“Mula sa Bibig ng mga Sanggol”
NANG si Samuel ay isang munting bata, nanindigan siya para sa matutuwid na simulain sa kabila ng kabalakyutan ng mga anak na lalaki ng Mataas na Saserdoteng si Eli. (1 Samuel 2:22; 3:1) Noong panahon ni Eliseo, isang munting Israelita na bihag sa Siria ang lakas-loob na nagpatotoo sa kaniyang among babae. (2 Hari 5:2-4) Nang 12 taóng gulang si Jesus, siya’y nagsalita nang may lakas-loob sa mga guro ng Israel, anupat nagtatanong at nagbibigay ng sagot na ikinamangha ng mga nakikinig. (Lucas 2:46-48) Sa buong kasaysayan buong-katapatang pinaglilingkuran si Jehova ng kaniyang kabataang mga mananamba.
Ang mga kabataan ba sa ngayon ay nagpapakita ng gayunding tapat na kalooban? Oo, gayon nga! Ipinakikita ng mga ulat buhat sa mga tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower na maraming-maraming nananampalatayang kabataan ang ‘kusang naghahandog ng kanilang sarili’ sa paglilingkuran kay Jehova. (Awit 110:3) Ang maiinam na resulta ng kanilang pagsisikap ay nakapagpapatibay-loob sa lahat ng Kristiyano, bata at matanda, na ‘huwag manghimagod sa paggawa ng kung ano ang mainam.’—Galacia 6:9.
Isang mabuting halimbawa si Ayumi, isang munting batang babaing Hapones na naging isang mamamahayag nang siya’y anim na taóng gulang at ginawang kaniyang tunguhin na magpatotoo sa bawat isa sa kaniyang klase. Pinahintulutan siyang maglagay ng maraming publikasyon sa aklatan ng silid-aralan, anupat inihahanda ang kaniyang sarili na sagutin ang anumang maaaring itanong ng kaniyang mga kamag-aral. Halos lahat ng kaniyang mga kamag-aral gayundin ang guro ay naging pamilyar sa mga publikasyon. Sa loob ng kaniyang anim na taon sa paaralang elementarya, nakapagsaayos si Ayumi ng 13 pag-aaral sa Bibliya. Nabautismuhan siya nang nasa ikaapat na grado, at isa sa kaniyang mga kaibigan na inaralan niya ay nabautismuhan nang nasa ikaanim na grado. Isa pa, ang ina at dalawang nakatatandang kapatid na babae ng estudyanteng ito sa Bibliya ay nag-aral at nabautismuhan din.
Isang Patotoo ang Mabuting Paggawi
“Panatilihing mainam ang inyong paggawi sa gitna ng mga bansa,” sabi ni apostol Pedro, at dinidibdib ng kabataang mga Kristiyano ang utos na ito. (1 Pedro 2:12) Bilang resulta, kadalasang nagbibigay ng isang mainam na patotoo ang kanilang mabuting paggawi. Sa bansang Cameroon sa Aprika, isang lalaki ang dumalo sa ikalawang pagkakataon sa isang pulong ng kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova at siya’y nagkataong napaupo sa tabi ng isang munting batang babae. Nang anyayahan ng tagapagsalita ang mga tagapakinig upang hanapin ang isang talata sa Bibliya, napansin ng lalaki na agad nasumpungan ng munting batang babae ang bersikulo sa kaniyang sariling Bibliya at matamang sinundan ang pagbabasa. Humanga ang lalaki sa ikinilos ng bata anupat pagkatapos ng pulong, pumaroon siya sa tagapagsalita at nagsabi: “Ang munting batang ito ang nagpangyaring naisin kong makipag-aral ng Bibliya sa inyo.”
