ARALING ARTIKULO 33
Pagkabuhay-Muli—Patunay ng Pag-ibig, Karunungan, at Pagtitiis ng Diyos
“Bubuhaying muli [ang mga patay].”—GAWA 24:15.
AWIT 151 Tatawag Siya
NILALAMANa
1. Bakit lumalang si Jehova?
MAY panahong nag-iisa lang si Jehova. Pero hindi siya malungkot. Hindi niya kailangan ng kasama para maging masaya. Pero gusto niyang may iba pang mabuhay at maging masaya. Dahil sa pag-ibig, nagsimulang lumalang si Jehova.—Awit 36:9; 1 Juan 4:19.
2. Ano ang naramdaman ni Jesus at ng mga anghel nang lalangin ni Jehova ang iba pang mga bagay?
2 Una, nilalang ni Jehova ang kaniyang Anak na si Jesus. Pagkatapos, sa pamamagitan ni Jesus, “nilalang ang lahat ng iba pang bagay,” kasama na ang milyon-milyong anghel. (Col. 1:16) Tuwang-tuwa si Jesus na maging kamanggagawa ng kaniyang Ama. (Kaw. 8:30) At masayang-masaya rin ang mga anghel. Kitang-kita nila nang gawin ni Jehova at ng kaniyang Dalubhasang Manggagawa na si Jesus ang langit at lupa. Ano ang ginawa ng mga anghel? “Sumigaw [sila] ng papuri” nang lalangin ang lupa, at tiyak na patuloy nilang pinupuri si Jehova sa bawat paglalang niya kasama na ang kaniyang obra maestra, ang tao. (Job 38:7; Kaw. 8:31, tlb.) Makikita sa bawat nilalang na ito ang pag-ibig at karunungan ni Jehova.—Awit 104:24; Roma 1:20.
3. Ayon sa 1 Corinto 15:21, 22, ano ang nagagawa ng haing pantubos ni Jesus?
3 Gusto ni Jehova na mabuhay ang mga tao magpakailanman sa magandang planetang nilalang niya. Nang magrebelde sina Adan at Eva sa kanilang mapagmahal na Ama, naging alipin ng kasalanan at kamatayan ang mga tao. (Roma 5:12) Ano ang ginawa ni Jehova? Agad niyang sinabi kung paano niya ililigtas ang mga tao. (Gen. 3:15) Maglalaan si Jehova ng isang pantubos para makalaya ang mga anak nina Adan at Eva mula sa kasalanan at kamatayan. Pagkatapos, ang sinumang magpapasiyang maglingkod sa Kaniya ay tatanggap ng buhay na walang hanggan.—Juan 3:16; Roma 6:23; basahin ang 1 Corinto 15:21, 22.
4. Anong mga tanong ang tatalakayin sa artikulong ito?
4 Nagkaroon ng maraming tanong tungkol sa pangako ng Diyos na pagkabuhay-muli. Halimbawa, paano kaya mangyayari ang pagkabuhay-muli? Makikilala kaya natin ang mga mahal natin sa buhay kapag binuhay silang muli? Anong kagalakan ang ibibigay sa atin ng pagkabuhay-muli? At paano nakakatulong ang pagbubulay-bulay tungkol sa pagkabuhay-muli para makita natin ang pag-ibig, karunungan, at pagtitiis ni Jehova? Isa-isahin natin ang mga tanong na iyan.
PAANO KAYA MANGYAYARI ANG PAGKABUHAY-MULI?
