Talambuhay
Nagdulot sa Amin ng Maraming Pagpapala ang Kaunting Sakripisyo
AYON SA SALAYSAY NINA GEORGE AT ANN ALJIAN
Hindi namin sukat akalaing mag-asawa na balang-araw ay ipagkakamali namin ang salitang “guro” sa salitang “daga.” Hindi kailanman sumagi sa aming isipan na sa edad naming lampas 60 ay bubulay-bulayin namin ang kakatwang mga titik sa pagsisikap na makausap ang mga taong nagmula sa Malayong Silangan. Gayunman, ito ang ginawa namin ni Ann noong huling mga taon ng dekada ng 1980. Hayaan mong ikuwento namin sa iyo kung paanong ang kaunting sakripisyo na ginawa namin sa loob ng maraming taon ay umakay sa maraming pagpapala.
AKO ay nanggaling sa isang pamilyang may dugong Armeniano at miyembro ako ng Simbahang Armeniano. Si Ann ay isang Romano Katoliko. Kapuwa namin ikinompromiso ang aming relihiyosong mga paniniwala nang ikasal kami noong 1950. Ako ay 27 taóng gulang noon, at si Ann naman ay 24. Tumira kami sa isang apartment sa itaas ng aking dry cleaning shop sa Jersey City, New Jersey, E.U.A. Noon ay pag-aari ko na ang negosyong ito sa loob ng halos apat na taon.
Noong 1955, bumili kami ng isang magandang bahay na may tatlong silid sa Middletown, New Jersey. Ang bahay na iyon ay may layong 60 kilometro mula sa lugar ng aking negosyo, kung saan ako nagtatrabaho nang anim na araw sa loob ng isang linggo. Gabing-gabi na akong nakakauwi sa bahay. Nakakausap ko lamang ang mga Saksi ni Jehova kapag dumadalaw sila sa aking shop sa pana-panahon at nag-iiwan sa akin ng mga literatura sa Bibliya. Binabasa ko ang mga literatura taglay ang masidhing interes. Bagaman ang karamihan ng aking panahon at pansin ay napupunta sa aking negosyo, nalinang ko ang matinding paggalang sa Bibliya.
Di-nagtagal, nalaman kong ang istasyon sa radyo ng Watchtower, na WBBR, ay nagbobrodkast ng mga pahayag sa Bibliya sa panahon ng pagmamaneho ko papunta at paalis ng aking shop. Nakinig akong mabuti sa mga pahayag na ito, at lumago ang aking interes hanggang sa punto na hilingan ko ang mga Saksi na dalawin ako. Noong Nobyembre 1957, dinalaw ako ni George Blanton sa aking tahanan at pinasimulan akong aralan ng Bibliya.
Nagkaisa ang Aming Pamilya sa Dalisay na Pagsamba
Ano ba ang nadama ni Ann tungkol sa lahat ng ito? Hayaan mong siya ang magkuwento.
“Noong una, labis-labis ang aking pagsalansang. Maraming paggambala ang ginagawa ko kapag nag-aaral ng Bibliya si George, kaya ipinasiya niyang mag-aral na lamang sa ibang lugar, anupat ginawa ito sa loob ng walong buwan. Sa panahong iyon, nagsimula nang dumalo si George sa mga pulong sa Kingdom Hall tuwing Linggo. Natanto ko noon na talagang seryoso siya sa kaniyang pag-aaral ng Bibliya dahil ito lamang ang araw na wala siyang trabaho. Gayunman, nanatili siyang isang mabuting asawa at ama—nang lalo pa ngang higit—at unti-unting nagbago ang aking saloobin. Sa katunayan, kung minsan habang nililinis ko ang mesa sa sala, dinadampot ko ang magasing Gumising! na laging iniiwan ni George roon, at binabasa iyon kapag walang nakakakita. Sa ibang mga pagkakataon naman, binabasahan ako ni George ng mga artikulo sa Gumising! na hindi tuwirang tumatalakay sa doktrina subalit laging nagtatampok sa Maylalang.
“Isang gabi, habang si George ay wala sa bahay at nakikipag-aral ng Bibliya kay Brother Blanton, dinampot ko ang isang publikasyon na inilagay ng aming dalawang-taóng-gulang na anak na si George sa mesang katabi ng aking kama. Tungkol ito sa pag-asa ng mga namatay. Kahit na pagod ako, sinimulan ko itong basahin dahil kamamatay lamang noon ng aking lola, at labis akong nalulumbay. Kaagad kong natanto at naunawaan ang katotohanan sa Bibliya na ang mga patay ay hindi nagdurusa sa isang partikular na dako at na sila ay bubuhaying muli sa hinaharap. Di-nagtagal ay nakaupo na ako nang tuwid sa kama, at may-pananabik na binabasa at sinasalungguhitan ang mga punto na nais kong ipakita kay George kapag umuwi na siya galing sa kaniyang pag-aaral sa Bibliya.
