Kabanata 8
Bakit Pinahihintulutan ng Diyos ang Pagdurusa?
1, 2. Papaano malimit na tumutugon ang mga tao sa pagdurusa ng tao?
KAPAG humahampas ang mga sakuna, na sumisira sa ari-arian at kumikitil ng buhay, marami ang hindi makaunawa kung bakit nangyayari ang ganitong kalunus-lunos na mga bagay. Ang iba’y nababagabag dahil sa lawak, kalupitan, at kawalang-pakundangan ng krimen at karahasan. Ikaw man ay magtatanong marahil, ‘Bakit kaya pinahihintulutan ng Diyos ang pagdurusa?’
2 Sapagkat hindi nila matagpuan ang kasiya-siyang sagot sa tanong na ito, marami ang nawalan na ng pananampalataya sa Diyos. Inakala nilang siya’y hindi nagmamalasakit sa sangkatauhan. Ang iba na napilitang tumanggap na ang pagdurusa’y bahagi ng buhay ay sumasamâ ang loob at isinisisi sa Diyos ang lahat ng kasamaan sa lipunan ng tao. Kung mayroon kang ganitong damdamin, walang-pagsalang magiging interesado kang lubos sa mga sinasabi ng Bibliya hinggil sa mga bagay na ito.
HINDI MULA SA DIYOS ANG PAGDURUSA
3, 4. Bakit tayo makatitiyak na ang kasamaan at pagdurusa ay hindi mula kay Jehova?
3 Tinitiyak sa atin ng Bibliya na ang pagdurusang nakikita natin sa paligid ay hindi mula sa Diyos na Jehova. Halimbawa, sumulat ang Kristiyanong alagad na si Santiago: “Kapag nasa ilalim ng pagsubok, huwag sabihin ng sinuman: ‘Ako ay sinusubok ng Diyos.’ Sapagkat sa masasamang bagay ay hindi masusubok ang Diyos ni siya mismo ay nanunubok ng sinuman.” (Santiago 1:13) Dahil dito, hindi maaaring magmula sa kaniya ang napakaraming paghihirap na sumasalot sa sangkatauhan. Hindi niya sinusubok ang mga tao upang sila’y gawing karapat-dapat na mabuhay sa langit, ni pinagdurusa man niya ang mga tao dahil sa diumano’y masasamang ginawa nila noon sa isang naunang buhay.—Roma 6:7.
4 Karagdagan pa, bagaman maraming kalunus-lunos na mga bagay ang nagawa na sa ngalan ng Diyos o ni Kristo, walang masusumpungan sa Bibliya na nagpapahiwatig na sinuman sa kanila ay sumang-ayon kailanman sa gayong mga paggawi. Walang kinalaman ang Diyos at si Kristo sa mga nag-aangking naglilingkod sa kanila subalit nandaraya at nanunuba, pumapatay at nanloloob, at gumagawa ng marami pang ibang bagay na nagiging dahilan ng pagdurusa ng mga tao. Sa katunayan, “ang lakad ng balakyot na isa ay kasuklam-suklam kay Jehova.” Ang Diyos “ay malayo sa mga balakyot.”—Kawikaan 15:9, 29.
5. Ano ang ilang katangian ni Jehova, at ano ang nadarama niya sa kaniyang mga nilalang?
5 Inilalarawan ng Bibliya si Jehova sa pagiging “napakamagiliw sa pagmamahal at maawain.” (Santiago 5:11) Inihahayag nito na “si Jehova ay mangingibig ng katarungan.” (Awit 37:28; Isaias 61:8) Hindi siya mapaghiganti. Siya’y madamaying nagmamalasakit sa kaniyang mga nilalang at nagbibigay sa kanilang lahat ng kung ano ang pinakamabuti para sa kanilang ikagagaling. (Gawa 14:16, 17) Ito ang nagawa na ni Jehova mula pa sa pasimula ng buhay sa lupa.
