Ipinatapon sa Siberia!
AYON SA SALAYSAY NI VASILY KALIN
Kung makakita ka ng isang lalaki na kalmadong nagbabasa ng Bibliya habang sunud-sunod ang putok ng kanyon, hindi mo ba nanaising malaman kung bakit kalmadung-kalmado siya? Ganiyang eksena ang nasaksihan ng aking ama mahigit nang 50 taon ang nakalipas.
HULYO 1942 noon nang nasa kasukdulan ang Digmaang Pandaigdig II. Habang dumaraan ang mga sundalong Aleman sa nayon ng aking ama na Vilshanitsa, sa Ukraine, huminto ang aking ama sa tahanan ng ilang matatandang taganayon. Sunud-sunod ang pagpapasabog ng mga kanyon sa paligid, subalit ang lalaki ay nakaupo lamang sa tabi ng kalan habang nagpapainit ng mais at nagbabasa ng Bibliya.
Isinilang ako pagkaraan ng limang taon, malapit lamang sa magandang kanluraning lunsod na Ivano-Frankivs’k sa Ukraine, na noo’y bahagi pa ng Unyong Sobyet. Nang maglaon ay ikinuwento sa akin ng aking ama ang tungkol sa di-malilimutang pakikipagtagpo sa taong iyon, isa sa mga Saksi ni Jehova, at gayundin ang tungkol sa mga kakilabutan noong mga taon ng digmaan. Ang mga tao ay pagod na pagod at litung-lito na sa lahat ng ito, at marami ang nagtatanong, ‘Bakit kaya labis-labis ang kawalang-katarungan? Bakit libu-libong inosenteng tao ang namamatay? Bakit ito pinahihintulutan ng Diyos? Bakit? Bakit? Bakit?’
Nagkaroon ng mahaba at tapatang pag-uusap si Itay at ang matandang lalaki tungkol sa mga tanong na iyon. Sa pamamagitan ng pagbubuklat ng sunud-sunod na mga teksto sa kaniyang Bibliya, ipinakita ng lalaki kay Itay ang sagot sa mga tanong na matagal na niyang pinag-iisipan. Ipinaliwanag niya na layunin ng Diyos na wakasan ang lahat ng digmaan sa kaniyang takdang panahon at na magiging isang magandang paraiso ang lupa.—Awit 46:9; Isaias 2:4; Apocalipsis 21:3, 4.
Nagmamadaling umuwi si Itay at bumulalas: “Maniniwala ka kaya? Pagkatapos ng minsang pakikipag-usap sa mga Saksi ni Jehova, nabuksan ang aking mga mata! Natagpuan ko na ang katotohanan!” Sinabi ni Itay na bagaman regular siyang nagsisimba sa Simbahang Katoliko, hindi kailanman nasagot ng mga pari ang kaniyang mga tanong. Kaya nagsimulang mag-aral si Itay ng Bibliya, at sumama sa kaniya ang aking ina. Sinimulan din nilang turuan ang kanilang tatlong anak—ang aking kapatid na babae, na noo’y 2 taong gulang lamang, at ang aking mga kapatid na lalaki, na 7 at 11. Di-nagtagal pagkaraan, napinsala nang husto ng isang bomba ang kanilang tahanan, anupat isa lamang silid ang naiwan para kanilang matirahan.
Si Inay ay galing sa isang malaking pamilya na may anim na kapatid na babae at isang kapatid na lalaki. Ang kaniyang ama ay isa sa mga nakaririwasa sa lugar na iyon, at mahalaga sa kaniya ang kaniyang awtoridad at katayuan. Kaya, sa simula, sinalansang ng mga kamag-anak ang bagong pananampalataya ng aking pamilya. Gayunman, sa kalaunan ay isinaisantabi ng marami sa mga mananalansang na ito ang di-makakasulatang mga gawain sa relihiyon, gaya ng paggamit nila ng mga imahen, at sumama sila sa aking mga magulang sa tunay na pagsamba.
Hayagang sinulsulan ng mga pari ang mga tao laban sa mga Saksi. Bunga nito, binabasag ng mga tagaroon ang bintana ng aking mga magulang at pinagbabantaan sila. Sa kabila nito, patuloy na nag-aral ng Bibliya ang aking mga magulang. Kaya nang ako’y isilang noong 1947, ang aking pamilya ay sumasamba na kay Jehova sa espiritu at katotohanan.—Juan 4:24.