Sa Timog Aprika ay may paaralan na kung saan ang 25 estudyante ay mga anak ng mga Saksi ni Jehova. Nagbunga ng mainam na pagkakilala sa mga Saksi ni Jehova ang kanilang mabuting paggawi. Ipinagtapat ng isang guro sa isang Saksing magulang na hindi niya maunawaan kung papaano nagagawang sanaying mabuti ng mga Saksi ang kanilang mga anak, lalo na yamang nabigo ang kaniyang sariling relihiyon na tulungan ang mga kabataan. Isang bagong guro ang dumating upang tumulong sa paaralan at agad napansin ang mabuting paggawi ng mga batang Saksi. Tinanong niya ang isa sa mga batang lalaking Saksi kung ano ang dapat niyang gawin upang maging isa sa mga Saksi ni Jehova. Ipinaliwanag niya na dapat siyang mag-aral ng Bibliya, at isinaayos nito na ang kaniyang mga magulang ang siyang sumubaybay sa ipinakitang interes.
Sa Costa Rica, nakilala ni Rigoberto ang taginting ng katotohanan nang gamitin ng dalawang kamag-aral ang Bibliya sa pagsagot sa kaniyang mga tanong tungkol sa Trinidad, sa kaluluwa, at apoy ng impiyerno. Naging matimbang sa kaniya ang kanilang sinabi hindi lamang dahil sa kanilang kakayahang gamitin ang Kasulatan kundi dahil din sa kanilang mahusay na paggawi na ibang-iba sa nasasaksihan niya sa mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan. Sa kabila ng pagsalansang ng pamilya, mainam ang pagsulong ni Rigoberto sa kaniyang pag-aaral ng Bibliya.
Sa Espanya dalawang Saksi ni Jehova—isa sa kanila ay siyam na taóng gulang—ang dumalaw sa isang lalaking nagngangalang Onofre. Habang ang adultong Saksi ang pangunahing nagsasalita, sinusundan naman ng kabataang Saksi ang mga Kasulatan at inuulit ang ilang teksto sa Bibliya buhat sa memorya. Humanga si Onofre. Kaniyang naipasiya na ibig niyang mag-aral ng Bibliya sa parehong lugar kung saan natutuhan ng batang lalaki ang mahusay na paggamit ng Kasulatan. Kaya naman, maaga pa nang sumunod na Linggo, nagpunta siya sa Kingdom Hall. Naghintay pa siya sa labas hanggang sa bandang hapon, nang nagdatingan ang mga Saksi para sa kanilang pulong. Mula noon, naging mainam ang kaniyang pagsulong at kamakailan ay sinagisagan ang kaniyang pag-aalay sa pamamagitan ng bautismo sa tubig.
Mahuhusay na Kabataang mga Saksi
Oo, ginagamit ni Jehova ang mga kabataan gayundin ang mga adulto upang abutin ang may maaamong puso. Iyan ay higit pang nakita sa isang karanasan buhat sa Hungarya. Doon, napansin ng isang nars sa ospital na kailanma’t may mga bisitang dumarating upang dalawin ang isang sampung-taóng-gulang na pasyente, nagdadala sila ng mga babasahin gayundin ng pagkain. Palibhasa’y natawag ang pansin, inisip ng nars kung ano ang binabasa ng batang babae at nalaman na iyon ay ang Bibliya. Kinausap siya ng nars at nang dakong huli ay nagsabi: “Sa simula pa lamang, talagang tinuturuan na niya ako.” Nang lumabas na ng ospital ang batang babae, inanyayahan niya ang nars upang dumalo sa isang kombensiyon, pero tinanggihan siya ng nars. Gayunman, nang dakong huli ay pumayag siyang dumalo sa “Dalisay na Wika” na Pandistritong Kombensiyon. Di-nagtagal pagkatapos, nagsimula siyang mag-aral ng Bibliya, at nabautismuhan siya pagkaraan ng isang taon—lahat ay bunga ng paggamit ng munting batang babae sa kaniyang panahon sa pagbabasa ng literatura sa Bibliya habang siya’y nasa ospital.
