ARALING ARTIKULO 16
“Babangon ang Kapatid Mo”!
“Sinabi ni Jesus [kay Marta]: ‘Babangon ang kapatid mo.’”—JUAN 11:23.
AWIT 151 Tatawag Siya
NILALAMANa
1. Gaano katotoo sa isang bata ang pagkabuhay-muli?
MAY malalang sakit ang batang si Matthew, at maraming beses na siyang naoperahan. Noong pitong taóng gulang siya, nanonood sila ng pamilya niya ng JW Broadcasting®. Nakita nila sa music video na sinasalubong ang mga binuhay-muli.b Pagkatapos nilang manood, hinawakan ni Matthew ang kamay ng mga magulang niya at sinabi: “Hindi ba, Mama, Papa, kahit mamatay po ako, bubuhayin naman ako? Magkakasama-sama po tayo ulit.” Siguradong napakasaya ng mga magulang ni Matthew na totoong-totoo sa kaniya ang pagkabuhay-muli!
2-3. Bakit makakatulong sa atin kung iisipin natin ang pangakong pagkabuhay-muli?
2 Makakatulong sa atin kung iisipin natin ang pangako ng Bibliya na pagkabuhay-muli sa hinaharap. (Juan 5:28, 29) Bakit? Kasi anumang oras, puwede tayong magkaroon ng malubhang sakit o mamatayan ng mahal sa buhay. (Ecles. 9:11; Sant. 4:13, 14) Tutulong ang pag-asang pagkabuhay-muli para makayanan natin ang mga iyon. (1 Tes. 4:13) Tinitiyak sa atin ng Kasulatan na kilalang-kilala tayo ng Ama natin sa langit at na mahal na mahal niya tayo. (Luc. 12:7) Ganoon tayo kakilala ng Diyos na Jehova, kaya kapag binuhay niya tayong muli, maibabalik niya ang mga katangian natin at memorya. At dahil mahal na mahal niya tayo, binigyan niya tayo ng pagkakataon na mabuhay magpakailanman. Kahit mamatay tayo, bubuhayin niya tayong muli!
3 Sa artikulong ito, tatalakayin natin kung bakit tayo makakapagtiwala na magkakatotoo ang pangakong pagkabuhay-muli. Pagkatapos, pag-uusapan natin ang nakakapagpatibay na ulat sa Bibliya kung saan kinuha ang temang teksto natin: “Babangon ang kapatid mo.” (Juan 11:23) Malalaman din natin kung ano ang puwede nating gawin para maging mas totoong-totoo sa atin ang pagkabuhay-muli.
KUNG BAKIT TAYO MAKAKAPAGTIWALA SA PANGAKONG PAGKABUHAY-MULI
4. Bago maniwala sa isang pangako, saan tayo dapat maging kumbinsido? Magbigay ng halimbawa.
4 Bago tayo maniwala sa isang pangako, dapat na kumbinsido tayo na gusto at may kapangyarihan ang nangako, o may kakayahan siya, na tuparin iyon. Halimbawa, isiping nawasak ng bagyo ang bahay mo. Nangako ang kaibigan mo, ‘Tutulungan kitang itayo ulit ang bahay mo.’ Kumbinsido ka na talagang gusto ka niyang tulungan. At kung trabaho niya na magtayo ng bahay at may mga gamit siya, alam mo na kaya niya talagang gawin iyon. Kaya naniwala ka sa pangako niya. Kumusta naman ang pangako ng Diyos na pagkabuhay-muli? Talaga bang gusto niya at may kapangyarihan siyang tuparin iyon?
5-6. Bakit sigurado tayo na gusto ni Jehova na buhaying muli ang mga namatay?
5 Gusto ba ni Jehova na buhaying muli ang mga namatay? Oo naman. Ipinasulat niya sa mga manunulat ng Bibliya ang pangako niyang pagkabuhay-muli. (Isa. 26:19; Os. 13:14; Apoc. 20:11-13) At kapag nangako si Jehova, lagi niyang tinutupad iyon. (Jos. 23:14) Ang totoo, gustong-gusto na niyang buhayin ang mga namatay. Bakit natin nasabi iyan?
6 Isipin ang patriyarkang si Job. Sigurado siya na kahit mamatay siya, mananabik si Jehova na buhayin siyang muli. (Job 14:14, 15) Ganiyan din ang nararamdaman ni Jehova para sa lahat ng lingkod niya na namatay. Gustong-gusto na niyang makita ulit sila na malusog at masaya. Paano naman ang bilyon-bilyong namatay na hindi nagkaroon ng pagkakataon na makilala si Jehova? Gusto rin silang buhayin ng ating mapagmahal na Diyos para bigyan sila ng pagkakataon na maging kaibigan niya at mabuhay magpakailanman sa lupa. (Juan 3:16; Gawa 24:15) Maliwanag, talagang gusto ni Jehova na buhaying muli ang mga namatay.