5. Bakit makatuwirang isipin na hindi sabay-sabay bubuhayin ang mga patay?
5 Kapag binuhay na ni Jehova ang milyon-milyon sa pamamagitan ng kaniyang Anak, makatuwiran lang na isiping hindi niya sila bubuhayin nang sabay-sabay. Bakit? Dahil kung biglang dadami ang tao sa lupa, malamang na magdulot ito ng kaguluhan. At hinding-hindi ito gagawin ni Jehova. Alam niyang kailangang maging organisado ang mga bagay-bagay para manatili ang kapayapaan. (1 Cor. 14:33) Naging matalino at matiisin ang Diyos na Jehova habang magkasama silang gumagawa ni Jesus. Unti-unti nilang inihanda ang lupa bago lalangin ang tao. Ganiyan din ang mga katangiang ipapakita ni Jesus sa loob ng Sanlibong-Taóng Paghahari niya kasama ng mga nakaligtas sa Armagedon. Ihahanda nila ang lupa para sa mga bubuhaying muli.
6. Ayon sa Gawa 24:15, sino ang kabilang sa mga bubuhaying muli ni Jehova?
6 Ang pinakamahalaga, ang mga bubuhaying muli ay tuturuan ng mga makakaligtas sa Armagedon tungkol sa Kaharian ng Diyos at sa mga kahilingan ni Jehova. Bakit? Dahil karamihan sa mga bubuhaying muli ay kabilang sa mga “di-matuwid.” (Basahin ang Gawa 24:15.) Kailangan nilang gumawa ng maraming pagbabago para makinabang sa pantubos ni Kristo. Isip-isipin na lang kung gaano kalaki ang gawain ng pagtuturo sa milyon-milyon na wala pang kaalaman tungkol kay Jehova. Magkakaroon kaya ng kani-kaniyang tagapagturo ang bawat tao gaya ng ginagawa natin ngayon kapag nagba-Bible study tayo? Ia-assign kaya sila sa mga kongregasyon at sasanaying magturo sa susunod na mga bubuhaying muli? Hindi pa natin alam. Pero alam natin na sa katapusan ng Sanlibong-Taóng Paghahari ni Kristo, “ang lupa ay tiyak na mapupuno ng kaalaman tungkol kay Jehova.” (Isa. 11:9) Tiyak na magiging abala pero masaya ang isang libong taóng ito!
7. Bakit magiging maunawain ang mga lingkod ng Diyos kapag nagtuturo sa mga binuhay-muli?
7 Sa loob ng Sanlibong-Taóng Paghahari ni Kristo, ang lahat ng lingkod ni Jehova sa lupa ay patuloy na gagawa ng mga pagbabago para mapasaya siya. Kaya lahat sila ay magiging maunawain habang tinutulungan nila ang mga binuhay-muli na mapaglabanan ang kanilang tendensiyang magkasala at mamuhay ayon sa mga pamantayan ni Jehova. (1 Ped. 3:8) Siguradong mapapalapít ang mga binuhay-muling ito sa mga mapagpakumbabang lingkod ni Jehova na ‘ginagawa rin ang buong makakaya nila para maligtas.’—Fil. 2:12.
MAKIKILALA KAYA NATIN ANG MGA BUBUHAYING MULI?
8. Bakit makatuwirang isipin na makikilala natin ang mga mahal natin sa buhay na binuhay-muli?
8 Maraming dahilan para isiping makikilala natin ang mga mahal natin sa buhay na binuhay-muli. Halimbawa, batay sa mga pagkabuhay-muli noon, lumilitaw na muling lalalangin ni Jehova ang mga tao para ibalik ang kanilang hitsura at paraan ng pagsasalita at pag-iisip na gaya rin noong bago sila mamatay. Tandaan, itinulad ni Jesus ang kamatayan sa pagtulog at ang pagkabuhay-muli sa paggising. (Mat. 9:18, 24; Juan 11:11-13) Kapag nagising ang mga tao, ang kanilang hitsura, pagsasalita, at pag-iisip ay katulad din noong bago sila matulog. Tingnan ang nangyari kay Lazaro. Apat na araw na siyang patay kaya nagsisimula nang maagnas ang katawan niya. Pero noong buhayin siya ni Jesus, nakilala agad siya ng mga kapatid niya, at tiyak na nakilala rin sila ni Lazaro.—Juan 11:38-44; 12:1, 2.