Si Ana Ruth, sa El Salvador, ay nasa ikalawang taon sa hayskul. May ugali siyang mag-iwan ng literatura sa Bibliya sa ibabaw ng kaniyang mesa upang mabasa ng iba kung nais nila. Palibhasa’y napansin na ang literatura ay nawala at muling lumitaw pagkaraan ng ilang panahon, natuklasan ni Ana Ruth na isang kamag-aral, si Evelyn, ang nagbabasa niyaon. Paglipas ng sandaling panahon, tumanggap si Evelyn ng isang pag-aaral at nagsimulang dumalo sa mga pulong ng kongregasyon. Nang bandang huli, siya’y nabautismuhan, at ngayon ay naglilingkod siya bilang isang regular na auxiliary pioneer. Si Ana Ruth naman ay isang regular pioneer.
Sa Panama isang sister ang nagsimulang makipag-aral sa isang babae na ang asawa’y nagsimulang sumalansang sa katotohanan hanggang sa punto na halos nahinto ang pag-aaral. Gayunman, unti-unting lumambot ang kalooban ng asawang lalaki. Mga ilang panahon ang nakalipas, ang kaniyang kuya, na isang Saksi, ay humiling sa kaniya na magkabit ng alarma sa magnanakaw sa kaniyang bahay. Nang ikinakabit niya ang alarma, malungkot na dumating sa bahay ang kaniyang siyam-na-taóng gulang na pamangkin. Tinanong niya rito kung ano ang nangyari, at sinabi nito na silang magkapatid ay naparoon upang magdaos ng isang pag-aaral ng Bibliya ngunit wala ito sa bahay, kaya hindi siya nakagawa ng anuman para kay Jehova sa araw na iyon. Sinabi ng kaniyang tiyuhin: “Bakit hindi ako ang iyong pangaralan? Sa gayon ay may magagawa ka para kay Jehova.” Masayang tumakbo ang kaniyang pamangkin upang kunin ang kaniyang Bibliya, at napasimulan ang pag-aaral.
Ang kaniyang ina (ang hipag ng lalaki) ay nakikinig. Naisip niya na biru-biruan lamang ang lahat ng iyon, subalit tuwing pupunta ang lalaki sa kaniyang bahay, humihiling siya sa kaniyang pamangkin ng isang pag-aral ng Bibliya. Nang makita ng ina na talagang seryoso ang kaniyang bayaw at may ilang mahihirap na tanong, naipasiya niyang siya na mismo ang magdaos ng pag-aaral kasama ang kaniyang anak na babae. Ang lalaki’y nag-aral nang dalawang beses sa isang linggo at mabilis na sumulong. Sa wakas, siya’y umabot sa punto ng pag-aalay at kasabay na nabautismuhan ng kaniyang maybahay sa iisang asamblea—salamat sa mainam na saloobin ng kaniyang batang pamangkin.
Nagbibigay ng Mainam na Patotoo ang Lakas ng Loob ng mga Kabataan
Sinasabi ng Bibliya: “Lakasan mo ang loob mo at magpakatibay ang iyong puso. Oo, umasa ka kay Jehova.” (Awit 27:14) Ang mga salitang ito ay kumakapit sa lahat ng lingkod ng Diyos, at ang mga ito ay ikinapit ng kabataan gayundin ng adulto noong nakaraang taon. Sa Australia, nang pumasok sa kaniyang bagong paaralan ang isang limang-taóng-gulang na batang babae, pumaroon ang kaniyang ina sa guro upang ipaliwanag ang mga paniniwala ng mga Saksi ni Jehova. Ganito ang sabi ng guro: “Alam ko na kung ano ang pinaniniwalaan ninyo. Naipaliwanag na sa akin ng inyong anak ang lahat.” Hindi nangimi ang batang babaing ito na lapitang mag-isa ang kaniyang guro upang ipaliwanag ang kaniyang pananampalataya.