Ipinatapon
Malalim na nakintal sa aking isip ang mga alaala ng mga pangyayari noong maagang-maaga ng Abril 8, 1951, bagaman apat na taong gulang lamang ako noon. Pumasok sa aming tahanan ang mga militar na may kasamang mga aso. Nagpakita sila ng utos para sa pagpapatalsik sa amin at hinalughog nila ang aming bahay. Nakatayo sa aming pintuan ang mga sundalong may machine gun at mga aso, at nakaupo naman sa aming mesa ang mga lalaking nakauniporme ng militar, anupat naghihintay habang nagmamadali kaming naghahanda sa pag-alis sa loob lamang ng dalawang oras na ibinigay sa amin. Hindi ko maintindihan kung ano ang nangyayari, at umiyak ako.
Ang aking mga magulang ay inutusang pumirma sa isang dokumentong nagsasaad na hindi na sila mga Saksi ni Jehova at na hindi na sila makikipag-ugnayan sa mga ito. Kung pipirma sila, pababayaan silang manirahan sa kanilang tahanan at sa kanilang bayan. Pero matatag na sinabi ni Itay: “May tiwala ako na saanman ninyo kami dalhin, sasaamin ang aming Diyos, si Jehova.”
“Isipin mo ang iyong pamilya, ang iyong mga anak,” pakiusap ng opisyal. “Aba, hindi ka dadalhin sa isang bakasyunan. Dadalhin ka sa malayong hilaga, puro yelo at mga polar bear na pagala-gala sa kalye.”
Noon ang salitang “Siberia” ay isang bagay na kahila-hilakbot at misteryoso para sa lahat. Gayunman, lumilitaw na mas matibay ang pananampalataya at marubdob na pag-ibig kay Jehova kaysa sa pagkatakot sa bagay na di-alam. Ang aming mga gamit ay isinakay sa isang bagon, at dinala kami sa lunsod at isinakay sa tren, kasama ng 20 hanggang 30 pamilya. At sa gayon nagsimula ang aming paglalakbay patungo sa malayong taiga, o iláng, ng Siberia.
Sa mga istasyon ng tren na nadaraanan, nakasalubong namin ang iba pang tren na may sakay na mga ipinatapon, at nakita namin ang karatula na nakasabit sa mga bagon ng tren: “Sakay ang mga Saksi ni Jehova.” Ito mismo ay isang uri ng patotoo, yamang sa ganitong paraan, marami ang nakaalam na libu-libong Saksi at kanilang mga pamilya ang ipinadadala sa iba’t ibang lugar sa hilaga at sa dulong silangan.
Ang pagdakip at pagpapatapong ito sa mga Saksi ni Jehova noong Abril 1951 ay pinatutunayan ng mga dokumento. Sumulat tungkol dito ang mananalaysay na si Walter Kolarz sa kaniyang aklat na Religion in the Soviet Union: “Hindi ito ang katapusan ng ‘mga Saksi’ sa Russia, kundi ang simula lamang ng isang bagong kabanata sa kanilang mga gawaing pangungumberte. Sinikap pa nga nilang palaganapin ang kanilang pananampalataya kapag humihinto sila sa mga istasyon habang patungo sa pagtatapunan sa kanila. Sa pamamagitan ng pagpapatapon sa kanila, nagawa ng Pamahalaang Sobyet ang pinakamabuting bagay para sa pagpapalaganap ng kanilang pananampalataya. Mula sa kanilang pagiging nakabukod sa nayon, ang ‘mga Saksi’ ay dinala sa isang mas malawak na lugar, kahit na ito’y ang kahila-hilakbot na daigdig lamang ng mga kampong piitan at pang-aalipin.”
Mapalad ang aking pamilya, yamang pinayagan kaming magdala ng ilang pagkain—harina, mais, at balatong. Pinayagan pa man din ang aking lolo na magkatay ng baboy, at ito’y naging pagkain namin at ng iba pang mga Saksi. Habang daan ay maririnig ang mga taos-pusong awitin mula sa mga bagon ng tren. Binigyan kami ni Jehova ng lakas upang makapagbata.—Kawikaan 18:10.
