ARALING ARTIKULO 6
Ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Awtor Nito
“Isulat mo sa isang aklat ang lahat ng sasabihin ko sa iyo.”—JER. 30:2.
AWIT 96 Ang Aklat ng Diyos—Isang Kayamanan
NILALAMANa
1. Bakit ipinagpapasalamat mo na mayroon kang Bibliya?
TALAGANG ipinagpapasalamat natin sa Diyos na Jehova ang Bibliya! Sa pamamagitan nito, binibigyan niya tayo ng magagandang payo na tutulong sa atin kapag may mga problema tayo. Binibigyan din niya tayo ng magandang pag-asa sa hinaharap. Higit sa lahat, ginagamit ni Jehova ang Bibliya para ipakita sa atin ang mga katangian niya. Habang pinag-iisipan natin ang magagandang katangian niya, naaantig nito ang puso natin at napapakilos tayo na lumapit sa ating Diyos para maging kaibigan niya.—Awit 25:14.
2. Sa anong mga paraan ipinakilala ni Jehova ang sarili niya sa mga tao?
2 Gusto ni Jehova na makilala siya ng mga tao. Noon, ginagamit ni Jehova ang mga panaginip, pangitain, at kahit ang mga anghel para ipakilala ang sarili niya. (Bil. 12:6; Gawa 10:3, 4) Pero paano natin malalaman ang tungkol sa mga panaginip, pangitain, o mensahe mula sa mga anghel kung hindi ito isusulat? Kaya naman, gumamit si Jehova ng mga lalaki para ‘isulat sa isang aklat’ ang mga gusto niyang malaman natin. (Jer. 30:2) Makakatiyak tayo na ito ang pinakamahusay na paraan para makilala siya at matuto sa kaniya, dahil “ang daan ng tunay na Diyos ay perpekto.”—Awit 18:30.
3. Paano iningatan ni Jehova ang Bibliya? (Isaias 40:8)
3 Basahin ang Isaias 40:8. Libo-libong taon nang nagbibigay ng mahuhusay na payo ang Salita ng Diyos sa tapat na mga lalaki at babae. Paano iyan naging posible? Ang totoo, isinulat ang Kasulatan sa mga materyales na nasisira, matagal na matagal na panahon na. Kaya wala ka nang makikitang orihinal na kopya nito ngayon. Pero tiniyak ni Jehova na makakagawa ng mga kopya nito. Kahit hindi perpekto ang mga tagakopya, naging sobrang ingat nila sa pagkopya. Halimbawa, tungkol sa Hebreong Kasulatan, isang iskolar ang sumulat: “Hindi kalabisang sabihin na walang ibang sinaunang akda ang naitawid sa atin nang may gayong katumpakan.” Kaya kahit matagal na panahon na ang lumipas, nasisira ang mga materyales na ginamit, at hindi perpekto ang mga tagakopya, makakapagtiwala pa rin tayo na ang mga nababasa natin sa Bibliya ay ang kaisipan ni Jehova, ang Awtor nito.
4. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?
4 Si Jehova ang Pinagmumulan ng ‘bawat mabuting kaloob at bawat perpektong regalo.’ (Sant. 1:17) Ang Bibliya ang isa sa pinakamagandang regalo ni Jehova sa atin. Ang isang regalo ay may sinasabi tungkol sa nagbigay nito—na kilala niya tayo at alam niya ang mga pangangailangan natin. Totoo rin iyan sa nagbigay sa atin ng Bibliya. Kapag sinuri nating mabuti ang regalong ito, marami tayong matututuhan tungkol kay Jehova. Malalaman natin na kilalang-kilala niya tayo at alam niya ang mga pangangailangan natin. Sa artikulong ito, tatalakayin natin kung paano makikita sa Bibliya ang tatlong katangian ni Jehova: karunungan, katarungan, at pag-ibig. Talakayin muna natin kung paano ipinapakita ng Bibliya ang karunungan ng Diyos.
MAKIKITA SA BIBLIYA ANG KARUNUNGAN NG DIYOS
5. Paano makikita sa Bibliya ang karunungan ng Diyos?
5 Alam ni Jehova na kailangan natin ng mahusay na payo. At ang regalo niya, ang Bibliya, ay puno ng karunungan niya. May magandang epekto sa mga tao ang payo ng Bibliya. Kaya nitong baguhin ang buhay ng mga tao. Nang isulat ni Moises ang mga unang aklat ng Bibliya, sinabi niya sa bayan ng Diyos, ang mga Israelita: “Mahalaga ang salitang ito; nakasalalay rito ang inyong buhay.” (Deut. 32:47) Naging matagumpay at masaya ang buhay ng mga sumunod sa Kasulatan. (Awit 1:2, 3) Kahit matagal nang isinulat ang Salita ng Diyos, may kapangyarihan pa rin itong baguhin ang buhay ng mga tao. Halimbawa, sa seryeng “Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay” sa jw.org, mababasa natin ang mahigit 50 karanasan ng mga tao na nakagawa ng malalaking pagbabago sa buhay nila dahil sinunod nila ang payo ng Bibliya.—1 Tes. 2:13.
