mag-asawa ay napakalubha na anupa’t pinag-iisipan ng mag-asawang Kristiyano na maghiwalay, maaaring ipaliwanag ng matatanda na ang diborsiyo at ang muling pag-aasawa ay pinapayagan ng Kasulatan tangi lamang kung ang isa sa mag-asawa ay nagkasala ng “pakikiapid.” Saklaw na ng terminong ito ang pangangalunya at mga iba pang anyo ng imoral at di-likas na pakikipagtalik. (Mateo 19:9; Roma 7:2,3; tingnan ang The Watchtower, Marso 15, 1983, pahina 31.) Subalit, ano kung hindi naman nagkasala ng “pakikiapid” subalit nasa malubhang panganib ang pagsasama ng mag-asawa? Ano ba ang sinasabi ng Kasulatan tungkol sa legal o aktuwal na paghihiwalay?
Ang Kinasihang Payo ni Pablo
6. Ano ang diwa ng payo ni Pablo sa 1 Corinto 7:10,11? (b) Paano dapat lutasin ng mga Kristiyanong mag-asawa ang mga suliraning pangmag-asawa?
6 Sa pagsisikap na matulungan ang mag-asawang Kristiyano na nanganganib na magkahiwalay, maaaring itawag-pansin ng matatanda ang mga salita ni apostol Pablo: “Sa mga may asawa ay iniutos ko, ngunit hindi ako kundi ang Panginoon, na ang babae ay huwag humiwalay sa kaniyang asawa; datapuwat kung siya’y aktuwal na humiwalay, siya’y manatiling walang asawa o kaya’y makipagkasundong muli sa kaniyang asawa; at huwag hiwalayan ng lalaki ang kaniyang asawa.” (1 Corinto 7:10,11) Ang kanilang mga suliranin ay dapat lutasin ng mga mag-asawang Kristiyano, na pinagbibigyan ang di-kasakdalan ng tao. Wala namang suliranin na napakalaki na anupa’t hindi malulutas sa tulong ng taimtim na pananalangin, sa pamamagitan ng pagkakapit ng mga simulain ng Bibliya, at pagpapakita ng pag-ibig na isang bunga ng espiritu ng Diyos.—Galacia 5:22; 1 Corinto 13:4-8.
7. (a) Kung sakaling maghiwalay ang mga mag-asawang Kristiyano, ano ang kanilang katayuan ayon sa Kasulatan? (b) Ang paghihiwalay ng dalawang mag-asawang Kristiyano ay baka magkaroon ng anong epekto sa mga pribilehiyo sa paglilingkod?
7 Subalit ano naman kung sakaling ang mga mag-asawang Kristiyano ay naghiwalay? Sila’y “manatiling walang asawa o kaya’y makipagkasundong muli” sa kanilang asawa. Maliban sa iyon ay paghihiwalay ng dahil sa “pakikiapid,” sinuman sa kanila ay hindi pinapayagan ng Kasulatan na muling mag-asawa. Dahil dito at sa “malaganap na pakikiapid,” makabubuting huwag nilang ipagpaliban ang ‘muling pagkakasundo.’ (1 Corinto 7:1, 2) Hindi tungkulin ng matatanda na iutos na magsama na ang lalaki at ang babae, ngunit baka hindi sila maging kuwalipikado para sa mga ilang pribilehiyo sa paglilingkod dahilan sa kanilang mga suliraning pangmag-asawa. Halimbawa, kung ang isang lalaki ay “hindi marunong mamahala sa kaniyang sariling sambahayan,” maliwanag na kulang siya ng kakayahan na “pangalagaan ang kongregasyon ng Diyos” bilang isang tagapangasiwa.—1 Timoteo 3:1-5,12.
