KABANATA 10
Dinadalisay ng Hari sa Espirituwal ang mga Tagasunod Niya
1-3. Ano ang ginawa ni Jesus nang makita niyang winawalang-dangal ang templo?
MALAKI ang paggalang ni Jesus sa templo sa Jerusalem dahil alam niya kung saan ito kumakatawan. Matagal na itong sentro ng tunay na pagsamba sa lupa. Pero ang pagsambang iyon—ang pagsamba sa banal na Diyos na si Jehova—ay dapat na malinis at dalisay. Kaya isipin na lang ang nadama niya nang pumunta siya sa templo noong Nisan 10, 33 C.E., at makitang winawalang-dangal ito. Ano ba ang nangyari?—Basahin ang Mateo 21:12, 13.
2 Sa Looban ng mga Gentil, pinagsasamantalahan ng mga sakim na mangangalakal at tagapagpalit ng salapi ang mga mananambang pumupunta roon para maghandog kay Jehova.a “Pinalayas [ni Jesus] ang lahat niyaong mga nagtitinda at bumibili sa templo, at itinaob ang mga mesa ng mga tagapagpalit ng salapi.” (Ihambing ang Nehemias 13:7-9.) Tinuligsa niya ang mga taong iyon dahil ginawa nilang “yungib ng mga magnanakaw” ang bahay ng kaniyang Ama. Sa gayong paraan, ipinakita ni Jesus ang paggalang niya sa templo at sa kinakatawanan nito. Ang pagsamba sa kaniyang Ama ay dapat mapanatiling malinis!
3 Pagkalipas ng ilang siglo, matapos siyang iluklok bilang Mesiyanikong Hari, muling naglinis si Jesus ng isang templo—isa na nagsasangkot sa lahat ng gustong sumamba kay Jehova sa katanggap-tanggap na paraan. Anong templo iyon?
Paglilinis sa “mga Anak ni Levi”
4, 5. (a) Mula 1914 hanggang pasimula ng 1919, paano dinalisay at nilinis ang mga pinahiran? (b) Tapos na ba ang pagdadalisay at paglilinis? Ipaliwanag.
4 Gaya ng nakita natin sa Kabanata 2, matapos iluklok si Jesus noong 1914, dumating siyang kasama ng kaniyang Ama para inspeksiyunin ang espirituwal na templo—ang kaayusan para sa dalisay na pagsamba.b Bilang resulta, nakita ng Hari na kailangang dalisayin at linisin ang mga pinahirang Kristiyano, “ang mga anak ni Levi.” (Mal. 3:1-3) Mula 1914 hanggang pasimula ng 1919, hinayaan ng Tagapagdalisay, si Jehova, na dumanas ang kaniyang bayan ng iba’t ibang pagsubok at problema para madalisay at malinis sila. Nakakatuwa naman at ang mga pinahiran ay nakabangon mula sa matitinding pagsubok—mas malinis na at handang ipakita ang kanilang suporta sa Mesiyanikong Hari!
5 Tapos na ba ang pagdadalisay at paglilinis sa bayan ng Diyos? Hindi. Sa mga huling araw na ito, patuloy na ginagamit ni Jehova ang Mesiyanikong Hari para tulungan ang kaniyang mga tagasunod na maging malinis upang makapanatili sila sa espirituwal na templo. Sa susunod na dalawang kabanata, makikita natin kung paano niya sila dinadalisay pagdating sa mga pamantayang moral at kaayusan ng organisasyon. Pero talakayin muna natin ang tungkol sa espirituwal na paglilinis. Mapatitibay ang ating pananampalataya kung isasaalang-alang natin ang mga ginagawa ni Jesus—kapuwa ang mga nakikita natin at di-nakikita—para mapanatiling malinis ang kaniyang mga tagasunod.
“Manatili Kayong Malinis”
6. May kaugnayan sa mga utos ni Jehova sa mga Judiong tapon, ano ang matututuhan natin tungkol sa espirituwal na kalinisan?
