Pagsagip sa Isla ng Robinson Crusoe
ANG Robinson Crusoe ay isa sa tatlong isla sa Pacific Ocean na bumubuo sa kapuluang tinatawag na Juan Fernández, mga 640 kilometro mula sa baybayin ng Chile.a Nakuha ng 93-kilometro-kuwadradong isla ang pangalang iyan mula sa isang bantog na nobela noong ika-18 siglo na pinamagatang Robinson Crusoe, isinulat ng awtor na Ingles na si Daniel Defoe. Ang nobela ay lumilitaw na pangunahing isinalig sa mga pakikipagsapalaran ng lalaking taga-Scotland, si Alexander Selkirk, na namuhay nang mag-isa sa isla sa loob ng mga apat na taon.
Isang karatulang kahoy sa isla ang may bahaging nagsasaad ng ganito: “Sa dakong ito, araw-araw sa loob ng mahigit na apat na taon, ang manlalayag na taga-Scotland na si Alexander Selkirk ay buong-kasabikang nakatanaw hanggang sa maaabot ng kaniyang paningin para sa darating na bangkang pansagip na magpapalaya sa kaniya mula sa kaniyang pag-iisa.” Sa wakas, si Selkirk ay sinagip at iniuwi sa kaniyang lupang tinubuan, sa isang daigdig na hindi na kasiya-siya para sa kaniya matapos siyang mamuhay sa kaniyang sariling munting paraiso. Iniulat na sinabi niya nang maglaon: “O, mahal kong isla! Sana’y hindi na kita iniwan!”
Sa paglipas ng panahon, ang isla ay naging isang kolonya ng mga bilanggo, tirahan ng ilan na nakagawa ng “mga krimen sa pananampalataya” laban sa Simbahang Katoliko. Kay laking pagbabago nito kung ihahambing sa malaparaisong isla na dating alam ni Selkirk! Subalit ang kasalukuyang mga naninirahan sa isla ay nagtatamasa ng kapayapaan at katahimikan na wala sa maraming bahagi ng daigdig. Ang relaks na istilo ng pamumuhay, na karaniwan na sa maraming kultura sa isla, ay nagpapadali na mapasimulan ang usapan sa halos kaninuman.
Ang opisyal na naninirahan sa Robinson Crusoe ay mga 500, subalit sa kalakhang bahagi ng taon, mga 400 tao lamang ang naninirahan sa isla. Sa isang bahagi, dahilan ito sa paninirahan ng ilang ina at ng kanilang mga anak sa pangunahing lupain ng Chile kapag panahon ng pasukan sa paaralan, anupat nagbabalik lamang sa isla kapag mga buwan ng bakasyon upang makasama ang iba pang miyembro ng pamilya.
Sa kabila ng tulad-harding kagandahan ng kapaligiran sa Robinson Crusoe, ang ilang tagaisla ay nakadarama ng espirituwal na kahungkagan at naghahanap sila ng mga kasagutan. Nadama ng ilan na para bang kailangan silang sagipin sa espirituwal na paraan.
Espirituwal na Pagsagip
Ang gayong espirituwal na gawaing pagsagip ay nagsimula noong mga 1979. Isang babae na nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova sa Santiago, Chile, ang lumipat sa isla at nagpasimulang magturo sa iba hinggil sa kaniyang natutuhan. Pagkalipas ng ilang panahon, isang matanda sa kongregasyon ang napadalaw sa isla dahil sa sekular na mga kadahilanan at nagulat ito nang masumpungan ang isang maliit na grupo ng mga estudyante sa Bibliya na sumusulong sa espirituwal sa tulong ng babaing iyon. Nang muling dalawin ng matanda ang isla pagkaraan ng tatlong buwan, ang nakabukod na gurong ito sa Bibliya at ang dalawa sa kaniyang mga estudyante ay handa na para mabautismuhan, kaya pinangasiwaan ng matanda ang pagbabautismo sa kanila. Nang maglaon, ang isa sa bagong bautisadong mga Kristiyanong ito ay nag-asawa at nagpatuloy, kasama ng kaniyang asawa, sa paghahanap sa iba pang nangangailangan ng espirituwal na pagsagip. Nanguna ang kaniyang asawa sa pagtatayo ng isang simpleng Kingdom Hall, na patuloy na nagsisilbi sa maliit na grupo sa isla. Nang maglaon, dahil sa kadahilanang pangkabuhayan, nilisan nila ang Robinson Crusoe at lumipat sa isang kongregasyon sa gitnang Chile, na doo’y nagpatuloy sila sa aktibong paglilingkod kay Jehova.
