Kahinahunan—Paano Tayo Nakikinabang Dito?
“Mahiyain talaga ako,” ang sabi ni Sara,a “at wala akong masyadong tiwala sa sarili. Kaya ’di ako komportable sa mga taong may strong personality. Pero narerelaks ako kapag mahinahon at mapagpakumbaba ang kasama ko. Mas nasasabi ko sa kaniya ang nararamdaman ko at mga problema. Ganiyan ang mga best friend ko.”
Makikita sa komento ni Sara na kung mahinahon tayo, gugustuhin ng iba na maging kaibigan tayo. Mapapasaya rin natin si Jehova. Pinapayuhan tayo ng Bibliya: “Magpakita kayo ng . . . kahinahunan.” (Col. 3:12) Ano ba ang kahinahunan? Paano ito ipinakita ni Jesus? At paano tayo magiging mas masaya dahil dito?
ANO ANG KAHINAHUNAN?
Ang kahinahunan ay resulta ng pagiging mapagpayapa. Ang taong mahinahon ay maingat at mabait sa pakikitungo niya sa iba. Nananatili siyang kalmado kahit nakakainis ang sitwasyon.
Ang kahinahunan ay hindi isang kahinaan. Ang salitang Griego para sa “kahinahunan” ay ginamit para ilarawan ang isang mailap na kabayo na kailangang paamuin. Malakas pa rin ang kabayo, pero dahil sa pagsasanay, nakokontrol na ng kabayo ang lakas nito. Sa katulad na paraan, kung mahinahon tayo, makokontrol natin ang mga maling tendensiya at mapapanatili ang mapayapang kaugnayan sa iba.
Baka maisip natin, ‘Hindi talaga ako mahinahon.’ Normal lang sa ngayon ang maging agresibo at mainipin, kaya baka mahirapan tayong maging mahinahon. (Roma 7:19) Kailangan talaga nito ng pagsisikap, pero tutulungan tayo ng banal na espiritu ni Jehova para maging determinado sa paggawa nito. (Gal. 5:22, 23) Bakit ba natin dapat pagsikapang maging mahinahon?
Kung mahinahon tayo, gugustuhin ng iba na maging kaibigan tayo. Gaya ni Sara, gusto rin nating kasama ang mga mahinahon. Halimbawa, si Jesus ay mahinahon at mabait. (2 Cor. 10:1) Kaya kahit hindi siya masyadong kilala ng mga bata, gusto pa rin nilang lumapit sa kaniya.—Mar. 10:13-16.
Kung mahinahon tayo, mapapabuti tayo at ang mga nakakasama natin. Hindi tayo basta-basta naiinis o nagagalit. (Kaw. 16:32) Kaya hindi tayo makakasakit ng iba, lalo na ng mga mahal natin, at hindi tayo makakaranas na makonsensiya. Mapapabuti rin ang mga nakakasama natin kasi kontrolado natin ang ating sarili kaya hindi natin sila masasaktan.
PERPEKTONG HALIMBAWA NG KAHINAHUNAN
Mabigat ang pananagutan ni Jesus at lagi siyang abala, pero mahinahon pa rin siya. Maraming nahihirapan at nabibigatan noong panahon niya, at kailangan nila ng pampatibay. Siguradong napatibay sila nang sabihin ni Jesus: “Lumapit kayo sa akin, . . . dahil ako ay mahinahon at mapagpakumbaba.”—Mat. 11:28, 29.
Paano natin matutularan si Jesus? Dapat nating alamin kung paano siya nakitungo sa mga tao at kung paano niya hinarap ang mahihirap na sitwasyon. Magagawa natin iyan kung pag-aaralan natin ang Salita ng Diyos. Sa gayon, kapag nasusubok ang kahinahunan natin, matutularan natin si Jesus. (1 Ped. 2:21) Tatlong bagay ang nakatulong sa kaniya na maging mahinahon.
Mapagpakumbaba si Jesus. Sinabi ni Jesus na siya ay “mahinahon at mapagpakumbaba.” (Mat. 11:29) Ang dalawang katangiang ito ay magkasamang binabanggit ng Bibliya dahil magkaugnay ang mga ito. (Efe. 4:1-3) Paano?
Kung mapagpakumbaba tayo, hindi tayo madaling masasaktan sa sinasabi ng iba. Ano ba ang reaksiyon ni Jesus nang tawagin siyang “matakaw” at “mahilig uminom ng alak”? Ipinakita niya sa gawa na hindi ito totoo, at mahinahon niyang sinabi na “ang karunungan ay makikita sa gawa.”—Mat. 11:19.
Kung may magsabi ng di-maganda tungkol sa iyong lahi, kasarian, o pinagmulan, sikaping maging mahinahon. Sinabi ni Peter, isang elder sa South Africa: “Kapag nakakainis ang sinasabi ng iba, iniisip ko, ‘Ano kaya ang gagawin ni Jesus kung siya ang nasa sitwasyon ko?’” Sinabi pa niya: “Hindi na ako basta-basta nasasaktan sa sinasabi ng iba.”
Alam ni Jesus ang kahinaan ng tao. Gusto ng mga alagad ni Jesus na gawin ang tama, pero dahil hindi sila perpekto, hindi nila iyon laging nagagawa. Halimbawa, noong gabi bago mamatay si Jesus, hiniling niya kina Pedro, Santiago, at Juan na manatiling gising, pero hindi nila iyon nagawa. Alam ni Jesus na “gusto ng puso, pero mahina ang laman,” kaya hindi siya nainis sa mga apostol.—Mat. 26:40, 41.
