A3
Kung Paano Naingatan ang Bibliya Hanggang sa Panahon Natin
Ang Awtor at Pinagmulan ng Bibliya ang siya ring Tagapag-ingat nito. Ipinasulat niya ang pananalitang ito:
“Ang salita ng ating Diyos ay mananatili magpakailanman.”—Isaias 40:8.
Totoo iyan, kahit pa walang orihinal na manuskrito ng Hebreo at Aramaikong Kasulatana o Kristiyanong Griegong Kasulatan ang nakaabot sa panahon natin. Pero paano tayo makakatiyak na ang Bibliyang hawak natin ay naglalaman ng orihinal na mensahe mula sa Diyos?
ININGATAN NG MGA TAGAKOPYA ANG SALITA NG DIYOS
Naingatan ang nilalaman ng Hebreong Kasulatan sa tulong ng isang sinaunang kaugalian na Diyos ang nagpasimula. Sinabi ng Diyos na dapat kopyahin ang Kasulatan.b Halimbawa, iniutos ni Jehova sa mga hari ng Israel na gumawa ng sarili nilang kopya ng nasusulat na Kautusan. (Deuteronomio 17:18) Iniatas din ng Diyos sa mga Levita ang pag-iingat sa Kautusan at pagtuturo nito sa mga tao. (Deuteronomio 31:26; Nehemias 8:7) Pagkabalik ng mga Judio mula sa pagkatapon sa Babilonya, nagkaroon ng isang grupo ng mga tagakopya, o mga eskriba (Soperim). (Ezra 7:6, mga talababa) Sa paglipas ng panahon, ang mga eskribang ito ay nakagawa ng maraming kopya ng 39 na aklat ng Hebreong Kasulatan.
Sa paglipas ng mga siglo, maingat na kinopya ng mga eskriba ang mga aklat na ito. Noong Edad Medya, ipinagpatuloy ng isang grupo ng mga eskribang Judio na nakilala bilang mga Masorete ang kaugaliang iyon. Ang pinakamatanda at kumpletong manuskritong Masoretiko ay ang Leningrad Codex, na mula pa noong 1008/1009 C.E. Pero noong kalagitnaan ng ika-20 siglo, natuklasan ang Dead Sea Scrolls, at kasama rito ang mga 220 manuskrito ng Bibliya o mga piraso nito. Ang mga manuskritong iyon ay mas matanda nang mahigit 1,000 taon sa Leningrad Codex. Nang pagkumparahin ang Dead Sea Scrolls at ang Leningrad Codex, napatunayan na kahit may ilang kaibahan sa pananalita ang Dead Sea Scrolls, hindi iyon nakaapekto sa mismong mensahe.
Kumusta naman ang 27 aklat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan? Ang mga aklat na iyon ay isinulat ng ilan sa mga apostol ni Jesu-Kristo at ng iba pang mga unang alagad. Ginaya ng unang mga Kristiyano ang mga eskribang Judio at gumawa rin sila ng mga kopya ng mga aklat na iyon. (Colosas 4:16) Sa kabila ng pagsisikap ng Romanong emperador na si Diocletian at ng iba pa na sirain ang lahat ng Kristiyanong babasahín noon, libo-libong manuskrito at mga bahagi nito ang nakaabot pa rin sa panahon natin.
Isinalin din sa ibang wika ang Kristiyanong mga akda. Ang ilan sa unang mga salin ng Bibliya ay mababasa sa sinaunang mga wikang gaya ng Armenian, Coptic, Ethiopic, Georgian, Latin, at Syriac.
ANG PINAGBATAYAN NG PAGSASALIN SA HEBREO AT GRIEGONG KASULATAN
Hindi pare-pareho ang pananalita ng lahat ng kopya ng sinaunang mga manuskrito ng Bibliya. Kaya paano natin malalaman kung ano talaga ang sinasabi sa orihinal na kopya?
Puwede nating gamiting halimbawa ang isang guro na nag-utos sa 100 estudyante na kopyahin ang isang kabanata ng isang aklat. Kahit pa mawala ang orihinal na kopya ng kabanata, malalaman pa rin ang orihinal na nilalaman nito kung pagkukumparahin ang 100 kopya. Kahit makagawa ng ilang pagkakamali ang bawat estudyante, malayong mangyari na parehong-pareho ang mali nilang lahat. Sa katulad na paraan, kapag pinagkukumpara ng mga iskolar ang libo-libong piraso o kopya ng sinaunang mga aklat ng Bibliya, natutukoy nila kung ano ang mali ng tagakopya at nalalaman ang orihinal na pananalita.
“Hindi kalabisang sabihin na walang ibang sinaunang akda ang naitawid sa atin nang may gayong katumpakan”
Talagang makapagtitiwala tayo na tumpak na naihatid sa atin ang mensahe ng orihinal na kopya ng Bibliya! Sinabi ng iskolar na si William H. Green tungkol sa Hebreong Kasulatan: “Hindi kalabisang sabihin na walang ibang sinaunang akda ang naitawid sa atin nang may gayong katumpakan.” Tungkol naman sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, na tinatawag na Bagong Tipan, isinulat ng iskolar ng Bibliya na si F. F. Bruce: “Mas maraming ebidensiya na nagpapatunay sa Bagong Tipan kaysa sa maraming akda ng sinaunang mga awtor, pero walang nangahas na kumuwestiyon sa pagiging totoo ng mga sinaunang akdang ito.” Sinabi pa niya: “Kung ang Bagong Tipan ay isang koleksiyon ng sekular na mga akda, hindi na kukuwestiyunin pa ang pagiging totoo nito.”