9. Bakit hindi natin aasahang perpekto na ang mga bubuhaying muli?
9 Talakayin natin ang ikalawang dahilan. Nangako si Jehova na sa Paraiso, walang magsasabi: “May sakit ako.” (Isa. 33:24; Roma 6:7) Kaya ang mga bubuhaying muli ay magkakaroon ng malusog na katawan. Pero hindi agad sila magiging perpekto. Dahil kung perpekto na sila, baka hindi sila makilala ng mga mahal nila sa buhay. Lumilitaw na ang lahat ng tao ay unti-unting magiging perpekto sa loob ng Sanlibong-Taóng Paghahari ni Kristo. Pagkatapos ng isang libong taon, ibabalik ni Jesus sa kaniyang Ama ang Kaharian. Sa panahong ito, tapós na ang gawain ng Kaharian, kasama na ang layunin ni Jehova na gawing perpekto ang mga tao.—1 Cor. 15:24-28; Apoc. 20:1-3.
ANONG KAGALAKAN ANG IBIBIGAY SA ATIN NG PAGKABUHAY-MULI?
10. Ano kaya ang magiging epekto sa iyo ng pagkabuhay-muli?
10 Isipin ang mararamdaman mo kapag nakita mo ulit ang iyong mga mahal sa buhay. Mapapatalon ka ba sa tuwa o maiiyak? Mapapaawit ka ba para kay Jehova? Isang bagay ang sigurado, lalo mong iibigin ang iyong mapagmahal na Ama at ang kaniyang mapagsakripisyong Anak dahil sa napakagandang regalong ito na pagkabuhay-muli.
11. Ayon sa Juan 5:28, 29, ano ang mararanasan ng mga sumusunod sa matuwid na mga pamantayan ng Diyos?
11 Isipin na lang ang kagalakan ng mga binuhay-muli habang hinuhubad nila ang lumang personalidad at namumuhay ayon sa matuwid na mga pamantayan ng Diyos. Ang gumagawa ng mga pagbabagong ito ay mabubuhay magpakailanman sa Paraiso. At hindi hahayaan ng Diyos na manggulo doon ang mga nagrerebelde sa kaniya.—Isa. 65:20; basahin ang Juan 5:28, 29.
12. Sa anong paraan pagpapalain ni Jehova ang mga nasa lupa?
12 Kapag namamahala na ang Kaharian, mararanasan ng mga lingkod ng Diyos ang sinasabi sa Kawikaan 10:22: “Ang pagpapala ni Jehova ang nagpapayaman, at hindi niya iyon dinaragdagan ng kirot.” Sa tulong ng espiritu ni Jehova, ang mga lingkod ng Diyos ay magiging mayaman sa espirituwal. Ibig sabihin, mas magiging kagaya sila ni Kristo hanggang sa maging perpekto sila. (Juan 13:15-17; Efe. 4:23, 24) Araw-araw, mararamdaman nilang lumalakas sila at nagiging mas mabuting tao. Napakaganda ng magiging buhay nila doon! (Job 33:25) Kapag pinag-iisipan mo ang tungkol sa pagkabuhay-muli, paano ito nakakatulong sa iyo?
MAHAL TAYO NI JEHOVA
13. Paano pinapatunayan ng pagkabuhay-muli kung gaano tayo kakilala ni Jehova gaya ng sinasabi sa Awit 139:1-4?
13 Gaya ng natalakay na natin, kapag binuhay ni Jehova ang mga tao, ibabalik niya ang memorya nila at personalidad. Ano ang ipinapakita nito? Ipinapakita nitong mahal na mahal ka ni Jehova at tinatandaan niya ang lahat ng iyong iniisip, nararamdaman, sinasabi, at ginagawa. Kaya kung bubuhayin kang muli, madali niyang maibabalik ang iyong memorya, ugali, at personalidad. Alam ni Haring David kung gaano kainteresado si Jehova sa bawat isa sa atin. (Basahin ang Awit 139:1-4.) Ano ang nararamdaman natin ngayong alam na natin kung gaano tayo kakilala ni Jehova?
