Kabanata 29
“Tudlaan ng Pagkapoot ng Lahat ng mga Bansa”
NANG huling gabi ni Jesus kasama ng kaniyang mga apostol bago siya mamatay, ipinaalaala niya sa kanila: “Ang alipin ay hindi dakila kaysa kaniyang panginoon. Kung ako’y kanilang pinag-usig, kayo man ay pag-uusigin din; kung tinupad nila ang aking salita, ang inyo man ay tutuparin din. Datapuwat ang lahat ng mga bagay na ito ay gagawin nila sa inyo dahil sa aking pangalan, sapagkat hindi nila nakikilala ang sa akin ay nagsugo.”—Juan 15:20, 21.
Hindi lamang ilang mga pagkakataon ng manaka-nakang pagsalansang ang nasa isip ni Jesus. Tatlong araw lamang bago nito, sinabi niya: “Kayo’y magiging tudlaan ng pagkapoot ng lahat ng mga bansa dahil sa aking pangalan.”—Mat. 24:9.
Gayunman, pinayuhan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na kapag napaharap sa pag-uusig, hindi nila dapat gamitin ang mga sandata. (Mat. 26:48-52) Hindi nila dapat laitin ang mga umuusig sa kanila o sikaping maghiganti. (Roma 12:14; 1 Ped. 2:21-23) Hindi kaya posible na balang araw ay magiging mananampalataya ang mga umuusig na iyon? (Gawa 2:36-42; 7:58–8:1; 9:1-22) Ang anumang paghihiganti ay dapat ipaubaya sa Diyos.—Roma 12:17-19.
Batid ng lahat na ang unang mga Kristiyano ay malupit na pinag-usig ng pamahalaang Romano. Subalit kapansin-pansin din na ang pangunahing umusig kay Jesu-Kristo ay ang relihiyosong mga lider at na si Poncio Pilato, ang Romanong gobernador, ay nagpabitay kay Jesus dahil sa ito ang pilit na hinihingi nila. (Luc. 23:13-25) Pagkamatay ni Jesus ay muling naging pangunahing mga tagapag-usig ng mga tagasunod ni Jesus ang relihiyosong mga lider. (Gawa 4:1-22; 5:17-32; 9:1, 2) Hindi ba ganito rin ang nangyayari sa makabagong mga panahon?
Humiling ang mga Klero ng Debateng Pampubliko
Nang mabilis na dumami ang sirkulasyon ng mga isinulat ni C. T. Russell hanggang sa naging sampu-sampung milyong kopya sa maraming wika, hindi maaaring hindi pansinin ng mga klerong Katoliko at Protestante ang kaniyang sinasabi. Palibhasa’y nagagalit sapagkat inilalantad bilang hindi maka-kasulatan ang kanilang mga turo, at nababahala sapagkat nawawalan sila ng mga miyembro, maraming klero ang gumamit ng kanilang mga pulpito upang tuligsain ang mga sulat ni Russell. Inutusan nila ang kanilang mga kawan na huwag tanggapin ang literaturang ipinamamahagi ng mga Estudyante ng Bibliya. Sinikap ng ilan sa kanila na sulsulan ang mga opisyal ng pamahalaan upang pahintuin ang gawaing ito. Sa ilang mga lugar sa Estados Unidos—kabilang dito ang Tampa, Florida; Rock Island, Illinois; Winston-Salem, North Carolina; at Scranton, Pennsylvania—pinangasiwaan nila ang pagsunog sa publiko ng mga aklat na isinulat ni Russell.
Nadama ng ilan sa mga klero na kailangang wasakin ang impluwensiya ni Russell sa pamamagitan ng paglalantad sa kaniya sa isang debateng pampubliko. Malapit sa punong-tanggapan ng gawain niya, isang grupo ng mga klerigo ang pumili bilang kanilang tagapagsalita si Dr. E. L. Eaton, pastor ng North Avenue Methodist Episcopal Church sa Allegheny, Pennsylvania. Noong 1903 siya’y nagmungkahi ng isang debateng pampubliko, at tinanggap ni Brother Russell ang imbitasyon.
Anim na proposisyon ang iniharap, katulad ng sumusunod: Pinanindigan ni Brother Russell, subalit tinanggihan naman ni Dr. Eaton, na ang mga kaluluwa ng patay ay walang malay; na ang “ikalawang pagparito” ni Kristo ay mauuna sa Milenyo at na ang layunin ng kapuwa “ikalawang pagparito” niya at ng Milenyo ay ang pagpapala ng lahat ng mga sambahayan sa lupa; gayundin na tanging ang mga santo lamang ng “panahon ng Ebanghelyo” ang nakikibahagi sa unang pagkabuhay-muli subalit ang lubhang karamihan ay magkakaroon ng pagkakataong maligtas sa pamamagitan ng kasunod na pagkabuhay-muli. Pinanindigan ni Dr. Eaton, subalit tinanggihan naman ni Brother Russell, na wala nang ibang paglalaan pagkamatay para sa kaninuman; na lahat ng mga naligtas ay aakyat sa langit; at na ang pusakal na masasama ay pahihirapan nang walang-hanggan. Isang serye ng anim na debate sa mga proposisyong ito ang idinaos, bawat debate sa harap ng pagkarami-raming tao na pumunô sa Carnegie Hall sa Allegheny noong 1903.
Ano ang nasa likuran ng paghamon na iyon sa debate? Bilang pagmamasid sa bagay ayon sa tanawin ng kasaysayan, si Albert Vandenberg nang maglaon ay sumulat ng ganito: “Ang mga debate ay idinaos na may ministro mula sa iba’t ibang denominasyong Protestante na tumayo bilang tagapangulo sa bawat pagtalakay. Karagdagan pa, ang mga ministro mula sa iba’t ibang simbahan sa paligid ay nakaupo sa plataporma na kasama ni Reberendo Eaton, di-umano upang paglaanan siya ng alalay sa mga teksto at sa moral . . . Ang pagkakabuo ng kahit isang di-opisyal na alyansa ng mga klerong Protestante ay nagpapahiwatig na sila’y natatakot sa maaaring gawin ni Russell sa pagkukumberte sa mga miyembro ng kanilang mga denominasyon.”—“Charles Taze Russell: Pittsburgh Prophet, 1879-1909,” inilathala sa The Western Pennsylvania Historical Magazine, Enero 1986, p. 14.
Ang ganitong mga debate ay hindi naman gaanong madalas na ginawa. Ang mga resulta ng mga ito ay hindi gaya ng hinahangad ng alyansa ng mga klero. Ang ilan sa sariling kongregasyon ni Dr. Eaton, sapagkat naantig sila ng kanilang narinig sa serye ng mga debate noong 1903, ay umalis sa kaniyang simbahan at nakisama sa mga Estudyante ng Bibliya. Maging ang isang klerigo na naroroon ay kumilala sa bagay na nagawa ni Russell na ‘bombahin ng tubig ang impiyerno at patayin ang apoy.’ Gayunman, nadama mismo ni Brother Russell na ang kapakanan ng katotohanan ay higit na maitataguyod kung ang panahon at pagsisikap ay gagamitin sa ibang gawain sa halip na sa mga debate.
Hindi tumigil ang mga klero sa kanilang pananalakay. Nang magsalita si Brother Russell sa Dublin, Irlandya, at Otley, Yorkshire, Inglatera, naglagay sila ng mga lalaki sa gitna ng mga tagapakinig upang sumigaw ng mga pagtutol at mga bulaang pagbibintang laban mismo kay Russell. May-kasanayang hinarap ni Brother Russell ang mga situwasyong ito, na laging nananalig sa Bibliya bilang awtoridad sa kaniyang mga sagot.
Ang mga klerigong Protestante, anuman ang denominasyon, ay kasapi ng tinatawag na Evangelical Alliance. Ang kanilang mga kinatawan sa maraming lupain ay lumikha ng gulo laban kay Russell at sa mga namamahagi ng kaniyang literatura. Sa Texas (E.U.A.), bilang halimbawa, nasumpungan ng mga Estudyante ng Bibliya na ang bawat klerigo, kahit sa pinakamaliliit na bayan at nayon, ay nagtataglay ng iyon ding maling mga bintang laban kay Russell at iyon ding mga pagpilipit sa kaniyang itinuturo.
Gayunman, kung minsan ang mga pagsalakay na ito laban kay Russell ay nagkakaroon ng mga resultang hindi naman inaasahan ng mga klero. Sa New Brunswick, Canada, nang ginamit ng isang tagapangaral ang kaniyang pulpito upang magbigay ng sermon laban kay Russell, may isang lalaking nakikinig na personal na nakabasa ng literaturang isinulat ni Brother Russell. Nainis siya nang sinadya ng tagapangaral na gumamit ng mga kabulaanan. Sa bandang kalagitnaan ng sermon, tumayo ang lalaki, hinawakan niya ang kaniyang asawa sa kamay, at tinawag niya ang kaniyang pitong anak na babae na kumakanta sa koro: “Tayo na, mga anak, uuwi na tayo.” Silang siyam ay pawang nagsilabas, at pinagmasdan ng ministro samantalang ang lalaki na siyang nagpatayo ng simbahan at siyang pangunahing tagatangkilik sa pinansiyal ng kongregasyon ay umalis. Di-nagtagal at ang kongregasyon ay nagkawatak-watak, at ang tagapangaral ay umalis.
Gumagamit ng Pangungutya at Paninirang-puri
Sa kanilang desperadong pagsisikap na wasakin ang impluwensiya ni C. T. Russell at ng kaniyang mga kasamahan, hinamak ng mga klero ang kaniyang pag-aangkin na siya’y isang Kristiyanong ministro. Sa kahawig na mga dahilan, ang Judiong mga lider ng relihiyon noong unang siglo ay humamak kina apostol Pedro at Juan bilang “mga taong walang-pinag-aralan at mangmang.”—Gawa 4:13.
Hindi nagtapos si Brother Russell sa isa sa mga paaralan ng teolohiya ng Sangkakristiyanuhan. Subalit buong-tapang na sinabi niya: “Hinahamon namin [ang mga klero] na patunayan na sila’y nagkaroon kailanman ng Banal na ordinasyon o na ito’y kanilang iniisip man lamang. Itinuturing nila ito bilang isa lamang sektaryanong ordinasyon, o awtorisasyon, bawat isa mula sa kaniyang sariling sekta o partido. . . . Ang ordinasyon o awtorisasyon ng Diyos sa kaninumang tao upang mangaral ay sa pamamagitan ng pagkakaloob ng Banal na Espiritu sa kaniya. Sinuman na tumatanggap ng Banal na Espiritu ay tumatanggap ng kapangyarihan at awtoridad upang magturo at mangaral sa pangalan ng Diyos. Ang sinumang hindi tumatanggap ng Banal na Espiritu ay hindi nagtataglay na Banal na awtoridad o pagsang-ayon sa kaniyang pangangaral.”—Isa. 61:1, 2.
Upang sirain ang kaniyang reputasyon, ang ilan sa mga klero ay nangaral at naglathala ng mapanirang-puring mga kasinungalingan tungkol sa kaniya. Ang isa na madalas nilang ginamit—at ginagamit pa rin hanggang ngayon—ay may kaugnayan sa katayuan ni Brother Russell bilang may-asawa. Sinikap nilang ipahiwatig na si Russell ay imoral. Ano bang talaga ang totoo?
Noong 1879, napangasawa ni Charles Taze Russell si Maria Frances Ackley. Naging mabuti ang pagsasama nila sa loob ng 13 taon. Pagkatapos ang mga paimbabaw na papuri ng iba kay Maria at ang panrarahuyo sa kaniyang kakayahan ay unti-unting sumira sa kanilang ugnayan; subalit nang maging maliwanag ang layunin nila, waring naibalik ang kaniyang pagiging timbang sa sarili. Matapos na magkalat ng mga kasinungalingan tungkol kay Brother Russell ang isang dating kasamahan, siya’y humingi pa ng pahintulot sa kaniyang asawang lalaki na dumalaw sa ilang mga kongregasyon upang pabulaanan ang mga bintang, yamang ang ibinibintang ay na siya’y minamaltrato niya. Subalit, ang magandang pagtanggap sa kaniya sa paglalakbay na iyon noong 1894 ay waring naging dahilan ng pagbabago sa pangmalas niya sa kaniyang sarili. Sinikap niyang makakuha ng higit na impluwensiya sa pagpapasiya sa kung ano ang ilalathala sa Watch Tower.a Nang matalos niya na wala sa isinulat niya ang ilalathala malibang ang nilalaman nito’y sang-ayunan ng kaniyang asawa, ang patnugot ng magasin (batay sa pagiging kasuwato nito sa mga Kasulatan), siya’y lubhang nabagabag. Gumawa si Brother Russell ng puspusang pagsisikap upang siya’y matulungan, ngunit noong Nobyembre 1897 si Brother Russell ay iniwanan niya. Gayunman, pinaglaanan pa rin siya ng matitirhan at sustento. Ilang taon pagkaraan, pagkatapos ng pagdinig sa korte na inihain niya noong 1903, siya’y pinagkalooban, noong 1908, ng hatol, hindi ng lubus-lubusang diborsiyo, kundi ng legal na paghiwalay sa kaniya, ngunit may sustento.
Yamang hindi niya kayang pilitin ang kaniyang asawa na kumunsinti sa kaniyang mga kahilingan, gumawa siya ng puspusang pagsisikap matapos humiwalay sa kaniya upang sirain ang kaniyang pangalan. Noong 1903 siya’y naglathala ng isang pulyeto na punô, hindi ng mga katotohanan mula sa Kasulatan, kundi ang mapanirang-puring mga kasinungalingan hinggil kay Brother Russell. Sinikap niyang magpatulong sa mga ministro ng iba’t ibang denominasyon upang ipamahagi ang mga ito sa mga pinagdarausan ng mga Estudyante ng Bibliya ng pantanging mga pagtitipon. Mabuti na lamang at kakaunti lamang sa mga ministro noong panahong iyon ang handang pagamit sa ganitong paraan. Gayunman, mula noon ang ibang mga klerigo ay nagpakita ng kakaibang espiritu.
Noong una, hinatulan ni Maria Russell, nang bibigan at sa panulat, yaong mga nagbintang kay Brother Russell ng mismong mga kamalian na kaniyang ibinibintang ngayon. Sa paggamit ng ilang di-napatunayang mga kapahayagang ginawa sa panahon ng isang paglilitis sa hukuman noong 1906 (at na ang mga kapahayagang ito ay binura sa rekord sa utos ng korte), ang ilang relihiyosong mga mananalansang kay Brother Russell ay naglathala ng mga bintang na may layuning palitawin na siya’y isang taong imoral at dahil dito ay hindi karapat-dapat na maging ministro ng Diyos. Gayunman, maliwanag mula sa ulat ng hukuman na ang gayong mga pagbibintang ay pawang kabulaanan. Ang sarili niyang abogado ay nagtanong kay Gng. Russell kung naniniwala siya na ang kaniyang asawa ay nagkasala ng pangangalunya. Siya’y sumagot: “Hindi.” Kapansin-pansin din na nang dinggin ng isang komite ng Kristiyanong matatanda ang mga bintang ni Gng. Russell laban sa asawa niya noong 1897, hindi niya binanggit ang mga bagay na sinabi niya sa dakong huli sa korte upang hikayatin ang hurado na ipagkaloob ang diborsiyo, bagaman ang di-umanong mga pangyayaring ito ay naganap bago ang pulong na iyon.
Siyam na taon matapos unang isinampa ni Gng. Russell ang kaso sa hukuman, si Hukom James Macfarlane ay sumulat ng liham upang sagutin ang isang lalaki na humihingi ng kopya ng ulat ng korte sa layuning si Russell ay mailantad ng isa sa kaniyang mga kasamahan. Prangkahan siyang sinabihan ng hukom na ang hinihingi niya ay magiging pag-aaksaya ng panahon at salapi. Sinabi ng kaniyang liham: “Ang saligan ng kaniyang aplikasyon at ng hatol na ipinanaog batay sa desisyon ng hurado ay ‘pagpapawalang-dangal’ at hindi pangangalunya at ang patotoo, ayon sa aking pagkaunawa, ay hindi nagpapakita na si Russell ay ‘namumuhay sa pangangalunya kasama ng isang kalaguyo.’ Sa katunayan ay wala talagang kalaguyo.”
Ang sariling pag-amin ni Maria Russell nang dakong huli ay nangyari sa libing ni Brother Russell sa Carnegie Hall sa Pittsburgh noong 1916. May suot na lambong, siya’y lumakad sa gitna patungo sa kabaong at naglagay roon ng isang bungkos ng lilies of the valley. Nakakabit sa mga ito ang isang laso na nagtataglay ng mga salitang, “Sa Aking Pinakamamahal na Asawa.”
Maliwanag na ginagamit ng mga klero ang katulad na mga paraan na ginamit ng kanilang mga katumbas noong unang siglo. Noong panahong iyon, sinikap nilang sirain ang reputasyon ni Jesus sa pagsasabing siya’y kumakain na kasama ng mga makasalanan at na siya mismo ay isang makasalanan at mamumusong. (Mat. 9:11; Juan 9:16-24; 10:33-37) Ang gayong mga bintang ay hindi nagpabago ng katotohanan tungkol kay Jesus, subalit inilantad ng mga ito yaong mga gumagamit ng gayong paninirang-puri—at inilalantad din yaong mga gumagamit ng gayunding mga taktika ngayon—bilang supling ng kanilang espirituwal na ama ang Diyablo, na nangangahulugang “Maninirang-puri.”—Juan 8:44.