ISANG SAKDAL NA PASIMULA
6. Papaano ipinahihiwatig ng ilang alamat ang sinaunang kasaysayan ng sangkatauhan?
6 Lahat tayo’y sanáy nang makakita’t makadama ng kirot at pagdurusa. Kaya maaaring mahirap gunigunihin ang isang panahong walang pagdurusa, subalit ganiyan ang kalagayan sa pasimula ng kasaysayan ng tao. Maging ang mga alamat ng ilang lupain ay nagpapahiwatig sa gayong maligayang pasimula. Sa Griegong mga alamat, ang una sa “Limang Kapanahunan ng Tao” ay tinawag na “Gintong Kapanahunan.” Dito ay maligayang namuhay ang mga tao, ligtas sa mabibigat na trabaho, kirot, at mga pinsalang dulot ng katandaan. Sinasabi ng mga Intsik na noong naghahari ang maalamat na Dilaw na Emperador (si Huang-Ti), ang mga tao’y nabubuhay sa kapayapaan, nagtatamasa ng pakikipagkasundo maging sa kapaligiran at sa mababangis na hayop. Ang mga Persiyano, Ehipsiyo, Tibetano, Peruviano, at Mexicano ay pawang may mga alamat tungkol sa isang panahon ng kaligayahan at kasakdalan sa pasimula ng kasaysayan ng sangkatauhan.
7. Bakit nilalang ng Diyos ang lupa at ang sangkatauhan?
7 Inuulit lamang ng alamat ng mga lupain ang pinakamatandang nakatalang ulat ng kasaysayan ng tao, ang Bibliya. Ipinababatid nito sa atin na inilagay ng Diyos ang unang mag-asawa, sina Adan at Eva, sa isang paraiso na tinawag na halamanan ng Eden at sa kanila’y ipinag-utos: “Kayo’y magpalaanakin at magpakarami at punuin ninyo ang lupa at inyong supilin.” (Genesis 1:28) Tinamasa ng ating unang mga magulang ang kasakdalan at nagkaroon ng pag-asang makitang ang buong lupa ay maging isang paraiso na tinatahanan ng isang sakdal na pamilya ng tao na nabubuhay sa namamalaging kapayapaan at kaligayahan. Iyan ang layunin ng Diyos sa paglalang sa lupa at sa sangkatauhan.—Isaias 45:18.
ISANG MAPAMINSALANG HAMON
8. Inasahan na tutuparin nina Adan at Eva ang anong utos, ngunit ano ang nangyari?
8 Upang manatili sa pagsang-ayon ng Diyos, dapat iwasan nina Adan at Eva ang pagkain mula sa “punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama.” (Genesis 2:16, 17) Kung sinunod lamang nila ang batas ni Jehova, wala sanang pagdurusa na pipinsala sa buhay ng tao. Sa pagsunod sa utos ng Diyos, naipamalas sana nila ang kanilang pag-ibig kay Jehova at ang kanilang katapatan sa kaniya. (1 Juan 5:3) Ngunit gaya ng natutuhan natin sa Kabanata 6, hindi gayon ang nangyari. Palibhasa’y inudyukan ni Satanas, kinain ni Eva ang bunga mula sa punong iyon. Pagkaraan, nakikain din si Adan sa ipinagbabawal na bunga.
9. Anong usapin na nagsasangkot kay Jehova ang ibinangon ni Satanas?
9 Nakikita mo ba ang kaselangan ng nangyari? Tinutuligsa ni Satanas ang posisyon ni Jehova bilang ang Kataas-taasan. Sa pagsasabing, “Tiyak na hindi ka mamamatay,” sinalungat ng Diyablo ang mga salita ng Diyos na, “Tiyak na mamamatay ka.” Ang mga sinabi pa ni Satanas ay nagbigay ng impresyon na ayaw ipaalam ni Jehova kina Adan at Eva ang posibilidad na sila’y maging gaya ng Diyos, anupat hindi na Siya kakailanganin pa sa pagpapasiya kung ano ang tama at mali. Ang hamon ni Satanas samakatuwid ay nagdala ng pag-aalinlangan sa pagkamatuwid at pagkanararapat ng posisyon ni Jehova bilang ang Pansansinukob na Soberano.—Genesis 2:17; 3:1-6.