7-8. Bakit sigurado tayo na may kapangyarihan si Jehova na buhaying muli ang mga namatay?
7 May kapangyarihan ba si Jehova na buhaying muli ang mga namatay? Mayroon! Siya ang “Makapangyarihan-sa-Lahat.” (Apoc. 1:8) Kaya may kakayahan siyang talunin ang lahat ng kaaway, kahit ang kamatayan. (1 Cor. 15:26) Talagang nakakapagpatibay iyan! Tingnan ang halimbawa ni Sister Emma Arnold. Noong Digmaang Pandaigdig II, nakaranas siya at ang pamilya niya ng matitinding pagsubok sa pananampalataya. Para patibayin ang anak niya sa pagkamatay ng mga mahal nila sa buhay sa mga kampong piitan ng Nazi, sinabi niya: “Kung hindi madaraig ang kamatayan, lumalabas na mas malakas pa ito sa Diyos, hindi ba?” Wala nang mas malakas kaysa kay Jehova! Siguradong kaya ng Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat, ang Maylalang, na buhaying muli ang mga namatay.
8 Isa pa, walang limitasyon ang memorya ng Diyos, kaya magagawa niyang buhaying muli ang mga namatay. Tinatawag niya sa pangalan ang bawat bituin. (Isa. 40:26) Hindi rin niya nakakalimutan ang mga namatay na. (Job 14:13; Luc. 20:37, 38) Naaalala niya kahit ang kaliit-liitang detalye sa mga bubuhaying muli, kasama diyan ang hitsura, mga katangian, at ang mga karanasan nila, pati ang nasa memorya nila.
9. Bakit naniniwala ka sa pangako ni Jehova na pagkabuhay-muli?
9 Talagang makakapagtiwala tayo sa pangako ni Jehova na pagkabuhay-muli, kasi alam natin na gusto niya at may kapangyarihan siya na tuparin iyon. Bukod diyan, nagawa na iyan ni Jehova noong panahon ng Bibliya. Binigyan niya ng kapangyarihan ang ilang tapat na lalaki, kasama na si Jesus, para bumuhay-muli ng mga namatay. Pag-usapan natin ngayon ang isa sa mga pagbuhay-muli na ginawa ni Jesus na nakaulat sa Juan kabanata 11.
NAMATAYAN SI JESUS NG MALAPÍT NA KAIBIGAN
10. Ano ang nangyari sa Betania habang nangangaral si Jesus sa kabila ng Jordan, at ano ang ginawa niya? (Juan 11:1-3)
10 Basahin ang Juan 11:1-3. Isipin ang nangyari sa Betania bago matapos ang 32 C.E. May malalapít na kaibigan dito si Jesus—si Lazaro at ang dalawang kapatid nito, sina Maria at Marta. (Luc. 10:38-42) Pero nagkasakit si Lazaro, at alalang-alala ang mga kapatid niya. Ipinasabi nila ito kay Jesus, na nasa kabila ng Jordan—mga dalawang-araw na paglalakad ito mula sa Betania. (Juan 10:40) Nakakalungkot, posibleng namatay si Lazaro sa mismong araw na nalaman ni Jesus ang balita. Kahit na alam ni Jesus na namatay na ang kaibigan niya, nanatili pa rin siya nang dalawang araw sa kinaroroonan niya bago naglakbay papunta sa Betania. Kaya pagdating doon ni Jesus, apat na araw nang patay si Lazaro. Pero may gagawin si Jesus na makakatulong sa mga kaibigan niya at luluwalhati sa Diyos.—Juan 11:4, 6, 11, 17.
11. Ano ang matututuhan natin tungkol sa pagkakaibigan sa ulat na ito?
11 Sa ulat na ito, may matututuhan tayo tungkol sa pagkakaibigan. Nang magpadala ng balita sina Maria at Marta kay Jesus, hindi naman nila sinabi na pumunta siya sa Betania. Ipinasabi lang nila na may sakit ang mahal niyang kaibigan. (Juan 11:3) Nang mamatay si Lazaro, puwede naman siyang buhaying muli ni Jesus kahit nasa malayo pa siya. Pero pumunta pa rin si Jesus sa Betania para sa mga kaibigan niyang sina Maria at Marta. Mayroon ka bang kaibigan na laging nagkukusang tumulong? Siguradong maaasahan mo siya “kapag may problema” ka. (Kaw. 17:17) Maging ganiyan sana tayong kaibigan, gaya ni Jesus! Balikan natin ngayon ang ulat at tingnan ang sumunod na nangyari.