Sinasamantala ang Kaigtingan ng Digmaan Upang Makamit ang Kanilang Layunin
Dahil sa nasyonalistikong damdamin na naging palasak sa daigdig noong unang digmaang pandaigdig, isang bagong sandata ang natuklasan na magagamit laban sa mga Estudyante ng Bibliya. Ang pagkapoot ng relihiyosong mga lider na Protestante at Romano Katoliko ay maaaring ihayag samantalang kunwaring ginagamit ang pagkamakabayan bilang panakip. Sinamantala nila ang kaigtingan ng digmaan upang pagbintangan ang mga Estudyante ng Bibliya bilang mga lumalaban sa gobyerno—iyon ding paratang na ipinataw laban kay Jesu-Kristo at kay apostol Pablo ng relihiyosong mga lider ng unang-siglong Jerusalem. (Luc. 23:2, 4; Gawa 24:1, 5) Sabihin pa, upang makagawa ang mga klero ng gayong bintang, sila mismo ay kailangang maging aktibong tagapagtaguyod ng digmaan, subalit waring hindi ito nakagagambala sa kanila, kahit mangahulugan man iyon na ang mga kabataang lalaki ay ipadala upang patayin ang mga miyembro ng kanilang sariling relihiyon sa ibang lupain.
Noong Hulyo 1917, pagkamatay ni Russell, ang Samahang Watch Tower ay naglabas ng aklat na The Finished Mystery, isang komentaryo sa Apocalipsis at Ezekiel gayundin sa Awit ni Solomon. Ang aklat na iyon ay tahasang naglantad sa pagpapaimbabaw ng mga klero ng Sangkakristiyanuhan! Malawakang naipamahagi ito sa loob lamang ng maikling panahon. Noong huling bahagi ng Disyembre 1917 at maaga noong 1918, ang mga Estudyante ng Bibliya sa Estados Unidos at Canada ay naglunsad din ng pamamahagi ng 10,000,000 kopya ng isang maapoy na mensahe sa pulyetong The Bible Students Monthly. Ang apat-na-pahinang pulyetong ito na sinlaki ng tabloid ay pinamagatang “Ang Pagbagsak ng Babilonya,” at may subtitulong “Kung Bakit Kailangang Magdusa Ngayon ang Sangkakristiyanuhan—Ang Pangwakas na Kahihinatnan.” Ipinakilala nito ang magkasamang relihiyosong mga organisasyong Katoliko at Protestante bilang ang makabagong-panahong Babilonya, na malapit nang bumagsak. Bilang pag-alalay sa nasabi na, gumawa-muli mula sa The Finished Mystery na komentaryo ng mga hula na naglalahad ng banal na paghatol laban sa “Mistikong Babilonya.” Nasa likod ng pahina ang isang buháy na karikatura ng isang pader na gumuguho. Malalaking bato mula sa pader ang may mga sulat tulad ng “Doktrina ng Trinidad (‘3 X 1 = 1’),” “Pagkawalang-kamatayan ng Kaluluwa,” “Teoriya ng Walang-hanggang Pagpapahirap,” “Protestantismo—mga kredo, klero, atb.,” “Romanismo—mga papa, kardinal, atb., atb.,”—at lahat ng mga ito ay bumabagsak.
Galít na galít ang mga klero sa paglalantad na ito, tulad din ng mga klerong Judio nang ilantad ni Jesus ang kanilang pagpapaimbabaw. (Mat. 23:1-39; 26:3, 4) Sa Canada mabilis na tumugon ang mga klero. Noong Enero 1918, mahigit na 600 klerigo sa Canada ang lumagda sa isang pitisyon na humihiling sa gobyerno na pagbawalan ang mga publikasyon ng International Bible Students Association. Gaya ng iniulat sa Winnipeg Evening Tribune, matapos tuligsain mula sa pulpito ni Charles G. Paterson, pastor ng St. Stephen’s Church sa Winnipeg, ang The Bible Students Monthly, na naglalaman ng artikulong “Ang Pagbagsak ng Babilonya,” ang Pangkalahatang Manananggol na si Johnson ay nakipag-ugnayan sa kaniya upang kumuha ng kopya. Di-nagtagal pagkatapos nito, noong Pebrero 12, 1918, sa pamamagitan ng utos ng pamahalaan ng Canada ay ginawang krimen na parurusahan ng multa at pagkabilanggo ang pagtataglay ng isa ng alinman sa aklat na The Finished Mystery o ang pulyetong ipinakita sa itaas.
Noong buwan ding iyon, noong Pebrero 24, si Brother Rutherford, ang bagong halal na presidente ng Samahang Watch Tower, ay nagpahayag sa Estados Unidos sa Temple Auditorium sa Los Angeles, California. Ang kaniyang paksa ay nakagigitla: “Ang Sanlibutan ay Nagwakas Na—Angaw-angaw na Ngayo’y Nabubuhay Ay Hindi Na Mamamatay Kailanman.” Sa paglalahad ng katibayan na ang sanlibutang kilala noon ay talagang nagtapos nga noong 1914, tinukoy niya ang digmaan na nagpapatuloy pa rin, kalakip na ang taggutom, at ipinakilala ito bilang bahagi ng tanda na inihula ni Jesus. (Mat. 24:3-8) Pagkatapos ay nagtuon siya ng pansin sa mga klero, sa pagsasabing:
“Bilang isang grupo, ayon sa mga kasulatan, ang mga klerigo ang siyang dapat sisihin nang higit sa kaninumang tao sa lupa dahil sa malaking digmaan na ngayo’y sumasalot sa sangkatauhan. Sa loob ng 1,500 taon ay itinuro nila sa mga tao ang satanikong doktrina ng banal na karapatan ng mga hari upang mamahala. Pinaghalo nila ang pulitika at ang relihiyon, ang simbahan at ang estado; sila’y hindi naging tapat sa bigay-Diyos nilang pribilehiyo na paghahayag ng mensahe ng kaharian ng Mesiyas, at iniukol nila ang kanilang sarili sa paghimok sa mga pinunò na maniwala na ang hari ay namamahala dahil sa banal na karapatan, at samakatuwid anuman na kaniyang ginagawa ay matuwid.” Upang ipakita ang resulta nito, sinabi niya: “Ang ambisyosong mga hari sa Europa ay naghanda ng mga sandata para sa digmaan, sapagkat hinangad nilang agawin ang teritoryo ng iba; at pinuri sila ng mga klero at nagsabi: ‘Gawin ninyo ang gusto ninyo, hindi kayo maaaring magkamali; anumang gawin ninyo ay tama.’” Subalit hindi lamang ang mga klerong taga-Europa ang gumagawa nito, at alam ito ng mga tagapangaral sa Amerika.
Isang detalyadong ulat ng pahayag na ito ang inilathala kinabukasan sa Los Angeles Morning Tribune. Gayon na lamang ang galit ng mga klero anupat ang asosasyon ng mga ministro ay nagpulong noong mismong araw na iyon at nagsugo ng kanilang presidente sa mga manedyer ng pahayagan upang ihayag ang kanilang matinding pagkayamot. Pagkatapos, ito’y sinundan ng isang panahon ng sunud-sunod na panliligalig sa mga opisina ng Samahang Watch Tower ng mga miyembro ng intelligence bureau ng pamahalaan.
Noong panahong ito ng nasyonalistikong kaigtingan, isang kapulungan ng mga klerigo ang idinaos sa Philadelphia, sa Estados Unidos, na doon pinagtibay ang isang resolusyon na humihiling ng rebisyon sa Espionage Act upang ang di-umanong lumalabag dito ay maaaring litisin ng hukumang-militar at patawan ng hatol na kamatayan. Si John Lord O’Brian, pantanging katulong sa pangkalahatang manananggol sa gawain may kinalaman sa digmaan, ang pinili upang iharap ang bagay na ito sa Senado. Ang panukalang iyon ay hindi pinahintulutan ng presidente ng Estados Unidos na maging batas. Subalit si Medyor-Heneral James Franklin Bell, ng Hukbo ng E.U., sa bugso ng galit ay nagsiwalat kina J. F. Rutherford at W. E. Van Amburgh kung ano ang naganap sa kapulungan at ang layunin na gamitin ang panukalang iyon laban sa mga opisyal ng Samahang Watch Tower.
Ipinakikita ng opisyal na mga salansan ng pamahalaan ng E.U. na lalo na mula Pebrero 21, 1918, patuloy, si John Lord O’Brian ay personal na nasangkot sa pagsisikap na magsampa ng isang legal na kaso laban sa mga Estudyante ng Bibliya. Ang Congressional Record ng Abril 24 at Mayo 4 ay naglalaman ng mga nota mula kay John Lord O’Brian na doon ay mahigpit siyang nangatuwiran na kung pahihintulutan ng batas ang pagsasalita ng “mga bagay na totoo, na may mabuting motibo, at sa makatuwirang mga layunin,” gaya ng pagkakasabi sa tinatawag na France Amendment sa Espionage Act at na sinang-ayunan ng Senado ng E.U., hindi siya magtatagumpay sa pag-uusig sa mga Estudyante ng Bibliya.
Sa Worcester, Massachusetts, si “Reb.” B. F. Wyland ay nagsamantala pa sa kaigtingan ng digmaan sa pagsasabing ang mga Estudyante ng Bibliya ay nagpapalaganap ng propaganda para sa kaaway. Naglathala siya ng isang artikulo sa Daily Telegram na doon ay sinabi niya: “Isa sa tungkuling makabayan na napaharap sa iyo bilang mga mamamayan ay ang pagsugpo sa International Bible Students Association, na may punong-tanggapan sa Brooklyn. Sila, sa ilalim ng balatkayo ng relihiyon, ay nagpapalaganap ng propagandang Aleman sa Worcester sa pamamagitan ng pagbibili ng kanilang aklat, ang ‘The Finished Mystery.’” Tahasan niyang sinabi sa mga awtoridad na tungkulin nilang arestuhin ang mga Estudyante ng Bibliya at hadlangan sila sa pagdaraos pa ng mga pulong.
Nang tagsibol at tag-araw ng 1918 ay nagkaroon ng laganap na pag-uusig sa mga Estudyante ng Bibliya, kapuwa sa Hilagang Amerika at sa Europa. Ang ilan sa manunulsol ay mga klerigo ng Baptist, Methodista, Episcopal, Lutherano, Romano Katoliko, at iba pang mga iglesya. Ang literatura sa Bibliya ay kinumpiska ng mga opisyal nang walang mandamyento sa paghahalughog, at marami sa mga Estudyante ng Bibliya ang itinapon sa bilangguan. Ang iba’y inumog, binugbog, hinagupit, binuhusan ng alkitran at nilagyan ng balahibo, o binalian ng kanilang mga tadyang o sinugatan sa ulo. Ang ilan ay naging lumpo habang buhay. Ang Kristiyanong mga lalaki at babae ay ibinilanggo nang walang paratang o walang paglilitis. Mahigit na isang daang espesipikong mga halimbawa ng gayong malupit na pagtrato ang iniulat sa The Golden Age ng Setyembre 29, 1920.
Pinaratangan Bilang mga Espiya
Ang sukdulang dagok ay sumapit noong Mayo 7, 1918, nang ilabas ang pederal na mga mandamyento sa Estados Unidos upang arestuhin si J. F. Rutherford, ang presidente ng Watch Tower Bible and Tract Society, at ang pinakamatalik niyang mga kasamahan.
Isang araw bago nito, sa Brooklyn, New York, dalawang demanda ang isinampa laban kay Brother Rutherford at sa kaniyang mga kasamahan. Kung hindi magtatagumpay ang unang kaso, ang ikalawang demanda ay maaari namang itaguyod. Ang unang demanda, na nagharap ng mga paratang laban sa mas maraming indibiduwal, ay naglakip ng apat na sumbong: Ang dalawa ay nagparatang sa kanila na sila’y nagsabuwatan upang labagin ang Espionage Act ng Hunyo 15, 1917; at ang dalawa namang sumbong ay nagparatang na sila’y nagtangkang isakatuparan ang kanilang di-legal na mga plano o aktuwal na isinasagawa ito. Pinaratangan na sila’y nagsasabuwatan upang lumikha ng paghihimagsik at pagtangging magsundalo sa hukbong sandatahan ng Estados Unidos at na sila’y nagsasabuwatan upang hadlangan ang pangangalap at pagpapatala ng mga lalaki para sa paglilingkod na iyon samantalang nagdidigmaan pa ang bansa, gayundin na sila’y nagtangkang magsagawa o aktuwal na nagsasagawa ng dalawang bagay na ito. Sa demanda ay espesipikong binanggit ang paglalathala at pamamahagi ng aklat na The Finished Mystery. Ang ikalawang demanda ay nagpakahulugan na ang pagpapadala ng isang tseke sa Europa (na gagamitin sa gawain ng pagtuturo sa Bibliya sa Alemanya) ay salungat sa kapakanan ng Estados Unidos. Nang litisin sa hukuman ang mga nasasakdal, ang unang demanda, yaong may apat na sumbong, ang siyang itinaguyod nila.
Isa pang demanda kina C. J. Woodworth at J. F. Rutherford sa ilalim ng Espionage Act ang nabibinbin noong panahong iyon sa Scranton, Pennsylvania. Subalit, ayon sa isang sulat mula kay John Lord O’Brian na may petsang Mayo 20, 1918, natatakot ang mga miyembro ng Kagawaran ng Hustisya na ang Pandistritong Hukom ng E.U. na si Witmer, na sa harap niya lilitisin ang kaso, ay hindi sasang-ayon sa kanilang paggamit ng Espionage Act upang sugpuin ang mga tao na, dahil sa taimtim na relihiyosong paniniwala, ay nagsasabi ng mga bagay na maaaring ipangahulugan ng iba bilang propaganda laban sa digmaan. Kaya ang kaso sa Scranton ay ipinagpaliban muna ng Kagawaran ng Hustisya, na hinihintay ang kalalabasan ng kaso sa Brooklyn. Minaneobra ng gobyerno ang situwasyon upang si Hukom Harland B. Howe, mula sa Vermont, na alam ni John Lord O’Brian na kaisa niya sa kaniyang pangmalas sa mga bagay na ito, ang umupo bilang hukom sa kasong ito sa Korteng Pandistrito ng E.U. para sa Silangang Distrito ng New York. Ang kaso ay sinimulang litisin noong Hunyo 5, na sina Isaac R. Oeland at Charles J. Buchner, isang Romano Katoliko, ang mga tagausig. Sa panahon ng paglilitis, gaya ng napansin ni Brother Rutherford, madalas na sumasangguni kina Buchner at Oeland ang mga paring Katoliko.
Habang nagpapatuloy ang kaso, ipinakita na ang mga opisyal ng Samahan at ang mga manunulat ng aklat ay walang layuning hadlangan ang gawain ng bansa may kaugnayan sa digmaan. Ipinakita ng ebidensiyang iniharap sa panahon ng paglilitis na ang mga plano para sa pagsulat ng aklat—sa katunayan, ang pagsulat ng kalakhang bahagi ng manuskrito—ay naganap bago pa nagdeklara ng digmaan ang Estados Unidos (noong Abril 6, 1917) at na ang orihinal na kontrata para sa paglalathala ay nilagdaan bago ipinanaog ng Estados Unidos ang batas (noong Hunyo 15) na kanilang di-umano’y nilabag.
Pinatingkad ng tagausig ang mga idinagdag sa aklat na ginawa noong Abril at Hunyo ng 1917, habang inihahanda ang manuskrito at binabasa ang mga proof. Kalakip sa mga ito ang isang sinipi mula kay John Haynes Holmes, isang klerigo na buong-diing nagpahayag na ang digmaan ay isang paglabag sa Kristiyanismo. Gaya ng ipinakita ng isa sa mga manananggol para sa depensa, ang mga komento ng klerigong iyon, na inilathala sa ilalim ng pamagat na A Statement to My People on the Eve of War, ay ipinagbibili pa rin sa Estados Unidos noong panahon ng paglilitis. Ang klerigo man ni ang tagapaglathala ay hindi pinaratangan dahil dito. Subalit ang mga Estudyante ng Bibliya na tumukoy lamang sa kaniyang sermon ang siyang pinananagot sa mga damdaming inihayag doon.
Hindi sinabi ng aklat sa mga tao sa daigdig na wala silang karapatang makipagdigma. Subalit, bilang pagpapaliwanag sa hula, sinipi nito ang mga halaw mula sa mga isyu ng The Watch Tower ng 1915 upang ipakita ang pagpapaimbabaw ng mga klerigo na nagpapanggap na mga ministro ni Kristo ngunit nagsisilbing mga ahenteng tagapangalap para sa nagdidigmaang mga bansa.
Nang mapag-alaman na tutol ang gobyerno sa aklat, karaka-rakang nagpadala si Brother Rutherford ng telegrama sa manlilimbag upang pahintuin ang pag-iimprenta nito, at kasabay nito, isang kinatawan ng Samahan ang ipinadala sa intelligence section ng Hukbo ng E.U. upang alamin kung ano ang tinututulan nila. Nang mapag-alaman na dahil sa kasalukuyang kalagayan sa digmaan, ang mga pahina 247-53 ng aklat ay hindi sinasang-ayunan, nag-utos ang Samahan na ang mga pahinang iyon ay pilasin mula sa aklat bago ito ialok sa madla. At nang mag-utos ang gobyerno sa mga pandistritong manananggol na ang anumang pamamahagi pa ay magiging paglabag sa Espionage Act (bagaman ang gobyerno ay ayaw magbigay ng opinyon sa Samahan hinggil sa binagong anyo ng aklat), nag-utos ang Samahan na lahat ng pamamahagi ng aklat sa madla ay itigil muna.