Tinawid namin ang Russia sa loob ng halos tatlong linggo at sa wakas ay nakarating kami sa malamig, malungkot, at napakalayong Siberia. Dinala kami sa istasyon ng Toreya sa rehiyon ng Chunsk sa distrito ng Irkutsk. Mula roon, dinala kami sa banda pa roon ng taiga patungo sa isang munting nayon, na inilarawan sa aming mga dokumento bilang ang aming “permanenteng tirahan.” Madaling nagkasya sa isang sled ang mga gamit ng 15 pamilya, at hinila iyon ng isang traktora sa putikan ng tagsibol. Mga 20 pamilya ang tumuloy sa mga kuwartel, na binubuo ng mahahabang pasilyo na walang mga dingding. Antimano’y binabalaan ng mga awtoridad ang mga tagaroon na ang mga Saksi ni Jehova ay di-kanais-nais na mga tao. Kaya sa simula, takot sa amin ang mga tao at hindi sila nagtatangkang makipagkilala.
Trabaho Habang Nasa Pagkakatapon
Pagputol ng mga puno ang naging trabaho ng mga Saksi ni Jehova, at ito’y sa ilalim ng napakahirap na mga kalagayan. Manu-mano ang lahat ng trabaho—paglalagari ng mga troso, pagsisibak sa mga ito, paglululan nito sa mga bagon na hinihila ng kabayo at, pagkatapos, paglululan nito sa mga bagon ng tren. Naging masahol pa ang situwasyon dahil sa pulutong ng mga niknik na imposibleng iwasan. Nagdusa nang husto ang aking ama. Magang-maga ang kaniyang buong katawan, at marubdob siyang nanalangin kay Jehova na tulungan siyang makapagbata. Subalit sa kabila ng lahat ng kahirapan, nanatiling matatag ang pananampalataya ng karamihan sa mga Saksi ni Jehova.
Di-nagtagal at dinala kami sa lunsod ng Irkutsk, kung saan ang aming pamilya ay tumira sa isang dating kampong bilangguan at nagtrabaho sa isang pagawaan ng ladrilyo. Manu-mano ang paglalabas ng mga ladrilyo mula mismo sa malalaki at maiinit na pugon, at patuloy na itinataas ang kota sa trabaho, anupat kahit ang mga bata ay kinailangang tumulong sa kanilang mga magulang upang maabot ang mga ito. Naalaala namin ang pang-aalipin sa mga Israelita sa sinaunang Ehipto.—Exodo 5:9-16.
Naging maliwanag na ang mga Saksi ay masisipag at tapat, hindi “mga kaaway ng bayan,” gaya ng paratang. Napansin na wala ni isang Saksi na nang-insulto sa mga awtoridad, ni sinalungat man ng mga Saksi ang mga desisyon ng mga nasa kapangyarihan. Dumating ang panahon na maging ang kanilang pananampalataya ay nagustuhan ng marami.
Ang Aming Espirituwal na Buhay
Bagaman paulit-ulit na kinakapkapan ang mga Saksi—bago sila ipatapon, habang sila’y naglalakbay, at sa mga dako na pinagtapunan sa kanila—marami ang nakapagtago ng mga magasing Bantayan at maging ng mga Bibliya. Nang maglaon, ang mga ito’y kinopya sa pamamagitan ng kamay at ng iba pang pamamaraan. Regular na idinaos ang mga Kristiyanong pagpupulong sa mga kuwartel. Kapag dumating ang kumandante ng mga kuwartel at masumpungan ang isang grupo namin na umaawit ng isang awitin, uutusan niya kaming huminto. Hihinto naman kami. Pero kapag nagpunta na siya sa susunod na kuwartel, aawit na naman kami. Imposibleng patigilin kami.
Hindi rin huminto ang aming gawaing pangangaral. Lahat ay kinakausap ng mga Saksi, saanmang lugar. Madalas sabihin sa akin ng aking nakatatandang mga kapatid na lalaki at ng aking mga magulang kung paano nila nagawang ibahagi sa iba ang katotohanan ng Bibliya. Dahil dito, unti-unting nawagi ng katotohanan sa Bibliya ang puso ng taimtim na mga tao. Kaya naman, maaga noong dekada ng 1950, naibalita sa palibot at sa buong Irkutsk ang tungkol sa Kaharian ni Jehova.
