KABANATA 3
Ano ang Layunin ng Diyos Para sa Lupa?
Ano ang layunin ng Diyos para sa sangkatauhan?
Paano hinamon ang Diyos?
Ano ang magiging kalagayan ng buhay sa lupa sa hinaharap?
1. Ano ang layunin ng Diyos para sa lupa?
NAPAKAGANDA ng layunin ng Diyos para sa lupa. Gusto ni Jehova na mapuno ang lupa ng masasaya at malulusog na tao. Sinasabi ng Bibliya na ‘ang Diyos ay nagtanim ng isang hardin sa Eden’ at na ‘pinatubo niya ang bawat punungkahoy na kanais-nais sa paningin at mabuting kainin.’ Pagkatapos lalangin ng Diyos ang unang lalaki at babae, sina Adan at Eva, inilagay Niya sila sa napakagandang tahanang iyon at sinabi sa kanila: “Magpalaanakin kayo at magpakarami at punuin ninyo ang lupa at supilin iyon.” (Genesis 1:28; 2:8, 9, 15) Kaya layunin ng Diyos na magkaanak ang mga tao, palawakin ang mga hangganan ng tahanang hardin na iyon hanggang sa masaklaw ang buong lupa, at alagaan ang mga hayop.
2. (a) Paano natin nalaman na matutupad ang layunin ng Diyos para sa lupa? (b) Anong uri ng mga tao ang sinasabi ng Bibliya na mabubuhay magpakailanman?
2 Sa palagay mo kaya’y matutupad pa ang layunin ng Diyos na Jehova na mabuhay ang mga tao sa isang paraisong lupa? “Sinalita ko nga iyon,” ang sabi ng Diyos, “gagawin ko rin naman.” (Isaias 46:9-11; 55:11) Oo, tiyak na tutuparin ng Diyos ang kaniyang layunin! Sinabi niya na “hindi niya nilalang [ang lupa] na walang kabuluhan” kundi ‘inanyuan niya ito upang tahanan.’ (Isaias 45:18) Ano bang uri ng mga tao ang nais ng Diyos na mabuhay sa lupa? At gaano katagal niya gustong manirahan sila rito? Sumasagot ang Bibliya: “Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.”—Awit 37:29; Apocalipsis 21:3, 4.
3. Anu-anong malulungkot na kalagayan ang umiiral ngayon sa lupa, at nagbabangon ito ng anu-anong tanong?
3 Maliwanag na hindi pa ito nangyayari. Ang mga tao ngayon ay nagkakasakit at namamatay; naglalabanan pa nga sila at nagpapatayan. May nangyaring hindi maganda. Gayunman, tiyak na hindi layunin ng Diyos na ang lupa ay maging gaya ng nakikita natin sa ngayon! Ano ba ang nangyari? Bakit hindi natupad ang layunin ng Diyos? Walang aklat ng kasaysayan na isinulat ng tao ang makapagsasabi sa atin ng sagot sapagkat ang problema ay nagsimula sa langit.
ANG PINAGMULAN NG ISANG KAAWAY
4, 5. (a) Sino talaga ang nakipag-usap kay Eva sa pamamagitan ng isang serpiyente? (b) Paano maaaring maging magnanakaw ang isang dating disente at matapat na tao?
4 Sinasabi sa atin ng unang aklat ng Bibliya ang tungkol sa isang mananalansang sa Diyos na dumating sa hardin ng Eden. Inilarawan siya bilang “serpiyente,” ngunit hindi siya basta isang hayop lamang. Ipinakikilala siya ng huling aklat ng Bibliya bilang “ang tinatawag na Diyablo at Satanas, na siyang nagliligaw sa buong tinatahanang lupa.” Tinatawag din siyang “orihinal na serpiyente.” (Genesis 3:1; Apocalipsis 12:9) Ginamit ng makapangyarihang anghel na ito, o di-nakikitang espiritung nilalang, ang isang serpiyente para makausap si Eva, kung paanong napalilitaw ng isang dalubhasang tao ang kaniyang tinig na parang nanggagaling sa isang kalapit na manika o tau-tauhan. Walang-alinlangang naroroon ang espiritung personang iyon nang ihanda ng Diyos ang lupa para sa mga tao.—Job 38:4, 7.