8. Ano ang pinakadiwa ng payo ni Pablo sa 1 Corinto 7:12-16?
8 Idiniriin ang pagsisikap na maipagpatuloy ang relasyon ng mag-asawa kahit na isa lamang sa kanila ang sumasampalataya. Sumulat si Pablo: “Kung may kapatid na lalaking may asawang di-nananampalataya, at gayunma’y ibig pumisan sa kaniya, huwag niyang iiwan siya; at ang babaing may di-nananampalatayang asawa, at gayunma’y ibig pumisan sa kaniya, huwag niyang lisanin ang kaniyang asawa. . . . Ngunit kung humiwalay ang di-nananampalataya, pahiwalayin siya; hindi alipin ang kapatid na lalaki o babae ng ganiyang mga pangyayari, ngunit tinawag kayo ng Diyos sa kapayapaan. Sapagkat, babae, alam mo bang baka sakaling mailigtas mo ang iyong asawa? O, lalaki, alam mo bang baka mailigtas mo ang iyong asawa?” (1 Corinto 7:12-16) Kung ibig ng di-sumasampalataya na lumisan, papayag ang Kristiyano. Subalit ang sumasampalataya, sa pag-asang baka sakaling ang di-sumasampalataya’y maakay sa pagka-Kristiyano, ay hindi siyang pagmumulan ng dahilan upang sila’y magkahiwalay. Ang ina ni Timoteo, si Eunice, ay lumilitaw na pumisan sa kaniyang di-sumasampalatayang asawa ngunit tinuruan niya ng espirituwal na mga bagay ang kaniyang anak.—2 Timoteo 1:5; 3:14, 15.
Mga Batayan ng Paghihiwalay
9, 10. (a) Sa liwanag ng 1 Timoteo 5:8, ano ang isang batayan sa paghihiwalay ng mag-asawa? (b) Ano ang dapat gawin ng hinirang na matatanda kung ang isang lalaking Kristiyano ay akusado ng pagkakait ng sustento sa kaniyang asawa at mga anak?
9 Ang mga salita ni Pablo sa 1 Corinto 7:10-16 ay nagpapayo sa mga mag-asawa na patuloy na magsama. Gayunman, ang iba, pagkatapos na puspusang magsikap na huwag masira ang kanilang relasyong pangmag-asawa, ay sa wakas nagpasiya na, udyok ng budhi, sila’y walang magagawa kundi maghiwalay. Ano ang maaaring maging batayan ng gayong hakbang.
10 Kusang pagkakait ng sustento ang isa sa mga batayan ng paghihiwalay. Sa pag-aasawa, tinatanggap ng lalaki ang pananagutan na sustentuhan ang kaniyang asawa at ang sinumang anak na maaaring maging bunga ng kanilang pagsasama. Ang lalaking hindi naglalaan ng panustos sa kaniyang sambahayan ay “nagtakwil sa pananampalataya at masahol pa kaysa sa isang taong walang pananampalataya.” (1 Timoteo 5:8) Samakatuwid ay posible ang paghihiwalay kung kusang ipinagkakait ang sustento. Mangyari pa, dapat maingat na pag-isipan ng hinirang na matatanda kung ang isang Kristiyano ay akusado ng pagkakait ng sustento sa kaniyang asawa at pamilya. Ang kusang pagkakait ng sustento sa pamilya ng isa ay maaaring magbunga ng pagkatiwalag.
11. Ano ang isa pang batayan sa paghihiwalay, subalit ano ang maaaring makatulong upang mapagtiisan ang situwasyon?
11 Ang sobrang pisikal na pag-aabuso ay isa pang batayan sa paghihiwalay. Ipagpalagay natin na ang isang di-sumasampalatayang asawa’y kadalasan ay naglalasing, sumisilakbo ang galit, at nagbubuhat ng kamay sa sumasampalataya. (Kawikaan 23:29-35) Sa pamamagitan ng panalangin at pagpapakita ng bunga ng espiritu ni Jehova, ang sumasampalataya ay maaaring makahadlang sa gayong silakbo ng damdamin at makatutulong ito upang mapagtiisan ang situwasyon. Subalit kung sumapit na sa puntong ang kalusugan at buhay ng inaabusong asawa’y aktuwal na nasa panganib, ipinahihintulot ng Kasulatan ang paghihiwalay. Muli na namang dapat siyasatin ng mga matatanda sa kongregasyon ang mga reklamo tungkol sa pisikal na pag-abuso pagka dalawang mag-asawang Kristiyano na di-magkasundo ang kasangkot, at kailangan marahil ang pagtitiwalag.—Ihambing ang Galacia 5:19-21; Tito 1:7.