“Hindi makapaniwala ang aking asawa na nagbago na ako. Salansang ako nang umalis siya sa bahay, at ngayon ay nananabik akong sabihin ang kamangha-manghang mga katotohanan sa Bibliya na aking natutuhan! Hindi kami natulog hanggang sa magmadaling-araw para lamang pag-usapan ang hinggil sa Bibliya. Ipinaliwanag ni George ang layunin ng Diyos para sa lupa. Noong gabi ring iyon, hiniling ko sa kaniya kung maaari siyang makipag-aral ng Bibliya sa bahay upang makasama ako sa pag-aaral.
“Iminungkahi ni Brother Blanton na isama ang aming mga anak sa panahon ng aming pag-aaral. Inisip naming napakabata pa nila, palibhasa’y dalawa at apat na taóng gulang lamang sila noon. Gayunman, ipinakita sa amin ni Brother Blanton ang Deuteronomio 31:12, na nagsasabing: ‘Tipunin mo ang bayan, ang mga lalaki at ang mga babae at ang maliliit na bata . . . , upang makapakinig sila at upang matuto sila.’ Nagpahalaga kami sa tagubiling iyon at nagsaayos pa nga na magkomento ang mga bata sa panahon ng pag-aaral sa Bibliya. Inihahanda naming magkakasama ang aming mga komento, pero hinding-hindi namin itinuturo sa kanila kung ano ang sasabihin. Naniniwala kaming tumulong ito sa pag-akay sa aming mga anak na dibdibin ang katotohanan. Lagi naming pasasalamatan ang patnubay na ibinigay sa amin ni Brother Blanton para tulungang sumulong ang aming pamilya sa espirituwal.”
Mga Hamong Humihiling ng Sakripisyo
Ngayong nagkaisa na kami sa pag-aaral ng Bibliya, may bagong mga hamon na dapat naming harapin. Yamang ang aking shop ay napakalayo, karaniwan nang alas nuwebe ng gabi ako nakakauwi. Hindi tuloy ako nakadadalo ng mga pulong sa mga simpleng araw, bagaman nakadadalo naman ako tuwing Linggo. Noong panahong iyon, si Ann ay dumadalo na sa lahat ng pulong at mabilis siyang sumulong. Gusto ko ring daluhan ang lahat ng pulong, at saka makapagdaos ng makabuluhang pampamilyang pag-aaral. Alam ko na kailangan kong gumawa ng ilang sakripisyo. Kaya ipinasiya kong bawasan ang mga oras ng aking pagtatrabaho, kahit nanganganib na mawala ang ilan sa aking mga kostumer.
Iyon ay naging isang napakainam na kaayusan. Minalas namin ang pampamilyang pag-aaral na kasinghalaga ng limang pulong na ginaganap linggu-linggo sa Kingdom Hall. Tinawag namin ito na aming ikaanim na pulong. Kaya nagtakda kami ng espesipikong araw at oras—tuwing Miyerkules sa ganap na alas 8:00 n.g. Paminsan-minsan, pagkatapos ng hapunan, habang tinatapos namin ang paghuhugas ng mga pinggan, isa sa amin ang magsasabing, “Malapit nang magsimula ang ‘pulong’!” Pasisimulan na ni Ann ang pag-aaral kapag nahuli ako ng dating, at saka ko na lamang ito pinangangasiwaan kapag dumating na ako.
Ang isa pang bagay na tumulong upang manatili kaming matatag at nagkakaisa bilang isang pamilya ay ang sama-samang pagbabasa ng pang-araw-araw na teksto sa umaga. Gayunman, nagkaroon ng problema sa pagsasaayos nito. Magkakaiba ang oras ng pagbangon ng bawat isa. Pinag-usapan namin ito at nagpasiyang kaming lahat ay babangon nang sabay-sabay, mag-aalmusal nang alas 6:30 n.u., at sama-samang magsasaalang-alang ng pang-araw-araw na teksto. Naging lubhang kapaki-pakinabang ito para sa amin. Nang lumaki na ang aming mga anak, pinili nilang maglingkod sa Bethel. Naniniwala kami na ang araw-araw na mga talakayang ito ay nakatulong sa kanilang espirituwalidad.