Bakit Ganiyang Kabigat ang Parusa?
Sa kabila ng lahat ng ito, noong Hunyo 20, 1918, nagpanaog ang hurado ng desisyon na ang bawat isang nasasakdal ay nagkasala sa bawat sumbong sa demanda. Kinabukasan, pitob sa kanila ang hinatulan ng apat na sentensiya na tig-20 taon ang bawat isa, na ang mga ito’y sabay-sabay na tatapusin. Noong Hulyo 10, ang ikawaloc ay hinatulan ng apat na sentensiya na tig-10 taon. Gaanong kabigat ang mga sentensiyang ito? Sa isang sulat sa pangkalahatang manananggol noong Marso 12, 1919, inamin ng presidente ng E.U. na si Woodrow Wilson na “ang mga sentensiya sa pagkabilanggo ay maliwanag na labis-labis.” Sa katunayan, ang lalaki sa Sarajevo na bumaril at pumatay sa pinutungang prinsipe ng Imperyo ng Austro-Hungarya—na siyang naging mitsa na nagsadlak sa mga bansa sa Digmaang Pandaigdig I—ay hindi nabigyan ng mas mabigat na sentensiya. Ang kaniyang sentensiya ay 20 taon sa bilangguan—hindi apat na sentensiya na tig-20 taon, kagaya sa kaso ng mga Estudyante ng Bibliya.
Ano ang motibo ng pagpapataw sa mga Estudyante ng Bibliya ng ganiyang kabigat na sentensiya sa bilangguan? Ipinahayag ni Hukom Harland B. Howe: “Sa opinyon ng Korte, ang relihiyosong propaganda na masigasig na itinaguyod ng mga nasasakdal at pinalaganap sa buong bansa gayundin sa gitna ng ating mga alyado, ay mas malaking panganib kaysa isang dibisyon ng Hukbong Aleman. . . . Ang isang taong nangangaral ng relihiyon kadalasan ay may malaking impluwensiya, at kung siya’y taimtim, siya’y lalo pang nagiging mabisa. Ito’y nagpapalalâ sa halip na nagpapagaan sa kamaliang ginawa nila. Samakatuwid, bilang tanging matalinong magagawa sa gayong uri ng mga tao, ipinasiya ng Korte na ang parusa ay dapat maging mabigat.” Gayunman, kapansin-pansin din na bago magpataw ng sentensiya, sinabi ni Hukom Howe na ang mga kapahayagang ginawa ng mga abogado ng mga nasasakdal ay nagbangon ng pag-aalinlangan at tumuligsa hindi lamang sa mga opisyal ng batas ng pamahalaan kundi “sa lahat ng mga ministro sa buong lupain.”
Ang desisyon ay karaka-rakang inapela sa circuit court of appeals ng E.U. Ngunit di-makatuwirang tinanggihan ni Judge Howe ang piyansa habang hinihintay ang apelasyong iyon,d at noong Hulyo 4, bago dinggin ang ikatlo at huling apelasyon para sa piyansa, ang unang pitong kapatid ay dali-daling inilipat sa pederal na piitan sa Atlanta, Georgia. Mula noon, ipinakita na nagkaroon ng 130 kamalian sa pagdinig ng paglilitis na iyon na totoong may kinikilingan. Maraming buwan ang ginugol sa paghahanda ng kinakailangang dokumento para sa pagdinig ng apelasyon. Samantala, nagtapos na ang digmaan. Noong Pebrero 19, 1919, ang walong kapatid sa bilangguan ay nagpadala ng apelasyon para sa executive clemency kay Woodrow Wilson, presidente ng Estados Unidos. Ibang mga liham na humihimok ng pagpapalaya ng mga kapatid ang ipinadala ng maraming mamamayan sa bagong-hirang na pangkalahatang manananggol. Pagkatapos, noong Marso 1, 1919, bilang tugon sa isang pagsisiyasat ng pangkalahatang manananggol, nagrekomenda si Hukom Howe ng “karaka-rakang pagbabawas” ng mga sentensiya. Bagaman ito’y magbabawas ng mga sentensiya, ang magiging epekto nito ay para bang pinagtitibay na nagkasala nga ang mga nasasakdal. Bago magawa ito, ang mga abogado para sa mga kapatid ay nagpahatid ng utos ng hukuman sa manananggol ng E.U. na naging dahilan ng paghaharap ng kaso sa hukuman ng paghahabol.
Siyam na buwan matapos sentensiyahan si Rutherford at ang kaniyang mga kasamahan—at yamang natapos na ang digmaan—noong Marso 21, 1919, ang hukuman sa paghahabol ay nag-utos ng piyansa para sa lahat ng walong nasasakdal, at noong Marso 26, sila’y pinalaya sa Brooklyn sa piyansang $10,000 bawat isa. Noong Mayo 14, 1919, ang circuit court of appeals ng E.U. sa New York ay nagpasiya: “Ang mga nasasakdal sa kasong ito ay hindi nagkaroon ng timbang at walang-kinikilingang paglilitis na siyang karapatan nila, at dahil dito ang hatol ay binabaligtad.” Ang kaso ay ibinalik upang magkaroon ng bagong paglilitis. Gayunman, noong Mayo 5, 1920, matapos paharapin sa korte ang mga nasasakdal nang limang ulit, ang abogado ng pamahalaan, sa korteng bukás sa madla sa Brooklyn, ay nagpahayag ng pag-aatras ng kaso sa panig ng tagausig.e Bakit? Gaya ng isinisiwalat sa mga kasulatang iningatan sa National Archives ng E.U., natatakot ang Kagawaran ng Hustisya na kung ang mga isyu ay iharap sa isang huradong walang kinikilingan, ngayon na wala nang kaigtingan dahil sa digmaan, matatalo sila sa kaso. Sinabi ng abogado ng E.U. na si L. W. Ross sa isang liham sa pangkalahatang manananggol: “Sa palagay ko’y magiging higit na ikabubuti ng ating relasyon sa madla, kung tayo mismo” ang magkukusang magsabi na hindi na ipagpapatuloy pa ang kaso.
Nang araw ring iyon, Mayo 5, 1920, ang kahaliling demanda na isinampa noong Mayo 1918 laban kay J. F. Rutherford at apat sa kaniyang mga kasama ay pinawalang-saysay rin.
Sino Talaga ang Nasa Likuran Nito?
Ang lahat bang ito ay dahil sa panunulsol ng mga klero? Ikinaila ito ni John Lord O’Brian. Subalit ang mga katotohanan ay batid na batid ng mga nabubuhay noong panahong iyon. Noong Marso 22, 1919, ang Appeal to Reason, isang pahayagang inilathala sa Girard, Kansas, ay tumutol: “Ang mga Tagasunod ni Pastor Russell, Inusig Dahil sa Masamang Hangad ng mga Klerong ‘Ortodokso,’ Ay Hinatulan at Ibinilanggo Nang Walang Piyansa, Bagaman Ginawa Nila ang Lahat ng Magagawa Upang Sundin ang mga Probisyon ng Espionage Law. . . . Inihahayag namin na, ituring man o hindi na ang Espionage Act ay konstitusyonal o maipagmamatuwid ayon sa etika, ang mga tagasunod na ito ni Pastor Russell ay walang-katarungang hinatulan sa ilalim ng mga probisyon nito. Isang walang-kinikilingang pagsusuri sa ebidensiya ang madaling makakukumbinse kahit kanino na ang mga lalaking ito ay hindi lamang walang intensiyon na lumabag sa batas, kundi na ito’y hindi nila talagang nilabag.”
Ilang taon pagkaraan, sa aklat na Preachers Present Arms, si Dr. Ray Abrams ay nagkomento: “Kapansin-pansin na totoong maraming klerigo ang nagkaroon ng agresibong bahagi sa pagsisikap na sugpuin ang mga Russellite [na siyang may-paghamak na katawagan sa mga Estudyante ng Bibliya]. Ang malaon nang mga relihiyosong alitan at pagkakapootan, na hindi man lamang isinaalang-alang ng mga korte noong panahon ng kapayapaan, ngayon ay naipasok sa mga hukuman sa ilalim ng impluwensiya ng kaigtingang dulot ng digmaan.” Sinabi pa niya: “Ang isang pagsusuri sa buong kaso ay umaakay sa konklusyon na ang mga iglesya at ang mga klero ay siyang unang nasa likod ng kilusan upang patahimikin ang mga Russellite.”—P. 183-5.
Gayunman, ang katapusan ng digmaan ay hindi nagtapos sa pag-uusig sa mga Estudyante ng Bibliya. Ito’y nagbukas lamang ng bagong yugto ng panahon para rito.
Ginipit ng mga Pari ang mga Pulis
Yamang natapos na ang digmaan, ibang mga isyu ang ibinangon ng mga klero upang pahintuin, kung maaari, ang gawain ng mga Estudyante ng Bibliya. Sa Katolikong Bavaria at iba pang bahagi ng Alemanya, maraming pagkaaresto dahil sa panunulsol ang naganap noong dekada ng 1920 sa ilalim ng mga batas tungkol sa paglalako. Subalit nang maisampa ang mga kaso sa hukuman sa paghahabol, ang mga hukom ay kalimitang pumanig sa mga Estudyante ng Bibliya. Sa wakas, matapos madagsaan ang mga korte ng libu-libong gayong kaso, ang Ministry of the Interior ay naglabas ng sirkular noong 1930 sa lahat ng opisyal ng pulisya na nag-uutos sa kanilang huwag nang magsampa ng mga kaso laban sa mga Estudyante ng Bibliya sa ilalim ng mga batas tungkol sa paglalako. Kaya, pansamantala, ay naibsan ang panggigipit dahil sa bagay na ito, at ang mga Saksi ni Jehova ay nagpatuloy sa kanilang gawain sa isang pambihirang antas sa larangan sa Alemanya.
Makapangyarihan din ang impluwensiya ng mga klero sa Romania noong mga taóng iyon. Nagtagumpay sila sa pagpapalathala ng mga utos na nagbabawal sa literatura at gawain ng mga Saksi ni Jehova. Subalit natatakot ang mga pari na baka mabasa pa rin ng mga tao ang literaturang dati na nilang taglay at dahil dito’y baka matutuhan nila ang hinggil sa di-maka-kasulatang turo at may-pandarayang mga pag-aangkin ng simbahan. Upang maiwasan ito, ang mga pari ay aktuwal na nagbahay-bahay na kasama ang mga pulis na naghahanap ng anumang literaturang naipamahagi na ng mga Saksi ni Jehova. Tinanong pa man din nila ang walang-malay na mga munting bata kung ang kanilang magulang ay kumuha ng gayong literatura. Kung may nasumpungan, pinagbabantaan ang mga tao ng pambubugbog at pagkabilanggo kung tatanggap pa sila. Sa ilang nayon ang meyor at ang hukom tagapamayapa ay ang pari mismo, at may bahagyang hustisya lamang para sa kaninuman na hindi sumusunod sa sinasabi ng pari.
Ang rekord ng ilang Amerikanong opisyal sa pagsunod sa kalooban ng mga klero noong panahong ito ay hindi rin masasabing mas mabuti. Pagkaraan ng pagdalaw ng Katolikong Obispong si O’Hara sa La Grange, Georgia, halimbawa, ang meyor at ang manananggol ng lunsod ay nagpaaresto sa sampu-sampung mga Saksi ni Jehova noong 1936. Sa panahon ng pagkapiit sa kanila, sila’y pinatulog sa tabi ng isang bunton ng dumi ng baka sa mga kutson na natalsikan ng ihi ng baka, binigyan ng pagkaing may mga uod, at pinilit na magtrabaho kasama ng grupo ng mga bilanggo sa paggawa ng mga daan.
Sa Polandya rin, ginamit ng Katolikong mga klero ang lahat ng maiisip na paraan upang hadlangan ang gawain ng mga Saksi ni Jehova. Sinulsulan nila ang mga tao sa pandarahas, sinunog sa madla ang literatura ng mga Saksi ni Jehova, tinuligsa sila bilang mga Komunista, at dinala sila sa korte sa bintang na ang kanilang literatura ay “kalapastanganan.” Subalit, hindi lahat ng mga opisyal ay handang magsunud-sunuran sa kagustuhan nila. Ang manananggol ng estado ng hukuman sa paghahabol sa Posen (Poznan), halimbawa, ay tumangging usigin ang isa sa mga Saksi ni Jehova na isinumbong ng mga klero sapagkat tinukoy niya ang mga klerong Katoliko bilang “organisasyon ni Satanas.” Ang manananggol ng estado mismo ay nagpaliwanag na ang imoral na espiritu na lumaganap sa buong Sangkakristiyanuhan mula sa papado ni Alexander VI (1492-1503 C.E.) ay tunay ngang espiritu ng isang satanikong organisasyon. At nang isinumbong ng mga klero ang isa sa mga Saksi ni Jehova sa kasong pamumusong laban sa Diyos dahil sa pamamahagi ng literatura ng Watch Tower, ang manananggol ng estado ng hukuman sa paghahabol sa Thorn (Toruń) ay humiling ng pagpapawalang-sala, sa pagsasabing: ‘Ang paninindigan ng mga Saksi ni Jehova ay katulad na katulad niyaong sa unang mga Kristiyano. Pinagbibintangan at pinag-uusig, sila’y nagtataguyod ng pinakamataas na mga pamantayan sa isang bulok at gumuguhong pandaigdig na kaayusan.’
Ang mga ingat-talaan ng pamahalaan ng Canada ay nagsisiwalat na ang pagbabawal sa mga Saksi ni Jehova sa Canada noong 1940 ay ginawa bilang pagsunod sa isang liham mula sa palasyo ng Katolikong Kardinal na si Villeneuve, ng Quebec, sa ministro ng katarungan, si Ernest Lapointe. Pagkatapos nito ang ibang mga opisyal ng gobyerno ay humingi ng lubos na paliwanag kung bakit ginawa ang gayong pagkilos, ngunit hindi nasiyahan ang maraming miyembro ng Parlamento ng Canada sa mga sagot ni Lapointe.
Sa kabilang panig ng globo, nagkaroon ng kahawig din na mga pakana sa bahagi ng mga klero. Ang ingat-talaan ng pamahalaan ng Australia ay naglalaman ng isang liham mula sa Romano Katolikong arsobispo ng Sydney sa Pangkalahatang Manananggol na si W. M. Hughes na humihimok na ideklarang ilegal ang mga Saksi ni Jehova. Ang liham na iyon ay isinulat noong Agosto 20, 1940, limang buwan lamang bago ipataw ang pagbabawal. Matapos repasuhin ang umano’y batayan para sa pagbabawal, si G. Justice Williams ng Mataas na Hukuman ng Australia ay nagsabi na ito’y “para bang ginagawang ilegal ang pagtataguyod ng mga simulain at doktrina ng Kristiyanong relihiyon at ang bawat serbisyo sa simbahan na idinaraos ng mga sumasampalataya sa kapanganakan ni Kristo ay ginagawang ilegal na pagtitipon.” Noong Hunyo 14, 1943, nagpasiya ang Hukuman na ang pagbabawal ay hindi kaayon ng batas sa Australia.
Sa Switzerland isang pahayagang Katoliko ang pilit na humiling na kumpiskahin ng mga awtoridad ang literatura ng mga Saksi na itinuturing ng simbahan na nakagagalit. Pinagbantaan nila na kung hindi ito gagawin, sila mismo ang kikilos upang gawin ito. At sa maraming bahagi ng daigdig, ito na nga ang kanilang ginawa!
Gumamit ng Karahasan ang mga Lider ng Relihiyon
Nadama ng mga klerong Katoliko sa Pransya na mahigpit pa rin ang hawak nila sa mga tao, at determinado sila na walang makahahadlang sa monopolyong iyon. Noong 1924-25, ang mga Estudyante ng Bibliya sa maraming lupain ay namamahagi ng tract na Ecclesiastics Indicted. Noong 1925, si J. F. Rutherford ay nakaiskedyul na magpahayag sa Paris sa paksang “Nakalantad ang mga Pandaraya ng mga Klero.” Tungkol sa naganap sa pulong na iyon, nag-ulat ang isang nakasaksi: “Punung-punô ang bulwagan. Si Brother Rutherford ay lumabas sa entablado, at nagkaroon ng masiglang palakpakan. Nagsimula siyang magsalita, nang biglang pumasok sa bulwagan ang mga 50 pari at miyembro ng Catholic Action, na may hawak na mga pamalo at umaawit ng La Marseillaise [ang pambansang awit ng Pransya]. Naghagis sila ng mga tract mula sa may itaas ng hagdanan. Ang isang pari ay umakyat sa entablado. Pilit siyang pinababâ ng dalawang kabataang lalaki. Tatlong ulit, si Brother Rutherford ay umalis sa entablado at muling bumalik. Sa wakas, siya’y umalis at hindi na bumalik. . . . Ang mga mesang pinaglagyan ng ating literatura ay itinaob at ang ating mga aklat ay isinambulat. Totoong pagkagulu-gulo!” Subalit hindi ito minsan lamang nangyari.