10. Anu-ano ang ipinahiwatig ni Satanas hinggil sa mga tao?
10 Ipinahiwatig din ni Satanas na Diyablo na mananatiling tapat lamang kay Jehova ang mga tao hangga’t ang pagsunod sa Diyos ay para sa kanilang kapakinabangan. Sa ibang pananalita, pinag-alinlanganan ang katapatan ng tao. Nagparatang si Satanas na walang tao ang kusang mananatiling tapat sa Diyos. Ang mapaminsalang pag-aangking ito ni Satanas ay malinaw na nahayag sa ulat ng Bibliya tungkol kay Job, isang tapat na lingkod ni Jehova na dumaan sa isang malaking pagsubok noong mga panahon bago ang 1600 B.C.E. Kapag binasa mo ang unang dalawang kabanata ng aklat ng Job, matatalos mo ang dahilan ng pagdurusa ng tao at kung bakit ito ipinahihintulot ng Diyos.
11. Anong uri ng lalaki si Job, ngunit anong paratang ang ginawa ni Satanas?
11 Si Job, “isang lalaking walang-kapintasan at matuwid,” ay sumailalim sa pagsalakay ni Satanas. Una, nagparatang si Satanas na si Job ay may masamang motibo sa pagtatanong, “Natatakot ba nang walang kabuluhan si Job sa Diyos?” Pagkaraan, buong-katusuhang siniraang-puri ng Diyablo kapuwa ang Diyos at si Job sa pamamagitan ng pagpaparatang na binili ni Jehova ang katapatan ni Job anupat iniingatan at pinagpapala siya. “Ngunit, para mapaiba naman,” hinamon ni Satanas si Jehova, “pakisuyong iunat mo ang iyong kamay at galawin ang lahat ng taglay niya at tingnan mo kung hindi ka niya itatakwil nang mukhaan.”—Job 1:8-11.
12. (a) Anu-anong tanong ang masasagot lamang kung pahihintulutan ng Diyos si Satanas na subukin si Job? (b) Ano ang naging resulta ng pagsubok kay Job?
12 Naglilingkod nga ba si Job kay Jehova dahil lamang sa lahat ng mabubuting tinanggap niya mula sa Diyos? Mananatili bang matatag ang katapatan ni Job sa ilalim ng pagsubok? Para naman kay Jehova, may sapat ba siyang pagtitiwala sa kaniyang lingkod upang pabayaang subukin siya? Ang mga tanong na ito ay masasagot kung pahihintulutan ni Jehova si Satanas na iparanas kay Job ang pinakamatinding pagsubok. Ang tapat na landasin ni Job sa ilalim ng pagsubok na ipinahintulot ng Diyos, gaya ng isinalaysay sa aklat ng Job, ay napatunayang isang ganap na pagbabangong-puri sa katuwiran ni Jehova at sa katapatan ng tao.—Job 42:1, 2, 12.
13. Papaano tayo nasasangkot sa naganap sa Eden at kay Job?
13 Gayunman, ang nangyari sa halamanan ng Eden at sa lalaking si Job ay may mas malalim na kahulugan. Ang mga usaping ibinangon ni Satanas ay nagsasangkot sa buong sangkatauhan, kasali na tayo sa ngayon. Siniraang-puri ang pangalan ng Diyos, at hinamon ang kaniyang soberanya. Ang pagiging matuwid ng tao, na siyang nilalang ng Diyos, ay pinag-alinlanganan. Ang mga usaping ito ay dapat lutasin.