14. Ano ang dapat nating maramdaman kapag pinag-iisipan natin kung gaano tayo kakilala ni Jehova?
14 Kapag pinag-iisipan natin kung gaano tayo kakilala ni Jehova, hindi tayo dapat mag-alala. Bakit? Tandaan na mahal na mahal tayo ni Jehova. Napakahalaga sa kaniya ng bawat isa sa atin. Tinatandaan niya ang mga karanasang humuhubog sa ating pagkatao. Talagang nakakapagpatibay iyan! Hinding-hindi tayo nag-iisa. Sa bawat minuto ng bawat araw, kasama natin si Jehova at lagi siyang naghahanap ng pagkakataon para tulungan tayo.—2 Cro. 16:9.
MARUNONG SI JEHOVA
15. Paano pinapatunayan ng pagkabuhay-muli na marunong si Jehova?
15 Ang pagkatakot sa kamatayan ay isang mabisang sandata. Ginagamit ito ng mga kampon ni Satanas para pilitin ang mga tao na magtaksil sa kanilang mga kaibigan o makipagkompromiso. Pero hindi nila tayo mapipilit. Alam natin na patayin man tayo ng mga kaaway, bubuhayin naman tayo ni Jehova. (Apoc. 2:10) Kumbinsido tayo na wala silang magagawa para ihiwalay tayo kay Jehova. (Roma 8:35-39) Talagang marunong si Jehova sa pagbibigay sa atin ng pag-asang pagkabuhay-muli! Dahil dito, nawalan ng saysay ang isa sa pinakamabisang sandata ni Satanas at nagkaroon tayo ng lakas ng loob na manatiling tapat kay Jehova.
16. Ano ang kailangan mong itanong sa iyong sarili, at paano ka matutulungan ng mga sagot dito para malaman kung gaano kalaki ang tiwala mo kay Jehova?
16 Kapag pinagbantaan kang patayin ng mga kaaway ni Jehova, ipagkakatiwala mo ba sa kaniya ang buhay mo? Paano mo malalaman na kaya mong gawin iyan? Tanungin ang sarili, ‘Ipinapakita ba ng maliliit na desisyong ginagawa ko araw-araw na nagtitiwala ako kay Jehova?’ (Luc. 16:10) Puwede mo ring itanong, ‘Ipinapakita ba ng paraan ng pamumuhay ko na nagtitiwala ako sa pangako ni Jehova na siya ang magbibigay ng mga pangangailangan ko kung uunahin ko ang Kaharian niya?’ (Mat. 6:31-33) Kung oo ang sagot mo sa mga tanong na iyan, pinapatunayan mong nagtitiwala ka kay Jehova at magiging handa ka sa anumang pagsubok na darating sa buhay mo.—Kaw. 3:5, 6.
MATIISIN SI JEHOVA
17. (a) Paano ipinapakita ng pagkabuhay-muli na matiisin si Jehova? (b) Paano natin maipapakita ang pasasalamat sa pagiging matiisin ni Jehova?
17 May takdang araw at oras si Jehova kung kailan niya wawakasan ang masamang sistemang ito. (Mat. 24:36) Magtitiis siya hanggang sa panahong iyon kahit gustong-gusto na niyang buhayin ang mga patay. (Job 14:14, 15) Hinihintay niya ang takdang panahon ng pagbuhay-muli sa kanila. (Juan 5:28) Marami tayong dahilan para pasalamatan ang pagtitiis ni Jehova. Isipin ito: Dahil matiisin si Jehova, maraming tao, kasama na tayo, ang nagkaroon ng panahon para “magsisi.” (2 Ped. 3:9) Gusto ni Jehova na hangga’t maaari, maraming tao ang magkaroon ng pagkakataong mabuhay nang walang hanggan. Kaya ipakita nating nagpapasalamat tayo sa kaniyang pagiging matiisin. Paano? Maging masigasig sa paghahanap sa mga taong “nakaayon sa buhay na walang hanggan” at tulungan silang ibigin at paglingkuran si Jehova. (Gawa 13:48) Sa paggawa nito, makikinabang din sila sa pagiging matiisin ni Jehova gaya natin.