Si Jack Corr, samantalang nagpapatotoo sa Irlandya, ay madalas na nakaranas ng pagkapoot ng Katolikong mga klero. Minsan isang grupo ng mga mang-uumog, na sinulsulan ng lokal na pari, ang puwersahang kumuha sa kaniya mula sa kaniyang higaan isang hatinggabi at sinunog ang lahat ng kaniyang literatura sa liwasang bayan. Sa Roscrea, sa County Tipperary, sina Victor Gurd at Jim Corby ay dumating sa kanilang tinutuluyan upang masumpungan lamang na ninakaw ng mga mananalansang ang kanilang literatura, binuhusan ito ng gasolina, at sinunog. Nakatayo sa palibot ng siga ang lokal na mga pulis, ang mga klero, at mga bata mula sa palibot, habang inaawit ang “Pananampalataya ng Ating mga Magulang.”
Bago nagtipun-tipon ang mga Saksi ni Jehova sa Madison Square Garden sa New York noong 1939, nagbanta ang mga tagasunod ng paring Katoliko na si Charles Coughlin na ang asamblea ay lalansagin. Pinatalastasan ang mga pulis. Noong Hunyo 25, si Brother Rutherford ay nagpahayag sa 18,000 o mahigit pa sa awditoryum na iyon, gayundin sa maraming tagapakinig sa radyo sa buong daigdig, sa paksang “Pamahalaan at Kapayapaan.” Matapos magsimula ang pahayag, 200 o mahigit pang Romano Katoliko at mga Nazi, na pinangungunahan ng ilang paring Katoliko, ang nagsiksikan sa may balkonahe. Nang marinig nila ang isang hudyat, sila’y sabay-sabay na naghiyawan, na sumisigaw ng “Heil Hitler!” at “Viva Franco!” Gumamit sila ng lahat ng uri ng malalaswang salita at mga banta at inaway nila ang marami sa mga attendant na kumilos upang sugpuin ang gulo. Hindi nagtagumpay ang mga mang-uumog na lansagin ang pulong. Nagpatuloy si Brother Rutherford na magsalita nang may puwersa at walang-takot. Nang nasa kasukdulan ang kaguluhan, siya’y nagpahayag: “Pansinin ngayon ang mga Nazi at mga Katoliko na may layuning lansagin ang pulong na ito, ngunit dahil sa biyaya ng Diyos ay hindi nila nakayang gawin.” Ang mga tagapakinig ay nagbigay ng suporta sa pamamagitan ng sunud-sunod at walang-tigil na masigabong palakpakan. Ang kaguluhang ito ay naging permanenteng bahagi ng isinaplakang rekording ng okasyong iyon, at ito’y napakinggan ng mga tao sa maraming bahagi ng daigdig.
Gayunman, hangga’t maaari, katulad noong kaarawan ng Inkisisyon, ginamit ng mga klerong Romano Katoliko ang Estado upang sugpuin ang sinuman na mangahas na pumuna sa mga turo at gawain ng simbahan.
Malupit na Pagtrato sa mga Kampong Piitan
Si Adolf Hitler ay natutuwa na maging kakampi ng mga klero. Noong 1933, ang mismong taon ng paglagda ng isang kasunduan sa pagitan ng Batikano at ng Nazing Alemanya, si Hitler ay naglunsad ng isang kampanya upang lipulin ang mga Saksi ni Jehova sa Alemanya. Pagsapit ng 1935 sila’y ipinagbawal na sa buong bansa. Ngunit sino ang nasa likuran nito?
Isang paring Katoliko, na sumusulat sa Der Deutsche Weg (isang pahayagan sa wikang Aleman na inilathala sa Lodz, Polandya), ang nagsabi sa isyu nito ng Mayo 29, 1938: “Mayroon nang isang bansa sa lupa ngayon kung saan ang tinatawag na . . . mga Estudyante ng Bibliya [mga Saksi ni Jehova] ay ipinagbawal. Iyon ay ang Alemanya! . . . Nang magsimulang mamahala si Adolf Hitler, at inulit ng Lupon ng mga Obispong Katoliko sa Alemanya ang kanilang kahilingan, sinabi ni Hitler: ‘Ang tinatawag na mga Taimtim na Estudyanteng ito ng Bibliya [mga Saksi ni Jehova] ay mga manliligalig; . . . sa tingin ko sila’y mga huwad; hindi ko maaatim na ang mga Katolikong Aleman ay maupasala nang ganito nitong Amerikanong Hukom na si Rutherford; binubuwag ko [ang mga Saksi ni Jehova] sa Alemanya.’”—Amin ang italiko.
Iyon lamang bang Lupon ng mga Obispong Katoliko sa Alemanya ang may gusto sa pagkilos na ito? Gaya ng iniulat sa Oschatzer Gemeinnützige, ng Abril 21, 1933, sa isang pahayag sa radyo noong Abril 20, ang Lutheranong ministro na si Otto ay bumanggit ng “pinakamalapit na pakikipagtulungan” ng Lutheranong Iglesyang Aleman ng Estado ng Saxony sa pulitikal na mga pinunò ng bansa, at pagkatapos ay nagpahayag siya: “Ang unang resulta ng pakikipagtulungang ito ay maaari nang iulat sa pagbabawal na ipinataw ngayon sa International Association of Earnest Bible Students [mga Saksi ni Jehova] at sa mga sangay nito sa Saxony.”
Pagkatapos nito, ang Estadong Nazi ay naglunsad ng isa sa pinakamalupit na mga pag-uusig sa mga Kristiyano sa nakaulat na kasaysayan. Libu-libong Saksi ni Jehova—mula sa Alemanya, Austria, Polandya, Czechoslovakia, ang Netherlands, Pransya, at iba pang mga lupain—ang itinapon sa mga kampong piitan. Dito sila’y sumailalim sa pinakamalupit at makahayop na pagtrato na maiisip ng tao. Madalas na sila’y inaalimura at sinisipa, pagkatapos sapilitang pinababaluktot ang mga tuhod nang pataas-pababa, pinatatalon, at pinagagapang nang halos walang katapusang oras, hanggang sa sila’y mawalan ng malay o bumagsak dahil sa hirap, samantalang sila’y pinagkakatuwaan ng mga guwardiya. Ang ilan ay sapilitang pinatatayo nang hubu’t hubad o halos walang damit sa liwasan sa kalagitnaan ng taglamig. Marami ang hinahagupit hanggang sa mawalan ng malay at ang kanilang mga likod ay mapuno ng dugo. Ang iba’y kinasangkapan bilang pagsubok sa medikal na mga eksperimento. Ang ilan, habang nakagapos sa likod ang kanilang mga kamay, ay ibinitin sa kanilang mga kamay. Bagaman nanghihina dahil sa gutom at kulang sa pananamit sa panahon ng tagyelo, sapilitan silang pinapagtatrabaho nang mabigat, sa mahabang oras, na madalas na ginagamit ang kanilang sariling mga kamay kapag kinailangan ang mga pala at ibang mga kasangkapan. Kapuwa lalaki at babae ay inabuso. Sila’y may iba’t ibang edad mula sa mga tin-edyer hanggang sa edad setenta. Ang kanilang mga tagapagparusa ay humiyaw ng paghamon kay Jehova.
Sa pagsisikap na sirain ang loob ng mga Saksi, ang kumander ng kampo sa Sachsenhausen ay nag-utos na si August Dickmann, isang kabataang Saksi, ay bitayin sa harapan ng lahat ng mga bilanggo, na ang mga Saksi ni Jehova ang nasa unahan upang makita nila nang malapitan ang pangyayari. Pagkatapos nito, ang lahat ng ibang mga bilanggo ay pinaalis, ngunit pinaiwan ang mga Saksi ni Jehova. Taglay ang matinding pagdiriin ang kumander ay nagtanong, ‘Sino na ngayon ang handang lumagda sa deklarasyon?’—isang deklarasyon na nagtatatwa sa pananampalataya ng isa at nagpapakita na siya’y handang magsundalo. Walang tumugon kahit isa sa 400 o mahigit pang Saksi na naroroon. Pagkatapos may dalawa na humakbang patungo sa unahan! Hindi, hindi upang lumagda, kundi upang hilingin na ang kanilang mga lagda na ibinigay mga isang taon na ang nakararaan ay pawalang-bisa.
Sa kampo sa Buchenwald, may kahawig na panggigipit na ginamit. Ang opisyal ng Nazi na si Rödl ay nagbigay-alam sa mga Saksi: “Kung sinuman sa inyo ang tumatangging makipagdigmaan laban sa Pransya o Inglatera, lahat kayo ay mamamatay!” Dalawang lubusang nasasandatahang pangkat ng SS ang naghihintay sa may bahay-tanod. Wala kahit isa sa mga Saksi ang pumayag. Malupit na pagtrato ang sumunod, ngunit ang banta ng opisyal ay hindi naisagawa. Batid na batid ng lahat na, bagaman ang mga Saksi sa mga kampo ay handang gumawa ng halos lahat ng uri ng trabaho na iniatas sa kanila, gayunman, kahit sila’y parusahan ng sinasadyang pagpapagutom at labis na pagtatrabaho, sila’y mahigpit na tumatangging gumawa ng anumang bagay bilang pagsuporta sa digmaan o na makapipinsala sa isang kapuwa bilanggo.
Ang kanilang tiniis ay halos hindi mailarawan ng salita. Daan-daan sa kanila ang namatay. Matapos mapalaya mula sa mga kampo ang mga nakaligtas pagkatapos ng digmaan, isang Saksi mula sa Flanders ang sumulat: “Tanging ang isang di-natitinag na pagnanais na mabuhay, umasa, at tumiwala sa Kaniya, kay Jehova, na siyang makapangyarihan-sa-lahat, at ang pag-ibig sa Teokrasya, ang nagpangyaring makayanan naming tiisin ang lahat ng ito at magtagumpay.—Roma 8:37.”
Ang mga magulang ay pilit na inihiwalay mula sa kanilang mga anak. Pinaghiwalay ang mga mag-asawa, at ang ilan ay hindi na kailanman nagkitang muli. Pagkatapos na pagkatapos ng kasal niya, si Martin Poetzinger ay inaresto at dinala sa kasumpa-sumpang kampo sa Dachau, pagkatapos sa Mauthausen. Ang kaniyang asawa, si Gertrud, ay ipiniit sa Ravensbrück. Hindi sila nagkita sa loob ng siyam na taon. Bilang paggunita sa mga karanasan niya sa Mauthausen, siya’y sumulat nang bandang huli: “Sinubok ng Gestapo ang lahat ng mga paraan upang hikayatin kami na talikuran ang aming pananampalataya kay Jehova. Pagpaparanas ng gutom, mapandayang mga pakikipagkaibigan, mga kalupitan, sapilitang pagpapatayo sa isang kulungang kahoy araw-araw, pagbitin sa isang tatlong metrong haligi sa mga kamay na nakagapos sa likod, paghahagupit—lahat ng ito at iba pa na nakahihiyang banggitin ang sinubukan.” Ngunit siya’y nanatiling tapat kay Jehova. Isa rin siya sa mga nakaligtas, at nang dakong huli ay naglingkod bilang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova.
Nabilanggo Dahil sa Kanilang Pananampalataya
Ang mga Saksi ni Jehova ay hindi naroroon sa mga kampong piitan dahil sa sila’y mga kriminal. Nang mangailangan ang mga opisyal na may isang mag-ahit sa kanila, ang paggamit ng labaha ay ipinagkatiwala nila sa isang Saksi, sapagkat alam nila na walang Saksi ang gagamit ng gayong instrumento bilang sandata upang pinsalain ang ibang tao. Nang kailanganin ng mga opisyal ng SS sa kampong bitayan sa Auschwitz na may maglinis ng kanilang mga tahanan o mag-alaga sa kanilang mga anak, pinili nila ang mga Saksi, sapagkat alam nila na hindi sila magtatangkang lumason sa kanila o magtangkang tumakas. Nang inaalis na ang mga tao sa kampo ng Sachsenhausen noong katapusan ng digmaan, ipinuwesto ng mga guwardiya sa gitna ng isang pangkat ng mga Saksi ang isang wagon na doo’y nakakarga ang kanilang mga samsam. Bakit? Sapagkat alam nila na hindi ito nanakawin sa kanila ng mga Saksi.
Ang mga Saksi ni Jehova ay nabilanggo dahil sa kanilang pananampalataya. Paulit-ulit na pinangakuan silang palalayain mula sa mga kampo kung lalagdaan lamang nila ang isang deklarasyon na sila’y nagtatatwa sa kanilang mga paniniwala. Ginawa ng SS ang lahat ng makakaya upang hikayatin o pilitin ang mga Saksi na lumagda sa gayong deklarasyon. Higit sa lahat, ito ang ibig nilang mangyari.
Lahat maliban lamang sa iilang Saksi ang napatunayang di-matitinag ang kanilang katapatan. Subalit higit pa ang ginawa nila kaysa magdusa dahil sa kanilang katapatan kay Jehova at sa kanilang debosyon sa pangalan ni Kristo. Higit pa ang kanilang ginawa kaysa pagtiisan ang tulad-inkisisyong pagpapahirap na pinaranas sa kanila. Pinanatili pa nila ang matitibay na buklod ng espirituwal na pagkakaisa.
Ang kanila ay hindi ang espiritu ng personal na kaligtasan anuman ang mangyari. Sila’y nagpakita ng mapagsakripisyo-sa-sariling pag-ibig sa isa’t isa. Nang manghina ang katawan ng isa sa grupo nila, ibinahagi ng iba ang kanilang kaunting rasyon ng pagkain sa kaniya. Nang sila’y pagkaitan ng anumang panggagamot, sila’y maibiging nag-alaga sa isa’t isa.
Sa kabila ng lahat ng pagsisikap ng mga umuusig sa kanila na ito’y hadlangan, ang materyal para sa pag-aaral ng Bibliya ay nakarating sa mga Saksi—nakatago sa mga pakete ng regalo mula sa labas, mula sa bibig ng mga bagong dating na mga bilanggo, kahit nakatago sa artipisyal na binting kahoy ng isang baguhang bilanggo, o sa pamamagitan ng ibang pamamaraan kapag sila’y inaatasang magtrabaho sa labas ng mga kampo. Ang mga kopya ay ipinasa sa bawat isa; kung minsan ay palihim na kinopya sa mga makina doon mismo sa mga opisina ng mga opisyal ng kampo. Bagaman may nasasangkot na malaking panganib, ang ilang Kristiyanong mga pulong ay idinaos kahit sa loob ng mga kampo.
Ang mga Saksi ay nagpatuloy sa pangangaral na ang Kaharian ng Diyos ang tanging pag-asa ng sangkatauhan—at ito’y ginawa nila doon mismo sa mga kampong piitan! Sa loob ng Buchenwald, bilang resulta ng organisadong gawain, libu-libong bilanggo ang nakarinig ng mabuting balita. Sa kampo sa Neuengamme, malapit sa Hamburg, isang kampanya ng masinsinang pagpapatotoo ang maingat na isinaplano at isinakatuparan noong unang bahagi ng 1943. Ang mga testimony card ay inihanda sa iba’t ibang wika na ginamit sa loob ng kampo. Gumawa ng mga pagsisikap upang marating ang bawat bilanggo. Gumawa ng mga kaayusan ukol sa regular na personal na pag-aaral ng Bibliya sa mga interesado. Gayon na lamang ang sigasig ng mga Saksi sa kanilang pangangaral anupat ang ilang pulitikal na mga bilanggo ay nagreklamo: “Saan ka man pumunta, wala kang napapakinggan kundi tungkol kay Jehova!” Nang dumating ang mga utos mula sa Berlin na paghiwa-hiwalayin ang mga Saksi at ilagay sila sa gitna ng ibang mga bilanggo upang sila’y pahinain, ito’y nakatulong pa nga sa kanila upang magpatotoo sa lalong marami pang mga tao.
Tungkol sa 500 o mahigit pang tapat na Saksing babae sa Ravensbrück, isang pamangking babae ng Pranses na Heneral na si Charles de Gaulle ang sumulat pagkatapos na siya’y mapalaya: “Malaki ang paghanga ko sa kanila. Sila’y galing sa sari-saring nasyonalidad: Aleman, Polako, Ruso at Czech, at nagbata ng totoong maraming pagdurusa dahil sa kanilang mga paniniwala. . . . Lahat sila ay nagpakita ng malaking tibay-ng-loob at ang kanilang saloobin nang dakong huli ay iginalang kahit ng mga S.S. Maaari silang palayain karaka-raka kung sila’y magtatatwa sa kanilang pananampalataya. Ngunit, bilang kabaligtaran nito, sila’y hindi tumigil sa paglaban, at nagtagumpay pa nga na magpasok ng mga aklat at mga tract sa loob ng kampo.”
Katulad ni Jesu-Kristo, sila’y napatunayang mga dumaraig sa sanlibutan na nagpipilit humubog sa kanila ayon sa mga pamamaraang sataniko nito. (Juan 16:33) Si Christine King, sa aklat na New Religious Movements: A Perspective for Understanding Society, ay nagsasabi tungkol sa kanila: “Ang mga Saksi ni Jehova ay nagharap ng isang hamon sa kaisipang totalitaryo ng bagong lipunan, at ang hamong ito, gayundin ang bagay na ito’y nagpapatuloy at hindi madaraig, ay maliwanag na bumagabag sa mga tagapagtayo ng bagong kaayusan. . . . Ang malaon nang ginagamit na pamamaraan ng pag-uusig, pagpapahirap, pagkabilanggo at panlilibak ay hindi nagbunga ng pagkakumberte ng kahit isang Saksi upang maging Nazi at sa katunayan ay nabaligtad pa nga ang pangyayri para sa mga gumagawa nito. . . . Sa pagitan ng dalawang magkaribal na panig na ito na humihingi ng katapatan ay naging mahigpit ang labanan, lalo na, sapagkat ang lalong malakas na mga Nazi sa maraming paraan ay kulang sa pagtitiwala, hindi gaanong matibay sa katatagan ng kanilang sariling paniniwala, hindi gaanong nakatitiyak kung makaliligtas ang kanilang 1,000-taóng Reich. Ang mga Saksi ay walang alinlangan tungkol sa kanilang saligan, sapagkat ang kanilang pananampalataya ay ipinakita mula pa noong panahon ni Abel. Samantalang ang mga Nazi ay kinailangang sumugpo sa pagsalansang at mangumbinse sa kanilang mga tagapagtaguyod, na madalas ay humihiram ng mga salita at mga paglalarawan mula sa mga sekta ng Kristiyanismo, ang mga Saksi ay makatitiyak sa walang-pasubali, di-natitinag na katapatan ng kanilang mga miyembro, kahit hanggang kamatayan.”—Inilathala noong 1982.
