PAGTATALO, PAG-AAWAY
Pagtatalo hinggil sa isang usapin.—Deu 17:8; Jer 11:20; 25:31.
Ang Kasulatan ay nagpapayo laban sa pakikipagtalo, o pakikipag-away, nang walang dahilan. (Kaw 3:30) Sinasabi ng kawikaan: “Gaya ng isa na sumusunggab sa mga tainga ng aso ang sinumang dumaraan na ikinagagalit ang pag-aaway na hindi kaniya.” (Kaw 26:17) Ang pananalita ng mga hangal ay agad na umaakay sa kanila sa mga pagtatalo, at ang mga mangmang ay hindi nagpipigil upang makaiwas sa pakikipagtalo. (Kaw 18:6; 20:3) “Ang pagpiga ng galit” ay humahantong sa pag-aaway (Kaw 30:33), samantalang kabaligtaran naman nito ang epekto ng kabagalan sa pagkagalit.—Kaw 15:18.
Ang pag-aaway ay sumisira ng mapayapang kapaligiran (Kaw 17:1) at dahil sa pag-aaway ay maaaring mawalan ng pagpipigil sa sarili kahit ang pinakamaamong tao. Halimbawa, ang pakikipagtalo ng Israel dahil sa kawalan ng tubig sa Kades ang nagtulak kina Moises at Aaron na kumilos nang padalus-dalos, anupat naiwala nila ang pribilehiyong makapasok sa Lupang Pangako. Ang totoo, ang di-makatuwirang pakikipagtalo ng Israel sa mga kinatawan ni Jehova ay pakikipagtalo kay Jehova. (Bil 20:2, 3, 10-13; 27:14; Aw 106:32) Yaong mga nasasangkot sa gayunding pakikipag-away o mararahas na pakikipagtalo sa mga lingkod ng Diyos ay nasa isang napakaselang kalagayan, isa na maaaring humantong sa kamatayan.—Ihambing ang Isa 41:8, 11, 12; 54:17.
Dahil sa masamang epekto ng pakikipag-away, ipinapayo ng kawikaan: “Bago sumiklab ang away, umalis ka na.” (Kaw 17:14) Nagpakita si Abram (Abraham) ng mabuting halimbawa sa bagay na ito. Palibhasa’y ayaw niyang magkaroon ng mga pagtatalo sa pagitan ng kaniyang mga tagapag-alaga ng kawan at niyaong sa kaniyang pamangking si Lot, iminungkahi ni Abram na maghiwalay sila. Walang-pag-iimbot na ibinigay niya kay Lot ang pagkakataong pumili ng dakong mapagpapastulan nito ng mga hayop. (Gen 13:7-11) Sa kabilang dako, ang di-tapat na mga Israelita noong panahon ni Isaias ay hindi gumawi na katulad ng kanilang ninunong si Abraham. Sinasabi tungkol sa kanila: “Para sa pag-aaway at pagtatalo ay nag-aayuno kayo.” Kahit sa panahon ng pag-aayuno ay nag-aaway sila.—Isa 58:4.
Ang Kautusang Mosaiko ay may binabanggit tungkol sa mga kaso ng pag-aaway na nagdulot ng pinsala sa katawan. Itinakda nito ang pagbibigay ng kaukulang kabayaran sa napinsala para sa panahong nawala sa kaniyang pagtatrabaho.—Exo 21:18, 19.
Pagbubulung-bulungan. Ang pagbubulung-bulungan ay nakapanghihina ng loob at nakapipinsala. Hindi pa natatagalan pagkaalis sa Ehipto, nagbulung-bulungan ang mga Israelita laban kay Jehova, anupat hinahanapan nila ng pagkakamali ang pangungunang inilaan niya sa pamamagitan ng kaniyang mga lingkod na sina Moises at Aaron. (Exo 16:2, 7) Nang maglaon, gayon na lamang ang panghihina ng loob ni Moises dahil sa kanilang mga reklamo kung kaya hiniling niyang mamatay na siya. (Bil 11:13-15) Ang pagbubulung-bulungan ay maaaring magsapanganib sa buhay ng isang mapagbulong. Para kay Jehova, ang mga bagay na sinabi ng mga mapagbulong tungkol kay Moises ay isang mapaghimagsik na reklamo laban sa Kaniyang sariling pangunguna bilang Diyos. (Bil 14:26-30) Marami ang namatay dahil sa pamimintas.
Alinsunod dito, ginagamit ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ang sinaunang mga halimbawa upang magbabala hinggil sa pagiging mapaminsala ng pagbubulung-bulungan, o pagrereklamo. (1Co 10:10, 11) Binanggit ni Judas ang tungkol sa mga “nagwawalang-halaga sa pagkapanginoon at nagsasalita nang may pang-aabuso tungkol sa mga maluwalhati,” anupat inilarawan niya ang mga ito bilang “mga mapagbulong, mga reklamador tungkol sa kanilang kalagayan sa buhay, lumalakad ayon sa kanilang sariling mga pagnanasa, at ang kanilang mga bibig ay nagsasalita ng mapagmalaking mga bagay, habang sila ay humahanga sa mga personalidad alang-alang sa kanilang sariling kapakinabangan.”—Jud 8, 16.
Hinatulan ni Jesus ang mapamintas na saloobin nang kaniyang sabihin: “Huwag na kayong humatol upang hindi kayo mahatulan. Kung gayon, bakit mo tinitingnan ang dayami sa mata ng iyong kapatid, ngunit hindi mo isinasaalang-alang ang tahilan sa iyong sariling mata? . . . Mapagpaimbabaw! Alisin mo muna ang tahilan mula sa iyong sariling mata, at kung magkagayon ay makikita mo nang malinaw kung paano aalisin ang dayami mula sa mata ng iyong kapatid.”—Mat 7:1, 3-5; ihambing ang Ro 2:1.
Tingnan din ang HIDWAAN.