5 Gayunman, yamang sakdal ang lahat ng nilalang ni Jehova, sino ang gumawa sa “Diyablo” na ito, ang “Satanas” na ito? Sa simpleng pananalita, ginawang Diyablo ng isa sa makapangyarihang mga espiritung anak ng Diyos ang kaniyang sarili. Paano ito naging posible? Buweno, sa ngayon ang isang tao na dating disente at matapat ay maaaring maging isang magnanakaw. Paano nangyayari iyan? Maaaring hayaan ng isang tao na tumubo ang maling pagnanasa sa kaniyang puso. Kung patuloy niyang iisipin ito, titindi ang maling pagnanasang iyon. Pagkatapos, kapag nagkaroon ng pagkakataon, maaaring isagawa niya ang maling pagnanasang pinag-iisipan niya.—Santiago 1:13-15.
6. Paano naging Satanas na Diyablo ang isang makapangyarihang espiritung anak ng Diyos?
6 Ganito ang nangyari kay Satanas na Diyablo. Maliwanag na narinig niya na sinabi ng Diyos kina Adan at Eva na magpalaanakin sila at punuin ang lupa ng kanilang mga supling. (Genesis 1:27, 28) ‘Aba, maaaring ako ang sambahin ng lahat ng taong ito sa halip na ang Diyos!’ ang maliwanag na naisip ni Satanas. Kaya tumubo ang maling pagnanasa sa kaniyang puso. Sa dakong huli, kumilos siya upang linlangin si Eva sa pamamagitan ng pagsasabi rito ng mga kasinungalingan tungkol sa Diyos. (Genesis 3:1-5) Kaya siya naging “Diyablo,” na nangangahulugang “Maninirang-puri.” Kasabay nito, siya ay naging “Satanas,” na nangangahulugang “Mananalansang.”
7. (a) Bakit namatay sina Adan at Eva? (b) Bakit tumatanda at namamatay ang lahat ng supling ni Adan?
7 Sa pamamagitan ng mga kasinungalingan at pandaraya, sinulsulan ni Satanas na Diyablo sina Adan at Eva na sumuway sa Diyos. (Genesis 2:17; 3:6) Bilang resulta, namatay sila nang maglaon, gaya ng sinabi ng Diyos na mangyayari sa kanila kung susuway sila. (Genesis 3:17-19) Yamang naging di-sakdal si Adan nang magkasala siya, ang lahat ng kaniyang supling ay nagmana ng kasalanan mula sa kaniya. (Roma 5:12) Maaaring ilarawan ang situwasyong ito sa pamamagitan ng isang liyanera na ginagamit sa pagluluto ng tinapay. Kung may yupi ang liyanera, ano ang mangyayari sa bawat tinapay na niluto sa liyanerang iyon? Bawat tinapay ay may yupi, o kapintasan. Sa katulad na paraan, namana ng bawat tao ang “yupi” ng di-kasakdalan mula kay Adan. Iyan ang dahilan kung bakit tumatanda at namamatay ang lahat ng tao.—Roma 3:23.
8, 9. (a) Anong hamon ang maliwanag na ibinangon ni Satanas? (b) Bakit hindi agad pinuksa ng Diyos ang mga rebelde?
8 Nang akayin ni Satanas sina Adan at Eva sa pagkakasala laban sa Diyos, siya sa katunayan ay namuno ng isang rebelyon. Hinamon niya ang paraan ng pamamahala ni Jehova. Sa diwa ay sinasabi ni Satanas: ‘Masamang tagapamahala ang Diyos. Nagsisinungaling siya at nagkakait ng mabubuting bagay sa kaniyang mga nasasakupan. Hindi kailangan ng mga tao na pamahalaan sila ng Diyos. Puwede silang magpasiya para sa kanilang sarili kung ano ang mabuti at masama. At mas mapapabuti sila sa ilalim ng aking pamamahala.’ Paano haharapin ng Diyos ang gayong nakaiinsultong akusasyon? Iniisip ng ilan na pinatay na lamang sana ng Diyos ang mga rebelde. Pero masasagot kaya niyan ang hamon ni Satanas? Mapatutunayan ba nito na tama ang paraan ng pamamahala ng Diyos?