18. Bakit dapat tayong maging matiisin sa iba?
18 Matiyagang maghihintay si Jehova hanggang sa matapos ang isang libong taon bago niya asahang maging perpekto tayo. Hangga’t hindi pa dumarating ang panahong iyon, handang palampasin ni Jehova ang ating mga kasalanan. Kaya dapat lang na hanapin natin ang magagandang katangian ng iba at maging matiisin sa kanila. Tingnan natin ang halimbawa ng isang sister. Ang asawa niya ay nagkaroon ng matinding anxiety attack at hindi na dumadalo sa pulong. “Napakahirap nito para sa akin,” ang sabi niya. “Nasirang lahat ang mga plano namin bilang pamilya.” Pero naging matiisin pa rin ang mapagmahal na sister na ito sa asawa niya. Umasa siya kay Jehova at hindi kailanman sumuko. Gaya ni Jehova, hindi siya nagpokus sa problema kundi sa magagandang katangian ng asawa niya. Sinabi niya, “May magagandang katangian ang asawa ko at nagsisikap siyang maka-recover nang paunti-unti.” Napakahalaga ngang maging matiisin tayo sa ating mga kapamilya o kakongregasyon na nagsisikap makayanan ang mga problema!
19. Ano ang determinado nating gawin?
19 Masayang-masaya si Jesus at ang mga anghel nang lalangin ang lupa. Pero isipin na lang kung gaano sila kasaya na makitang ang lupa ay punô ng perpektong tao na umiibig at naglilingkod kay Jehova. Isipin din kung gaano kasaya ang mga pupunta sa langit at mamamahalang kasama ni Kristo habang nakikita nilang nakikinabang sa kanilang mga gawa ang mga tao. (Apoc. 4:4, 9-11; 5:9, 10) Isipin ang buhay kapag napalitan na ng mga luha ng kagalakan ang mga luha ng pagdurusa at kapag wala nang sakit, lungkot, at kamatayan. (Apoc. 21:4) Hangga’t wala pa ito, maging determinado na tularan ang ating mapagmahal, marunong, at matiising Ama. Kapag ginawa mo iyan, mananatili ang iyong kagalakan anuman ang pagsubok na dumating sa buhay mo. (Sant. 1:2-4) Talagang nagpapasalamat tayo sa pangako ni Jehova na “bubuhaying muli [ang mga patay]”!—Gawa 24:15.
AWIT 141 Ang Regalong Buhay
a Si Jehova ay isang mapagmahal, marunong, at matiising Ama. Makikita natin ang mga katangiang iyan sa paglalang niya sa lahat ng bagay at sa pangako niya na buhaying muli ang mga patay. Tatalakayin sa artikulong ito ang ilang tanong tungkol sa pagkabuhay-muli at kung bakit masasabing patunay ito ng pag-ibig, karunungan, at pagtitiis ni Jehova.
b LARAWAN: Isang lalaking American Indian na namatay daan-daang taon na ang nakakaraan ang binuhay-muli sa Paraiso. Isang brother na nakaligtas sa Armagedon ang masayang nagtuturo sa binuhay-muling lalaki tungkol sa mga kailangan niyang gawin para makinabang sa pantubos ni Kristo.
c LARAWAN: Sinasabi ng isang brother sa amo niya na may mga araw sa loob ng isang linggo na hindi siya puwedeng mag-overtime. Ipinapaliwanag niya na ang mga araw na iyon ay inilaan niya para sa pagsamba kay Jehova. Pero sa ibang mga araw, puwede siyang mag-overtime.