Talambuhay
“Hindi Ninyo Nalalaman Kung Ano ang Magiging Buhay Ninyo Bukas”
AYON SA SALAYSAY NI HERBERT JENNINGS
“Pabalik na ako sa tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower sa Ghana mula sa daungang lunsod ng Tema at huminto upang pasakayin ang isang kabataang lalaki na nagnanais makisakay papunta sa bayan. Sinamantala ko ang pagkakataon na magpatotoo sa kaniya. Akala ko ay nakapagbibigay ako ng isang mahusay na pagpapatotoo! Gayunman, nang dumating na kami sa pupuntahan ng kabataang lalaki, bigla siyang tumalon sa trak at mabilis na nagtatakbo.”
ANG nabanggit na insidente ay isang pahiwatig sa akin na may kakaibang nangyayari sa akin. Bago ko ilahad kung ano ang nangyari, hayaan ninyong ikuwento ko kung paanong ako, isang taga-Canada, ay nakarating sa Ghana.
Kalagitnaan ng Disyembre 1949 noon sa isang lugar sa labas ng hilaga ng Toronto, Canada. Katatapos pa lamang naming maghukay ng mga isang metro sa nagyeyelong lupa upang makapaglaan ng serbisyo ng tubig sa isang bagong bahay. Palibhasa’y giniginaw at pagód, nagtipon kaming mga trabahador sa palibot ng isang bunton ng nag-aapoy na panggatong na kahoy, habang naghihintay na sunduin ng trak. Bigla na lamang, si Arnold Lorton, isa sa mga trabahador, ay nagsimulang magsalita tungkol sa “mga digmaan at mga sabi-sabi hinggil sa mga digmaan,” “ang katapusan ng sanlibutang ito,” at ginagamit ang iba pang mga pananalita na talagang hindi pamilyar sa akin. Biglang huminto sa pagsasalita ang lahat, napahiya, at ang iba pa nga ay nagalit sa kaniya. Naaalaala ko pa na naisip ko noon, ‘Talagang ang lakas ng loob ng taong ito! Walang sinuman dito ang nais makinig, ngunit patuloy pa rin siya sa pagsasalita.’ Ngunit naantig ako sa kaniyang sinasabi. Mga ilang taon pa lamang ang nakalilipas pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, at wala pa akong naririnig na gayong mga bagay sa relihiyong Christadelphian na naging bahagi ng aking pamilya sa loob ng ilang mga salinlahi. Taimtim akong nakinig, anupat naakit sa kaniyang mga paliwanag.
Di-nagtagal at lumapit ako kay Arnold para sa higit pang impormasyon. Sa aking paggunita, natanto ko kung gaano ang pagpaparaya at kabaitan niya at ng kaniyang asawa, si Jean, sa akin, isang walang-karanasan na 19-na-taóng-gulang. Madalas akong nagpupunta sa kanilang bahay upang makipag-usap sa kanila nang hindi nagpapasabi o naaanyayahan. Itinuwid nila ang aking pag-iisip at tinulungan akong liwanagin ang pagkakasalungatan ng mga pamantayan at moral na lumilito sa aking murang kaisipan. Sampung buwan pagkatapos ng unang karanasan na iyon sa may apoy sa tabing-daan, nabautismuhan ako noong Oktubre 22, 1950, bilang isa sa mga Saksi ni Jehova at naugnay sa Willowdale Congregation sa North York, na ngayon ay bahagi na ng Toronto.
Pagsulong Kasama ang mga Kapuwa Mananamba
Lalong umiigting ang buhay sa bahay nang matanto ng aking ama na determinado akong itaguyod ang aking bagong-tuklas na pananampalataya. Hindi pa natatagalan noon nang maging biktima si Itay ng isang harapang banggaan dahil sa isang lasing na drayber kung kaya’t madalas na mahirap siyang pakitunguhan. Naging mahirap ang buhay para kay Inay, sa aking dalawang kapatid na lalaki, at sa aking dalawang kapatid na babae. Tumindi ang kaigtingan hinggil sa katotohanan sa Bibliya. Kaya waring matalino para sa akin na umalis ng bahay alang-alang sa pakikipagpayapaan sa aking mga magulang at upang maging matatag ako sa “daan ng katotohanan.”—2 Pedro 2:2.
Sa pagtatapos ng tag-init noong 1951, namalagi ako sa isang maliit na kongregasyon sa Coleman, Alberta. Naroon ang dalawang kabataang lalaki, sina Ross Hunt at Keith Robbins, na abala sa buong-panahong pangangaral sa madla, na kilala bilang pagreregular pioneer. Sila ang tumulong sa akin na maakay sa gayunding boluntaryong ministeryo. Noong Marso 1, 1952, sumama ako sa hanay ng mga ministrong regular pioneer.