Dati, masyadong mapamuna ang sister na si Mandy. Pero ngayon, sinisikap na niyang tularan ang pagiging mahinahon ni Jesus. Sinabi niya, “Lagi kong tinatandaan na hindi perpekto ang lahat ng tao at nagpopokus ako sa magagandang katangian nila, gaya ng ginagawa ni Jehova.” Kung tutularan mo ang pagiging maunawain ni Jesus sa kahinaan ng mga tao, magiging mahinahon ka rin.
Ipinaubaya ni Jesus sa Diyos ang mga bagay-bagay. Noong nasa lupa si Jesus, dumanas siya ng kawalang-katarungan. Hinamak siya, pinahirapan, at hindi pinahalagahan. Sa kabila nito, nanatili pa rin siyang mahinahon kasi “ipinagkatiwala [niya] ang sarili niya sa Diyos na humahatol nang matuwid.” (1 Ped. 2:23) Alam ni Jesus na tutulungan siya ng Ama niya sa langit na makapagtiis. Alam din niyang sa tamang panahon, paparusahan ng Diyos ang mga gumawa ng masama sa kaniya.
Kung magagalit tayo dahil sa di-magandang ginawa sa atin, baka mas lumala lang ang sitwasyon. Kaya ipinapaalala ng Kasulatan: “Ang galit ng tao ay hindi nagbubunga ng katuwiran ng Diyos.” (Sant. 1:20) Hindi tayo perpekto, kaya kahit may dahilan tayo para magalit, maging mahinahon para hindi tayo makagawa ng di-maganda.
Dati, iniisip ni Cathy, isang sister na taga-Germany, ‘Kung hindi mo ipagtatanggol ang sarili mo, walang gagawa no’n para sa ’yo.’ Pero nagbago siya nang matuto siyang magtiwala kay Jehova. “Hindi na ako palaban ngayon,” ang sabi niya. “Mahinahon na ako kasi ipinaubaya ko na kay Jehova ang lahat ng bagay.” Kung nakaranas ka ng kawalang-katarungan, mananatili kang mahinahon kung magtitiwala ka sa Diyos gaya ni Jesus.
“MALIGAYA ANG MGA MAHINAHON”
Sinabi ni Jesus na “maligaya ang mga mahinahon.” (Mat. 5:5) Kaya kung gusto nating maging maligaya, dapat tayong maging mahinahon. Tingnan kung paano makakatulong ang pagiging mahinahon sa sumusunod na mga sitwasyon.
Nakakabawas ng tensiyon sa mag-asawa. “Marami na akong nasabing masasakit na salita sa asawa ko, pero hindi ko naman ’yon sinasadya,” ang sabi ni Robert, isang brother na taga-Australia. “Kaya lang, hindi ko na iyon mababawi. Nalulungkot ako kapag nakikita ko siyang nasasaktan.”
“Lahat tayo ay nagkakamali nang maraming ulit” sa ating pagsasalita, at puwede itong maging problema ng mag-asawa. (Sant. 3:2) Kapag nangyari iyan, makakatulong sa atin ang kahinahunan para maging kalmado at makontrol ang ating dila.—Kaw. 17:27.
Sinikap ni Robert na maging kalmado at magkaroon ng pagpipigil sa sarili. Ang resulta? “Ngayon, kapag hindi kami nagkakasundo ng asawa ko, sinisikap kong makinig na mabuti, magsalita nang mahinahon, at huwag mainis,” ang sabi niya. “Mas maganda na ngayon ang pagsasama naming mag-asawa.”
Nakakatulong para maging maganda ang kaugnayan natin sa iba. Kaunti lang ang kaibigan ng mga taong matampuhin. Pero makakatulong ang kahinahunan para “maingatan ang pagkakaisang dulot ng espiritu.” (Efe. 4:2, 3) Sinabi ni Cathy, na binanggit kanina, “Dahil sa kahinahunan, nae-enjoy ko na ang pakikipagsamahan sa iba, kahit sa mga taong mahirap pakisamahan.”
Nagdudulot ng payapang isip. Ang “karunungan mula sa itaas” ay iniuugnay ng Bibliya sa kahinahunan at kapayapaan. (Sant. 3:13, 17) Ang mahinahong tao ay may “mahinahong puso.” (Kaw. 14:30) Sinabi ni Martin, na matagal nang nagsisikap na maging mahinahon, “Ngayon, hindi ko na laging iginigiit ang gusto ko, kaya mas payapa na ako at mas masaya.”
Totoo, kailangan ng pagsisikap para maging mahinahon. Sinabi ng isang brother, “Paminsan-minsan, kumukulo pa rin ang dugo ko sa sobrang galit.” Pero gusto ni Jehova na maging mahinahon tayo, kaya tutulungan niya tayong magawa ito. (Isa. 41:10; 1 Tim. 6:11) Siya ang ‘tatapos sa ating pagsasanay’ at ‘palalakasin niya tayo.’ (1 Ped. 5:10) At gaya ni apostol Pablo, maipapakita rin natin ang “kahinahunan at kabaitan ng Kristo.”—2 Cor. 10:1.
a Binago ang ilang pangalan.