Pagpaplano ng Pamilya—Ang Kristiyanong Pangmalas
SA UNANG Komperensiya ng Populasyon ng Daigdig, noong 1974, ang 140 bansa na nagtipon ay pormal na nagpahayag na ang lahat ng mag-asawa “ay may mahalagang karapatang malaya at responsableng magpasiya sa dami at pagitan ng kanilang mga anak at magkaroon ng impormasyon, edukasyon, at paraan na gawin iyon.”
Ipinalagay ng marami ang pasiyang iyon na isang mabuting pasiya. Totoo, sinabi ng Diyos kina Adan at Eva, at nang maglaon sa pamilya ni Noe, na “magpalaanakin at magpakarami at kalatan ang buong lupa,” subalit walang gayong utos ang ibinigay sa mga Kristiyano. (Genesis 1:28; 9:1) Ang Kasulatan ay hindi humihimok sa mga mag-asawang Kristiyano na magkaroon ng mga anak ni sinasabi man nito sa kanila na huwag mag-anak. Ang mag-asawa ay maaaring magpasiya sa kanilang sarili kung sila ba ay mag-aanak o hindi at, kung pinaplano nilang magkaroon ng mga anak, ilan ang magiging anak nila at kailan sila mag-aanak.
Isang Bigay-Diyos na Pananagutan
Gayunman, napansin mo ba na ang pahayag sa Komperensiya ng Populasyon ng Daigdig ay nagsabi na ang mga mag-asawa ang dapat na “responsableng [magpasiya] sa dami at pagitan ng kanilang mga anak”? Ang simulaing ito ng pananagutan ay kasuwato rin ng Bibliya. Kinikilala ng mga magulang na Kristiyano na bagaman ang mga anak ay isang mahalagang kaloob buhat sa Diyos, kaakibat ng kaloob ay ang malaking pananagutan.
Una sa lahat, nariyan ang pananagutan na pangalagaan ang mga anak sa materyal na paraan. Ang Bibliya ay nagsasabi: “Tunay na kung ang sinuman ay hindi naglalaan para sa mga sariling kaniya, at lalo na para sa kaniyang sariling sambahayan, kaniyang itinakwil ang pananampalataya at lalong masama kaysa isang taong walang pananampalataya.”—1 Timoteo 5:8.
Ang paglalaan para sa pamilya ng isa ay nagsasangkot ng higit pa sa basta paglalaan ng pagkain at pagbabayad ng mga gastusin, bagaman ito ay kadalasang isang malaking pananagutan sa ganang sarili. Sa pagpaplano ng laki ng kanilang pamilya, isinasaalang-alang ng responsableng mga mag-asawang Kristiyano ang pisikal na kapakanan ng ina gayundin ang kaniyang emosyonal, mental, at espirituwal na kapakanan. Ang pangangalaga sa isang bata ay nangangailangan ng malaking panahon, at kapag ang anak ay sunud-sunod, kadalasang isinasakripisyo ng mga ina hindi lamang ang kanilang pahinga, libangan, personal na paglaki, at pagkasangkot sa Kristiyanong mga gawain kundi ang kanila ring pisikal at espirituwal na kalusugan.
Isinasaalang-alang din ng responsableng mga magulang na Kristiyano ang mga pangangailangan ng kanilang mga anak. Ang The State of the World’s Population 1991 ay nagsasabi: “Ang mga batang ipinanganak sa malalaking pamilya, sunud-sunod na mga anak ay kailangang makipagpaligsahan sa mga kapatid na lalaki at babae para sa pagkain, pananamit at pagmamahal ng magulang. Sila rin ay mas madaling tablan ng mga impeksiyon. Kung ang mga batang ito ay makaligtas sa kanilang mahihinang taon ng pagkabata, ang kanilang paglaki ay malamang na masugpo at ang kanilang intelektuwal na paglaki ay mapinsala. Ang mga pag-asa ng mga batang ito sa adultong buhay ay lubhang nabawasan.” Ito, mangyari pa, ay hindi naman totoo sa lahat ng malalaking pamilya, subalit ito ay isang bagay na dapat pag-isipan ng mga mag-asawang Kristiyano kapag nagpaplano sa dami ng kanilang magiging anak.