Unti-unti, ang maliit na grupo sa isla ay patuloy na lumago habang ang iba ay nasasagip mula sa huwad na relihiyon. Gayunman, yamang ang mga estudyante ay kailangang lumipat sa pangunahing lupain para makapag-aral sa haiskul, ang grupo ay lumiit hanggang sa maging dalawang bautisadong kapatid na babae at isang kabataang babae na lamang. Ang grupo ay lumalaki sa panahon ng bakasyon kapag ang ilang ina ay nagsisiuwi sa isla. Pinangyayari nito na mapasigla ang tatlong nakabukod na Kristiyano na namamalagi roon nang buong taon. Bunga ng masikap na paggawa ng mga kapatid na babaing ito, ang mga Saksi ni Jehova ay kilalang-kilala sa Robinson Crusoe. Totoo, ang ilang tagaisla ay sumasalansang sa kanilang gawain at nagsisikap na gipitin ang iba upang tanggihan ang mensahe ng Kaharian. Gayunpaman, ang mga binhi ng katotohanan sa Bibliya na naitanim sa taimtim na mga puso ay patuloy na umuusbong.
Pinalalakas Yaong mga Nasagip Na
Minsan sa isang taon, dumadalaw ang isang naglalakbay na tagapangasiwa sa isla. Paano ba ilalarawan ang pagdalaw sa isang maliit na grupo ng mga Saksi sa isang malayong isla? Inilarawan ng isang tagapangasiwa ng sirkito ang kaniyang unang pagdalaw sa Robinson Crusoe:
“Kahanga-hanga ang paglalakbay na ito. Nagpasimula ito nang 7:00 n.u. nang umalis kami sa Valparaiso upang magbiyahe patungong Cerrillos Airport ng Santiago. Lumulan kami sa isang maliit na eroplanong nakapagsasakay ng pitong pasahero. Makaraan ang 2 oras at 45 minutong paglipad, natanaw namin sa malayo ang isang taluktok ng bundok na lampas pa sa ulap. Habang papalapit kami, tumambad sa amin ang isla—isang kahanga-hanga at napakalaking tipak ng bato sa gitna ng karagatan. Sa wari ay nakalutang ito sa malawak na katubigan, gaya ng isang barkong naligaw sa dagat.
“Pagkalapag, dinala kami sa nayon ng isang bangka. Kabi-kabila, nakausli sa dagat ang mga tipak ng bato na nagmistulang maliliit na isla na nagsisilbing dakong pahingahan para sa mga mabalahibong poka (seal) ng Juan Fernández. Ang mga mabalahibong poka ay mga ipinagsasanggalang na uri dahil kaunting-kaunti na lamang ang bilang ng mga ito. Walang anu-ano, may lumipad sa tabi ng bangka at saka muling nawala sa dagat. Iyon ay isang isdang lumilipad (flying fish), na ang palikpik na may pileges ay nakakatulad ng mga pakpak. Waring natutuwa itong magpaluksu-lukso sa tubig upang manghuli ng mga insekto. Siyempre pa, kung minsan ay nahuhuli rin ang manghuhuli; ang mga paglukso nito ay maaaring makatawag ng pansin sa ibang maninila na handang lumulon dito habang bumubulusok itong pababa.
“Sa wakas, nakarating kami sa nayon ng San Juan Bautista (St. John the Baptist). Marami-rami ang mga tagaisla na nakatayo sa daungan, alinman sa naghihintay sa kanilang mga bisita o nag-uusisa lamang kung sino naman ang darating nang panahong iyon. Humanga kami sa isang magandang tanawin—ang marilag at baku-bakong bundok na tinatawag na El Yunque (The Anvil), na nalalatagan ng animo’y pelus na kulay matingkad na luntian, at sa bandang likuran nito ay makikita ang isang maaliwalas, kulay-bughaw na kalangitan na ang gilid ay may kumpul-kumpol na mga puting ulap.
“Di-nagtagal ay napansin namin na isang grupo ng aming mga kapatid na babaing Kristiyano at kanilang mga anak ang naghihintay sa amin sa daungan. Panahon iyon ng bakasyon, kaya ang grupo ay mas malaki kaysa karaniwan. Matapos magpalitan ng mainit na mga pagbati, dinala kami sa isang kaakit-akit na kubo na matatawag naming tahanan sa loob ng isang linggo.