6 Ano ang espirituwal na kalinisan? Para masagot iyan, suriin natin ang sinabi ni Jehova sa mga Judiong tapon nang paalis na sila sa Babilonya noong ikaanim na siglo B.C.E. (Basahin ang Isaias 52:11.) Babalik sila sa Jerusalem, pangunahin na, para itayong muli ang templo at isauli ang tunay na pagsamba. (Ezra 1:2-4) Gusto ni Jehova na iwan ng kaniyang bayan ang lahat ng may kaugnayan sa relihiyon ng Babilonya. Pansinin ang sunod-sunod na utos ni Jehova: “Huwag kayong humipo ng anumang bagay na marumi,” “lumabas kayo mula sa gitna niya,” at “manatili kayong malinis.” Ang dalisay na pagsamba kay Jehova ay hindi puwedeng mabahiran ng huwad na pagsamba. Ano ang itinuturo nito? Mahalagang bahagi ng espirituwal na kalinisan ang pananatiling malaya mula sa mga turo at kaugalian ng huwad na relihiyon.
7. Anong instrumento ang ginagamit ni Jesus para tulungan ang kaniyang mga tagasunod na maging malinis sa espirituwal?
7 Di-nagtagal matapos iluklok si Jesus bilang Hari, naglaan siya ng instrumento para tulungan ang kaniyang mga tagasunod na maging malinis sa espirituwal. Madaling makilala kung ano ang instrumentong ito—ang tapat at maingat na alipin na inatasan ni Kristo noong 1919. (Mat. 24:45) Nang taóng iyon, nalinis na ng mga Estudyante ng Bibliya ang kanilang sarili mula sa maraming huwad na turo ng relihiyon. Pero kailangan pa ng higit na paglilinis sa espirituwal. Sa pamamagitan ng kaniyang tapat na alipin, unti-unting binigyang-liwanag ni Kristo ang kaniyang mga tagasunod tungkol sa mga pagdiriwang at kaugalian na kailangan nilang iwan. (Kaw. 4:18) Talakayin natin ang ilan sa mga ito.
Dapat Bang Magdiwang ng Pasko ang mga Kristiyano?
8. Ano ang matagal nang alam ng mga Estudyante ng Bibliya tungkol sa Pasko? Pero ano ang hindi nila agad naunawaan?
8 Matagal nang alam ng mga Estudyante ng Bibliya na may paganong pinagmulan ang Pasko at hindi Disyembre 25 isinilang si Jesus. Sinabi sa Disyembre 1881 ng Zion’s Watch Tower: “Milyon-milyong pagano ang naging miyembro ng simbahan. Pero ang pagbabago ay kadalasan nang sa katawagan lang, dahil ang paganong mga saserdote ay tinawag lang na kristiyanong pari at ang paganong mga kapistahan ay pinalitan lang ng kristiyanong katawagan—isa sa mga ito ang Pasko.” Noong 1883, sa ilalim ng pamagat na “Kailan Isinilang si Jesus?” binanggit ng Watch Tower na si Jesus ay isinilang noong mga unang araw ng Oktubre.c Pero nang panahong iyon, hindi agad naunawaan ng mga Estudyante ng Bibliya na kailangan nilang huminto sa pagdiriwang ng Pasko. Patuloy itong ipinagdiwang maging ng pamilyang Bethel sa Brooklyn. Pero pagkalipas ng 1926, nagbago ang mga bagay-bagay. Bakit?
9. Dahil sa mas masusing pagsasaliksik, ano ang naunawaan ng mga Estudyante ng Bibliya tungkol sa Pasko?
9 Dahil sa mas masusing pagsasaliksik, naunawaan ng mga Estudyante ng Bibliya na ang pinagmulan ng Pasko at mga kaugaliang kaugnay nito ay lumalapastangan sa Diyos. Sa artikulong “Ang Pinagmulan ng Pasko,” sa Disyembre 14, 1927, ng The Golden Age, binanggit na ang Pasko ay isang paganong pagdiriwang, nakapokus sa kaluguran, at nagsasangkot ng pagsamba sa idolo. Nilinaw sa artikulo na hindi iniutos ni Kristo na ipagdiwang ang Pasko. Deretsahang sinabi ng artikulo: “Dahil tuwang-tuwa ang sanlibutan, ang laman, at ang Diyablo na itaguyod ito at ipagdiwang, nararapat lang na ihinto ng mga lubusang nakaalay sa paglilingkod kay Jehova ang pagdiriwang nito.” Kaya naman mula nang Disyembreng iyon, hindi na kailanman nagdiwang ng Pasko ang pamilyang Bethel!