Ang mga magulang na Kristiyano ay may pananagutan na pangalagaan ang kanilang mga anak sa espirituwal na paraan, gaya ng utos ng Bibliya: “Kayong mga ama, huwag ninyong ibuyo sa galit ang inyong mga anak, kundi patuloy na palakihin sila sa disiplina at pangkaisipang-patnubay ni Jehova.”—Efeso 6:4.
Si Emeka, isang Kristiyanong nagtuturo ng batas sa Nigeria, ay isang taon nang kasal at hindi siya nagmamadaling magkaroon ng malaking pamilya. “Pinag-usapan namin ng misis ko kung ilang anak ang pinaplano namin. Naisaalang-alang namin na magkaroon ng lima subalit nagpasiya kami na magkaroon ng tatlong anak. Nang maglaon naghinuha kami na mas mabuti kung dalawa lamang. Mahirap magpalaki ng mga anak ayon sa mga simulain ng Bibliya. Ito ay isang malaking pananagutan.”
Ang ilang mag-asawang Kristiyano ay nagpasiyang huwag mag-anak upang italaga ang lahat ng kanilang panahon sa paglilingkod sa Diyos. Ganito ang sabi ng isang misyonero sa Aprika na sumang-ayon sa kaniyang asawang lalaki na manatiling walang anak: “Hindi ko nadarama na ako’y pinagkaitan sa pamamagitan ng hindi pag-aanak. Bagaman hindi namin naranasan ng mister ko ang mga kagalakan ng pagiging magulang, ang aming buhay ay punô ng ibang kagalakan. Sa pagtulong sa iba na matuto ng katotohanan sa Bibliya, mayroon kaming espirituwal na mga anak sa maraming bahagi ng daigdig. Mahal namin sila, at mahal nila kami. May natatanging buklod sa pagitan namin. May mabuting dahilan, inihalintulad ni apostol Pablo ang kaniyang sarili sa isang nagpapasusong ina dahil sa kaniyang magiliw na pagmamahal doon sa mga natulungan niya sa espirituwal na paraan.”—1 Tesalonica 2:7, 8.
Pagpigil sa Pag-aanak
Hinahatulan ba ng Bibliya ang pagpigil sa pag-aanak? Hindi, hindi nito hinahatulan. Ang pagpili ay ipinauubaya sa mag-asawa. Kung ang mag-asawa ay magpasiyang magsagawa ng pagpigil sa pag-aanak, ang kanilang pagpili ng mga kontraseptibo ay isang personal na bagay. Gayunman, ang paraan ng pagpigil sa pag-aanak na pinipili ng mag-asawang Kristiyano ay dapat na ugitan ng paggalang sa kabanalan ng buhay. Yamang ipinakikita ng Bibliya na ang buhay ng isang tao ay nagsisimula sa paglilihi, dapat iwasan ng mga Kristiyano ang kontraseptibong mga paraang naglalaglag, o kumikitil sa buhay ng, lumalaking bata.—Awit 139:16; ihambing ang Exodo 21:22, 23; Jeremias 1:5.
Kaya ang mga mag-asawa ay wastong makagagawa ng iba’t ibang pagpili pagdating sa pagpaplano ng pamilya. Ang ilan ay maaaring magnais na takdaan ang bilang ng kanilang magiging mga anak. Ang iba naman, gumagamit ng ilang paraan ng kontrasepsiyon o pagpigil sa pagbubuntis, ay maaaring magpasiya na huwag magkaroon ng mga anak. Maraming paraan ng pagpigil sa pag-aanak na makukuha, bawat isa ay may mga bentaha at mga disbentaha. Sa pagpapasiya kung aling paraan ang pinakamabuti para sa kanila, dapat tandaan ng mga mag-asawa na ang ilang paraan ay mas mabisa kaysa iba. Dapat din nilang itanong ang tungkol sa posibleng masasamang epekto. Ang mga doktor at mga klinika sa pagpaplano ng pamilya ay nasasangkapan na magbigay ng payo tungkol sa mga paraan ng pagpigil sa pag-aanak at upang tulungan ang mga mag-asawa na pumili ng isa na pinakamabuting nakatutugon sa kanilang pangangailangan.