9 Ang sakdal na katarungan ni Jehova ay hindi magpapahintulot sa kaniya na patayin agad ang mga rebelde. Ipinasiya niya na kailangan ang panahon para lubusang masagot ang hamon ni Satanas at mapatunayan na sinungaling ang Diyablo. Kaya nagpasiya ang Diyos na pahihintulutan niya ang mga tao na pamahalaan ang kanilang sarili sa loob ng ilang panahon sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas. Tatalakayin sa Kabanata 11 ng aklat na ito kung bakit ginawa iyan ni Jehova at kung bakit pinahintulutan niyang lumipas ang napakahabang panahon bago lutasin ang mga isyung ito. Gayunman, makabubuting pag-isipan natin ito: Tama bang maniwala sina Adan at Eva kay Satanas, na wala pang anumang nagagawang mabuti para sa kanila? Tama bang maniwala sila na si Jehova, na nagkaloob ng lahat ng bagay na taglay nila, ay malupit at sinungaling? Ano ang gagawin mo kung ikaw ang naroroon?
10. Paano mo susuportahan ang panig ni Jehova bilang sagot sa hamon ni Satanas?
10 Mabuting pag-isipan ang mga tanong na ito sapagkat napapaharap ang bawat isa sa atin sa ngayon sa gayunding mga isyu. Oo, may pagkakataon kang suportahan ang panig ni Jehova bilang sagot sa hamon ni Satanas. Maaari mong tanggapin si Jehova bilang iyong Tagapamahala at makatutulong ka para patunayang sinungaling si Satanas. (Awit 73:28; Kawikaan 27:11) Nakalulungkot, iilan lamang sa bilyun-bilyong tao sa daigdig na ito ang nagpapasiyang gawin ito. Nagbabangon ito ng isang mahalagang tanong, Talaga bang itinuturo ng Bibliya na pinamamahalaan ni Satanas ang sanlibutang ito?
SINO ANG NAMAMAHALA SA SANLIBUTANG ITO?
11, 12. (a) Paano isiniwalat ng pagtukso kay Jesus na si Satanas ang tagapamahala ng sanlibutang ito? (b) Ano pa ang nagpapatunay na si Satanas ang tagapamahala ng sanlibutang ito?
11 Hindi kailanman nag-alinlangan si Jesus na si Satanas ang tagapamahala ng sanlibutang ito. Sa isang makahimalang paraan, minsan ay ipinakita ni Satanas kay Jesus “ang lahat ng mga kaharian ng sanlibutan at ang kanilang kaluwalhatian.” Pagkatapos ay nangako si Satanas kay Jesus: “Lahat ng mga bagay na ito ay ibibigay ko sa iyo kung susubsob ka at gagawa ng isang gawang pagsamba sa akin.” (Mateo 4:8, 9; Lucas 4:5, 6) Pag-isipan ito. Magiging isang tukso kaya kay Jesus ang alok na iyan kung hindi si Satanas ang tagapamahala ng mga kahariang ito? Hindi itinanggi ni Jesus na kay Satanas ang lahat ng gobyernong ito sa sanlibutan. Tiyak na itinanggi sana iyan ni Jesus kung hindi si Satanas ang kapangyarihan na nasa likod ng mga ito.
12 Sabihin pa, si Jehova ang Diyos na makapangyarihan-sa-lahat, ang Maylalang ng kamangha-manghang uniberso. (Apocalipsis 4:11) Gayunman, walang sinasabi ang Bibliya na ang Diyos na Jehova o si Jesu-Kristo ang tagapamahala ng sanlibutang ito. Sa katunayan, espesipikong tinukoy ni Jesus si Satanas bilang “ang tagapamahala ng sanlibutang ito.” (Juan 12:31; 14:30; 16:11) Tinukoy pa nga ng Bibliya si Satanas na Diyablo bilang “diyos ng sistemang ito ng mga bagay.” (2 Corinto 4:3, 4) Hinggil sa mananalansang na ito, o Satanas, sumulat ang Kristiyanong apostol na si Juan: “Ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.”—1 Juan 5:19.