Sa simula, ang mga Saksi ay itinuring na pulitikal na mga kaaway, ngunit nang dakong huli ay opisyal na kinilala na bukod-tanging ukol sa relihiyon ang ating organisasyon. Gayunman, tinangka ng mga awtoridad na pahintuin ang aming gawain. Kaya kapag nag-aaral ng Bibliya, nagtitipon kami sa maliliit na grupo na binubuo ng dalawa o tatlong pamilya sa pagtatangkang hindi matutop. Isang maingat na pagsisiyasat ang isinagawa isang umaga ng Pebrero noong 1952. Pagkatapos, sampung Saksi ang inaresto, at kaming natitira ay dinala sa iba’t ibang lugar. Ang aming pamilya ay dinala sa nayon ng Iskra, na may populasyon na mga sandaan katao at mga 30 kilometro mula sa lunsod ng Irkutsk.
Pagbabata Habang Nagbabago ang mga Kalagayan
Di-inaasahan ang magiliw na pagtanggap sa amin ng pangasiwaan ng nayon. Ang mga tao ay simple at palakaibigan—lumabas pa nga ang ilan sa kanilang tahanan upang tulungan kami. Pangatlo ang aming pamilya sa mga inilagay sa iisang maliit na silid na humigit-kumulang 17 metro kudrado. Lamparang de gas lamang ang aming ilaw.
Kinaumagahan, nagkaroon ng eleksiyon. Sinabi ng mga magulang ko na bumoto na sila para sa Kaharian ng Diyos, na, sabihin pa, hindi naintindihan ng mga tao. Kaya ginugol ng mga nasa hustong gulang na miyembro ng aking pamilya ang buong araw na nakakulong. Pagkaraan, nagtanong ang ilang tao tungkol sa kanilang mga paniniwala, at naglaan ito ng mainam na pagkakataon para maibalita ng aking pamilya ang Kaharian ng Diyos bilang tanging pag-asa ng sangkatauhan.
Sa loob ng apat na taóng iyon ng paglagi namin sa nayon ng Iskra, walang ibang Saksi sa mga karatig na lugar ang maaari naming makausap. Upang makaalis sa nayon, kailangang may pantanging permiso kami mula sa kumandante, at bihira niyang ibigay iyon, yamang ang pangunahing dahilan ng pagpapatapon sa amin ay upang ibukod kami sa ibang tao. Gayunman, laging sinisikap ng mga Saksi na makausap ang isa’t isa upang ibahagi ang anumang bagong espirituwal na pagkaing nakuha nila.
Pagkamatay ni Stalin noong 1953, bumaba sa 10 taon ang 25 taóng sentensiya ng lahat ng nahatulang Saksi. Hindi na kailangan ng mga nasa Siberia ang pantanging dokumento para makalibot. Gayunpaman, sinimulan ng mga awtoridad ang paghahalughog at saka nila inaaresto ang mga Saksi kung masumpungan nilang may Bibliya o literatura sa Bibliya ang mga ito. Gumawa ng pantanging mga kampo para sa mga Saksi, at mga 400 kapatid na lalaki at 200 kapatid na babae ang dinala sa mga ito sa lugar sa palibot ng Irkutsk.
Nakarating sa mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ang balita tungkol sa pag-uusig sa amin sa Unyong Sobyet. Kaya naman, sa pagitan ng kalagitnaan ng 1956 at Pebrero ng 1957, isang petisyon alang-alang sa amin ang pinagtibay sa 199 na pandistritong mga kombensiyon na idinaos sa lahat ng panig ng daigdig. May kabuuang bilang na 462,936 na dumalo ang sumang-ayon sa petisyon na patungkol sa premier noon ng Sobyet na si Nikolay A. Bulganin. Una sa lahat, hiniling ng petisyon na kami ay palayain at na kami’y “payagang tumanggap at maglathala ng magasing Bantayan sa Ruso, Ukrainiano at sa iba pang wika na matutuklasang kailangan, gayundin ng iba pang publikasyon sa Bibliya na ginagamit ng mga saksi ni Jehova sa buong daigdig.”
Samantala, ang aming pamilya ay ipinadala sa malayong nayon ng Khudyakovo, mga 20 kilometro mula sa Irkutsk. Nanirahan kami roon sa loob ng pitong taon. Noong 1960, nilisan ng kuya kong si Fyodor ang Irkutsk, at nang sumunod na taon, nag-asawa naman ang aking kuya at lumipat sa ibang lugar naman ang aking ate. Pagkatapos, noong 1962, si Fyodor ay inaresto at ibinilanggo dahil sa kaniyang pangangaral.