Ang pasiya ng mag-asawa na magkaroon ng marami, kaunti, o walang anak ay isang personal na pasiya. Isa rin itong mahalagang pasiya na may pangmatagalang mga resulta. Makabubuting maingat at may pananalanging timbangin ng mga mag-asawa ang bagay na ito.
[Kahon sa pahina 8, 9]
Popular na mga Paraan ng Pagpigil sa Pag-aanak
Isterilisasyon
Sa mga lalaki: Isang simpleng operasyon kung saan isang maliit na hiwa ang ginagawa sa supot at ang mga tubo na nagdadala ng similya ay pinuputol.
Sa mga babae: Isang operasyon kung saan ang mga tubong palopyan ay tinatalian o pinuputol upang hadlangan ang pagdaloy ng itlog tungo sa matris.
Mga bentaha: Sa lahat ng paraan ng pagpigil sa pag-aanak, ang isterilisasyon ang pinakamabisa.
Mga disbentaha: Maaaring maging permanente. Kapuwa sa mga lalaki at mga babae, naibalik ng operasyon ang pertilidad, subalit hindi ito garantisado.a
Mga Pildoras sa Pagpigil ng Pag-aanak
Kabilang dito ang maliliit na pildoras na progestin-lamang. Ito ay kumikilos upang makasagabal sa normal na mga antas ng hormone ng babae upang hadlangan ang paghinog at paglabas ng itlog.b
Mga bentaha: Lubhang epektibo sa paghadlang sa pagbubuntis.
Mga disbentaha: May ilang pisikal na mga masamang epekto ngunit ang mga ito ay kaunti para sa malusog na mga hindi naninigarilyo na wala pang 40 taon.
Diaphragm at Spermicide
Ang diaphragm ay isang hugis-bobida na panakip na goma na binanat sa nababaluktot na gilid nito. Pagkatapos ikalat ang jelly o krim na pumapatay sa similya (ang spermicide) sa panakip, ang panakip ay ipinapasok sa kaluban (vagina) upang magkasiya sa paligid ng bungad ng matris.
Mga bentaha: Isang ligtas, ganap na maaasahang anyo ng pagpigil sa pag-aanak kapag ginamit nang wasto.
Mga disbentaha: Dapat gamitin tuwing magtatalik ang mag-asawa. Kailangan ang kasanayan upang ipasok nang wasto ang aparato, at ito ay dapat na ipasok bago ang pagtatalik at iwan sa loob ng anim hanggang walong oras pagkatapos.
Takip Serbikal
Isang plastik o gomang panakip na mas maliit sa diaphragm. Katulad ng diaphragm, ito ay ipinapasok sa kaluban subalit mas hakab at nangangailangan ng kaunting krim o jelly na pamatay ng similya.
Mga bentaha: Ang panakip ay maihahambing sa diaphragm sa bisa, at ito ay maaaring manatili sa puwesto sa loob ng 48 oras. Ang pamatay ng similya ay hindi na kailangang ipahid kapag inulit ang pagtatalik.
Mga disbentaha: Mas mahirap ipasok kaysa diaphragm, at ang paglalagay sa kaluban ay dapat suriin bago at pagkatapos ng bawat pagtatalik. Ang mga impeksiyon sa bahay-bata o sa bungad ng matris ay posibleng mga panganib. Ang panakip ay dapat isuot lamang ng mga babae na may normal na mga pagsubok ng Pap.
Espongha
Isang esponghang polyurethane na naglalaman ng pamatay ng similya na ipinapasok sa kaluban upang takpan ang bungad ng matris, sa gayo’y nag-aanyo ng isang pisikal at kemikal na hadlang sa similya. Ito ay itinatapon pagkatapos gamitin.
Mga bentaha: Ang espongha ay maaaring iwan hanggang 24 na oras at mabisa kung uulitin ang pagtatalik sa loob ng panahong iyan.