Magiliw kong naaalaala ang natanggap kong pampatibay-loob. Marami akong dapat matutuhan, at dito ko mapasusulong ang aking sarili. Nang maglaon, pagkatapos gumugol ng mga isang taon sa paglilingkuran bilang pioneer kasama ng Lethbridge Congregation, Alberta, nakatanggap ako ng isang di-inaasahang paanyaya na maglingkod bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa. Maglilingkod ako sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova na nakakalat sa may silangang baybayin ng Canada mula Moncton, New Brunswick, hanggang sa Gaspé, Quebec.
Sa edad na 24 na taon at masasabing baguhan pa lamang sa katotohanan, nadama ko na talagang hindi ako karapat-dapat, lalo na kung ihahambing sa mga may-gulang na Saksi na aking paglilingkuran. Taimtim akong nagsikap nang mga sumunod na buwan. Pagkatapos ay dumating ang isa pang sorpresa.
Paaralang Gilead at Pagtungo sa Gold Coast
Noong Setyembre 1955, inanyayahan akong sumama sa humigit-kumulang sa sandaang estudyante para sa ika-26 na klase ng Watchtower Bible School of Gilead sa South Lansing, New York. Ang limang buwan na puspusang pagsasanay at pag-aaral ang siya mismong kailangan ko. Nadagdagan ang aking kasiglahan dahil sa pakikisama sa napakasigasig na grupong iyon. Nang panahong iyon, may isa pang pangyayari na nagpayaman sa aking buhay hanggang sa ngayon.
Kabilang sa mga estudyante ang isang kabataang sister, si Aileen Stubbs, na naghahanda para sa gawaing pagmimisyonero. Nakita ko kay Aileen ang isang antas ng katatagan, ang totoong pagkapraktikal, at ang isang mahinhin at masayahing saloobin. Sa tingin ko’y natakot ko siya nang walang kaanu-ano’y ipinahayag ko sa kaniya ang aking pagnanais na pakasalan siya. Gayunman, hindi naman siya tumanggi! Nagkasundo kami ni Aileen na pupunta siya sa kaniyang atas bilang misyonera sa Costa Rica at ako naman sa aking atas sa Gold Coast (ngayon ay Ghana), Kanlurang Aprika.
Isang umaga noong Mayo 1956, nasa opisina ako ni Brother Nathan Knorr na nasa ikasampung palapag sa Brooklyn, New York. Siya noon ang presidente ng Samahang Watch Tower. Inatasan akong maging isang lingkod ng sangay upang pangasiwaan ang gawaing pangangaral sa Gold Coast, Togoland (ngayon ay Togo), Ivory Coast (ngayon ay Côte d’Ivoire), Upper Volta (ngayon ay Burkina Faso), at sa The Gambia.
Naaalaala ko pa ang mga salita ni Brother Knorr na tila kababanggit lamang kahapon. “Hindi mo naman kailangang mangasiwa doon kaagad-agad,” sabi niya. “Huwag kang magmadali; matuto ka mula sa makaranasang mga kapatid doon. Pagkatapos, kapag nadarama mong handa ka na, dapat ka nang magsimulang maglingkod bilang lingkod ng sangay. . . . Ito ang iyong liham ng paghirang. Pitong araw mula sa pagdating mo roon, ikaw na ang dapat mangasiwa.”
‘Pitong araw lamang,’ naisip ko. ‘Akala ko ba “huwag kang magmadali”?’ Tuliro akong umalis sa pag-uusap na iyon.
Mabilis na lumipas ang sumunod na ilang araw. Di-nagtagal at ako’y nakatayo na sa barandilya ng isang barkong pangkargamento, na naglalayag sa East River habang nilalampasan ang mga opisina ng Samahan sa Brooklyn, anupat sinimulan ang 21-araw na paglalakbay sa karagatan patungo sa Gold Coast.
Nanatili kaming abala ni Aileen sa aming pagsusulatan. Muli kaming nagkita noong 1958 at nagpakasal noong Agosto 23 ng taóng iyon. Hindi ko kailanman nakakaligtaang pasalamatan si Jehova dahil sa isang napakahusay na kabiyak.