12. Ano ang pangako ni Jesus kay Marta, at bakit siya makakapagtiwala doon? (Juan 11:23-26)
12 Basahin ang Juan 11:23-26. Nang malaman ni Marta na malapit na si Jesus sa Betania, agad niya siyang pinuntahan at sinabi: “Panginoon, kung narito ka lang noon, hindi sana namatay ang kapatid ko.” (Juan 11:21) Totoo, puwede sanang pinagaling na agad ni Jesus si Lazaro. Pero may gustong gawin si Jesus na mas kamangha-mangha. Nangako siya: “Babangon ang kapatid mo.” Binigyan pa niya si Marta ng higit na dahilan para magtiwala sa pangako niya. Sinabi niya: “Ako ang pagkabuhay-muli at ang buhay.” Binigyan siya ng Diyos ng kapangyarihan na bumuhay-muli ng mga patay. Bago iyon, binuhay niyang muli ang isang batang babae na kakamatay lang. (Luc. 8:49-55) Binuhay rin niya ang isang lalaki, lumilitaw na sa mismong araw na namatay ito. (Luc. 7:11-15) Pero magagawa kaya niyang buhaying muli ang isa na apat na araw nang patay at nagsisimula nang mabulok ang katawan?
“LAZARO, LUMABAS KA!”
13. Ayon sa Juan 11:32-35, ano ang epekto kay Jesus nang makita niyang umiiyak si Maria at ang mga kasama nito? (Tingnan din ang larawan.)
13 Basahin ang Juan 11:32-35. Isipin ang sumunod na nangyari. Pumunta rin si Maria, ang isa pang kapatid ni Lazaro, kay Jesus. Inulit niya ang sinabi ni Marta: “Panginoon, kung narito ka lang noon, hindi sana namatay ang kapatid ko.” Sobrang lungkot ni Maria at ng mga kasama niya. Nang makita at marinig ni Jesus na umiiyak sila, sobra din siyang nalungkot. Dahil sa matinding awa sa mga kaibigan niya, naluha siya. Naiintindihan niya kung gaano kasakit mamatayan ng mahal sa buhay, kaya talagang gustong-gusto niyang alisin ang dahilan ng pagluha nila!
14. Sa naging reaksiyon ni Jesus sa pag-iyak ni Maria, ano ang matututuhan natin tungkol kay Jehova?
14 Sa naging reaksiyon ni Jesus sa pag-iyak ni Maria, natutuhan natin na si Jehova ay Diyos na magiliw at mahabagin. Bakit natin nasabi iyan? Gaya ng natutuhan natin sa nakaraang artikulo, perpektong natularan ni Jesus ang pag-iisip at damdamin ng kaniyang Ama. (Juan 12:45) Lumuha si Jesus dahil sa matinding awa sa mga kaibigan niya, kaya alam natin na talagang naaawa rin sa atin si Jehova kapag nakikita niya tayong umiiyak. (Awit 56:8) Hindi ba mas napapalapit tayo kay Jehova dahil diyan?
15. Ayon sa Juan 11:41-44, ano ang ginawa ni Jesus noong pumunta siya sa libingan ni Lazaro? (Tingnan din ang larawan.)
15 Basahin ang Juan 11:41-44. Pagdating ni Jesus sa libingan ni Lazaro, hiniling niya na alisin ang batong nakatakip doon. Pero sinabi ni Marta na malamang na nangangamoy na ang katawan nito. Sumagot si Jesus: “Hindi ba sinabi ko sa iyo na kung maniniwala ka ay makikita mo ang kaluwalhatian ng Diyos?” (Juan 11:39, 40) Pagkatapos, tumingala si Jesus at nanalangin nang malakas. Gusto niyang kay Jehova mapunta ang kapurihan para sa susunod na mangyayari. Pagkatapos, sumigaw si Jesus: “Lazaro, lumabas ka!” At lumabas nga si Lazaro sa libingan! Nagawa ni Jesus ang iniisip ng ilan na imposible.—Tingnan ang study note sa Juan 11:17.
16. Paano pinapatibay ng ulat sa Juan kabanata 11 ang pagtitiwala natin na magkakaroon ng pagkabuhay-muli?
16 Pinapatibay ng ulat sa Juan kabanata 11 ang pagtitiwala natin na talagang magkakaroon ng pagkabuhay-muli. Bakit natin nasabi iyan? Alalahanin ang pangako ni Jesus kay Marta: “Babangon ang kapatid mo.” (Juan 11:23) Gaya ng kaniyang Ama, gusto ni Jesus at may kapangyarihan siyang tuparin ang pangakong iyon. Makikita sa pagluha niya na gustong-gusto niyang alisin ang kamatayan at ang napakasakit na epekto nito sa mga namatayan. At nang lumabas si Lazaro sa libingan, pinatunayan ulit ni Jesus na may kapangyarihan siyang bumuhay ng mga patay. Pag-isipan din ang sinabi ni Jesus kay Marta: “Hindi ba sinabi ko sa iyo na kung maniniwala ka ay makikita mo ang kaluwalhatian ng Diyos?” (Juan 11:40) Kaya talagang may matibay na dahilan tayo para maniwala na magkakatotoo ang pangako ng Diyos na pagkabuhay-muli. Pero ano pa ang dapat nating gawin para maging mas totoo sa atin ang pangakong ito?