“Talagang isang pantanging linggo iyon, at natatanto namin na mabilis itong lilipas. Kailangang gamitin naming mabuti ang aming panahon. Nang mismong araw na iyon, pagkatapos mananghalian, dinalaw namin ang isang estudyante sa Bibliya na malapit na naming maging isang espirituwal na kapatid na babae at maging bahagi ng espirituwal na paraiso ng Diyos. Tuwang-tuwa siya ngunit medyo ninenerbiyos din. Ang kaniyang matagal nang pinakahihintay na tunguhing magpabautismo ay nalalapit na. Tinalakay namin sa kaniya ang ilang kinakailangang impormasyon upang maging kuwalipikado siya bilang isang mamamahayag ng mabuting balita. Kinabukasan, nakibahagi siya sa gawaing pangangaral sa kauna-unahang pagkakataon. Noong ikatlong araw, sinimulan naming talakayin sa kaniya ang mga kahilingan para sa bautismo. Bago matapos ang linggong iyon, nabautismuhan siya.
“Ang mga pulong na ginanap nang linggong iyon ay sinuportahan nang husto, na may pinakamataas na bilang ng dumalo na 14. Bawat araw ay may mga kaayusan sa paglilingkod sa larangan, pagdalaw-muli, pag-aaral sa Bibliya, at mga pagpapastol. Kay laking pampatibay-loob ito sa mga kapatid na babae na nagpapatuloy sa kanilang gawain nang sila-sila lamang sa buong taon!”
Mas mahirap para sa mga lalaki sa isla na tumugon sa katotohanan, marahil dahil sa puspusang pagpapagal na kailangang iukol sa kanilang sekular na trabaho. Ang pangunahing trabaho ay ang panghuhuli ng mga ulang, na nangangailangan ng maraming panahon. May bahagi ring ginagampanan ang maling akala sa negatibong reaksiyon ng marami. Gayunpaman, inaasahan na mas maraming tagaisla, kapuwa lalaki at babae, ang tutugon sa hinaharap.
Hanggang sa kasalukuyan, sampung indibiduwal na ang nasagip sa isla dahil sa pagkaalam ng katotohanan at ng mga layunin ng Diyos na Jehova. Ang ilan sa kanila ay matagal nang umalis sa isla dahil sa iba’t ibang kadahilanan. Subalit manatili man sila o hindi, ang espirituwal na pagsagip sa kanila ay higit na mas mahalaga kaysa sa pagsagip kay Alexander Selkirk. Tinatamasa nila ngayon ang isang espirituwal na paraiso saanman sila naninirahan. Ang mga kapatid na babae na naninirahan pa rin sa isla at ang kanilang mga anak ay nasisiyahan sa tulad-harding kapaligiran, subalit higit pa rito, taglay nila ang pag-asa na mabuhay kapag ang buong lupa ay magiging isang tunay na paraiso sa lubus-lubusang diwa nito.
Patuloy ang Gawaing Pagsagip
Kung ibabatay sa heograpiya, ang maliit na grupong ito ng mga Saksi ni Jehova sa Robinson Crusoe ay naninirahan nang napakalayo sa iba pa nilang espirituwal na mga kapatid. Gayunman, hindi nila nadaramang sila’y pinabayaan, gaya ng nadama ng taga-Scotland na si Selkirk. Sa pamamagitan ng patuloy na pagdating ng teokratikong mga literatura, mga video ng mga asamblea at mga kombensiyon na ipinadadala sa kanila nang tatlong beses sa isang taon mula sa sangay ng Samahang Watch Tower sa Chile, at ng taunang pagdalaw ng tagapangasiwa ng sirkito, napananatili nila ang matalik na pakikipag-ugnayan sa organisasyon ni Jehova. Kaya patuloy silang nagiging isang aktibong bahagi ng ‘buong samahan ng mga kapatid sa sanlibutan.’—1 Pedro 5:9.
[Talababa]
a Ang isla ay opisyal na pinanganlang Más a Tierra.
[Mga mapa/Larawan sa pahina 9]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
CHILE
Santiago
ISLA NG ROBINSON CRUSOE
San Juan Bautista
El Yunque
PACIFIC OCEAN
ISLA NG SANTA CLARA
[Larawan]
Habang tumatambad sa paningin ang isla, makikita ng isa ang isang kahanga-hanga at napakalaking tipak ng bato sa gitna ng karagatan
[Credit Line]
Mapa ng Chile: Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.
[Larawan sa pahina 8, 9]
Ang marilag at baku-bakong bundok na tinatawag na El Yunque (The Anvil)
[Larawan sa pahina 9]
Ang nayon ng San Juan Bautista (St. John the Baptist)
[Larawan sa pahina 9]
Ang maliliit na isla ay nagsisilbing dakong pahingahan para sa mga mabalahibong poka at mga leong-dagat
[Larawan sa pahina 10]
Lumipad kami sakay ng isang maliit na eroplano mula sa Santiago, Chile
[Larawan sa pahina 10]
Ang paliku-likong baybayin ng Isla ng Robinson Crusoe
[Larawan sa pahina 10]
Ang simpleng Kingdom Hall sa isla