10. (a) Anong karagdagang paglilinaw tungkol sa Pasko ang ibinigay noong Disyembre 1928? (Tingnan din ang kahong “Pasko, ang Pinagmulan at Layunin Nito.”) (b) Paano binabalaan ang bayan ng Diyos hinggil sa iba pang mga kapistahan at pagdiriwang na dapat nilang iwasan? (Tingnan ang kahong “Inilantad ang Iba Pang mga Kapistahan at Pagdiriwang.”)
10 Nang sumunod na taon, ang mga Estudyante ng Bibliya ay nakatanggap ng karagdagang paglilinaw tungkol sa Pasko. Noong Disyembre 12, 1928, si Brother Richard H. Barber, naglilingkod noon sa punong-tanggapan, ay nagbigay ng isang pahayag sa radyo na naglalantad sa maruruming pinagmulan ng kapistahang ito. Paano tumugon ang bayan ng Diyos sa malinaw na direksiyon mula sa punong-tanggapan? Naaalala pa ni Brother Charles Brandlein nang ihinto ng kanilang pamilya ang pagdiriwang ng Pasko: “Pinanghinayangan ba namin ang paganong mga bagay na iyon? Hinding-hindi! . . . Para lang naming hinubad at itinapon ang isang maruming damit.” Ganiyan din ang pananaw ni Brother Henry A. Cantwell, na nang maglaon ay naglingkod bilang naglalakbay na tagapangasiwa: “Masaya kami na may naisakripisyo kami para patunayan ang pag-ibig namin kay Jehova.” Ang mga tapat na tagasunod ni Kristo ay handang gumawa ng kinakailangang mga pagbabago. Hindi nila gustong maging bahagi ng isang pagdiriwang na nag-ugat sa maruming pagsamba.d—Juan 15:19; 17:14.
11. Paano natin maipakikita ang ating suporta sa Mesiyanikong Hari?
11 Napakahusay ngang halimbawa ng tapat na mga Estudyante ng Bibliya! Habang isinasaisip ito, makabubuting itanong: ‘Ano ang saloobin ko sa mga tagubilin ng tapat at maingat na alipin? Buong-puso ko ba itong tinatanggap at sinusunod?’ Kung kusang-loob tayong susunod, maipakikita natin ang ating suporta sa Mesiyanikong Hari, na gumagamit sa tapat na alipin para maglaan ng napapanahong espirituwal na pagkain.—Gawa 16:4, 5.
Dapat Bang Gumamit ng Krus ang mga Kristiyano?
12. Sa loob ng maraming taon, ano ang pananaw ng mga Estudyante ng Bibliya sa krus?
12 Sa loob ng maraming taon, ang krus ay itinuring ng mga Estudyante ng Bibliya bilang katanggap-tanggap na simbolo ng Kristiyanismo. Alam nilang hindi ito dapat sambahin dahil nauunawaan nilang mali ang idolatriya. (1 Cor. 10:14; 1 Juan 5:21) Noon pa mang 1883, deretsahan nang sinabi ng Watch Tower na “lahat ng idolatriya ay kasuklam-suklam sa Diyos.” Pero naniniwala ang mga Estudyante ng Bibliya na may mga angkop na paggamit ng krus. Halimbawa, buong-pagmamalaki nilang isinusuot ang isang pin na may krus at korona bilang pagkakakilanlan. Para sa kanila, simbolo ito na tatanggap sila ng korona ng buhay kung mananatili silang tapat hanggang kamatayan. Pasimula 1891, lumitaw sa pabalat ng Watch Tower ang simbolong krus at korona.
13. Anong paglilinaw ang tinanggap ng mga tagasunod ni Kristo hinggil sa paggamit ng krus? (Tingnan din ang kahong “Unti-unting Paglilinaw sa Paggamit ng Krus.”)