Humiling ng Higit na Sakripisyo ang mga Pribilehiyo Pagkatapos ng Bautismo
Nabautismuhan ako noong 1962, at pagkatapos hawakan ang aking negosyo sa loob ng 21 taon, ipinagbili ko ito at namasukan sa aming lugar upang higit akong mapalapít sa aking pamilya at sa gayo’y sama-sama naming mapaglingkuran si Jehova. Nagdulot ito ng maraming pagpapala. Kaming lahat ay nagtakda ng tunguhing pumasok sa buong-panahong ministeryo. Nagsimula iyan noong unang mga taon ng dekada ng 1970 nang ang aming panganay na anak, si Edward, ay naging buong-panahong ministro, o regular pioneer, pagkatapos na pagkatapos niyang maghaiskul. Pagkalipas ng kaunting panahon, nagsimulang magpayunir ang aming anak na si George, at di-nagtagal ay sumunod si Ann. Lubha akong napatibay sa kanilang tatlo, yamang ikinukuwento nila sa akin ang kanilang mga karanasan sa paglilingkod sa larangan. Bilang isang pamilya, pinag-usapan namin kung paano gagawing simple ang aming buhay upang kaming lahat ay makapasok sa buong-panahong paglilingkuran. Nagpasiya kaming ipagbili ang bahay. Tinirhan namin ang bahay na iyon sa loob ng 18 taon at doon na rin lumaki ang aming mga anak. Talagang mahal na mahal namin ang aming tahanan, pero pinagpala naman ni Jehova ang aming pasiya na ipagbili ito.
Si Edward ay inanyayahan sa Bethel noong 1972, at ganoon din si George, noong 1974. Bagaman sila ay hinanap-hanap namin ni Ann, hindi namin inisip na mas magandang tumira sila malapit sa amin, magsipag-asawa, at magkaroon ng mga anak. Sa halip, ikinagalak namin na ang aming mga anak ay naglilingkod kay Jehova sa Bethel.a Sumasang-ayon kami sa Kawikaan 23:15, na nagsasabing: “Anak ko, kung ang iyong puso ay nagpapakarunong, ang aking puso ay magsasaya, ang akin nga.”
Pumasok Kami sa Paglilingkod Bilang mga Special Pioneer
Habang ang dalawang anak namin ay nasa Bethel, nagpatuloy naman kami sa pagpapayunir. Pagkatapos, isang araw noong 1975, tumanggap kami ng sulat na nag-aanyaya sa amin na mag-special pioneer sa isang di-nakaatas na teritoryo sa Clinton County, Illinois. Talagang nasorpresa kami! Nangahulugan ito na kailangan naming lisanin ang New Jersey, kung saan malapit kami sa aming mga anak sa New York at kung saan naroroon ang aming mga kaibigan at kamag-anak. Gayunman, minalas namin ito bilang isang atas mula kay Jehova at gumawa ng pagsasakripisyo, na umakay naman sa panibagong mga pagpapala.
Pagkatapos gawin nang ilang buwan ang di-nakaatas na teritoryo, sinimulan naming magdaos ng mga pulong sa isang pampublikong bulwagan sa Carlyle, Illinois. Subalit nais naming magkaroon ng permanenteng lugar na mapagpupulungan. Nakasumpong ang isang kapatid na lalaking tagaroon at ang kaniyang asawa ng isang lote na may napakaliit na bahay na maaari naming upahan. Nilinis namin ito—ang buong bahay pati na ang palikuran nito sa labas—at ginawa itong isang maliit na dakong pagpupulungan. Natutuwa kami kapag naaalaala ang isang kabayong nag-uusisa sa amin. Madalas itong dumudungaw sa bintana para tingnan kung ano ang nangyayari sa pulong!
Nang maglaon, nabuo ang Kongregasyon ng Carlyle, at nagagalak kaming magkaroon ng bahagi rito. Tinulungan kami ng mag-asawang payunir, sina Steve at Karil Thompson, na dumating din upang gumawa sa di-nakaatas na teritoryo. Nanatili roon ang mga Thompson nang ilang taon at nang maglaon ay dumalo sa Watchtower Bible School of Gilead at lumipat sa isang atas na pagmimisyonero sa Silangang Aprika, kung saan naglilingkod sila sa gawaing paglalakbay.