KUNG PAPAANO LULUTASIN ANG MGA USAPIN
14. Kapag napaharap sa isang mapaminsalang hamon, ano ang maaaring gawin ng pinagbibintangang tao?
14 Bilang halimbawa, sabihin nating ikaw ay isang mapagmahal na magulang na may mga anak sa loob ng isang maligayang pamilya. Ipagpalagay nang isa sa iyong kapitbahay ang nagkalat ng kasinungalingan, na pinagbibintangan kang isang masamang magulang. Ano kaya kung sabihin ng kapitbahay na hindi ka mahal ng iyong mga anak, na sila’y nananatili lamang sa piling mo dahil wala silang alam na ibang mapagpipilian, at na lalayas sila kung mayroon lamang magbibigay ng pagkakataon. ‘Kabalighuan!’ marahil ay sasabihin mo. Oo nga, ngunit papaano mo ito mapatutunayan? Maaaring magpuyós sa galit ang ilang magulang. Bukod sa ito’y makalilikha ng higit pang problema, ang gayong marahas na pagtugon ay lalong gagatong sa bintang na kasinungalingan. Ang isang kasiya-siyang paraan ng pagharap sa ganitong problema ay ang magbigay ng pagkakataon para sa nagpaparatang sa iyo na patunayan ang kaniyang bintang at para sa iyong mga anak na magpatotoo naman na sila’y taimtim na nagmamahal sa iyo.
15. Papaano minabuting harapin ni Jehova ang hamon ni Satanas?
15 Si Jehova ay gaya ng mapagmahal na magulang na iyon. Maihahalintulad sina Adan at Eva sa mga anak, at bagay na bagay kay Satanas ang papel ng sinungaling na kapitbahay. Isang katalinuhan na hindi agad pinuksa ng Diyos sina Satanas, Adan, at Eva kundi pinahintulutan ang masasamang ito na patuloy na mabuhay pansamantala. Ito’y naglaan ng panahon sa ating unang mga magulang na pasimulan ang pamilya ng tao, at nagbigay ito ng pagkakataon sa Diyablo na patunayan kung totoo o hindi ang kaniyang bintang upang malutas ang mga usapin. Gayunman, sa simula pa lamang ay alam na ng Diyos na may ilang taong magiging tapat sa kaniya at sa gayo’y magpapatunay na sinungaling si Satanas. Anong laking pasasalamat natin na patuloy na pinagpapala at tinutulungan ni Jehova yaong mga umiibig sa kaniya!—2 Cronica 16:9; Kawikaan 15:3.
ANO ANG NAPATUNAYAN NA?
16. Papaano napasailalim ng kapangyarihan ni Satanas ang sanlibutan?
16 Sa halos buong kasaysayan ng tao, naging malaya si Satanas sa pagbalangkas ng kaniyang mga pakana upang pangibabawan ang sangkatauhan. Kabilang dito ang paggamit niya ng impluwensiya sa makapulitikang mga kapangyarihan at pagtataguyod ng mga relihiyon na may-katusuhang ipinaukol ang pagsamba sa kaniya sa halip na kay Jehova. Sa gayon ang Diyablo ay naging “ang diyos ng sistemang ito ng mga bagay,” at siya’y tinawag na “ang tagapamahala ng sanlibutang ito.” (2 Corinto 4:4; Juan 12:31) Tunay, “ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.” (1 Juan 5:19) Nangangahulugan ba ito na napatunayan na nga ni Satanas ang kaniyang pag-aangkin na mailalayo niya sa Diyos na Jehova ang buong sangkatauhan? Tiyak na hindi! Samantalang pinahihintulutan si Satanas na manatili pa, patuloy na isinakatuparan naman ni Jehova ang kaniyang sariling layunin. Ano, kung gayon, ang isinisiwalat ng Bibliya hinggil sa pagpapahintulot ng Diyos sa kabalakyutan?
