TALAMBUHAY
Mga Sorpresa at Aral sa Paglilingkod kay Jehova
NOONG bata pa ako, tuwang-tuwa ako kapag nakakakita ako ng lumilipad na eroplano, kasi pangarap kong makapunta sa ibang bansa. Pero parang napakaimposible nito.
Umalis ang mga magulang ko sa Estonia noong Digmaang Pandaigdig II at lumipat sila sa Germany, kung saan ako ipinanganak. Pagkatapos akong ipanganak, naghanda na ulit silang lumipat. Tumira kami sa Canada, malapit sa Ottawa. Napakahirap ng buhay namin doon. Maliit lang ang tirahan namin, at may kasama pa kaming mga manok. Pero dahil doon, araw-araw naman kaming nakakapag-agahan ng itlog.
Isang araw, binasa ng mga Saksi ni Jehova kay Nanay ang Apocalipsis 21:3, 4. Naiyak siya sa tuwa dahil sa nalaman niya. Parehong nag-Bible study sina Nanay at Tatay. At di-nagtagal, sumulong sila at nabautismuhan.
Hirap sa English ang mga magulang ko, pero masigasig pa rin sila sa paglilingkod kay Jehova. Isinasama ako ni Tatay at ang mas bata kong kapatid na si Sylvia sa ministeryo. Ginagawa niya iyon halos tuwing Sabado, kahit magdamag siyang nagtrabaho sa planta na pinagtutunawan ng nickel sa Sudbury, Ontario. Linggo-linggo ring pinag-aaralan ng pamilya namin ang Bantayan. Talagang nagsikap sina Nanay at Tatay para magkaroon ako ng pag-ibig sa Diyos. Kaya noong 1956, nang 10 taong gulang ako, napakilos akong ialay ang sarili ko kay Jehova. Nakatulong sa akin ang pagmamahal nila kay Jehova para patuloy siyang paglingkuran.
Pagka-graduate ko sa high school, medyo nawala ako sa pokus. Iniisip ko noon na kung magpapayunir ako, hindi ako makakapag-ipon para matupad ang pangarap kong makapunta sa iba’t ibang bansa. Kaya naging disc jockey ako sa isang istasyon ng radyo sa amin. Gustong-gusto ko ang trabahong iyon. Dahil nagtatrabaho ako sa gabi, lagi akong hindi nakakadalo sa mga pulong. Nakakasama ko rin ang mga taong walang pag-ibig sa Diyos. Bandang huli, nakonsensiya ako, kaya gumawa ako ng mga pagbabago.
Lumipat ako sa Oshawa, Ontario. Nakilala ko doon si Ray Norman, ang kapatid niyang si Lesli, at ang iba pang payunir. Ang bait nilang lahat sa akin. Nakita ko na napakasaya nila sa pagpapayunir, kaya napaisip ako kung ano ba ang gusto kong gawin sa buhay ko. Pinatibay nila ako na magpayunir din. At ginawa ko iyon noong Setyembre 1966. Nag-e-enjoy na ako sa buhay ko. Pero may mas magaganda pa palang mangyayari.
KUNG SI JEHOVA ANG NAGBIGAY NG ATAS, SUBUKAN NATIN IYON
Noong nag-aaral pa ako, nag-apply ako sa Bethel sa Toronto, Canada. At noong nagpapayunir na ako, tinawag ako para maglingkod sa Bethel nang apat na taon. Pero gustong-gusto ko na noon si Lesli, kaya natakot ako na baka hindi ko na siya ulit makita kung tutuloy ako sa Bethel. Pagkatapos ng marubdob at paulit-ulit na pananalangin kay Jehova, tinanggap ko rin ang atas sa Bethel. Pero malungkot akong nagpaalam kay Lesli.
Sa Bethel, na-assign ako sa laundry. At noong bandang huli, naging secretary ako. Naging special pioneer naman si Lesli sa Gatineau, Quebec. Lagi kong iniisip noon kung kumusta na siya at kung tama ba ang naging desisyon ko. Pero may magandang nangyari. Tinawag din sa Bethel si Ray, ang kapatid ni Lesli, at naging roommate ko siya! Dahil doon, nagkausap ulit kami ni Lesli. At noong Pebrero 27, 1971, ikinasal kami. Iyon ang huling araw ng apat-na-taóng atas ko sa Bethel.