13 Minahal ng mga Estudyante ng Bibliya ang simbolong krus at korona. Pero noong huling bahagi ng dekada ng 1920, unti-unting naliwanagan ang mga tagasunod ni Kristo hinggil sa paggamit ng krus. Naalala ni Brother Grant Suiter, na naglingkod nang maglaon bilang miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang asamblea noong 1928 sa Detroit, Michigan, E.U.A.: “Ipinaliwanag sa asambleang iyon na ang paggamit ng simbolong krus at korona ay hindi kinakailangan at hindi katanggap-tanggap.” Nang sumunod na mga taon, nadagdagan pa ang mga paglilinaw. Maliwanag na walang dako ang krus sa isang pagsamba na dalisay at malinis sa espirituwal.
14. Paano tumugon ang bayan ng Diyos sa unti-unting paglilinaw na tinanggap nila hinggil sa krus?
14 Paano tumugon ang bayan ng Diyos sa unti-unting paglilinaw na tinanggap nila hinggil sa krus? Patuloy ba silang nanghawakan sa paggamit ng simbolong krus at korona na napamahal na sa kanila? “Nang malaman namin kung saan ito kumakatawan, hindi na kami gumamit nito,” ang sabi ni Lela Roberts, isang matagal nang lingkod ni Jehova. At gaya ng saloobin ng marami, sinabi ng tapat na sister na si Ursula Serenco: “Nalaman namin na ang pinakamamahal naming simbolo ng ating Kristiyanong debosyon at ng kamatayan ng ating Panginoon ay isa palang paganong simbolo. Kaayon ng Kawikaan 4:18, nagpapasalamat kami na ang landas ay lalong nagiging maliwanag.” Ayaw ng tapat na mga tagasunod ni Kristo na maging bahagi ng maruruming kaugalian ng huwad na relihiyon!
15, 16. Paano natin maipakikita na determinado tayong panatilihing malinis ang makalupang looban ng espirituwal na templo ni Jehova?
15 Ganiyan din ang determinasyon natin sa ngayon. Naniniwala tayong may ginagamit si Kristo na isang instrumentong madaling makilala—ang tapat at maingat na alipin—para tulungan ang kaniyang mga tagasunod na manatiling malinis sa espirituwal. Kaya kapag ang tinatanggap nating espirituwal na pagkain ay nagbababala laban sa mga pagdiriwang, kaugalian, o mga kostumbre na may bahid ng huwad na relihiyon, nakikinig tayo at agad na sumusunod. Tulad ng ating mga kapatid na nabuhay noong pasimula ng pagkanaririto ni Kristo, determinado tayong panatilihing malinis ang makalupang mga looban ng espirituwal na templo ni Jehova.
16 Sa mga huling araw na ito, may mga ginagawa rin si Kristo na hindi natin nakikita para protektahan ang mga kongregasyon ng bayan ni Jehova mula sa mga indibiduwal na maaaring sumira sa ating espirituwalidad. Ano ang ginagawa ni Kristo? Tingnan natin.
Ibinubukod “ang mga Balakyot Mula sa mga Matuwid”
17, 18. Sa ilustrasyon tungkol sa lambat na pangubkob, ano ang ibig sabihin ng (a) paghuhulog ng lambat na pangubkob, (b) pagtitipon ng “bawat uri ng isda,” (c) pagtitipon ng maiinam na isda sa mga sisidlan, at (d) pagtatapon ng mga isdang di-karapat-dapat?
17 Binabantayang mabuti ng Haring si Jesu-Kristo ang mga kongregasyon ng bayan ng Diyos sa buong mundo. Si Kristo at ang mga anghel ay may ginagawang pagbubukod, bagaman hindi natin lubusang nauunawaan kung paano. Inilarawan ito ni Jesus sa kaniyang ilustrasyon tungkol sa lambat na pangubkob. (Basahin ang Mateo 13:47-50.) Ano ang ibig sabihin ng ilustrasyong ito?