Sa loob ng 19 na taon, pinahalagahan ko ang pribilehiyong maglingkod kasama ng mga kapuwa misyonero at ng aking mga kapatid na lalaki’t babae sa Aprika sa tanggapang pansangay ng Samahan. Lumaki ang pamilyang Bethel mula sa iilang miyembro tungo sa mga 25 noong panahong iyon. Yaon ay mga panahong mapanghamon, makasaysayan, at mabubunga para sa amin. Gayunman, magiging prangka ako. Para sa akin, nasumpungan kong isang natatanging hamon ang mainit at maalinsangang klima. Tila lagi akong pinagpapawisan, laging nanlalagkit, at kung minsan, magagalitin. Gayunman, isang tunay na kagalakan ang maglingkod, yamang ang aming bilang sa Ghana ay lumaki mula sa mahigit lamang na 6,000 mamamahayag ng Kaharian noong 1956 tungo sa 21,000 noong 1975. At doble ang kagalakan na makita ang mahigit na 60,000 abalang Saksi roon sa ngayon.
Isang “Bukas” na Hindi Namin Inaasahan
Noong mga 1970, nagsimula akong makaramdam ng isang suliranin sa kalusugan na napakahirap kilanlin. Nagpasuri na ako nang lubusan sa doktor, ngunit sinabihan lamang na ako ay may “mabuting kalusugan.” Kung gayon ay bakit laging hindi maganda ang aking pakiramdam, pagod na pagod, at hindi mapakali? Dalawang bagay ang naglaan ng sagot, at dumating ang mga ito bilang isang malaking dagok. Tunay nga, gaya ng isinulat ni Santiago: “Hindi ninyo nalalaman kung ano ang magiging buhay ninyo bukas.”—Santiago 4:14.
Ang unang pahiwatig ay ang naranasan ko sa kabataang lalaki na pinatotohanan ko habang inihahatid ko siya patungo sa bayan. Hindi ko namalayan na patuloy pala akong nagdadadaldal, anupat bumibilis ang aking pagsasalita at lalong tumitindi sa bawat lumilipas na sandali. Nang makarating kami sa pupuntahan ng kabataang lalaking ito, nagulat ako nang tumalon siya mula sa trak at mabilis na nagtatakbo. Karamihan sa mga taga-Ghana ay likas na mahinahon, kalmado, at hindi madaling mabalisa. Talagang kakaiba ang kaniyang reaksiyon. Naupo ako roon na nag-iisip. Natanto ko na mayroon akong problema. Kung anuman iyon, hindi ko alam. Ngunit tiyak na may problema ako.
Pangalawa, pagkatapos ng isang masusing pag-uusap, iminungkahi ni Aileen: “Buweno, kung ang problemang ito ay hindi sa pisikal, kung gayon ito ay sa isip.” Kaya maingat kong isinulat ang lahat ng aking mga sintomas at pumunta sa isang saykayatris. Nang basahin ko ang aking listahan, ang sagot niya ay: “Ito ay isang karaniwang kaso. Mayroon kang manic-depressive psychosis.”
Natulala ako! Pakiramdam ko ay patuloy akong bumubulusok habang nagsisikap akong magpunyagi sa sumunod na dalawang taon. Patuloy akong naghanap ng lunas. Ngunit walang sinuman ang talagang nakaaalam kung ano ang gagawin. Talagang nakasisiphayo ang pakikipagpunyaging ito!
Lagi naming hangarin na manatili sa pribilehiyo ng buong-panahong paglilingkod bilang karera namin sa buhay, at napakarami pang dapat gawin. Marubdob at taimtim akong nanalangin nang maraming beses: “Jehova, kung loloobin mo, ako ‘ay mabubuhay at gagawin din ito.’ ” (Santiago 4:15) Ngunit hindi naging gayon. Kaya, sa pagharap sa katotohanan, isinaayos naming lisanin ang Ghana at ang aming maraming malalapít na kaibigan at bumalik sa Canada noong Hunyo 1975.
Naglalaan si Jehova ng Tulong sa Pamamagitan ng Kaniyang Bayan
Di-nagtagal at nalaman ko na mahalaga pa rin ako, at hindi kakaiba ang aking suliranin. Ang mga salita sa 1 Pedro 5:9 ay naging makahulugan para sa akin: “[Alamin] ninyo na ang gayunding mga bagay sa paraan ng mga pagdurusa ay nagaganap sa buong samahan ng inyong mga kapatid sa sanlibutan.” Yamang naiintindihan na ito, nagsimula kong maunawaan kung paano ngang si Jehova ay talagang sumuporta sa aming mag-asawa sa kabila ng di-kanais-nais na pagbabagong ito. Tunay ngang kaiga-igaya nang ang ‘samahan ng mga kapatid’ ay tumulong sa amin sa napakaraming paraan!