6. Bakit natin masasabing walang-katulad na aklat ang Bibliya?
6 Walang ibang aklat na gaya ng Salita ng Diyos. Bakit natin nasabi iyan? Dahil ang Awtor nito, ang Diyos na Jehova, ay Makapangyarihan-sa-Lahat, walang hanggan, at di-mapapantayan ang karunungan niya. Maraming aklat ang mababasa pa rin kahit patay na ang mga awtor nito. Pero paglipas ng panahon, kadalasan nang hindi na magagamit ang payo ng mga aklat na ito. Ibang-iba ang mga prinsipyo sa Bibliya; lagi itong maaasahan. Nakatulong ito sa mga tao na nabuhay sa iba’t ibang panahon. Habang binabasa natin ang sagradong aklat na ito at binubulay-bulay ang mga natututuhan natin, ginagamit ng Awtor nito ang banal na espiritu niya para tulungan tayong makita kung paano natin masusunod ang mga payo ng Bibliya. (Awit 119:27; Mal. 3:16; Heb. 4:12) Oo, gustong-gusto kang tulungan ng Awtor ng Bibliya, na hindi kailanman mamamatay. Hindi ba’t napapakilos tayo niyan na laging basahin ang Bibliya?
7. Paano pinagkaisa ng Bibliya ang bayan ng Diyos noon?
7 Makikita rin sa Bibliya ang karunungan ng Diyos dahil natutulungan nito ang bayan ng Diyos na magkaisa. Nang pumasok ang mga Israelita sa Lupang Pangako, tumira sila sa iba’t ibang bahagi ng lupain. Mayroon ding naging mga mangingisda, tagapag-alaga ng hayop, at magsasaka. Kaya posibleng ang mga Israelita lang na naninirahan sa isang lugar ang magtulungan at makalimutan na nila ang iba pang Israelita na nasa ibang bahagi ng bansa. Pero isinaayos ni Jehova na magtipong sama-sama ang mga Israelita sa iba’t ibang kapistahan para marinig nila na binabasa at ipinapaliwanag ang kaniyang nasusulat na Salita. (Deut. 31:10-13; Neh. 8:2, 8, 18) Isip-isipin ang mararamdaman ng isang tapat na Israelita pagdating niya sa Jerusalem at makita ang milyon-milyong kapuwa mananamba niya mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa! Sa ganitong paraan, tinutulungan sila ni Jehova na manatiling nagkakaisa. Nang maglaon, nabuo ang kongregasyong Kristiyano. Magkakaiba ang wika ng mga Kristiyanong ito, pati na ang kalagayan nila sa buhay. May mga prominente, at ang iba naman ay ordinaryong tao lang. Pero dahil mahal nila ang Kasulatan, nagkakaisa sila sa pagsamba sa tunay na Diyos. Maiintindihan lang ng mga bagong mananampalataya ang Salita ng Diyos sa tulong ng ibang mga kapatid at kapag nakikipagsamahan sila sa kanila.—Gawa 2:42; 8:30, 31.
8. Paano pinagkakaisa ng Bibliya ang bayan ni Jehova sa ngayon?
8 Ginagamit pa rin ng ating marunong na Diyos hanggang ngayon ang Bibliya para turuan at pagkaisahin ang bayan niya. Dito nanggagaling ang espirituwal na pagkaing tinatanggap natin. Regular tayong nagtitipon sa ating mga pulong, asamblea, at kombensiyon para marinig nating binabasa, ipinapaliwanag, at tinatalakay ang Kasulatan. Kaya napakahalaga ng papel ng Bibliya para matupad ang layunin ni Jehova na “maglingkod sa kaniya nang balikatan” ang mga mananamba niya.—Zef. 3:9.
9. Anong katangian ang kailangan para maunawaan ang mensahe ng Bibliya? (Lucas 10:21)
9 Tingnan ang isa pang ebidensiya ng karunungan ni Jehova. Maraming bahagi ng Kasulatan ang isinulat sa paraan na mga taong mapagpakumbaba lang ang makakaunawa. (Basahin ang Lucas 10:21.) Nababasa ng maraming tao ang Bibliya. Sinabi ng isang iskolar na kumpara sa ibang mga aklat, mas maraming tao ang nagbabasa ng Bibliya at mas binabasa nila itong mabuti. Pero mga mapagpakumbaba lang ang talagang nakakaunawa at sumusunod sa sinasabi ng Bibliya.—2 Cor. 3:15, 16.