18 Inihuhulog ang “lambat na pangubkob . . . sa dagat.” Ang lambat na pangubkob ay lumalarawan sa pangangaral ng Kaharian na isinasagawa sa dagat ng sangkatauhan. Tinitipon ang “bawat uri ng isda.” Ang mabuting balita ay nakaaakit sa lahat ng uri ng tao—sa mga nagsisikap para maging tunay na Kristiyano at sa mga interesado sa simula pero hindi naninindigan para sa dalisay na pagsamba.e Tinitipon “ang maiinam sa mga sisidlan.” Ang mga tapat-puso ay tinitipon sa mga kongregasyon, o mga sisidlan, kung saan makapag-uukol sila kay Jehova ng dalisay na pagsamba. Itinatapon “ang mga di-karapat-dapat.” Sa mga huling araw na ito, ibinubukod ni Kristo at ng mga anghel “ang mga balakyot mula sa mga matuwid.”f Bilang resulta, ang mga hindi matuwid ang puso—marahil ang mga ayaw tumalikod sa maling mga paniniwala o kaugalian—ay hindi hinahayaang makapagparumi sa mga kongregasyon.g
19. Ano ang nadarama mo hinggil sa mga ginagawa ni Kristo para maingatan ang kalinisan ng bayan ng Diyos at ang kadalisayan ng tunay na pagsamba?
19 Hindi ba nakapagpapatibay malaman na ipinagsasanggalang ng ating Haring si Jesu-Kristo ang mga nasa ilalim ng kaniyang pangangalaga? At hindi ba nakaaaliw malaman na ang sigasig ni Kristo nang linisin niya ang templo noong unang siglo ay kasing-alab ng sigasig niya ngayon para sa tunay na pagsamba—at para sa mga tunay na mananamba? Talagang nagpapasalamat tayo na patuloy na kumikilos si Kristo para ingatan ang espirituwal na kalinisan ng bayan ng Diyos at ang kadalisayan ng tunay na pagsamba! Maipakikita natin ang ating suporta sa Hari at sa kaniyang Kaharian kung itatakwil natin ang lahat ng may kaugnayan sa huwad na relihiyon.
a Pinapapalitan ng mga dumarayong Judio ang barya nila para sa uri ng salaping tinatanggap na pambayad sa taunang buwis sa templo. Naniningil naman ang mga tagapagpalit ng salapi para sa serbisyo nila. Baka kailangan din ng mga Judio na bumili ng hayop para ihain. Tinawag ni Jesus na “magnanakaw” ang mga mangangalakal dahil malamang na sobra-sobra ang singil nila.
b Ang bayan ni Jehova sa lupa ay sumasamba sa kaniya sa makalupang mga looban ng kaniyang dakilang espirituwal na templo.
c Sinasabi sa artikulo na ang pagsilang kay Jesus sa panahon ng taglamig “ay hindi kasuwato ng ulat na nasa labas ang mga pastol kasama ng kanilang mga kawan.”—Luc. 2:8.
d Sa isang personal na liham na may petsang Nobyembre 14, 1927, isinulat ni Brother Frederick W. Franz: “Hindi kami magpa-Pasko ngayong taon. Nagpasiya ang pamilyang Bethel na hindi na mag-Pasko kahit kailan.” Makalipas ang ilang buwan, sa liham na may petsang Pebrero 6, 1928, isinulat ni Brother Franz: “Unti-unti kaming nililinis ng Panginoon mula sa mga kamalian ng maka-Babilonyang organisasyon ng Diyablo.”
e Pansinin na noong 2013, ang pinakamataas na bilang ng mamamahayag ay 7,965,954, pero ang dumalo sa taunang Memoryal ng kamatayan ni Kristo ay 19,241,252.
f Ang pagbubukod ng maiinam na isda mula sa mga di-karapat-dapat ay iba sa pagbubukod ng mga tupa mula sa mga kambing. (Mat. 25:31-46) Ang pangwakas na hatol, o pagbubukod ng mga tupa mula sa mga kambing, ay magaganap sa malaking kapighatian. Hangga’t hindi pa iyan dumarating, ang mga di-karapat-dapat na isda ay maaari pang manumbalik kay Jehova at matipon sa tulad-sisidlang mga kongregasyon.—Mal. 3:7.
g Sa bandang huli, ang mga di-karapat-dapat ay ihahagis sa maapoy na hurno, na sumasagisag sa kanilang pagkapuksa.