ARALIN 2
Sino ang Diyos?
1. Bakit dapat nating sambahin ang Diyos?
Ang tunay na Diyos ang Maylalang ng lahat. Wala siyang pasimula at hindi siya magkakaroon ng wakas. (Awit 90:2) Sa kaniya galing ang magandang balita na nasa Bibliya. (1 Timoteo 1:11) Dahil ang Diyos ang nagbigay sa atin ng buhay, siya lang ang dapat nating sambahin.—Basahin ang Apocalipsis 4:11.
2. Anong uri siya ng Diyos at ano ang mga katangian niya?
Walang taong nakakita sa Diyos kailanman dahil siya ay isang Espiritu, isang anyo ng buhay na nakahihigit sa mga pisikal na nilalang sa lupa. (Juan 1:18; 4:24) Pero makikita natin sa mga nilalang ng Diyos ang mga katangian niya. Halimbawa, makikita ang pag-ibig at karunungan ng Diyos sa sari-saring prutas at bulaklak na ginawa niya. At ang napakalawak na uniberso ay nagpapatunay na makapangyarihan siya.—Basahin ang Roma 1:20.
Mas makikilala pa natin ang Diyos kung babasahin natin ang Bibliya. Halimbawa, sinasabi nito sa atin kung ano ang gusto at ayaw ng Diyos, kung paano siya nakikitungo sa mga tao, at kung ano ang nagiging reaksiyon niya sa mga ginagawa ng tao.—Basahin ang Awit 103:7-10.
3. May pangalan ba ang Diyos?
Sinabi ni Jesus: “Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang pangalan mo.” (Mateo 6:9) Kahit na maraming titulo ang Diyos, iisa lang ang pangalan niya. Bawat wika ay may kani-kaniyang bigkas sa pangalang iyan. Sa Tagalog, karaniwan nang binibigkas itong “Jehova.” Ang iba naman ay binibigkas itong “Yahweh.”—Basahin ang Awit 83:18.
Ang pangalan ng Diyos ay inalis sa maraming Bibliya at pinalitan ng titulong Panginoon o Diyos. Pero nang isulat ang Bibliya, mga 7,000 ulit na binanggit dito ang pangalan ng Diyos. Ipinakilala ni Jesus sa mga tao ang pangalan ng Diyos noong tinuturuan niya sila tungkol sa Diyos.—Basahin ang Juan 17:26.
Panoorin ang video na May Pangalan Ba ang Diyos?
4. Mahal ba tayo ni Jehova?
Ang pagdurusa ba ng maraming tao ay nagpapakitang hindi tayo mahal ng Diyos na Jehova? Sabi ng iba, nagdurusa tayo dahil sinusubok tayo ng Diyos. Pero hindi totoo iyan.—Basahin ang Santiago 1:13.
Binigyan tayo ng Diyos ng kalayaang magpasiya. Hindi ka ba natutuwa na may kalayaan kang magpasiya na paglingkuran ang Diyos? (Josue 24:15) Pero mas pinipili ng marami na gumawa ng masama sa kapuwa, kaya napakaraming nagdurusa. Nalulungkot si Jehova sa gayong kawalang-katarungan.—Basahin ang Genesis 6:5, 6.
Mahal tayo ng Diyos na Jehova. Gusto niya tayong maging masaya. Di-magtatagal, aalisin niya ang lahat ng pagdurusa pati na ang mga may kagagawan nito. Sa ngayon, pinapayagan niyang mangyari ang pagdurusa, pero may mabuti siyang dahilan. Ipapaliwanag iyan sa Aralin 8.—Basahin ang 2 Pedro 2:9; 3:7, 13.
5. Paano tayo magiging malapít sa Diyos?
Gusto ni Jehova na maging malapít tayo sa kaniya sa pamamagitan ng panalangin. Interesado siya sa bawat isa sa atin. (Awit 65:2; 145:18) Handa siyang magpatawad. Nakikita niyang sinisikap nating gumawa ng mabuti, kahit kung minsan ay nagkakamali tayo. Kaya kahit makasalanan tayo, puwede pa rin tayong maging malapít sa Diyos.—Basahin ang Awit 103:12-14; Santiago 4:8.
Utang natin kay Jehova ang ating buhay, kaya dapat na siya ang mas mahal natin kaysa kaninuman. (Marcos 12:30) Habang ipinapakita mong mahal mo ang Diyos sa pamamagitan ng pagkilala sa kaniya at paggawa ng gusto niya, mas mapapalapít ka sa kaniya.—Basahin ang 1 Timoteo 2:4; 1 Juan 5:3.