Sa katapusan ng digmaan, mahigit na isang libong nakaligtas na mga Saksi ang nakalabas mula sa mga kampo, na taglay pa rin ang kanilang pananampalataya at matibay pa rin ang kanilang pag-ibig sa isa’t isa. Habang papalapit na ang hukbong Ruso, ang Sachsenhausen ay dali-daling inalisan ng tao ng mga guwardiya. Inilagay nila ang mga bilanggo sa mga pangkat ayon sa nasyonalidad. Subalit ang mga Saksi ni Jehova ay nagsama-sama bilang isang grupo—230 lahat-lahat mula sa kampong ito. Dahil sa malapit na ang mga Ruso, nalito na ang mga guwardiya. Wala nang pagkain, at mahina ang mga bilanggo; gayunman, ang sinumang naiiwan sa hulihan o bumabagsak dahil sa pagod ay binabaril. Libu-libo sa mga ito ang naiwang nakahandusay sa buong dinaraanan ng martsa. Subalit ang mga Saksi ay nagtulung-tulong sa isa’t isa anupat kahit ang pinakamahina ay walang naiwang nakahandusay sa daan. Ngunit ang ilan sa kanila ay may edad mula 65 hanggang 72. Ang ibang mga bilanggo ay nagsikap na magnakaw ng pagkain sa daan, at marami ang binaril dahil dito. Bilang kabaligtaran, ang mga Saksi ni Jehova ay nagsamantala sa pagkakataon habang lumilikas upang magsalita sa mga taong dinadaanan nila hinggil sa maibiging mga layunin ni Jehova, at ang ilan sa mga ito, dahil sa pasasalamat nila sa nakaaaliw na mensahe, ay naglaan ng pagkain para sa kanila at sa kanilang Kristiyanong mga kapatid.
Patuloy na Lumaban ang mga Klero
Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, ang mga klero sa silangang bahagi ng Czechoslovakia ay patuloy na nagsulsol ng pag-uusig laban sa mga Saksi ni Jehova. Noong panahon ng pagsakop ng mga Nazi, pinagbintangan nilang mga Komunista ang mga Saksi; ngayon ay sinasabi nilang sila’y laban sa gobyernong Komunista. Kung minsan, habang dumadalaw ang mga Saksi ni Jehova sa tahanan ng mga tao, hinimok ng mga pari ang mga guro na palabasin sa paaralan ang daan-daang mga bata upang batuhin ang mga Saksi.
Sa kahawig na paraan, ang mga paring Katoliko sa Santa Ana, El Salvador, ay nagsulsol ng pag-uusig laban sa mga Saksi noong 1947. Samantalang idinaraos ng mga kapatid ang kanilang lingguhang Pag-aaral sa Bantayan, binato ng ilang batang lalaki ang nakabukas na pinto. Sinundan ito ng isang prusisyon na pinangungunahan ng mga pari. Ang ilan ay may hawak na mga sulô; ang iba’y may dalang mga imahen. “Mabuhay ang Birhen!” ang sigaw nila. “Mamatay nawa si Jehova!” Sa loob ng mga dalawang oras, walang-tigil na pinagbabato ang gusali.
Noong kalagitnaan ng dekada ng 1940, ang mga Saksi ni Jehova sa Quebec, Canada, ay sumailalim din ng nakapangingilabot na kalupitan, kapuwa sa mga kamay ng mga mang-uumog na Katoliko at ng mga opisyal. Ang mga delegasyon mula sa palasyo ng obispo ay pumupunta araw-araw sa departamento ng pulisya upang pilit na hilingin na palayasin nila ang mga Saksi. Kadalasan, bago mang-aresto, ang mga pulis ay makikitang lumalabas sa pintuan sa likod ng simbahan. Noong 1949, ang mga misyonero ng mga Saksi ni Jehova ay itinaboy ng Katolikong mga mang-uumog palabas ng Joliette, Quebec.
Subalit hindi lahat ng mga tao sa Quebec ay sang-ayon sa ginagawa noon. Sa ngayon, may isang magandang Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova sa isa sa pangunahing mga daan sa Joliette. Ang dating seminaryo roon ay ipinasara, binili ng gobyerno, at ginawang kolehiyong pangkomunidad. At sa Montreal, nakapagdaos ang mga Saksi ni Jehova ng malalaking internasyonal na kombensiyon, na ang dumalo ay umabot pa sa 80,008 noong 1978.
Gayunpaman, gumamit ang Iglesya Katolika ng lahat ng paraan na magagawa upang panatilihin ang mahigpit niyang pagsupil sa mga tao. Sa pamamagitan ng panggigipit sa mga opisyal ng gobyerno, tiniyak nila na ang mga misyonerong Saksi ay mapaalis sa Italya noong 1949 at na, hangga’t maaari, ang mga permisong kinuha ng mga Saksi para sa mga asamblea ay makansela noong dekada ng 1950. Sa kabila nito, dumami ang bilang ng mga Saksi ni Jehova, at noong 1992 may mahigit na 190,000 Saksing ebanghelisador sa Italya.
Katulad noong panahon ng Inkisisyon, ang mga klero sa Espanya ang siyang nagsuplong at pagkatapos ay ipinaubaya sa Estado ang nakamumuhing gawain ng pag-uusig sa kanila. Halimbawa, sa Barcelona, na doon ang arsobispo ay naglunsad ng krusada laban sa mga Saksi noong 1954, ginamit ng mga klero ang kanilang mga pulpito gayundin ang mga paaralan at ang radyo upang ipatalastas sa mga tao na kapag sila’y dinalaw ng mga Saksi, dapat nilang papasukin sila—pagkatapos ay tumawag agad ng pulis.
Nangangamba ang mga pari na baka matutuhan ng mga tao sa Espanya kung ano ang nasa Bibliya at marahil ipakita pa sa iba ang kanilang nakita. Nang si Manuel Mula Giménez ay mabilanggo sa Granada noong 1960 dahil sa “krimen” na pagtuturo ng Bibliya sa iba, inalis ng kapelyan ng bilangguan (isang paring Katoliko) ang kaisa-isang Bibliya mula sa aklatan ng bilangguan. At nang ipahiram ng ibang bilanggo kay Manuel ang isang kopya ng mga Ebanghelyo, ito’y inagaw mula sa kaniya. Subalit ang Bibliya ngayon ay nakarating na sa taumbayan ng Espanya, nagkaroon sila ng pagkakataong makita mismo kung ano ang sinasabi nito, at noong 1992, may mahigit sa 90,000 na sumasamba kay Jehova bilang kaniyang mga Saksi.
Sa Dominican Republic, nakipagsabuwatan ang mga klero kay Diktador Trujillo, na ginagamit siya sa pagsasakatuparan ng kanilang mga pakana kung papaanong ginagamit naman niya sila sa kaniyang sariling mga layunin. Noong 1950, matapos tuligsain ang mga Saksi ni Jehova sa mga artikulo sa pahayagan na sulat ng mga pari, ang tagapangasiwa ng sangay ng Samahang Watch Tower ay ipinatawag ng Secretary of the Interior and Police. Samantalang naghihintay sa labas ng opisina, nakita ng tagapangasiwa ng sangay ang dalawang paring Jesuita na pumasok at pagkatapos ay umalis. Karaka-raka pagkatapos nito, siya’y ipinatawag sa opisina ng Sekretaryo, at ninenerbiyos na binasa ng Sekretaryo ang isang utos na nagbabawal sa gawain ng mga Saksi ni Jehova. Pagkatapos na alisin pansamantala ang pagbabawal noong 1956, ginamit ng mga klero kapuwa ang radyo at ang mga pahayagan upang muling siraang-puri ang mga Saksi. Buong mga kongregasyon ang inaresto at pinag-utusang lumagda sa isang kapahayagan na nagtatatwa sa kanilang pananampalataya at nangangakong babalik sa Iglesya Katolika Romana. Nang ito’y tanggihan ng mga Saksi, sila’y binugbog, sinipa, hinagupit, at dinurog ang kanilang mga mukha ng puluhan ng mga riple. Subalit sila’y nanindigang matatag, at dumami ang kanilang bilang.
Sa Sucre, Bolivia, nagkaroon ng higit pang karahasan. Sa panahon ng isang asamblea ng mga Saksi ni Jehova noong 1955, isang pangkat ng mga batang lalaki mula sa Sacred Heart Catholic School ang pumalibot sa pinagdarausan ng asamblea, naghiyawan, at nambato. Mula sa simbahan sa tapat, isang malakas na loudspeaker ang humimok sa lahat ng mga Katoliko na ipagtanggol ang iglesya at ang “Birhen” laban sa “mga ereheng Protestante.” Personal na sinikap ng obispo at ng mga pari na lansagin ang pagtitipon subalit sila’y pinalabas ng mga pulis mula sa bulwagan.
Noong sinundang taon, nang ang mga Saksi ni Jehova ay nagdaraos ng asamblea sa Riobamba, Ecuador, ang kanilang programa ay tinampukan ng isang pahayag pangmadla na pinamagatang “Pag-ibig, Praktikal ba sa Isang Mapag-imbot na Sanlibutan?” Ngunit sinulsulan ng isang paring Jesuita ang mga Katoliko, na hinihimok silang hadlangan ang pagtitipong iyon. Kaya, sa pasimula pa lamang ng pahayag, maririnig ang mga mang-uumog na sumisigaw: “Mabuhay ang Iglesya Katolika!” at, “Ibagsak ang mga Protestante!” Mabuti naman at pinigil sila ng mga pulis, na gumagamit ng hinugot na espada. Ngunit binato ng mga mang-uumog ang pinagdarausan ng pagtitipon at, nang dakong huli, ang tinitirhan ng mga misyonero.
Ang mga klerong Romano Katoliko ang siyang nangunguna sa pag-uusig, ngunit hindi lamang sila ang gumagawa nito. Ang mga klero ng Griegong Ortodokso ay naging mabagsik din at gumamit ng gayunding mga pamamaraan, sa mas limitadong sinasakupan nila. Bilang karagdagan, sa mga dakong sa wari nila’y kaya nilang gawin, marami sa mga klerong Protestante ang nagpamalas din ng kahawig na espiritu. Halimbawa, sa Indonesia pinangunahan nila ang mga mang-uumog na gumulo sa mga pag-aaral sa Bibliya sa pribadong mga tahanan at na may-kabagsikang bumugbog sa mga Saksi ni Jehova na naroroon. Sa ilang lupaing Aprikano, sinikap nilang impluwensiyahan ang mga opisyal na palabasin ang mga Saksi ni Jehova mula sa bansa o pagkaitan sila ng kalayaan na magsalita sa iba tungkol sa Salita ng Diyos. Bagaman hindi sila magkasundo sa ibang mga bagay, ang mga klerong Katoliko at Protestante sa pangkalahatan ay nagkakaisa sa kanilang pagsalansang sa mga Saksi ni Jehova. May panahon na sila’y nagsama pa man din upang sikaping impluwensiyahan ang mga opisyal ng gobyerno na pahintuin ang gawain ng mga Saksi. Sa mga dakong ang di-Kristiyanong mga relihiyon ang nangingibabaw, sila rin ay madalas na nagmamaneobra sa gobyerno upang protektahan ang kanilang mga miyembro mula sa mga pagtuturo na maaaring magbangon ng alinlangan hinggil sa kinagisnan nilang relihiyon.
Kung minsan, ang di-Kristiyanong mga grupong ito ay nakikipagsabuwatan sa nagpapanggap na mga Kristiyano upang panatiliin ang kasalukuyang kalagayan ng relihiyon. Sa Dekin, sa Dahomey (ngayo’y Benin), isang paring juju at isang paring Katoliko ang nagsabuwatan upang hikayatin ang mga opisyal na sugpuin ang gawain ng mga Saksi ni Jehova noong unang bahagi ng dekada ng 1950. Sa kanilang pagiging desperado sila’y kumatha ng mga bintang na may tangkang pumukaw ng iba’t ibang uri ng negatibong mga damdamin. Nagbintang sila na ang mga Saksi ay humihimok sa mga tao na maghimagsik laban sa gobyerno, na sila’y hindi nagbabayad ng buwis, na sila ang dahilan kung bakit hindi nagbibigay ng ulan ang mga juju, at na sila ang dahilan kung bakit walang bisa ang mga panalangin ng pari. Nangangamba ang lahat ng mga relihiyosong lider na ito na baka matutuhan ng kanilang mga miyembro ang mga bagay na magpapalaya sa kanila buhat sa mapamahiing mga paniniwala at sa isang pamumuhay na may bulag na pagsunod.
Gayunman, unti-unting nanghina ang impluwensiya ng mga klero sa maraming dako. Natutuklasan ng mga klero na ang mga pulis ngayon ay hindi laging pumapanig sa kanila kapag kanilang nililigalig ang mga Saksi. Nang sikapin ng isang paring Griegong Ortodokso na lansagin ang isang asamblea ng mga Saksi ni Jehova sa pamamagitan ng marahas na pang-uumog sa Larissa, Gresya, noong 1986, ang manananggol ng distrito kasama ang malaking pangkat ng mga pulis ay namagitan upang tulungan ang mga Saksi. At kung minsan ay lantarang tinutuligsa ng mga pahayagan ang mga gawa ng relihiyosong pag-uusig.
Gayunpaman, sa maraming bahagi ng daigdig, ibang mga isyu ang nagdulot ng sunud-sunod na mga daluyong ng pag-uusig. Ang isa sa mga isyung ito ay may kaugnayan sa saloobin ng mga Saksi ni Jehova sa pambansang mga sagisag.
Sapagkat si Jehova Lamang ang Kanilang Sinasamba
Sa modernong panahon sa Nazing Alemanya unang-unang napaharap ang mga Saksi ni Jehova sa mga isyu may kinalaman sa nasyonalistikong mga seremonya. Sinikap ni Hitler na disiplinahin ang bansang Aleman sa pamamagitan ng paggawang sapilitan ang pagsaludong Nazi na “Heil Hitler!” Gaya ng iniulat ng peryodistang Sweko at tagapagbalita sa BBC na si Björn Hallström, nang arestuhin ang mga Saksi ni Jehova sa Alemanya noong panahon ng Nazi, ang mga paratang laban sa kanila ay pangkaraniwang may kaugnayan sa “pagtangging sumaludo sa bandila at magbigay ng saludong Nazi.” Di-nagtagal at ang ibang mga bansa ay nagsimula ring mag-utos na ang lahat ay dapat sumaludo sa kanilang bandila. Tumanggi ang mga Saksi ni Jehova—hindi dahil sa kawalang-galang kundi dahil sa budhing Kristiyano. Iginagalang nila ang bandila subalit itinuturing nilang pagsamba ang pagsaludo sa bandila.f
Matapos mabilanggo ang mga 1,200 Saksi sa Alemanya noong unang bahagi ng panahong Nazi dahil sa pagtangging magbigay ng saludong Nazi at lumabag sa kanilang Kristiyanong neutralidad, libu-libo ang inumog sa Estados Unidos sapagkat tumanggi silang sumaludo sa bandilang Amerikano. Noong sanlinggo ng Nobyembre 4, 1935, ang ilang batang mag-aarál sa Canonsburg, Pennsylvania, ay dinala sa boiler room ng paaralan at hinagupit dahil sa pagtanggi nilang sumaludo. Si Grace Estep, isang guro, ay pinaalis sa tungkulin sa paaralang iyon sa dahilan ding iyon. Noong Nobyembre 6, sina William at Lillian Gobitas ay tumangging sumaludo sa bandila at sila’y pinaalis mula sa paaralan sa Minersville, Pennsylvania. Nagdemanda ang kanilang ama upang maibalik ang kaniyang mga anak. Kapuwa ang federal district court at ang circuit court of appeals ay nagpasiya nang pabor sa mga Saksi ni Jehova. Gayunman, noong 1940, nang ang bansa’y nasa bingit ng digmaan, ang Korte Suprema ng E.U., sa Minersville School District v. Gobitis, sa desisyon na 8-sa-1, ay nagtibay ng sapilitang pagsaludo sa bandila sa mga paaralang pampubliko. Ito’y umakay sa pagsiklab ng karahasan sa buong bansa laban sa mga Saksi ni Jehova.
Gayon na lamang karami ang mararahas na pagsalakay laban sa mga Saksi ni Jehova kung kaya si Gng. Eleanor Roosevelt (asawa ni Presidente F. D. Roosevelt) ay nakiusap sa publiko na itigil ito. Noong Hunyo 16, 1940, ang pangkalahatang tagausig ng E.U., si Francis Biddle, sa isang brodkast sa radyo sa buong bansa, ay tuwirang tumukoy sa mga kalupitang ginagawa laban sa mga Saksi at nagsabing ang mga ito’y hindi pahihintulutan. Subalit hindi ito nagpahinto sa karahasan.