Nagpakita rin ng lakas ng loob ang limang-taong-gulang na si Andrea sa Romania. Nang iwan ng kaniyang ina ang relihiyong Ortodokso upang maging isang Saksi, tumangging makinig sa kaniya ang kaniyang mga kapitbahay. Isang araw sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat, narinig ni Andrea na idiniin ng tagapangasiwa sa paglilingkod ang pangangailangan na mangaral sa mga kapitbahay. Pinag-isipan niyang mabuti ang tungkol dito, at pag-uwi sa bahay ay sinabi niya sa kaniyang ina: “Pag-alis mo patungong trabaho, babangon ako, lalagyan ng literatura ang aking bag gaya ng ginagawa mo, Mommy, at mananalangin ako kay Jehova upang tulungan akong makipag-usap sa ating mga kapitbahay tungkol sa katotohanan.”
Kinabukasan ay tinupad ni Andrea ang kaniyang ipinangako. Nang magkagayon, pagkatapos na makapag-ipon ng lakas ng loob, tumimbre siya sa pintuan ng isang kapitbahay. Nang buksan ng kapitbahay ang pintuan, ganito ang sabi ng munting bata: “Alam ko pong mula nang maging isang Saksi ang aking nanay, ayaw na po ninyo sa kaniya. Sinikap po niyang kausapin kayo nang maraming ulit, pero ayaw po ninyong makinig sa kaniya. Ito po’y nakababalisa sa kaniya, subalit ibig ko pong malaman ninyo na minamahal namin kayo.” Pagkatapos, nagpatuloy si Andrea sa pagbibigay ng isang mainam na patotoo. Sa loob ng isang araw, nakapamahagi siya ng anim na aklat, anim na magasin, apat na buklet, at apat na tract. Mula noon, regular na siya sa paglilingkod sa larangan.
Sa Rwanda ang ating mga kapatid ay kinakailangang magpakita ng matinding lakas ng loob dahil sa kaguluhan doon. Minsan isang pamilyang Saksi ang ipinasok sa isang silid na doo’y naghanda ang mga sundalo upang sila’y patayin. Hiniling ng pamilya na sila’y payagang makapanalangin muna. Ito’y pinagbigyan, at lahat maliban sa anak na babae, si Deborah, ay nanalangin nang tahimik. Ayon sa ulat, si Deborah ay nanalangin nang malakas: “Jehova, ako po at si Papa ay nakapagpasakamay ng limang magasin sa linggong ito. Papaano po kaya namin mababalikan ang mga taong ito upang ituro sa kanila ang katotohanan at tulungan silang makamit ang buhay? Isa pa po, papaano na ngayon ako magiging isang mamamahayag? Ibig ko pong mabautismuhan upang maglingkod sa inyo.” Nang marinig ito, sinabi ng isang sundalo: “Hindi namin kayo magawang patayin dahil sa munting batang ito.” Tumugon si Deborah: “Salamat po.” Naligtas ang pamilya.
Nang matagumpay na pumasok si Jesus sa Jerusalem nang malapit na ang wakas ng kaniyang buhay sa lupa, siya’y sinalubong ng malaki, nagbubunying pulutong. Ang pulutong ay binubuo ng mga bata gayundin ng mga adulto. Ayon sa ulat, ang mga batang lalaki ay “sumisigaw sa templo at nagsasabi: ‘Magligtas ka, aming dalangin, sa Anak ni David!’ ” Nang tutulan ito ng mga pangulong saserdote at mga eskriba, sumagot si Jesus: “Hindi ba ninyo kailanman nabasa ito, ‘Mula sa bibig ng mga sanggol at mga pasusuhin ay naglaan ka ng papuri’?”—Mateo 21:15, 16.
Hindi ba nakatutuwang makita na kahit ngayon ang mga salita ni Jesus ay totoo? “Mula sa bibig ng mga sanggol at mga pasusuhin”—at, maaaring idagdag natin, mga tin-edyer at mga binata’t dalaga—si Jehova ay naglalaan ng papuri. Oo, kung tungkol sa pagpuri kay Jehova, walang limitadong edad.—Joel 2:28, 29.