KUNG PAANO AALISIN ANG SANLIBUTAN NI SATANAS
13. Bakit kailangan ang isang bagong sanlibutan?
13 Sa bawat lumilipas na taon, ang sanlibutan ay nagiging lalong mapanganib. Namamayani rito ang nagdidigmaang mga hukbo, di-tapat na mga pulitiko, mapagpaimbabaw na relihiyosong mga lider, at pusakal na mga kriminal. Imposible nang mabago ang sanlibutan sa kabuuan. Isinisiwalat ng Bibliya na malapit na ang panahon na papawiin ng Diyos ang napakasamang sanlibutang ito sa kaniyang digmaan ng Armagedon. Ito ang magbibigay-daan sa isang matuwid na bagong sanlibutan.—Apocalipsis 16:14-16.
14. Sino ang pinili ng Diyos na maging Tagapamahala ng Kaniyang Kaharian, at paano ito inihula?
14 Pinili ng Diyos na Jehova si Jesu-Kristo na maging Tagapamahala ng Kaniyang makalangit na Kaharian, o gobyerno. Matagal nang inihula ng Bibliya: “Sa atin ay ipinanganak ang isang bata, sa atin ay ibinigay ang isang anak na lalake; at ang pamamahala ay maaatang sa kaniyang balikat: at ang kaniyang pangalan ay tatawaging . . . Pangulo ng Kapayapaan. Ang paglago ng kaniyang pamamahala at ng kapayapaan ay hindi magkakaroon ng wakas.” (Isaias 9:6, 7, Ang Biblia) May kaugnayan sa gobyernong ito, tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na manalangin: “Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mateo 6:10) Gaya ng makikita natin sa kalaunan sa aklat na ito, malapit nang alisin ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng gobyerno ng sanlibutang ito, at ito mismo ang papalit sa lahat ng pamahalaang ito. (Daniel 2:44) Pagkatapos ay pasasapitin ng Kaharian ng Diyos ang isang paraisong lupa.
MALAPIT NA ANG ISANG BAGONG SANLIBUTAN!
15. Ano ang “bagong lupa”?
15 Tinitiyak sa atin ng Bibliya: “May mga bagong langit at isang bagong lupa na ating hinihintay ayon sa . . . pangako [ng Diyos], at sa mga ito ay tatahan ang katuwiran.” (2 Pedro 3:13; Isaias 65:17) Kung minsan kapag binabanggit ng Bibliya ang “lupa,” tinutukoy nito ang mga tao na nabubuhay sa lupa. (Genesis 11:1) Kaya ang matuwid na “bagong lupa” ay isang lipunan ng mga tao na sinasang-ayunan ng Diyos.
16. Ano ang isang di-matutumbasang regalo mula sa Diyos para sa mga sinasang-ayunan niya, at ano ang dapat nating gawin para tumanggap nito?
16 Nangako si Jesus na sa dumarating na bagong sanlibutan, ang mga sinang-ayunan ng Diyos ay tatanggap ng regalong “buhay na walang hanggan.” (Marcos 10:30) Pakisuyong buklatin ang iyong Bibliya sa Juan 3:16 at 17:3, at basahin kung ano ang sinabi ni Jesus na dapat nating gawin upang tumanggap ng buhay na walang hanggan. Isaalang-alang ngayon mula sa Bibliya ang mga pagpapala na tatamasahin ng mga magiging kuwalipikado para sa kamangha-manghang regalong iyan mula sa Diyos sa dumarating na Paraiso sa lupa.
17, 18. Paano tayo makatitiyak na magkakaroon ng kapayapaan at katiwasayan sa buong lupa?