10. Paano pa makikita sa Bibliya ang karunungan ni Jehova?
10 May isa pang paraan para makita ang karunungan ni Jehova sa Bibliya. Ginagamit ni Jehova ang Kasulatan, hindi lang para turuan tayo bilang grupo, kundi para turuan tayo at patibayin bilang indibidwal. Kapag binabasa natin ang Salita ni Jehova, makikita natin na interesado siya sa bawat isa sa atin. (Isa. 30:21) Kapag may problema ka, madalas ba na nakakabasa ka ng isang talata sa Bibliya na para bang isinulat para sa iyo? Pero ang totoo, isinulat ang Bibliya para sa milyon-milyong tao. Paano nangyaring hindi naluluma ang impormasyon dito at eksaktong-eksakto sa pangangailangan mo? Naging posible lang ito dahil ang Awtor ng Bibliya ang pinakamarunong sa uniberso.—2 Tim. 3:16, 17.
MAKIKITA SA BIBLIYA ANG KATARUNGAN NG DIYOS
11. Paano ipinakita ng Diyos na hindi siya nagtatangi nang ipasulat niya ang Bibliya?
11 Ang isa pa sa mga katangian ni Jehova ay katarungan. (Deut. 32:4) Iniuugnay ang katarungan sa hindi pagtatangi, at hindi nagtatangi si Jehova. (Gawa 10:34, 35; Roma 2:11) Ang hindi pagtatangi ni Jehova ay makikita sa mga wikang ginamit para isulat ang Bibliya. Ang unang 39 na aklat ng Bibliya ay halos isinulat sa wikang Hebreo, kasi ito ang wikang naiintindihan ng bayan ng Diyos nang panahong iyon. Pero noong unang siglo C.E., wikang Griego na ang karaniwang ginagamit ng mga tao. Kaya ang huling 27 aklat ng Bibliya ay pangunahin nang isinulat sa wikang iyon. Hindi ipinasulat ni Jehova ang Salita niya sa iisang wika lang. Maraming wika ang sinasalita ngayon ng halos walong bilyong tao sa mundo. Paano matututo tungkol kay Jehova ang gayon karaming tao?
12. Paano natutupad sa mga huling araw na ito ang Daniel 12:4?
12 Sa pamamagitan ni propeta Daniel, ipinangako ni Jehova na sa panahon ng wakas, “sasagana ang tunay na kaalaman” na nasa Bibliya. At marami ang makakaunawa nito. (Basahin ang Daniel 12:4.) Naging posible iyan dahil sa pagsasalin, paglalathala, at pamamahagi ng Bibliya at mga literatura sa Bibliya. Ang Bibliya ang aklat na may pinakamaraming salin at kopyang naipamahagi sa buong mundo. Kaya lang, kung minsan, napakamahal ng mga salin ng Bibliya na ginawa ng mga komersiyal na palimbagan. Pero isinalin ng bayan ni Jehova ang buong Bibliya, o ang ilang bahagi nito, sa mahigit 240 wika, at puwede kang magkaroon ng kopya nito nang walang bayad. Kaya naman, matututuhan ng mga tao ng lahat ng bansa ang ‘mabuting balita tungkol sa Kaharian’ bago dumating ang wakas. (Mat. 24:14) Dahil mahal na mahal tayo ng ating makatarungang Diyos, gusto niya na bigyan ng pagkakataon ang mas maraming tao na makilala siya. Magagawa nila iyan kung babasahin nila ang kaniyang Salita.
MAKIKITA SA BIBLIYA ANG PAG-IBIG NG DIYOS
13. Bakit natin masasabi na makikita sa Bibliya ang pag-ibig ni Jehova? (Juan 21:25)
13 Sa Bibliya, makikita natin ang pinakamagandang katangian ng Awtor nito—ang pag-ibig. (1 Juan 4:8) Tingnan kung anong mga impormasyon ang isinama ni Jehova sa Bibliya at kung ano ang hindi. Ipinasulat niya kung ano ang mga kailangan nating malaman para magkaroon tayo ng malapít na kaugnayan sa kaniya, masayang buhay ngayon, at buhay na walang hanggan sa hinaharap. Pero dahil mahal tayo ni Jehova, hindi niya tayo binigyan ng pagkarami-raming impormasyon na hindi naman natin kailangan.—Basahin ang Juan 21:25.