17. Ano ang dapat nating tandaan hinggil sa dahilan ng kabalakyutan at pagdurusa?
17 Ang kabalakyutan at pagdurusa ay hindi mula kay Jehova. Yamang si Satanas ang tagapamahala ng sanlibutang ito at siyang diyos ng sistemang ito ng mga bagay, siya at yaong mga nasa panig niya ang may kagagawan sa kasalukuyang kalagayan ng lipunan ng tao at sa lahat ng kahirapang tinitiis ng sangkatauhan. Walang sinuman ang may-katuwirang makapagsasabi na sa Diyos nagmula ang ganitong mga paghihirap.—Roma 9:14.
18. Ano ang napatunayan ng pagpapahintulot ni Jehova sa kabalakyutan at pagdurusa hinggil sa idea ng pagiging hiwalay sa Diyos?
18 Ang pagpapahintulot ni Jehova sa kabalakyutan at pagdurusa ay katunayan na ang pagiging hiwalay sa Diyos ay hindi nakapagdulot ng mas mabuting sanlibutan. Hindi maikakaila, walang ibang naranasan sa kasaysayan kundi sunud-sunod na kasakunaan. Ang dahilan nito ay sapagkat pinili ng mga tao na itaguyod ang kanilang malasariling landasin at nagpamalas sila ng kawalang-pakundangan sa salita at kalooban ng Diyos. Nang ang sinaunang bayan ng Diyos at ang mga lider nito ay buong-kataksilang nagtaguyod ng “popular na landasin” at nagtakwil sa kaniyang salita, ang naging bunga’y kapahamakan. Sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Jeremias, sinabi sa kanila ng Diyos: “Ang marurunong ay napapahiya. Sila’y nasisindak at mahuhuli. Narito! Itinakwil nila ang mismong salita ni Jehova, at anong karunungan ang taglay nila?” (Jeremias 8:5, 6, 9) Palibhasa’y hindi sumunod sa mga pamantayan ni Jehova, ang sangkatauhan sa pangkalahatan ay nagmistulang isang barkong walang timon, na sinisiklut-siklot sa maalong dagat.
19. Anong patunay mayroon na hindi kayang italikod ni Satanas sa Diyos ang lahat ng tao?
19 Ang pagpapahintulot ng Diyos sa kabalakyutan at pagdurusa ay nagpatunay rin na hindi naitalikod ni Satanas kay Jehova ang buong sangkatauhan. Ipinakikita ng kasaysayan na palagi nang mayroong nananatiling tapat sa Diyos anumang panunukso o kasawian ang idulot sa kanila. Sa loob ng mga siglo, naipamalas ang kapangyarihan ni Jehova alang-alang sa kaniyang mga lingkod, at naipahayag na ang kaniyang pangalan sa buong lupa. (Exodo 9:16; 1 Samuel 12:22) Binabanggit sa atin ng Hebreo kabanata 11 ang tungkol sa mahabang hanay ng mga tapat, kasali na sina Abel, Enoc, Noe, Abraham, at Moises. Tinatawag sila ng Hebreo 12:1 na ‘isang malaking ulap ng mga saksi.’ Sila’y mga halimbawa ng di-nagmamaliw na pananampalataya kay Jehova. Maging sa modernong panahon man, marami ang nagsuko ng kanilang buhay dahil sa di-natitinag na katapatan sa Diyos. Dahil sa kanilang pananampalataya at pag-ibig, buong-tibay na pinatutunayan ng mga indibiduwal na ito na hindi kayang italikod ni Satanas sa Diyos ang lahat ng tao.
20. Ang pagpapahintulot ni Jehova na magpatuloy ang kabalakyutan at pagdurusa ay nagpatunay ng ano may kinalaman sa Diyos at sa sangkatauhan?