17 Mawawala na ang kabalakyutan, digmaan, krimen, at karahasan. “Ang balakyot ay mawawala na . . . Ngunit ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa.” (Awit 37:10, 11) Iiral ang kapayapaan dahil ‘patitigilin ng Diyos ang mga digmaan hanggang sa dulo ng lupa.’ (Awit 46:9; Isaias 2:4) Pagkatapos ay “sisibol ang matuwid, at ang kasaganaan ng kapayapaan hanggang sa mawala na ang buwan”—at nangangahulugan iyan ng magpakailanman!—Awit 72:7.
18 Mabubuhay sa katiwasayan ang mga mananamba ni Jehova. Noong panahon ng Bibliya, hangga’t sumusunod ang mga Israelita sa Diyos, tiwasay ang kanilang buhay. (Levitico 25:18, 19) Tunay ngang magiging kapana-panabik na tamasahin ang gayunding katiwasayan sa Paraiso!—Isaias 32:18; Mikas 4:4.
19. Paano natin nalaman na magiging sagana ang pagkain sa bagong sanlibutan ng Diyos?
19 Hindi na magkakaroon ng kakapusan sa pagkain. “Magkakaroon ng saganang butil sa lupa,” ang awit ng salmista. “Sa taluktok ng mga bundok ay mag-uumapaw.” (Awit 72:16) Pagpapalain ng Diyos na Jehova ang kaniyang mga matuwid, at “ang lupa ay tiyak na magbibigay ng bunga nito.”—Awit 67:6.
20. Bakit tayo makatitiyak na magiging paraiso ang buong lupa?
20 Magiging paraiso ang buong lupa. Tatayuan ng magaganda at bagong mga tahanan at hardin ang lupain na dating sinira ng makasalanang mga tao. (Isaias 65:21-24; Apocalipsis 11:18) Sa paglipas ng panahon, ang mga bahagi ng lupa na nasupil na ay palalawakin hanggang sa ang buong globo ay maging kasingganda at kasimbunga ng hardin ng Eden. At tiyak na ‘bubuksan ng Diyos ang kaniyang kamay at sasapatan ang nasa ng bawat bagay na may buhay.’—Awit 145:16.
21. Ano ang nagpapakita na iiral ang kapayapaan sa pagitan ng mga tao at mga hayop?
21 Magkakaroon ng kapayapaan sa pagitan ng mga tao at mga hayop. Kakaing magkakasama ang maiilap at maaamong hayop. Maging ang munting bata ay hindi matatakot sa mga hayop na itinuturing sa ngayon na mapanganib.—Isaias 11:6-9; 65:25.
22. Ano ang mangyayari sa sakit?
22 Mawawala na ang sakit. Bilang Tagapamahala sa makalangit na Kaharian ng Diyos, si Jesus ay gagawa ng mas dakilang pagpapagaling kaysa sa ginawa niya noong siya ay narito sa lupa. (Mateo 9:35; Marcos 1:40-42; Juan 5:5-9) Sa gayon, “walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’ ”—Isaias 33:24; 35:5, 6.
23. Bakit magdudulot ng kagalakan sa ating puso ang pagkabuhay-muli?
23 Bubuhaying muli ang mga namatay nating mahal sa buhay taglay ang pag-asang hindi na sila mamamatay. Bubuhaying muli ang lahat ng natutulog sa kamatayan na nasa alaala ng Diyos. Sa katunayan, “magkakaroon ng pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid.”—Gawa 24:15; Juan 5:28, 29.
24. Ano ang nadarama mo hinggil sa pamumuhay sa Paraiso sa lupa?
24 Isang napakagandang kinabukasan ang naghihintay sa mga nagpapasiyang matuto tungkol sa ating Dakilang Maylalang, ang Diyos na Jehova, at maglingkod sa kaniya! Ang dumarating na Paraiso sa lupa ang tinutukoy ni Jesus nang mangako siya sa manggagawa ng kasamaan na namatay kasama niya: “Makakasama kita sa Paraiso.” (Lucas 23:43) Napakahalaga na matuto tayo nang higit pa tungkol kay Jesu-Kristo, na sa pamamagitan niya ay magiging posible ang lahat ng pagpapalang ito.