Inatasan kami ni Lesli na maglingkod sa isang kongregasyon sa Quebec na nagsasalita ng wikang French. Pagkalipas ng ilang taon, nagulat ako kasi naatasan akong maging tagapangasiwa ng sirkito sa edad na 28. Pakiramdam ko, napakabata ko pa at kulang ako sa kakayahan. Pero napatibay ako ng Jeremias 1:7, 8. Kaya lang, may problema pa. Ilang beses nang naaksidente sa sasakyan si Lesli, at hirap siyang matulog. Siguradong magiging mahirap para sa amin ang gawaing paglalakbay. Pero sinabi ni Lesli, “Kung si Jehova ang nagbigay sa atin ng atas, dapat subukan natin iyon.” Kaya tinanggap namin ang atas at na-enjoy namin ito sa loob ng 17 taon.
Napaka-busy ko noong tagapangasiwa ako ng sirkito. Madalas, kulang ang panahon ko kay Lesli. May aral ulit akong natutuhan. Isang Lunes ng umaga, may nag-doorbell. Pagbukas ko ng pinto, wala namang tao. Pero may nag-iwan ng basket na may lamang tablecloth, prutas, keso, mga tinapay, wine, mga baso, at isang note. Ang sabi doon, “Mag-picnic kayo ng misis mo.” Ang ganda sana ng panahon para mag-picnic, pero sinabi ko kay Lesli na may ihahanda pa akong mga pahayag. Naintindihan naman niya, pero medyo nalungkot siya. Noong magsisimula na ako sa gagawin ko, nakonsensiya ako. Naisip ko ang Efeso 5:25, 28. Parang ipinapaalala sa akin ni Jehova na dapat kong isipin ang pangangailangan ng asawa ko. Kaya nanalangin ako. Pagkatapos, niyaya ko nang mag-picnic si Lesli, at tuwang-tuwa siya! Pumunta kami sa tabi ng ilog, at doon kami naglatag ng tablecloth. Talagang na-enjoy namin ang araw na iyon! At nakapaghanda pa rin ako ng mga pahayag.
Masaya kami sa gawaing pansirkito. Marami kaming napuntahan, mula British Columbia hanggang Newfoundland. Natupad ang pangarap ko na pumunta sa iba’t ibang lugar. Naisip ko ring mag-apply sa Gilead. Pero para sa akin, espesyal ang mga misyonero. Pakiramdam ko, hindi ako kuwalipikado. At saka takot din akong maipadala kami sa isang bansa sa Africa na may mga sakit at digmaan. Masaya na ako sa Canada.
NAATASAN KAMI SA ESTONIA AT SA IBA PANG BANSA SA BALTIC
Noong 1992, malaya na ulit ang pangangaral sa ilang bansa na dating bahagi ng Soviet Union. Kaya tinanong kami kung gusto naming lumipat sa Estonia bilang mga misyonero. Hindi namin iyon inaasahan. Kaya ipinanalangin namin iyon kay Jehova, at inisip namin ulit, ‘Kung si Jehova ang nagbigay sa atin ng atas, dapat subukan natin iyon.’ Kaya tumuloy kami sa Estonia. Tutal, hindi naman iyon Africa.
Agad naming pinag-aralan ang wikang Estonian. Pagkalipas ng ilang buwan sa Estonia, inatasan kami sa gawaing pansirkito. Dadalawin namin ang mga 46 na kongregasyon at grupo sa tatlong bansa sa Baltic, pati na sa Kaliningrad, Russia. Kaya kailangan din naming pag-aralan ang wikang Latvian, Lithuanian, at Russian. Mahirap iyon, pero napahalagahan ng mga kapatid ang pagsisikap namin, at tinulungan nila kami. Noong 1999, nagkaroon ng tanggapang pansangay sa Estonia. Naatasan akong maging miyembro ng Komite ng Sangay kasama sina Toomas Edur, Lembit Reile, at Tommi Kauko.