Sa bawat masisilip na pagkakataon—sa lansangan, sa trabaho, kapag dumalaw sa mga tahanan ang mga Saksi sa kanilang ministeryo—iduduldol sa kanila ang bandila, at uutusan silang sumaludo—o kung hindi ay may mangyayari! Noong katapusan ng 1940, iniulat ng Yearbook of Jehovah’s Witnesses: “Ang Herarkiya at ang Amerikanong Lehiyon, sa pamamagitan ng mga mang-uumog na inilalagay sa kanilang sariling mga kamay ang batas, ay may karahasang gumawa ng di-mailalarawang pinsala. Ang mga Saksi ni Jehova ay sinalakay, binugbog, dinukot, itinaboy mula sa mga bayan, mga county at mga estado, binuhusan ng alkitran at nilagyan ng mga balahibo, pinilit na uminom ng aseyte-de kastor, iginapos na sama-sama at tinugis tulad ng mga hayop na walang malay sa mga lansangan, kinapon at binalda, kinutya at dinusta ng makademonyong mga pulutong, daan-daan ang ibinilanggo nang walang paratang at ipiniit nang walang maaaring kumausap at pinagkaitan ng pribilehiyong sumangguni sa mga kamag-anak, kaibigan o abogado. Daan-daang iba pa ang ibinilanggo at ipiniit upang di-umano’y ‘ikulong bilang proteksiyon’; ang ilan ay binaril sa kalaliman ng gabi; ang ilan ay pinagbantaan ng pagbitay at binugbog hanggang sa mawalan ng malay. Sari-saring uri ng marahas na pang-uumog ang naganap. Pinaggutay-gutay ang mga suot na damit ng marami hanggang sa mahubaran, ang kanilang mga Bibliya at ibang literatura ay sinamsam at sinunog sa harap ng madla; ang kanilang mga kotse, trailer na tirahan, mga tahanan at dakong pinagtitipunan ay winasak at sinunog . . . Sa maraming pagkakataon kapag ang mga paglilitis ay idinaos sa mga komunidad na kontrolado ng mga mang-uumog, ang mga abogado at mga testigo ay inumog at binugbog samantalang humaharap sa korte. Halos sa bawat kaso ng marahas na pang-uumog ang mga opisyal ng pamahalaan ay walang ginawa at tumangging magbigay ng proteksiyon, at sa sampu-sampung mga kaso ang mga alagad ng batas ay sumasama pa sa pang-uumog at kung minsan ay aktuwal na nangunguna sa mga mang-uumog.” Mula 1940 hanggang 1944, mahigit na 2,500 mararahas na pangkat ng mga mang-uumog ang sumalakay sa mga Saksi ni Jehova sa Estados Unidos.
Dahil sa lansakang pagpapaalis ng mga anak ng mga Saksi ni Jehova mula sa paaralan, may panahon noong huling bahagi ng dekada ng 1930 at unang bahagi ng 1940 na kinailangan silang magpatakbo ng sarili nilang mga paaralan sa Estados Unidos at Canada upang paglaanan ng edukasyon ang kanilang mga anak. Ang mga ito ay tinawag na mga Paaralang Pangkaharian.
Ang ibang mga bansa rin ay marahas na umusig sa mga Saksi dahil sa pagtanggi nilang sumaludo o humalik sa pambansang mga sagisag. Noong 1959, ang mga anak ng mga Saksi ni Jehova sa Costa Rica na tumangging makibahagi sa itinuturing ng batas na ‘pagsamba sa Pambansang mga Sagisag’ ay pinagbawalang pumasok sa mga paaralan. Nahahawig na pagtrato ang idinulot sa mga anak ng Saksi sa Paraguay noong 1984. Ang Korte Suprema ng Pilipinas ay humatol noong 1959 na, sa kabila ng relihiyosong mga pagtutol, ang mga anak ng mga Saksi ni Jehova ay maaaring piliting sumaludo sa bandila. Gayunpaman, sa karamihan ng mga kaso ang mga awtoridad sa paaralan ay nakipagtulungan sa mga Saksi upang makapag-aral ang kanilang mga anak nang hindi nilalabag ang kanilang budhi. Noong 1963, ang mga opisyal sa Liberia, Kanlurang Aprika, ay nagbintang na ang mga Saksi ay lumalaban sa Estado; sila’y marahas na lumusob sa isang asamblea ng mga Saksi sa Gbarnga at nag-utos na lahat ng mga naroroon—kapuwa taga-Liberia at mga dayuhan—ay manumpa ng katapatan sa bandilang pambansa. Noong 1976 isang ulat na pinamagatang “Mga Saksi ni Jehova sa Cuba” ang nagsabi na noong sinundang dalawang taon, isang libong mga magulang, kapuwa lalaki at babae, ang ibinilanggo dahil sa tumangging sumaludo sa bandila ang kanilang mga anak.
Hindi lahat ay sang-ayon sa ganitong mapaniil na mga pagkilos laban sa mga tao na, dahil sa budhi, ay buong-paggalang na tumatangging makibahagi sa mga seremonyang makabayan. Ang The Open Forum, na inilathala ng Southern California Branch ng American Civil Liberties Union, ay nagsabi noong 1941: “Panahon na ngayon upang maging makatuwiran tungkol sa bagay na ito na pagsaludo sa bandila. Ang mga Saksi ni Jehova ay hindi mga Amerikanong lumalaban sa bayan. . . . Sa pangkalahatan ay hindi sila mga manlalabag ng batas, kundi sila’y namumuhay nang disente, maayos, na gumagawa ng kanilang bahagi sa ikabubuti ng balana.” Noong 1976 isang kolumnista sa pahayagan sa Argentina, sa Herald ng Buenos Aires, ay prangkahang pumansin na “ang mga paniniwala [ng mga Saksi] ay nakagagalit lamang doon sa mga nag-aakala na ang pagkamakabayan ay pulos pagwawagayway ng bandila at pagkanta ng pambansang awit, hindi isang bagay na nagmumula sa puso.” Isinusog pa niya: “Hindi masikmura nina Hitler at Stalin [ang mga Saksi], at kasuklam-suklam ang ginawang pagtrato sa kanila. Napakaraming ibang mga diktador na naghahangad ng sapilitang pagsunod ng lahat ang nagsikap na sila’y sugpuin. At nabigo.”
Batid na batid ng karamihan na ang ilang relihiyosong mga grupo ay sumusuporta sa nasasandatahang karahasan laban sa mga gobyernong hindi nila sinasang-ayunan. Subalit saanman sa lupa ay hindi kailanman nakilahok ang mga Saksi ni Jehova sa makapulitikang paghihimagsik. Hindi dahil sa pagtataksil—dahil sa pagsuporta sa ibang gobyerno ng tao—kung kaya tumatanggi silang sumaludo sa pambansang sagisag. Iisa ang paninindigan nila sa lahat ng bansang kinaroroonan nila. Ang kanilang saloobin ay hindi kawalang-galang. Hindi sila sumisipol nang malakas at sumisigaw upang guluhin ang mga seremonyang makabayan; hindi nila niluluraan, niyuyurakan, o sinusunog ang bandila. Hindi sila laban sa pamahalaan. Ang kanilang paninindigan ay salig sa sinabi mismo ni Jesu-Kristo, gaya ng iniulat sa Mateo 4:10: “Si Jehova mong Diyos ang dapat mong sambahin, at siya lamang ang dapat mong pag-ukulan ng banal na paglilingkod.”
Ang paninindigan ng mga Saksi ni Jehova ay katulad niyaong sa unang mga Kristiyano noong kaarawan ng Imperyong Romano. Tungkol sa sinaunang mga Kristiyanong iyon, ang aklat na Essentials of Bible History ay nagsasabi: “Ang pagsamba sa emperador ay ginagawa sa pamamagitan ng pagsasabog ng ilang butil ng insenso o ilang patak ng alak sa dambanang nasa harap ng istatuwa ng emperador. Marahil dahil sa paglipas ng mahabang panahon mula noon ay sasabihin nating walang pagkakaiba ito sa . . . pagsaludo sa bandila o sa isang kagalang-galang na pinunò ng estado, bilang paggalang, pagpipitagan, at pagkamakabayan. Marahil gayon ang nadarama ng marami noong unang siglo ngunit hindi ang mga Kristiyano. Minalas nila ang lahat ng ito bilang pagsambang relihiyoso, na kinikilala ang emperador bilang isang diyos at samakatuwid ay nagtataksil sa Diyos at kay Kristo, at ito’y tinanggihan nilang gawin.”—Elmer W. K. Mould, 1951, p. 563.
Kinapootan Dahil sa “Hindi Bahagi ng Sanlibutan”
Sapagkat sinabi ni Jesus na ang kaniyang mga alagad ay magiging “hindi bahagi ng sanlibutan,” ang mga Saksi ni Jehova ay hindi nakikibahagi sa gawaing makapulitika nito. (Juan 17:16; 6:15) Sa bagay ring ito, sila’y katulad ng unang mga Kristiyano, na tungkol sa kanila ay sinasabi ng mga historyador:
“Ang unang Kristiyanismo ay hindi gaanong naunawaan at hindi nagustuhan niyaong mga namahala sa paganong sanlibutan. . . . Ang mga Kristiyano ay tumangging makibahagi sa ilang tungkulin ng mga mamamayang Romano. . . . Ayaw nilang tanggapin ang tungkuling makapulitika.” (On the Road to Civilization—A World History, A. K. Heckel at J. G. Sigman, 1937, p. 237-8) “Tumanggi silang aktibong makibahagi sa administrasyong sibil o sa pagtatanggol militar sa imperyo. . . . Ang mga Kristiyano ay hindi maaaring manungkulan bilang sundalo, hukom, o prinsipe malibang itakwil nila ang kanilang higit na sagradong tungkulin.”—History of Christianity, Edward Gibbon, 1891, p. 162-3.
Ang paninindigang ito ay hindi sinasang-ayunan ng sanlibutan, lalo na sa mga lupain na doon ang bawat tao ay pinipilit na makibahagi sa ilang gawain bilang katibayan ng kanilang pagsuporta sa sistemang makapulitika. Ang resulta ay katulad ng sinabi ni Jesus: “Kung kayo’y bahagi ng sanlibutan, ay iibigin ng sanlibutan ang kaniyang sarili. Ngayon sapagkat kayo’y hindi bahagi ng sanlibutan, kundi kayo’y pinili ko mula sa sanlibutan, dahil dito’y napopoot sa inyo ang sanlibutan.”—Juan 15:19.
Sa ilang lupain, ang pagboto sa pulitikal na mga halalan ay itinuturing na isang tungkulin. Ang pagtangging bumoto ay pinarurusahan ng multa, pagkabilanggo, o mas mabigat pa. Subalit ang mga Saksi ni Jehova ay tumatangkilik sa Mesianikong Kaharian ng Diyos, na, gaya ng sinabi ni Jesus, “ay hindi bahagi ng sanlibutang ito.” Dahil dito, hindi sila nakikilahok sa gawaing makapulitika ng mga bansa sa sanlibutang ito. (Juan 18:36) Ito’y personal na desisyon; hindi nila ipinipilit sa iba ang kanilang mga paniniwala. Sa mga dakong hindi ipinagpaparaya ang relihiyon, sinamantala ng mga opisyal ng gobyerno ang di-pakikibahagi ng mga Saksi upang sila’y pag-usigin nang may kalupitan. Halimbawa, noong panahon ng mga Nazi, ito’y ginawa sa mga lupaing sakop nila. Ginagawa rin ito sa Cuba. Gayunman, ang mga opisyal sa maraming lupain ay naging higit na mapagparaya.
Subalit, sa ilang dako ang mga maykapangyarihan ay nag-utos na ang bawat tao ay magpakita ng pagsuporta sa namamahalang partidong makapulitika sa pamamagitan ng pagsigaw ng ilang salawikain. Sapagkat hindi pinahihintulutan ng kanilang budhi na gawin ito, libu-libong Saksi ni Jehova sa silanganing bahagi ng Aprika ang binugbog, pinagkaitan ng hanapbuhay, at pinalayas mula sa kanilang mga tahanan noong mga dekada ng 1970 at l980. Subalit ang mga Saksi ni Jehova sa lahat ng lupain, bagaman sila’y masisipag at masunurin sa batas, ay neutral sa mga isyung makapulitika bilang mga Kristiyano.
Sa Malawi, iisa lamang ang partidong makapulitika, at ang paghawak ng isang party card ay katibayan ng pagiging miyembro nito. Bagaman ang mga Saksi ay uliran sa pagbabayad ng buwis, sa pagsunod sa kanilang relihiyosong mga paniniwala, sila’y tumatangging bumili ng makapulitikang mga party card. Ang paggawa nito ay magiging pagtanggi sa kanilang pananampalataya sa Kaharian ng Diyos. Dahil dito, noong huling bahagi ng 1967, udyok ng mga opisyal ng gobyerno, ang mga pangkat ng kabataan sa buong Malawi ay naglunsad ng isang lansakang pagsalakay laban sa mga Saksi ni Jehova na walang makakatumbas sa kahalayan at malasadistang kalupitan. Mahigit na isang libong debotong Kristiyanong babae ang ginahasa. Ang ilan ay hinubaran sa harap ng malalaking pangkat ng mga mang-uumog, binugbog ng mga pamalo at ng kamao, at pagkatapos ay ginahasa nang paulit-ulit ng sunud-sunod na mga lalaki. Pinakuan ang mga paa ng mga lalaki at tinusukan ng rayos ng bisikleta ang kanilang mga binti, at pagkatapos ay inutusan silang tumakbo. Sa buong bansa ang kanilang mga tahanan, muwebles, damit, at suplay ng pagkain ay winasak.
Muli, noong 1972, pagkaraan ng taunang kombensiyon ng Malawi Congress Party ay muling sumiklab ang gayunding kalupitan. Sa kombensiyong iyon ay opisyal na pinagtibay na ang mga Saksi ni Jehova ay pagkakaitan ng lahat ng hanapbuhay at palalayasin sa kanilang mga tahanan. Kahit ang pakikiusap ng mga maypatrabaho na huwag sanang paalisin ang pinagkakatiwalaang mga manggagawang ito ay hindi pinakinggan. Ang mga tahanan, sakahan, at hayupan ay kinumpiska o winasak. Ang mga Saksi ay pinagkaitang umigib ng tubig sa balon ng nayon. Marami ang binugbog, ginahasa, binalda, o pinaslang. Samantalang ginagawa ito, sila’y kinukutya at nililibak dahil sa kanilang pananampalataya. Sa wakas ay mahigit na 34,000 ang tumakas mula sa bansa upang hindi sila mapatay.
Subalit hindi ito nagtapos doon. Una mula sa isang bansa at pagkatapos ay mula naman sa iba, sila’y pilit na pinabalik sa sariling lupain tungo sa kamay ng mga mang-uusig sa kanila, upang magdanas lamang ng higit pang kalupitan. Gayunman, sa kabila ng lahat ng ito, sila’y hindi nakipagkompromiso, at hindi nila tinalikuran ang kanilang pananampalataya sa Diyos na Jehova. Napatunayan na sila’y tulad ng tapat na mga lingkod ng Diyos na tungkol sa kanila’y sinasabi ng Bibliya: “Ang iba’y sinubok sa mga paglibak at mga hagupit, oo, bukod dito’y sa mga tanikala at bilangguan. Sila’y pinagbabato, pinagtutukso, pinaglalagari, pinagpapatay sa tabak, sila’y nagsilakad na paroo’t parito na may balat ng mga tupa’t kambing, samantalang sila’y mga salat, napipighati, tinatampalasan; at ang sanlibutan ay hindi karapat-dapat sa kanila.”—Heb. 11:36-38.
Pinag-usig sa Lahat ng mga Bansa
Iilan ba lamang sa mga bansa sa daigdig ang lumabag sa kanilang mga pag-aangkin na may kalayaan sa pamamagitan ng gayong relihiyosong pag-uusig? Tunay na hindi! Nagbabala si Jesu-Kristo sa kaniyang mga tagasunod: “Kayo’y magiging tudlaan ng pagkapoot ng lahat ng bansa dahil sa aking pangalan.”—Mat. 24:9.
Sa huling mga araw ng sistemang ito ng mga bagay, mula noong 1914, ang pagkamuhing iyon ay naging higit na matindi. Ang Canada at ang Estados Unidos ang nanguna sa pagsalakay sa pamamagitan ng pagpataw ng mga pagbabawal sa literatura ng Bibliya noong unang digmaang pandaigdig, at di-nagtagal sila’y sinamahan ng India at Nyasaland (ngayo’y tinatawag na Malawi). Noong dekada ng 1920, walang-katarungang mga paghihigpit ang ipinataw sa mga Estudyante ng Bibliya sa Gresya, Hungarya, Italya, Romania, at Espanya. Sa ilan sa mga dakong ito, ang pamamahagi ng literatura sa Bibliya ay ipinagbawal; kung minsan, maging ang pribadong mga pagtitipon ay ipinagbawal. Lalong maraming bansa ang nakisama sa pagsalakay noong dekada ng 1930, nang ang mga pagbabawal (ang ilan ay sa mga Saksi ni Jehova, ang iba ay sa kanilang literatura) ay ipinataw sa Albania, Austria, Bulgaria, Estonia, Latvia, Lithuania, Polandya, ilang mga estado ng Switzerland, ang noo’y Yugoslavia, ang Gold Coast (ngayo’y Ghana), ang mga teritoryo ng Pranses sa Aprika, Trinidad, at Fiji.