Di-nagtagal, ang aming dakong pinagpupulungan ay naging masikip na para sa amin, at kinailangan namin ang mas malaking bulwagan. Muling nilutas ng kapatid na lalaking tagaroon at ng kaniyang asawa ang problema, anupat bumili ng lote na mas naaangkop para sa isang Kingdom Hall. Anong ligaya namin na pagkaraan ng ilang taon, naanyayahan kami sa pag-aalay ng bagong-tayong Kingdom Hall sa Carlyle! Nagkapribilehiyo akong ibigay ang pahayag sa pag-aalay. Ang aming atas doon ay naging isang kahanga-hangang karanasan para sa amin, isang pagpapala mula kay Jehova.
Isang Bagong Teritoryo ang Nabuksan sa Amin
Noong 1979, nakatanggap kami ng isang bagong atas, sa Harrison, New Jersey. Naglingkod kami roon nang halos 12 taon. Noong panahong iyon, nakapagpasimula kami ng isang pag-aaral sa Bibliya sa isang babaing Tsino, at umakay ito sa mas marami pang pag-aaral sa Bibliya sa mga Tsino. Samantala, nalaman namin na libu-libong estudyante at pamilyang Tsino ang nakatira sa aming lugar. Dahil dito, nahikayat kaming matuto ng wikang Tsino. Bagaman nangahulugan itong gugugol kami ng panahon sa pag-aaral ng wikang iyon araw-araw, nagbunga naman ito ng nakagagalak na mga pag-aaral sa Bibliya sa mga Tsino sa aming lugar.
Noong mga taóng iyon, nagkaroon kami ng maraming nakatutuwang karanasan, lalo na dahil sa mga pagtatangka naming magsalita ng wikang Tsino. Isang araw, ipinakilala ni Ann ang kaniyang sarili na isang “daga” ng Bibliya sa halip na isang “guro” ng Bibliya. Magkahawig na magkahawig ang mga salita. Napangiti ang may-bahay at nagsabing: “Pakisuyong tumuloy kayo. Wala pa akong nakakausap na daga ng Bibliya.” Nahihirapan pa rin kaming magsalita sa wikang Tsino.
Sumunod ay naatasan kami sa isa pang lugar sa New Jersey kung saan nagpatuloy kaming gumawa sa teritoryo ng mga Tsino. Nang maglaon, naanyayahan kaming lumipat sa Boston, Massachusetts, kung saan isang grupo ng mga Tsino ang noo’y halos tatlong taon nang sumusulong. Naging pribilehiyo naming alalayan ang grupong ito sa loob ng nakalipas na pitong taon at tamasahin ang kagalakan na makita itong maging isang kongregasyon noong Enero 1, 2003.
Mga Pagpapala ng Isang Buhay na May Pagsasakripisyo sa Sarili
Sa Malakias 3:10, mababasa natin ang paanyaya ni Jehova sa kaniyang bayan na dalhin ang kanilang mga handog at hain upang ibuhos niya ang mga pagpapala hanggang sa wala nang kakulangan. Binitiwan namin ang isang negosyo na lubha kong kinawiwilihan. Ipinagbili namin ang aming bahay na mahal na mahal namin. At isinakripisyo rin namin ang iba pang mga bagay. Gayunman, kung ihahambing sa mga pagpapala, ang mga sakripisyo ay kaunti lamang.
Kayrami ngang pagpapala ang ibinuhos sa amin ni Jehova! Natamo namin ang kasiyahan na makitang ang aming mga anak ay tumugon sa katotohanan, natamasa namin ang kagalakan sa pakikibahagi nang buong-panahon sa isang nagliligtas-buhay na ministeryo, at naranasan namin kung paano sinapatan ni Jehova ang aming mga pangangailangan. Tunay nga, nagdulot sa amin ng maraming pagpapala ang kaunti naming sakripisyo!
[Talababa]
a Sila ay may-katapatan pa ring naglilingkod sa Bethel—si Edward at ang kaniyang asawa, si Connie, sa Patterson at si George at ang kaniyang asawa, si Grace, sa Brooklyn.
[Larawan sa pahina 25]
Sina Louise at George Blanton kasama si Ann, noong 1991
[Larawan sa pahina 26]
Ang Kingdom Hall sa Carlyle, inialay noong Hunyo 4, 1983
[Larawan sa pahina 27]
Kasama ang bagong-tatag na Kongregasyon ng Tsino sa Boston
[Larawan sa pahina 28]
Kasama sina Edward, Connie, George, at Grace