Marami kaming nakilalang kapatid na dating ipina-deport sa Siberia. Pinahirapan sila doon sa bilangguan at nahiwalay sila sa pamilya nila. Pero hindi sumama ang loob nila. Nanatili pa rin silang masaya at masigasig sa ministeryo. Nakita namin sa kanila na makakapagtiis kami at puwedeng maging masaya kahit mahirap ang kalagayan.
Sa nakalipas na mga taon, tuloy-tuloy lang kami sa gawain, at bihira lang ang araw na nakakapagpahinga kami. Kaya nakaramdam si Lesli ng sobrang pagkapagod. Hindi namin agad nalaman na sintomas na pala iyon ng fibromyalgia. Inisip na naming umuwi sa Canada. Kaya nang imbitahan kami sa branch school sa Patterson, New York, U.S.A., pakiramdam namin, hindi namin kayang mag-aral. Pero pagkatapos ng marubdob na pananalangin kay Jehova, tinanggap namin ang imbitasyon. At pinagpala niya kami. Habang nag-aaral kami, tumanggap ng medical treatment si Lesli. Bandang huli, nakabalik kami sa normal naming gawain.
PAGLIPAT SA IBANG KONTINENTE
Isang gabi noong 2008, pagbalik namin sa Estonia, tinawagan ako ng world headquarters. Tinanong ako kung gusto naming lumipat sa Congo. Hindi ko iyon inaasahan, at kailangan ko nang sumagot kinabukasan. Hindi ko iyon agad sinabi kay Lesli kasi alam kong hindi siya makakatulog. Pero ako naman ang hindi nakatulog. Ipinanalangin ko kay Jehova ang mga ipinag-aalala ko sa Africa.
Kinabukasan, nang sabihin ko iyon kay Lesli, inisip namin: “Pinapapunta tayo ni Jehova sa Africa. Dapat subukan natin para malaman kung kaya natin at kung mag-e-enjoy tayo.” Kaya pagkalipas ng 16 na taon sa Estonia, pumunta kami sa Kinshasa, Congo. Napakapayapa sa tanggapang pansangay doon, at may maganda itong garden. May isang card na laging dala si Lesli mula nang umalis kami sa Canada. Iyon ang isa sa pinakauna niyang idinispley sa kuwarto namin. Nakalagay doon, “Maging masaya nasaan ka man.” Noong nakilala na namin ang mga kapatid, nagkaroon na ng mga Bible study, at nakita kung gaano kasaya na maging misyonero, mas nag-enjoy kami sa atas namin. Nagkapribilehiyo rin kami na mag-branch visit sa 13 bansa sa Africa. Kaya mas marami kaming nalamang kultura at mas marami kaming nakilala. Nawala na ang mga ipinag-aalala ko sa Africa, at ipinagpasalamat namin kay Jehova na inatasan niya kami dito.
Sa Congo, ipinaghanda kami ng iba’t ibang pagkain, gaya ng mga insekto. Noong una, hindi namin iyon makain. Pero nang makita namin na gustong-gusto iyon ng mga kapatid, sinubukan din namin. Ang sarap pala!
Sa bandang silangan ng bansa, maraming gerilya, o rebelde, na umaatake sa mga nayon at nananakit sa mga babae at bata. Kaya pinuntahan namin ang mga kapatid para patibayin sila at magdala ng mga pangangailangan nila. Mahirap lang ang mga kapatid. Pero napatibay kami kasi totoong-totoo sa kanila ang pagkabuhay-muli, mahal na mahal nila si Jehova, at tapat sila sa organisasyon niya. Nakatulong sa amin ang halimbawa nila para mas tumibay ang pananampalataya namin kay Jehova at ang determinasyon naming paglingkuran siya. May mga kapatid na nawalan ng tirahan at mga pananim. Naipaalala nito sa akin na madaling mawala ang materyal na mga bagay at na ang kaugnayan natin kay Jehova ang pinakamahalaga. Kahit napakahirap ng sitwasyon ng mga kapatid, hindi sila nagrereklamo. Dahil sa halimbawa nila, napalakas kami at mas kaya na naming harapin ang pagkakasakit at iba pang mga problema.