Bagaman wala kaming gaanong materyal na mga bagay, hindi kami pinabayaan ni Jehova. Pinakilos niya ang aming mga kaibigan sa Ghana upang tumulong sa amin sa materyal na paraan at sa iba pang bagay. Taglay ang masidhi at magkakahalong emosyon, iniwanan namin yaong mga nakagiliwan na namin at hinarap ang di-inaasahang “bukas” na ito.
May kabaitan kaming kinupkop ng ate ni Aileen, si Leonora, at ng kaniyang asawa, si Alvin Friesen, na bukas-palad na naglaan ng aming pangangailangan sa loob ng maraming buwan. Isang kilalang saykayatris ang gumawa ng positibong prediksiyon: “Gagaling ka sa loob ng anim na buwan.” Siguro, sinabi iyon upang bigyan ako ng kumpiyansa sa sarili, ngunit hindi man lamang natupad ang kaniyang prediksiyon kahit pagkatapos ng anim na taon. Hanggang sa ngayon, sinisikap kong makayanan ang may-pakundangang tinatawag ngayon na bipolar mood disorder. Talagang isang mas makonsiderasyong katawagan, ngunit tulad ng alam na alam ng mga nakararanas nito, hindi kailanman pinagagaan ng pinagandang pangalan ang matitinding sintomas ng karamdamang ito.
Noong panahong iyon, si Brother Knorr ay mayroon nang sakit na sa kalaunan ay siyang ikinamatay niya noong Hunyo 1977. Sa kabila niyan, naglaan siya ng panahon at lakas upang sulatan ako ng mahahaba at nakapagpapatibay na mga liham na may mga salitang nakaaaliw at nagpapayo. Iniingatan ko pa rin ang mga liham na iyon. Malaki ang nagawa ng kaniyang mga pananalita upang mapahupa ang mga di-makatuwirang damdamin ng kabiguan na patuloy na nangingibabaw.
Noong pagtatapos ng 1975, kinailangan naming bitiwan ang aming minamahal na mga pribilehiyo sa buong-panahong paglilingkod at magtuon ng pansin sa pagpapabuti sa aking kalusugan. Kahit ang karaniwang sinag ng araw ay masakit sa aking mga mata. Umaalingawngaw na katulad ng mga putok ng riple ang mga biglaan at malalakas na ingay. Nakaliligalig sa akin ang paglalakad-lakad ng maraming tao. Talagang kailangang makipagpunyagi para lamang makadalo sa mga Kristiyanong pagpupulong. Gayunman, lubos akong kumbinsido sa kahalagahan ng espirituwal na pakikipagsamahan. Upang makayanan ito, karaniwan nang pumapasok ako sa Kingdom Hall pagkatapos na makaupo ang mga tao at umaalis ako bago pa sila magtayuan sa katapusan ng programa.
Isa pang malaking hamon ang pakikibahagi sa pangmadlang ministeryo. Kung minsan, kahit na kararating pa lamang sa isang bahay, nawawalan ako ng lakas ng loob na tumimbre man lamang sa pintuan. Gayunman, hindi ako sumusuko dahil natanto ko na ang ating ministeryo ay nangangahulugan ng kaligtasan sa ating sarili at sa sinumang tutugon nang may pagsang-ayon. (1 Timoteo 4:16) Pagkatapos ng ilang sandali, makokontrol ko na ang aking emosyon, pupunta sa susunod na pintuan, at susubok muli. Sa pamamagitan ng patuluyang pakikibahagi sa ministeryo, napanatili kong nasa kainaman ang aking espirituwal na kalusugan, at iyan ang nagpalakas sa aking kakayahan na makayanan ang aking karamdaman.
Dahil sa namamalagi ang bipolar mood disorder, natanto ko na ang karamdamang ito ay malamang na permanenteng makaaapekto sa aking buhay sa kasalukuyang sistemang ito ng mga bagay. Noong 1981, lumabas ang isang napakahusay na serye ng mga artikulo sa Awake!a Sa pamamagitan ng mga ito, higit kong naunawaan ang katangian ng karamdamang ito at natutuhan ang higit na mabisang mga paraan upang makayanan ito.