Hebreong Kasulatan: Ang Ingles na Bagong Sanlibutang Salin ng Hebreong Kasulatan (1953-1960) ay ibinatay sa Biblia Hebraica ni Rudolf Kittel. Pagkatapos, may lumabas na mas bagong mga edisyon na batayan sa pagsasalin ng Hebreong Kasulatan, ang Biblia Hebraica Stuttgartensia at Biblia Hebraica Quinta. Makikita rito ang mga bagong natuklasan batay sa Dead Sea Scrolls at iba pang sinaunang manuskrito. Ginamit ng mga akdang ito sa main text ang Leningrad Codex at inilagay sa talababa ang pagkakasabi ng ibang reperensiya, gaya ng Samaritan Pentateuch, Dead Sea Scrolls, Griegong Septuagint, mga Aramaikong Targum, Latin na Vulgate, at Syriac na Peshitta. Ginamit na reperensiya ang Biblia Hebraica Stuttgartensia at Biblia Hebraica Quinta para sa rebisyong ito ng Bagong Sanlibutang Salin.
Griegong Kasulatan: Noong huling bahagi ng ika-19 na siglo, ginamit ng mga iskolar na sina B. F. Westcott at F.J.A. Hort ang available na mga manuskrito ng Bibliya at mga piraso nito para bumuo ng isang master text ng Griegong Kasulatan. Pinagkumpara nila ang mga iyon at kinuha ang mga pananalitang sa tingin nila ay pinakamalapit sa orihinal. Noong kalagitnaan ng ika-20 siglo, ang master text na iyon ang ginamit na batayan ng New World Bible Translation Committee para sa pagsasalin. Ginamit din nila ang iba pang sinaunang mga papiro, na pinaniniwalaang mula pa noong ikalawa at ikatlong siglo C.E. Mula noon, mas marami pang papiro ang naging available. Makikita rin sa mga master text na binuo nina Nestle at Aland at ng United Bible Societies ang mga natuklasan sa bagong mga pag-aaral. Ang ilan sa mga natuklasang iyon ay ginamit sa rebisyong ito.
Batay sa mga master text na iyon, lumilitaw na ang ilang talata sa Kristiyanong Griegong Kasulatan na makikita sa lumang mga salin, gaya ng King James Version, ay idinagdag lang ng mga huling tagakopya at hindi talaga bahagi ng Kasulatang mula sa Diyos. Pero dahil naitatag na ang paraan ng paghahati sa mga talata ng Bibliya noon pang ika-16 na siglo, nagkaroon ng mga numero ng talata na walang laman nang tanggalin sa karamihan ng mga Bibliya ang idinagdag na mga talata. Ang mga ito ay Mateo 17:21; 18:11; 23:14; Marcos 7:16; 9:44, 46; 11:26; 15:28; Lucas 17:36; 23:17; Juan 5:4; Gawa 8:37; 15:34; 24:7; 28:29; at Roma 16:24. Sa rebisyong ito, nilagyan ng study note ang mga talatang ito na walang laman.
Lumilitaw rin na hindi bahagi ng orihinal na mga manuskrito ang mahabang konklusyon para sa Marcos 16 (talata 9-20), ang maikling konklusyon para sa Marcos 16, at ang nilalaman ng Juan 7:53–8:11. Kaya naman hindi mababasa ang mga iyon sa rebisyong ito.c
Binago rin ang ilang pananalita para maiayon sa ideya na pinakamalapit sa orihinal na akda ayon sa karamihan ng mga iskolar. Halimbawa, sa ilang manuskrito, ganito ang mababasa sa Mateo 7:13: “Pumasok kayo sa makipot na pintuang-daan, dahil maluwang ang pintuang-daan at malapad ang daang papunta sa pagkapuksa.” Sa naunang edisyon ng Bagong Sanlibutang Salin, hindi makikita sa teksto ang pariralang “ang pintuang-daan.” Pero dahil sa higit na pagsusuri sa mga manuskrito, natuklasan na nasa orihinal na kopya ang pariralang “ang pintuang-daan.” Kaya isinama na ito sa rebisyong ito. May ilan pang pagbabago na katulad nito. Pero maliliit lang ang mga pagbabago at hindi nakaapekto sa mensahe ng Salita ng Diyos.
a Tutukuyin bilang Hebreong Kasulatan sa seksiyong ito.
b Ang isang dahilan ng pagkopya ay dahil nakasulat sa mga materyales na madaling masira ang orihinal na mga manuskrito ng Kasulatan.
c Para sa higit pang impormasyon kung bakit itinuturing na hindi bahagi ng orihinal na Kasulatan ang mga talatang iyon, tingnan ang mga talababa sa New World Translation of the Holy Scriptures—With References, na inilathala noong 1984.