Ipinagbangong-Puri ng Kapulungang Panghukuman sa Russia ang mga Saksi ni Jehova
TINATANGGAP ng mga Saksi ni Jehova ang mga ulat sa media tungkol sa kanila kapag ang mga ulat na ito’y mapagkakatiwalaan. Bukod diyan, ang mga Saksi ni Jehova ay handang magharap ng tunay na mga impormasyon tungkol sa kanilang sarili at sa kanilang relihiyosong paniniwala at mga gawain. Ngunit kapag hindi tama at mapanirang-puri ang mga artikulong isinusulat tungkol sa kanila, ang mga Saksi kung minsan ay dumudulog din sa mga awtoridad ng pamahalaan upang ipagtanggol naman ang kanilang relihiyoso at sibil na mga karapatan. Tingnan ang isang halimbawa kamakailan lamang.
Noong Agosto 1, 1997, sa panrehiyong insert sa St. Petersburg, ang Komsomolskaya pravda, isang popular na Rusong pahayagan, ay naglathala ng isang artikulo na lubhang nagpasamâ sa mga Saksi ni Jehova. Sa nasabing artikulo, na pinamagatang “Sekta sa Petersburg. Magkakaroon Dito ng Isang Lunsod-Templo,” sinabi ng awtor na si Oleg Zasorin na ang mga Saksi ni Jehova raw ay nakapipinsala dahil sa kanilang paniniwala at na ang kanila raw mga gawain ay lumalabag sa Konstitusyon ng Russia. Ang pagbibintang ay pangunahin nang kinapapalooban ng mga pagpilipit sa salig-Bibliyang paniniwala tungkol, halimbawa, sa pagsasalin ng dugo at ugnayang pampamilya. Isa pa, tinawag ng artikulo ang mga Saksi ni Jehova na isang “sekta,” anupat ipinamamaraling ang mga ito, sa tingin ng ilan, “ang pinakamapanganib sa lahat ng sekta.”
Ang Administrative Center of the Regional Religious Organization of Jehovah’s Witnesses sa Russia ay dumulog sa Russian Federation Presidential Judicial Chamber for Media Disputes na humihiling na suriing muli ang sinabi sa artikulo, na para sa mga Saksi ni Jehova ay isang kabulaanan. Sa sesyon ng Kapulungang Panghukuman noong Pebrero 12, 1998, naroroon ang mga kinatawan ng mga Saksi ni Jehova at sinagot ang maraming katanungan na iniharap ng mga miyembro ng kapulungan, gayundin ng mga peryodista at mga abogado. Upang patunayan ang talagang pinaniniwalaan at itinuturo ng mga Saksi ni Jehova, maingat na sinuri ng mga miyembro ng Kapulungang Panghukuman ang mga literaturang inilathala ng mga Saksi ni Jehova, partikular na ang aklat na Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya.
Napansin ni V. V. Borshchyov, kinatawan ng State Duma of the Russian Federation, na ang konsepto ng “mga sekta” ay talagang negatibo ang ipinahihiwatig. Sinabi ni Ginoong Borshchyov: “[Ang gayong] kapangahasan at ang mapanghamak na pagbabansag ay napakapanganib. Ang pagkakatanggap ng Kapulungang Panghukuman sa kahilingan ng mga Saksi ni Jehova ay napakahalaga. Dapat nang putulin ang gayong labis-labis na emosyon at pang-iinsulto sa mga relihiyosong organisasyon na rehistrado.”
Matapos marinig ang lahat ng katibayan, ipinasiya ng Kapulungang Panghukuman na ang artikulong lumabas sa Komsomolskaya pravda ay labag sa batas at walang etika; napatunayan din na ang artikulo ay punung-puno ng kabulaanan at walang saligan. “Ang awtor ay hindi nagbigay ng espesipikong mga pangyayari . . . Ang awtor ng publikasyon ay nagpalaganap ng tsismis na ipinamaraling ang mga ito’y mapagkakatiwalaang ulat, anupat inaabuso ang karapatan ng mga peryodista,” sabi ng Kapulungang Panghukuman. Taliwas sa iniulat ng artikulo sa pahayagan, natuklasan ng Panghukumang Kapulungan na ang mga Saksi ni Jehova ay masunurin sa batas at na tinuturuan nito ang mga miyembro na mamuhay nang payapa kasama ang pamilya at mga kaibigan bagaman hindi nila kapananampalataya.
Isang oras matapos dinggin ang pinakahuling katibayan, ipinasiya ng Kapulungang Panghukuman na:
“1. Talastasin na ang paglalathala ng artikulong ‘Sekta sa Petersburg. Magkakaroon Dito ng Lunsod-Templo’ ay isang paglabag sa mga kahilingan ng Artikulo 4, 49, at 51 ng Russian Federation Law ‘On the Mass Media.’
“2. Repasuhin ng State Committee of the Russian Federation Responsible for Printed Matter ang mungkahi na magpalabas ng isang babala sa lupon ng editoryal ng pahayagang Komsomolskaya pravda.
“3. Pagsabihan ang peryodistang si O. Zasorin.
“4. Irekomenda na humingi ng paumanhin ang lupon ng editoryal ng pahayagang Komsomolskaya pravda dahil sa pagpapalabas ng di-maaasahang impormasyon na walang-katuwirang sumira sa pangalan ng relihiyosong organisasyon ng mga Saksi ni Jehova.”
Ang pasiyang ito ng Kapulungang Panghukuman ay kaayon sa naging palagay ng iskolar sa relihiyon at kandidato sa pilosopiya na si Sergei Ivanenko. Matapos pag-aralang mabuti ang mga paniniwala ng mga Saksi ni Jehova at makisama sa kanila, si Ginoong Ivanenko, na hindi Saksi ni Jehova, ay sumulat ng isang artikulo na lumabas sa Pebrero 20-26, 1997 na isyu ng Moscow News.a Sinabi ni Ginoong Ivanenko: “Nakikilala ang mga Saksi ni Jehova sa kanilang matatag na paniniwala sa pamumuhay nang naaayon sa Bibliya. . . . Para sa mga Saksi ni Jehova, ang Bibliya ang konstitusyon, ang kodigo sibil at ang pinakamatayog na kapahayagan ng katotohanan. . . . Ang mga Saksi ni Jehova ay maituturing na isang halimbawa sa kanilang mga kababayan dahil sa kanilang debosyon sa katotohanan sa Bibliya at sa kanilang pagnanais na manindigan sa kanilang paniniwala nang hindi inaalintana ang sarili.”
Minsan pang pinatunayan ng naging pasiya ng Kapulungang Panghukuman at ng komento ni Ginoong Ivanenko na ang Kristiyanong relihiyon ng mga Saksi ni Jehova ay hindi panganib sa lipunan kundi, sa halip, naglilingkod para sa kapakinabangan ng lahat ng tao na may pusong matuwid. Ang mga Saksi ni Jehova ay nananatiling ‘handa na gumawa ng pagtatanggol sa harap ng bawat isa na mahigpit na humihingi sa kanila ng katuwiran para sa pag-asa na nasa kanila, ngunit ginagawa iyon taglay ang mahinahong kalooban at matinding paggalang.’—1 Pedro 3:15.
[Talababa]
a Ang kalakhang bahagi ng artikulo ni Ginoong Ivanenko na pinamagatang “Dapat ba Tayong Matakot sa mga Saksi ni Jehova?” ay pinahintulutang kopyahin sa Agosto 22, 1997 na isyu ng Gumising!, pahina 22-7.