PAGLIPAT SA ASIA
Pinapalipat ulit kami sa ibang lugar. Tinanong kami kung puwede kaming maglingkod sa sangay sa Hong Kong. Pumayag kami kasi lagi naming nakikita ang tulong ni Jehova sa bawat atas namin. Pero hindi namin akalain na titira pala kami sa Asia. Noong 2013, umalis kami sa magandang kontinente ng Africa, at malungkot naming iniwan ang mga kaibigan namin, kahit hindi namin alam kung ano ang mangyayari.
Ibang-iba ang Hong Kong. Napakaraming tao doon na galing sa iba’t ibang lugar. Mahirap ding pag-aralan ang wikang Cantonese. Pero mabait kaming tinanggap ng mga kapatid, at nagustuhan namin ang pagkain doon. Mabilis sumulong ang gawain sa Hong Kong, pero mabilis din ang pagtaas ng halaga ng mga property. Kaya tama talaga ang naging desisyon ng Lupong Tagapamahala na ibenta ang karamihan sa mga property ng sangay. Di-nagtagal, noong 2015, inilipat kami sa South Korea, at dito pa rin kami naglilingkod hanggang ngayon. Kailangan ulit naming pag-aralan ang isang mahirap na wika. Pero napapatibay kami ng mga kapatid kapag sinasabi nilang humuhusay na kami sa pagsasalita ng Korean, kahit ang totoo, hirap pa rin kami sa wikang ito.
MGA NATUTUHAN NAMIN
Hindi laging madali na makipagkaibigan. Pero nakita namin na mas madali naming makikilala ang mga kapatid kung iimbitahan namin sila. Na-realize namin na maraming pagkakapareho ang mga lingkod ni Jehova saan man sila sa mundo nakatira at na dinisenyo niya tayo na maging malapít sa maraming kaibigan.—2 Cor. 6:11.
Nakita namin na kailangan naming tingnan ang iba ayon sa pananaw ni Jehova. Mahalaga rin na hanapin namin ang mga ebidensiya na mahal niya kami at pinapatnubayan. Sa tuwing pinanghihinaan kami ng loob o iniisip namin kung talaga bang gusto kami ng iba, binabasa namin ulit ang nakakapagpatibay na mga card o sulat ng mga kaibigan namin. Sinagot ni Jehova ang mga panalangin namin, kaya sigurado kami na mahal niya kami at na lagi niya kaming bibigyan ng lakas para makapagpatuloy.
Sa nakalipas na mga taon, nakita namin ni Lesli na mahalagang magbigay kami ng panahon sa isa’t isa gaano man kami ka-busy. Nakita rin namin na kailangan lang naming tawanan ang mga pagkakamali namin, lalo na kapag nag-aaral kami ng ibang wika. At gabi-gabi, nag-iisip kami ng isang masayang pangyayari sa araw na iyon na puwede naming ipagpasalamat kay Jehova.
Sa totoo lang, noong una, parang hindi ko kayang maging misyonero o tumira sa ibang bansa. Pero nagawa ko iyon sa tulong ni Jehova, at naging masaya din ako. Iniisip ko ang sinabi ni propeta Jeremias: “Nilinlang mo ako, O Jehova.” (Jer. 20:7) Talagang pinagpala kami ni Jehova. Maraming nangyari sa buhay namin na hindi namin inaasahan. Natupad pati ang pangarap ko na pumunta sa iba’t ibang bansa. Marami kaming napuntahan na hindi ko akalaing mararating ko; nakapag-branch visit kami sa limang kontinente. Nagpapasalamat din ako kay Lesli kasi talagang sinuportahan niya ako sa lahat ng atas namin.
Lagi naming iniisip na ginagawa namin ang lahat ng ito kasi mahal namin si Jehova. Lahat ng pagpapalang mayroon kami ngayon, patikim lang ito ng buhay na walang hanggan sa hinaharap kapag ‘binuksan na ni Jehova ang kamay niya at ibinigay ang inaasam ng bawat bagay na may buhay.’—Awit 145:16.