20 Bilang panghuli, ang pagpapahintulot ni Jehova na magpatuloy ang kabalakyutan at pagdurusa ay naglaan ng katunayan na tanging si Jehova, ang Maylalang, ang may kakayahan at karapatang mamahala sa sangkatauhan ukol sa kanilang walang-hanggang pagpapala at kaligayahan. Sa nagdaang mga siglo, nasubukan na ng sangkatauhan ang maraming anyo ng pamahalaan. Ngunit ano ang naging resulta? Ang masasalimuot na problema at mga krisis na napapaharap sa mga bansa sa ngayon ay sapat na ebidensiya na tunay nga, gaya ng binabanggit ng Bibliya, na “dominado ng tao ang kaniyang kapuwa tao sa kaniyang ikapipinsala.” (Eclesiastes 8:9) Tanging si Jehova lamang ang makapagliligtas sa atin at tutupad sa kaniyang orihinal na layunin. Papaano niya gagawin ito, at kailan?
21. Ano ang gagawin kay Satanas, at sino ang gagamitin upang isagawa ito?
21 Karaka-raka matapos na sina Adan at Eva ay maging biktima ng pakana ni Satanas, ipinatalastas ng Diyos ang Kaniyang layunin tungkol sa paraan ng kaligtasan. Ito ang ipinahayag ni Jehova hinggil kay Satanas: “Papag-aalitin ko ikaw at ang babae at ang iyong binhi at ang kaniyang binhi. Susugatan ka niya sa ulo at susugatan mo siya sa sakong.” (Genesis 3:15) Ang proklamasyong iyan ay gumarantiya na hindi papayagan ang Diyablo na gawin ang kaniyang imbing mga pakana sa habang panahon. Bilang ang Hari ng Mesianikong Kaharian, ang ipinangakong Binhi, si Jesu-Kristo, ay ‘susugat kay Satanas sa ulo.’ Oo, “sa di-kalaunan,” dudurugin ni Jesus ang mapanghimagsik na si Satanas!—Roma 16:20.
ANO ANG GAGAWIN MO?
22. (a) Anu-anong tanong ang dapat mong harapin? (b) Bagaman ibinubunton ni Satanas ang kaniyang galit sa mga tapat sa Diyos, sa ano sila makatitiyak?
22 Sa pagkaalam ng mga usaping nasasangkot, kaninong panig ka kakampi? Mapatutunayan ba ng iyong mga paggawi na ikaw ay isang tapat na tagapagtaguyod ni Jehova? Yamang alam ni Satanas na ang kaniyang panahon ay maikli na, gagawin niya ang lahat ng kaniyang magagawa upang ibunton niya ang kaniyang galit doon sa mga nagnanais na manatiling tapat sa Diyos. (Apocalipsis 12:12) Ngunit makaaasa ka ng tulong mula sa Diyos sapagkat “alam ni Jehova kung paano magligtas ng mga taong may maka-Diyos na debosyon mula sa pagsubok.” (2 Pedro 2:9) Hindi niya hahayaang tuksuhin ka nang higit sa iyong makakaya, at gagawa siya ng paraan upang mabata mo ang mga tukso.—1 Corinto 10:13.
23. Ano ang maaari nating tanawing may pananabik?
23 Taglay ang pagtitiwala, tanawin nating may pananabik ang panahon na kikilos na ang Haring si Jesu-Kristo laban kay Satanas at sa lahat ng sumusunod sa kaniya. (Apocalipsis 20:1-3) Lilipulin ni Jesus ang lahat ng may kagagawan sa mga pighati at kaguluhang dinanas ng sangkatauhan. Bago ang panahong iyan, ang isa sa pinakamasakit na anyo ng pagdurusa ay ang pagkamatay ng ating mga minamahal. Basahin ang susunod na kabanata upang malaman kung ano ang nangyayari sa kanila.
SUBUKIN ANG IYONG KAALAMAN
Papaano natin nalalaman na hindi mula kay Jehova ang pagdurusa ng tao?
Anu-anong usapin ang ibinangon ni Satanas sa Eden at niliwanag noong kaarawan ni Job?
Ang pagpapahintulot ng Diyos sa pagdurusa ay nagpapatunay ng ano?