Ang Aking Espirituwal na Pagsulong
Mula sa aming nayon ng Khudyakovo, maglalakad o magbibisikleta ka ng mga 20 kilometro para makipagtagpo sa iba sa pag-aaral ng Bibliya. Kaya sinubukan naming lumipat sa Irkutsk upang mapalapit sa iba pang Saksi. Gayunman, tutol sa aming paglipat ang pinuno ng lugar na tinitirhan namin, at ginawa niya ang lahat ng makakaya niya upang mahadlangan iyon. Subalit hindi nagtagal, ang taong ito ay naging mas mabait sa amin, at nakalipat kami sa nayon ng Pivovarikha, mga sampung kilometro mula sa Irkutsk. May isang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova roon, at nagsimula ang isang bagong buhay para sa akin. Sa Pivovarikha, may mga grupo ng organisadong Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat at mga kapatid na nangangasiwa sa espirituwal na mga gawain. Tuwang-tuwa ako!
Sa panahong ito ay mahal na mahal ko na ang katotohanan sa Bibliya, at nais kong mabautismuhan. Noong Agosto 1965, natupad ang aking kahilingan nang ako ay mabautismuhan sa maliit na Ilog Olkhe, kung saan maraming bagong Saksi ang nabautismuhan nang panahong iyon. Sa isang di-sinasadyang nakapanood, para bang nagkakatuwaan lamang kami sa pagpipiknik at paglangoy sa ilog. Di-nagtagal, natanggap ko ang aking unang atas bilang tagapangasiwa sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro. Pagkatapos, noong Nobyembre 1965, lalo kaming nagalak nang si Fyodor ay makabalik mula sa bilangguan.
Kung Paano Sumulong ang Gawain
Noong 1965, tinipon ang lahat ng ipinatapon, at ipinatalastas na may karapatan na kaming lumipat kung saan namin gusto, sa gayo’y nagwakas na ang aming “permanenteng tirahan.” Maguguniguni mo kaya ang kagalakang nadama namin? Samantalang marami sa amin ang lumisan noon upang magtungo sa ibang bahagi ng bansa, ipinasiya ng iba na manatili kung saan pinagpala at inalalayan kami ni Jehova sa aming espirituwal na pagsulong at gawain. Marami sa mga ito ang nagpalaki ng mga anak, apo, at mga apo sa tuhod sa Siberia, na, pagsapit ng panahon, napatunayang hindi naman pala nakatatakot.
Noong 1967, nakilala ko si Maria, isang babaing ipinatapon din ang pamilya sa Siberia mula sa Ukraine. Nang bata pa kami, pareho kaming nakatira sa nayon ng Vilshanitsa sa Ukraine. Nagpakasal kami noong 1968, at nang maglaon, pinagpala kami ng isang anak na lalaki, si Yaroslav, at pagkaraan, ng isang anak na babae, si Oksana.
Patuloy naming ginagamit ang mga libing at kasalan upang magtipon nang maramihan para sa espirituwal na pagsasamahan. Ginagamit din namin ang mga okasyong ito upang ipaliwanag sa mga di-Saksing kamag-anak at kaibigang naroroon ang tungkol sa mga katotohanan sa Bibliya. Madalas na dumadalo ang mga opisyal sa seguridad sa mga okasyong ito, kung saan malaya naming ipinangangaral mula sa Bibliya ang tungkol sa pag-asa ng pagkabuhay-muli o ang tungkol sa paglalaan ni Jehova ng pag-aasawa at pagpapala sa hinaharap sa kaniyang bagong sanlibutan.
Minsan, nang patapos na ako sa isang pahayag sa isang libing, pumarada ang isang kotse, biglang bumukas ang pinto, at isa sa mga lalaki sa loob ang bumaba at inutusan akong sumakay sa kotse. Hindi ako natakot. Tutal, hindi naman kami mga kriminal, mga mananampalataya lamang sa Diyos. Gayunman, nasa bulsa ko ang mga ulat sa ministeryo niyaong mga kabilang sa aming kongregasyon. Dahil dito ay maaari sana akong arestuhin. Kaya hiniling ko na mabigyan ko ng pera ang aking asawa bago ako sumama sa kanila. Sa pagkakataong iyon, sa harap nila mismo, mahinahon kong iniabot sa kaniya ang aking pitaka at ang mga ulat ng kongregasyon.