12. (a) Paano maaaring ang espirituwalidad ng sumasampalataya ay may kaugnayan sa suliranin ng paghihiwalay? (b) Ano ang iminumungkahi kung isang di-malusog na kalagayan sa espirituwal ang umiiral sa isang tahanang Kristiyano?
12 Ang lubos na pagsasapanganib ng espirituwalidad ay isang batayan din sa paghihiwalay. Para sa sumasampalataya na nasa sambahayang baha-bahagi dahil sa relihiyon, dapat niyang gawin ang lahat ng posibleng magagawa niya upang makinabang sa espirituwal na paglalaan ng Diyos. Subalit ang paghihiwalay ay pinahihintulutan kung ang di-sumasampalatayang asawa’y sumasalansang (marahil kasali na rin ang pisikal na paghadlang) at talagang imposible na ipagpatuloy ang tunay na pagsamba at aktuwal na isinasapanganib nito ang espirituwalidad ng sumasampalataya. Gayunman, ano kaya kung ang umiiral ay isang napakasamang espirituwal na kalagayan na kung saan ang kapuwa mag-asawa ay Kristiyano? Ang matatanda ay dapat tumulong, subalit lalo nang nararapat na magsumikap ang bautismadong asawang lalaki upang lunasan ang kalagayang yaon. Mangyari pa, kung ang isang bautismadong kabiyak ay kumikilos na mistulang isang apostata at humahadlang sa kaniyang kabiyak sa paglilingkod kay Jehova, ang matatanda ay dapat kumilos nang ayon sa Kasulatan. Kung sakaling kailangan ang pagtitiwalag pagka ang kaso ay tungkol sa lubos na pagsasapanganib ng espirituwalidad, kusang pagkakait ng sustento, o sobrang pisikal na pag-abuso, ang tapat na Kristiyanong naghahangad ng legal na paghihiwalay ay hindi lumalabag sa payo ni Pablo tungkol sa paghahabla sa hukuman sa isang kapananampalataya.—1 Corinto 6:1-8.
13. Sa ilalim ng anong mga kalagayan makatuwiran ang paghihiwalay ng mag-asawa?
13 Pagka ang mga kalagayan ay sukdulan na, kung gayon, marahil ay makatuwiran ang paghihiwalay. Subalit ang mahihinang dahilan ay maliwanag na hindi dapat gamitin upang makamit ang paghihiwalay. Sinumang mga Kristiyano na naghihiwalay ay personal na mananagot ukol sa ganiyang pagkilos at dapat nilang matanto na lahat tayo ay mananagot kay Jehova.—Hebreo 4:13.
Isang Matalinong Hakbangin Ba?
14. (a) Anong problema ang posibleng likhain ng paghihiwalay? (b) Paano maaapektuhan ng paghihiwalay ang mga anak?
14 Dapat pag-isipan kalakip ng panalangin ang mga problema na posibleng likhain ng paghihiwalay. Halimbawa, ang isang pamilyang may isang magulang ay bihirang makapaglaan ng mga bagay na mailalaan ng mga pamilyang may dalawang magulang kung tungkol sa pagiging timbang at sa disiplina. At ang paghihiwalay ay maaaring makaapekto sa mga anak katulad ng nagagawang epekto ng diborsiyo, at tungkol dito ay nag-ulat ang lathalaing India Today: “Si Sheena, na may madidilat na mata na waring nakapagmamasid sa buong paligid, ay seis anyos. Ang kaniyang mga magulang ay nagdiborsiyo may dalawang taon na ngayon pagkatapos ng isang pangit na usapin sa hukuman. Hindi nagtagal pagkatapos, ang kaniyang ama’y nag-asawa sa ibang babae. May isang taon din na siya’y nagkaroon ng mga grabeng atake ng hika at palaging sinususo niya ang kaniyang hinlalaki. Siya’y kapiling ng kaniyang ina sa Timog Delhi. Ang sabi ng ina: ‘Ang aking kalungkutan ay lumipat na hanggang kay Sheena. . . . Kaniyang hinahanap-hanap ang kaniyang ama. . . . Siya’y higit na mukhang may gulang kaysa karamihan ng mga batang kasing-edad niya. Subalit hindi niya masupil ang mga pagsumpong na ito ng kaiiyak, na para bang ibig niyang ilabas ang isang bagay na nasa loob niya. Naging suliranin ang pag-aaral. Ang mga bata’y naging napakalulupit. Kadalasan, siya’y nagkukulong na lamang sa isang daigdig ng guniguni: siya’y bumubuo ng isang kuwento tungkol sa aming lahat sa samasamang pagliliwaliw namin at ito’y para sa kaniyang mga kaibigan.’”