Pagkatutong Makayanan Ito
Ang lahat ng ito’y dahil na rin sa sakripisyo at pakikibagay ng aking asawa. Kung isa kang tagapangalaga sa nakakatulad na mga kalagayan, malamang na mapahahalagahan mo ang kaniyang mga masasabi:
“Ang mood disorder ay tila nagpapangyari ng biglaang pagbabagu-bago ng personalidad. Sa loob ng ilang oras, ang isang maysakit nito ay maaaring magbago mula sa pagiging isang masayahin at nakapagpapasiglang indibiduwal na may malikhaing mga plano at ideya tungo sa isang taong pagod na pagod, negatibo, at galit pa nga. Kung hindi alam na ito pala ay isang karamdaman, maaaring pumukaw ito ng pagkayamot at kalituhan sa iba. Maliwanag, kinakailangang baguhin kaagad-agad ang mga plano, at nagsisimula ang isang personal na pakikipagpunyagi laban sa pagkadama ng pagkasiphayo at pagiging inayawan.”
Sa ganang akin naman, nag-aalala ako kapag napakaganda ng aking pakiramdam. Kabisado ko na ang kasunod ng labis na kasiglahan ay ang biglang pagiging sumpungin at panlulumo. Sa kaso ko, mas gugustuhin ko na ang panlulumo kaysa sa labis na kasiglahan dahil kadalasan ay hindi ako makakilos sa loob ng ilang araw kapag ako’y nanlulumo, at mas malamang na hindi ako masasangkot sa anumang di-angkop na gawain. Malaki ang naitutulong ni Aileen sa pamamagitan ng pagbababala sa akin na huwag masyadong maging masigla at sa pamamagitan ng pag-aliw at pagsuporta sa akin kapag nadaraig ako ng panlulumo.
Talagang may panganib sa labis na pagtutuon ng pansin sa sarili hanggang sa punto ng pagbubukod sa sarili sa lahat ng iba pa kapag aktibung-aktibo ang karamdaman. Maaaring lubos na ibukod ng isa ang kaniyang sarili kapag nanlulumo siya o hindi unawain ang damdamin at reaksiyon ng iba kapag inaatake siya ng karamdaman. Noon, hindi ko matanggap ang katibayan na may problema ako sa mental at emosyon. Kinailangan kong paglabanan ang pag-aakala na ang problema ay mula sa isang bagay na panlabas, tulad ng isang nabigong pagsisikap o kaya ay ibang tao. Madalas, kailangan kong paalalahanan ang aking sarili, ‘Walang nagbago sa paligid ko. Ang problema ay panloob, hindi panlabas.’ Unti-unti, naiayos ang aking pag-iisip.
Sa paglipas ng mga taon, kapuwa namin natutuhan na maging prangka at tapat sa isa’t isa at sa iba hinggil sa aking kalagayan. Pinagsisikapan naming mapanatili ang isang positibong saloobin at huwag hayaang supilin ng karamdaman ang aming buhay.
Isang Mas Magandang “Bukas”
Sa pamamagitan ng marubdob na mga panalangin at maraming pakikipagpunyagi, nakikinabang kami sa pagpapala at suporta ni Jehova. Ngayon ay matatanda na kami. Regular akong nagpapatingin sa doktor at patuloy akong gumagamit ng katamtamang dami ng gamot, at nananatiling maayos naman ang aking kalusugan. Pinahahalagahan namin ang anumang pribilehiyo ng paglilingkod na maaari naming taglayin. Patuloy akong naglilingkod bilang isang matanda sa kongregasyon. Palagi naming sinisikap na alalayan ang ibang kapananampalataya.
Totoo, tulad ng sinasabi sa Santiago 4:14: “Hindi ninyo nalalaman kung ano ang magiging buhay ninyo bukas.” Totoo iyan habang umiiral ang sistemang ito ng mga bagay. Gayunman, totoo rin ang mga pananalita sa Santiago 1:12: “Maligaya ang tao na patuloy na nagbabata ng pagsubok, sapagkat sa pagiging sinang-ayunan ay tatanggap siya ng korona ng buhay, na ipinangako ni Jehova doon sa mga patuloy na umiibig sa kaniya.” Nawa’y makatayong matatag tayong lahat sa ngayon at matamo ang inilalaang mga pagpapala ni Jehova sa hinaharap.
[Talababa]
a Tingnan ang mga artikulong “You Can Cope With Life,” sa Agosto 8, 1981, isyu ng Awake!; “How You Can Fight Depression,” sa isyu ng Setyembre 8, 1981; at “Attacking Major Depression,” sa isyu ng Oktubre 22, 1981.
[Larawan sa pahina 26]
Pagnanais na mag-isa sa aking art studio
[Larawan sa pahina 26]
Kasama ang aking asawa, si Aileen
[Larawan sa pahina 28]
Sa “Everlasting Good News” Assembly na idinaos sa Tema, Ghana, noong 1963