Susi sa Maligayang Pamilya
Ihanda ang mga Tin-edyer na Maging Adulto
“Dati, masarap makipag-usap sa aking mga anak na lalaki. Nakikinig silang mabuti sa sinasabi ko, at agad na tumutugon. Pero ngayong mga tin-edyer na sila, hindi kami magkasundo sa lahat ng bagay. Kinukuwestiyon pa nga nila ang aming mga gawain may kaugnayan sa pagsamba. ‘Kailangan pa ba nating pag-usapan ang tungkol sa Bibliya?’ ang tanong nila. Noong bata pa ang aking mga anak, hindi ko kailanman naisip na mangyayari ito sa aking pamilya—kahit na nakikita ko ito sa iba.”—Reggie.a
TIN-EDYER ba ang anak mo? Kung gayon, nasasaksihan mo ang isa sa pinakakawili-wiling yugto sa paglaki ng iyong anak. Maaari din itong maging lubhang nakababalisa. Pamilyar ka ba sa sumusunod na mga tagpo?
Noong bata pa ang iyong anak na lalaki, lagi siyang nakabuntot sa iyo. Ngayong tin-edyer na siya, ayaw ka na niyang kasama—gusto niyang maging malaya.
Nang bata pa ang iyong anak na babae, sinasabi niya sa iyo ang lahat ng bagay. Ngayong tin-edyer na siya, may mga kaibigan na siyang lagi niyang kausap, at hindi ka kasali sa kanila.
Kung ganiyan din ang nangyayari sa iyong tahanan, huwag mo agad isipin na nagiging rebelde na ang iyong anak. Ano, kung gayon, ang nangyayari? Upang masagot iyan, isaalang-alang natin ang napakahalagang papel ng pagiging tin-edyer sa paglaki ng iyong anak.
Pagiging Tin-edyer—Isang Mahalagang Yugto
Mula sa pagsilang, ang buhay ng bata ay isang listahan ng mga unang bagay na nagawa—unang mga hakbang, unang salita, unang araw sa paaralan, at iba pa. Tuwang-tuwa ang mga magulang kapag nakita nila ang kanilang anak na may nagawang isang bagong bagay. Ang nagawang iyon ng bata ang kinasasabikan nilang makita dahil katibayan ito ng paglaki niya.
Isa ring mahalagang yugto ang pagiging tin-edyer—bagaman para sa ilang magulang, ito ay isang hamon. Mauunawaan naman kung bakit sila nangangamba. Sino bang magulang ang matutuwang makita na naging sumpungin ang kaniyang masunuring anak? Gayunman, ang pagiging tin-edyer ay isang napakahalagang yugto ng paglaki. Sa anong paraan?
Sinasabi ng Bibliya na balang araw, “iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina.” (Genesis 2:24) Ang layunin ng pagiging tin-edyer ay para ihanda ang iyong anak na maging adulto. Sa panahong iyon, dapat masabi ng iyong anak ang nasabi ni apostol Pablo: “Noong ako ay sanggol pa, nagsasalita akong gaya ng sanggol, nag-iisip na gaya ng sanggol, nangangatuwirang gaya ng sanggol; ngunit ngayong ganap na ang aking pagkatao, inalis ko na ang mga ugali ng isang sanggol.”—1 Corinto 13:11.
Sa diwa, iyan ang ginagawa ng iyong anak na tin-edyer—inaalis ang mga katangian ng bata at natututong maging isang responsableng adulto na maaasahan at may-gulang. Sa katunayan, madamdaming inilalarawan ng isang reperensiya ang pagiging tin-edyer bilang “matagal na pamamaalam.”
Ipagpalagay na, maaaring pag-alinlanganan mo ngayon ang ideya na ang iyong “munting” anak ay magsasarili na. Baka itanong mo:
“Kung hindi nga malinis ng anak kong lalaki ang kuwarto niya, paano pa kaya ang isang apartment?”
“Kung hindi nga nasusunod ng anak kong babae ang ‘curfew,’ paano pa siya makasusunod sa iskedyul ng isang trabaho?”
Kung ganiyan ang ikinababahala mo, tandaan ito: Ang pagsasarili ay hindi isang pinto na basta papasukin lamang ng iyong anak; isa itong daan na kailangan niyang lakbayin sa loob ng mga taon. Sa ngayon, nalalaman mo mula sa pagmamasid na “ang kamangmangan ay nakatali sa puso ng bata.”—Kawikaan 22:15.
Gayunman sa tamang patnubay, ang iyong anak na tin-edyer ay malamang na maging responsableng adulto na “nasanay ang . . . mga kakayahan sa pang-unawa na makilala kapuwa ang tama at ang mali.”—Hebreo 5:14.
Mga Susi sa Tagumpay
Upang ihanda ang iyong tin-edyer na maging adulto, kailangan mo siyang tulungang malinang ang kaniyang “kakayahan sa pangangatuwiran” upang makagawa siya ng matatalinong desisyon. (Roma 12:1, 2) Tutulong sa iyo ang sumusunod na mga simulain ng Bibliya na magawa iyon.