Simula noong 1974, sinimulan namin ni Maria na palihim na maghanda ng mga literatura sa Bibliya sa aming tahanan. Yamang mayroon kaming munting anak na lalaki, ginagawa namin ito sa kalaliman ng gabi upang hindi niya malaman. Gayunman, dahil sa pagiging mausisa, nagkunwari siyang natutulog at saka sinilip ang ginagawa namin. Pagkaraan ay sinabi niya: “Alam ko na kung sino ang gumagawa ng mga magasin tungkol sa Diyos.” Medyo nangamba kami, pero lagi naming hinihiling kay Jehova na ingatan ang aming pamilya sa mahalagang gawaing ito.
Nang dakong huli, naging mas mabuti ang pakikitungo ng mga awtoridad sa mga Saksi ni Jehova, kaya nagplano kami na magdaos ng isang malaking pagtitipon sa sentrong pansining at panlibangan ng Mir sa lunsod ng Usol’ye-Sibirskoye. Tiniyak namin sa mga opisyal ng lunsod na ang aming mga pulong ay idaraos lamang para sa pag-aaral ng Bibliya at Kristiyanong pagsasamahan. Mahigit na 700 ang nagkatipon noong Enero 1990, anupat napuno ang bulwagan at nakaakit ng malaking atensiyon ng publiko.
Pagkatapos ng pulong, nagtanong ang isang reporter, “Kailan ninyo nagawang sanayin ang inyong mga kabataan?” Siya, pati na ang iba pang panauhin, ay namangha na ang mga bata’y nakaupo at matamang nakikinig sa loob ng apat na oras sa unang pangmadlang pulong na ito. Di-nagtagal, isang magandang artikulo tungkol sa mga Saksi ni Jehova ang lumitaw sa lokal na pahayagan. Sinabi nito: “Talagang maaaring matuto ang isa mula sa [mga Saksi ni Jehova].”
Kagalakan sa Malaking Paglawak
Noong 1991, nagkaroon kami ng pitong kombensiyon sa Unyong Sobyet, na dinaluhan ng 74,252. Pagkaraan, matapos magsarili ang mga dating republika ng Unyong Sobyet, nakatanggap ako ng atas mula sa Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova para pumunta sa Moscow. Doon ay tinanong ako kung nasa kalagayan ako na magpalawak ng aking bahagi sa gawaing pang-Kaharian. Noon ay may asawa na si Yaroslav at may sarili nang anak at si Oksana naman ay isa nang tin-edyer. Kaya noong 1993, sinimulan namin ni Maria ang buong-panahong ministeryo sa Moscow. Nang taon ding iyon, ako’y nahirang na tagapag-ugnay ng Administrative Center of the Regional Religious Organization of Jehovah’s Witnesses sa Russia.
Kami ngayon ni Maria ay nakatira at nagtatrabaho sa aming bagong pasilidad ng sangay na nasa labas ng St. Petersburg. Itinuturing kong isang karangalan ang makibahagi sa iba pang tapat na mga kapatid sa pag-aasikaso sa mabilis na dumaraming tagapaghayag ng Kaharian sa Russia. Ngayon, may mahigit na 260,000 Saksi sa mga dating republika ng Unyong Sobyet, na ang mahigit sa 100,000 ay sa Russia lamang!
Madalas naming isipin ni Maria ang aming mahal na mga kamag-anak at kaibigan na patuloy sa kanilang matapat na paglilingkuran sa Kaharian sa Siberia, ang lugar na naging aming minamahal na tahanan. Sa ngayon, regular na nagdaraos doon ng malalaking kombensiyon, at mga 2,000 Saksi ang aktibo sa loob at sa palibot ng Irkutsk. Tunay, natutupad din ang hula sa Isaias 60:22 sa bahaging iyan ng daigdig: “Ang munti ay magiging isang libo, at ang maliit ay magiging makapangyarihang bansa.”
[Larawan sa pahina 20]
Kasama ng aking ama, ng aming pamilya, at iba pang ipinatapon sa Irkutsk noong 1959
[Larawan sa pahina 23]
Mga batang ipinatapon sa Iskra
[Larawan sa pahina 25]
Noong taon nang kami’y magpakasal
[Larawan sa pahina 25]
Kasama si Maria ngayon