Noong Digmaang Pandaigdig II, nagkaroon ng mga pagbabawal sa mga Saksi ni Jehova, sa kanilang pangmadlang ministeryo, at sa kanilang literatura sa Bibliya sa maraming bahagi ng daigdig. Totoo ito hindi lamang sa Alemanya, Italya, at Hapón—na lahat ng mga ito ay nasa ilalim ng pamamahalang makadiktador—kundi sa maraming lupain din naman na sa tuwiran o sa di-tuwiran ay sinakop nila bago o noong panahon ng digmaan. Kabilang dito ay ang Albania, Austria, Belgium, Czechoslovakia, Korea, ang Netherlands, Netherlands East Indies (ngayo’y Indonesia) at Norway. Noong mga taóng ito ng digmaan, ang Argentina, Brazil, Pinlandya, Pransya, at Hungarya ay pawang naglabas ng opisyal na mga utos laban sa mga Saksi ni Jehova o sa kanilang gawain.
Ang gawain ng mga Saksi ni Jehova ay hindi tuwirang ipinagbawal sa Britanya noong panahon ng digmaan, subalit pinaalis naman sa bansa ang tagapangasiwa ng sangay na ipinanganak sa Amerika at sinikap na hadlangan ang gawain ng mga Saksi sa pamamagitan ng pagbabawal sa pagpapadala sa kanila ng literatura habang may digmaan. Sa buong Imperyo ng Britanya at sa British Commonwealth of Nations, tahasang mga pagbabawal sa mga Saksi ni Jehova o sa kanilang literatura ang ipinataw. Ang Australia, Bahamas, Basutoland (ngayo’y Lesotho), Bechuanaland (ngayo’y Botswana), British Guiana (ngayo’y Guyana), Burma (ngayo’y Myanmar), Canada, Ceylon (ngayo’y Sri Lanka), Cyprus, Dominica, Fiji, ang Gold Coast (ngayo’y Ghana), Hilagang Rhodesia (ngayo’y Zambia), India, Jamaica, ang Leeward Islands (B.W.I.), New Zealand, Nigeria, Nyasaland (ngayo’y Malawi), Singapore, Swaziland, Timog Aprika, at Timugang Rhodesia (ngayo’y Zimbabwe) ay pawang gumawa ng gayong pagkilos upang ipahayag ang kanilang pagkamuhi sa mga lingkod ni Jehova.
Pagkatapos ng digmaan, humupa ang pag-uusig mula sa ilang mga grupo ngunit lalong sumidhi naman mula sa iba. Sa loob ng sumunod na 45 taon, bilang karagdagan sa bagay na ang mga Saksi ni Jehova ay pinagkaitan ng legal na pagkilala sa maraming lupain, tahasang mga pagbabawal ang ipinataw sa kanila o sa kanilang gawain sa 23 lupain sa Aprika, 9 sa Asia, 8 sa Europa, 3 sa Latin Amerika, at 4 sa ilang mga bansang kapuluan. Hanggang noong 1992, ang mga Saksi ni Jehova ay nasa ilalim ng mga paghihigpit sa 24 lupain.
Hindi ito nangangahulugan na lahat ng mga opisyal ng gobyerno ay personal na sumasalansang sa gawain ng mga Saksi ni Jehova. Itinataguyod ng maraming opisyal ang kalayaan sa relihiyon at kinikilala nila na malaki ang pakinabang ng komunidad sa mga Saksi ni Jehova. Ang gayong mga tao ay hindi sumasang-ayon sa mga nagsusulsol sa mga opisyal na gumawa ng hakbang laban sa mga Saksi. Halimbawa, bago naging independiyenteng bansa ang Ivory Coast (ngayo’y Côte d’Ivoire), nang sikapin ng isang paring Katoliko at isang ministrong Methodista na hikayatin ang isang opisyal na palayasin sa bansa ang mga Saksi ni Jehova, nasumpungan nila na ang kausap nilang mga opisyal ay hindi makapapayag na pagamit sa mga klero sa ganitong layunin. Nang sikaping hubugin ng isang opisyal ang batas ng Namibia, noong 1990, upang higpitan ang mga nagsilikas na kilala bilang mga Saksi ni Jehova, hindi ito pinahintulutan ng Constituent Assembly. At sa maraming bansa na dati’y may pagbabawal sa mga Saksi ni Jehova, sila ngayon ay legal na kinikilala.
Subalit, sa iba’t ibang paraan, sa bawat bahagi ng lupa, ang mga Saksi ni Jehova ay pinag-uusig. (2 Tim. 3:12) Sa ilang mga dako, ang pag-uusig na iyon ay maaaring manggaling sa mapanlait na mga maybahay, sa sumasalansang na mga kamag-anak, o sa mga kamanggagawa o kaeskuwela na hindi nagpapamalas ng takot sa Diyos. Gayunman, kahit sino ang mga mang-uusig o kahit papaano ang pagsisikap nilang ipagmatuwid ang kanilang ginagawa, natatalos ng mga Saksi ni Jehova kung ano talaga ang nasa likuran ng pag-uusig sa tunay na mga Kristiyano.
Ang Isyu
Matagal nang ipinaliliwanag ng mga publikasyon ng Watch Tower na sa makasagisag na pananalita ay inihula ng unang aklat ng Bibliya ang pakikipag-alit, o pagkapoot, ni Satanas na Diyablo at niyaong mga nasa ilalim ng kaniyang kapangyarihan laban sa sariling makalangit na organisasyon ni Jehova at sa makalupang mga kinatawan nito. (Gen. 3:15; Juan 8:38, 44; Apoc. 12:9, 17) Lalo na mula noong 1925, ipinakikita ng The Watch Tower mula sa mga Kasulatan na dalawa lamang pangunahing organisasyon ang umiiral—yaong kay Jehova at yaong kay Satanas. At, gaya ng sinasabi ng 1 Juan 5:19, “ang buong sanlibutan”—alalaong baga’y, ang buong sangkatauhan sa labas ng organisasyon ni Jehova—“ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng balakyot na isa.” Iyan ang dahilan kung bakit ang lahat ng tunay na mga Kristiyano ay dumaranas ng pag-uusig.—Juan 15:20.
Subalit bakit ito pinahihintulutan ng Diyos? May kabutihan kayang nagagawa ito? Ipinaliwanag ni Jesu-Kristo na bago niya dudurugin si Satanas at ang kaniyang balakyot na organisasyon bilang makalangit na Hari, magkakaroon ng pagbubukud-bukod sa mga tao ng lahat ng bansa, katulad ng pagbubukud-bukod ng isang pastol sa Gitnang Silangan sa mga tupa mula sa mga kambing. Bibigyan ang mga tao ng pagkakataon na marinig ang hinggil sa Kaharian ng Diyos at manindigan sa panig nito. Pagka pinag-uusig ang mga tagapaghayag na iyon ng Kaharian, higit pang pinatitingkad ang katanungan na: Yaon bang makaririnig nito ay gagawa ng kabutihan sa mga “kapatid” ni Kristo at sa kanilang mga kasamahan at sa gayo’y magpapakita ng pag-ibig kay Kristo mismo? O sila ba’y makikisama sa mga patuloy na lumalapastangan sa mga kinatawang iyon ng Kaharian ng Diyos—o marahil kaya’y mananahimik na lamang kapag ito’y ginagawa ng iba? (Mat. 25:31-46; 10:40; 24:14) Nakita ng ilan sa Malawi kung sino ang naglilingkod sa tunay na Diyos at dahil dito ay nakisama sila sa pinag-uusig na mga Saksi. Gayundin ang ginawa ng maraming bilanggo at ilang guwardiya sa mga kampong piitan ng Alemanya.
Kahit maraming bulaang pagbibintang ang ginagawa laban sa kanila at sila’y pinagmamalupitan, at kinukutya pa man din dahil sa kanilang pananampalataya sa Diyos, hindi iniisip ng mga Saksi ni Jehova na parang sila’y pinababayaan ng Diyos. Alam nila na dinanas din ni Jesu-Kristo ang gayunding mga bagay. (Mat. 27:43) Alam din nila na dahil sa kaniyang katapatan kay Jehova, pinatunayan ni Jesus na ang Diyablo ay isang sinungaling at nagkaroon siya ng bahagi sa pagpapabanal sa pangalan ng kaniyang Ama. Gayundin ang hangad na gawin ng bawat isa sa mga Saksi ni Jehova.—Mat. 6:9.
Ang isyu ay hindi kung kaya nilang pagtiisan ang pagpapahirap at makaligtas sa kamatayan. Inihula ni Jesu-Kristo na ang ilan sa kaniyang mga tagasunod ay papatayin. (Mat. 24:9) Siya mismo ay pinatay. Subalit kailanma’y hindi siya nakipagkompromiso sa pangunahing Kaaway ng Diyos, si Satanas na Diyablo, “ang pinunò ng sanlibutan.” Dinaig ni Jesus ang sanlibutan. (Juan 14:30; 16:33) Kung gayon, ang isyu ay kung ang mga mananamba sa tunay na Diyos ay mananatiling tapat sa kaniya sa kabila ng anumang paghihirap na maaaring danasin nila. Ang makabagong-panahong mga Saksi ni Jehova ay naglaan ng saganang katibayan na taglay nila ang kaisipan ni Pablo, na sumulat: “Kung nabubuhay tayo, kay Jehova tayo nabubuhay, at kung namamatay tayo, kay Jehova tayo namamatay. Kaya sa mabuhay tayo at sa mamatay man, tayo’y kay Jehova.”—Roma 14:8.
[Mga talababa]
a Hindi lubos na naunawaan ng mga Estudyante ng Bibliya noong panahong iyon ang nalalaman ngayon ng mga Saksi mula sa Bibliya tungkol sa mga lalaki bilang mga guro sa kongregasyon. (1 Cor. 14:33, 34; 1 Tim. 2:11, 12) Dahil dito, si Maria Russell ay naging kasamang patnugot ng Watch Tower at isang regular na manunulat sa mga tudling nito.
b Sina Joseph F. Rutherford, presidente ng Samahang Watch Tower; William E. Van Amburgh, kalihim-ingat-yaman ng Samahan; Robert J. Martin, tagapangasiwa ng opisina; Frederick H. Robison, isang miyembro ng komiteng patnugutan para sa The Watch Tower; A. Hugh Macmillan, isang direktor ng Samahan; George H. Fisher at Clayton J. Woodworth, mga manunulat ng The Finished Mystery.
c Si Giovanni DeCecca, na nagtrabaho sa Italian Department sa opisina ng Samahang Watch Tower.
d Tinanggihan ng Circuit Judge na si Martin T. Manton, isang masugid na Romano Katoliko, ang ikalawang apelasyon na magbigay ng piyansa noong Hulyo 1, 1918. Nang baligtarin ng hukumang pederal sa paghahabol ang hatol sa mga nasasakdal noong bandang huli, si Manton ang kaisa-isang bumoto nang laban dito. Kapansin-pansin na noong Disyembre 4, 1939, isang pantanging binuong hukuman sa paghahabol ang nagtibay sa hatol kay Manton sa kasong pag-aabuso sa kapangyarihang panghukuman, panlilinlang, at pandaraya.
e Na walang katarungan ang pagkabilanggo sa mga lalaking ito, at hindi sila wastong hinatulan, ay ipinakikita sa bagay na si J. F. Rutherford ay nanatili bilang miyembro ng bar ng Korte Suprema ng Estados Unidos mula nang siya’y tanggapin doon noong Mayo 1909 hanggang sa kaniyang kamatayan noong 1942. Sa 14 na kaso na inapela sa Korte Suprema mula 1939 hanggang 1942, si J. F. Rutherford ang isa sa mga abogado. Sa mga kasong tinatawag na Schneider v. State of New Jersey (noong 1939) at Minersville School District v. Gobitis (noong 1940), siya’y personal na nagharap ng orál na mga argumento sa Korte Suprema. Gayundin, noong panahon ng Digmaang Pandaigdig II, si A. H. Macmillan, isa sa mga lalaking walang-katarungang ibinilanggo noong 1918-19, ay tinanggap ng direktor ng pederal na Kawanihan ng mga Bilangguan bilang regular na bisita sa mga pederal na bilangguan sa Estados Unidos upang alagaan ang espirituwal na mga kapakanan ng mga kabataang lalaki na naroroon dahil sa paninindigan nila sa Kristiyanong neutralidad.
f Ang The Encyclopedia Americana, Tomo 11, 1942, pahina 316, ay nagsasabi: “Ang bandila, katulad ng krus, ay sagrado. . . . Ang mga alituntunin at regulasyon may kaugnayan sa saloobin ng tao sa mga pambansang sagisag ay gumagamit ng mapuwersa, makahulugang mga salita, gaya ng, ‘Paglilingkod sa Bandila,’ . . . ‘Pagpipitagan sa Bandila,’ ‘Debosyon sa Bandila.’” Sa Brazil, ang Diário da Justiça, Pebrero 16, 1956, pahina 1904, ay nag-ulat na sa isang pangmadlang seremonya, sinabi ng isang opisyal ng militar: “Ang mga bandila ay naging diyos ng relihiyong makabayan . . . Ang bandila ay pinipintuho at sinasamba.”
[Blurb sa pahina 642]
Ang pangunahing umusig kay Jesu-Kristo ay ang relihiyosong mga lider
[Blurb sa pahina 645]
“Ang ordinasyon o awtorisasyon ng Diyos sa kaninumang tao upang mangaral ay sa pamamagitan ng pagkakaloob ng Banal na Espiritu sa kaniya”
[Blurb sa pahina 647]
Ang aklat na “The Finished Mystery” ay tahasang naglantad sa pagpapaimbabaw ng mga klero ng Sangkakristiyanuhan!
[Blurb sa pahina 650]
Ang Kristiyanong lalaki at babae ay inumog at ibinilanggo nang walang paratang o walang paglilitis
[Blurb sa pahina 652]
“Ang mga sentensiya sa pagkabilanggo ay maliwanag na labis-labis”—presidente ng E.U. Woodrow Wilson
[Blurb sa pahina 656]
May bahagyang hustisya lamang para sa kaninuman na hindi sumusunod sa sinasabi ng pari
[Blurb sa pahina 666]
Hinimok ng mga pari ang mga guro na palabasin sa paaralan ang mga bata upang batuhin ang mga Saksi
[Blurb sa pahina 668]
Nagsabuwatan ang mga klero upang salansangin ang mga Saksi
[Blurb sa pahina 671]
Mga mang-uumog ang sumalakay sa mga Saksi ni Jehova sa Estados Unidos
[Blurb sa pahina 676]
Sa bawat bahagi ng lupa, ang mga Saksi ni Jehova ay pinag-uusig
[Kahon sa pahina 655]
Inihayag ng mga Klero ang Kanilang mga Damdamin
Kapansin-pansin ang mga reaksiyon ng relihiyosong mga peryodiko sa pagsesentensiya kay J. F. Rutherford at sa kaniyang mga kasamahan noong 1918:
◆ Ang “The Christian Register”: “Ang pinatatamaan dito ng Pamahalaan sa totoong tahasang paraan ay ang palagay na ang relihiyosong mga kuru-kuro, gaanumang kakatwa at nakapipinsala, ay maaaring palaganapin nang walang ságutin. Ito’y isang matagal nang kamalian, at hanggang ngayon ay hindi natin pinag-uukulan ito ng sapat na atensiyon. . . . Para bang ito na nga ang katapusan ng Russellismo.”
◆ Ang “The Western Recorder,” isang publikasyon ng Baptist, ay nagsabi: “Hindi gaanong nakapagtataka na ang pangulo ng sutil na kultong ito ay mabilanggo sa isa sa mga institusyon para sa mga sutil. . . . Ang talagang mahirap sagutin sa bagay na ito ay kung ang mga nasasakdal ay dapat ipadala sa isang ampunan ng mga baliw o sa isang bilangguan.”
◆ Ang “The Fortnightly Review” ay tumawag ng pansin sa komento sa New York “Evening Post,” na nagsabi: “Inaasahan namin na ang mga nagtuturo ng relihiyon saanman ay magbibigay-pansin sa opinyon ng hukom na ito na ang pagtuturo ng relihiyon maliban lamang kung lubusang kasuwato ng mga batas ng lupain ay isang malubhang krimen na lalong nagiging malala kung, sa pagiging ministro ng ebanghelyo, ikaw ay taimtim pa rin.”
◆ Ang “The Continent” ay may-paghamak na tumukoy sa mga nasasakdal bilang “mga tagasunod ng yumaong si ‘Pastor’ Russell” at pinilipit ang kanilang mga paniniwala sa pagsasabing itinuturo nila “na lahat maliban sa mga makasalanan ay dapat bigyan ng eksempsyon sa pakikipagdigma laban sa kaiser ng Alemanya.” Inangkin nito na ayon sa pangkalahatang manananggol sa Washington, “ang gobyernong Italyano ay nagreklamo noon sa Estados Unidos na si Rutherford at ang kaniyang mga kasamahan . . . ay may ipinamahagi sa hukbong Italyano na maraming propaganda laban sa digmaan.”
◆ Pagkaraan ng isang linggo inilathala ng “The Christian Century” ang karamihan ng nasa itaas nang salita-por-salita, na nagpapakitang lubos nila itong sinasang-ayunan.