KUNG PAANO MAGIGING MAS TOTOO SA ATIN ANG PAGKABUHAY-MULI
17. Ano ang dapat nating tandaan kapag binabasa natin ang mga ulat ng pagkabuhay-muli sa Bibliya?
17 Basahin at pag-isipang mabuti ang mga ulat tungkol sa pagkabuhay-muli. Sa Bibliya, may walong tao na binuhay-muli sa lupa—mga lalaki, babae, at bata.c Pag-aralan mong mabuti ang mga ulat tungkol sa kanila, at tandaan na totoong pangyayari ang mga ito. Alamin ang mga aral dito. Pag-isipan kung paano ipinapakita ng bawat ulat na gusto ng Diyos at may kapangyarihan siya na bumuhay ng mga patay. Pero ang pinakamahalaga na dapat mong pag-aralan ay ang pagkabuhay-muli ni Jesus. Tandaan na napakaraming nakakita sa binuhay-muling si Jesus. Napakatibay na ebidensiya niyan!—1 Cor. 15:3-6, 20-22.
18. Paano ka matutulungan ng mga kanta natin tungkol sa pagkabuhay-muli? (Tingnan din ang talababa.)
18 Pakinggan, kantahin, at pag-isipan ang “espirituwal na mga awit” na bumanggit sa pagkabuhay-muli.d (Efe. 5:19) Tutulong ang mga kantang ito para maging mas totoo sa atin ang pagkabuhay-muli. Pakinggan at praktisin ang mga ito. Sa family worship ninyo, pag-usapan ang ibig sabihin ng lyrics ng mga kanta. Kabisaduhin ang mga iyon at isapuso. Kapag nagkaroon ka ng malubhang sakit o namatayan ng mahal sa buhay, ipapaalala sa iyo ng espiritu ni Jehova ang mga kantang ito para mapatibay ka.
19. Ano ang mga nai-imagine natin na mangyayari sa pagkabuhay-muli? (Tingnan ang kahong “Ano ang Itatanong Mo?”)
19 Gamitin ang imahinasyon. Binigyan tayo ni Jehova ng kakayahan na ma-imagine ang buhay natin sa bagong sanlibutan. Sinabi ng isang sister: “Lagi kong ini-imagine na nandoon na ako sa bagong sanlibutan, kaya parang naaamoy ko na ang mga bulaklak sa Paraiso.” Isipin na makakakuwentuhan mo ang tapat na mga lalaki at babae noong panahon ng Bibliya. Sino ang gusto mong makausap? Ano ang mga itatanong mo sa kaniya? Isipin na makakasama mo na ulit ang mga namatay mong mahal sa buhay. Ano ang mga una mong sasabihin? Gaano kahigpit ang mga yakap mo sa kanila? Siguradong napakasaya mo na makita sila.
20. Ano ang dapat na maging determinasyon natin?
20 Laking pasasalamat natin sa pangako ni Jehova na pagkabuhay-muli! Sigurado tayo na magkakatotoo ito, dahil gusto ni Jehova at may kapangyarihan siyang tuparin ang pangako niya. Maging determinado sana tayong patuloy na patibayin ang pagtitiwala natin sa pag-asang ito. Kung gagawin natin iyan, mas mapapalapit tayo sa Diyos na nangangako sa bawat isa sa atin na bubuhayin niyang muli ang mga namatay nating mahal sa buhay.
AWIT 147 Buhay na Walang Hanggan—Isang Pangako
a Kung namatayan ka na ng mahal sa buhay, siguradong napapatibay ka ng pangakong pagkabuhay-muli. Paano mo ipapaliwanag sa iba kung bakit ka naniniwala dito? At ano ang puwede mong gawin para maging mas totoong-totoo ito sa iyo? Makakatulong sa atin ang artikulong ito.
b Ito ang music video na Ito’y Nalalapit Na sa Nobyembre 2016 ng JW Broadcasting.
c Tingnan ang kahong “Walong Pagkabuhay-Muli na Nakaulat sa Bibliya” sa Bantayan, isyu ng Agosto 1, 2015, p. 4.
d Tingnan ang mga kantang ito sa Umawit Nang Masaya kay Jehova: “Kapag Naging Bago ang Lahat ng Bagay” (Awit 139), “Masdan Mo ang Gantimpala!” (Awit 144), at “Tatawag Siya” (Awit 151). Tingnan din sa jw.org ang mga original song na “Ito’y Nalalapit Na,” “Malapit Na,” at “Narito!”