14. Paano pa makikita sa Bibliya ang pag-ibig ng Diyos?
14 Ipinapakita ni Jehova na mahal niya tayo sa paraan ng pakikipag-usap niya sa atin; binibigyan niya tayo ng dangal. Sa Bibliya, hindi siya nagbigay ng napakaraming batas na para bang idinidikta kahit ang kaliit-liitang bagay sa buhay natin. Sa halip, hinahayaan niya tayong gamitin ang kakayahan nating mag-isip sa pamamagitan ng mga karanasan, hula, at mga praktikal na payo. Dahil diyan, napapakilos tayo ng Salita ng Diyos na mahalin at sundin siya mula sa puso.
15. (a) Paano makikita ang malasakit ni Jehova sa mga nagbabasa ng kaniyang Salita? (b) Sa larawan, sinong karakter ng Bibliya ang binubulay-bulay ng batang babae, ng kabataang brother, at ng may-edad nang sister? (Gen. 39:1, 10-12; 2 Hari 5:1-3; Luc. 2:25-38)
15 Makikita sa Bibliya na talagang nagmamalasakit sa atin si Jehova. Paano natin nasabi iyan? Makikita sa maraming ulat sa Bibliya ang damdamin ng mga tao. Maiintindihan natin ang mga karakter sa Bibliya dahil sila rin ay “may damdaming tulad ng sa atin.” (Sant. 5:17) Higit sa lahat, kapag pinag-isipan natin kung paano sila pinakitunguhan ni Jehova, mas mauunawaan natin na “si Jehova ay napakamapagmahal at maawain.”—Sant. 5:11.
16. Ano ang matututuhan natin tungkol kay Jehova kapag nabasa natin sa Bibliya ang tungkol sa mga taong nakagawa ng kasalanan? (Isaias 55:7)
16 Makikita sa Bibliya ang isa pang ebidensiya na mahal tayo ni Jehova. Tinitiyak ng Kasulatan na hindi tayo iiwan ng ating Diyos kapag nagkamali tayo. Nagkasala nang paulit-ulit ang mga Israelita kay Jehova. Pero noong taos-puso silang nagsisi, pinatawad sila ng Diyos. (Basahin ang Isaias 55:7.) Alam din ng mga Kristiyano noong unang siglo na mahal sila ng Diyos. Ginamit ng Diyos si apostol Pablo para pasiglahin ang mga kapatid na “patawarin . . . at aliwin” ang isang lalaking namihasa sa paggawa ng malubhang kasalanan pero nagsisi. (2 Cor. 2:6, 7; 1 Cor. 5:1-5) Talagang nakakapagpatibay na hindi itinatakwil ni Jehova ang mga mananamba niya dahil lang sa nagkasala sila! Sa halip, maibigin niya silang tinutulungan, itinutuwid, at hinihimok na manumbalik sa kaniya. Ganiyan din ang ipinapangako niya sa lahat ng nagsisising nagkasala ngayon.—Sant. 4:8-10.
PAHALAGAHAN ANG “MABUTING KALOOB,” ANG SALITA NG DIYOS
17. Bakit kahanga-hangang regalo ang Bibliya?
17 Binigyan tayo ni Jehova ng isang magandang regalo. Bakit kahanga-hanga ang kaniyang Salita? Gaya ng natutuhan natin, makikita sa Bibliya ang karunungan, katarungan, at pag-ibig ng Diyos. Pinapatunayan ng aklat na ito na gusto ni Jehova na makilala natin siya. Gusto niya tayong maging kaibigan.
18. Paano natin maipapakita na pinapahalagahan natin ang “mabuting kaloob” ni Jehova, ang Bibliya?
18 Hindi natin kakalimutan na ang Salita ng Diyos ay isang “mabuting kaloob.” (Sant. 1:17) Kaya patuloy nating ipakita na pinapahalagahan natin ito. Lagi nating basahin at bulay-bulayin ang sagradong aklat na ito. Kung gagawin natin iyan, tiyak na pagpapalain ng dakilang Awtor nito ang mga pagsisikap natin at “matatagpuan [natin] ang kaalaman tungkol sa Diyos.”—Kaw. 2:5.
AWIT 98 Ang Kasulatan—Nagmula sa Diyos
a Tinutulungan tayo ng Bibliya na mapalapít kay Jehova. Ano ang itinuturo sa atin ng sagradong aklat na iyan tungkol sa karunungan, katarungan, at pag-ibig ng Diyos? Tutulong iyan sa atin para lalong pahalagahan ang Salita ng Diyos at para makita na ang Bibliya ay talagang isang regalo ng ating Ama sa langit.