Mga disbentaha: Ilang alerdyi at ilang kaso ng toxic shock syndrome ang iniulat.
Ang Intrauterine Device
Tinatawag ding IUD, silò, o likaw, ang aparatong ito na metal o plastik ay inilalagay sa matris. Samantalang walang katiyakan kung paano ito aktuwal na kumikilos, naniniwala ang mga doktor na hinahadlangan nito ang pertilidad sa ilang paraan. Ang isa sa mga paraang ito ay malamang na upang hadlangan ang pagkapit ng pertilisadong itlog sa dingding ng bahay-bata.
Mga bentaha: Isang maaasahang paraan ng pagpigil sa pag-aanak.
Mga disbentaha: Kung minsan nagbubunga ito ng pagdurugo o kirot, at kung minsan ay maaaring kumilos na parang paglalaglag.c
Mga Kondom
Isang supot na plastik na kasya sa ari ng lalaki upang hadlangan ang pagpasok ng tamod sa kaluban.
Mga bentaha: Isang ligtas, epektibong paraan ng pagpigil sa pag-aanak. Binabawasan ang mga tsansa ng paghahatid ng mga sakit na naililipat ng pagtatalik, pati na ng AIDS.
Mga disbentaha: Ayaw ng ilan dahil sa ang paggamit nito ay humihiling ng pag-abala sa pagtatalik.
Withdrawal
Ang paghugot ng ari ng lalaki mula sa kaluban bago ang paglabas ng similya.
Mga bentaha: Walang gastos, paghahanda, o panlabas na aparato.
Mga disbentaha: Hindi seksuwal na kasiya-siya, nangangailangan ng malaking pagpipigil-sa-sarili, at lubhang hindi maaasahan.
Pamaraang Ritmo
Ang mag-asawa ay hindi nagtatalik sa mga araw sa siklo ng regla ng babae kung kailan siya ay pertil.
Mga bentaha: Ligtas, walang nakapipinsalang masasamang epekto, walang aksiyon na kinakailangan sa panahon ng pagtatalik.
Mga disbentaha: Hindi gaanong matagumpay na paraan ng paghadlang sa pagbubuntis malibang ang mag-asawa ay determinadong huwag magkaanak at mahigpit na sundin ang mga tagubilin para sa pagsunod sa pamaraang ito.
Hormonal Implant
Ang pinakabagong kontraseptibo sa pagpigil ng pag-aanak, isang serye ng maliliit na silindro ng silicon ay inilalagay sa ilalim ng balat sa braso ng babae. Hanggang limang taon, ang mga ito ay patuloy na maglalabas ng katiting na hormone sa daluyan ng dugo. Sa panahong ito ang babae ay naiingatan mula sa pagbubuntis.
Mga bentaha: Lubhang mabisa. Ang pertilidad ay maaaring ibalik sa pamamagitan ng pag-aalis ng inilagay na hormone.
Mga disbentaha: Kaunti. Kahawig ng progestin-lamang na pildoras (minipildoras) na pampigil sa pag-aanak. Kapag ang progestin-lamang ang ilalagay sa ilalim ng balat, ang pagbubuntis ay maaaring hadlangan sa pamamagitan ng paglalaglag sa pertilisadong itlog.d
[Mga talababa]
a Ang pasiya kung baga ang isterilisasyon ay kasuwato ng mga simulaing Kristiyano ay masusumpungan sa Ang Bantayan ng Mayo 1, 1985, pahina 31.
b Ang pagtalakay sa kung paano nahahadlangan ng mga pildoras sa pagpigil ng pag-aanak ang pag-aanak ay masusumpungan sa Ang Bantayan ng Hunyo 15, 1989, pahina 29.
c Ang pagtalakay kung baga ang IUD ay kasuwato ng mga simulaing Kristiyano ay masusumpungan sa The Watchtower ng Mayo 15, 1979, pahina 30-1.
d Ang pagtalakay sa kung paano nahahadlangan ng mga pildoras sa pagpigil ng pag-aanak ay masusumpungan sa Ang Bantayan ng Hunyo 15, 1989, pahina 29.