15. Ano ang maaaring maging epekto ng paghihiwalay sa isang Kristiyanong asawang lalaki o asawang babae?
15 Kadalasan, ang paghihiwalay ay hindi lumalabas nang mabuti para sa isang Kristiyanong asawang lalaki at babae. Hindi nagtatagal at kanilang nadarama na ang pagkawala ng kabiyak o ng mga anak ay isang lumulubhang kakulangan sa kanilang buhay. Hindi dapat ipagwalang-bahala ang mga kagipitan na resulta ng paghihiwalay. Posible kaya na kung tungkol sa pananalapi ay tumakbo pa rin nang maayos ang pamumuhay o ang kabaligtaran ang magiging totoo? At ano kung sakaling dahil sa hapdi ng paghihiwalay ay magbunga ito ng pagkahulog sa imoralidad? Sinabi ni Jesus: “Ang karunungan ay pinatutunayang matuwid ng kaniyang mga gawa.” (Mateo 11:19) Lalo na kung ang kapuwa mag-asawa ay mga Kristiyano, ang bunga ng paghihiwalay ay kung minsan napatutunayan na isang napakalaking kamangmangan.
Sikaping Malutas ang mga Problema
16. Ano ang dapat gawin ng mga mag-asawang Kristiyano pagka nanganganib na masira ang kapayapaan ng kanilang pagsasama?
16 Para sa mga mag-asawang Kristiyano na nasa malubhang panganib na masira ang kapayapaan ng pagsasama ay kailangang pag-usapan nila ang kanilang di-pagkakaunawaan at gawin ito sa paraang nababagay sa mga taong naglilingkod sa Diyos. At tiyak na nararapat naman na pagbigyan nila ang di-kasakdalan ng isa’t isa. (Filipos 2:1-4) Subalit ano pa ang maaaring gawin?
17. Paanong ang pagpapakita ng karunungan may kaugnayan sa materyal na mga bagay ay maaaring makatulong sa mapayapang pagsasama ng mag-asawa?
17 Ang pagpapakita ng karunungan may kaugnayan sa materyal na mga bagay ay maaaring makatulong sa pagkakaroon ng mag-asawa ng mapayapang pagsasama. Bilang halimbawa: Pagkatapos isaalang-alang ang negatibong punto de-vista ng kaniyang asawa, gayunman, marahil ay magpapasiya ang isang lalaki na mas mabuti para sa kaniyang pamilya na lumipat sa ibang lugar. Baka ito ay tila nararapat nga dahil sa kalagayan sa pananalapi, subalit baka makatulong naman ang pamilya sa pagpapasulong ng kapakanan ng Kaharian sa pamamagitan ng paglilingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan. (Mateo 6:33) Baka ang kaniyang Kristiyanong asawang babae ay hindi sang-ayon sa paglipat dahilan sa kaniyang maiiwanan ang kaniyang mga magulang o ang kinasanayan na niyang kapaligiran. Datapuwat isang kapantasan na lubusang makipagtulungan sa kaniyang asawang lalaki, na siyang ulo ng sambahayan at may pananagutan na magpasiya kung saan dapat manirahan ang kaniyang pamilya. Isa pa, ang kaniyang pagpapasakop at mapagmahal na pakikipagtulungan ay tutulong sa ikapapayapa ng tahanan.—Efeso 5:21-24.