◆ Ang magasing Katoliko na “Truth” ay nag-ulat sa maikli hinggil sa sentensiyang ipinataw at pagkatapos ay naghayag ng damdamin ng mga patnugot nito, sa pagsasabing: “Ang literatura ng asosasyong ito ay lipos ng mabalasik na mga pag-atake laban sa Iglesya Katolika at sa kaniyang mga pari.” Sa pagsisikap na palabasing “laban sa gobyerno” ang sinuman na hayagang sumasalungat sa Iglesya Katolika, isinusog pa nito: “Nagiging higit at higit na maliwanag na ang espiritu ng pagsalungat sa kuru-kuro ng iba ay may malapit na kaugnayan sa sedisyon.”
◆ Si Dr. Ray Abrams, sa kaniyang aklat na “Preachers Present Arms,” ay nagkomento: “Nang makarating sa mga patnugot ng relihiyosong mga palimbagan ang balita hinggil sa dalawampung-taóng mga sentensiya, halos lahat ng mga publikasyong iyon, malaki man o maliit, ay nagsayang mainam dahil dito. Wala akong narinig ni isa mang salita ng pakikiramay mula sa alinman sa ortodoksong mga babasahing relihiyosong iyon.”
[Kahon sa pahina 660]
“Pinag-usig Dahil sa Relihiyon”
“May isang grupo ng mga tao sa Kampong Piitan ng Mauthausen na pinag-usig dahil sa relihiyon lamang: ang mga miyembro ng sektang ‘Taimtim na mga Estudyante ng Bibliya,’ o ‘mga Saksi ni Jehova’ . . . Ang kanilang pagtangging sumumpa ng katapatan kay Hitler at ang pagtanggi nilang gumawa ng anumang uri ng paglilingkod militar—isang pulitikal na resulta ng kanilang paniniwala—ang siyang dahilan ng pag-uusig sa kanila.”—“Die Geschichte des Konzentrationslagers Mauthausen” (Ang Kasaysayan ng Kampong Piitan sa Mauthausen), dokumentado ni Hans Maršálek, Vienna, Austria, 1974.
[Kahon sa pahina 661]
Salin ng Deklarasyon na Sinikap ng SS na Sapilitang Lagdaan ng mga Saksi
Kampong piitan .................................
Departamento II
DEKLARASYON
Ako, si ........................................
ipinanganak noong ............................
sa ............................................
kalakip nito ay gumagawa ng sumusunod na deklarasyon:
1. Napag-alaman ko na ang International Bible Students Association ay naghahayag ng maling mga turo at sa pagbabalatkayo ng relihiyon ay nagtataguyod ng layunin na lumaban sa Estado.
2. Ako samakatuwid ay lubusang humiwalay sa organisasyon at naging lubos na malaya mula sa mga turo ng sektang ito.
3. Kalakip nito ay tinitiyak ko na kailanman ay hindi na ako makikibahagi sa gawain ng International Bible Students Association. Ang sinumang lalapit sa akin na taglay ang turo ng mga Estudyante ng Bibliya, o sa anumang paraan ay magsisiwalat na sila’y kaugnay nila, ay aking isusumbong karaka-raka. Lahat ng literatura mula sa mga Estudyante ng Bibliya na ipadadala sa aking direksiyon ay aking kaagad dadalhin sa pinakamalapit na presinto ng pulisya.
4. Ako sa hinaharap ay gagalang sa mga batas ng Estado, lalo na sa panahon ng digmaan ako, na may hawak na sandata, ay magtatanggol sa amang bayan, at makikisama sa lahat ng paraan sa komunidad ng mga tao.
5. Ako’y pinagbigyang-alam na karaka-rakang muling ikukulong bilang proteksiyon kung lalabagin ko ang deklarasyong ibinigay sa araw na ito.
..........................., May petsang ........ ..............................................
Lagda
[Kahon sa pahina 662]
Mga Liham Mula sa Ilan na Sinentensiyahan ng Kamatayan
Mula kay Franz Reiter (na malapit nang patayin sa pamamagitan ng gilotina) para sa kaniyang ina, Enero 6, 1940, mula sa kulungang Berlin-Plötzensee:
“Ako’y lubos na kumbinsido sa aking paniniwala na ang aking ginagawa ay wasto. Yamang nandito pa ako, maaari ko pa ring baguhin ang aking pasiya, subalit ito’y magiging kawalang-katapatan sa Diyos. Lahat kami rito ay nagnanais na maging tapat sa Diyos, sa kaniyang ikararangal. . . . Sa kaalaman kong taglay, kung gumawa ako ng panunumpa [sa militar], nakagawa ako ng kasalanang karapat-dapat sa kamatayan. Iyon ay kasumpa-sumpa sa akin. Hindi na ako bubuhaying-muli. Subalit ako’y nanghahawakan sa sinabi ni Kristo: ‘Sinuman na magliligtas ng kaniyang buhay ay mawawalan nito; ngunit ang sinuman na mawawalan ng kaniyang buhay alang-alang sa akin, ay tatanggap nito.’ At ngayon, mahal kong Ina at lahat kong mga kapatid na lalaki at babae, sa araw na ito ay sinabi sa akin ang aking sentensiya, at huwag kayong masisindak, ito’y kamatayan, at ako’y bibitayin bukas ng umaga. Taglay ko ang lakas mula sa Diyos, katulad ng laging totoo sa lahat ng tunay na mga Kristiyano kahit noong una pa. Sumusulat ang mga apostol, ‘Sinumang ipinanganak ng Diyos ay hindi maaaring magkasala.’ Totoo rin ito sa akin. Pinatunayan ko ito sa inyo, at madali ninyo itong makikilala. Mahal ko, huwag kayong labis na malumbay. Magiging mabuti kung lahat kayo ay magkakaroon ng higit na kaalaman sa Banal na Kasulatan. Kung kayo’y maninindigang matatag hanggang sa kamatayan, magkikita tayong muli sa pagkabuhay-muli. . . .
“Ang mahal mong si Franz
“Hanggang sa muli nating pagkikita.”
Mula kay Berthold Szabo, na pinatay ng “firing squad,” sa Körmend, Hungarya, noong Marso 2, 1945:
“Mahal kong kapatid, Marika!
“Sa natitira pa sa aking isa’t kalahating oras, sisikapin kong sulatan ka upang maipaalam mo sa ating mga magulang ang aking kalagayan, na ako’y nakaharap sa tiyak na kamatayan.
“Harinawang magkaroon sila ng gayunding kapayapaan ng isipan na aking tinatamasa sa huling sandaling ito sa sanlibutang ito na lipos ng kapahamakan. Ngayon ay alas diyes, at ako’y bibitayin ng alas onse y medya; subalit kalmado naman ako. Ang aking panghinaharap na buhay ay aking inilalagak sa kamay ni Jehova at sa Minamahal niyang Anak, si Jesu-Kristo, ang Hari, na kailanma’y hindi makalilimot sa mga taimtim na umiibig sa kanila. Alam ko rin na sa di-katagalan ay magkakaroon ng pagkabuhay-muli ng mga namatay o, sa halip, ng mga natulog, kay Kristo. Lalo nang gusto kong banggitin na nawa’y magkaroon ka ng lahat ng mayamang mga pagpapala mula kay Jehova dahil sa pag-ibig na ipinakita mo sa akin. Pakisyong halikan mo si Itay at si Inay para sa akin, at si Annus din. Huwag silang mag-aalala tungkol sa akin; magkikita-kita tayong muli sa malapit na hinaharap. Kalmado na ang aking kamay, at ako’y mamamahinga hanggang sa ako’y tawaging muli ni Jehova. Maging sa panahong ito ay tutuparin ko ang panata na isinumpa ko sa kaniya.
“Ngayon ay naubos na ang panahon ko. Ang Diyos nawa ay sumaiyo at sumaakin.
“Buong-pusong nagmamahal, . . .
“Berthi”
[Kahon sa pahina 663]
Kilala Dahil sa Tibay ng Loob at Katatagan
◆ “Sa kabila ng lahat ng pagsalansang, ang mga Saksi sa mga kampo ay nagtipon at nanalangin nang sama-sama, naglimbag ng literatura at nangumberte sa iba. Palibhasa’y pinatibay sila ng kanilang pagsasamahan, at, di-tulad ng maraming ibang bilanggo, ay nababatid nila kung bakit umiiral ang gayong mga dako at kung bakit kailangang magdusa sila nang gayon, ang mga Saksi ay napatunayang isang maliit ngunit di-malilimutang pangkat ng mga bilanggo, na tinandaan ng trianggulong kulay-ube at kilala dahil sa kanilang tibay ng loob at sa kanilang katatagan.” Gayon ang sulat ni Dr. Christine King, sa “The Nazi State and the New Religions: Five Case Studies in Non-Conformity.”
◆ Ang “Values and Violence in Auschwitz,” ni Anna Pawełczyńska, ay nagsasabi: “Ang grupong ito ng mga bilanggo ay isang matibay na ideolohikang puwersa at nanaig sila sa kanilang pakikipagbaka laban sa Nazismo. Ang grupong Aleman ng sektang ito ay naging isang maliit na pulo ng di-sumusukong pakikilaban na umiral sa mismong pusod ng isang nahihintakutang bansa, at sa gayunding di-nanlulupaypay na espiritu sila’y organisadong kumilos sa kampo sa Auschwitz. Nakuha nilang makamit ang paggalang ng kanilang kapuwa bilanggo . . . ng mga bilanggong may tungkulin, at maging ng mga opisyal ng SS. Batid ng lahat na walang ‘Bibelforscher’ [Saksi ni Jehova] ang susunod sa isang utos na kasalungat ng kaniyang relihiyosong paniniwala.”
◆ Si Rudolf Hoess, sa kaniyang talambuhay, na inilathala sa aklat na “Commandant of Auschwitz,” ay nagbalita tungkol sa pagbitay ng ilang Saksi ni Jehova dahil sa pagtanggi nilang labagin ang kanilang Kristiyanong neutralidad. Sinabi niya: “Sa palagay ko ganito rin ang anyo ng unang Kristiyanong mga martir samantalang naghihintay sa arena bago sila pagluray-lurayin ng mababangis na hayop. Lubusang nabago ang anyo ng kanilang mga mukha, nakatingin sa langit ang kanilang mga mata, nakadaop-palad at nakataas ang mga kamay nila sa panalangin, sila’y nagtungo sa kanilang kamatayan. Lahat ng nakakita sa kamatayan nila ay nabagbag ang damdamin, at maging ang pangkat ng mga bumaril mismo sa kanila ay apektado rin.” (Ang aklat na ito ay inilathala sa Polandya sa ilalim ng pamagat na “Autobiografia Rudolfa Hössa-komendanta obozu oświęcimskiego.”)
[Kahon sa pahina 673]
“Hindi Sila Laban sa Bansa”
“Hindi sila laban sa bansa; sila’y panig lamang kay Jehova.” “Hindi sila nagsusunog ng “draft cards,” nag-aalsa sa paghihimagsik . . . o nakikibahagi sa anumang uri ng paglaban sa gobyerno.” “Ang katapatan at kalinisang-budhi ng mga Saksi ay hindi nagbabago. Anuman ang maiisip ng isa tungkol sa mga Saksi—at maraming negatibong mga bagay ang naiisip ng marami—sila’y namumuhay bilang mga uliran.”—“Telegram,” Toronto, Canada, Hulyo 1970.
[Kahon sa pahina 674]
Sino ang Namamahala?
Alam ng mga Saksi ni Jehova na ang kanilang pananagutan na mangaral ay hindi depende sa gawain ng Samahang Watch Tower o ng anupamang ibang legal na korporasyon. “Ipagpalagay na ang Samahang Watch Tower ay ipagbawal at ang mga tanggapang Pansangay nito sa iba’t ibang lupain ay pilit na ipasara dahil sa pagsalansang ng estado! Hindi ito nagwawalang-saysay o nag-aalis ng banal na utos sa mga lalaki at babae na nakatalaga sa paggawa ng kalooban ng Diyos at siyang pinaglagyan Niya ng kaniyang espiritu. Ang ‘mangaral!’ ay malinaw na nakasulat sa kaniyang Salita. Ang utos na ito ang una natin susundin kaysa mga utos ng sinumang tao.” (“Ang Bantayan,” Marso 15, 1950) Dahil sa nakikilala nila na ang kanilang mga utos ay nagmumula sa Diyos na Jehova at kay Jesu-Kristo, sila’y nagtitiyaga sa paghahayag ng mensahe ng Kaharian sa kabila ng anumang pagsalansang na kanilang haharapin.
[Kahon sa pahina 677]
Katulad ng Unang mga Kristiyano
◆ “Dinidibdib ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang relihiyon nang higit kaysa karamihan ng mga tao. Ang kanilang mga simulain ay nagpapagunita sa atin sa unang mga Kristiyano na totoong kinayamutan at malupit na pinag-usig ng mga Romano.”—“Akron Beacon Journal,” Akron, Ohio, Setyembre 4, 1951.
◆ “Sila [ang unang mga Kristiyano] ay gumawi nang matahimik, may moral, at may totoong ulirang pamumuhay. . . . Sa bawat bagay maliban lamang sa kaisa-isang isyu ng pagsunog ng insenso sila’y ulirang mga mamamayan.” “Habang ang paghahain sa Kagalingan ng emperador ay nananatili bilang katunayan ng pagkamakabayan, maaari kayang pagkibitan ng balikat ng mga awtoridad ng estado ang matigas na pagsalungat ng di-makabayang mga Kristiyanong ito? Ang kaligaligan na nasuungan ng mga Kristiyano dahil dito ay walang iniwan sa kaligaligan na nasuungan ng agresibong sektang kilala bilang mga Saksi ni Jehova sa Estados Unidos noong panahon ng digmaan dahil sa isyu ng pagsaludo sa pambansang bandila.”—“20 Centuries of Christianity,” nina Paul Hutchinson at Winfred Garrison, 1959, p. 31.
◆ “Marahil ang pinakatanyag na bagay tungkol sa mga Saksi ay ang kanilang determinasyon na unang pag-ukulan ng katapatan ang Diyos, bago ang anupamang ibang kapangyarihan sa daigdig.”—“These Also Believe,” ni Dr. C. S. Braden, 1949, p. 380.
[Mga larawan sa pahina 644]
Ang “The Pittsburgh Gazette” ay nagbigay ng malawakang publisidad sa mga debate na naging resulta ng paghamon ni Dr.Eaton kay C.T.Russell
[Larawan sa pahina 646]
Mapanirang-puring mga kasinungalingan tungkol sa buhay may-asawa nina Charles at Maria Russell ang malawakang pinalaganap ng mga mananalansang
[Mga larawan sa pahina 648]
Galít na galít ang mga klero nang 10,000,000 kopya ng tract na ito ang ipinamahagi na inilalantad ang kanilang mga doktrina at gawain sa liwanag ng Salita ng Diyos
[Mga larawan sa pahina 649]
Higit na pinaringas ng mga pahayagan ang apoy ng pag-uusig laban sa mga Estudyante ng Bibliya noong 1918
[Mga larawan sa pahina 651]
Dito sa panahon ng paglilitis ng mga miyembro ng tauhan ng punong-tanggapan ng Samahan, nakatutok ang pansin sa aklat na “The Finished Mystery”
Ang korte pederal at post office, Brooklyn, N.Y.
[Larawan sa pahina 653]
Sinentensiyahan ng parusang mas mabigat pa kaysa sa mamamatay-tao na ang pagbaril niya ay naging mitsa ng Digmaang PandaigdigI.Mula kaliwa hanggang kanan: sina W.E.Van Amburgh, J.F.Rutherford, A.H.Macmillan, R.J.Martin, F.H.Robison, C.J.Woodworth, G.H.Fisher, G.DeCecca
[Mga larawan sa pahina 657]
Nang idaos ang asambleang ito ng mga Saksi sa New York noong 1939, mga 200 mang-uumog na pinangungunahan ng mga paring Katoliko ang nagsikap na ito’y lansagin
[Mga larawan sa pahina 659]
Noong Digmaang PandaigdigII, libu-libong Saksi ni Jehova ang itinapon sa mga kampong piitang ito
Bungong sagisag ng mga guwardiyang SS (sa kaliwa)
[Larawan sa pahina 664]
Bahagi ng isang aklat para sa pag-aaral ng Bibliya na pinaliit ng potograpiya, inilagay sa isang kahon ng posporo, at ipinuslit sa mga Saksi sa isang kampong piitan
[Mga larawan sa pahina 665]
Ilan sa mga Saksi na dahil sa pananampalataya ay nakapagtiis ng maapoy na pagsubok sa mga kampong piitan ng Nazi
Wewelsburg
Mauthausen
[Larawan sa pahina 667]
Marahas na pang-uumog malapit sa Montreal, Quebec, noong 1945. Ang gayong udyok-ng-klerong karahasan laban sa mga Saksi ay ginawang madalas noong mga dekada ng 1940 at 1950
[Larawan sa pahina 669]
Libu-libong mga Saksi ni Jehova (kabilang si John Booth, na makikita rito) ang inaresto nang sila’y mamahagi ng literatura sa Bibliya
[Mga larawan sa pahina 670]
Pagkaraan ng desisyon ng Korte Suprema laban sa mga Saksi noong 1940, mararahas na pang-uumog ang lumaganap sa Estados Unidos, nilansag ang mga pulong, binugbog ang mga Saksi, at niwasak ang mga ari-arian
[Mga larawan sa pahina 672]
Sa maraming dako ay kinailangang magtatag ng mga Paaralang Pangkaharian sapagkat ang mga anak ng mga Saksi ay pinaalis mula sa mga paaralang pampubliko