Filipos 4:5: “Makilala nawa . . . ang inyong pagkamakatuwiran.” Marahil ay humihiling ang iyong anak na tin-edyer ng higit na panahon kasama ng kaniyang mga kaibigan. Agad mo itong tinanggihan. Nagreklamo ang iyong anak, “Ginagawa n’yo naman akong parang bata!” Bago sumagot ng, “Eh, para ka kasing bata,” isaalang-alang ang sumusunod: Gusto ng mga tin-edyer na magkaroon ng higit na kalayaan, pero lalo naman silang hinihigpitan ng mga magulang. Maaari kayang pagbigyan mo siya paminsan-minsan? Bakit hindi isaalang-alang ang pangmalas ng iyong anak?
SUBUKIN ITO: Isulat ang isa o dalawang pagkakataon na maaari mong bigyan ng higit na kalayaan ang iyong anak na tin-edyer. Ipaliwanag sa kaniya na gagawin mo ito para tingnan kung responsable ba siya. Bibigyan mo siya ng higit na kalayaan kung magiging responsable siya. Pero kung hindi, hindi mo na siya pagbibigyan sa susunod.—Mateo 25:21.
Colosas 3:21: “Mga ama, huwag ninyong kagagalitan nang labis ang inyong mga anak, at baka manghina ang kanilang loob.”—Magandang Balita Biblia. Sinisikap ng ilang magulang na kontrolin ang lahat ng ginagawa ng kanilang anak na tin-edyer, kaya hinihigpitan nila siya. Sila ang pumipili ng kaniyang mga kaibigan at palihim na pinakikinggan ang mga tawag niya sa telepono. Pero hindi laging maganda ang resulta nito. Habang hinihigpitan mo siya, lalo lamang siyang nagrerebelde; kapag lagi mo namang pinipintasan ang mga kaibigan niya, lalo silang napapalapít sa kaniya; kapag pinakikinggan mo ang mga usapan nila, lalo niyang palihim na gagawin ito. Kaya nga, kung hindi siya matututong gumawa ng sariling desisyon habang kasama mo pa siya sa bahay, paano siya matututo kapag nagsarili na siya?
SUBUKIN ITO: Sa susunod na makausap mo ang iyong anak tungkol sa isang bagay, tulungan siyang mag-isip kung paano makaaapekto sa kaniya ang mga pasiyang ginagawa niya. Halimbawa, sa halip na pintasan ang kaniyang mga kaibigan, sabihin: “Paano kung makulong si [pangalan] dahil sa paglabag sa batas? Ano ang iisipin nila tungkol sa iyo?” Tulungan ang iyong anak na maunawaang ang kaniyang mga pasiya ay maaaring makabuti o makasamâ sa kaniya.—Kawikaan 11:17, 22; 20:11.
Efeso 6:4: “Huwag ninyong inisin ang inyong mga anak, kundi patuloy na palakihin sila sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.” Ang terminong “pangkaisipang patnubay” ay higit pa sa basta pagbibigay lamang ng impormasyon. Nangangahulugan ito ng pag-abot sa puso ng anak anupat makaiimpluwensiya ito sa kaniyang paggawi. Napakahalaga nito kapag ang iyong anak ay naging tin-edyer. “Habang nagkakaedad ang iyong mga anak,” ang sabi ng ama na si Andre, “lalong kailangan mong ibagay ang iyong pamamaraan at gumamit ng mahusay na pangangatuwiran.”—2 Timoteo 3:14.
SUBUKIN ITO: Kapag may bumangong problema, subuking magpalit kayo ng papel. Tanungin ang iyong anak kung ano ang maipapayo niya sa iyo kung ikaw ang anak niya. Hayaan mo siyang magsaliksik para makahanap ng pangangatuwiran na susuporta—o sasalungat—sa kaniyang iniisip. Pag-usapan itong muli pagkaraan ng isang linggo.
Galacia 6:7: “Anuman ang inihahasik ng isang tao, ito rin ang kaniyang aanihin.” Ang isang bata ay maaaring matuto kung parurusahan siya—marahil ay papupuntahin siya sa kaniyang kuwarto o hindi siya papayagan sa gusto niyang gawin. Pero sa isang tin-edyer, mas makabubuti kung tutulungan mo siyang pag-isipan ang mga kahihinatnan ng gagawin niya.—Kawikaan 6:27.
SUBUKIN ITO: Huwag mong bayaran ang mga utang ng iyong anak o kaya’y ipaliwanag sa kaniyang guro kung bakit mababa ang grado niya. Hayaan mong maranasan niya ang resulta ng kaniyang mga ginawa, at hindi niya malilimutan ang aral na iyon.
Bilang isang magulang, marahil iniisip mo na sana’y hindi mahirapan ang iyong anak sa mga pagbabagong kaakibat ng pagiging tin-edyer. Pero hindi laging madali ang pagbabagong iyon. Gayunman, ang pagiging tin-edyer ng iyong anak ay magandang pagkakataon para “sanayin mo ang bata ayon sa daang nararapat sa kaniya.” (Kawikaan 22:6) Ang mga simulain ng Bibliya ay matibay na pundasyon sa pagtatayo ng maligayang pamilya.
a Binago ang pangalan.
TANUNGIN ANG IYONG SARILI . . .
Kapag nagsarili na ang anak kong tin-edyer, kaya ba niya ang mga sumusunod?
panatilihin ang regular na espirituwal na rutin
gumawa ng mabubuting pasiya
mabisang makipag-usap sa iba
pangalagaan ang kaniyang kalusugan
magbadyet ng pera niya
maglinis at magmantini ng bahay o apartment
magkusa