18. Ano ang mga pagkakataon ng mga mag-asawang Kristiyano na magkasamang gumawa ng mga bagay-bagay?
18 Ang kapayapaan ng pamilya ay lumalago at ang mga suliranin ay waring hindi gaanong malubha pagka nagtulungan ang mag-asawa sa paggawa ng mga bagay-bagay. Halimbawa, ang mga mag-asawang Kristiyano ay may magagandang pagkakataon na magsama sa paglilingkod sa larangan. Kung kanilang gagawin ito nang palagian at isasama pa ang kanilang mga anak, ang buong pamilya ay makikinabang. Baka mayroon ding iba’t ibang pagkakataon upang mapatibay ang buklod ng pag-aasawa sa pamamagitan ng pakikibahagi sa iba pang mga kapaki-pakinabang na aktibidades lalo na yaong kinawiwilihan nila kapuwa.
19. Anong uri ng pagkaulo ang magpapaunlad ng kapayapaan ng pamilya?
19 Ang wastong ginagampanang pagkaulo ay magpapatibay ng ugnayan ng mag-asawa. Mangyari pa, ang may gulang na Kristiyanong asawang lalaki ay hindi magiging isang diktador. Bagkus, ‘kaniyang patuloy na iibigin ang kaniyang asawa at hindi magbubuhos sa kaniya ng mapait na galit.’ Inaasahan ni Jehova na kaniyang gagampanan ang pagiging mapagmahal na ulo. (Colosas 3:18, 19) Sa kabilang dako, ang gayung pagkaulo ay nagpapaunlad ng kapayapaan ng pamilya.
Sa Baha-bahaging Sambahayan
20, 21. Paanong pakikinabangan ang pagkamakatuwiran pagka nanganganib na masira ang kapayapaan sa isang baha-bahaging sambahayan dahil sa relihiyon?
20 Ang pagiging makatuwiran ay tumutulong sa paglutas ng pangmag-asawang suliranin ng mga mag-asawang Kristiyano. (Filipos 4:5) Subalit ang pagkamakatuwiran ay mahalaga rin kung nanganganib ang kapayapaan sa isang baha-bahaging sambahayan dahilan sa relihiyon. Pagka sinubok ng isang di-sumasampalatayang lalaki na hadlangan ang kaniyang asawang babaing Kristiyano sa paglilingkod kay Jehova, maaaring ito’y magsikap na mangatuwiran sa kaniya, na mataktikang binabanggit na kaniyang binibigyan naman ang asawang lalaki ng kalayaan sa relihiyon kung kaya makatuwiran naman na ang babae ay magkaroon ng ganoon ding kalayaan. (Mateo 7:12) Bagaman dapat siyang gumanap nang may pasubaling pagpapasakop sa kaniyang di-sumasampalatayang asawang lalaki, ang kalooban ng Diyos ay kailangang isagawa kung sakaling may umiiral na pagkakasalungatan. (1 Corinto 11:3; Gawa 5:29) Tunay naman, ang pagdalo sa mga pulong Kristiyano makatatlong beses isang linggo ay hindi isang kalabisan. Subalit baka isang katalinuhan para sa asawang babae na huwag umalis sa tahanan kung mga ibang gabi at isaayos ang malaking bahagi ng kaniyang ministeryo sa larangan sa mga oras na nasa trabaho ang kaniyang asawa at nasa paaralan naman ang mga anak. Sa pagiging makatuwiran at sa mabuting pagpaplano, siya ay hindi “nagsasawa ng paggawa ng mabuti.”—Galacia 6:9.
21 Saklaw pa rin ng pagkamakatuwiran ang iba pang mga bagay. Halimbawa, ang isang tao ay may karapatang sumunod sa isang relihiyon. Subalit magiging makatuwiran at matalino para sa isang babaing Kristiyano na huwag ilagay ang kaniyang Bibliya at mga aklat-aralan sa Bibliya kung saan ang isang mahigpit na mananalansang na asawang lalaki ay baka tumutol. Maiiwasan ang alitan kung ang gayung mga publikasyon ay ilalagay niya kasama ng kaniyang mga sariling gamit at kaniyang pag-aaralan iyon nang sarilinan. Mangyari pa, hindi siya dapat makipagkompromiso kung tungkol sa matuwid na mga prinsipyo.—Mateo 10:16.
22. Ano ang maaaring gawin kung ang pagkasira ng kapayapaan sa tahanan ay dahil sa pagtuturo ng relihiyon sa mga anak?
22 Kung ang pagkasira ng kapayapaan sa tahanan ay dahil sa pagtuturo ng relihiyon sa mga anak, ang sumasampalatayang asawa ay mataktikang magsasaayos na isama sila sa mga pagpupulong at sa ministeryo sa larangan. Subalit kung ang di-sumasampalatayang asawang lalaki at ama ay humahadlang dito, ang mga anak ay maaaring maturuan ng ina ng mga prinsipyo sa Bibliya upang kung sila’y magsilaki na at lumisan na sa tahanan, malamang na ang tunay na pagsamba ang kanilang susundin. Kung ang asawang lalaki ang sumasampalataya, bilang ulo ng sambahayan, siya ang may maka-Kasulatang obligasyon na palakihin ang kaniyang mga anak bilang mga Kristiyano. Kaya’t kailangan na sila’y aralan niya ng Bibliya, dalhin niya sila sa mga pulong, at turuan niya sila sa ministeryo sa larangan. (Efeso 6:4) Natural, siya’y dapat na maging mabait, mapagmahal, at makatuwiran sa pakikitungo sa kaniyang di-sumasampalatayang asawang babae.
Panatilihin ang Kapayapaan Bilang Isang Nagkakaisang Pamilya
23. Kung nanganganib na masira ang kapayapaan ng mag-asawa, ano ang maaaring makatulong?
23 Yamang ang mag-asawa ay “isang laman,” sila’y dapat mamuhay nang magkasama sa kapayapaan ayon sa kaayusan ng Diyos para sa mag-asawa, lalo na kung sila kapuwa ay mga Kristiyano. (Mateo 19:5; 1 Corinto 7:3-5) Subalit kung nanganganib na masira ang kapayapaan ninyong mag-asawa, repasuhin kalakip ng panalangin ang tinalakay na mga punto sa Kasulatan. Makatutulong din na gunitain ang panahon na kayo’y nagliligawan. Anong laki ng pagsisikap ninyo kapuwa na gawin ang matuwid at ilatag ang saligan ng isang maligayang pag-aasawa! Ngayon ba’y hindi kayo gagawa ng ganoon ding pagsisikap upang huwag masira ang inyong pagsasama?
24. Ano ang dapat na maging saloobin ng mga Kristiyano tungkol sa pag-aasawa?
24 Ang mga Kristiyanong pinag-isa sa pag-aasawa ay may kahanga-hangang kaloob na galing sa Diyos—ang kanilang pagiging mag-asawa! Kung inyong tutupdin ang inyong pinanumpaan sa pag-aasawa at mananatili sa katapatan kay Jehova, nasa harapan ninyo ang matuwid na bagong sanlibutan na doo’y wala nang makabagbag-pusong paghihiwalay at diborsiyo na mistulang salot sa sangkatauhan. Kung gayon magpasalamat kayo dahil sa ang pag-aasawa’y isang makasagisag na “panaling tatlong-ikid,” na si Jehova ang pinakamahalagang bahagi. (Eclesiastes 4:12) At harinawang lahat ng miyembro ng inyong nagkakaisang sambahayan ay magtamasa ng pagpapala ng kaligayahang pampamilya sa isang tahanan na dako ng kapahingahan at kapayapaan.
Ano ba ang Sagot Mo?
□ Ano ba ang buod ng payo ni Pablo sa 1 Corinto 7:10-16?
□ Ano ba ang makatuwirang mga dahilan para sa paghihiwalay ng mag-asawa?
□ Paanong malulutas ng mga Kristiyano ang mga problema pagka nanganganib na masira ang kapayapaan ng mag-asawa?
□ Sa baha-bahaging mga sambahayan dahil sa relihiyon, paanong ang pagkamakatuwiran ay tutulong sa ikapagkakaroon ng kapayapaan?
[Larawan sa pahina 23]
Ang mga mag-asawang Kristiyano na nanganganib masira ang kapayapaan ng pagsasama ay dapat mag-usap tungkol sa kanilang mga problema sa paraan na nararapat sa mga naglilingkod kay Jehova